Sermon: “Killing Sin” (Rom. 8:12-13)

Indwelling Sin vs Indwelling Spirit

Paluwag na nang paluwag ang community quarantine sa bansa natin pero patuloy pa rin ang pagkalat ng coronavirus. Hindi lang sa atin, pati sa ibang bansa rin. Milyon ang maysakit, sa atin ay 27000 plus na ang nagkasakit. Although marami na rin ang nakarecover, pero hundreds of thousands ang pinatay nito, sa atin naman ay mahigit isanlibo na. Hanggang ngayon, wala pa ring nadidiskubreng lunas o vaccine para hindi na tayo tablan ng virus na ‘yan. Parang ‘yan na lang ata ang nakikita nating solusyon. Malaking problema ‘to kaya sineseryoso natin, although merong ibang tao na sige lang, mahawa kung mahawa. Itong sakit na ‘to ay malaking problema at kailangan ng solusyon, kailangang maging maingat tayo. 

Kaya lang, wag nating kalimutan na meron tayong mas malaking problema. Hindi yung sakit na nitong taon lang kumalat, kundi yung sakit na sa simula’t simula pa ay nasa atin na. Hindi yung sakit na may posibilidad tayong mahawa, kundi yung sakit na nasa atin na. Ang tinutukoy ko ay walang iba kundi ang kasalanan. Kung ikaw ay non-Christian, mas malaki ang problema mo. Hindi lang basta may virus ka ng kasalanan, actually patay ka na, as good as dead. Magkatambal ang kasalanan at kamatayan. Kaya nga may binanggit si Pablo tungkol sa kapangyarihan nitong “kasalanan at kamatayan” (Romans 8:2). Kung ikaw ay nasa kasalanan, “those who live according to the flesh,” “those who set their minds on the flesh” (8:5), kamatayan ang kasakuluyang kalagayan at kahahantungan mo (8:6). Wala ka sa isang hospital ward o ICU. Nasa morgue ka na.

Pero kung ikaw ay nakay Cristo na siyang ipinadala ng Diyos para mamatay at mahatulan as our substitute (8:3), ibig sabihin ay inilagak mo na ang tiwala mo kay Cristo para iligtas ka mula sa kasalanan at kamatayan, wala ka na sa parusang kamatayan, “now no condemnation for those who are in Christ Jesus” (8:1). Pinalaya ka na mula sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan (8:2). Hinango ka na mula sa morgue at hiningahan ng Espiritu, at meron nang bagong buhay. Merong ka nang “buhay at kapayapaan” (8:6). Meron ka nang buhay at namumuhay ayon sa hangarin ng Espiritu (8:5).   

Ang sarap na pakinggan ang mga katotohanang ‘yan tungkol sa kalagayan o status o position natin bilang mga Cristiano. Pero hindi naive si Pablo, hindi siya namumuhay sa isang pantasya lang at inaanyayahan tayong samahan siya sa kanyang pantasya. Bagamat totoo ang mga ito, alam ni Pablo na meron pa rin tayong problemang kinakaharap araw-araw, kahit na sinolusyunan na ng Diyos ang pinakamalaking problema natin sa relasyon sa kanya. Nakakapit pa rin sa puso natin ang virus ng kasalanan. Oo nga’t naninirahan na ang Espiritu sa atin, “the Spirit of God dwells in you” (8:9, 11), at hindi ‘yan aalis hanggang sa dulo ng buhay natin tulad ng napag-aralan natin nung nakaraan. Pero meron ding kasalanan, the flesh, ang nakatira pa rin sa katawan natin. Ito yung sinabi ni Paul sa previous chapter na “sin that dwells within me…sin that dwells within me…sin that dwells in my members” (7:17, 20, 23). Gusto nating sundin ang kalooban ng Diyos, gusto nating gawin ang hangarin ng Espiritu, pero dahil sa kasalanang nasa atin pa, sinusunod pa rin natin ang makasariling hangarin natin. Merong away, merong laban, merong digmaan, “waging war” (7:23) inside of us. Flesh vs Spirit, magkalaban, hindi magkakampi, hindi kailanman magkakasundo kahit nasa isang tirahan, “these are opposed to each other” (Gal. 5:17). Ito rin yung tinutukoy ni Pedro na “passions of the flesh, which wage war against your soul” (1 Pet. 2:11).

Kung nagkakaisa ang buong bansa sa pakikipaglaban sa isang invisible enemy, ang coronavirus, ganun din dapat na nagkakaisa tayo bilang isang iglesiya sa pakikipaglaban sa isa ring invisible at mas delikadong kalaban, ang kasalanang natitira pa at nakatira pa sa atin. At marahil ay nararamdaman n’yo ngayon ‘yan habang mas lalong tumatagal ang community quarantine at absence ng mga gatherings natin as a church. Noong unang buwan parang medyo okay-okay pa. Mas maraming time sa Bible reading, prayer and family worship. Mas naeenjoy ang communion with God. Pero habang tumatagal, heto na nama’t nararamdaman n’yo siguro yung lust o kahalayan dahil sa maraming time mag-isa, feeling boring, lonely, stressed kaya nahuhumaling ulit sa panonood ng porn o paggugol ng maraming oras na sinasayang sa social media at worldly entertainment. O maybe, ang ilan sa inyo ay nag-struggle ulit sa galit, sa unforgiveness, dahil sa dami n’yo ng time na mag-asawa o magkakapatid na magkakasama sa bahay. O kaya naman ay yung pride o feeling na you are better than other people, o mas morally superior kaysa sa mga nababalitaan mong mga kapalpakan ng mga personalities sa government. O baka katamaran, o baka katakawan, o baka kawalan ng pakialam o apathy sa mga kaguluhang nangyayari sa paligid.

Anuman yun, hindi natin pwedeng sabihing napagtagumpayan na natin ang lahat ng kasalanan. Evidence ‘yan ng natitira pang pride and self-righteousness sa heart natin. Sabi ni Pablo na wag mong isiping matatag ang pagkakatayo mo at baka mabuwal ka (1 Cor. 10:12). Hindi mo pwedeng sabihing tapos na ang laban. Hindi pa nagto-throw ng towel ang kalaban, hindi pa nagwe-wave ng white flag, hindi pa ‘yan sumusuko. Totoong justified na tayo, yung hatol sa atin ng Diyos na “not guilty” at “righteous in Christ” ay nasa atin na. No more condemnation, yes. Pero yung sanctification, progressive ‘yan, nagpapatuloy, hindi pa tapos. Hangga’t may natitira pang kasalanan sa atin. Masasabi mo bang wala ka nang kasalanan? Hangga’t meron pang bahagi ng puso at karakter natin na di pa lubusang katulad ni Cristo. Masasabi mo bang you are now 100% like Christ?

Pastoral Concern for Sanctification

So, kailangan merong tayong “wartime mentality” (John Piper’s term). Ang daling mag-relax ngayon at nakakalimutan nating merong giyera. So, ang prayer ko ay magsilbing panggising sa inyo ang tekstong pag-aaralan natin ngayon. At para naman sa iba sa inyo na damang-dama ninyo ang giyera sa puso ninyo, at pagod na pagod na kayo at parang susuko na kasi bumagsak kayo sa tukso, nasubsob sa laki ng kasalanang nagawa n’yo, at feeling mo talunan ka na, loser, defeated ng kasalanan, may this serve as good words of encouragement sa ‘yo para bumangon ulit at magpatuloy na lumaban. 

Two verses lang, Romans 8:12-13, pero ayon kay Martyn Lloyd Jones ito ang pinakaimportanteng mga talata tungkol sa sanctification sa buhay Cristiano. Actually, four sermons ang inilaan niya para diyan! In a way, itong two verses na ‘to ay nagsisilbing major turning point sa Romans 8. 

Bago natin basahin yun, pansinin mo muna kung paano niya pinasimulan yung v. 12, “So then, brothers…” (Ginamit na rin niya itong affectionate address na ‘to sa 1:13; 7:1, 4.) Tinawag niya ang mga Christians sa Rome na mga kapatid sa Panginoon bagamat hindi pa niya sila nakikita. Hindi naman din siya ang pastor nila at hindi rin siya ang nagplant ng church dun. Pero naging malapit na sila sa puso niya dahil kapatid sila sa Panginoon. Concern si Pablo hindi lang para maturuan sila ng mga dapat nilang malaman, kundi para magabayan sila kung paano dapat mamuhay. Paalala ito sa atin na kung babasahin natin ang book of Romans hindi lang ito basta isang “theological masterpiece” kundi isang “pastoral/missionary letter.” Hindi lang puro doktrina, napakapraktikal din, lalo na pagdating sa chapter 12. And doctrine is practical and relevant sa buhay Cristiano.  

Up to this point sa pag-aaral natin, mapapansin n’yong ang ginagawa lang ni Pablo ay nagbibigay siya ng description ng buhay Cristiano, kung ano ang kalagayan o status natin kay Cristo. Pero dito ngayon, meron nang practical application. Although wala naman din siyang sinabing diretsang utos na dapat nating gawin, pero kung papakinggan mo kung gaano kaseryoso yung tono ng pananalita niya dito–kapag ganito ang ginawa mo, ganito ang mangyayari, at kung hindi ay ganito naman, yung actions natin na may consequences–mauudyukan tayong gawin at seryosohin kung ano ang duty o responsibility natin bilang mga Cristiano as justified sinners. Yes, merong dapat gawin. Konektado ang duty sa doctrine. Konektado ang application sa theology. Konektado ang mga dapat nating gawin sa natapos nang ginawa ni Cristo para sa atin. Konektado ang sanctification sa justification. Hindi pwedeng paghiwalayin. 

The necessity of holiness, therefore, is absolute. No matter what professions we may make, or what hopes we may indulge, justification, or the manifestation of divine favour, is never separated from sanctification.

Charles Hodge (Commentary on Romans, p. 264).

Kaya bungad ni Pablo, “So then…” Literally, sa Tagalog, “Kaya nga, dahil dito…” Redundant. For emphasis. Na itong conclusion ng mga sinabi niya sa vv. 1-11 ay hindi optional but absolutely necessary. Kung paanong masaya ang puso natin sa pakikinig ng mga assurances na meron tayo because of the work of the Father, the Son and the Spirit, ganun din dapat ang damdamin natin kapag pinapaalala sa atin ang mga obligasyon natin sa buhay Cristiano.

Pakinggan mo ang salita ng Diyos para sa atin ngayon: “So then, brothers (and sisters), we are debtors (or, under obligation, obligated), not to the flesh, to live according to the flesh. For if you live according to the flesh you will die, but if by the Spirit you put to death the deeds of the body, you will live.” “Kaya nga, mga kapatid, wala tayong pananagutan sa makasalanang pagkatao natin para mamuhay ayon sa makasalanang pagkatao. Dahil kung patuloy kayong namumuhay ayon sa makasalanang pagkatao, tuluyan kayong mamamatay. Pero kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga makasalanang gawa ng katawan, mabubuhay kayo.”

Christian Duty

Pinapaalala dito ni Pablo na oo nga’t pinalaya na tayo mula sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan, the law of sin and death (v. 2), nananatiling meron tayong obligasyon o pananagutan. Pero merong malaking pagbabago. Sabi niya, “We are debtors…” Yung salitang ito (Gk. opheiletes) literally ay tumutukoy sa isang tao na may pinagkakautangang pera sa iba. Pero bilang pagsasalarawan o metaphor, it means “to be under obligation to do something for someone” (Thayer’s). Kaya salin sa MBB ay “may pananagutan” (sa ASD ay lost in translation, “dapat”). Ginamit na ito ni Paul sa Rom. 1:14 para sabihin sa kanila yung nararamdaman niya na meron siyang dapat gawin, “I am under obligation…”, para i-preach ang gospel sa lahat ng uri ng tao. 

Dito naman, nasaan daw ang pananagutan natin? “…not to the flesh…” Wala na sa makasalanang pagkatao natin, our old sinful nature. Ito nga ang dahilan kung bakit di tayo makasunod sa utos ng Diyos (8:3). Ito nga ang umalipin sa atin, nagmalupit sa atin at sumira ng relasyon natin sa Diyos. Pinalaya na nga tayo. Hinatulan na nga ng Diyos ang kasalanan through the death of Jesus on the cross. Wala ka nang pananagutan na bigyang kasiyahan o pagbigyan man lang ang kasalanan sa puso mo. Imagine na ‘yan ang dati mong amo. Binubugbog ka. Ginagahasa ka. Minumura ka. Sinasakal ka. At halos patayin ka na. Tinitiis mo naman kasi kailangan mong may makain para mabuhay at makuha ang sweldo para ipadala sa pamilya mo. Pero isang araw, pinalaya ka na. Meron ka pa bang mararamdamang pananagutan sa dati mong amo at iisiping kailangan mo siyang balikan, kumustahin, ipagluto, pagsilbihan at bigyang kasiyahan? No! No! No!

Meron ka nang bagong buhay, bagong layunin sa buhay. Not “to live according to the flesh.” Kung bago na ang amo mo, bago na rin ang paglilingkuran mo. You are no longer in the flesh. In Christ ka na. In the Spirit ka na. Para ka na sa Diyos. So, positively, hindi man ito sinabi ni Pablo, ito rin ang gusto niyang tukuyin: ang pananagutan natin ay nasa Diyos na, para mamuhay tayo to please God, to serve Christ our new Master, para sundin ang hangarin at naisin ng Espiritung nasa atin. Pinalaya ka na, so live as people who are free. Not free to sin, but free to please your God and Savior.

Malinaw na bilang mga Cristiano, meron pa rin tayong duty at responsibility kung paano mamuhay sa paraang nagpapakita ng realidad at ganda ng buhay na tumanggap ng kaligtasan mula sa Diyos. Pero kapag duty ang pag-uusapan, yung ibang Christians nagiging allergic. Legalism na agad ang nasa isip – yung pagsunod sa kautusan para maging acceptable sa Panginoon. Para eka tayong mga Pariseo kung ganyan! We are saved by grace alone through faith alone! Tama naman. Pero wag nating isiping kapag gospel-centered, wala nang puwang ang “law” sa buhay natin. Ito naman ang error sa kabilang banda ng antinomianism (o anti-law).

Pinalaya na tayo sa parusang dulot ng pagsuway sa kautusan, hindi sa obligasyon nating sumunod sa utos ng Diyos. Ang obligasyon natin bilang mga Cristiano ay hindi anti-grace. There is no such thing as “duty-free” Christian. Iba nga lang ang motivation and source of power kumpara sa mga legalists. Ginagawa natin ang obligasyon natin hindi para mabago ang hatol o pagtingin sa atin ng Diyos. Hindi para ibaling ang puso niya para sa atin. Ginagawa natin ang mga ito dahil wala nang kahatulan sa sinumang nakay Cristo, dahil pinalaya na tayo, dahil ang puso ng Diyos sa atin ay nakabaling na at hindi na magbabago ang kanyang pagtanggap at pagmamahal sa atin dahil kay Cristo.

Living in Sin Leads to Death

At kung iisipin mong dahil diyan–because of the gospel, because of our secured justified status in Christ–ay pwede mo nang gawin ang lahat ng gusto mong gawin at magpatuloy sa kasalanan tulad ng isipan ng mga antinomians, delikado ‘yan, kapatid. Pakinggan mo ang warning ni Pablo. At ito ang dahilang binanggit niya sa v. 13, bungad niya, “For…” Ito ang magiging resulta, nakakatakot na bunga kung ikaw ay mamumuhay na ang sinusunod (at nasisiyahan ka pa!) ay ang mga makasalanang hangarin mo. “For if you live according to the flesh, you will die.” Kung magpapatuloy ka sa ganitong klaseng buhay, sabi ni Pablo, tuluyan kang mamamatay. 

Anong ibig niyang sabihin dun sa conditional na “if you live according to the flesh”? Hindi niya sinasabi na kung may kasalanan ka pa rin hanggang ngayon. Lahat naman tayo may kasalanan pa rin. He’s not advocating for sinless perfection sa buhay natin ngayon, tulad ng itinuturo ng iba. Nagkakasala pa rin tayo and in some cases meron pa ring habitual sins, at yung iba ay nahulog sa malaking pagkakasala. Naniniwala tayong ang dugo ni Cristo ay sapat, more than sufficient to cover and pay for all our sins. Hindi lang yung kasalanang ginawa natin bago tayo maging Cristiano. Pati rin ang mga kasalanang nagagawa pa rin natin ngayon. Paul wants us to have assurance in that.

Pero may warning siya, and this is a serious warning, para sa mga tao na sinasabing Cristiano sila – that may include some “Christians” in Rome (if you…”) – at inaakalang ligtas sila, pero ang isip at puso at pamumuhay ay walang nagbago, walang pinagkaiba sa mga non-Christians. Patuloy na nasisiyahan sa buhay nila na nagtatampisaw sa putikan ng kasalanan, naglalaro ng apoy, at sa pag-practice nila ng Christian religion ay nagpapakita ng patuloy na pagtitiwala sa sariling gawa. Ni walang ebidensiya ng pagbabago. Kung meron man, panlabas lang, pakitang tao lang. Walang senyales na lumalaban sa kasalanan. Hindi na nababagabag sa mga kasalanang scandalous – sa sarili man nila o sa ibang tao. Kung ganito ka, ganito ang kalagayan mo ngayon, this warning is for you.

“You will die.” Hindi ito yung pabirong sinasabi natin na, “hala, lagot ka, patay ka.” This is far more serious. Mas seryoso pa kesa sa coronavirus. Kung natatakot kang lumabas at baka mahawa ka’t magkasakit, o in some cases ay mamatay, mas dapat mo itong katakutan. Kung ang Covid-19 ay may death rate na 2-5%, mataas na kung 10% sa ibang bansa, ang pagpapatuloy sa kasalanan ay may death rate na 100%. Don’t take chances with sin. Hindi ito laro. Hindi ito sugal na pwede kang manalo o matalo. This is a lose-lose situation. Walang panalo sa kasalanan. Lugi ka. Patay ka. “You are about to die; death to you is inevitable” (Hodge, 264). Hindi lang pisikal na kamatayan ang tinutukoy dito kasi lahat naman tayo mamatay eventually. Ito rin yung tinutukoy niya na “to set the mind on the flesh is death” sa v. 6. Pagkakahiwalay sa Diyos. Walang hanggang parusa ng Diyos sa impiyerno. At kung alam mo lang kung gaano kahirap at kasakit ‘yan, you will take Paul’s warning far more seriously.

Kasing-seryoso ‘yan ng sinasabi ni Cristo tungkol sa wartime mentality na dapat meron tayo sa paglaban sa kasalanan, dahil kung hindi? Wag mong sabihing di ka naman pumapatay ng tao, pero kung galit sa puso mo ang kumokontrol sa buhay mo,

“Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno.”  

Mat. 5:22 MBB

Wag mong sabihing hanggang tingin ka lang naman at no big deal ‘yan. Really?

“Ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”

vv. 28-30

Seryoso ang tono ang Panginoong Jesus sa sermon niya. Seryoso si Pablo saRomans 8:13 sa warning niya. Isang verse lang, pero ito ang basehan ng isinulat na libro ni John Owen (17th century Puritan), On the Mortification of Sin in Believers. At karamihan sa mga sasabihin ko ngayon ay mula sa kanya. Sabi niya, “Sin not only troubles us, but if left alone, it produces soul-destroying sins.” We don’t think this way lalo na kung “maliit” pa lang naman ang kasalanan. Mahalay na tingin lang, wala namang physical act ng adultery or rape. Galit pa lang naman, di pa naman pumatay. Konting kupit lang naman, hindi naman plunder. Ang malaking sunog ay nagsisimula sa maliit na apoy. Sabi pa niya:

Sin always aims at the extreme. If it had its way, every time it rises up to tempt or entice, it would go out to the most extreme sin of that kind. If it could, every unclean thought or glance would become adultery. Every covetous desire would become oppression. If it were allowed its own reign, every thought of unbelief would become atheism. Men may reach a point, where sin is so unrestrained, that it no longer stings their conscience. The most outrageous sin no longer seems scandalous. If every impulse of lust were satisfied, it would reach the height of villainy. Sin is like the grave that is never satisfied.

Bakit ka magpapatuloy sa kasalanan, kahit maliit na kasalanan pa lang, kung alam mong magbubunga ito ng mas malaki at mas marami pa, at ang kahahantungan mo sa dulo ay walang hanggang kapahamakan?

Killing Sin Leads to Life

Merong alternative na binabanggit dito si Pablo. Kaya sabi niya sumunod, “But…” Kung ang pagpapatuloy sa kasalanan ay mauuwi sa walang hanggang kamatayan, ang pagpapatuloy sa paglaban at pagpatay sa kasalanan ay mauuwi sa walang hanggang buhay. Notice the irony of what Paul was saying. Yung akala nating way to life, yun pala ang death. Yung para ka mabuhay, merong kailangang patayin. Hindi ibig sabihin nito na hindi pa sapat ang kamatayan ni Jesus to give us eternal life. That will be a denial of the gospel of grace. Hindi ibig sabihin na sa gawa natin nakasalalay ang kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ipinapakita dito ni Pablo na yung gospel of grace na yun ay may transforming power para labanan ang kasalanan at tulungan tayong masanay na mamuhay sa kabanalan. Ang patuloy na pakikidigma natin sa kasalanan ay kasama sa paraan at instrumento ng Diyos para sa atin na mga naligtas na. Kung walang ganitong pakikipaglaban, peke at pakitang tao lang ang sinasabi mong Cristiano ka at ligtas ka na.

Pero kung totoong Cristiano ka, bahagi ng kaligtasang tinanggap natin yung sanctification. And in just a few words, ipinakita sa atin ni Pablo what sanctification looks like. “If by the Spirit you put to death the deeds of the body…” Ano yung “deeds of the body” na kailangang patayin? Yung katawan (Gk. soma) ay tumutukoy sa pisikal na katawan natin, at hindi yung “flesh” (Gk. sarx) na karaniwang tumutukoy sa sinful nature natin. At yung “deeds of the body” ay hindi tumutukoy sa lahat ng ginagawa ng katawan natin. Kasi ang intention ng Diyos for our body is to glorify him (1 Cor. 6:20), at magamit as instruments of righteousness (Rom. 6:13). So yung specific na tinutukoy dito ni Pablo ay yung mga gawa natin na ginagamit nating instrument of unrighteousness yung katawan natin – mata, bibig, kamay, paa, tenga – sa pananakit sa ibang tao o paggawa ng mga makasariling hangarin natin. At hindi lang habits or behaviors ang tinutukoy dito ni Pablo na para bang concern lang siya for us to have good behavior. Madali namang ipakita na banal ka sa ibang tao. Pero hindi mo mapapatay ang kasalanan kung panlabas na manifestations or expressions lang nito ang puputulin mo. We go to the root, our sinful desires. Sabi ni John Owen, “The outward deeds are only expressions of our inner self. Primarily, the intent is to have us deal with the inward cause of those deeds.” That is why we need the Spirit. The war is not mainly physical – though it involves the physical. But mainly spiritual. Primarily internal, not merely external.

So, what does it mean “to put to death the deeds of the body”? Paano mo masasabing pinapatay mo ang kasalanan? Not merely to change habits. Not merely to add spiritual or religious activities like Bible reading, praying, going to church, or ministry activities. Ibig sabihin, tagpasin ang ulo, hukayin at tanggalin ang ugat. Hangga’t wala nang buhay, wala nang kapangyarihan, wala nang impluwensiya sa atin ang kasalanan. “This is a metaphor, taken from putting any living thing to death. To kill a man or other living thing, means to take away all his strength, vigor, and power, so that he cannot act or exert on his own” (Owen). 

Ibig sabihin, bagamat patay na tayo sa kasalanan, may buhay pa rin ang kasalanang nasa atin. Hindi ‘yan lying dead inside of us. Buhay na buhay pa. Sumisipa pa. Lumalaban pa. Pinalaya na tayo, pinatawad na sa parusa ng kasalanan (8:1). Pero ang kapangyarihan ng kasalanan sa buhay natin nandyan pa. So, don’t underestimate the power of indwelling sin. In justification – we are rescued from the penalty of sin. In sanctification – we are being rescued from the power of sin. Past tense ang justification. Present tense ang sanctification. Hindi instantaneous. Hindi posible ang sinless perfection sa buhay natin ngayon. Sometimes merong major breakthroughs, yes. Pero hangga’t humihinga pa tayo, meron pang natitirang kasalanan sa atin.

So, kailan matatapos ang laban natin sa kasalanan? How long, O Lord? we cry! “Wretched man that I am! Who will deliver me from this body of death?” (7:24). “The destruction of sin is a slow and painful process” (Hodge, 264). Kapag sinabing “put to death,” present tense ‘yan, continous, daily battle. Hindi yan parang isang monster na nasa harap mo kapag pinugutan mo ng ulo patay na. Hindi lang patayin ang kasalanan, kundi magpatuloy sa pagpatay sa kasalanan. Paggising sa umaga, simula na ng laban. Hanggang sa pagtulog sa gabi. Sa simula ng buhay Cristiano hanggang sa huling hininga natin ang laban. Non-stop. Don’t expect at any point of your Christian life na pwede mo nang masabi na tapos na ang laban. Be watchful. Be on guard. Don’t be caught of guard by the enemy (1 Pet. 5:8; Gen. 4:7).

Who is responsible sa pagpatay sa kasalanan? “If you put to death…” Kasalanan mo ang pinag-uusapan. Hindi kasalanan ng asawa mo, kapitbahay mo, kasama mo sa church, ng rapist na nabalitaan mo, ng presidente ng Pilipinas. Basura mo, linis mo. Kasalanan mo, patayin mo. Hindi ang asawa mo ang papatay niyang kahalayan mo para sa ‘yo. Hindi ang pastor mo ang papatay ng addiction mo. Hindi ang presidente ang solusyon sa problemang nasa puso mo. This is personal. 

At yung “you” na yun ay ikaw na Cristiano. Hindi yung mga non-Christians. “This duty is prescribed to you. Imposing this duty on anyone other than a Christian is characteristic of the self-righteousness that the world is full of, the great labor of devout men who are ignorant of the gospel” (John Owen). You Christian. Kung non-Christian ang papatay sa kasalanan? Imposible! They cannot submit to God’s law. Wala silang kapasidad to please God (8:7-8). 

You Christian. Meaning, all Christians. Not just those who are obviously struggling. Even the most mature among us ay may responsibilidad na patayin ang sarili niyang kasalanan. “The best believers, who are certainly freed from the condemning power of sin, still need to make it their business to mortify (to kill) the indwelling power of sin in their life…Sin has such an effect on the best of believers that, as long as they live in this world, the constant daily mortification (old English for “killing”) of sin remains their obligation” (Owen).

Do you mortify sin in your life? Do you make it your daily work? Always be at this work while you live! Do not miss a day from it. You need to be killing sin, or it will be killing you. Being virtually dead with Christ, being made alive in him, will not excuse you from this work…Now, having a duty to mortify, to kill sin while it is in us, we need to get to work. If someone is appointed to kill an enemy, and he ceases striking before the other ceases living, he does only half his work…When sin lets us alone, we may let sin alone. But sin is never less quiet than when it seems most quiet. Its waters are deepest when they are still. So we need to vigorously root out sin at all times and in all conditions, even where we least suspect it.

John Owen

Tayo ang may tungkulin sa pagpatay sa kasalanan. Not God. God will not kill your sin for you. You have to do it. HIndi ito yung spirituality na “let go and let God.” Ikaw ang magsasabi ng No sa kasinungalingan ng kasalanan at Yes sa mga pangako ng Diyos kay Cristo. Ikaw ang papatay sa kasalanan mo, pero hindi ibig sabihing you have to do it alone. Hindi ang Diyos ang gagawa ng assigment mo. Pero bibigyan ka niya – at binigyan na niya tayo – ng lahat ng resources na kailangan natin in this war (2 Pet 1:3). We have great power, we have great responsibility, sabi ng uncle ni Spiderman. Meron tayong great responsibility, titiyakin ng Diyos na we have great power to accomplish that humanly impossible task of killing that monster inside of us.  

Paano natin ngayon mapapatay ang kasalanan? “If by the Spirit you put to death…” Meaning? Parang hindi yan practical o concrete. Mas madali pa yung mga usong advice ngayon na how-tos. Pero sinasabi ni Pablo na ito ang paraan, by the Spirit. This is the only way. Not penance, not by covering your sin with religious activities. Not merely “read your Bible, pray everyday” – though the Spirit uses that as means. Not 10 steps that we should perform. Yes, we are responsible. At may mga dapat tayong gawin. But this is not merely external. Tulad ng problema sa porn. Putulin mo ang Internet at itapon ang gadget, tapos na. Pero yung kahalayan sa puso at isip nandun pa rin. Malaki ang problema natin sa kasalanan, kailangan ng malaking solusyon. Powerful ang kasalanan na nasa atin, kailangan natin ng mas powerful na nasa atin din. Buti na lang.

All other ways of mortifying sin are useless; all other helps leave us helpless. It must be done by the Spirit…Mortification using our own strength, or carried on by ways that we invent, to make ourselves righteous in our own eyes, is the core of every false religion in the world.

John Owen

Paano natin gagawin yun? How do we kill sin by the Spirit? Mukhang isang sermon pa ang kailangan para matalakay natin ‘yan nang mas mabuti. But for now, kailangang alalahanin natin kung ano ang ginawa na ng Diyos para sa atin through the Holy Spirit. 

  1. Kill your sin by remembering past grace. Sa pamamagitan ng gawa ni Cristo sa krus, pinalaya ka na ng kapangyarihan ng Espiritu sa kapangyarihan ng kasalanan (8:2). Preach the gospel to yourself everyday.
  2. Kill your sin with the means of present grace. We walk according to the Spirit (8:4). We set our minds on the things of the Spirit (8:5).You are in the Spirit (8:9). The Spirit dwells in you (8:9, 11). We are led by the Spirit (8:14). Practically, that is why spiritual (or “Spirit-ual”) disciplines are crucial. Like Bible reading and listening to expositional preaching, paraan ng Espiritu para ipaalala sa atin ang katotohanan dahil ang puso natin ay paniwalang-paniwala sa mga kasinungalingan at scam ng kasalanan. That is why we give ourselves to prayer. Humihiling tayo sa Holy Spirit na tulungan tayo. That is why Christian fellowship is crucial. Nakikipag-isa tayo sa mga kapatid natin kay Cristo sa church, the temple of the Spirit corporately (1 Cor. 3:16). That is why we long to gather again with God’s people.
  3. Kill your sin by faith in future grace. Ang Espiritu na nasa atin ang magbibigay ng buhay sa atin at balang araw ay tatapos na sa kasalanang natitira pa sa atin (Rom. 8:11). That is why merong promise na result na kaakibat ng kundisyong pagpatay sa kasalanan. “If by the Spirit you put to death the deeds of the body, you will live” (v. 13). Tinatanaw natin na ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa atin in the future ay higit na mas mainam kesa sa temporal and fleeting pleasures of sin. “Blessed are the pure in heart, for they shall see God” (Matt 5:8). We pursue holiness, kasi kung wala tayong ganitong holiness, we will not see the Lord (Heb. 12:14). We sing with the psalmist, “In your presence there is fullness of joy; at your right hand are pleasures forevermore” (Psa. 16:11).

Conclusion

Kung ang pagpatay sa kasalanan ay “by the Spirit,” if you are not a Christian, wala kang sandata para labanan ang kasalanan. Sa halip na magsumikap ka na labanan ‘yan sa sarili mong useless efforts, humingi ka ng tawad sa Diyos sa lahat ng kasalanan mo, sumampalataya kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Patatawarin ka niya. Palalayain ka niya sa pagkakaalipin sa kasalanan. Bibigyan ka niya ng kapangyarihang labanan ang kasalanan. 

Kung ikaw naman ay Cristiano na, pero sa tingin mo ay mature and victorious na ang Christian life mo, mag-ingat ka na ibagsak ka ng pride, self-sufficiency at self-righteousness na obviously ay nasa puso mo pa. Hindi ang maturity mo, o ang laki ng ministry mo, o ang past achievements or victories mo over temptation ang sandata mo. Holy Spirit ang kailangan mo, hindi yung self-assured at strong-willed spirit mo.

Sa mga kapatid ko na nakikibaka pa rin sa mga kasalanang paulit-ulit. O kasalanang naulit na naman during quarantine, na akala mo ay matagal mo nang napagtagumpayan. Oh we feel the power of lust, of pride, of unbelief, of selfishness sa heart natin! Wag kang susuko. Wag tayong susuko. Walang tigil ang kalaban. Wag tayong titigil sa pakikipaglaban. Matindi ang kalaban. Wag mong maliitin. Wag ka rin namang panghinaan ng loob. Ang Espiritu na naninirahan sa ‘yo ay higit na mas makapangyarihan–infinitely more powerful–kesa sa kasalanang natitira pa sa puso mo. Your victory is sure. Sabi nga ni Richard Sibbes,

Bakit ka maduduwag na lumaban kung sigurado na ang tagumpay mo? Ang matatalo lang sa labang ito ay ang taong hindi lumalaban.

Richard Sibbes, The Bruised Reed

Laban, kapatid. Laban.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.