Saan nakadepende ang buhay natin?

Lahat tayo, without exceptions, ay concerned sa sarili nating buhay. Concerned din naman tayo sa buhay ng iba, lalo na ng pamilya natin at mga mahal natin sa buhay. Pero ang higit na concern natin ay yung sarili nating buhay. Tama rin naman kesa naman wala kang pakialam sa buhay mo. Kaya nga inaalala natin kung ano ang kakainin natin. Inaalala natin yung kalusugan natin, pati kung ano ang mangyayari bukas. Nagpapadoktor o nagpapaospital kapag nagkasakit. Nagpapa-pray kapag may alalahanin sa buhay. Kaya tayo nag-aaral mabuti at nagtatrabahong mabuti kasi nga gusto nating magkaroon ng maayos na buhay. Kaso, nasosobrahan tayo sa pag-aalala, nababalisa tayo. Kaya sabi ng Panginoon, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit” (Mat. 6:25 AB). Nababalisa tayo na para bang walang Diyos na kumikilos sa buhay natin at nagkakaloob ng lahat ng pangangailangan natin.

Ganito rin ang kalagayan ng mga Israelita noong nasa disyerto sila paglabas nila sa Egypt. Inaalala nila ang kakainin at iinumin nila. Akala nila dinala sila ng Diyos doon para lang mamatay. Tama nga na concern sila sa buhay nila, pero yung concern nila merong sinful unbelief. Kaya ayun nga, sa halip na makarating sila sa lupang pangako, nangamatay na ang unang henerasyon ng mga Israelita. At ang concern naman nitong second generation, after 40 years, ganun din. Paanong hindi sila mamamatay tulad ng mga magulang nila? Paano sila makakapasok sa Canaan at mananatiling buhay sa kabila ng maraming kaaway na kailangan nilang pagtagumpayan? At kapag nandun na sila sa lupaing iyon, magiging maayos ba talaga ang buhay nila?

Sa lahat ng concern nila, at sa lahat ng concern natin sa buhay, nakakalimutan nating ang pinakamahalagang tanong ay hindi kung paano na bukas o ano na ang mangyayari o ano ang kailangan nating gawin. Ang pinakamahalagang tanong ay sino: Sino ang nagbigay ng buhay sa atin? Sino ang nagbibigay ng lahat ng kailangan natin sa buhay? Sino ang nagsalita at nag-utos sa atin at nagbigay ng trabaho na dapat nating gawin? At sa lahat ng tanong na ‘yan, isa lang ang sagot: ang Diyos na si Yahweh na siyang nag-iisang Diyos wala nang iba. Siya ang Diyos na lumikha sa atin. Siya ang Diyos na nagligtas sa atin.

Ito ang binibigyang diin sa Genesis 1 and 2 tungkol sa account of creation. Sa Genesis 1 ay ang general account ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay sa loob ng anim na araw, at ang pinaka-highlight ay ang paglikha ng Diyos sa tao sa ikaanim na araw. Ang pinaka-ending naman ng account nito ay sa Genesis 2:1-3 tungkol sa pahinga ng Diyos sa ikapitong araw dahil natapos nang likhain niya ang lahat. And then, simula sa verse 4 ang magzu-zoom in na sa account ng paglikha sa tao na naka-summarized lang sa Genesis 1:26-31. Ang una ay ang paglikha sa unang tao, ang lalaki, si Adan, sa verses 4-17 na siyang titingnan natin ngayon. Ang sumunod naman ay ang paglikha sa babae sa verses 18-25.

Habang pinapakinggan natin ngayon ang kuwento ng paglikha kay Adan, pakinggan natin ito na iniisip na lahat tayo ay nanggaling kay Adan hindi lang biologically, kundi siya bilang representative of all humanity. Kaya nga ang kuwentong ito ay kuwento nating lahat. At ito ang kuwentong hindi si Adan, hindi ang sinumang tao, ang bida. Ito ang kuwentong Diyos ang Bida.

Ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa atin (Gen. 2:4–7)

Ang Diyos ang Bida hindi lang sa buhay natin, kundi bago pa tayo magkaroon ng buhay.

Lumikha ng lahat (v. 4)

Nagsimula ang teksto natin hindi sa paglikha sa tao, kundi sa paglikha ng Diyos sa lahat-lahat. Genesis 2:4, “These are the generations of the heavens and the earth when they were created, in the day that the Lord God made the earth and the heavens.” Sa simula pa lang ng Bible ganyan din ang nakasulat, “In the beginning, God created the heavens and the earth” (Gen. 1:1). Sa account din ng seventh day, “Thus the heavens and the earth were finished, and all the host of them” (Gen. 2:1). Ang Diyos ang maylikha ng lahat ng bagay. Alam na natin ‘yan.

Pero merong iba dito sa chapter 2. Ang simula ito, “These are the generations of…” Sa Hebrew, toledot, na pagkatapos ay sasabihin kung ano ang sumunod dito.Gaya ng sabi ko last week, structural formula ito sa Genesis. Sampung beses binanggit, at ang anim na beses nito ay sa first 11 chapters. Pagkatapos nitong chapter 2 ay sa chapter 5 na ulit, “This is the book of the generations of Adam” (Gen. 5:1). So ang focus ng chapters 2 to 4 ay yung kay Adan muna, kasama si Eba. Sa chapter 2 ay yung buhay nila sa loob ng hardin ng Eden, sa chapter 3 ay yung pinalabas na sila ng hardin, at yung chapter 4 ay yung buhay sa labas ng hardin. Na hindi talaga matatawag na buhay dahil ang tunay na buhay ay yung buhay na kasama ang Diyos sa hardin.

Isa pang bago na maoobserbahan dito ay yung paggamit ng pangalan sa Diyos na LORD God, o Yahweh Elohim, “Yahweng Diyos” (sa MBB, PANGINOONG Yahweh; sa Ang Biblia, PANGINOONG Diyos). First time ‘yan ginamit dito, hindi tulad sa chapter 1, God o Elohim lang ang gamit. Pero dito sa chapter 2 paulit-ulit, hanggang chapter 3. Actually bihira rin ito sa Old Testament. Sa first five books nga (Pentateuch) ay sa Exodus 9:30 lang ulit ginamit. Sinasabi ng ibang mga Bible scholars na ito ay proof ng magkakaibang sumulat ng Genesis. Pero, most likely, ito ay for the sake of emphasis, na kino-communicate sa Israel na si Yahweh na nagpakita kay Moses sa burning bush, na siyang nagligtas sa kanila sa Egypt, ang parehong Diyos na lumikha ng lahat, ang Diyos na inilalapit ang sarili niya sa kanila to be in a covenant relationship with them. Kaya nga ang focus na dito sa chapter 2 ay yung account ng pagkakalikha sa tao na mas mahaba kumpara sa summary version nito sa chapter 1 (Gen. 1:26-31). Mas malapit, mas personal ang paggawa ng Diyos dito. He is not just the Creator God, he is also the God of the covenant.

Bago likhain ang tao (vv. 5–6)

Pero bago ikuwento kung paano ginawa ng Diyos ang unang tao, sinabi muna sa verses 5 and 6 ang sitwasyon bago yun: “Wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa” (Gen. 2:5–6 MBB). Hindi naman totally lifeless noon kasi meron nang mga halaman at puno noong Day 3 pa lang, meron na ring mga ibon, mga isda, mga hayop bago pa likhain ang tao. Pero ang point nito ay para ipakita na ang bahagi ng lupa kung saan patitirahin ng Diyos ang tao ay hindi pa conducive sa mga puno at halamang kakailanganin ng tao para maging habitable yung tirahan nila. At yung mga halaman at punong ito ay kailangan ng ulan (kailangang diligan ng Diyos!) at ng taong mag-aalaga nito. Ang point: Kung walang gagawin ang Diyos, hindi magkakaroon ng kahit anong buhay. We are absolutely dependent on God for our life. Na malinaw namang isinalaysay sa sumunod.

Ang hininga ng buhay (v. 7)

 Ganito na nga ang ginawa niya: “At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa” (Gen. 2:7 AB). Ang ibang nilikha ng Diyos ay nilikha mula sa wala. Ang tao, hindi mula sa wala, kundi “mula sa alabok sa lupa.” Nilikha tayo in the image of God—glorious reality ‘yan. Pero tandaan natin na nilikha rin tayo “mula sa alabok”—very humbling naman ang reality na ‘yan. Nagpapakita kung gaano tayo ka-fragile, kung gaano rin nakasalalay ang buhay natin sa Diyos. Ayun na nga, ginawa ng Diyos ang katawan ng tao—may ulo, may katawan, may paa, may kamay, pati mga internal organs, lahat. Para siyang potter molding a clay, tulad ng sinasabi sa Isaiah 64:8: “Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama. Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang sa ami’y humubog”; at sa Jeremiah 18:6 sinabi ng Diyos sa Israel: “Kayo’y nasa mga kamay ko, tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok.” Kamay ng Diyos ang naghugis sa atin, ganun yung personal touch ng Diyos sa paglikha sa atin.

Tapos paano tayo nagkaroon ng buhay? “Hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay.” “Breath of life” ang hininga ng Diyos sa tao. Ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa atin. Pero hindi lang yun ang ipinapahiwatig nito kasi ang mga hayop din naman ay may buhay. Pero ang tao lang ang sinabing hiningahan ng Diyos. Ibig sabihin, mas personal at mas intimate ang paglikha ng Diyos sa tao. Kapag hiningahan mo ang isang tao, ibig sabihin merong closeness. Tulad ito ng Espiritu ng Diyos na kumikilos o hovering sa ibabaw ng tubig (Gen. 1:2). At ang Espiritung ito ang hininga ng Diyos na siyang nagbigay ng buhay sa atin. Sabi ni Elihu kay Job, “Ang espiritu ng Diyos ang sa aki’y maylalang, at ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay” (Job 33:4). Meron tayong katawan, merong kaluluwa. Kapag walang hininga, o nalagutan ng hininga, namamatay ang tao, kahit malusog pa ang katawan natin.

Kung ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa atin, siya rin ang may karapatan at kapangyarihang bumawi nito. Ang bawat paghinga natin ay dahil sa kabutihan ng Diyos sa paglikha sa atin. We are absolutely dependent on God for our life. Wala naman din ni isa sa atin na deserving of this life. Dahil sa kasalanan, nahiwalay ang tao sa Diyos—ang source of life. Paano tayo ngayon magkakaroon ng buhay, ng spiritual life?

Ipinakita ito ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni prophet Ezekiel. Dinala siya ng Espiritu ng Diyos sa isang valley of dry bones, puno ng kalansay ng mga patay. Ang tanong ng Diyos sa kanya, “Palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?” Sagot niya, “Lord, alam n’yo ang sagot diyan.” Sabi ng Diyos sa kanya, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh” (Ezek. 37:1-6). Siya si Yahweh na may kapangyarihang magbigay ng buhay sa walang buhay. Sa kanyang habag, noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating kasalanan, “God made us alive” (Eph. 2:5). Hiningahan tayo ng Espiritu ng Diyos, na-born again tayo, born of the Spirit (John 3:6-8). Ang pisikal na buhay natin at ang espirituwal na buhay natin ay parehong galing sa Diyos. Wala tayong maipagmamalaki. Dapat lang na tayo’y palaging magpasalamat sa Diyos dahil tayo ay na-born again “through the living and abiding word of God” (1 Pet. 1:23).

Ang Diyos ang nagbibigay ng kailangan natin sa buhay (Gen. 2:8–14)

Hindi lang hininga ang kailangan natin para mabuhay. Kailangan din natin ng iba’t ibang bagay para makapamuhay tayo nang maayos. Tulad ng maayos na lugar na matitirhan, ng pagkain, ng tubig—basic necessities ‘yan, na makikita naman natin sa verses 8–14 na ibinigay ng Diyos. Hindi lang tayo binigyan ng Diyos ng buhay, siya rin ang Diyos na nagbibigay ng kailangan—ng lahat ng kailangan—natin sa buhay.

Tahanan (v. 8)

Ang unang tao ay hindi lang binigyan ng Diyos ng buhay, binigyan din siya ng maayos na lugar na matitirhan. “Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang” (Gen. 2:8 MBB). Ang Diyos ang nag-plant ng garden para matirhan ng tao—siya ang owner, architect, engineer, interior designer, all in one. Iginayak ng Diyos ang isang hardin sa Eden, sa dakong silangan. Although merong clue mamaya kung saan ito dahil merong mga ilog na binanggit, hindi talaga ma-pinpoint ngayon ang exact location nito. Probably somewhere sa Mesopotamia, hindi sa Canaan. Pero ang pinaka-point nito ay para ipakita na ang Diyos ang gumagawa ng tahanang matitirhan ng tao, at hindi lang ng tao kasama ang ibang tao, kundi tahanang matitirhan nila kasama ang Diyos. Kaya nga yung mga instructions sa building ng tabernacle sa Exodus 25–27 ay hawig sa Garden of Eden na nag-iindicate na nais ng Diyos na manirahan kasama ang tao. Sinabi niya noon kay Moises, “Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila” (Ex. 25:8), na sumasalamin sa paggawa ng Diyos ng isang hardin para matirhan ng tao kasama ang Diyos. Hindi lang bahay o maayos na subdivision o maayos na bansa ang kailangan natin para mabuhay nang maayos. Higit na kailangan natin ay ang makasama ang Diyos.

Pagkain (v. 9)

Hindi lang tahanang matitirhan ang ibinibigay ng Diyos sa tao, kundi pati ang pagkain na kailangan natin. Ang Diyos ang nagtanim, ang Diyos ang nagdilig, ang Diyos ang nagpatubo ng mga halaman at puno na panggagalingan ng pagkaing kakainin ng tao. “Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama” (Gen. 2:9). Parehong beautiful at bountiful ang provision ng Diyos. Sinabi na rin ‘yan sa chapter 1, “Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo” (Gen. 1:29). Ang Diyos ang nagbigay ng pagkain na kakainin ng tao para maging malusog at masiyahan.

Sapat ang provision ng Diyos sa tao para mabuhay. Meron ngang dalawang espesyal na puno sa gitna ng hardin, nag-iindicate ng centrality nito sa provision ng Diyos sa tao. Yung isa ay tree of life. Yung isa ay tree of the knowledge of good and evil. Mysterious ‘to kasi wala namang ganyang mga puno ngayon. Pero dapat ay hindi natin ma-miss ang point nito. Nagpapakita ito ng intensyon ng Diyos na ibigay sa atin hindi lang ang pagkain para mabusog tayo kundi ang lahat ng kailangan natin sa buhay. Ang mga Isrealita, kahit reklamo pa sila ng reklamo, forty years pinakain ng Diyos sa disyerto (Ex. 16:35; Deut. 8:3; Neh. 9:15). Binanggit ito ni Jesus at sinabing ang Diyos Ama ang nagbibigay sa atin ng tunay na tinapay na mula sa langit (John 6:32), pagkatapos ay sinabi niya, “Ako ang tinapay ng buhay…Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman” (John 6:48, 51). Kailangan natin ng pagkain para mabuhay. More than that, kailangan natin si Cristo hindi lang para mabuhay, kundi magkaroon ng “buhay na masaganang lubos” (John 10:10) at “buhay na walang hanggan” (John 3:16).

Tubig (vv. 10–14)

Hindi lang pagkain ang kailangan ng tao, pati tubig para inumin, panlinis, at pandilig. Ang tirahang bigay ng Diyos sa tao ay saganang-sagana sa tubig:

Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito’y nahahati sa apat na sanga. Ang una na kung tawagi’y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia (literally, Cush). Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates. (Gen. 2:10–14)

Yung dalawang ilog—Tigris at Eufrates—ay identifiable kung saan. Pero yung Pishon at Gihon ay hindi alam eksakto kung saan. Again, we should not miss the point, kahit hindi natin alam exactly kung saan ‘yan. Ang point: ang ibinibigay ng Diyos sa tao na kailangan niya ay rich and bountiful. Kaya nga binanggit din ang ginto at mga mamahaling bato. At ang provision niya ay hindi lang para sa isa o iilang tao kundi para sa marami. Kaya nga sabi ng Diyos sa kanila na maging “fruitful and multiply and fill the earth” (Gen. 1:28). Kahit gaano karaming tao, kahit gaano karami ang mga Israelita sa disyerto hanggang sa pagpasok nila sa promised land, God will richly and abundantly provide everything they need.

Ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng kailangan natin sa buhay. Pero dahil nga sa pagpasok ng kasalanan, wala tayong karapatan to demand good things from God. Pero in his common grace, ipinagkakaloob pa rin niya ‘yan sa mga tao, kahit na sila ay hindi Kristiyano. “Pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid” (Mat. 5:45). Pruweba ito ng kabutihan ng Diyos: “Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso” (Acts 14:17). Kung totoo ‘yan sa mga non-Christians, how much more for those who are in Christ! Our Maker is our Shepherd, kaya hindi tayo magkukulang ng anuman, lahat ng mabuting bagay na kailangan natin ay ibinibigay ng Diyos (Ps. 23:1; 34:8–10). Kung ang kanyang Anak nga ay hindi niya ipinagkait kundi ibinigay para sa atin, “how will he not also with him graciously give us all things” (Rom. 8:32)?

Itong paglalarawan ng garden of Eden na ibinigay ng Diyos sa tao para matirhan at lahat ng saganang provisions ng Diyos sa tao ay hawig din sa paglalarawan ng Diyos sa lupaing pagdadalhan ng Diyos sa Israel para matirhan:

Sapagkat kayo’y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo. (Deut. 8:7-10)

Plano ng Diyos na dalhin ang Israel pabalik sa Garden of Eden, hindi yung physical location nito kundi yung kalagayan ng buhay sa loob nito. Ito rin ang gusto ng Diyos para sa atin. Our hearts long for life in the garden. At ito ang pangako ng Diyos na gagawin niya. Anumang disyerto ang nararanasan natin sa buhay, dadalhin tayo ng Diyos pabalik sa Eden, “the garden of Yahweh” (Isa. 51:3). Gaano man kagulo o kawasak o kahirap o parang walang saysay ang buhay natin ngayon, God will renew, God will rebuild, God will replant na tulad ng garden of Eden. Sure ‘yan: “Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito’y gagawin ko” (Ezek. 36:35-36). Diyan—sa buhay na nasa hardin—papunta ang buong kasaysayan, ayon sa vision na nakita ni apostle John:

Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay (the tree of life!). Ito’y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. (Rev. 22:1-2),

Kahit anong pagsisikap ang gawin natin para mapahaba ang buhay natin, one day mamamatay rin tayo. But death is not our final destination, but eternal life in the garden of God. Sabi ni Jesus sa katabi niyang nakapako rin sa krus—isang magnanakaw, isang makasalanan na nagtiwala sa kanya sa huling sandali ng kanyang buhay, “Truly, I say to you, today you will be with me in paradise” (Luke 23:43). That is “the paradise of God” (Rev. 2:3), the new garden of Eden. Our hearts long for that life with God for all eternity.

Ang Diyos ang nagbigay ng trabahong kailangan natin para mabuhay (Gen. 2:15–17)

Oo, ang Diyos ang nagbibigay ng ganyang klaseng buhay. Pero merong kailangang gawin para maranasan natin ang buhay na ‘yan. Before and after yung passage na binasa natin kanina sa Deuteronomy 8 tungkol sa description ng lupang ibibigay sa kanila ng Diyos, nakasulat ang dapat nilang gawin: “Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos…Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin” (Deut. 8:6, 11). Para sa unang taong nilikha ng Diyos, ang Diyos din ang nagbigay ng trabahong kailangan niyang gawin para mabuhay nang maayos, masagana, at masaya.

Trabahong dapat gawin (v. 15)

Anong trabaho? “Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pagyamanin at pangalagaan” (Gen. 2:15). May trabahong ibinigay: “to work it and keep it.” Hindi siya tatambay lang dun para subuan ng Diyos ng pagkain. Ang trabaho ay hindi sumpa ng Diyos sa kasalanan. Ito ay bahagi ng layunin ng Diyos sa tao. Para mas maging productive, para mas maging fruitful yung ibinigay ng Diyos sa tao. Para ingatan at bantayan para hindi masira. ‘Yan ang trabahong ipinagkatiwala ng Diyos sa tao.

Utos na dapat sundin (v. 16)

Pagkatapos, meron siyang utos na ibinigay. Sinabi niya kung ano ang malaya silang gawin at sinabi kung ano ang bawal gawin. Sa verse 16 ay yung utos na dapat sundin, “Sinabi (iniutos) niya sa tao, ‘Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan…’” (Gen. 2:16). Karaniwan naka-focus lang tayo sa ipinagbabawal ng Diyos, at nagtataka tayo, “Bakit kasi may pinagbawal pa ang Diyos?” Na para bang meron siyang ipinagdadamot sa tao. Pero malinaw rito, hindi maramot ang Diyos. Pwede nga nilang kainin ang kahit anong bunga—para mabusog, para maging malusog, para masiyahan, at para humaba ang buhay. Pinagbawalan ba silang kainin ang bunga ng tree of life? Hindi naman ‘di ba?

Utos na hindi dapat suwayin (v. 17)

Ano ang ipinagbawal? Ano ang utos na hindi dapat suwayin? Pwedeng kainin lahat “maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka” (Gen. 2:17). Mahigpit ang bilin ng Diyos, “Huwag na huwag mong kakainin…” Maliwanag din ang consequence ng hindi pagsunod sa utos ng Diyos: siguradong mamamatay ka. Dahil sa pagsuway sa Diyos, ipinapahayag mo na ikaw ang may karapatang magdesisyon kung ano ang tama at mali, kung ano ang mabuti at masama, kung ano ang life-giving at kung ano ang life-threatening.

Kung ano ang sinabi ng Diyos na mabuti at makakabuti, yun ang mabuti at makakabuti. Kung ano ang sinabi ng Diyos na masama at makakasama, yun ang masama at makakasama. Sa mga utos ng Diyos, meron siyang sinasabing dapat nilang gawin, meron ding hindi dapat gawin. Ang kailangan nating pagdesisyunan: magtitiwala ba tayo sa Diyos na mabuti at makakabuti sa atin ang sumunod sa kanya? Sabi ng Diyos sa Israel: “Binibigyan ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan” (Deut. 30:15). Kapag sumunod sila, mahabang buhay ang ibibigay ng Diyos. Kapag hindi, hindi rin magtatagal ang buhay nila. “Ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal” (Deut. 30:18).

Ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa atin. Ang Diyos din at hindi tayo ang magde-define kung paano tayo dapat mamuhay. Yun ang ibig sabihin ng kingdom of God, yung buhay sa loob ng garden of Eden. Ang definition dito ni Graeme Goldsworthy: “God’s people in God’s place under God’s rule” (Gospel and Kingdom). God’s people—represented by Adam and Israel. In God’s place—sa Garden of Eden, then sa Promised Land sa Canaan. Under God’s rule—ang utos ng Diyos kay Adan, ang sampung utos ng Diyos sa Israel.

Ang tanong: nagtiwala at sumunod ba si Adan at ang Israel sa mabuting pamamahala ng Diyos sa kanila? Ginawa ba nila ang trabahong bigay sa knaila ng Diyos? Ginawa ba natin ang trabahong ibinigay sa atin ng Diyos? Well, alam natin ang sagot sa Genesis 3 at sa buong kasaysayan ng Old Testament at sa istorya ng buhay ng bawat isa sa atin: hindi! Kaya nga kailangan ng bagong Adan at bagong Israel to represent God’s people. Para madala tayo sa lugar na nais ng Diyos na tirhan natin—isang bagong Eden, isang bagong Jerusalem, isang bagong mundo. At para makapamuhay tayo sa ilalim ng pamamahala ng Diyos—nagtitiwala na siya ay mabuti, sumusunod sa utos niya, at ipinapamuhay ang isang bagong buhay.

Gospel Transformation: Si Cristo ang Ating Buhay

‘Yan naman ang ginawa Cristo para sa atin. ‘Yan naman ang dahilan kung bakit siya naparito. ‘Yan naman ang dahilan kung bakit tinapos niya ang trabahong ibinigay sa kanya ng Ama. ‘Yan naman ang dahilan kung bakit namatay si Cristo sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Siya ang “salita ng buhay” (1 John 1:1 AB). “Nasa kanya ang buhay” (John 1:4). Ang Anak (kasama ng Ama at ng Espiritu) ang may buhay sa sarili niya at pinagmumulan ng buhay (John 5:26). Sinabi niya mismo, “Ako ang buhay” (John 14:6; John 11:25). Kung tayo ay sasampalataya sa kanya, oo mamamatay tayo, pero mabubuhay tayong muli, magkakaroon tayo ng buhay, buhay na walang hanggan.

 At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito’y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Kung ang Anak ng Diyos ay nasa isang tao, mayroon siyang buhay na walang hanggan; ngunit kung wala sa kanya ang Anak ng Diyos ay wala siyang buhay na walang hanggan. (1 John 5:11, 12)

May buhay ka ngayon, humihinga ka nga, pero nasa ‘yo ba si Cristo? Kinikilala mo ba si Cristo bilang tagapagbigay ng buhay mo at siyang buhay mo mismo? Masasabi mo ba, “Si Cristo ang aking buhay. Jesus is my life.” Hindi lang siya karagdagan sa buhay mo. Hindi lang siya isa sa kailangan mo sa buhay. Siya mismo ang buhay mo. Kung wala si Cristo sa ‘yo, anumang buhay na meron ka ay hindi matatawag na buhay. Pero kung si Cristo ang nasa ‘yo, this will change everything in your life. Matututo tayong magpakumbaba, magpasalamat, magtiwala, at sumunod. Kung si Cristo ang buhay mo…

Magpakumbaba ka sa harapan ng Diyos na nagbigay ng buhay sa ‘yo.

Ano pang maipagmamalaki mo sa buhay na meron ka? Isa kang alikabok na mula sa lupa na hiningahan ng Diyos at nilikha sa larawan ng Diyos na nasa langit. Ang Diyos Anak mismo ang bumaba mula sa langit at tumuntong sa alikabok sa lupa, para ano? Para bigyan tayo ng buhay, buhay na hindi natin karapat-dapat tanggapin. Anumang mabuting bagay na meron ka ngayon ay galing sa Diyos. Ang buhay na walang hanggan na meron ka ay galing sa kanya. Kaya…

Magpasalamat ka sa buhay na bigay ng Diyos sa ‘yo.

Pasalamat ka humihinga ka pa. Pasalamat ka may lakas ka pa. Pasalamat ka buhay ka pa. Pasalamat ka na meron kang buhay na walang hanggan na nararanasan mo na simula ngayon. Ano pa ang dapat mong ipag-alala?

Magtiwala ka na lahat ng kailangan mo sa buhay ay ibibigay ng Diyos.

Kung si Jesus nga na Anak niya ibinigay niya para sa ‘yo, paano pa ang ibang bagay na kailangan mo? Ibinigay na niya ang lahat-lahat sa ‘yo. Jesus is everything to us. Do you trust him na siya ang magtatawid sa ‘yo araw-araw not just to provide you with your material needs, but more so your spiritual needs hanggang sa araw na humarap ka na sa Diyos face to face at manirahan sa piling niya for all eternity? At dahil siya ang Haring mapagkakatiwalaan at gumagawa ng mabuti para sa atin, karapat-dapat lang na…

Sundin mo ang Diyos na nagbigay ng buhay sa ‘yo.

Jesus our Life and Savior is also Jesus our Lord and King. Ang salita at utos niya ay mabuti at makakabuti sa atin. Merong mga tao, in trying to find life for themselves, lumalayo sa Panginoon. Pero tayo? Saan pa tayo pupunta? Meron pa ba tayong mapupuntahang iba? Wala na. Nasa kanya ang mga salitang nagbibigay ng buhay, ng buhay na walang hanggan (John 6:68). Si Cristo ang ating buhay. Jesus is our life.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply