“Binago ng evangelism ang buhay ko.” Iyan ang sinabi sa akin ni John, ang driver ng sinakyan kong taxi, habang binabaybay namin ang expressway sa Orlando patungo sa conference na dadaluhan ko. Napunta agad sa usaping pananampalataya ang aming pag-uusap nang malaman niyang hindi ako pumunta sa Orlando para sa Disney World, tulad ng karamihan sa kanyang mga naging pasahero.

“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ko. Inaasahan kong ikukuwento niya kung paano siya inakay ng isang tao kay Cristo. Pero hindi pala iyon ang ibig niyang sabihin. Ang tinutukoy niya ay ang mismong pagsasagawa ng evangelism na siyang nagpabago sa kanyang buhay.

Sinabi niya: “Nang matutuhan kong ibahagi ang aking pananampalataya, naging malinaw sa akin ang maraming mahahalagang bagay. Napag-isip-isip ko ang mga bagay na dati’y hindi ko naman iniintindi. At grabe, kapag naakay mo ang isang tao kay Cristo, hindi mo na iyon malilimutan. Para bang ayaw mo nang tumigil! Kakaiba talaga ang pakiramdam!”

Ang patotoo ni John patungkol sa kung paano pinapalakas ng pagbabahagi ng pananampalataya ang ating espirituwal na buhay ay tumutugma sa aking karanasan sa pamumuhay ko kay Cristo at sa dalawampu’t dalawang taon kong pagmiministeryo sa mga estudyante at panguguna sa iglesya.

Ngunit gaano kadalas nating iniisip na ang discipleship at evangelism ay dalawang magkaiba at di-magkaugnay na bahagi ng ating buhay kay Cristo? Mas nakakalungkot pa, iniisip natin na mahalaga ang discipleship at optional lang ang evangelism. O kaya naman, iniisip natin na ang evangelism ay para lamang sa mga sobrang masigasig at “spiritually gifted” na mga tao sa loob ng ating mga iglesya.

Bawat Disipulo ay Dapat Mag-evangelize

Ngunit ipinapakita ng Bagong Tipan na ang evangelism ay karaniwan at likas na bahagi ng buhay ng bawat disipulo ni Cristo, tulad ng pag-aaral ng Bibliya, panalangin, at sama-samang pagsamba. Mula sa bagong Kristiyano hanggang sa matagal nang mananampalataya, ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay mahalagang bahagi ng isang lumalagong buhay kay Cristo.

Marami sa atin ang nakarinig at nakapangaral na ng mga sermon na nakatuon sa tema ng “paggawa ng mga alagad” (Mat. 28:18–20). Itinuro rin natin sa iba na sila mismo ay dapat maging tagagawa ng mga alagad. Ngunit dapat din nating tandaan na bahagi rin ng “paggawa ng mga alagad” ang pagtulong natin sa mga taong hindi pa alagad na maging alagad—at iyon ang evangelism. Ipinakita ito ni Jesus sa kanyang halimbawa (Mar. 1:14–15; Mat. 9:25), at tinuruan niya ang kanyang mga alagad na gawin ito (Mar. 6:7–13; Luke 10:1–12). Makalipas lamang ang ilang araw, sinabi ni Jesus na sila’y magiging kanyang “mga saksi . . . hanggang sa dulo ng daigdig” (Acts 1:8).

Tiyak na kasama sa turo ng mga apostol na pinanghawakan ng unang iglesyang puspos ng Espiritu ay ang palagiang pagbabahagi ng ebanghelyo sa pamilya, kaibigan, at maging sa mga hindi kakilala. Sa mga unang linggo at buwan pa lamang pagkatapos ng Pentecostes, marami nang tao ang naliligtas araw-araw (Acts 2:47). Naging bahagi na agad ng kanilang bagong buhay bilang mga alagad ng Panginoong Jesus ang evangelism.

Ang mga Pakinabang ng Evangelism

Narito ang anim na paraan kung paano nakakatulong ang pagturing sa evangelism bilang mahalagang bahagi ng discipleship sa paglago at paghubog ng mga alagad.

  1. Pinananatili ng Evangelism ang Ebanghelyo na Nakasentro sa Ating Buhay at Iglesya

Ang ebanghelyo ang pinagmulan ng iglesya (Col. 1:5–6), ito ang pinakapuso ng mensahe nito (1 Cor. 15:1–3), at ito rin ang nagpapalago sa atin kay Cristo (Phil. 1:6). Kaya dapat gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mapanatili itong nasa sentro. Alam nating gagawin ng sanlibutan, ng ating laman, at ng diyablo ang lahat upang mawala ito sa ating paningin.

Sinabi ni D. A. Carson na isang paraan para mapangalagaan natin ang ebanghelyo ay ang pagsisikap nating maibahagi ito sa iba. Tinutulungan tayo ng evangelism na mapanatili ang mensahe ng gospel, na siyang nagpapalago sa ating buhay kay Cristo.

  1. Pinapalalim ng Evangelism ang Ating Pang-unawa sa Pinakamahalagang mga Katototohanan ng Bibliya

Kapag nakikipag-usap tayo sa mga di-mananampalataya tungkol sa gospel, nahihimok tayong mas maunawaan ang mahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang mga paksa tulad ng kalikasan ng Diyos, ang kanyang kabanalan at poot, ang pagkakalikha ng tao ayon sa larawan ng Diyos, kasalanan, biyaya, ang krus ni Cristo, at paghuhukom ay nagiging mas malinaw sa atin. Kailangan nating pag-isipang mabuti kung paano natin ipapaliwanag ang mga konseptong ito sa iba’t ibang tao at sa iba’t ibang sitwasyon. At mas makikita natin kung paano magkakaugnay ang mga katotohanang ito sa buong Kasulatan—mula Genesis hanggang Revelation. 

Isa sa pinakamalinaw na talata tungkol sa pakinabang ng evangelism sa discipleship ay ang Philemon 6: “Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng mas malalim na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo.”

Ang pagkaalam sa isang bagay at ang pagpapaliwanag nito sa iba na hindi ito nauunawaan o pinananiwalaan ay magkaiba. Habang ipinapaliwanag natin ang mahahalagang katotohanang ito sa iba, mas lalo naman itong nagiging malinaw sa atin.

  1. Pinapalago ng Tamang Evangelism ang Ating Pag-ibig sa Diyos at sa Kapwa

Ang lahat ng tao ay tinawag upang buong pusong ibigin ang Diyos at ang kanyang kapwa (Mar. 12:28–31). Kapag ibinahagi natin ang ating pananampalataya dahil iniibig natin ang Diyos at ang ating kapwa, mas lalo pang mag-aalab ang pag-ibig na iyon. Wala pa akong nakitang nagsagawa ng evangelism nang tama na ang bunga ay kabaligtaran.

Kung hindi ka pa nakakapag-akay ng iba kay Cristo, masasabi ko lamang sa ‘yo ang kagalakan na mararanasan mo kapag nasaksihan mo ang kapangyarihan ng ebanghelyo na kumikilos at bumabago sa buhay ng isang tao. Kapag nakikita kong nadudurog ang kanyang puso dahil sa kanyang mga kasalanan, lalo ring nadudurog ang puso ko dahil sa sarili kong kasalanan. Kapag nakikita kong nagagalak siya sa kasaganaan ng pagpapatawad ni Cristo, lalo kong ninanais na mas malasap pa ang pagpapatawad na iyon. Ang ganitong karanasan ng pag-aakay ng iba kay Cristo ay nagpapaalala sa atin kung gaano kadakila ang kapangyarihan, kabanalan, at kaawaan ng Diyos—higit pa kaysa sa madalas nating isipin.

Gayundin naman, sinasabi sa atin ni Cristo na kapag ibinabahagi natin sa iba ang mensahe ng pag-asang dulot ng gospel, minsan ay tatanggihan ito ng mga tao—pati tayo ay maaari rin nilang itaboy (John 15:18–20). Kapag nangyari ito, mas lalong nadudurog ang puso ko dahil sa pagkabilanggo at pagkabulag ng tao na dulot ng kasalanan. Mas lalo kong naiisip ang paparating na paghuhukom. At napapatanong ako kung bakit ako iniligtas ng Diyos—ako na isa ring makasalanang tulad ng taong tinanggihan ako at ang mensahe ng ebanghelyo.

  1. Ang Evangelism ay Nagbibigay ng Pagkakataon para sa mga Hindi Inaasahang Katanungan mula sa mga Di-mananampalataya, na siyang Nagpapalalim sa Ating Pananampalataya

Halos sampung taon na akong naninirahan sa Middle East, at ang pakikisalamuha ko sa mga Muslim at ibang di-mananampalataya ay patuloy na nagpapalakas ng aking pananampalataya habang lumalapit ako sa Diyos upang humingi ng karunungan sa pagsagot sa kanilang mga tanong.

Maraming hapon ang ginugol ko sa pakikipagkaibigan sa mga Muslim sa food court malapit sa opisina ng aming kumpanya. Madalas na napupunta sa usaping pananampalataya ang aming pag-uusap, at nagkakaroon ako ng pagkakataong maipaliwanag sa kanila kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Hindi ko laging nasasagot agad ang kanilang mga tanong, ngunit kapag lumalapit ako sa Diyos sa kanyang Salita para maghanap ng kasagutan, mas lalo lamang tumitibay ang aking pananampalataya. Ang pagbabahagi ng aking pananampalataya ay naglalagay sa akin sa sitwasyon na maririnig ko ang mga pagtutol ng iba at mahahanap ko ang sagot sa mga tanong na hindi ko maitatanong sa aking sarili.

  1. Pinoprotektahan Tayo ng Evangelism mula sa Pag-aakalang Ligtas na ang mga Tao sa Paligid Natin

Ang mga taong hindi pa ligtas ay hindi maaaring maging disipulo at madisipulo—sa kahit anong paraan. Hindi sila namumuhay sa kabanalan at hindi nila kayang lumago rito (Rom. 8:5–8).

Isang malaking panganib sa church ngayon ay ang pag-aakalang ligtas na ang mga taong nagsasabing sila ay “Kristiyano” o yung mga nakikibahagi sa mga gawain ng church. Ang ganitong pag-aakala ay nagmumula sa maling pananaw tungkol sa conversion (tingnan ang 9Marks journal tungkol sa conversion). O kung minsan, hindi natin masabi sa isang tao na maaaring hindi pa siya tunay na sumasampalataya kay Cristo dahil natatakot tayong baka ma-offend siya.

Ngunit kapag naging bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikipag-usap ang ebanghelyo, madalas itong nagiging daan upang ang mga taong nagsasabing Kristiyano sila ay tunay na ipanganak na muli sa Espiritu.

Sa talinghaga tungkol sa manghahasik, malayang isinaboy ng manghahasik ang binhi, na tila hindi iniintindi kung saan ito mahuhulog—sa daan, batuhan, damuhang matinik, at matabang lupa. Gayundin naman, dapat nating ibahagi ang gospel nang malaya at walang pinipili, at hayaang gamitin ito ng makapangyarihang Diyos ayon sa kanyang kalooban—upang iligtas ang mga nawawala at patatagin ang mga mananampalataya.

  1. Pinapataas ng Evangelism ang Posibilidad na Tayo’y Usigin Dahil sa Ebanghelyo, ngunit Ito ang Magpapalago sa Atin

May dahilan kung bakit hindi ako nagsimula sa “pakinabang” na ito! Gayunpaman, tingnan natin ang sinasabi ng Romans 5:3–5:

Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito’y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.

Bagamat hindi naman natin ninanais na magdusa, dapat tayong maging handang tanggapin ang pagdurusa alang-alang sa ebanghelyo (2 Tim. 1:8; Rom. 8:17). Sa katunayan, ang pagdurusa na dulot ng ating evangelism ay dapat magpalakas ng ating loob, tulad ng naging karanasan ng unang iglesya (Acts 5:41). At ang pagbabahagi ng ating pananampalataya ay nagbibigay-katiyakan sa atin na kung tayo man ay magdusa, iyon ay dahil sa ebanghelyo, at hindi dahil sa ating mga maling desisyon o pagkakasala sa iba. Ang pagdurusa alang-alang sa ating pagpapahayag ng gospel ay maaaring magpalalim ng ating pananampalataya habang tumitingin tayo sa ating nagdurusang Tagapagligtas.

Isang Paalala at Encouragement

Narito ang isang paalala: habang pinagsisikapan mong maging bahagi ng iyong pagiging disipulo ni Cristo ang evangelism, mag-ingat na huwag kang manangan sa mga evangelistic programs. Sinabi ko na na ang evangelism ay dapat maging “likas at karaniwan” sa atin. Kapag ginagawa lamang natin ito dahil ito ay bahagi ng isang programa, hindi natin sinusunod ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa evangelism sa buhay ng mga mananampalataya. Kapag itinuturing natin ang evangelism bilang isang programa, maaari itong mawala sa discipleship at sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa simula, gumagamit ang mga bata ng training wheels kapag sumasakay sila sa bisikleta bilang pantulong, ngunit kalaunan ay inaalis din ang mga ito kapag natuto na silang magbisikleta. Gayundin naman, mabuti ang mga programa hangga’t ginagamit natin ang mga ito bilang mga pansamantalang tulong sa evangelism, at kalaunan ay iiwanan natin ang mga tulong na ito para maging mas normal at natural ang evangelism sa ating pang-araw-araw na buhay.

Sa huli, ang pinakamalaking encouragement para sa inyong congregation at mga Kristiyanong kaibigan upang buong sigasig nilang ibahagi ang kanilang pananampalataya ay ang makita at marinig nila na ginagawa din ito ng kanilang senior pastor at mga elders. Mabilis matututuhan ng mga tao ang mga bagay na passionate ka. Kaya kung ikaw na isang pastor ay passionate sa pagbabahagi ng iyong pananampalataya, matututuhan din ng iyong congregation na maging passionate sa pagbabahagi ng kanilang pananampalataya. At habang ginagawa nila ito, sila’y lalago bilang mga disipulo ni Jesus.

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga apostol sa Great Commission, “Gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. . .Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo” (Mat. 28:19). Sa paggawa natin ng mga alagad, tiyakin nating naipapakita at naituturo natin sa iba ang lahat ng ipinag-utos ng Panginoong Jesus—kasama na rito ang malaking kagalakan at pagpapala ng isang buhay na nakatuon sa evangelism. 


Isinalin ni Mark Daniell S. Perico mula sa 9Marks article na “Six Benefits of Evangelism for Discipleship” ni Brian Parks. Si Brian Parks ay senior pastor ng Covenant Hope Church sa Dubai.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply