Note: Walang kuryente sa church namin during this time. Meron lang rechargeable na speaker na gamit. Check this Facebook post.
Introduction: Ang Hirap Magpahinga?
Karamihan ng mga tao ay hirap magpahinga. Kahit naman sa atin na masasabing hindi naman nahihirapang magpahinga, meron pa ring mga seasons sa buhay natin na we find it difficult to rest. Merong ilang mga senyales na nag-iindicate na hirap kang magpahinga. Kapag sobra-sobra ka sa trabaho o pag-aaral, hindi ka makatulog nang maayos, hindi ka makapagbakasyon o kung makapagbakasyon man hindi mo pa rin ma-enjoy dahil yung isip mo nasa trabahong dapat gawin. At hindi lang pisikal na pahinga ang pinag-uusapan dito. Yun bang kahit nakaupo ka lang o nakahiga, at wala namang ginagawa, ay pagod na pagod ka naman sa kakaisip sa mga bagay-bagay: Ano na ang gagawin ko? Paano na ‘yan? Ano na ang mangyayari bukas? Baka may masamang mangyari? This is also a heart issue, yun bang hindi mapakali ang puso mo, kinakabahan ka, natatakot ka, nag-aalala ka.
Makikita natin sa kuwento sa Exodus 16 na itong mga Israelita ay hirap ding magpahinga. Nakalaya na nga sila sa Egipto matapos ang mahabang panahong inalipin sila at inabuso sa pagtatrabaho. Yes, maglalakbay pa sila sa disyerto bago makarating sa lupang pangako, para makapagpahinga na talaga, pero nangako naman ang Diyos na ibibigay niya sa kanila yung pagkain na kailangan nila araw-araw. Yun ay pagkatapos na sila’y magreklamo sa Diyos at ginusto pang bumalik na lang sa Egipto kasi mas masarap daw ang pagkain dun. Kaya nagpaulan ang Diyos ng tinapay, at nagbigay rin ng karne, para makain nila. Pupulutin na lang nila araw-araw. Pero sabi ng Diyos, anim na araw lang nila yun gagawin, at sa ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga o Sabbath (Ex. 16:26). Sa araw na yun, wala silang makukuhang pagkain dahil doble na yung ibibigay ng Diyos sa ikaanim na araw. Pero may mga lumabas pa rin sa kanila sa ikapitong araw para mamulot ng tinapay, pero wala naman silang nakuha.
Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? 29 Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” 30 At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw. (Ex. 16:28-30)
Bakit kailangan pang utusan tayo, pagalitan tayo, o pilitin tayong magpahinga? Bakit kaya hirap na hirap tayong magpahinga?
- Una, nag-aalala tayo na hindi maganda ang mangyayari kung magpapahinga tayo. “Baka walang makain ang pamilya ko, baka wala akong maipambayad sa mga kailangang bayaran, baka hindi maging maganda ang kinabukasan ng mga anak ko.”
- Ikalawa, masyado tayong bilib sa sarili natin, na kung magtatrabaho lang tayong mabuti ay wala tayong ipag-aalala. “Kailangan kong gawin ‘to, kasi sa akin umaasa ang ibang tao. Paano na sila kung hindi ako magtatrabahong mabuti?” As if naman sa pagsisikap natin nakasalalay ang buhay ng ibang tao.
- Ikatlo, at pinakaugat ng lahat, kulang tayo sa tiwala sa salita at gawa ng Diyos. Hirap tayong magtiwala na tutuparin ng Diyos ang pangako niya at siya ang gagawa kahit sa mga panahong huminto tayo sa paggawa. Ang ugat ng hirap natin sa pagpapahinga ay ang unbelief.
Itong unbelief sa puso ng mga Israelita ang naging dahilan kung bakit sa halip na higit isang taon lang ay makakapasok na sila sa lupang pangako, ang lupa ng kapahingahan, nadagdagan pa ng tatlumpu’t walong taon, at nangamatay na yung unang henerasyon ng mga Israelita na lumabas mula sa Egipto. Pero dahil tapat ang Diyos sa pangako niya na ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon, inaabangan ng ikalawang henerasyon ng mga Israelita ang pagpasok sa lupaing iyon. Para hindi sila matulad sa unbelief at tragic consequences nito na sinapit ng mga magulang nila, isinulat ni Moises ang Genesis to bolster their confidence in God. Especially sa salaysay ng paglikha ng Diyos sa Genesis 1-2, para maalala nila yung gawa ng Diyos, yung makapangyarihang gawa ng Diyos sa paglikha sa lahat ng bagay. Yun ay para mas lumakas ang tiwala nila sa Diyos na tatapusin niya kung ano ang sinimulan niya, na ipagkakaloob niya sa kanila ang kapahingahan sa lupaing ipinangako niya, sa Canaan. At hindi lang siyempre para mapahinga ang pagod nilang katawan, pero ang higit na mahalaga, masumpungan nila ang kapahingan na hinahanap at kailangan ng puso nila.
At para maturuan din tayong magpahinga—not just physically, but also spiritually— mahalagang tingnan natin ang kahalagahan ng nakasulat sa nangyari sa ikapitong araw, matapos ang anim na araw na gawa ng Diyos sa paglikha:
Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon. 2 Nang ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa. 3 At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.” (Gen. 2:1-3 AB)
Para matuto tayong magpahinga, tingnan natin: una, kung ano ang espesyal sa ikapitong araw (story); ikalawa, ano ang matututunan natin dito tungkol sa Diyos (theology); at ikatlo, ano ang kinalaman nito sa buhay natin (life application).
Story: Ano ang espesyal sa ikapitong araw?
Tingnan muna natin ang tekstong ito na bahagi ng istorya na ang simula ay sa Genesis 1, at itong 2:1-3 ay culmination o pagtatapos ng eksenang ito, ng account of creation. Pagdating kasi sa verse 4, nagsi-signal na new section na, “These are the generations of… Sa Hebrew, itong “generations” ay toledot, na isang structural formula na siyang nagsi-signal din ng panibagong bahagi sa kuwento ng Genesis. Sampung beses itong makikita sa Genesis (Gen. 2:4; 5:1; 6:9; 10:1; 11:10, 27; 25:12, 19; 36:1; 37:2), anim na beses sa Genesis 1-11 pa lang.
At dahil ito ang ending ng unang bahagi ng Genesis, espesyal itong ikapitong araw. Ano naman ang espesyal dito? What makes it unique kung ikukumpara sa naunang anim na araw? Nagbigay si Kenneth Mathews sa kanyang commentary ng limang sagot (Genesis 1-11, p. 117):
- Una, wala itong introductory formula na katulad ng sa bawat isa sa anim na araw: “And God said” (Gen. 1:3, 6, 9, 14, 20, 24). Sa ikapitong araw, hindi kailangan ang creative word ng Diyos dahil tapos na yung work of creation, wala nang kailangan pang gawin, kumpleto na. Ang dating walang anyo ay meron nang anyo. Ang dating walang laman ay meron nang laman. “Very good” ang lahat ng gawa ng Diyos (Gen. 1:31).
- Ikalawa, walang usual closing refrain na, “And there was evening and there was morning, the first day,” and so on (Gen. 1:5, 8, 13, 19, 23, 31). Nag-iindicate ito na ang plano ng Diyos para sa ikapitong araw ay hindi matatapos. Wala nang ikawalong araw. Ang pahinga sa ikapitong araw ay “perpetual rest” o walang katapusang pahinga. Kaya lang, naantala ito or disrupted dahil sa pagpasok ng kasalanan ng tao. Pero hindi ibig sabihin nito na nasira ang plano ng Diyos, as we will see later on.
- Ikatlo, ito lang yung nag-iisang araw na “binasbasan” at “ginawang banal” ng Diyos: “So God blessed the seventh day and made it holy” (Gen. 1:3). Ibig sabihin, may higit itong significance kumpara sa unang anim na araw, at “holy” dahil ito ay set apart for ordinary use. Ito rin yung basis ng ikaapat na utos, “Remember the Sabbath day, to keep it holy” (Ex. 20:8). Bakit daw sila magpapahinga sa ikapitong araw? “Sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya’t binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal” (Ex. 20:11 AB).
- Ikaapat, di tulad ng unang anim na araw, ang “ikapitong araw” ay inulit nang tatlong beses, at dalawang beses pa nga as pronouns: “And on the seventh day God finished his work that he had done, and he rested on the seventh day from all his work that he had done. So God blessed the seventh day and made it (the seventh day) holy, because on it (the seventh day) God rested from all his work that he had done in creation” (Gen. 2:2-3). Kapag paulit-ulit, may emphasis, nag-iindicate na mahalaga ang araw na ‘to.
- Lastly, ang ikapitong araw ay walang kapares na araw. Yung first six days meron. Yung unang araw ay kapares ng ikaapat na araw, yung araw na nilikha ng Diyos ang magiging laman ng nilikha niya sa unang araw. Yung ikalawang araw ay kapares ng ikalimang araw. Yung ikatlong araw ay kapares ng ikaanim na araw. Pero ang ikapitong araw ay nag-iisa, bukod tangi, na siyang culmination o end goal ng ginawa ng Diyos sa unang anim na araw. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay papunta sa destinasyong ito.
Theology: Ano ang matututunan natin tungkol sa Diyos dito?
Ngayong nakita na natin kung paano naging espesyal ang ikapitong araw, tingnan naman natin ngayon ang mas mahalagang tanong: Ano ang matututunan natin dito tungkol sa Diyos? Ano ang theology ng seventh day? Let me focus our reflections on three key words na paulit-ulit binanggit sa tekstong ito: work, finish, and rest.
“Work”: Nakasalalay ang lahat sa gawa ng Diyos sa paglikha—at sa pagliligtas.
Ang una ay tungkol sa gawa ng Diyos. Tatlong beses binanggit dito ang salitang “work” na tumutukoy lahat sa ginawa ng Diyos sa unang anim na araw: “Nang ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa (ESV, his work that he had done), at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa (ESV, his work that he had done). At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa (ESV, his work that he had done).” Bago natin pag-usapan ang pahinga, pag-usapan muna natin ang trabaho o gawain. Dahil ang pahinga ay pahinga pagkatapos ng trabahong ginawa. Hindi ito yung pahinga na palagi ka namang walang ginagawa! That doesn’t reflect who God is—remember that we are image bearers—dahil ang Diyos natin ay gumagawa, nagtatrabaho. Our God is a working God. At ang trabahong tinutukoy rito ay ang gawain niya sa paglikha ng lahat ng bagay. Kung hindi gumawa ang Diyos, wala ang lahat ng bagay, wala tayo. Ibig sabihin: Nakasalalay ang lahat sa gawa ng Diyos sa paglikha.
And by implication, nakasalalay rin ang lahat sa gawa ng Diyos sa pagliligtas. Noong sinabi kasing sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos, hindi ibig sabihin nun na tumigil na siya sa paggawa in an absolute sense. Tumigil siya sa paggawa sa paglikha, pero hindi siya tumigil sa paggawa sa probidensiya. Ito yung nagpapatuloy na paggawa ng Diyos para pamahalaan at para pangalagaan ang kanyang nilikha, at para tiyakin na lahat ng nangyayari sa kasaysayan ay ayon sa kanyang itinakdang plano at layunin. Kung titigil ang Diyos sa paggawa, malalagutan tayo ng hininga at mamamatay (Ps. 104:29). Kung ayon sa Colossians 1:17 at Hebrews 1:3 ay si Cristo ang mayhawak ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita, magkakagulo at maglalaho ang lahat kung titigil sa paggawa si Cristo. We are absolutely dependent on God’s work in creation and providence and salvation.
Hindi tumitigil si Cristo sa paggawa ng gawaing ibinigay sa kanya ng Ama. Sabi niya, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako” (John 5:17). Kaya nga hindi niya kailangan ang araw ng pahinga. Patuloy sa paggawa ang Ama at ang Anak ng isang gawain para tayong mga makasalanan ay maligtas. “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak” (John 5:19). Kung wala tayong ginawa para magkaroon ng buhay, wala rin tayong magagawa para magkaroon ng bagong buhay at para maayos ang sirang relasyon natin sa Diyos. We are absolutely dependent on Christ’s work—and the Father’s work and the Spirit’s work—for our salvation. Kaya nga naparito si Cristo. Sabi niya sa mga disciples niya, “Ang pagkain ko’y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin” (John 4:34).
“Finish”: Tiyak na tatapusin ng Diyos ang kanyang gawain ng pagliligtas—tulad ng sa paglikha.
That brings us sa second key word sa teksto natin: finish. Ang gawa ng Diyos tatapusin niya. Wala siyang sinisimulang gawain na ia-abandon niya o aayawan na niya. Yung salitang “tapusin” sa John 4:34 ay telos sa Greek na tumutukoy sa pagiging tapos, kumpleto, perpekto. Ito rin yung salitang ginamit sa Genesis 2:1-2 sa Greek translation ng Hebrew Old Testament (na tinatawag ding Septuagint o LXX dahil 70 persons yung involved sa pagsasalin nito): “Thus the heavens and the earth were finished (LXX, root word telos), and all the host of them. And on the seventh day God finished (root word telos) his work that he had done…” So, nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw dahil tinapos na niya ang kanyang gawain sa loob ng anim na araw. Wala nang dapat gawin, tapos na. Walang kailangang retokihin, ayos na lahat, perfect na. Wala nang dapat balikan, wala nang naiwang trabaho. Kumpleto na. Yun ay kung ang work of creation ang pag-uusapan. Pero meron pang hindi tapos na gawain—yung restoration ng buong nilikha ng Diyos na nasira ng kasalanan. Pero yun din ay tiyak na tatapusin niya. Heto ang matututunan natin dito: Tiyak na tatapusin ng Diyos ang kanyang gawain ng pagliligtas—tulad ng sa paglikha.
Ang natapos na gawa ni Cristo para bayaran ang ating mga kasalanan ang isang matibay na ebidensiya to support this. Sabi niya sa kanyang high priestly prayer sa John 17:4, “I glorified you on earth, having accomplished (telos) the work that you gave me to do.” Yun ay pagtanaw sa gagawin niya ilang oras pagkatapos nito. Ipapako siya sa krus kahit wala siyang kasalanan, kahit lahat ng ginawa niyang trabaho ay mabuti at nakalulugod sa Diyos. Gagawin niya yun para sa ating mga makasalanan. Habang nakapako siya sa krus, sabi niya bago siya tuluyang malagutan ng hininga, “It is finished” (John 19:30). Sa Greek, tetelestai, na ang root word din ay telos. Tapos na, kumpleto na, perpekto at sapat na ang ginawa ni Cristo sa krus. Wala ka nang ibang dapat pang gawin, wala ka nang maidaragdag pa, wala ka nang dapat ayusin, wala ka nang dapat pang pagtrabahuhan para makuha ang pagpapatawad at pagtanggap ng Diyos. Wala na. It is finished.
Totoo ngang yung sanctification natin ay hindi pa tapos. Pinababanal pa tayo ng Diyos, hanggat may natitira pang kasalanan sa atin. One day, tatapusin niya, sa glorification, kapag completely ay tulad na tayo ni Cristo. Marami pa tayong pinagdadaanan hirap on the way to glory, pero tiyak tayo na lahat ‘yan ay tatapusin ng Diyos. Tulad ng kumpiyansang meron si Pablo: “Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin (from Greek telos, kukumpletuhin, tatapusin) hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo” (Phil. 1:6).
“Rest”: Sa Diyos lang natin matatagpuan ang ating kapahingahan—sa pamamagitan ni Cristo na ating Tagapagligtas.
Itong mga Israelita na unang bumasa nitong Genesis, ganito rin ang maiisip nila at magiging kumpiyansa sila na yung sinimulang gawin ng Diyos sa exodus ay tatapusin at kukumpletuhin niya. Matapos ang mahabang panahon na pagod na pagod na sila sa paikut-ikot sa disyerto ay matatagpuan nila ang kapahingahan pagdating sa lupang ipinangako ng Diyos. Sa huling sermon niya sa mga Israelita, tinawag ni Moises ang pagpunta nila sa lugar na yun na “kapahingahan” na ibibigay ng Diyos sa kanila (Deut. 12:9-10 AB). Ipinaalala rin yun ni Joshua, yung pumalit kay Moises, bago sila pumasok sa lupaing iyon, na iyon ay “lugar ng kapahingahan” na ibibigay sa kanila ng Diyos (Jos. 1:13 AB).
Isa ito sa significance kung bakit binigyang-diin sa teksto natin ang tungkol sa “pahinga” o “rest” ng Diyos: “…nagpahinga siya (ESV, he rested) nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa. At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos (ESV, God rested) sa lahat ng gawain na kanyang ginawa” (Gen. 2:2-3 AB). Ang salitang “nagpahinga” ay galing sa salitang sabat. Nagpahinga ang Diyos hindi dahil napagod siya at kailangang ma-replenish ang strength niya. Of course not! He is almighty, infinite in power. Nang gamitin niya ang kapangyarihan niya sa paglikha, ni hindi man siya hiningal kahit isang saglit, o may nabawas man lang na konting lakas sa kanya. Siya ay Diyos na “abundant in power” (Ps. 147:5). “Itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig. Hindi siya napapagod” (Isa. 40:28). “Ang tagapagtanggol ng bayang Israel, hindi natutulog at palaging gising” (Ps. 121:4)!
Nagpahinga ang Diyos hindi dahil kailangan niya. Yun ay dahil natapos na siya sa ginawa niyang paglikha. Literally, ibig sabihin ng sabat ay tumigil na o huminto na. Ito rin ang root word ng Sabbath na tumutukoy sa ikapitong araw na araw ng pamamahinga na iniutos ng Diyos sa Israel (Ex. 20:8-11). Magtatrabaho sila ng anim na araw tulad ng Diyos na nagtrabaho ng anim na araw sa paglikha pero hihinto sila sa pagtatrabaho sa ikapitong araw tulad ng Diyos na huminto sa kanyang gawain ng paglikha sa ikapitong araw. Nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw hindi dahil kailangan niya kundi dahil kailangan natin para matutunan din nating magpahinga na tulad niya. Yun din naman ang ibig sabihin ng created in the image of God, para tularan ang Diyos (ESV Expository Commentary, 1:47).
But more than that, hindi lang ito para huminto tayo sa karaniwan nating ginagawa. Ito ay para ipa-realize sa atin ang end goal o pinakalayunin kung bakit tayo nilikha. Hindi para magtrabaho nang magtrabaho, although kasama yung trabaho sa purpose ng Diyos sa atin. But ultimately, para hanapin at masumpungan ang kapahingahan natin sa kanya. Ito ang ipinapaalala sa Israel sa pagpapagawa ng Diyos ng tabernacle kay Moises. Nang matapos niya ito hawig ito sa Genesis 2:1-2, “Natapos (LXX telos) ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya” (Ex. 40:33). Natapos na, nasaan ang pahinga? “The glory of Yahweh filled the tabernacle” (Ex. 40:34 LSB). Ito ang sasama sa kanila sa buong paglalakbay nila, hanggang sa lupang pangako. Ang kapahingahan nila ay wala sa lupang titirhan nila o sa kundisyon ng paligid nila. Ang kapahingahan nila ay nasa presensya at pagsama ng Diyos sa kanila.
Kung hindi sila sasamahan ng Diyos, kung hindi sila magtitiwala sa pagsama ng Diyos sa kanila, hindi nila mararanasan ang kapahingahan ng Diyos. Kaya nga sabi ng Diyos sa mga unbelieving Israelites, “They shall not enter my rest” (Ps. 95:11). Ginamit din itong passage na ‘to ng author ng Hebrews para bigyang-diin na hindi si Joshua (Gk. Iesous) ang makapagbibigay sa kanila ng kapahingahan. Ang “Sabbath rest for the people of God” (Heb. 4:8-9) ay matatagpuan natin sa true and better Joshua, sa Panginoong Jesus (Iesous) lamang, wala nang iba. Siya ang gumawa ng trabahong ipinagawa sa kanya ng Ama para maligtas tayo, and he accomplished that on the cross: “It is finished.” Yun ay para masumpungan natin ang kapahingahan natin sa Diyos lamang. So, heto ang theology na matututunan natin sa bahaging ito, at sa kabuuan ng teksto natin: Sa Diyos lang natin matatagpuan ang kapahingahan—sa pamamagitan ni Cristo na ating Tagapagligtas.
Life: Ano ang kinalaman nito sa buhay natin?
Kung gayon, ano ngayon ang kinalaman nito sa buhay natin? Paano matuturuan ang puso natin na hanapin ang kapahingahang ito sa Diyos na lumikha sa atin at nagpahinga sa ikapitong araw? Magbibigay ako ng lima:
Alalahanin mo palagi ang pinakalayunin (chief end) ng buhay mo.
Ano ang pinakalayunin ng buhay natin? Yes, mahalaga yung matutunan natin na nilikha tayo in the image of God. Yun ang essence ng human nature, yun din ang magbibigay sa atin ng direction kung ano yung mga dapat nating gawin sa buhay. Pero kapag pinakalayunin o chief end ang pag-uusapan, hindi lang ito tungkol sa tama ba ang iniisip at pinaniniwalaan natin (siyempre mahalaga yun), hindi lang ito tungkol sa kung tama ba ang ginagawa natin (siyempre mahalaga rin yun). Pero ito ang pinakamahalaga sa lahat: ang puso ba natin ay nasa tamang kalalagayan. Is our heart in the right place?
Very insightful yung prayer sa simula ng book ni Augustine na Confessions, na spiritual biography niya na isinulat niya in the form of a prayer to God: “Nilikha mo kami para sa iyong sarili, at ang aming puso ay hindi mapapanatag hangga’t hindi nito nasusumpungan ang kapahingahan sa iyo” (1.1). Sa isa pang bahagi nito, sinabi ni Augustine na kapag ang mga bagay ay wala sa “intended position” nito, nagiging restless ito. Tulad ng apoy, ang movement nito ay papataas; ang bato, kapag hinagis mo, babagsak pababa; ang langis kapag binuhos mo sa tubig mananatili sa ibabaw. “Once they are in their ordered position, they are at rest” (13.9). Sa book ni James K. A. Smith na You Are What You Love, sinabi niyang alam natin ito kasi kapag may floater sa swimming pool o sa dagat tapos ilulubog natin yun, hindi yun mapapakali, restless, hanggang mapunta sa ibabaw kung saan siya dapat, saka pa lamang at rest (p. 14). Kaya ang puso ng tao ay magiging at rest lang kung ito ay nasa Panginoon na siyang lumikha sa atin para sa kanyang sarili. Tulad ng sagot ng Westminster Shorter Catechism Question 1 tungkol sa “chief end of man”: “The chief end of man is glorify God and to enjoy him forever.”
Alalahanin mo na ang Diyos na Lumikha sa ‘yo ang patuloy na gumagawa sa buhay mo. Kaya, maglaan ka ng sapat na oras at araw ng pahinga.
Hindi ka nilikha ng Diyos para magtrabaho ng magtrabaho. Hindi natutulog ang Diyos, kaya pwede at dapat tayong matulog nang pitong oras at least araw-araw. Hindi napapagod ang Diyos, kaya pwede at dapat tayong magpahinga isang araw at least sa loob ng isang linggo. Hindi nagkukulang ang Diyos sa pagkakaloob ng pangangailangan natin, kaya wala kang dapat ikabahala kapag nagpahinga nga at tumigil pansamantala sa pagtatrabaho. Sabi sa notes ng ESV Gospel Transformation Bible: “Mas maraming magagawa ang Diyos sa anim na araw natin kaysa sa magagawa natin nang pitong araw. Kaya pwede tayong magpahinga at dapat tayong magpahinga sa kanya.” Nahihirapan ka bang magpahinga? Nahihirapan ka bang magtiwala na merong Diyos na patuloy na gumagawa sa buhay mo?
Alalahanin mong hindi mo masusumpungan ang tunay na kapahingahan nang hiwalay kay Cristo.
Mahalaga ang pisikal na pahinga. Kahit ang Panginoong Jesus nga, dahil siya’y Diyos na naging tao, kaya nagpapahinga at natutulog din siya. Kahit nga malakas ang bagyo sa dagat, masarap ang pagtulog niya, wala siyang ipinag-aalala (Mark 4:38). He is Lord over all creation na kayang patigilin ang lakas ng hangin at pakalmahin ang dagat (Mark 4:39). Siya rin ang nag-aanyaya sa mga puso nating hindi mapakali, hindi mapakalma, hindi matahimik, lumapit sa kanya: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako’y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan” (Mat. 11:28-29). Meron sa inyo na hanggang ngayon ay hinahanap ang kapahingahan sa mas magandang trabaho, sa mas malaking sweldo, sa mas maayos na karelasyon, sa mas masunuring mga anak, sa approval ng ibang tao, sa satisfaction na maibibigay ng mga accomplishments sa eskwelahan, trabaho, o ministry. Tandaan mo, hindi mo diyan matatagpuan ang kapahingahang hinahanap ng puso mo. Lumapit ka kay Cristo. Find your rest in him.
Alalahanin mo palagi ang natapos nang ginawa ni Cristo sa krus para sa atin.
Hindi ka talaga mapapahinga kung iniisip mong sa gawa mo nakasalalay ang lahat. How can our work ever be enough? Ang good news: sapat na ang ginawa ni Cristo para sa atin. Yun ang panghawakan natin, yun ang kapitan natin, yun ang palagi nating alalahanin. Kaya nga mahalaga na every Sunday we gather. Yes, hindi ito yung ikapitong araw tulad ng Sabbath sa Old Testament. Ito ang unang araw, this is the Lord’s Day, ang araw na si Cristo ay muling nabuhay, the day of God’s new creation. Whenever we gather as a church, inaalala natin, ine-enjoy natin, ipinagdiriwang natin ang natapos na gawa ng Diyos sa paglikha at pagliligtas sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Kaya naririnig natin yung gospel every Sunday sa sermon, sa mga prayers, sa mga songs, sa buong service natin. Kasi mahalagang maalala, mahalagang ipaalala sa bawat isa, so that our hearts will find the rest we need. Hindi ang araw ng Linggo ang magbibigay sa atin ng kapahingahan. Hindi rin ang church. Si Cristo lang. Ipaalala mo ‘yan sa sarili mo araw-araw. Ipaalala mo ‘yan sa mga kapatid mo kay Cristo every time you have opportunity.
Abangan mo ang walang hanggang kapahingahang mapapasaiyo sa pagbabalik ni Cristo.
Yan ang kinasasabikan natin every Lord’s Day, every time we have Lord’s Supper. We anticipate the Lord’s coming again for us. Sa araw na yun, bagong nilikha na, bagong langit, bagong lupa. “Ang tahanan ng Diyos (God’s resting place) ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata (tapos na ang iyakan!). Wala nang kamatayan (tapos na!), dalamhati (tapos na!), pagtangis (tapos na!), at paghihirap (tapos na!) sapagkat lumipas na ang dating mga bagay (tapos na!)” (Rev. 21:3-4). If you are in Christ kasama ka diyan. Kung hindi, hindi pa tapos ang paghihirap mo, mas lalo pa ngang hihirap dahil itatapon ka sa isang miserableng lugar, “away from the presence of the Lord” forever (2 Thess. 1:9), “walang kapahingahan araw at gabi” (Rev. 14:11 AB). Kung hindi ka matututong magpahinga kay Cristo sa mga araw na meron ka sa buhay na ito, you will never ever find the rest you need forever. Pero ang mga nakay Cristo, sila ang tunay na pinagpala. Kapag sila’y namatay, “sila’y magpapahinga sa kanilang mga gawa” (Rev. 14:13 AB). We will enjoy God forever. We will find rest in God’s presence forever.
Conclusion: Ang Sarap Magpahinga!
Yun ay dahil sa Diyos lang natin matatagpuan ang tunay na kapahingahan—sa pamamagitan ni Cristo na ating Tagapagligtas, ang ating tunay na kapahingahan. Kung ang puso mo ngayon, o dumating ang araw na ang puso mo ay magsabing, “Ang hirap magpahinga!”, alalahanin mong sa gawa ng Diyos hindi sa gawa mo nakasalalay ang lahat sa buhay natin, alalahanin mong tatapusin ng Diyos ang gawang sinimulan niya dahil sa natapos nang gawa ni Cristo sa krus para sa ‘yo, alalahanin mong ang kapahingahang hanap mo ay kay Cristo mo lang matatagpuan, at wala nang iba. At dalangin ko na masabi mo nang buong puso, as a result of that, “Ang sarap magpahinga! Ang sarap talagang magpahinga sa piling ng Panginoon!”
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

