The Exodus and the Gospel
The Gospel Story
Kung ikaw ay isang Kristiyano, ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay mo ay hindi yung araw na ipinanganak ka, hindi yung nakagraduate ka, o nagkaasawa ka, o nagkaanak ka, o nagkaroon ka ng bahay at kotse. Ang pinakamahalaga ay yung araw na iniligtas ka ng Diyos. Although kapag ganito ang pag-uusapan, yung iba inaalala yung “spiritual birthday” nila, yung araw raw na na-born again sila, although sa maraming Christians na tulad ko, hindi ko rin alam kung ano ang eksaktong araw na yun. Oo, noong panahon na nagsisi tayo sa kasalanan natin at sumampalataya kay Cristo, noon nai-apply ang kaligtasan natin. Pero yung araw na na-accomplished ang kaligtasang ito ay nangyari bago pa tayo ipanganak, dalawang libong taon na ang nakararaan, noong ipako si Cristo sa krus, namatay bilang handog sa ating mga kasalanan bilang kahalili natin, at muling nabuhay sa ikatlong araw. Yan ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos. Yan ang pinakamahalagang araw para sa ating mga Kristiyano. Dahil kung hindi nangyari ‘yan, alipin ka pa rin ng kasalanan, nakakapit sa mga sinasamba mong mga diyos-diyosan, nasa ilalim ng poot ng Diyos, at balang araw ay ibubuhos sa ‘yo ang tindi ng bagsik ng parusa ng Diyos for all eternity. Kaya ang araw ng pagliligtas sa atin ng Diyos—ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo—ay dapat at mahalagang balik-balikan natin at huwag nating kalilimutan.
The Passover Story (Exod. 12)
Para naman sa mga Israelita sa panahon ng Lumang Tipan, ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan nila ay yung araw na nakalabas sila sa Egipto at nakalaya sa pagkakaalipin after 430 years.
Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon. (Ex. 12:40-42 MBB)
Dapat lang din at napakahalagang balik-balikan ang araw na yun ng pagliligtas ng Diyos at ang paraan na ginamit ng Diyos para sila’y maligtas. Paano sila naligtas? Naligtas sila sa pamamagitan ng dugo ng tupa—“It is the Lord’s Passover” (12:11). Nagbanta kasi ang Diyos ng ikasampung salot, papatayin ang lahat ng panganay sa Egipto—tao at hayop. Sa gabi na dadaan ang Diyos para patayin ang lahat ng panganay, nagbigay siya ng paraan para maligtas ang mga panganay ng Israel. Paano? Nasa 12:1-13 ang detalye. Kailangan nilang kumuha ng panganay na tupa, lalaki, isang taong gulang, walang kapintasan. Papatayin. Ang dugo nito ay ipapahid sa hamba ng pintuan ng bahay. Lilitsunin ang tupa at pagsasaluhan ng buong pamilya. Dapat silang nasa loob lang ng bahay sa gabing iyon. Sabi ng Diyos:
“Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. (vv. 12-13)
Ganun nga ang ginawa ng mga Israelita. Ganun nga ang ginawa ng Diyos. Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Diyos ang lahat ng panganay sa Egypt (v. 29). Pero nailigtas ang mga Israelita sa pamamagitan ng dugo ng tupa. Kung hindi dahil sa dugo ng tupa, ang mga panganay nila sana ay namatay rin. Lahat ng tao deserving na mamatay at parusahan ng Diyos. Awa at habag lang ng Diyos kung bakit naligtas ang Israel, sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa provision ng Diyos para maligtas sila—ang dugo ng tupa. Kaya ayun, pinagtabuyan na sila ng hari at ng mga tao, para umalis na. Nung umaga na yun, nagmamadali na silang umalis palabas ng Egipto, patungo sa lupa na ipinangako ng Diyos sa kanila. Ang araw na ito ng pagliligtas ng Diyos sa kanila ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan nila.
Ang greater significance ng pangyayaring ito ay hindi lang tungkol sa pagpapalaya sa mga alipin (not just physical or political salvation), kundi pagpapalaya mula sa kasalanan (spiritual salvation). Hindi ito misinterpretation ng exodus story. Ito ang tamang interpretasyon nito dahil sa typology.
Ano ba ang typology?
Ang “typology” ay isang paraan ng pagtingin sa isang tao, isang pangyayari, o isang bagay sa Old Testament para maunawaan kung paano ito nakakonekta sa isang tao, isang pangyayari, o isang bagay sa New Testament. Ibig sabihin, sa plano ng Diyos sa pagliligtas sa atin, itinakda niya na mangyari itong exodus para ihanda ang Israel at ang buong mundo sa pagliligtas na gagawin niya sa pamamagitan ni Cristo.
Ang New Testament ang nagpapaliwanag ng bahaging ito ng Old Testament. Hindi naman talaga makapagliligtas ang dugo ng tupa. Pero sa plano ng Diyos sa pagliligtas sa atin, ito ay nag-aabang o nag-aanticipate ng pagdating ng Tagapagligtas na siyang magiging substitute at kakatayin para hindi tayo maparusahan ng walang hanggang kamatayan. Sabi ni Juan nang dumating si Jesus, John 1:29, “Behold, the Lamb of God, who takes away the sin of the world!” Ganun din ang sabi ni Paul, 1 Corinthians 5:7, “For Christ, our Passover lamb, has been sacrificed.” Hindi pwedeng palampasin lang ng Diyos ang kasalanan natin at patawarin na walang kabayaran. He is holy, righteous, and just. Kailangang may magbayad. “Without the shedding of blood there is no forgiveness of sins” (Heb. 9:22). Ang dugo ay nagrerepresent ng buhay na kailangang ialay para tayo’y hindi mamatay. “Sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo at iniutos sa inyo ng Panginoon na ang dugo ay gamitin ninyo bilang pantubos sa inyong mga kasalanan, dahil ang dugo ang nagbibigay ng buhay, ang siyang pantubos ng tao sa kanyang mga kasalanan” (Lev 17:11 ASD). Ang buhay ni Cristo, ang kanyang kamatayan sa krus, ang naging pantubos sa ating mga kasalanan para tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. “At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa (o poot) ng Dios dahil kay Cristo” (Rom. 5:9 ASD).
Kaya mahalaga ang typology. Mas mauunawaan natin ang exodus story in light of the gospel story. At mas mauunawaan din natin ang gospel—ang ginawa ni Cristo para sa atin—kung pag-aaralan natin ang exodus story.
Gospel Amnesia
Mahalagang maunawaan ang gospel. Kung ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan—at sa buhay natin—mahalagang palaging marinig, mahalagang palaging alalahanin, mahalagang balik-balikan, mahalagang tiyakin natin na hindi natin ‘to makakalimutan. Meron kasi tayong sakit na tinatawag na “gospel amnesia.” Yung iba sa inyo baka hindi pa alam kung ano ang gospel. Mahalagang alam n’yo ‘yan, diyan nakasalalay ang buhay n’yo! At kung alam ang gospel, talaga bang pinaniniwalaan mo ‘to? Talaga bang pinahahalagahan mo ito sa puso mo? At kung oo, madalas nakakalimot pa rin tayo. Hindi ito “memory” problem lang kasi tumatanda ka na, nagiging makakalimutin ka na. This is a “heart” problem. Kapag meron kayong problemang mag-asawa, nakakalimutan mo ang kapangyarihan ng gospel na humilom sa sugat sa puso n’yo. Kapag meron ka problemang pinansiyal, nakakalimutan mo ang yaman na meron tayo kay Cristo. Kapag natutukso kang hanapin ang kaligayahan mo sa isang tao, o sa sex, o sa porn, o sa trabaho, nakakalimutan mo ang napakalaking kagalakang meron ka kay Cristo. Kapag natutukso kang gawin ang ministry para patunayan mo ang sarili mo sa Diyos na karapat-dapat ka sa mga blessings niya, nakakalimutan mo na nilinis ka na, pinatawad ka na, tinanggap ka na dahil sa dugo ni Cristo at hindi dahil sa anumang naiambag mo.
Ano ang solusyon sa gospel amnesia? Ano ang solusyon sa pusong madaling makalimot? Ang paulit-ulit na paalala. Ito ang dahilan kung bakit isinulat ang exodus story, para ikuwento nang paulit-ulit sa bagong henerasyon ng mga Israelita na papasok sa Promised Land, para hindi sila matulad sa mga naunang henerasyon na ang dali-daling lumimot sa pagliligtas ng Diyos sa kanila. Kaya ayun, reklamo sila nang reklamo, hindi sila nagtiwala sa Diyos, hindi sila sumunod sa Diyos. Dahil dun, nagpaikut-ikot sila sa disyerto hanggang pagkatapos ng halos 40 taon ay mamatay nang lahat ang henerasyon ng mga Israelitang lumabas sa Egipto, maliban kina Joshua at Caleb, at sa mga 20 taon pababa noong lumabas sa Egipto. Nakamamatay ang amnesia.
Napakabuti ng Diyos. Siya na rin ang gumawa ng paraan para hindi sila makalimot. Pansinin n’yo dito sa Exodus 12-13 na nakasingit ang ilang mga instructions kung ano ang gagawin nilang mga ritwal na paulit-ulit gagawin para hindi sila makalimot sa pagliligtas ng Diyos sa kanila. Merong tatlong rituals ang gagawin nila—The Passover Feast (Pista ng Paskuwa o Paglampas ng Anghel, to be followed by the weeklong Feast of the Unleavened Bread (Pista ng Tinapay na Walang Lebadura o Pampaalsa), annual ito pareho; at yung pangatlo ay minsanan lang, Consecration of the Firstborn. Ito ay utos na kailangang sundin hanggang ng mga susunod na salinlahi:
- “Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito’y maaalala ninyo ang aking ginawa.” (12:14 MBB)
- “Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito’y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi.” (12:17)
- “Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh” (vv. 24-25)
This is non-negotiable. Hindi pwede i-reschedule, hindi pwedeng i-postponed, hindi pwedeng i-cancel (Stuart, Exodus, 336). Utos na dapat sundin ayon sa oras na itinalaga ng Panginoon. At isa sa primary purposes ng tatlong ito ay para magsilbing reminder ng exodus story:
- “Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito’y maaalala ninyo ang aking ginawa (a memorial day).” (12:14 MBB)
- “Aalalahanin (remember) ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkaalipin sa bansang Egipto; mula roo’y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.” (13:3)
- “Ang pag-alalang (memorial) ito’y magiging isang palatandaan (sign) sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yahweh, sapagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan.” (13:9)
- “Ang paghahandog na ito’y magsisilbing palatandaan, tulad ng tatak sa inyong kamay o sa inyong noo; ito’y pag-alala sa ginawa ni Yahweh nang kayo’y ilabas niya sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.” (13:16)
So, one year later, nasa Sinai na sila, ginawa nila yung Passover (Num. 9:1-5). Tapos inulit na naman yung mga regulations tungkol dun habang nandun sila sa Sinai at bago sila pumasok sa Promised Land 38 years later (Lev. 23:4-8; Num 28:16-25; Deut 16:1-8). Habang nasa disyerto kasi sila, paikut-ikot nang mahabang panahon, dinidisiplina ng Diyos dahil sa kanilang kasalanan, walang passover celebration. Nagkaroon na lang ulit nung nasa Canaan na sila sa ilalim na ng leadership ni Joshua (Jos. 5:10). Dapat taun-taon nila ginagawa, pero merong period ng history nila na hindi nila ito ginagawa. Mula panahon ng mga judges hanggang sa panahon ng mga hari ng Israel at Judah, matagal na hindi nila ito ginawa, maliban noong panahon ni King Josiah (2 Kings 23:21-23). Tapos na-exile pa sila sa Babylon ng 70 years. Nagawa na lang ulit ang Passover pagbalik ng mga exiles sa Jerusalem (Ezra 6:19-22). Tingnan n’yo, nagkakaroon ng spiritual decline sa Israel kung di nila sinusunod ang utos ng Diyos sa Passover, at nakakalimutan ang nangyari sa exodus. So ang mga rituals na ‘to ay hindi optional na pwedeng gawin kung gusto mo at pwede ring hindi kung ayaw mo. This is essential. Ang pag-alala sa ginawang pagliligtas ng Diyos ay napakahalaga. Mapapahamak ang mga lumilimot sa ginawa ng Diyos.
Remembering the Exodus Story
Kaya mahalagang alalahin ang exodus story, at para mangyari yun ay nagbigay ang Diyos ng tatlong rituals na kailangan nilang gawin.
The Passover Feast (12:24-27, 43-49)
Ang una ay yung Passover. Yung instruction para sa first Passover ay nasa Exodus 12:1-13. Pero ang gusto ng Diyos ay patuloy na gawin ito “as a feast to the Lord” (v. 14). Nakasulat ang mga tuntuning kailangan nilang sundin sa pagsasagawa nito sa 12:24-27, 43-49.
Tuwing kailan gagawin? Ang Diyos ang nag-set ng schedule. First month, fourteenth day (Lev. 23:5). Sino ang kasali? “Buong Israel” ang kasali sa celebration (Ex. 12:47). Nagpapakita ito ng pagkakaisa ng buong bayang iniligtas ng Diyos. Hindi ito individual, private celebration, but corporate. Bagamat bawat bahay ang celebration, pero sabay-sabay sila. Pero bawal ang “dayuhan” (vv. 43, 45). Hindi ito para sa mga outsiders. Hindi ibig sabihin na racial discrimination ‘to. Exclusive religious observance kasi ang Passover. Hindi para sa lahat. Para lang ito sa mga insiders, sa mga covenant members. So, lahat ng miyembro ng pamilya kasali. Yung mga “slaves” pwede ring makasali kung sila ay circumcised na (vv. 44, 48). Yung circumcision kasi ang iniutos ng Diyos kay Abraham na sign of the covenant. “This is my covenant, which you shall keep, between me and you and your offspring after you: Every male among you shall be circumcised” (Gen. 17:10). Kapag tuli ka, o kung babae ka, yung asawa o tatay mo ay tuli, kasali ka rin. Para itong lisensya o passport na marka ng citizenship. Kapag uncircumcised, outsider ka, hindi ka pwedeng makisalo sa Passover meal.
Paano gagawin? How? “Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito” (Ex. 12:46 ASD). Malinaw ‘yan. Maliban sa kung bakit hindi babaliin ang buto. Anupaman ang ibang ibig sabihin niyan, malamang na ang isa ay ito—nagtuturo ito sa sakripisyo na gagawin ni Cristo sa krus. Yung dalawang nakapako na katabi ni Jesus ay binali ang binti para masiguradong mamatay. Pero nung nakita nila na patay na si Jesus, hindi na nila binali ang binti nito (John 19:32-33). Sabi ni Juan na sumulat ng Gospel na ‘to, “Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan (sa Ex. 12:46 at Num. 9:12), ‘Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.”
Bakit o para saan ito? Kanina, nabanggit ko na na ito ay for remembrance ng ginawa ng Diyos sa exodus. Pero bukod dun, ito rin ay para maikuwento sa susunod na henerasyon, sa mga anak nila, kung sino si Yahweh at kung ano ang ginawa niya. This is for retelling God’s story to their children, for catechizing them in the faith.
Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio. (Ex. 12:26-27 ASD)
So, hindi lang ito para patibayin ang sarili nilang pananampalataya kay Yahweh, kundi para maipasa rin sa susunod na salinlahi ang pananampalatayang iyon. Napakalaki ng responsibilidad ng mga magulang dito, lalo na ng tatay ng bawat tahanan.
The Feast of the Unleavened Bread (12:14-20; 13:3-10)
Ang instructions dito ay nasa Exodus 12:14-20; 13:3-10. Tuwing kailan gagawin? Taun-taon din tulad ng Passover (Ex. 13:10). Magkakabit ‘yan. Kinabukasan pagkatapos ng Passover, tapos tatakbo ng seven days (Ex. 12:18; Lev. 23:6).
Paano gagawin? Sa first and seventh day nito, may pagtitipon para sumamba sa Diyos, kaya bawal magtrabaho (12:16; 13:6). Bawal kumain ng tinapay na may pampaalsa (12:15, 20; 13:3, 7). Actually, kahit anong pampaalsa ay dapat alisin sa bahay.
Bakit o para saan ito? Tulad ng Passover, ito rin ay pag-alala sa ginawang pagliligtas ng Diyos sa exodus (12:17). Tulad ng Passover, ito rin ay pagkakataon para ituro sa mga anak ang ginawa ng Diyos. “Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako’y umalis sa Ehipto’” (13:8). Take note, “Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin…”—a very personal testimony sa pagliligtas ng Diyos. Hindi lang dahil sa ginawa ng Diyos, kundi dahil sa ginawa ng Diyos para sa akin.
Bukod dito, ang yeast ay karaniwang nagsisimbolo ng kasalanan o kasamaan. Hindi ba’t sinabihan ni Jesus ang mga disciples niya, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo” (Mat. 16:6 MBB). Ang tinutukoy niya ay yung kanilang maling katuruan (v. 12), pati yung kanilang hypocrisy (Luke 12:1). So nais ituro ng Diyos sa Israel na ang exodus ay hindi lang tungkol sa paglabas nila mula sa pagkakaalipin sa Egipto, kundi ng nais ng Diyos na sa buong buhay nila ay mailabas ang kasamaan ng Egipto na nananatili pa sa puso nila, ayon nga sa isang komentaryong nabasa ko. This is not about their salvation, but also about their sanctification. Kaya merong pagdidisiplina ang Diyos. “…ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon” (Ex. 12:15). Napakahalaga nito kaya paulit-ulit ang instruction dito na bawal kumain ng tinapay na may pampaalsa during that week. “Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa” (v. 19). Ginamit din ni Pablo ang ganitong prinsipyo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto nang sabihan niyang itiwalag ang isang miyembro na nagpapatuloy sa sexual immorality:
Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo’y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. Kaya’t ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan. (1 Cor. 5:6-8)
Hindi lang natin dapat alalahanin ang pagliligtas na ginawa ng Diyos para sa atin, kundi kung anong klaseng buhay—a life of holiness—ang inilatag ng Diyos para sa kanyang mga iniligtas. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi lang natin itinuturo ang gospel, pina-practice din natin ang church discipline para ituwid ang mga kapatid nating hindi namumuhay ayon sa gospel na sinasabi nilang pinaniniwalaan nila.
The Consecration of the Firstborn (13:1-2, 11-16)
Ang pangatlo naman ay yung tinatawag na “consecration of the firstborn” na nakasulat sa Exodus 13:1-2, 11-16. Karaniwang ginagamit ang passage na ito as basis sa common practice ng maraming churches na tinatawag na “child dedication,” na dati rin naman nating pina-practice. Dati. Ibig sabihin, hindi na ngayon. Instead, kung gusto ng mga magulang, we can have a thanksgiving celebration at ipagpe-pray ang buong pamilya. Pero walang seremonya o ritwal ng paghahandog ng bata sa Panginoon. Para sa marami sa inyo, maaaring nagtataka kayo kung bakit, o di kayo sumasang-ayon. I understand that. Pero pakinggan n’yo muna ang paliwanag ko, at mamaya sa members meeting, mas mapag-uusapan pa natin ‘to.
Mag-focus tayo ngayon sa pag-unawa kung ano ang itinuturo ng “consecration of the firstborn” una sa Israel, at saka natin tingnan kung ano ang application nito sa atin ngayon. Hindi ito iniutos sa atin, kundi sa Israel. Sina Jose at Maria, bilang masunuring mga Judio, ay inihandog si Jesus sa Panginoon. “Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog (o iharap) sa Panginoon. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon (sa Exodus 13!), “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog (o italaga) sa Panginoon’” (Luke 2:22-23). Nag-offer din sila ng sacrifice na isang pares ng ibon (v. 24). Dapat sana ay tupa, pero may provision sa law na kung hindi afford ang tupa, pwede na yung kalapati (Lev. 12:8).
Ang tanong, ano ang ginagawa sa paghahandog ng panganay at ano ang ibig sabihin nito? “Consecrate to me all the firstborn” (Ex. 13:2). Tao man ‘yan o hayop, sabi ng Panginoon, “Sa akin ‘yan!” Yun ang ibig sabihin ng “You shall set apart to the Lord all that first opens the womb” (v. 12). God is claiming ownership ng firstborn. Hindi ibig sabihing hindi sa kanya ang ibang mga anak. Ang firstborn kasi ay significant sa family dahil sila ang may “special responsibilities for family leadership” (Stuart, 311), kumbaga, nagre-represent din ng buong family. More importantly, ito ay nagpapaalala ng pagliligtas ng Diyos sa kanila sa huling salot sa Egypt:
Lahat ng panganay na lalaki ng mga asno ay tutubusin ninyo ng tupa; kung ayaw ninyong tubusin, baliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang mga anak ninyong panganay. 14 Darating ang araw na itatanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito. Sabihin ninyo sa kanila na kayo’y iniligtas ni Yahweh mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Sabihin ninyo na nang magmatigas ang Faraon at ayaw kayong payagang umalis sa Egipto, pinatay ni Yahweh ang lahat nilang panganay, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kaya ninyo inihahandog sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki, ngunit ang anak ninyong panganay ay inyong tinutubos. 16 Ang paghahandog na ito’y magsisilbing palatandaan, tulad ng tatak sa inyong kamay o sa inyong noo; ito’y pag-alala sa ginawa ni Yahweh nang kayo’y ilabas niya sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. (vv. 13-16)
Again, tulad ng Passover at Feast of Unleavened Bread, itong Consecration of Firstborn ay palatandaan at paalala sa ginawa ng Diyos sa kanila. Mamamatay rin kasi ang mga panganay nila, pero naligtas dahil tinubos sila ng dugo ng tupa. Kaya yung paghahandog sa panganay ay parang paghahandog ng hayop na papatayin at susunugin. Pero yung donkey dahil siguro malaki at ginagamit sa kabuhayan, at yung tao, ay hindi papatayin kundi tutubusin sa pamamagitan ng paghahandog ng tupa na kapalit nito. So, parang yung sinabi ng Diyos kay Abraham na ihandog ang kanyang anak bilang handog na susunugin (Gen. 22), pero nagbigay ang Diyos ng kapalit na tupa. So, dahil tinubos ang panganay nilang anak, sa halip na pinatay para ihandog sa Panginoon, napaka-powerful na reminder ito ng pagliligtas ng Diyos sa Israel. Tuwing meron silang Passover meal taun-taon, nasa isang dining table, nakikita nila yung panganay nila, at inaalala nila, “Patay na sana ang kuya ninyo ngayon. Pero siya’y buhay dahil sa dugo ng tupa na inihandog na pantubos sa kanya at kapalit niya.”
Kaya ang lahat ng ito—The Passover Meal, the Feast of the Unleavened Bread, and the Consecration of the Firstborn—ay nakaturo at nakaabang sa ginawang sakripisyo ni Cristo sa krus. Siya yung Firstborn pero siya ang pinatay bilang kapalit natin, para tubusin tayo ng kanyang dugo, para tayo’y mabuhay sa halip na magdusa ng kamatayan, at mapabilang sa pamilya ng Diyos, kasalo ang Diyos at lahat ng kanyang mga anak sa isang hapag-kainan.
Seeing and Tasting the Gospel Today
So, ano ngayon ang katumbas na application ng Consecration of the Firstborn? Sa palagay ko ay hindi akma o kulang ang ganyang tanong. Kasi, ang meaning nito ay hindi isolated kundi nakakabit sa iba pang ritwal dito sa Exodus 12-13. So ang mas akmang tanong ay ganito, ano ang katumbas na application ng Passover, Feast of the Unleavened Bread, at Consecration of the Firstborn sa panahon natin ngayon? Hindi pwedeng kokopyahin lang natin ‘yan o pipiliin lang kung ano ang gusto nating gawin o dahil sa kung ano ang nakasanayan. Dapat nating i-interpret at i-apply ang mga utos sa Israel in light of its fulfillment in Christ. Hindi pwedeng laktawan si Cristo. He is the key that unlocks the meaning and fulfillment of the Law (Matt. 5:17).
So, kung ang tatlong seremonyang ito ay palatandaan o paalala sa pagliligtas ng Diyos sa Israel mula sa Egypt, ano naman ngayon ang nagsisilbing palatandaan para makita at maalala natin ang pagliligtas na ginawa sa atin ni Cristo? Bukod siyempre sa malinaw at tapat na preaching of the gospel, nag-iwan si Cristo ng dalawang ordinansa o sakramento para hindi lang natin marinig ang gospel, kundi makita natin—ang baptism (minsanan lang) at ang Lord’s Supper na ginagawa naman natin twice a month, during 2nd Sunday morning service, at 4th Sunday evening service. Although walang nakalagay sa New Testament kung gaano kadalas dapat gawin. Yung baptism ang katumbas ng circumcision para sa Israel. Ang Lord’s Supper naman ang katumbas nitong Passover, Feast of the Unleavened Bread, at Consecration of the Firstborn.
Huling hapunan ni Jesus kasama ang mga disciples niya. “Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa” (Luke 22:7). Ginayak nila ang hapunan sa isang kuwarto. Sinabi ni Jesus sa kanila na ang tinapay ay ang kanyang katawan na inihandog at ang inumin ay ang kanyang dugong ibinuhos para sa kanila. Si Jesus ang panganay na tupa na kinatay sa krus para sa kanila. Sabi pa niya, “Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin” (v. 19). Ito rin ang sinabi ni Pablo tungkol sa Banal na Hapunan na kailangan nating gawin para alalahanin ang sakripisyo ni Cristo para sa atin (1 Cor. 11:23-26).
Ito ay para lamang sa mga nakay Cristo—those who belong to God’s family. Dun sa mga nagprofess ng kanilang faith kay Cristo sa pamamagitan ng bautismo. Kaya merong warning si Paul para sa kaseryosohan ng sakramentong ito (vv. 27-28). Hindi ito para sa lahat. Ito ay pakikibahagi sa katawan at dugo ni Cristo (1 Cor. 10:16). Ito ay hapag-kainan ng magkakapamilya kay Cristo. At tuwing magtitipon tayo para magsalu-salo, ibinubukod natin ang sarili natin sa mundo, idinedeklara sa lahat ng naririto na, “Ako ay nakay Cristo. Siya ang Tagapagligtas ko. Siya ang tumubos sa akin mula sa parusang nararapat para sa akin.” At kasalo natin si Cristo sa hapag na ito. Siya yung Panganay na pinatay at muling nabuhay. He is “the firstborn among many brothers” (Rom. 8:29). Family meal. Magkakapatid tayo sa Panginoon. Anumang differences or disagreements ay hindi natin hinahayaang makasira sa pagkakaisa na meron tayo kay Cristo. “Because there is one bread, we who are many are one body, for we all partake of the one bread” (1 Cor. 10:17).
At dahil pagkain ang pinili ng Diyos na simbolo para maalala natin ang pagliligtas ni Cristo, gusto rin niya na hindi lang makita natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin, kundi matikman, malasap, maramdaman, mabusog sa pagkaing inihahain sa atin ng Panginoon, to taste and see that the Lord is good in the good news of the gospel of our Savior Jesus. At ang lahat ng ito ay patikim pa lang, a foretaste of what is to come sa pagbabalik ni Cristo. Magkakasalo tayo sa “marriage supper of the Lamb” (Rev. 19:9). At hindi lang tayo, marami tayong makakasalo: “Marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit” (Mat. 8:11). At habang hinihintay natin ang engrandeng handaang ‘yan, we will continue to celebrate the Lord’s Supper. Hindi lang aalalahin ang sakripisyo ni Cristo para sa atin, kundi ipapahayag sa iba. “For as often as you eat this bread and drink the cup, you proclaim the Lord’s death until he comes” (1 Cor 11:26).
At kapag nagtanong ang anak natin, “Daddy, ano ang ibig sabihin niyan?” O kahit hindi sila magtanong, sasabihin natin, ikukuwento natin, ituturo natin, we will catechize them, “Anak, ang ibig sabihin niya, namatay si Cristo para tayo ay mabuhay. Kung ikaw ay sasampalataya sa kanya, maliligtas ka at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.” Do you tell the gospel story to your children? O hinahayaan n’yo lang ang Facebook, ang YouTube, o mga kabarkada nila ang magkatekismo at magdisciple sa kanila? Wag kang magtaka kung bakit ang mga younger generation ay nalalayo sa Panginoon kung ang mga magulang naman ay nagpapabaya sa pagtuturo ng gospel sa kanilang mga anak.
At para sa lahat sa inyo na nakay Cristo, pinahahalagahan n’yo ba ang ibinigay ng Diyos na paraan—ang Lord’s Supper—para alalahanin ang mabuting balita ni Cristo? Kung mas pinahahalagahan mo pa ang mga tradisyong gawa-gawa ng tao o nakasanayan dahil tradisyon nang higit sa Banal na Hapunan, something is really wrong. Meron ka bang commitment na dumalo every Lord’s Day sa church, at inaaming meron kang gospel amnesia, kaya kailangan mo ang paalala ng Diyos sa pamamagitan ng pagtitipon ng church—as we sing the gospel, pray the gospel, listen to the gospel preached, and taste and see the gospel sa pamamagitan ng baptism at Lord’s Supper? O baka merong mga Sundays na ine-excuse mo ang sarili mo at sinasabing, “Nainvite kasi ako sa binyag ng anak ng kaibigan ko”; “May dumating kasing bisita sa bahay”; “Meron kasi kaming family outing.”
Nagbigay ang Diyos sa atin ng paraan para alalahanin natin ang gospel over and over again kasi alam niya na kailangan natin. Hindi ito burdensome na responsibility. Ito ay gracious invitation para sa atin na nagugutom at hindi naman nasisiyahan talaga sa mga pagkaing alok ng Egiptong mundong ito, “Come and eat.” Pupunta ka ba? O aabsent? O mag-eexcuse? O saka na lang? Ang sabi ng Panginoon, “Come.” Para ‘yan sa lahat ng nauuhaw, nagugutom, at nabibigatan. Ang pangako niya, papawiin niya ang uhaw mo, bubusugin niya ang kaluluwa mo, at bibigyan ka ng tunay na kapahingahan. “Come to the table.”