Part 10 – Iniligtas ng Dugo ng Tupa (Ex. 11-12)

Alam mo ba kung ano ang paraan para maligtas ang tao?

‌Iba-iba ang sagot ng mga tao sa tanong na “Paano maliligtas ang tao?” Depende. Ang tingin ng iba, hindi naman kasi kailangan ang kaligtasan. Ibig sabihin, wala naman masyadong problema. Okay naman ang tao, basically good. ‘Yan ang paniwala ng secularism. Wala namang Diyos. Walang dapat problemahin, maliban sa pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay. At kung meron mang Diyos, ang gusto niya at ang plano niya ay walang mapapahamak kahit isa. Kaya walang paparusahan, lahat sa langit mapupunta, kung meron mang langit. Ito yung tinatawag na universalism. Kung naniniwala man na makasalanan ang tao, pero mahal naman daw ng Diyos ang lahat, kaya walang impiyerno, walang mapaparusahan. Happy ang lahat!

‌Yung liberation theology naman, ang nagiging focus ay yung malaking problema ng tao sa kahirapan, sa pang-aapi, sa kawalang-hustisya. Kaya nakaka-identify sila sa mga Israelita na inalipin sa Exodus. At yung salvation ay katulad ng pagpapalaya ng Diyos sa mga inaapi laban sa mga nang-aapi sa kanila. This is a failure in biblical theology. Hindi nakita ang pinaka-essence ng exodus at ang katuparan nito hanggang sa pagdating ni Cristo. Na ang pinakamalaking problema ng tao ay ang pagkaakalipin sa kasalanan at pagsamba sa mga diyos-diyosan, kaya ang kaligtasan ay ang mapalaya tayo sa kasalanan patungo sa pagsamba sa Diyos at sa malapit na ugnayan sa kanya.

‌Ganito rin naman ang pinaniniwalaan ng Roman Catholicism. Si Cristo ang tagapagligtas ng mga tao mula sa kasalanan. Pero dahil naniniwala sila na ang justification—o ang paraan para maituring na matuwid ang tao sa harap ng Diyos—ay hindi lang sa pamamagitan ng pananampalataya (not by faith alone) kundi sa pamamagitan ng pananampalataya at mabuting gawa. Kung titingnan nating mabuti ang kuwento ng pagliligtas ng Diyos sa mga Israelita sa Exodus, napakagandang larawan ito para makita natin na wala ni anumang gawa ang maiaambag natin sa kaligtasang ang Diyos lang ang makagagawa.

‌Kaya mahalagang maglaan tayo ng panahon sa pag-aaral ng Exodus at tingnan ito in light of biblical theology o kung paano ito titingnan sa takbo ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos o redemptive history na ang pinakakatuparan ay si Cristo. Ang Exodus kasi ay hindi lang istorya ng Israel, kundi istorya rin ng bawat isa sa atin na nakay Cristo. Kung babasahin natin ito sa ganitong pananaw, makikita natin na yung problema ng Israel dito ay sumasalamin din sa laki ng pangangailangan natin ng tagapagligtas. At yung laki ng ginawa ng Diyos para sa kanila ay sumasalamin din sa laki ng ginawa ng Diyos sa pagliligtas sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Ang Exodus ay napakagandang larawan ng dakilang kaligtasan na natamo natin dahil kay Cristo.

‌Nasaan na ba tayo sa kuwento ng Exodus? Natapos na natin ang first ten chapters. Ngayon ay chapters 11 to 12. Hindi pa rin nakakalaya ang mga Israelita sa pagkakagapos nila bilang mga alipin sa Egipto. 430 years na. Napakahabang panahon na. Pero sa wakas, nandito na tayo sa huling araw ng kanilang pagkakaalipin, matutupad din ang lahat ng sinabi ng Diyos. Heto ang dulo ng chapter 12, “Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto…Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi” (vv. 41-42, 51). Matagal na panahong alipin sila. Kailangan nila ng tagapagligtas. Sino? Si Yahweh ang nagligtas sa kanila. Ang tanong, paano ito ginawa ni Yahweh?

‌Alam na nating si Moises ang ginamit niyang instrumento to lead his people out of Egypt. Sa simula pa lang sinabi na ng Diyos na gagawa si Moises ng mga kababalaghan ayon sa kapangyarihan ng Diyos ngunit patitigasin ng Diyos ang puso ng Pharaoh para hindi niya sila payagang umalis at para dumami pa ang mga kababalaghang gagawin ng Diyos (4:21). Itinuturing ng Diyos na “firstborn” ang Israel kaya ganito ang ipinapasabi niya kay Pharaoh, “Ang Israel ay aking anak na panganay. Payagan mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay” (4:22-23). Panganay na anak ng hari ang kabayaran sa pang-aapi na ginagawa ng hari sa “panganay” ng Diyos—ang Israel. Pero hindi naman ito agad na ginawa ng Diyos. Nagpadala muna siya ng siyam na magkakasunod na mga salot sa kanila—tubig na naging dugo, mga palaka, mga lamok, mga langaw, mga hayop na namatay, pigsa, malalaking tipak ng yelong ulan, mga balang, at kadiliman. Pero sa lahat ng ito ay walang napinsala na mga Israelita. Determinado ang Diyos na iligtas ang Israel at parusahan ang Egypt sa pagliligtas na gagawin ng Diyos.

‌Hanggang sa ika-siyam na salot matigas pa rin ang puso ng Pharaoh at pinatitigas pa ng Diyos kaya ayaw pa rin niyang paalisin ang mga Israelita (10:27). Heto yung huling sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo” (v. 28). Nanggigil na itong hari, talong-talo na siya, ang taas-taas pa rin ng pride niya. Akala mo namang nasa kanya ang power of life and death kaya may death threat pa siya kay Moises. Sino kaya ang mamamatay sa susunod? Sarcastic na lang siguro yung sagot ni Moises, “Masusunod ang gusto ninyo…Hindi mo na ako muling makikita” (v. 29). Kasi magkikita pa sila, at sa pagkikita nila patutunayan ng Diyos kung nakanino ang power of life and death.

‌WORD: Ipinahayag ni Yahweh ang Ikasampu at Panghuling Salot (11:1-10)

‌Hindi mapanghahawakan ang salita ng Pharaoh. Empty threats lang yun. Pero kapag ang Diyos ang nagsalita, yun ang may tunay na kapangyarihan. Kapag ang Diyos ang nagsalita, makakaasa ka at magkakaroon ka ng matibay na katiyakan sa ipinangako niyang kaligtasan. Ganito ang sabi niya kay Moises nang ipahayag niya ang ikasampu at panghuling salot na, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay” (11:1-2). Ibang-iba sa mga naunang siyam na salot, itong panghuli ay papayag na ang hari na umalis sila. At hindi lang basta papayag na may hesitations or conditions pa, kundi ipagtatabuyan na sila. At may baon-baon pa raw sila kapag humingi sila ng mga “alahas na pilak o ginto” sa mga Egyptians! Ibibigay kaya sa kanila kapag humingi sila? Malalaman natin mamaya. Pero ang Diyos na ang nagsabi. Pagdududahan mo pa? May sinabi ba siya na hindi totoo? Na hindi nangyari? Hindi lang basta alam niya ang future. Siya ang may hawak ng puso ng tao. “Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan” (v. 3). God is at work sa heart ng mga Egyptians to give grace sa mga Israelites. Ang puso ng hari pinatitigas niya, pero ang puso ng mga Egyptians papalambutin niya para bigyan sila ng pabor sa pag-alis nila.

‌Merong salita ng pagliligtas ng Diyos. Meron ding salita ng paghatol, hinted na sa verse 1 yung tungkol sa huling salot. At ano yung huling salot? Sinabi ng Diyos kay Moises na sinabi naman niya sa Pharaoh, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto,at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman” (vv. 4-6). Ang ibang salot naman ay galing lahat sa Diyos. Pero ito mas direct ang involvement ng Diyos, “Ako mismo ang gagawa nito.” Ang Diyos ang papatay sa lahat ng panganay—panganay ng hari, panganay ng mga ordinaryong tao, at pati mga hayop—lahat ng panganay ay mamamatay. Diyos ang may hawak ng buhay ng tao. Sa Diyos din tayo mananagot. Makatarungan ba ang Diyos sa gagawin niyang ito? Oo. Si Yahweh ang “the judge of all the earth,” at lahat ng kanyang ginagawa ay tama (Gen. 18:25), kahit sa tingin natin ay parang hindi tama, parang unfair o parang napakalupit naman. Deserving ba sila na maparusahan? Oo. Lahat ng tao ay nagkasala, at ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 3:23; 6:23).‌

Hindi lang sinasabi ng Diyos na tiyak ang pagliligtas at pagpaparusa niya. Sinasabi rin niya, at siya ang nagpapasya, kung sino ang ililigtas niya at kung sino ang parurusahan niya. God is sovereign in salvation and judgment. Sabi pa ni Moises kay Pharoah, “Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio” (v. 7). Hindi dahil may kinikilangan ang Diyos o unfair ang Diyos. Yun ay dahil malaya siyang piliin kung sino ang ililigtas niya. Hindi naman dahil mas deserving ang Israel ng salvation, at less deserving sila ng judgment. Yun ay dahil sa mga gracious promises ng Diyos (2:23-25).

‌At this point, very strong na yung confidence ni Moises na kapag sinabi ng Diyos siguradong mangyayari. Kaya sabi niya kay Pharaoh, “Lahat ng tauhan mo’y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito’y aalis ako.” At pagkasabi’y “galit na galit” na umalis si Moises (vv. 7-8). Yung verses 9-10 ay parang summary statement ng response ni Pharaoh sa bawat salita ng Diyos tungkol sa mga salot. Ipinaalala ng Diyos kina Moises at Aaron na hindi makikinig ang hari, magmamatigas ang puso, at yun ay para mas dumami pa ang mga kamangha-manghang bagay na gagawin ng Diyos, “that my wonders may be multiplied in the land of Egypt” (v. 9). At yun nga ang nangyari, tulad ng sinabi ng Diyos.

‌Theological Reflection: Paano nagpapakilala ang Diyos sa pamamagitan ng mga salot?

‌At ang layunin ng Diyos sa lahat ng sinabi niyang ito at sa lahat ng ginagawa niya dito sa Exodus ay para ipakilala ang kanyang sarili sa atin, “that my wonders may be multiplied” (Ex. 11:9-10). Para makilala siya na wala nang ibang diyos na katulad niya. Later on sasabihin ng Diyos kay Moises, “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh” (12:12). Ang ginagawa ng Diyos ay judgment against the gods of Egypt. Wala naman talagang ibang diyos. Si Yahweh lang. Ipinapakita ng Diyos ang kahangalan ng pagtitiwala sa mga di-tunay na diyos. Yung ika-siyam (kadiliman) at ika-sampung salot ay related kasi kasi si Pharaoh ay itinuturing na anak ng sun god na si Re sa Egyptian religion. Directly inaatake ng Diyos ang “power” ni Pharaoh para patunayan na impotent siya compared sa power ni Yahweh. Siya lang ang may power over life and death (Peter Enns, Exodus, 245).

‌Walang kuwenta, walang silbi, kahalangalan lang ang magtiwala sa mga idols—pera man ‘yan, o asawa, o sex, o popularity, o trabaho, o anumang bagay na pinahahalagahan natin nang higit sa Diyos. Ipinapakilala ng Diyos ang sarili niya na siya ang Diyos na:‌

  • makapangyarihan sa lahat—lahat ng kanyang nilikha ay nasa kanyang mga kamay at magagawa niya ang lahat ng kanyang naisin at balakin; ang buhay ng lahat ng tao ay nasa kanyang mga kamay;
  • nagmamahal nang lubos sa kanyang piniling iligtas—sa lahat ng mga salot ay ibinubukod niya ang Israel para hindi sila mapahamak;
  • makatarungan—ang paparusahan niya ay yung mga nararapat na parusahan;
  • maawain—kinahabagan niya ang Israel hindi dahil hindi sila dapat parusahan, kundi dahil sa yaman ng kanyang awa;
  • malaya sa pagpapasya o sovereign—kaaawaan niya ang gusto niyang kaawaan at kahahabagan niya ang gusto niyang kahabagan (Exod. 33:19).

‌Para saan ang mga kuwentong ito sa Exodus? Hindi para ma-entertain sa kuwento, o ma-amazed sa mga nangyayari, o ma-curious sa mga questions, kundi para kilalanin kung paano nagpapakilala ang Diyos. Kilala mo na ba ang Diyos na nagsasalita ngayon?

‌Nagbigay ang Diyos ng Paraan para Maligtas sa Salot: “The Passover Lamb” (12:1-28)

‌Sinabi ko kanina na ang Israel ay equally deserving of judgment, hindi lang ang Egypt. Pinagdudahan din naman nila ang salita ng Diyos. Naging impatient din naman sila. Nagreklamo rin naman sila. At sumasamba rin sa mga diyos-diyosan sa Egypt. You’ll see more of that kapag nasa wilderness na sila! Yung mga nakaraang plagues, may separation, ibinubukod talaga ng Diyos ang Israel. Wala naman silang dapat gawin para maligtas sa salot. Pero dito sa panghuli, kapag hindi nila gagawin ang ipinapagawa ng Diyos, masasalot din sila. So God provided a means of rescue para makaligtas sila sa ikasampung salot. Yun naman ang nakasulat sa chapter 12, na ang kaligtasan nila ay sa pamamagitan ng paraan na ibibigay ng Diyos para maligtas sila sa salot—the passover lamb.

‌Tinatawag itong “passover” dahil ang sabi ng Diyos, “I will pass over you”; “lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto” (v. 13). Pero meron silang kailangang gawin para lampasan sila, dahil kung hindi, mamamatay rin ang mga panganay nila. Sa verses 1-13 sasabihin ng Diyos yung instructions kung ano ang dapat gawin sa unang passover. Sa verses 14-20 naman, pati sa verses 43-49, ay mga instructions sa annual celebration ng passover pati ng feast of the unleavened bread (also 13:1-16) na gagawin para alalahain ang pagliligtas na ginawa sa kanila ng Diyos. We will talk more about that next week. Pero ngayon focus muna tayo sa nangyari sa unang passover. This is very significant sa history nila, “the first month of the year for you” (v. 1). Ito na ang magmamarka sa simula ng kalendaryo nila, bagong taon, bagong buhay.

‌Anu-ano ang requirements sa passover? Kailangan kumuha ng isang tupa o kambing para sa bawat pamilya sa ika-sampung araw (vv. 3-4). Kung maliit ang isang pamilya, pwedeng sharing sa kapitbahay. Ang tupa ay kailangang lalaki, walang kapintasan (vv. 4-5). Sa 14th day, papatayin kapag lulubog na ang araw (vv. 6, 21). Ibig sabihin four days muna sa bahay. Siyempre, kung panganay namin ‘yan na si Daniel, pati si Stephen at Kyrie, makikipaglaro pa at gagawing pet ang tupa. Tapos, papatayin! Ang hirap nun lalo na sa panganay na naka-identify na dun sa tupa. Magtatanong sa ‘kin ang mga anak ko, “Daddy, bakit?” At umiiyak pa. Ipapaliwanag ko naman, “Kailangang patayin ang tupa para hindi mamatay ang kuya.”

‌Kahit umiiyak ang mga bata, gigilitan ang leeg ng tupa. Tutulo ang dugo. Tapos yung dugo ng tupa ay ipapahid sa hamba ng pintuan ng bahay (vv. 7, 22). Tapos lilitsunin yung tupa, hindi pwedeng kilawin, hindi pwedeng sinigang; tapos may kapartner na tinapay na unleavened at mga mapapait na gulay (vv. 8-9). Tapos kakainin lahat, mabilisan lang, walang ititira, at kung may matira ay kailangang sunugin (vv. 10-11). “It is the Lord’s Passover” (v. 11). At sa gabing iyon, wala dapat lalabas ng bahay habang dumadaan ang Anghel ng Diyos—ang Diyos mismo!—para patayin ang lahat ng panganay (v. 22).

‌Heto ang sabi ng Diyos, “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto” (vv. 12-13). Kung tutuusin, hindi naman kailangan ng Diyos na marka para makita niya kung sino ang lalampasan niya. He’s all knowing. Pero yung dugo na yun ang itinakda niyang paraan para sila’y maligtas. Ang buhay ng tupa ang naging kapalit, ang umako ng parusang igagawad ng Diyos, para mabuhay ang kanilang mga panganay.

‌Sa plan of salvation na itinakda ng Diyos sa simula’t simula pa, ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng substitute, merong kapalit na kailangang umako ng parusa para maibigay ang kaligtasan. Sa Genesis 22, nang papatayin na si Isaac ni Abraham para siya’y ihandog sa Diyos, pinigilan siya ng Diyos, at nagbigay ang Diyos ng kapalit na tupa na siyang pinatay para si Isaac—ang panganay ayon sa pangako ng Diyos—ay mabuhay. At dito sa Exodus 12, ang tupa ay pinatay para ang panganay ng bawat pamilya ay mabuhay. Sa Leviticus 16, sa Day of Atonement, taun-taon, merong kambing na papatayin para tubusin sa kasalanan ang buong Israel—ang panganay ng Diyos. May plano ba ang Diyos para iligtas ang buong mundo?

‌Gospel Reflection: Jesus the Lamb of God

‌That is the message of the gospel. Nang makita ni John si Jesus na papalapit sa kanya, sinabi niya, “The next day he saw Jesus coming toward him, and said, “Behold, the Lamb of God, who takes away the sin of the world” (John 1:29)! Bago pa likhain ang mundo, ito na ang plano ng Diyos (Rev. 13:8; 1 Pet. 1:19-20; Acts 2:23). Si Paul naman, diretsong sinabi at ipinaalala na Christ is “our Passover lamb” (1 Cor 5:7). Siya rin ay firstborn, panganay at nag-iisang Anak ng Diyos. Kung paanong ang Diyos ang nagbigay ng ihahandog para mailigtas ang mga Israelita, ang Diyos din ang nagbigay ng kanyang nag-iisang Anak na pinakamamahal para sa atin na mga deserving of death—physical, spiritual and eternal death (John 3:16; Matt. 3:17). Siya rin ang Tupa na walang kapintasan. Hindi dahil physically unblemished siya, kundi dahil siya ay perfectly, morally pure. “He committed no sin” (1 Pet 2:22); tinukso siya na tulad natin “yet without sin” (Heb 4:15); inihandog niya ang kanyang sarili “without blemish to God” (Heb. 9:14); nang sumigaw ang mga tao na ipako siya sa krus, sabi ni Pilato, “I find no guilt in him” (John 19:6). Wala siyang kasalanan para hatulan na maparusahan ng kamatayan. Pero siya ang inialay ng Diyos—ang Panganay ng Diyos ang inialay niya!—para sa atin, bilang kahalili natin, our substitute, para sa halip na tayo ang mamatay at mahatulan ng parusa, siya ang pinarusahan in our place. That is the good news of the gospel! Hindi ba’t napakagandang balita niyan para sa atin?

‌Ang tanong, kinikilala mo ba na ‘yan ay mabuting balita? That’s the point ng dugo na ipinahid sa hamba ng pintuan. Di mo na kailangang magtanong sa Diyos, bakit kailangang gawin? You take that by faith. Kung hindi mo gagawin, ibig sabihin hindi ka nagtitiwala sa paraan ng kaligtasan ng Diyos. Kaya nang sabihin ni Moises sa mga elders ng Israel kung ano ang kailangang gawin, nagtiwala sila sa Diyos at ginawa ng mga Israelita ang sinabi ng Diyos na gawin nila (Ex. 12:28). Sa katunayan, yumuko sila sa Diyos at sumamba (v. 27). Ikaw, do you believe in Jesus, na sapat ang ginawa niya sa krus para sa ‘yong kaligtasan? John 3:16, “For God so loved the world, that he gave his only Son, that whoever believes in him should not perish but have eternal life.” Ibig sabihin, kung hindi ka nagtitiwala sa kanya, mapapahamak ka. Tulad ng nangyari sa mga Egyptians.

‌JUDGMENT: Pinatay ni Yahweh ang Lahat ng Panganay (12:29-32)

‌“Nang hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki” (vv. 29-30). Ang mga bahay nila ay naging mga bahay ng patay na kuya. Kapag nagbigay ng threat of judgment ang Diyos, ginagawa niya, tinototoo niya, hindi empty threat lang para takutin ka lang. Seryoso siya kung humatol. Makatarungan siya kung humatol. Namatay ang lahat ng panganay sa Egypt. Talagang nag-iiyakan sila dahil sa nangyari. Ito ay preview lang ng mas matitindi pang parusa ng Diyos sa sinumang patuloy sa pagmamatigas ng puso, at hindi nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at nagtitiwala kay Cristo. Pero lahat ng natatakpan ng dugo ng Passover Lamb ay maliligtas sa matinding poot ng Diyos, tulad ng pagliligtas sa mga Israelita.

Gospel Reflection: The Lamb Who Was Slain

‌Tayo rin ay nararapat na patayin dahil sa ating mga kasalanan. Pero merong umako ng parusa na nararapat para sa atin. Merong umako ng bagsik ng galit ng Diyos sa kasalanan. Kaya yung kamatayan ni Jesus ay tinatawag na “propitiation” o pagpawi ng galit ng Diyos. Napawi ang galit ng Diyos dahil sa dugo ni Cristo (Rom. 3:25). Noong nakapako siya sa krus, yun na ang huling Passover. Sinabi ni Philip Ryken na ito ay “theologically significant” na saktong nakapako si Cristo sa panahon ng Passover feast (Exodus, 325). Sinabi pa niya na makikita natin ang koneksyon ng unang Passover dito sa Exodus at yung panghuling Passover—yung sakripisyo ni Cristo sa krus. Noong araw na pumasok si Jesus sa Jerusalem ay araw na ang mga Passover lambs ay ipinapasok din sa Jerusalem, at nung nag-celebrate si Jesus ng Last Supper kasama ang mga disciples niya, Passover celebration yun (Matt. 6:17). Sabi niya, “Ito ang aking katawan…Ito ang aking dugo” (vv. 26-28). Hindi pa nila naiintindihan yun noon, pero ang sinasabi ni Jesus, “Ang Passover ay tungkol sa akin. Ako ang sacrificial lamb.” Then, ipinako na si Cristo. Late afternoon, bisperas ng Passover. Bago lumubog ang araw, libu-libong mga tupa ang kakatayin at ihahandog ng bawat pamilya, ayon sa kautusan ni Moises. Sa buong siyudad, ang mga tatay ay naghahanda na maghandog, titipunin ang kanilang pamilya, at sasabihin, “Ang Diyos ang nagbigay ng handog na tupa para sa atin.” At sa may templo, yung high priest ay naggagayak din ng tupa na ihahandog para sa kasalanan ng Israel. Habang si Jesus ay nandun, nakabitin sa krus, dumadanak ang dugo mula sa kanyang mga kamay at tagiliran. Siya ang Lamb of God na nag-aalis ng mga kasalanan ng mundo—ng kasalanan ko, ng kasalanan mo.

‌At yun ay kung aaminin mo ang kasalanan mo, at hihingi ka ng tawad sa Diyos, at sasampalataya ka kay Jesus na umako ng mga kasalanan mo. Paano kung hindi ka magrerepent? Tulad ni Pharaoh. Nang gabi ring iyon ay ipinatawag niya sina Moises at Aaron, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako” (vv. 31-32). Sabi niya, “Bless me also.” Hindi naman siya repentant. Hindi naman maluwag sa loob niya na paalisin sila. His will was forced dahil sa nangyari. Tapos mag-eexpect siya ng “blessing”? Tulad ng mga tao ngayon, gusto lang ang blessing ng Diyos, pero ayaw namang tumalikod sa kasalanan nila. Walang blessing kung walang repentance. Walang salvation kung walang repentance and faith in Jesus.

‌SALVATION: Pinalaya ng Diyos ang mga Alipin (12:33-51)

‌Merong blessing para sa mga nakay Cristo. “Blessed be the God and Father of our Lord Jesus Christ, who has blessed us in Christ with every spiritual blessing in the heavenly places” (Eph. 1:3). Napakalaking pagpapala ang tinanggap ng mga Israelita—kung ikukumpara nga naman sa dati nilang buhay bilang mga alipin. Mga Egyptians na mismo ang nag-aapura sa kanila para lumabas na sila mula sa Egypt. Ang sabi nila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito” (v. 33). Kaya ayun, nag-empake na sila, dala-dala yung mga minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa dahil nga nagmamadali sila (vv. 34, 39). At yung mga na-solicit nila na mga alahas na ginto at pilak at mga damit ay dala nila, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises (v. 35). “Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila’y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio” (v. 36). Ito yung sinabi ng Diyos na mangyayari kanina (11:2). “Niloob” ito ni Yahweh. So, “nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio.” Eto yung gagamitin nila throughout their journey. Provisions ito galing sa Diyos. Yung word na ginamit dito, “plundered,” ay parang negative dahil parang pagnanakaw yun sa panahon natin. Pero ito ay parang sa giyera na kapag natalo yung kaaway, mapupunta sa victor yung kayamanan nila. Wala pa silang ginagawa, panalo na sila. The Lord ensures victory for his people. Sasabihin ng iba mukhang hindi tama yun na kinuha nila yun kayamanan ng mga Egyptians. But take note, ang lahat ng kayamanan ay galing sa Diyos at nasa kanyang kapamahalaan kung kanino ito ibibigay. At hindi naman nila ninakaw, ibinigay ito sa kanila.

‌Kapag nagligtas ang Diyos, ibibigay niya rin ang lahat ng kailangan natin throughout our journey. It doesn’t mean na bibigyan din tayo ng Diyos ng ganitong mga kayamanan. Minsan oo, kung kailangan natin. Pero dapat aware din tayo sa dangers ng mga riches na ‘to, na later on ay makikita natin na naging paraan para magamit pa para gumawa sila ng golden calf na kanilang sasambahin. Blessing ng Diyos, pero kapag ginamit sa paraang mas pinahalagahan pa kesa sa Diyos na nagbigay, nagiging idol, at nakakasama, hindi nakakabuti. Hindi ito ang pakanasain natin. Alalahanin natin na lahat ng mga spiritual blessings ay nasa atin na through the Lord Jesus Christ (Eph. 1:3).

‌Nagsimula nang maglakbay ang mga Israelita, palabas ng Egypt, at papunta sa lupang pagdadalhan sa kanila ng Diyos. Sabi sa verse 37, 600,000 lahat ng lalaki, so kung isasama ang mga babae at mga bata, aabot ‘yan ng dalawang milyon. Sabi ng iba, imposible raw na ganyan karami. Napakahirap niyan logistically. Kaya posible daw na yung word na “thousands” ay “clans” ang translation, 600 clans. So, baka less than 100,000 ang bilang nila. Ganunpaman, marami pa rin. At hindi naman imposible na ganyan karami dahil nga sa pagtupad ng pangako ng Diyos kay Abraham na gagawin siyang isang malaking bansa (Gen. 12:1-3). At hindi lang naman sila ang umalis ng Egypt. Kasama ang mga hayop, at meron ding sumama sa kanila na “mixed multitude” (Ex. 12:38). May ibang lahi, meron din sigurong ibang Egyptians. Ang kaligtasan ay primarily naranasan ng mga Israelites, pero hindi ito exclusive sa kanila. Consistent ito sa pangako ng Diyos kay Abraham, “In you all the families of the earth shall be blessed” (Gen. 12:3).

Gospel Reflection: Nothing But the Blood of Jesus

‌Kaya ang Great Commission sa atin ay “make disciples of all nations” (Matt. 28:19). Dahil ang Tupa na pinatay ay para sa lahat ng lahi, “you were slain, and by your blood you ransomed people for God from every tribe and language and people and nation” (Rev. 5:9). Kaya sa pagbabalik ni Cristo, nakita ni apostle John sa vision niya yung “great multitude” na di mabilang sa dami, mula sa bawat lahi, mga nakatayo sa harapan ng Tupa (si Cristo!) na sumisigaw nang malakas, “Salvation belongs to our God who sits on the throne, and to the Lamb” (7:9)! Maliligtas ang bawat lahi sa buong mundo, ang bawat isa sa atin, sa parehong paraan din na tulad ng pagliligtas ng Diyos sa Israel—sa pamamagitan ng dugo ng Tupa, ng Passover Lamb. Hindi ng dugo ng isang hayop, kundi ng dugo ni Cristo.

‌Hindi literal na dugo ang pinag-uusapan dito, kundi yung dugo na nagre-represent sa kabuuan ng sakripisyo na ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo at pinalaya mula sa pagkakaalipin natin sa kasalanan (1 Pet. 1:18-19). Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, pinatawad ang ating mga kasalanan (Eph. 1:7). Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, hindi lang tayo itinuring na walang-sala, tayo rin ay itinuring na matuwid sa harap ng Diyos, “justified by his blood” (Rom. 5:9). Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, nililinis tayo mula sa lahat ng kasalanan (1 John 1:7). Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ginagawa tayong banal (Heb. 13:12). Wala nang ibang paraan—hindi sa pamamagitan ng sarili mong gawa, hindi sa pamamagitan ng pagiging relihiyoso mo, hindi sa pamamagitan ng pagiging mabuting ina o pagiging mabuting asawa, hindi sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking offerings, hindi sa pamamagitan ng kahit anong gawa mo—para tayo ay maligtas. Wala nang iba maliban sa dugo ni Cristo. Sapat ang ginawa ni Cristo para sa ating kaligtasan. Hindi dapat pagdudahan. Hindi dapat dagdagan. Dapat pagtiwalaan.

‌Kabilang ka ba sa mga iniligtas o sa mga paparusahan?

‌Ito ang kuwento ng pagliligtas ng Diyos sa Israel pagkatapos ng kanilang pamamalagi bilang mga alipin sa Egipto sa loob ng 430 years (v. 40). After 430 years, sa wakas, malaya na silang lahat (v. 41). “Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon” (v. 42). Kaya merong Passover celebration taun-taon na dapat nilang gawin, para alalahanin ang pangyayaring ito (vv. 43-49). “Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ni Yahweh kina Moises at Aaron. Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi” (vv. 50-51). Ito pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng Israel. Ito ang kuwento ng pagliligtas ng Diyos sa kanila.

Ito rin ba ang kuwento ng buhay mo? O baka hanggang ngayon ay alipin ka pa rin ng kasalanan, nagtitiwala sa sarili mong efforts para iligtas ang sarili mo, gawan ng sariling paraan ang mga problema mo sa buhay, at hindi alintana na ang pinakamalaking problema mo—ang parusang naghihintay sa mga makasalanan—ay sinolusyunan na ng Panginoong Jesus. Kaya ang pinakamahalagang tanong na dapat mong sagutin ngayon—miyembro ka man ng church, o iba-baptize pa lang, o nakabisita lang, o isinasama ka lang ng parents o relatives o friends mo dito sa church—ay hindi kung ano ang gagawin mo para maayos ang buhay mo, para maayos ang pamilya mo, para mabayaran ang mga bayarin mo. Ang pinakamahalagang tanong ay ito: kabilang ka na ba sa mga iniligtas ni Cristo? Nagtitiwala ka ba na sapat ang ginawa ni Cristo—ang dugo ni Cristo—para ikaw ay mapalaya, mapatawad, maituring na matuwid, at maibalik sa magandang relasyon sa Diyos?

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.