Introduction: May Drama at May Doktrina, Hindi Lang Parang Isang Telenovela
Mahalagang makinig sa pangangaral ng salita ng Diyos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon. Pero mahalaga rin na tama ng perspective natin, tama ang damdamin natin, tama ang attitude natin, tama ang approach natin sa pakikinig ng salita ng Diyos, tulad ng mga kuwento na pinag-aaralan natin sa pagpapatuloy natin ng series sa Exodus. Parang nanonood ka ng telenovela o K-Drama. Pwedeng nakikinood ka lang kasi yun ang pinapanood sa bahay n’yo, pero di ka naman masyadong interesado. O kaya gusto mo talaga yung story, natatawa ka, naiiyak ka, kinakabahan ka. So, merong emotional reaction sa story. Ganun din naman sa Exodus. Kapag nai-imagine at nararamdaman mo yung drama ng mga nangyayari rito. Pero kapag telenovela, hanggang emotional reaction lang. Kasi fictional naman yung story. Saka kung totoo man na nangyari, hindi ka naman kasali sa story. Kinilig ka kasi nagkatuluyan yung loveteam, pero ano naman sa buhay mo? Natakot ka kasi suspense dun sa story. Pero di naman talaga affected ang buhay mo. Nalungkot ka kasi namatay yung bida, pero ano naman? Tuloy-tuloy pa rin naman ang buhay mo kasi di ka naman namatayan talaga.
But we cannot approach the story of Exodus that way. Pwedeng nai-imagine mo, o nagre-react ka emotionally sa mga nangyayari rito. Pero hindi pwedeng hanggang dun lang. Kasi totoong kuwento ito—historical—nangyari talaga. Oo, matagal na. Parang di naman tayo masyadong affected kasi hindi naman sa panahon natin nangyari, hindi naman sa lugar natin nangyari, hindi naman tayo kasali sa kuwentong ito. Ah, we must realize, as followers of Christ, na hindi lang ito kuwento ng Israel. Nakakonekta tayo rito dahil kay Cristo na siyang fulfillment ng lahat ng ito. So, this is also our story as God’s people. Kaya mahalaga na hindi lang natin marinig, mapanood, ma-imagine, maramdaman yung “drama” ng kuwentong ito. Mahalaga yung tamang “doktrina” na nanggagaling sa kuwentong ito. Ano ang itinuturo nito tungkol sa Diyos natin? Tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa atin? Tungkol kay Cristo? Tungkol sa buhay natin? May drama, may doktrina.
Ang Nakaraan (Exod. 7-8)
Drama: Ang unang apat na salot (Exod. 7:8-8:32): dugo, palaka, lamok, langaw
Kung nandito kayo last week, I hope na naramdaman n’yo yung kakaibang drama ng kuwento natin sa Exodus 7-8. Hindi naman kasi pangkaraniwan yung mga nangyari dito. Baka yung first round ng salot, pasimulang himala pa lang na ginawa nina Moises at Aaron sa harapan ni Pharaoh, kakaiba na. Yung tungkod naging ahas. Pagkatapos nun, yung unang salot, yung tubig sa Nile River at sa buong Egypt naging dugo. Yung ikalawa naman, nagpadala ang Diyos ng sangkatutak na palaka sa buong Egypt. Take note, salot ito ha, hindi pagkain na lulutuin nila although kinakain dito ang palaka! Then, yung pangatlo, mga lamok naman. And then, yung ikaapat, mga langaw. Mga maliliit na insekto ay ginagamit ng Diyos para magdulot ng matinding salot o pinsala sa Egypt.
Hanggang dun lang muna tayo last week, itutuloy natin ngayon. Pero may nakita na tayong pattern sa mga magkakasunod na salot na ‘to. May sasabihin ang Diyos kay Moises at Aaron na dapat nilang sabihin kay Pharaoh para palayain na ang mga Israelita pagkatapops ng mahigit 400 years na pang-aalipin sa kanila. Usually ganito, “Let my people go, that they may serve me.” Tapos merong warning na kapag hindi siya sumunod, magpapadala ang Diyos ng salot. Sila Moises sumusunod sa sinasabi ng Diyos sa kanila. Pero pagkasabi nila nito kay Pharaoh, ayaw sumunod sa gusto ng Diyos. Kaya ayun, magpapadala na ng salot ang Diyos. Tapos yung mga magicians ng Egypt, susubukang gayahin. Nagawa naman nila yung mga simula, pero yung iba ay hindi na. Tapos meron ding pagkakataon na magmamakaawa si Pharaoh kila Moises at hihilingin na ipanalangin sila sa Diyos para tanggalin na ang salot. Tapos minsan meron pang false promise na paaalisin na sila kapag nawala na ang salot. Pero joke lang naman. Pero sa kabila nun, mag-iintercede pa rin si Moises, at tatanggalin ng Diyos ang salot. At kapag nawala na ang salot, hindi na naman makikinig si Pharaoh, mananatiling matigas ang puso niya, at pinatitigas pa niya. Pero hindi yun setback sa mga plano ng Diyos. Ang lahat ng nangyayari ay nangyayari eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos na mangyayari.
Doktrina: Ang kapangyarihan ng salita ng Diyos, ang tugon ng tao, at ang pagliligtas ng Diyos
At ito naman yung na-highlight natin na “doktrina” last week—yung salita ng Diyos na makapangyarihan at mapagkakatiwalaan. Dapat pagkatiwalaan at sundin kung ano ang sinabi niya. Pwede mong suwayin, ikaw ang bahala, desisyon mo ‘yan. Pero you should know the consequences kung ganyan ang magiging response mo. At siyempre nakita natin na sa kabila ng katigasan ng puso ng tao sa pagsuway natin sa Diyos, nagpadala siya ng isang Tagapagligtas—ang Panginoong Jesus na siyang nag-iisang Tagapamagitan natin sa Diyos.
Ang Nagpapatuloy na Drama (Exod. 9-10)
That’s last week. Sa pagpapatuloy natin ng drama ng sampung salot na pinadala ng Diyos sa Egipto—sunud-sunod ‘yan, baka ilang buwan lang ang lumipas mula sa una hanggang sa huli—makikita pa rin natin yung mga similarities sa pattern na ‘yan, at sa mga doktrinang pinagbulayan natin last week. Pero patindi na nang patindi ang mga mangyayaring kasunod. At siyempre, mas maha-highlight ngayon sa dramang ito kung sino talaga ang Bida na dapat kilalanin ng lahat—walang iba kundi si Yahweh.
Round 5: Pagkamatay ng mga Hayop (9:1-7)
Pagpasok ng round five, mare-realize mo na patindi talaga nang patindi yung epekto ng salot na ipapadala ng Diyos. Hindi na lang ito a matter of inconvenience o discomfort o economic loss tulad ng mga nauna. Ngayon, buhay na ang nakasalalay. At least, ngayon, sa mga hayop muna. Sabi ng Diyos kay Moises na sabihin kay Pharaoh, “Let my people go, that they may serve me” (9:1). Same script. Pero heto ang mas matinding gagawin niya kung hindi, “Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari” (vv. 2-5). Hindi lang ito isang “natural” na pangyayari, tulad ng gustong ipaliwanag ng iba. Yung verse 3, “paparusahan ko,” literally, “ang kamay ni Yahweh ay magbibigay ng matinding salot.” Kung sa salot ng mga lamok, kinilala na ng mga magicians ng Pharaoh na yun ay gawa ng “finger of God” (8:19), ganun din ang gusto niyang ipakita ngayon. Kaya sinabi rin niya kung anong oras mangyayari, para pruweba na hindi ito natural o nagkataon lang, kundi gawa talaga ng Diyos. At hindi pwedeng patuloy na i-hostage ng Pharaoh ang mga Israelites as if sila ay mga pag-aari niya. Sasabihin ng Diyos, “They belong to me.” Kaya para maging malinaw yung distinction na yun, yung salot na ipapadala ng Diyos ay di makakaapekto sa mga hayop ng Israelites, a distinction na nasimulan na sa ikaapat na salot ng mga langaw.
Kinabukasan, ganun nga ang nangyari, “ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi” (v. 6). Namatay lahat ng mga hayop ng mga Egyptians. Hindi ibig sabihing lahat talaga kasi merong mga natira tulad ng mga makikita natin sa mga susunod na mangyayari, pero malamang ay lahat ng klase ng hayop o karamihan. Pero ang nakamamangha, wala ni isa man sa mga Israelita ang naapektuhan. Pina-check pa ng Pharaoh kung totoo nga, at totoo nga! Pero nanatili pa ring matigas ang puso niya (v. 7). Iba-ibang salot na, pareho pa rin ang tigas ng puso ng hari.
Round 6: Pigsa (9:8-12)
On to round number 6. This time, sinabi ng Diyos kila Moises na kumuha ng mga abo sa pugon at ihagis habang nakaharap ang hari, at magiging mga pinong alikabok yun na babalot sa buong Egipto ay magiging mga pigsa na tutubo, susugat at magnanaknak sa balat ng mga tao at mga hayop (vv. 8-9). Ganun nga ang ginawa nila. Ganun nga ang nangyari (v. 10). Pati yung mga magicians, wala nang magawa, hirap na hirap na dahil tadtad ng pigsa ang mga katawan nila (v. 11). “But the Lord hardened the heart of Pharaoh, and he did not listen to them, as the Lord had spoken to Moses” (v. 12). Noong mga naunang salot, sinasabing pinatigas ng hari ang puso niya. Ngayon naman, sinabing ang Diyos ang nagpatigas ng puso niya. Mamaya pag-usapan natin ang significance niyan. Pero ngayon, gusto ko lang munang i-point out na consistent ito sa sinabi ng Diyos na gagawin niya. Na kahit pa maraming mga kababalaghan ang gawin sa harapan niya, “But I will harden his heart, so that he will not let the people go” (4:21). Gusto ba talaga ng Diyos makalaya ang mga Israelita? Oo naman. Pero hindi muna. Para bang napatumba na ang kalaban sa round 6, at bibilangan na para ma-knockout na, pero siya pa mismo ang tumulong para makatayo ito at lumaban pa. Hindi pa tapos ang laban. Hanggang round ten ‘to.
Round 7: Yelong Ulan (9:13-35)
So, round seven na. Medyo mahaba yung drama dito kung ikukumpara sa mga nauna. Bago yung salot na ipapadala ng Diyos—yung mga malalaking yelo na uulan—ipinaliwanag muna niya kung bakit nananatili pang nakatayo si Pharaoh dito sa round seven, gayong sa first round pa lang, isang pitik lang ng Diyos ay kaya siyang patumbahin.
Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako’y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana’y patay na silang lahat. 16 Ngunit hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo’y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. (9:13-16)
Kayang-kaya naman ng Diyos na ibagsak na agad ang total punishment niya, pero hindi niya ginawa. For what purpose? “So that you may know…to show you my power, so that my name may be proclaimed in all the earth” (v. 16). Ang lahat ng bagay ay para maitanghal ang pangalan ng Diyos. Pero ano ang ginawa ng hari? “You are still exalting yourself against my people and will not let them go” (v. 17). Dahil sa kayabangan ng hari, sinabi ng Diyos na magpapadala siya ng mabibigat at malalaking mga yelo mula sa langit, isang hailstorm na historic in proportions (v. 18). Sa kabila nun, nagbigay pa siya ng chance na ipasok ang mga alagang hayop, pati na ang mga tao para hindi sila mamatay kapag nagpaulan na ng yelo ang Diyos (v. 19). At least meron pa silang ilang oras para mailigtas ang sarili nila.
So ayun nga, nagkaroon ng dalawang magkaibang responses itong mga Egyptians. Yung iba, they “feared the word of Yahweh,” kaya pinasilong nila kaagad ang mga tauhan nila at mga alagang hayop (v. 20). Pero yung iba naman, they “did not pay attention to the word of Yahweh,” kaya hinayaan lang nila sa labas ang mga tauhan nila at mga alagang hayop (V. 21). Obviously, yung mga nakinig sa sinabi ng Diyos ang wais ang desisyon. But it doesn’t mean na kinilala na nila si Yahweh, but at least naniwala silang baka totoo nga yung threat na yun, at mainam nang ingatan nila ang sarili nilang kabuhayan.
Anong nangyari? Sinabi ng Diyos kay Moises na iunat ang kamay niya sa langit, para bumagsak ang mga yelo sa buong Egypt (v. 22). Ganun nga ang ginawa niya.
“Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. Malakas na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.” (vv. 23-26)
Yung salot na ito ay napakatindi kaya sinabi na ng hari, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo’y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon” (vv. 27-28). Parang totoong nagsisisi, pero hindi naman. Parang nagsasabi na ng totoo this time, pero hindi naman. Alam ni Moises yun na hindi naman totoo yung sinasabi niya, na wala pa talaga ang takot niya sa Diyos (v. 30). Pero sa kabila nun, pinag-pray pa rin sila ni Moises para matigil na ang salot (vv. 29, 33). At ng natigil na ang salot, hulaan n’yo kung ano ang nangyari. Of course, same same, pinatigas na naman niya ang puso niya at hindi naman pinayagang umalis ang mga Israelita, kontra sa sinabi niya kanina, pero yun naman ang sinabi ng Diyos na mangyayari noon pa (vv. 34-35).
Round 8: Balang (10:1-20)
Round number 8 na. Tulad ng nauna, mahaba rin yung account nito. At may paliwanag din ang Diyos kay Moises sa simula kung bakit pinatigas ng Diyos ang puso ng hari. Hindi lang ito para ipakilala ang sarili niya sa mga Egyptians noon, kundi maging sa mga susunod na henerasyon ng mga Israelita, “…para maipakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo’y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh” (10:1-2 MBB). Pumunta sila kay Pharaoah at sinabing ganito ang ipinapasabi ng Diyos, “Hanggang kailan ka tatangging magpakumbaba sa harap ko?” (v. 3 AB). Obviously, hindi dahil hindi alam ng Diyos ang sagot, but to point out yung stubbornness ng hari sa kabila ng mga nangyayari. Ipinasabi pa na kung hindi siya papayag na umalis ang mga Israelita, magpapadala ang Diyos ng mga locusts o balang na sa dami ay magdidilim sa buong lupain (preview ng kasunod na salot), at mamamatay ang mga natitira pang mga halaman at pananim sa buong Egypt. Ito ang pinakamalalang pagsalanta ng mga balang sa kanilang kasaysayan (vv. 4-6). Pagkatapos sabihin ‘to ay tinalikuran na nila ang hari at umalis na.
Ito namang mga tauhan ng hari, sa sobrang hirap na dinaranas nila ay nagprotesta na, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto” (v. 7). Nawawalan na ng kontrol ang hari maging sa mga loyal servants niya. So ipinatawag niya sila Moises at tinanong kung sinu-sino ang isasama nila sa pag-alis (v. 8). Sagot ni Moises, lahat, lalaki, babae, matanda, bata, pati mga hayop (v. 9). Ang dahilan? Ang lahat ay kailangan sa pagsamba sa Diyos. Kasama dapat ang asawa. Kasama dapat ang mga anak. Pero para sa hari, hindi, kayo na lang mga lalaki ang umalis, “Maliwanag na may binabalak kayong masama” (vv. 10–11). Aba, sila pa ang may binabalak na masama! Sa halip na amining siya ang gumagawa ng masama! Ipinagtabuyan na sila ng hari paalis.
Dahil doon, sa utos ng Diyos kay Moises na itaas ang kanyang kamay, nagpadala ang Diyos ng hangin at nagdatingan ang napakaraming balang na pumuno sa buong lupain, binalot sila ng kadiliman at sinalanta ang mga natitirang halaman, gaya ng sinabi ng Diyos na warning kanina (vv. 12–16). In response, dali-dali namang ipinatawag ng hari sila Moises para hilingin na ipag-pray siya para mawala na ang salot. Kahit sinabi pa siyang, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo. Patawarin ninyo ako…” (vv. 16–17), obvious na pareho lang din ito noong una. Nagsisisi dahil sa consequences ng kasalanan niya pero hindi talaga nagsisisi dahil may pagkilala sa Diyos at pag-amin sa kasalanan niya at pagnanais na sumunod. Fake repentance pa rin. Sa kabila noon, nag-pray naman si Moises para paalisin na ang mga balang. Tumugon naman ang Diyos, binago ang takbo ng hangin, from the west galing at itinaboy ang mga balang papunta lahat sa Red Sea (vv. 18–19), a preview kung paanong walang ititira kahit isa ang Diyos sa mga sundalong sasalakay sa mga Israelita at lahat sila ay malulunod sa Red Sea. Pero bago mangyari yun, pinatigas muna ulit ng Diyos ang puso ng hari at hindi pa sila pinaalis (v. 20).
Round 9: Kadiliman (10:21-29)
Setting up for round number 9. Wala nang warning-warning kay Pharaoh. Diretso agad sa susunod na salot. Sinabi ng Diyos kay Moises na iunat ang kamay niya sa langit para mabalot ng kadiliman ang buong Egypt. “Ganoon nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya’t walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita” (vv. 22–23). Hindi ito parang tatlong araw na brownout. Wala pa naman kuryente nun. So, ibig sabihin kapag madilim, tigil ang lahat, walang travel, walang pasyal, walang business. It was gloomy. Depressing. A preview of death to come sa huling salot.
Kaya sabi ng hari kila Moises, “Sige, umalis na kayo, pero iwanan n’yo ang mga hayop” (v. 24). Sabi naman ni Moises, “Nope. Kailangang kasama ang mga hayop” (vv. 25–26). You don’t negotiate terms with God. Siya ang masusunod, hindi ikaw. This is how the first nine rounds end, “Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. Sinabi niya kay Moises, ‘Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.’ ‘Masusunod ang gusto ninyo,’ sagot ni Moises. ‘Hindi mo na ako muling makikita’” (vv. 27–29). Meron nang sarcasm sa huling sagot dito ni Moises. Tingnan natin sa susunod kung magkikita pa ba sila, at kung sino ang mamamatay kapag nangyari yun. Abangan ang susunod na kabanata. Meron pa kasing final round. At ito ang pinakamatindi sa lahat.
Mga Pagbubulay sa mga Mahahalagang Doktrina
Pero bago yun, pagbulayan muna natin ang ilan sa mga mahahalagang doktrinang nakapaloob sa kuwentong ito—mga doktrinang dapat nating paniwalaan, mga doktrinang babago sa pagkakilala natin sa Diyos, mga doktrinang babago sa takbo ng buhay natin. Let me highlight six of these:
Ang pakikidigma ni Yahweh, ang nag-iisang tunay na Diyos, laban sa mga pekeng diyos
Hindi lang ito isang labanan sa pagitan ni Moises at ng Pharaoh, hindi rin ultimately sa pagitan ng Diyos at ng Egypt. Ito ay pakikidigma ni Yahweh laban sa mga pekeng diyos ng Egypt. Hindi ko na iisa-isahin kung anu-anong diyos-diyosan ng mga Egyptians ang kinakalaban ng Diyos sa bawat salot. Pero kailangan nating marealize na sa bawat salot na ‘to ay nagdedeklara ang Diyos ng giyera laban sa mga diyos na kinakapitan at pinagtitiwalaan nila, na para bang inaakala nilang ang buhay nila ay nakasalalay sa mga diyos na yun. Kaya sa warning ng Diyos tungkol sa huling salot, ganito ang sinabi niya, “On all the gods of Egypt I will execute judgments: I am Yahweh” (12:12)! Yung mga “gods” na ‘to ay hindi naman talaga totoong mga diyos. Lahat sila ay balewala kung ikukumpara kay Yahweh, na siyang pinakamataas sa lahat—pinakadakila, pinakamakapangyarihan, pinakamapagkakatiwalaan, pinaka!
Ang kahambugan ng puso ng tao
Kung ang Diyos ang “pinaka,” ibig sabihin, wala nang mas mataas kaysa sa kanya. Ibig sabihin, walang puwang sa pagmamalaki ng tao. Pero kitang-kita sa karakter ng Pharaoh ang kahambugan sa puso ng tao, na siya namang sumasalamin din sa unang itinaas ang kanyang sarili laban sa Diyos—si Satanas. Ang tingin din ng Pharaoh sa sarili niya ay “diyos” at kinikilala rin siyang “diyos” ng mga nasasakupan niya. Tulad din ng “prince of Tyre,” sabi ng Diyos, “Because your heart is proud, and you have said, ‘I am a god’…yet you are but a man, and no god, though you make your heart like the heart of a god” (Ezek. 28:2). Sabi naman ng Diyos kay Pharaoh, “You are still exalting yourself” (Exod. 9:17). And then, “How long will you refuse to humble yourself before me” (10:3). Ang kahambugan ng puso ng tao ay ang katigasan ng puso ng tao. At, sa mga pagkakataong itinataas natin ang sarili natin nang higit sa nararapat, sinusunod natin ang halimbawa ng kahambugan ni Satanas mismo. At hindi palalampasin ng Diyos ang ganyang kahambugan. “God opposes the proud.” Kaya naman bawat salot ay patindi nang patindi, at ipinapakita…
Ang bagsik ng makatarungang parusa ng Diyos
Gawa ito ng kamay ng Diyos, “the hand of Yahweh” (9:3). Sabi pa niya, “I will send all my plagues on you yourself, and on your servants and your people…” (10:14). Balang araw, sabi ng Diyos kay Moises, ikukuwento nila sa mga anak nila kung ano ang ginawa ng Diyos, “How I have dealt harshly with the Egyptians” (10:2). Gaano man kalala ang mga sunud-sunod na salot na naranasan nila, ang mga ‘yan ay patikim pa lang ng bagsik ng kamay ng Diyos sa pagpaparusa sa mga nagmamatigas ang puso laban sa Diyos. Pagdating sa Revelation, nakita ni apostle John yung vision ng matinding paghatol na gagawin ng Diyos sa mga huling araw, yung “seven bowls of God’s wrath” sa Revelation 16. Naging dugo rin ang tubig, nagkasugat din ang balat ng mga tao, namatay ang mga hayop, umulan ng apoy, umulan ng yelo. Sa kabila ng lahat ng ito, nagmatigas din ang mga tao, hindi nagsisi, sinumpa pa ang pangalan ng Diyos.
Totoong makatarungan ang Diyos kung humatol sa mga unrepentant, at matitikman nila ang bagsik ng poot at galit ng Diyos. The worst is yet to come. “Who can stand before his indignation? Who can endure the heat of his anger? His wrath is poured out like fire, and the rocks are broken into pieces by him. [Terible ‘yan, pero merong good news!] The Lord is good, a stronghold in the day of trouble; he knows those who take refuge in him” (Nah. 1:6-7). Kapag narinig natin ang warning na ito ng Diyos, tulad ng narinig ng mga Egyptians, kailangan nating sumilong, para hindi tayo bagsakan ng poot ng Diyos. Wala tayong ibang masisilungan kundi ang Panginoong Jesus, na siyang binagsakan ng bagsik ng poot ng Diyos at sinalanta ng mga salot na dulot ng kasalanan natin, habang siya’y nakapako sa krus. Sumilong ka kay Cristo sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kanyang ginawa sa krus para sa makasalanang tulad mo at tulad ko.
Ang makapangyarihang kamay ng Diyos (sovereignty) na may hawak ng lahat ng bagay, maging ng puso ng tao
God is sovereign over all things. Anumang bagay sa mga nilikha niya, lahat at his command, susunod sa kanya. Kahit ang matigas na puso ng tao na ayaw sumunod sa kanya ay nasa kanyang makapangyarihang kamay pa rin. Sa pagmamatigas ni Pharaoh laban sa Diyos, it doesn’t mean na he is more sovereign than God. Sa mga early rounds, sinasabi sa dulo na pinatigas niya ang puso niya. Pero dito sa mga later rounds, paulit-ulit namang sinasabi na “Yahweh hardened the heart of Pharaoh” (Exod. 9:12), tulad ng sinabi niya noong una pa lang, “I will harden his heart” (4:21). Consistent ito sa Proverbs 21:1, “The king’s heart is a stream of water in the hand of the Lord; he turns it wherever he will.” Wala akong oras ngayon para ipaliwanag ang lahat ng detalye kung paanong hawak ng Diyos ang puso ng taong in rebellion against him, at sa paraang hindi nagkakasala ang Diyos o walang pananagutan ang Diyos sa kasalanan ng tao. Ang alam natin, hindi gagawa ng kasalanan ang Diyos. Ang alam natin, makatarungan ang Diyos. Ang alam natin, ang Diyos ang may kontrol ng lahat ng ito. Wala sa kamay ninuman, wala sa desisyon ninuman ang magiging outcome ng Exodus. Ang lahat ay nasa kamay ng Diyos. Kinikilala mo ba na ang lahat ng nangyayari sa kasaysayan, lahat ng nangyayari sa buhay mo—good things, bad things, everything—ay nasa kamay ng Diyos na namamahala sa lahat ng bagay?
At siyempre, may mga tanong pa rin tayo kung bakit ganito ang ginagawa ng Diyos, at ano ang layunin niya sa lahat ng ito. Heto yung ikalimang puntos.
Ang masidhing hangarin (passion) ng Diyos na ipakilala ang kanyang sarili sa lahat ng lahi (all nations) at lahat ng salinlahi (all generations)
Ito ang pinakamataas na hangarin ng puso ng Diyos, ang pinakalayunin sa lahat ng kanyang mga ginagawa, even sa mga bagay na hindi natin lubos na maunawaan—his passion for the glory of his name. Bakit nagpadala ng mga salot ang Diyos? “So that you may know that there is none like me in all the earth” (Exod. 9:14). Bakit narito si Pharaoh sa bahaging ito ng kasaysayan? “But for this purpose I have raised you up, to show you my power, so that my name may be proclaimed in all the earth” (v. 16). Para lang ba ito sa generation nila? No. Para rin ito maikuwento sa mga susunod na henerasyon, kung ano ang ginawa ng Diyos, “that you may tell in the hearing of your son and of your grandson…that you may know that I am Yahweh” (10:1-2). Sino ang magpapakilala sa mga anak ninyo kung sino si Cristo? Ako? O kayo? Sino ang magkukuwento sa kanila ng Story of God? Ang Sunday School teacher o kayo? Yes, magtutulong-tulong tayo, pero as parents, primary responsibility n’yo yun. Yun ba ang pinakamataas na pangarap ninyo sa mga anak ninyo, ang makilala ang Diyos? Sa mga kaibigan mo, sa karelasyon mo na non-believer na dapat sana’y hiwalayan mo, pinapakilala mo man lang ba sa kanila kung sino si Cristo? O, your life is all about you? Meron tayong pambihirang opportunity to proclaim the glory of God to all nations sa pamamagitan ng social media, pero ginagamit ba natin yun sa ganoong paraan o para lang sa self-promotion? God created everything, even the Internet, for the glory of his name, not your own glory.
Ang malayang pagpili (gracious election) ng Diyos sa kanyang mga ililigtas
Kasama sa sovereignty ng Diyos ang kanyang kalayaang piliin kung sino ang mamahalin at ililigtas niya. Nang padalhan ng Diyos ng salot ang mga Egyptians, yun ay dahil sila ay deserving of God’s judgment. Pero sa Israel, walang kadiliman na dumating, walang umulan na yelo, walang namatay na mga hayop. Bakit? Dahil ba hindi sila deserving of judgment? Dahil ba mas righteous sila kung ikukumpara sa Egypt? No. Yun ay dahil sa sinumpaang pangako ng Diyos kay Abraham at sa lahi ni Abraham, ang Israel (Exod. 2:23-25). Unfair ba ang Diyos? No way (Rom. 9:14). Ito ang essence ng pangalan ni Yahweh. Ayon sa sinabi niya later on kay Moises, “I will be gracious to whom I will be gracious, and will show mercy on whom I will show mercy” (Exod. 33:19). Reflecting on God’s purpose for raising up Pharaoh (9:16), sinabi ni Pablo, “So then he has mercy on whomever he wills, and he hardens whomever he wills” (Rom. 9:18). Kapag sinabing God is sovereign, ibig sabihin ay malaya siya at may kapangyarihan siyang gawin ang gusto niyang gawin ayon sa kanyang karakter, ayon sa kanyang plano, ayon sa kanyang pangako. At kapag ginusto niya na iligtas ang Israel, walang magagawa ang sinumang pinakamakapangyarihan sa Egypt o maging si Satanas man para hadlangan ang pagliligtas na gagawin ng Diyos.
Conclusion: Nasaan Ka sa Kuwentong Ito?
Ngayon, nasaan ka sa kuwentong ito? Kung tutuusin, wala ka naman talaga diyan. Pero ang implication, kapag wala ka kay Cristo, tulad ng Pharaoh at ng mga Egyptians ang sasapitin mo na bagsik ng parusa ng Diyos. Pero kung nakasilong ka kay Cristo, by faith in his name, hindi ikaw si Pharaoh sa story, hindi ka isa sa mga Egyptians. Hindi rin ikaw si Moises! Although siyempre, may matututunan tayo sa halimbawa na pinakita ni Moises sa pagsunod sa Diyos. Pero primarily, tayo yung mga Israelita sa kuwento. Well, ano ba ang ginagawa nila dito? Wala. Inaalipin sila, inaapi, pero sa bawat salot ay ipinapakita ng Diyos na ibinubukod sila. Wala naman silang ginagawa para patunayan na they were worthy of God’s salvation. Pinapanood lang nila, hinihintay lang nila ang gagawing pagliligtas ng Diyos. So, anuman ang nangyayari sa buhay natin ngayon, balikan mo ang pagliligtas na ginawa ni Cristo para sa ‘yo, at pagmasdan mo ang mga ginagawa pa ng Diyos para tapusin ang labang ito, abangan ang mga susunod pang gagawin ng Diyos hanggang sa muling pagbabalik ni Cristo, at harapin ang araw-araw na may kumpiyansa na lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. He is sovereign over all.