Part 8 – Yahweh vs Pharaoh (Rounds 1 to 4) (Ex. 7:8-8:32)

The Resurrection Changes Everything

Tinatawag natin ang Sunday na Lord’s Day, at sa araw na ito tayo palaging nagtitipon sa pagsamba bilang isang church, dahil sa araw na ito muling nabuhay ang Panginoong Jesus, sa ikatlong araw pagkatapos na siya’y mamatay sa krus bilang kabayaran para sa ating mga kasalanan. The resurrection of Jesus changes everything—as in, lahat-lahat sa buhay natin. Kasali dito ang paraan ng pagbabasa natin ng Bibliya, kasali ang Exodus na pinag-aaralan natin.

Noong araw na muling nabuhay ang Panginoong Jesus, dalawa sa mga disciples niya ang naglalakad sa daan papuntang Emmaus, halos eleven kilometers ang layo sa Jerusalem (Luke 24:13). Pinag-uusapan nila ang mga bagay na nangyari. Tapos sumabay sa paglalakad nila si Jesus. Pero hindi nila nakilala. Nang tanungin sila ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila, sinabi nila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng tao” (v. 19). Sinabi rin nila na para bang gumuho ang pag-asa nila nang mamatay si Jesus dahil nga inaasahan nilang siya ang magpapalaya sa kanila mula sa pang-aalipin sa kanila ng mga Romano. Tapos, sinabi nila na hindi rin sila makapaniwala nang may nagsabi sa kanila na muli siyang nabuhay. Heto naman ang sabi sa kanila ni Jesus:

“Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! Hindi ba’t kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. (vv. 25-27)

Buong Old Testament ang tinutukoy rito ni Jesus. Rebuke ito sa kanila. Kaya nahihirapan sila na tanggapin ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus—suffering muna bago yung glory—ay dahil hindi nila nauunawaan na patungo rito ang lahat ng isinulat ni Moises, kasama ang Exodus. Maya-maya ay nabuksan na ang mga mata nila at nakilala na nila si Jesus. Pero nawala na siya sa paningin nila. After some time, nagpakita na si Jesus sa iba pang mga disciples.

Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises (kasali ang Exodus), sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.” Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya’y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” (vv. 44-46)

Ganun din ang sinabi niya. Lahat ng nakasulat sa Lumang Tipan, kasama ang Exodus, ay nagtuturo, nag-aabang, naghihintay sa pagdating ni Cristo, at sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Mas magiging makabuluhan ang Exodus kung hindi muna natin tatanungin, “Ano ang kinalaman ng kuwentong ito sa buhay ko ngayon?” Kasali yun, darating tayo dun. Pero bago yun, dapat ito muna, “Paano natin makikita ang higit na kahalagahan ng mga pangyayaring ito sa liwanag ng ginawa ni Cristo?” Wag mong babasahin ang Exodus na para bang ito ay primarily about you. No, it is primarily about Christ.

Naalala mo ba nung transfiguration ni Cristo, yung nagbagong-anyo siya sa bundok kasama ang tatlo sa mga disciples niya? Sa Luke 9:29-31:

Habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias (representing the law and the prophets, buong Old Testament!), na nagpakitang may kaningningan (glory! pero bago yun…). Pinag-usapan nila ang pagpanaw (ESV, departure; Greek, exodus) ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

So, kaya ngayong Easter Sunday, okay lang kahit hindi isang teksto na direktang nagtuturo tungkol sa resurrection ni Christ ang pag-aralan natin. Kahit sa pagpapatuloy natin ng kuwento ng Exodus, isuot natin ang salamin natin na nakasentro kay Cristo—Christ-centered lens—para makita natin kung paanong ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus ang nagbibigay-liwanag sa bawat eksena sa Exodus.

‌Walking thru the Story

The Story So Far

Nandito na tayo sa chapter 7 ng Exodus. Higit 400 years na na alipin ang mga Israelita sa Egypt. Bilang katuparan ng pangako ng Diyos simula pa kay Abraham, itinalaga ng Diyos si Moises para pangunahan ang mga Israelita sa pag-alis sa Egypt. Noong unang nagpakita ang Diyos kay Moises para sabihin na siya ang instrumentong gagamitin niya para humarap sa Pharaoh, ang hari ng Egypt, ayaw niya. Nagdahilan pa siya na hindi siya mahusay magsalita. Binigyan naman siya ng assurance ng Diyos na ipapadala niya ang kapatid nitong Aaron para tulungan siya sa pagsasalita, at nagbigay pa ng mga signs na gagamitin niya para maniwala sa kanya ang mga Israelita. Sumunod na si Moises. Naniwala nga sa kanila ang mga kababayan nila, at natuwa’t sumamba sa Diyos dahil nabalitaan na heto na at may gagawin ang Diyos para iligtas sila.

Pagkatapos, pumunta na sina Moises at Aaron kay Pharaoh, at sinabi ang ipinapasabi ni Yahweh, “Let my people go…” (5:1). Nagmatigas ang hari, at yun naman ang sabi ng Diyos na dapat i-expect ni Moises. Mas lalo pa ngayon silang pinahirapan ng hari. Dahil dun, nagreklamo ang mga Israelita kina Moises. At si Moises naman ay nagreklamo na sa Diyos. Kaya naman sa chapter 6 ay inulit na naman ng Diyos ang utos niya kay Moises at binigyan ng assurances na tutuparin ng Diyos ang kanyang mga pangako. Pero bago yun ay ipapakita muna niya ang laki ng kapangyarihan niya at ang bagsik ng kanyang mga kamay sa pagpaparusa sa mga Egyptians, “I will redeem you with an outstretched arm and with great acts of judgment” (6:6).

The Ten Plagues: A Preview

“Great acts of judgment.” ‘Yan ang makikita natin na sunud-sunod na gagawin ng Diyos sa sampung salot na ipapadala niya sa mga taga-Egipto, mga salot na magsisilbing paghatol sa kanilang kasalanan at pagsamba sa diyus-diyosan: (1) ginawang dugo ang tubig sa Egipto; (2) nagpadala ng napakaraming mga palaka sa buong lupain; (3) nagpadala ng mga lamok; (4) nagpadala ng mga langaw; (5) namatay ang mga hayop; (6) tinubuan ng pigsa ang katawan nila; (7) nagpaulan ng yelo; (8) nagpadala ng mga balang o locusts; (9) binalot ng kadiliman ang Egipto; at panghuli’t pinakagrabe sa lahat (10) pinatay ang lahat ng panganay na tao at hayop.

And remember, na ito ay labanan sa pagitan ni Yahweh at ng hari ng Egipto, para patunayan sa lahat kung sino ang Diyos na makapangyarihan sa lahat at dapat kilalanin at sambahin ng lahat. Meron lang tayong oras para tingnan yung unang apat na salot, yung first four rounds sa labanang ito. At yung ika-5 hanggang ika-9 ay sa susunod na.

Ahas (7:8-13)

Ready for round one? Bago pala yung unang salot, meron munang preliminaries. Yung sign na ginawa ni Moises noon sa harapan ng mga Israelita (4:3-5, 28), yung tungkod ni Moises na naging ahas at naging tungkod ulit, ay ginawa naman nina Moises at Aaron sa harapan ng hari para patunayan ang authority na meron sila galing sa Diyos. But this time, sinabi ng Diyos kay Moises na sabihin kay Aaron na ang tungkod ni Aaron ang ihagis sa harap ng Pharaoh (7:8-9). At ganun nga ang ginawa nila, “tulad ng sinabi ni Yahweh,” at naging ahas nga ang tungkod ni Aaron (v. 10). Maliwanag na hindi ito isang trick na tulad ng ginagawa ng mga magicians ngayon. Sa kapangyarihan ng Diyos, ginawa niyang hayop ang isang kahoy. Pero hindi na-surprise si Pharaoh. Ipinatawag niya ang mga “magicians of Egypt” at ginawa ring ahas ang mga tungkod nila “by their secret arts” (vv. 11-12). Sabi ng iba, posible na ito ay “magic tricks” lang. Pero posible rin naman na meron ding supernatural power at work dito, yun nga lang ay demonic power na nasa likod din naman ng kanilang idolatries. Of course, hindi naman ‘yan pinaliwanag sa kuwento kung paano nila na-duplicate yung mga himala na ginawa nina Moises at Aaron. But at least, we must admit na hindi ordinaryong labanan ang nangyayari dito, kundi spiritual or supernatural warfare. At sa ganitong labanan, we expect na higit palagi ang kapangyarihan ng Diyos. Kaya nga nilamon ng tungkod/ahas ni Aaron ang lahat ng mga tungkod/ahas ng mga magicians (v. 12). Pero hindi pa rin napabilib si Pharaoh sa nakita niya, “nagmatigas pa rin…at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh” (v. 13). Again, hindi dapat masurprise sila Moises, hindi rin tayo dapat magtaka, kasi nga ito eksakto ang sinabi na ng Diyos sa simula pa lang na mangyayari. At isa pa, hindi naman siya masyadong naapektuhan ng himalang ito.

Dugo (7:14-25)

Paano kung apektado na siya at ang bansang pinaghaharian niya? Ganito ang mangyayari sa mga salot na ipapadala ng Diyos. Heto na ang round one. Sinabi ni Yahweh kay Moises ang obvious naman, na matigas nga ang puso ng hari at ayaw paalisin ang Israel, kaya dapat siyang pumunta sa hari kinaumagahan at salubungin sa may Nile River dala ang tungkod ni Aaron na naging ahas (vv. 14-15). At ganito ang sasabihin ni Moises,

Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. Ngunit tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito. (vv. 16-18)

Sinabi din ng Diyos kay Moises na sabihin kay Aaron na iunat ang kamay niya na hawak ang tungkod para sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto (v. 19). Ang tubig sa Nile River ang pangunahing source nila. Napakahalaga ng tubig, a source of life kumbaga. Kung gagawing dugo yung tubig, yung source of life magiging source of death. “Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh” (v. 20). Ang tubig nga sa Nile River ay naging dugo. Namatay ang mga isda. Umalingasaw ang baho. Hindi sila makainom ng tubig. Nabalot ng dugo ang buong Egypt, kaya naghanap ang mga tao ng ibang tubig na pwede nilang inumin (vv. 20-21, 24). By turning water into blood, ipinapakita ng Diyos hindi lang ang kanyang kapangyarihan over his creation—kaya niyang gawin ang lahat ng gusto niyang gawin dito; ipinapakita rin niya na ang labanang ito ay matter of life and death. Kung gusto mong mabuhay, you must bow down to Yahweh. Kung hindi, kamatayan ang kabayaran ng kasalanan. Sa panghuling salot, tiyak na dadanak ang dugo sa buong Egipto. Pero dito sa unang salot, ayaw pang makinig ng hari, nanatiling matigas ang puso niya, gaya ng sinabi ni Yahweh. Binalewala niya ang lahat ng nakita niya, sa halip ay mas tiningnan ang ginawa ng mga magicians niya na na-duplicate ang himalang ito (vv. 22-23). Kung paano nila nagawang dugo ang tubig, at kung gaano man karami ang nagawa nila, at kung saan sila kumuha ng natitirang tubig na hindi pa nagiging dugo, hindi natin alam. Basta, merong isang linggo ang lumipas bago naman ang susunod na salot (v. 25), na maaaring nag-iindicate na ang duration nitong sampung salot ay mahigit dalawang buwan.

Palaka (8:1-15)

Now, for round two. Sinabihan ulit ni Yahweh si Moises na sabihin sa Pharaoh na palabasin ang mga Israelita para sumamba sa kanya (8:1). “Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto” (v. 2). Ang sumunod na salot na ipapadala niya ay mga palaka na pupuno sa Nile River, at papasok sa kanilang mga bahay (vv. 3-4). Tulad din ng unang salot, ipinasabi ng Diyos kay Moises na sabihin kay Aaron na iunat ang kanyang kamay na hawak ang tungkod para maglabasan ang mga palaka (v. 5). Ganun nga ang ginawa ni Aaron (v. 6). Try to imagine ang dami ng palaka na nasa bakuran mo, nasa loob ng bahay mo. Tulad din sa mga nauna, ginawa rin yun ng mga magicians ni Pharaoh “by their secret arts” (v. 7). Nakakatawa ang “foolishness” nitong mga magicians. Sa halip na humanga ka sa ginawa nila, mas maiiinis ka pa kasi lalo pa nilang pinadami ang salot! Haynaku.

Pero merong bagong nangyari dito sa second round. Para siguro medyo nagkakaroon ng lamat sa tigas ng puso ng hari. Baka dulot na rin ng sobrang discomfort ng salot na mga palaka. Hindi naman ‘yan cute na hayop na gagawin mong pets—nakakainis, nakakadiri, nakakairita, nakakagambala. Ipinatawag ng Pharaoh sila Moises. “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya” (v. 8). Sinabi naman ni Moises sa kanya na siya na ang magsabi kung kailan niya nais manalangin si Moises kay Yahweh para sa hiling niya (v. 9). Sagot naman ng hari, “Bukas” (v. 10). Bakit kaya hindi niya sinabing, “Ngayon na”? Sumagot naman si Moises na ganun nga ang gagawin niya, at kung mangyari yun, “so that you may know that there is no one like Yahweh our God” (v. 10). May isang salita si Moises, tulad ng sinabi niya, nakiusap nga siya sa Diyos, “Moses cried out to Yahweh about the frogs, as he had agreed with Pharaoh” (v. 12). Ano ang tugon ni Yahweh? “And Yahweh did according to the word of Moses” (v. 13). May kapangyarihan ang Diyos na magpadala ng salot at mag-alis ng salot, na hindi magawa ng mga magicians ng Egypt. At heto ang mas remarkable, in prayer, sumusunod ang Diyos sa salita ng tao, ng lingkod niya na nagpapakumbaba sa kanya at nananalangin nang naaayon din sa kanyang mga salita. Pero sa halip na umalis ang mga palaka, namatay sila, kaya kinailangan pang linisin nila ang mga patay na palaka habang umaalingasaw naman ang baho ng mga ito (v. 14).

Sabi kanina ng Pharaoh na kapag nawala na ang mga palaka, “papayagan ko na kayong umalis” (v. 8). Ang salita ni Yahweh kay Moises, mapagkakatiwalaan. Ang salita ni Moises sa Pharaoh, mapagkakatiwalaan. Ang salita ng Pharaoh, hindi mapagkakatiwalaan. Same ending dito sa round two tulad ng mga nauna, nang makita ng hari na wala na ang mga salot, pinatigas niya ang puso niya at hindi nakinig sa kanila, tulad ng sinabi ni Yahweh (v. 15).

Lamok (8:16-19)

Now, on to round three. Sinabi naman ni Yahweh kay Moises na sabihin kay Aaron na iunat ang kanyang tungkod at ihampas sa alabok ng lupa para maging mga maliliit na insekto na sasalanta sa buong Egypt (v. 16, sa ASD “lamok,” sa MBB “niknik,” sa AB, “kuto”). Ganun nga ang ginawa nila. Naging lamok ang mga alikabok sa lupa sa buong Egypt, at nilamok ang mga tao at mga hayop (v. 17). Meron nang bagong nangyari dito sa round three. Sinubukan ulit ng mga magicians na gayahin ang ginawa nila Moises “by their secret arts,” pero hindi nila magawa (v. 18), exposing their limitations, their impotence, their inability, na no match ang kapangyarihan nila sa kapangyarihang taglay ng mga lingkod ni Yahweh. Nakita nila yun, kaya sinabi nila kay Pharaoh, “This is the finger of God” (v. 19). Pati mga tauhan ng hari ay parang tumitiklop na. Pero ang hari? Hindi pa rin, wala pa ring effect sa kanya ang lahat ng salot na ‘to. Nagmatigas pa rin at hindi nakinig sa kanila, tulad ng sabi ni Yahweh (v. 19).

Langaw (8:20-32)

Hanggang sa round four ganun pa rin. Tulad ng unang salot, may hawig itong simula ng ikaapat. Sinabihan ng Diyos si Moises na kinaumagahan ay harapin ang Pharaoh sa may Nile River at sabihin sa kanya, “Let my people go, that they may serve me” (8:20). Paulit-ulit na utos, paulit-ulit din na hindi nakikinig. At walang pakialam kahit ano pa ang maging consequences ng pagsuway niya sa Diyos. Ganyan ang epekto ng katigasan ng puso ng tao. At habang patuloy na sumusuway sa Diyos, lalong tumitigas ang puso. There is a warning here for all of us, kung ayaw nating matulad tayo sa sasapitin ng haring ito. Dahil sabi ng Diyos, kung hindi niya yun gagawin, magpapadala naman siya ngayon ng mga langaw na pupuno sa buong Egypt (v. 21). Kaunting langaw nga lang, binubugaw natin, paano pa kung napakarami at kahit saan ka magpunta ay nagkalat ang langaw! At sa pagkakataong ito, may bagong gagawin ang Diyos. Sabi niya, “ibubukod” (v. 22 AB) niya ang lupain ng Goshen na tinitirhan ng mga Israelita, walang langaw na makikita sa lugar nila! Sabi pa ng Diyos, “Lalagyan ko ng pagkakaiba ang aking bayan at ang iyong bayan” (v. 23 AB). Simula sa salot na ito ng langaw, ipapakita niya kung paanong ang puso niya ay nagmamahal, kumakalinga, nag-aalaga, at magliligtas sa kanyang bayang pinili, hindi tulad ng mga nasa panig ng Pharaoh ng patuloy na kumakalaban sa Diyos. Kapag sinabi ng Diyos, tinototoo niya, seryoso siya sa mga warnings niya. “Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito’y nasalanta ang buong bansa” (v. 24 MBB).

At tulad ng nangyari sa ikalawang salot (palaka), parang sa pagkakataong ito ay nagkakalamat ulit sa tigang na puso ng hari. Ang sabi na niya kila Moises, “Go…” (v. 25). Ah, parang bibigay na. Pero ang sabi niya, maghandog lang daw sila kay Yahweh sa lupain ng Egypt. Hindi tama, kasi hindi yun ang sabi ng Diyos. Kaya sagot ni Moises, pointing out na yung gusto ng hari ay hindi gusto ng Diyos at lalabas pang magiging kahihiyan para sa hari.

Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. Ang kailangan po’y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin. (vv. 26-27)

So, parang pumayag na ang hari, pero ang sabi niya, “ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako” (v. 28). Mukhang nangyari na ‘to kanina. Kahit maganda ang sinabi niya, alam naman nating hindi mapagkakatiwalaan ang salita ng haring ito. Pero ganunpaman, sabi ni Moises na ipapanalangin niya sa Diyos na alisin na ang mga langaw, at sinabi pa, “Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain” (v. 29), ganun nga kasi ang ginawa niya sa ikalawang salot. Nanalangin nga si Moises (v. 30), at tulad ng response niya kanina sa prayer ni Moises, ganun ulit, “Ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises” (v. 31), at inalis nga ang mga langaw sa buong lupain ng Egypt. Ang ending nitong round four ay predictable na. “But Pharaoh hardened his heart this time also, and did not let the people go” (v. 32). Hindi talaga mapagkakatiwalaan ang salita ng hari. At walang makapagpapalambot ng matigas na puso ng hari, na pinatitigas pa niyang lalo—hindi ang tungkod na naging ahas, hindi ang tubig na naging dugo, hindi ang mga salot na dulot ng mga palaka, mga lamok, at mga langaw. Meron pang anim na susunod na mga salot—“great acts of judgment” mula sa Diyos. Ang ikalima hanggang ikasiyam ay titingnan naman natin next week.

‌Tracing Key Theological Themes

Pero ngayon, tumigil muna tayo sandali, at pagbulayan ang ilan sa mga tema na lumulutang sa mga eksenang natunghayan natin—mga key theological o God-centered themes. Yun ay para i-highlight na ang bida sa bawat kuwento ng Bibliya ay hindi tayo kundi ang Diyos. Maraming tema na pwede nating pag-usapan dito, pero yung iba ay irereserba ko na next week dahil mas magiging prominente yung iba habang nag-iintensify yung tindi at bigat ng pinsala ng mga salot na pinapadala ng Diyos. Sa ngayon, tingnan lang muna natin: (1) ang kapangyarihan o awtoridad ng salita ni Yahweh; (2) ang magkasalungat na tugon ng tao sa salita ni Yahweh; (3) ang laki ng pangangailangan ng tao sa pagliligtas ng Diyos.

Ang Makapangyarihang Salita ni Yahweh

Itong limang eksena na nakita natin ngayon ay nagsisimula sa, “At sinabi ni Yahweh kay Moises” (7:8, 14; 8:1, 16, 20). Salita ng Diyos—hindi salita ng hari, hindi salita ni Moises—ang pinakamabigat ang timbang sa kuwentong ito. Kahit ang salita ni Moises, meron lang awtoridad, divine authority, kung ito ay salita ng Diyos, “Thus says Yahweh” (7:17; 8:2, 20). Ang Diyos direktang makipag-usap kay Moises. Pero sa Pharaoh, nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ni Moises. At ngayon din naman, patuloy na nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga nakasulat sa Bibliya. Nagsasalita ang Diyos as we read, study, and reflect on his Word. Nagsasalita ang Diyos sa tapat na pangangaral ng kanyang salita, tulad ng ginagawa ko ngayon. Nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesus. Noon, nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga prophets na tulad ni Moises. “But in these last days he has spoken to us by his Son” (Heb. 1:1). Pero higit pa kay Moises ang pagiging “propeta” ni Jesus. Hindi lang siya nagsalita ng salita ng Diyos, siya mismo ang “Salita” ng Diyos (John 1:1). Siya si Yahweh na nagsasalita sa atin.

At kapag nagsalita ang Diyos, makapangyarihan ang salita niya. Kapag sinabi niya, nangyayari. Nilikha niya ang lahat sa pamamagitan ng salita. Inuutusan din niya ang kanyang mga nilikha—ang tubig, ang mga palaka, ang mga lamok, ang mga langaw—para gawin ang layunin niya, para ipakilala ang kapangyarihan ng kanyang pagpaparusa. At nang dumating si Jesus, taglay niya ang kapangyarihan ng Diyos sa kanyang mga salita (Matt. 7:29). Ang mga himalang ginawa niya—ang tubig naging alak, ang bagyo tumigil, ang sakit gumaling, ang patay muling nabuhay—ay nagpapatunay na nasa kanyang mga kamay ang mga nilikha niya at susunod sa lahat ng sasabihin niya, “He upholds the universe by the word of his power” (Heb. 1:3).

Makapangyarihan ang salita ng Diyos. Kung ano ang sabihin niya, yun ang nangyayari. Kung ano ang sinabi niyang gagawin niya, gagawin nga niya. “And the Lord did so” (v. 24). Hindi tulad ng Pharaoh. Kaya nga bawat eksena ay nagtatapos sa pagpapaliwanag kung bakit nananatiling matigas ang puso ng hari, “as Yahweh had said” (7:13, 22; 8:15, 19). Kung ano ang sinabi ng Diyos na gagawin niya, gagawin niya; kung ano ang sinabi ng Diyos na i-expect natin na mangyari, yun nga ang nangyayari. Ang pagdating ni Jesus ay katuparan ng kanyang salita. Kung makapangyarihan pala, kung mapagkakatiwalaan pala ang salita ng Diyos, kaninong salita ngayon ang papakinggan mo? Ang salita ng Diyos o salita ng ibang tao, ng mundong ito, o ng sariling sinasabi ng puso mo na gawin mo? How you respond to the word of God, nagpapakita ito kung nakanino nga ang tiwala mo.

Ang Magkasalungat na Tugon ng Tao sa Salita ni Yahweh

Kitang-kita rin, ikalawa, sa kuwentong ito ang magkasalungat na tugon ng tao sa salita ni Yahweh. Yung kina Moises at Aaron siyempre dapat nating tularan. Kung ano ang sinabi ng Diyos na sabihin nila sa hari, yun nga ang sinasabi nila. Kung ano ang sabihin ng Diyos na sabihin ni Moises kay Aaron, yun nga ang sinasabi niya. Kung ano ang sabihin ng Diyos na gawin nila, kung kailangang iunat ang kamay at itaas ang tungkod kahit na parang wala namang sense na gawin, yun nga ang ginagawa nila. Pambihira ang pagbabago na nakita natin sa response ni Moises dito, unlike sa mga naunang bahagi ng kuwento na ayaw niyang sumunod sa Diyos. Kapangyarihan pa rin ng Diyos kapag ang puso ng isang tao na ang daming dahilan, ang daming excuses sa pagsunod ay nagbago at naging masunurin. Take note din, 80 years old na si Moises at si Aaron naman ay 83 years old during this time (7:7). Anong idadahilan mo sa pagsuway sa utos ng Diyos—kapag nakipagrelasyon ka sa isang unbeliever, kapag nag-engage ka sa isang sexual relationship outside of marriage, kapag ipinagpaliban mo ang Sunday worship, kapag nagiging maramot ka sa kayamanang kaloob ng Diyos—kung sinasabi mong makapangyarihan at mapagkakatiwalaan ang salita ng Diyos?

Maliban na lang kung gusto mong maging katulad ng hari ng Egipto. Mula simula, kahit makita pa ang mga pruweba ng kapangyarihan ng Diyos, kahit maranasan na ang consequences ng hindi pagsunod sa Diyos, nananatiling matigas, at patigas pa nang patigas ang puso niya. Ganyan din ang mga tao noong dumating si Jesus, hindi siya pinakinggan, hindi siya pinaniwalaan. At baka meron pa sa inyo na hanggang ngayon ay ganyan ang lagay ng puso kay Jesus, deadma, walang pakialam. At kung believer na tayo, may warning pa rin sa atin na mag-ingat tayo. Sa simula ng pagsuway natin sa Diyos, may kirot ng konsensiya. Pero habang paulit-ulit mong ginagawa, nagiging manhid na, nagiging matigas na ang puso natin, at kinukumbinse natin ang sarili natin na okay lang ‘yan. No, sin is never okay. Kahit ginagawa ng lahat ng tao. Lalo na kung paulit-ulit na kasalanan na nakapagpapatigas ng puso natin, na nakapaglalayo sa atin sa Diyos, at eventually ay magdudulot sa atin ng napakalaking kapahamakan.

Ang Laki ng Pangangailangan ng Tao sa Pagliligtas ng Diyos

Dahil sa katigasan ng puso ng tao, dahil sa kapahamakang naghihintay sa atin—kapahamakang ilang libong beses na mas malala pa kaysa sa mga salot sa Egipto—talaga namang napakalaki ng pangangailangan natin sa pagliligtas ng Diyos, kaligtasang Diyos lang ang makagagawa. Dalawang beses humiling ang Pharaoh kay Moises na manalangin siya sa Diyos para alisin ang salot. Dalawang beses rin na nanalangin nga si Moises sa Diyos. Sa bawat panalangin ni Moises, ganito ang response ng Diyos, “Ginawa ni Yahweh ang ayon sa salita ni Moises” (8:13, 31). Wow. Tayo ang dapat na gumawa nang ayon sa salita ng Diyos. Pero sa pambihirang awa ng Diyos, siya pa ang sumunod sa salita ng tao, ng tao na kanyang itinakda na tagapamagitan o mediator. Sa pagkakataong ito, kitang-kita kung paanong yung role ni Moises as “intercessor” or “mediator” ay nagtuturo sa atin patungo sa isang perfect “mediator”: “For there is one God, and there is one mediator between God and men, the man Christ Jesus” (1 Tim. 2:5). Ang Israel, kailangan ang pagliligtas ng Diyos. Si Moises din, hindi naman perpekto ang pagsunod niya. Si Cristo lang ang perpekto ang pagsunod sa Diyos, perpekto ang handog na inialay sa Diyos, at sapat ang pagliligtas na ginawa niya sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ang patunay na tinanggap ng Diyos ang ginawa ni Jesus, at pinakinggan niya ang mga salita ni Jesus nang hilingin niya sa Ama na tayo’y patawarin at iligtas mula sa ating mga kasalanan at sa parusang nararapat para sa bawat isa sa atin. Christ is our salvation, siya lang ang Tagapagligtas, wala nang iba.

Sapat na ang pruweba na ibinigay sa atin ng Diyos. Gumawa sila Moises ng himala para patunayang si Yahweh lang ang nag-iisang Diyos at ang kanyang salita ay makapangyarihan at mapagkakatiwalaan. Ngayon, hindi na natin kailangang makakita ng himala o gumawa ng himala para patunayang makapangyarihan ang salita ng Diyos. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ang “huling himala” na kailangan natin para makumpirma na totoo nga ang mabuting balita na si Cristo ay naparito para iligtas tayong mga alipin ng kasalanan (Philip Ryken, Exodus, 206). Ang tanong, pinaniniwalaan mo ba yun? Binababasa mo ba ang Bibliya sa liwanag ng buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo? Nakikipaglaban ka ba sa kasalanan, sumusunod sa utos ng Diyos, gumagawa sa ministry, nagse-share ng gospel sa mga unbelievers na nandun yung kumpiyansa na nasa ‘yo ang kapangyarihan ng resurrection ng Panginoong Jesus? Kaya sinabi ko sa simula, the resurrection changes everything.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.