[Sermon] The Gospel of Grace for Everyday (1 Cor. 15:1-11)

Ngayong araw ay Reformation Sunday. Para sa maraming Pilipino ay Araw ng mga Patay. Para sa atin naman ay araw ng muling pagkabuhay mula sa mga patay! Inaalala natin at ipinagdiriwang ang makasaysayang gawa ng Diyos sa pamamagitan ng Protestant Reformation na sumiklab nang ipaskil ng isang German priest na si Martin Luther ang kanyang 95 Theses sa gate of Wittenberg sa Germany. Naglalaman ito ng mga “protesta” niya sa mga unbiblical teachings and practices ng Roman Catholic Church.

Napakahalaga para sa ating mga Evangelical/Protestant Christians na balik-balikan yung kasaysayan na yun. It is not for history’s sake, but for the sake of the gospel. Yun naman kasi ang passion ng mga Reformers noon sa pangunguna ng mga katulad nina Luther, Calvin, Zwingli sa Germany, France, Switzerland na eventually ay kumalat noon sa buong Europe. Hindi para mag-imbento ng bagong katuruan, kundi para hamunin ang Church na bumalik sa ugat nito, na balik-balikan ang gospel, ang biblikal na doktrina ng mga apostol.

At ang doktrinang ito, at the heart of this gospel, ay summarized sa tinatawag na five solas: sola Scriptura (Scripture alone), solus Christus (Christ alone), sola gratia (grace alone), sola fide (faith alone), soli Deo gloria (glory to God alone). Ang kaligtasan natin, ang basehan ng pagtanggap sa atin ng Diyos at para maituring tayong mga makasalanan na matuwid sa harapan niya (justification) ay ayon lang sa itinuturo ng Bibliya, dahil lang sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Cristo lang at sa kanyang gawa para sa atin, at para lang sa karangalan ng Diyos.

Last 2017, ika-500 taon ng Reformation, nagkaroon na tayo ng five-month sermon series tungkol sa Five Solas. At kailangan naman talaga din nating balik-balikan ang doktrinang ito para sa pang-araw-araw nating buhay bilang mga Christians at pati na rin para mahubog ang ministry ng church natin. Bahagi rin ng motto nila noon ay yung “ecclesia reformata, semper reformanda,” na ang ibig sabihin ay “the church reformed, always reforming.” Kung hindi biblical gospel ang huhubog sa church natin, another “gospel” will. At yun ang binabantayan natin para hindi mangyari. 

At tamang-tama rin naman, sa sermon series natin sa 1 Corinthians, by God’s providence, nandito na tayo ngayon sa 1 Corinthians 15:1-11, panimula ng bago at huling section sa sulat ni Pablo sa church sa Corinth na tumatalakay sa iba’t iba issues or concerns na meron ang church nila. Merong tungkol sa mga divisions sa church, tungkol sa conflicts, tungkol sa sexual sins, tungkol sa church discipline, tungkol marriage and singleness, tungkol sa magkaiba pero complementary roles ng lalaki at babae, tungkol sa pagkain, tungkol sa idolatry, tungkol sa worship, tungkol sa church ministries, tungkol sa spiritual gifts. 

At ngayon naman sa chapter 15 ay yung issue na sinasabi ng iba sa church na wala daw resurrection of the dead (v. 12), at yung iba naman ay nalilito tungkol sa future, bodily resurrection of Christians (ESV Study Bible). Na para bang hindi na mahalaga ang katawan ng tao, espiritu lang ang mahalaga. Kaya kung mapapansin n’yo halos lahat ng sections sa chapters 5-15 ay may kinalaman sa katawan o body. Yung sa chapters 5-7 ay tungkol sa sexual purity, yung chapters 8-11 ay tungkol sa pagkain, yung chapters 12-14 ay yung larawan ng church bilang isang katawan. At ito namang chapter 15 ay may pagtanaw sa bodily resurrection natin (Ciampa and Rosner, 1 Corinthians, p. 737).

Para kay Pablo, ang solusyon sa mga problema na sumasalanta sa church sa Corinth ay hindi bagong methodologies, or innovative human strategies, but the old, old story of the gospel. Yun ang ipapaalala niya dito sa passage natin ngayon. Tingnan mo ang simula, “Mga kapatid, ngayo’y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo” (15:1). Literally, yung “ipinapaalala” ay “ipinapaalam.” Pero dahil alam na naman nila ‘yan, kaya ang meaning ay “ipinapaalala.” Hindi dahil hindi nila alam, kundi dahil nakakalimutan nila, hindi nila lubos na nauunawaan ang implications ng gospel na yun sa life and ministry, at kung naaalala man nila o sinasabing nauunawaan nila kung ano yung gospel na yun, pero nalilihis naman sila o nagiging inconsistent ang pamumuhay nila at mga ginagawa nila sa church. 

Hindi ito ang first time na ipapaalala niya ang gospel sa kanila. Actually, ang buong 1 Corinthians, kung babasahin mong mabuti ay paglalapat ni Pablo ng gospel na yun sa life ng church nila. Kung sa 1:13-22 sa simula ay ang pagkapako ni Cristo sa krus ang highlight niya, dito naman sachapter 15 ay ang kanyang muling pagkabuhay, na para kay Pablo ay central content ng gospel message (vv. 3-5). So we have here from beginning to end ng letter niya ipinapakita niya kung gaano kahalaga for us Christians, and for our churches, to always go back, na balik-balikan ang mensaheng ito na we are all so prone to forget. 

Kung isyu ng doktrina sa kung ano ang mangyayari sa mga huling araw, para kay Pablo kailangan pa ring nakakabit sa gospel. Kung isyu ng buhay Cristiano o ministry ng church ang pag-uusapan, para kay Pablo ay kailangan pa ring nakakabit sa gospel. Kaya naman sinabi niya na itong gospel ay “of first importance” o “pinakamahalaga sa lahat” (v. 3).

Mahahati natin sa tatlong bahagi itong vv. 1-11. Una, sa vv. 1-2 ay pag-uusapan natin kung bakit kailangan natin sa church ang gospel (the necessity of the gospel). Ikalawa, sa vv. 3-7, titingnan natin kung ano ang laman nitong gospel (the message of the gospel). Ikatlo, sa vv. 8-11, ay titingnan natin kung paano napatutunayang makapangyarihan itong gospel na ‘to (the power of the gospel). And by way of application, sa bawat bahagi ay susubukan natin i-konekta ito sa application ng five solas sa life and ministry natin. And by the end of this message, ang prayer ko ay makita at matikman n’yo talaga kung bakit good news at kung gaano ka-good news ang gospel na ‘to. “Oh taste and see that the Lord is good” (Psa. 34:8)!

The All-of-Life Necessity of the Gospel (vv. 1-2)

Meron tayong ilang bagay na dapat pansinin sa itinuturo dito ni Pablo sa vv. 1-2 tungkol sa gospel, sa Greek ay evangelion. Kaya nga sa ilang salin sa Tagalog, “ebanghelyo.” Kaya nga ang tawag natin sa pagse-share ng gospel ay “evangelism.” 

  1. Ang gospel na ito ay mabuting balita. Yun ang basic na definition ng evangelion. Yung balita na dala-dala ng isang mensahero o herald na ibinabalita sa buong kaharian ang mensahe na galing sa hari. Kaya nga sabi ni Pablo na ito ang “Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo” (v. 1). Yung “ipinangaral” ay galing sa evangelizo, o yung pagdadala ng magandang balita o mensahe. So yung gospel ay magandang balitang ibinalita ni Pablo sa mga taga-Corinto. Ito rin yung salitang ginamit niya sa v. 2 nang tukuyin niya ang gospel na “ang salitang ipinangaral (evangelizo, ibinalitang magandang balita) ko sa inyo.” So, ang gospel ay good news, hindi good advice, sabi nga ni Tim Keller. Hindi ito tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin. Mabuting balita, para kanino?
  2. Ang gospel na ito ay para sa buong church. “Mga kapatid, ngayo’y ipinapaalala ko sa inyo…” (v. 1). Ang kinakausap niya dito at pinapaalalahan ay ang buong church sa Corinth. Pansinin n’yo yung mga pronouns sa two verses na ‘to, puro plural: sa inyo, sa inyo, ninyo, ninyo. Hindi lang para sa mga non-Christians ang gospel. Hindi lang para sa mga new believers ang gospel. Para sa lahat, para sa buong church, para sa lahat ng nakakalimot (tayong lahat!), para sa lahat ng nag-iistruggle pa sa kasalanan (tayong lahat!), para sa lahat ng meron pang kayabangan (tayong lahat!). Ibig sabihin, ang gospel na ito ay hindi lang para sa simula o sa isang partikular na yugto ng buhay natin. 
  3. Ang gospel na ito ay para sa buong buhay natin. Makikita ito sa progression ng response natin sa gospel. Nang marinig nila ito sa preaching ni Paul, ito ay “tinanggap” (v. 1) nila. “Received,” parang isang package na galing sa delivery ng LBC o Lazada o Shopee. Tapos na yun. Ito yung first time na nagrespond sila in repentance and faith. Tapos, yung gospel daw na yun ay “naging saligan ng inyong pananampalataya” (MBB); “hanggang ngayon ay pinaninindigan ninyo” (ASD). Sa ESV, “in which you stand.” Ang verb na ‘to “perfect tense” sa Greek. Ibig sabihin, tinayuan at patuloy na tinatayuan. Nakapirmi ka sa gospel. Hindi ka aalis, hindi dapat umalis. Ito yung bato o pundasyon na tinatayuan ng bahay natin na kung aalisin ay guguho ang lahat-lahat sa buhay natin. Sa v. 2 naman ay yung “matatag ninyong pinanghahawakan”/”hold fast,” present tense, nagpapatuloy na pananampalataya. Hindi lang sa simula, kundi hanggang ngayon sa araw-araw ng buhay natin ay kailangan natin ang gospel. Tinanggap, tinatayuan, pinanghahawakan. Ito ang pananampalatayang nakapagliligtas. Dahil kung hindi nagpapatuloy, “walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya” (v. 2). Bale wala. Pero kung nagpapatuloy…
  4. Ang gospel na ito ay instrumento ng Diyos para sa kaligtasan natin.Verse 2, “Naliligtas kayo sa pamamagitan nito.” ESV, “by which (by this gospel) you are being saved.” Being saved, present tense ‘to. Karaniwan kasi when we talk of salvation, past tense ang ginagamit natin. Naligtas na ‘ko. Totoo naman, tulad sa Rom. 8:24 (were saved) o Eph. 2:5, 8 (have been saved, bagamat perfect tense ang gamit niya dito, naligtas na tayo pero nagpapatuloy pa ang epekto nito). Minsan naman future tense tulad ng Rom. 5:9-10 (shall be saved). At dito sa v. 2 ng passage natin, present tense ang gamit niya. When we talk about salvation, dapat mas maging malawak ang tingin natin dito. Totoong naligtas na tayo, done deal na yun, tapos na. Pero nagpapatuloy ang ginagawang pagliligtas sa atin ng Diyos (kasi may natitira pang kasalanan sa atin!) at lulubusin niya balang araw. At paano niya ginagawa ito? Ano ang ginagamit niyang paraan o instrumento? The gospel being preached to our hearts over and over again.

So kapag sinabi ng mga Reformers na sola Scriptura, Scripture alone, Bibliya lang ang batayan natin kung ano ang paniniwalaan natin sa gospel. Kung ano ang itinuturo ni Pablo sa mga taga-Corinto, yung apostolic witness na tinanggap nila. Hindi dapat mahaluan ng iba at maging malabo o malabnaw ang mensaheng iyon. We must always go back kung ano ang itinuturo ng Salita ng Diyos. At kung ano itong tinanggap natin na gospel, complete package, yun din ang ipapasa natin sa iba.

Ipapasa, pero panghahawakan pa rin. Ito naman ang implication sa sola fide. Oo, by faith alone yung justification natin, itinuring tayo ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at walang halong gawa natin. Pero dapat nating unawain na itong faith na ‘to, yung justifying faith, yung saving faith, ay yung faith na nagpapatuloy na pinanghahawakan ang ginawa ni Cristo. Hindi bumibitaw.

Yung gospel na yun pinanghahawakan at pinapasa sa iba. Kasi nga, kailangan ko, kailangan mo, kailangan ng iba, kailangan ng buong church. Kaya dapat ay alam mo yung buong package na yun, the message or the content of the gospel.

The all-important message of the gospel (vv. 3-7

Kaya ko naman nasabi kanina na ipinapasa sa iba, kasi ganun yung salita na ginamit ni Pablo sa v. 3, “Sapagkat ibinigay ko sa inyong bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin…” Sa 11:23, ganito rin ang mga salitang ginamit niya about the Lord’s Supper. Tinanggap niya ito mula sa Panginoon, ipinapasa naman niya sa iba. Tinanggap niya yung package na yun, idinedeliver naman niya sa iba, “For I delivered to you as of first importance what I also received…” Napakahalaga. Pinakamahalaga sa lahat ng packages na matatanggap natin. Kaya sinabi ni Tim Keller na “The gospel can carry the burden of being the one main thing of the church because it is endlessly rich.” Napakayaman. Hindi mauubusan. Ito ang kailangan ng church. Hindi lang dahil lahat sa buhay natin ay konektado dito, kundi dahil dito mismo nakasalalay ang buhay natin. The gospel is the good news about Jesus. The gospel is Jesus. Solus Christus.

Again, ang gospel ay mabuting balita. Hindi ito tungkol sa ginawa mo, ginagawa mo o gagawin mo. Ito ay tungkol kay Cristo at sa natapos na niyang ginawa. Hindi ito fake news. Ito ay totoong nangyari sa kasaysayan. Apat na historical facts about Christ ang tinukoy ni Pablo sa vv. 3-7: si Cristo’y namatay, inilibing, muling nabuhay, nagpakita. Yung unang tatlo diyan ay nakasulat sa The Apostles’ Creed na siyang faithful biblical summary of the Christian faith na nagmula pa sa early years ng Christianity, more than 1,400 years bago ang 16th century Reformation. “I believe in Jesus Christ…was crucified, died and was buried…the third day he rose again from the dead…”

  1. Si Cristo’y namatay. “Si Cristo’y namatay dahil (o para) sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan” (v. 3). Matapos na si Cristo’y mamuhay nang matuwid, siya’y ipinako sa krus na para bang isang kriminal. Namatay siya. Para ano? Para sa ating mga kasalanan. Yun kasi ang problema natin, yung kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa Diyos. So, si Cristo ang naging handog, substitutionary atonement, para iligtas tayo, para maituring tayo na matuwid sa harap ng Diyos (2 Cor. 5:21) at sa gayo’y mailapit pabalik sa Diyos (1 Pet. 3:18). Ginamit marahil ni Pablo hindi yung singular na “our sin” kundi yung plural na “our sins” para ipakita sa atin na yung gospel ay kailangan natin hindi lang for reconciliation with God (saved from sin) kundi pati sa pang-araw-araw na pakikipaglaban natin sa kasalanan (being saved from sin), na consistent naman sa pinag-aralan natin kanina sa vv. 1-2. At sinasabi din dito ni Pablo na yung death ni Christ ay hindi lang historical fact, wala namang magdedeny nun, kundi “according to the Scriptures.” Ibig sabihin, katuparan ito ng plano ng Diyos sa kasaysayan, pagtupad ng Diyos sa mga pangako niya sa Old Testament pa. Marahil ay isa yung Isaiah 53 sa Kasulatan na nasa isip ni Pablo dito. Anupaman, malinaw na lahat ng ito ay plano at gawa ng Diyos.
  2. Si Cristo’y inilibing. “Inilibing siya” (v. 4). Yung significance nito ay para patunayan na siya nga ay totoong namatay. At kung totoong namatay siya, totoo din yung account na siya’y muling nabuhay.
  3. Si Cristo’y muling nabuhay. Itong historical fact ng resurrection ng Panginoong Jesus ang central event in history, nasa sentro din ng gospel (kasama siyempre yung pagkamatay niya). Ito ang focus ni Paul sachapter 15 at siyang tatalakayin niya para patunayan din yung future resurrection of the body na itinatanggi ng iba. Verse 4, “muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan.” Nasa later part din ito ng Isaiah 53. Kasama din ito sa plano ng Diyos, sa natupad na plano ng Diyos. At walang kabuluhan ang kamatayan ni Jesus, hindi makapagliligtas sa atin, kung siya ay nanatiling patay. At later sa chapter na ‘to, sasabihin ni Pablo na walang saysay din ang pananampalataya natin, nananatili pa tayo sa kasalanan natin, kaawa-awa tayo, kung hindi talaga nangyari sa kasaysayan ang muling pagkabuhay ni Jesus (vv. 17-18). Kaya nagbigay siya ng makapagpapatunay dito…
  4. Si Cristo’y nagpakita. Merong ebidensya. Yun yung vv. 5-7. Bagamat nagpakita una si Jesus sa mga babaeng disciples niya, hindi na sinama yun ni Pablo dito. “Siya’y nagpakita kay Pedro (lit., Cephas), at saka sa Labindalawa” (v. 5). Yung “Twelve” ay nakasanayang tawag sa original apostles, bagamat wala na si Judas siyempre. “Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan” (v. 6). Hindi sure kung kelan nangyari ito sa 40 days na namalagi pa si Jesus bago siya umakyat sa langit. Pero ang point niya dito ay para sabihing marami pa noon ang natitirang buhay, pwedeng tanungin ng kung sinumang mag-iimbestiga kung totoo ngang nangyari ang resurrection. “At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol” (v. 7). Ang mga apostol na binabanggit dito ay mas malaking grupo pa sa original na Twelve, kasama si James/Santiago na half-brother ng Panginoong Jesus at si apostol Pablo siyempre na babanggitin niya sa v. 8.

So, what we believe about the gospel ay hindi haka-haka lang, hindi imbento lang ng tao. Ito ay totoong nangyari. May testimony. May nagpapatunay. At higit sa lahat, hindi tao ang magpapatunay nito. Ang Diyos mismo, kaya dalawang beses binanggit ni Pablo yung “ayon sa Kasulatan.” Kasi kung yung pagdating ni Jesus, yung pagliligtas na gagawin niya ay pangako ng Diyos sa simula’t simula pa, at hindi nagsisinungaling ang Diyos, hindi sumisira sa pangako niya, then reliable ang witness ng Scriptures about God, about Christ, about the gospel. Kaya naman we hold on to sola Scriptura. Sa sentro ng revelation ng Diyos about himself and his works ay yung gospel message, kasi yun ang sentro at climax ng pagliligtas ng Diyos sa atin. Kaya naman babalik-balikan natin ang Bibliya, titingnan ang gospel na nasa sentro, at iintindihin ang lahat ng pahina ng Bibliya sa liwanag ng mabuting balita ni Cristo.

The gospel is about Christ. The church is about Christ. Kaya solus Christus, Christ alone. Nalulungkot ako nitong mga nakaraang araw lang kasi merong national conference ang isa sa mga malalaking religious groups/movement sa bansa natin at yung mga nakikita kong posts ay tungkol sa anong gagawin natin, paano tayo magkakaroon ng breakthrough, influence sa iba, at victorious life. Tapos meron ding nagpopromote ng mga leadership movement or training programs, punong puno ng mga wisdom or methodologies or strategies na galing sa mundong ito. Ang I’m wondering, nasaan na si Cristo? Nasaan na ang halaga ng ginawa niya para sa atin? We call ourselves Christians, we call our churches Christian churches, pero bakit hindi laman ng mga usapan natin si Cristo?

How about our church? Baka maging palasak na lang yung mga terms na gospel o gospel-centered, at maging cool slogan na lang. Pati yung five solas, baka wala nang meaning, baka wala nang significance. Wag sanang mangyari yun. At para hindi mangyari yun, kailangan natin hindi lang paniwalaan kundi talagang maranasan ang transforming power of the gospel sa mga personal na buhay natin. Tulad ng isinaad ni Pablo sa vv. 8-11. 

The Transforming Power of the Gospel of Grace (vv. 8-11)

Itong mensahe ng ebanghelyo ay hindi lang historical at doctrinal facts para kay Pablo. Ito ay personal. Ito ay naranasan niya. Napatunayan niya sa buhay niya ang kapangyarihan nito na bumago ng buhay. Makikita mo lang naman talaga kung gaano ka-powerful itong gospel of grace kung aalalahin mo kung saan ka nagmula, kung ano ang kalagayan mo dati, kung gaano ka ka-undeserving at ka-unworthy.

Sabi niya sa v. 8, “Sa kahuli-huliha’y nagpakita rin siya sa akin.” Chronologically, siya ang huli sa mga apostol na nakakita sa risen Christ. Isa naman yun sa criteria ng pagiging apostol. Ibig sabihin wala nang sumunod pa sa kanya. And not just chronologically, gusto din niyang ipakita na undeserving siya hindi lang sa pagiging apostol, kundi sa pagiging Cristiano. Tayo kapag ipinapakilala natin panghuli ang isang tao sinasabi natin, “Last but not the least…” Si Pablo, “last of all, and the least of all” ang pakilala niya sa sarili niya. Tingnan n’yo yung mga sumunod niyang sinabi, “kahit na ako’y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon” (v. 8). “Untimely born,” literally, stillborn, or premature ang kapanganakan, o aborted child. Maraming attempts to describe kung ano ang gustong ipahiwatig dito ni Pablo. Pero ang malinaw, hindi magandang picture ang gusto niyang ipresent tungkol sa kanyang sarili. Malinaw yun sa sumunod, “Sapagkat ako ang pinakahamak (pinakamaliit, hindi importante) sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos” (v. 9). ‘Yan ang background niya. Walang anumang qualification o merit o potential ang maipagmamalaki niya na dahilan ng Diyos kung bakit siya tinawag na maligtas, at tinawag na maging apostol. 

Only by the grace of God. Biyaya lang talaga ng Diyos. Sola gratia. Actually tatlong beses niyang inulit-ulit yung salitang ‘yan sa v. 10–“grace” (Gk. charis), “awa/biyaya” (ASD), “kagandahang-loob” (MBB). Ito yung undeserved goodness ng Diyos sa kanya. Una sabi niya, “Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging isang apostol (ESV, “I am what I am”).” Kung ano ang kalagayan niya ngayon, kung ano ang katayuan niya ngayon, yung kaligtasan na meron siya, yung mga pagpapalang tinanggap niya, yung ministeryo niya bilang apostol, lahat yun owing to the grace of God. Hindi dahil sa desisyon niya, hindi dahil he’s better than others, hindi dahil sa sarili niyang sikap o tiyaga, hindi dahil sa educational background niya. Hindi, dahil lang sa biyaya ng Diyos. Sola gratia. 

May kapangyarihan itong bumago ng buhay ng tao. Hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Kung ano ang itinakda ng Diyos na epekto o resulta ng gospel of grace sa buhay ng kanyang mga tinawag siguradong mangyayari (sa theological term, “efficacious/efficient grace”). Sa ikalawang beses na gamit ni Paul ng “grace” sa v. 10, “at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob (grace) niyang ito sa akin.” Hindi “in vain.” Hindi parang wala lang, parang hangin lang. Hindi walang epekto o walang bisa. The gospel of the grace of God has transforming power. “The gospel is the power of God for salvation” (Rom. 1:16).

Dahil sa biyayang ito, anumang achievement niya, anumang resulta ng ministry niya, anuman ang sabihin ng ibang tao tungkol sa kanya, there is no room for boasting. Kaya ito ang sabi niya sa ikatlong beses na banggitin niya yung grace sa v. 10, “Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob (grace) ng Diyos na nasa akin.” Bumago sa buhay niya, nagbibigay-lakas para magawa niya ang kalooban ng Diyos. Ito ang resulta ng biyaya ng Diyos sa buhay ni Pablo. Ang paratang kasi ng ilan kung maniniwala tayo sa sola gratia, baka daw magbigay ng lisensya yun para magpatuloy sa kasalanan, o kaya ay maging passive o tamad sa paggawa ng mabuti o paglilingkod sa ministry. Ngunit iba para kay Pablo, iba para sa lahat ng pinanghahawakan ang ebanghelyong ito. May bisa. May kabuluhan. May malaking pagbabago. May pagtulak sa atin para magpatuloy sa pagsisikap. 

Kung sola gratia, wala tayong maipagmamalaki. Wala akong maipagmamalaki. Masasabi natin yung ikalimang motto sa five solas of the Reformation – soli Deo gloria, to God alone be the glory, ang papuri at luwalhati ay sa Diyos lang. Kaya sinabi niya sa v. 11, “Kaya’t maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.” Hindi sa preacher ng gospel, gaano man ka-successful ang maging resulta ng preaching niya. Hindi sa receiver ng gospel, dun sa nagrespond sa gospel, gaano man sabihin ng iba na dahil ‘yan sa sarili mong decision or free will to accept or reject the gospel. The glory belongs to God alone because of this one gospel. It is all about the gospel kasi it is all about the glory of God.

Ang buhay Cristiano, ang church na kinabibilangan natin at mga ministeryo nito, anumang bagay o pangyayari sa kasaysayan ng mundo, lahat ‘yan ay para sa karangalan ng Diyos, for the glory of God. Sola Scriptura, para malagay sa spotlight ang Word of God. Solus Christus, para malagay sa spotlight ang sufficiency of the sacrifice of the Son of God. Sola gratia at sola fide, para malagay sa spotlight ang redemptive work of God. Ang tanong sa ‘yo at sa church natin ngayon ay ito, ang salita ba ng Diyos, ang Anak ba ng Diyos, ang gawa ba ng Diyos ang nasa spotlight?

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.