[Ang study guide na ito ay translation ng 7-week study guide na Growing One Another: Discipleship in the Local Church na isinulat ni Bobby Jamieson. Ito ay isinalin sa Filipino ni Jodi Parfan.]
Getting Started
1. Ano ang isang karanasan mo na nagpakita na marami ka pang kailangang matutunan – pwedeng ito ay sa pamilya, sa trabaho, sa church o sa iba pang bahagi ng buhay mo?
Ang buong pag-aaral na ito ay tungkol sa discipleship. Ang pagiging disciple ay pagiging estudyante na natututo at gumagaya sa kanyang teacher. Bilang mga disciples ni Jesu-Cristo, lahat tayo ay tinawag para matuto at sumunod sa kanya sa bawat bahagi ng buhay.
Ibig sabihin, dapat nating maintindihan na ang discipleship ay isang lifelong process. Sa buhay na ito, wala ni isa man sa atin ang makaka-graduate dito. Lahat tayo ay kailangang magpatuloy bilang disciples.
Main Idea
Walang sinuman sa atin ang perpekto. Lahat tayo ay kailangang lumago bilang mga tagasunod ni Cristo.
Digging In
Sa Filipos 3:8-11, ipinahayag ni Pablo na lahat ng dati niyang ipinagmamalaki ay itinuturing na niya ngayong walang halaga dahil sa higit na kahalagahan ng makilala si Cristo. Ipinaliwanag niya kung bakit masaya siya kahit nawala ang mga iyon at higit pa: naging daan iyon para makilala niya si Cristo, makabahagi sa kanyang pagdurusa, at makamit ang pagkabuhay mula sa mga patay.
Pero hindi sinabi ni Pablo na siya ay naging perfectly mature. Siya mismo ang nagsabi:
Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako’y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako’y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit. 15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na. 17 Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo’y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo’y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.
Fil. 3:12–21 MBB
1. Ano ang sinasabi ni Pablo na hindi pa niya nagawa at hindi pa niya nakamit? (vv. 12–13)?
2. Kung ganito ang pananaw ni apostol Pablo sa kanyang sarili, ano ang sinasabi nitong dapat na attitude natin sa ating mga sarili?
3. Anong dahilan ang sinabi ni Pablo kung bakit siya nagsusumikap na mas makilala si Cristo? (v. 12)?
4. Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa batayan at motivation ng paglago bilang mga Cristiano?
5. Ano ang isang bagay na ginagawa ni Pablo (vv. 13–14)?
6. Ano ang larawang ginamit ni Pablo sa vv. 13-14? Ano ang naaalala mo dito? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa pagsisikap na dapat nating ginagawa para lumago bilang mga Cristiano?
7. Sino ang tinutukoy ni Pablo na tularan natin sa v. 17? (Hint: May dalawang sagot.)
8. Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kung paano tayo lalago bilang mga Cristiano?
9. Ano ang sinabi ni Pablo na banta (threat) sa ating matapat na pagsunod sa mabuting halimbawa niya at ng iba (vv. 18-19)? Bakit lalong mahalaga na sumunod sa godly examples dahil sa bantang ito?
10. Isulat ang lahat ng sinabi ni Pablo sa vv. 20-21 na totoo sa atin bilang mga Cristiano. Paano nagpapalakas sa atin ang bawat isa dito na magpatuloy bilang tagasunod ni Cristo?
11. Paano ka tumutugon kapag itinama ka o sinaway ka ng isang kapwa mananampalataya? Ano ang ipinapakita nito tungkol sa pagtingin mo sa iyong sarili?
12. Sa pag-aaral na ito, nakita natin na lahat tayo ay kailangang patuloy na lumago bilang mga tagasunod ni Jesu-Cristo, at gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga taong makadiyos. Sino ang isa o dalawang tao na para sa ‘yo ay karapat-dapat tularan dahil sa pagsunod nila kay Cristo? Anu-anong mga katangian ang nakikita mo sa mga taong iyon na karapat-dapat tularan dahil katulad ito ng kay Cristo?
13. Sinabi ni Pablo na siya ay isang halimbawang dapat tularan. Maaaring gawin ito nang may kayabangan. Ipaliwanag kung paano ito magagawa nang may kababaang-loob.
14. Ang buhay mo ba ay isang halimbawa na dapat tularan ng mga mas nakababatang Cristiano? Kung hindi, nagsisikap ka bang maging ganito?
15. Ano ang isang hakbang na gagawin mo sa linggong ito para lumago bilang isang disipulo ni Jesu-Cristo?
Teacher’s Notes for Week 1
Digging In
1. Sinasabi ni Pablo na hindi pa siya perpekto at hindi pa niya nakakamit ang buhay na walang hanggan kasama si Cristo (vv. 12-13).
2. Kung ito ang pagtanaw ni apostol Pablo sa kanyang sarili, dapat ay ganoon din ang pagtingin natin sa ating mga sarili – hindi pa perpekto at kailangan pa ang patuloy na paglago bilang mga Cristiano.
3. Sinabi ni Pablo na kaya siya nagsisikap na mas makilala pa si Cristo ay dahil tinawag siya ni Cristo at ngayon ay kabilang na siya kay Cristo (v. 12).
4. Itinuturo nito sa atin na ang basehan at motivation natin sa paglago bilang mga Cristiano ay dahil tayo ay kay Cristo na. Nais ni Pablo na panghawakan ang pagkakilala kay Cristo dahil si Cristo na ang nagmamay-ari sa kanya. Gusto nating mas makilala si Cristo dahil siya ang nagligtas sa atin. Nilalabanan natin ang kasalanan dahil pinatawad na niya tayo sa mga ito. Ang ginawa ni Cristo ang dahilan kung bakit tayo nagsisikap na mamuhay nang may kabanalan.
5. Sinabi ni Pablo na ang isang bagay na ginagawa niya ay “nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit” (Fil. 3:13–14).
6. Sa verses 13–14, ginamit ni Pablo ang larawan ng isang manlalaro o atleta na kasali sa karera o takbuhan. Ipinapakita nito sa atin na katulad ng mga atleta na itinutuon ang buong lakas para manalo, ganoon din ang kailangan nating gawin para lumago bilang mga Cristiano. Kailangan ang disiplina, kaseryosohan at pagsisikap na makasunod kay Cristo.
7. Sa verse 17, sinabi ni Pablo na tularan natin siya at lahat ng sumusunod sa kanyang halimbawa. Ibig sabihin nito ay dapat nating gayahin ang mga Cristianong namumuhay nang tapat sa Salita ng Diyos. Tinukoy din ng Bibliya na tularan natin ang mga namumuno sa ating mga churches (Heb. 13:7).
8. Ang utos na ito ni Pablo ay nagpapakita sa atin na tayo ay lalago sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng iba. Dapat nating tularan ang makadiyos na pamumuhay ng ibang Cristiano. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanilang pamumuhay, pagkakaroon ng ugnayan sa kanila at pagtulad sa kanilang pagsunod kay Jesus.
9. Sinabi rin na Pablo na maraming false teachers na nagpapalaganap ng kasalanan sa pamamagitan ng kanilang katuruan at pamumuhay (vv. 18-19). Ang mga ito ay banta at maaaring maging balakid sa pagusnod sa mabuting halimbawa niya at ng iba. Dahil sa mga bantang ito, higit na mahalaga na tumulad tayo sa mga makadiyos na halimbawa. Mahirap labanan ang mga false teachers sa ating sarili lang. Kailangan natin ang mabuting halimbawa ng mga matatagal nang Cristiano para magpatuloy tayo sa ating pananampalataya at hindi matangay ng mga false teachers.
10. Sa verses 20 hanggang 21, sinabi ni Pablo na ang mga Cristiano ay:
- Mamamayan ng langit (v. 20)
- Sabik na naghihintay sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas (v. 20)
- Babaguhin ni Cristo sa kanyang pagbabalik kaya ang ating mga katawan ay magiging maluwalhati katulad ng kay Cristo (v. 21)
Bilang mga mamamayan ng langit, may nakahandang eternal inheritance para sa atin. Kaya naman dapat tayong mamuhay na pinananabikan ang katotohanang iyon. Sa pagbabalik ni Cristo, itatama niya ang lahat ng mali at makakabahagi tayo sa kanyang maluwalhati at pangwalang-hanggang kaharian. Dahil ang ating kaligtasan ay magiging ganap, dapat tayong magtiwala sa mabuting ginagawa ng Diyos sa ating mga buhay ngayon. Lahat ng aspetong ito ng ating pag-asa sa hinaharap ay dapat na magtulak sa atin na labanan ang kasalanan at magsikap na mamuhay nang may kabanalan sa kasalukuyan.
11–12. Maaaring iba-iba ang sagot.
13. Ang taong tunay na may takot sa Diyos at hindi sa ibang tao ay mapagpakumbaba. Paminsan-minsan ay ipapakilala niya ang kanyang sarili bilang halimbawang dapat tularan, kahit pa sa tingin ng iba ito ay kayabangan.
14–15. Maaaring iba-iba ang sagot.