Ikalima at panghuling bahagi na ito ng pag-aaral natin sa isang major section sa sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto sa 1 Corinthians chapters 12-14 na may kinalaman sa isyu sa church nila tungkol sa mga spiritual gifts at tamang paggamit nito sa ministry ng church. Last week sa pag-aaral natin ng 14:1-25, tinalakay ni Pablo ang prayoridad ng gift of prophecy kung ikukumpara sa speaking in tongues na hindi naipapaliwanag at hindi naiintindihan. At mga usaping ito ay may kinalaman sa kahalagahan na gawin ang lahat sa pagtitipon ng iglesya sa paraang nakapagpapatibay sa iglesya – “so that the church may be built up” (v. 5).
Mahalaga ang church. Mahalaga ang mga pagtitipon ng church, especially during Sunday morning. Bagamat hirap tayo ngayon diyan. Ngayon merong konti na nagtitipon in person, karamihan nasa Zoom. Temporary setup lang ito hangga’t may pandemic pa. Wag naman sanang ito ang maging “new normal.” Ayaw natin madefine ang “normal” ayon sa kung ano ang nangyayari sa panahon ngayon o kung ano ang standard ng society natin. Nananatiling Salita ng Diyos ang magdedefine kung ano ang dapat na “normal” sa ministry ng church.
Kaya napakahalaga ng pag-aaral natin sa 1 Corinthians. Nagbibigay kasi si Pablo dito ng mga specific instructions para sa mga specific situations sa church. Pero magkakamali tayo sa paglalapat nito sa situations sa church kung hindi natin pag-aaralang mabuti. Hindi naman kasi eksaktong pareho ang nangyayari noon sa nangyayari ngayon. Kaya mahalaga sa pag-aaral natin na tingnan nating mabuti kung ano ang underlying theological foundational principle sa mga sinasabi ni Pablo, at sa application nito sa church we try to build on that foundation.
We pray na turuan tayo ng Holy Spirit para mas maunawaan natin kung ano ang nais ng Diyos na matutunan natin sa sulat na ito ni apostol Pablo. Dito sa vv. 26-40, itutuloy lang ni Pablo yung pagtalakay about prophecy and tongues, pero mas specific na yung instructions na sasabihin niya kung ano ang dapat nilang gawin.
Church Gathering (v. 26)
Sinimulan niya ito sa isang transitional phrase, “What then, brothers” (v. 26)? Term of endearment ‘yan, brothers and sisters. Karaniwan na nating nakikita sa letter niya para iemphasize hindi lang yung relationship niya sa kanila, kundi yung nature ng issue nila. This is a family issue, sabi ni Pablo, kaya pag-usapan natin bilang isang pamilya. Paul was making a lot of effort in trying to explain these things. Nagkakagulo sila sa church about spiritual gifts. Si Paul parang referee, teka muna, usap tayo. At yung susunod niyang sasabihin ay may kinalaman sa implications ng mga nauna niyang sinabi. Ano na ngayon? Kung totoo yung mga nauna niyang sinabi, ano ngayon ang dapat nating gawin? Hindi niya sinabing, bahala na kayo dyan. Sabi niya, okay, heto ang dapat ninyong gawin. Para siyang isang tatay na nagbibigay ng instructions sa mga anak niya na maliliit pa at immature pa.
Sabi pa niya, “Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon…” (ASD). Sa MBB, “Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit (has a hymn), may nagtuturo (a lesson), may naghahayag ng kalooban ng Diyos (a revelation), may nagsasalita sa iba’t ibang mga wika (a tongue), at mayroon namang nagpapaliwanag noon (an interpretation)…” Sample ito ng mga spiritual gifts, hindi pa kumpleto ‘yan. Ang point niya ay kung ano man ang gagawin ninyo during your gathering sa church, to exercise yung spiritual gift na bigay sa inyo ni Lord, wag n’yo lang basta gawin. Ministry is not just about activities. Hindi lang ito “gawain,” tulad ng karaniwan nating sinasabi. Mahalaga hindi lang kung ano ang ginagawa natin, mas mahalaga kung paano natin ito ginagawa at para saan natin ginagawa. Sa anong paraan, sa anong layunin.
Sabi ni Pablo, “…gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya.” “For building up” the church. Yung salitang ito (oikodome) ay ginamit na rin niya sa pinag-aralan natin last week (14:3, “for their upbuilding”; 14:5, “so that the church may be built up”; 14:12, “strive to excel in building up the church.” Ito ay salita na may kinalaman sa pagtatayo ng bahay o gusali. Kung gagamit ka ng materyales, yung magandang klase, hindi yung masisira agad. Kung gagawin mo, husayan mo, huwag substandard. Nagrereklamo tayo sa mga bahay natin kapag pinagawa natin sa contractor tapos hindi maayos ang gawa. Hindi ba’t mas mahalaga na maayos ang church kaysa sa bahay? I’m not talking about our church building, but the people na bumubuo sa church natin.
Throughout our time ngayon, ang prayer ko ay masuri at masiyasat sa puso natin kung ano ba ang mga motibo o layunin natin sa klase ng pakikibahagi natin sa church. Nakapagpapatibay kaya o hindi nakakatulong, o baka naman nakasisira pa?
So, in light of that purpose (building up), kaya sinabi niya sa last section na mas mahalaga ang prophesy kaysa uninterpreted na speaking in tongues. Pero hindi ibig sabihing bawal na ang speaking in tongues (v. 39). Nagbigay siya ng instruction kung paanong ang speaking in tongues at prophecy ay magiging “for the building up of the church.” Ito kasi ang major issue sa church nila. So tingnan natin kung ano ang sinabi ni Pablo at i-consider din natin kung paano mailalapat ito sa church natin ngayon.
Speaking in tongues (vv. 27-28)
Sa vv. 27-28, inuna muna niya yung instruction kung paano makapagpapatibay sa church ang speaking in tongues. “Kung may magsasalita sa iba’t ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi” (v. 27). Hindi daw dapat maramihan, kasi nga magulo yun. Sapat na daw yung dalawa o tatlo, hindi naman paramihan ang laban. Salitan pa magsalita, isa-isa lang. At dapat, may magpapaliwanag. Kung may gift of tongues, kailangan din ng merong gift of interpretation (pwedeng yung nagsasalita mismo ng tongues o iba), para makinabang ang church, para maintindihan ng iba. Yan ang point niya sa nakaraang pag-aaral natin. And I wonder why in many Pentecostal churches na nagpa-practice ng speaking in tongues, bakit kaya sabay-sabay, maramihan at walang nagpapaliwanag?
Paano daw kung walang interpreter? Verse 28, “Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos.” Hindi naman bawal ang speaking in tongues na walang interpretation. Yun nga lang, walang lugar sa corporate gathering ng church kasi para sa sarili mo lang yun. Sa sariling bahay mo, pwede.
Prophecy (vv. 29-32)
Again, kung mag-speaking in tongues ka sa context ng church gathering, siguraduhin mong ito ay “for building up the church.” Ganun din ang instruction niya sa prophesying o pagsasalita ng mensahe galing sa Diyos. Verse 29, “Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila.” Hindi rin dapat sabay-sabay. At hindi automatic na kung ano ang sinabi, kahit na maintindihan mo, ay tatanggapin mo na na yun nga ay merong awtoridad bilang salita ng Diyos. “Timbangin,” muna daw ng iba. Sukatin, siyasatin, alaming mabuti kung yun ba ay sang-ayon sa Salita ng Diyos. This is a corporate responsibility para i-evaluate ang itinuturo sa church. Hindi tanggap lang ng tanggap. Siyasatin muna kung: Tugma ba yun sa revelation ng karakter ng Diyos, ng plano ng Diyos, ng ebanghelyo ni Cristo, at tamang pamumuhay Cristiano? Wag basta makinig lang, o mag-like, o mag-share, o mag-Amen.
Makinig mabuti, mag-isip ding mabuti. Verse 30, “At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita.” Tumigil muna yung iba, makinig, maghintay ng pagkakataon. Verse 31, “Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos (kung may spiritual gift ng prophesying)…” So this gift is not just about yung mas formal at systematic na preaching the Word tulad ng ginagawa ko. Kaya definition ni Wayne Grudem dito ay “spontaneous revelation from God.” Although hindi kapantay ng Scripture ang authority, at dapat sukatin ayon sa revelation ng Diyos from Scripture. So anuman ang paniwala mo tungkol sa tongues or prophecy kung ito ba ay natigil na (cessationism) o nagpapatuloy pa (continuationism/Pentecostalism), ang pinakamahalaga ay ang tamang purpose sa paggamit ng anumang gift na meron ka – miraculous man ‘yan o ordinary.
Ano yung purpose, verse 31, “upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat.” Eto yung mas specific purpose na nakakabit sa “for building up the church.” Paano titibay? Una, kung matututo (“so that all may learn”). Yung naririnig natin mula sa Diyos pinaniniwalaan, sinusunod, itinuturo sa iba. Yun ang ibig sabihin ng discipleship. Ikalawa, kung mapapalakas ang loob (“and all be encouraged”), lalo na sa panahon ng kahirapan, kaguluhan, mga uncertainties tulad ngayon, kailangan natin ng paalala mula sa salita ng Diyos na hindi lang sa pastor nanggagaling kundi sa bawat isa. Pansinin n’yo yung word na “lahat” na tatlong beses inulit sa original text ng v. 31. Lahat may spiritual gifts, lahat dapat involved at may participation sa ministry ng church, para ano? Para lahat din ay nadidisciple at na-eencouraged. Oh what joy to see the whole church, all members working together, serving together, learning together, growing together, discipling one another! This is my prayer for our church today, lalo pa ngayon na ang daming members ng tinamaan ng virus, not literally, pero ang ibig kong sabihin ay sobrang apektado nitong pandemic pati yung kanilang involvement sa church ay nawawala na.
I believe na may gagawin ang Diyos sa mga susunod na araw para ibalik ang init natin sa paglilingkod sa church, at gisingin ang marami sa pagkakatulog sa kanilang espirituwal na kalagayan. Sobrang exciting naman talaga kung makikita mo every part of the body ay nag-eexercise ng spiritual gifts sa ministry. Pero may paalala si Paul na baka sa sobrang excitement ng iba ay nagkakagulo na, wala nang order o kaayusan tulad ng nangyayari sa Corinth. So kapag sa exercise ng mga spiritual gifts ay nagkakagulo na, like what is happening sa ibang mga churches, dapat ipaalala sa atin na hindi lang yung mga spectacular display ang manifestation ng power of the Spirit. Hindi ba’t ang “self-control” ay bunga din ng Espiritu (Gal. 5:22-23)? Kahit sa paggamit ng gift of prophecy pwedeng maging display of gifts na rin at wala nang kaayusan. Kaya sabi ni Pablo, verse 32 ng text natin, “Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon.” So kung nasa ‘yo talaga ang Espiritu, hindi yan yung parang sinaniban ka ng espiritu na wala ka nang kontrol sa sarili mo.
Ministry as Reflection of God
So far sa pag-aaral natin ngayon, nakita natin na yung mga spiritual gifts ay hindi mainly tungkol sa mga ipinapakita nating ginagawa natin. It is not about us. It is not meant to serve our own agenda or interests. Ito ay para sa church. For building up the body of Christ. Ito ay dapat gamitin hindi ayon sa personal preferences natin, kundi ayon sa tagubilin ng Diyos sa kanyang salita. So, yung mga ginagawa natin sa church ay hindi lang basta dahil sa kung ano yung mga traditional practices natin. Kasi we reflect God in what we do sa ministry, and also in how we do what we do sa ministry. Ministry is a reflection of God. Ang ginagawa natin sa church ay salamin ng pagkakakilala natin sa Diyos. Kaya kailangang pag-aralan natin itong mabuti at maging maingat tayo at hindi basta gawa lang ng gawa sa ministry na hindi ini-evaluate mabuti kung ito ba ay sang-ayon sa karakter ng Diyos.
Kaya inilatag ni Pablo yung key theological foundation sa mga instructions na sinasabi niya sa mga taga-Corinto. Verse 33, “sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.” “God is not a God of confusion but of peace.” Yun kasi ang problema sa church nila. May “confusion.” Strong word ‘yan. Hindi lang basta merong konting problema na pwedeng balewalain. May disorder o disturbance. Nagkakagulo. Wala na sa ayos. At yung problema nila na yun ay hindi lang behavioral. But theological. Merong dapat itama sa pagkakakilala nila sa Diyos. We worship and serve the God of peace. So dapat masasalamin yung kaayusan na yun lalo na sa mga pagtitipon natin na ang layunin ay sambahin ang Diyos! How can you worship a God of peace in an unpeaceful manner? Kung kanya-kanyang diskarte, kung kanya-kanyang preferences, kung walang pagkakaisa, kung maraming mga conflicts at pagkakahati-hati, we cannot worship God in unity as a church.
So flowing from that key theological principle, heto ang key ministry principle na sinabi niya sa vv. 39-40, actually summarizing his arguments sa chap. 14, “Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos (ipinaliwanag na niya yan kung bakit), ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba’t ibang mga wika. Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.” Kahit na naaabuso ang paggamit ng speaking in tongues, it does not justify na ipagbawal na. Ang goal ni Pablo ay magbigay ng instruction para maging maayos. “All things should be done decently and in order.”
Kaya sinabi kong key ministry principle ito ay dahil sa sinabi niyang “all things.” Although ang topic issue sa section niya na ito ay may kinalaman sa spiritual gifts tulad ng prophecy and tongues, itong ministry principle na ‘to ay applicable sa lahat ng ginagawa natin sa ministry – sa worship gatherings, sa paghawak ng finances ng church, sa mga meetings ng elders at mga leaders, sa mga online Bible studies, sa children and youth disciplemaking, sa paghandle ng church discipline cases, sa lahat! Lahat dapat ay ginagawa sa wasto at maayos na paraan.
Role of Women (vv. 33-35)
Tapos na yung gustong sabihin ni Paul. Pero actually, meron akong nilaktawan na mga verses bago itong summary statement niya sa vv. 39-40. Simula sa second half ng v. 33 hanggang v. 35, binalikan niya yung issue na hawig sa 11:2-16 tungkol sa role ng mga babae sa church. Sa chap. 11 ay tungkol sa pagsusuot ng head coverings bilang sign of submission sa headship/leadership ng lalaki. Dito naman sa chap. 14 ay may kinalaman sa role ng mga babae sa pagsasalita sa mga worship gatherings ng church. Hindi naman ito off topic. Kasi ang concern ni Pablo ay tungkol sa kaayusan sa church. So sa isip niya alam niya na merong nagiging problemang kaguluhan na nanggagaling dahil sa pagsasalita ng mga babae sa church sa Corinth. Concern din siyang magbigay ng instruction para sa kaayusan sa church. Merong “order” kung pag-uusapan ang roles ng mga babae at lalaki. Actually yung sasabihin niya ay hindi lang specific sa church sa Corinth, kasi sabi niya,
“Gaya ng dapat mangyari sa lahat (note: sa lahat!) ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila’y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.”
Kailangang iklaro kung ano ang itinuturo at ano ang hindi itinuturo dito ni Pablo. Hindi niya sinasabing absolutely na bawal nang magsalita ang mga babae. Kasi sa 11:5, meron ding mga babae na nagpe-pray at nagpo-prophesy. Yung pagsasalita na tinutukoy dito ni Pablo ay may kinalaman sa church gathering, “kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya.” Ang concern ni Paul dito ay order o kaayusan. At ito ay may kinalaman sa pag-exercise ng proper authority sa church na may kinalaman sa pagtuturo sa gathering ng church, “kailangang sila’y pasakop.”
Tulad din ito ng sinabi ni Pablo sa 1 Timothy 2:12, “Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik.” Dahil sa sinabi ni Paul sa sumunod na verse, hindi ito pwedeng sabihin na for cultural or traditional reasons lang. Kasi ang argument niya to support this ay may kinalaman sa disenyo ng Diyos sa pagkakalikha sa lalaki at babae (v. 13). Pinag-usapan na natin ito sa pag-aaral natin sa 1 Cor. 11. At binanggit ko dun na hindi ibig sabihing bawal nang magturo ang mga babae. Maraming pagkakataon sa church ministries natin na makakapagturo ang mga babae. Pero sa paraan na nagpapakita pa rin ng pagpapasakop sa sa mga pastors/elders ng church na puro lalaki dahil ito ang nakikita nating intensyon ng Diyos for church leadership.
Hindi lang sa leadership sa church. Kundi sa loob din ng bahay. Kaya sinabi niya sa v. 35 na magtanong sila sa asawa nila sa bahay. Assuming siyempre na may asawa yung babae, at Christian din yung lalaki. At dapat nag-eexercise naman yung lalaki ng loving and spiritual leadership sa family. At yun ang problema ngayon. Hindi yung mga babae, kundi yung mga lalaki na ayaw manguna! Sinabi ni Pablo na kahiya-hiya sa mga babae ang magsalita hindi dahil kahiya-hiya ang sasabihin kundi dahil nababaligtad yung order o ayos o disenyo ng Diyos sa lalaki at babae kung ang babae ang nangunguna sa pamilya o sa iglesya. So kahiya-hiya din sa mga lalaki kung hindi nila ginagampanan ang tungkuling bigay sa atin ng Diyos na pangunahan ang pamilya natin at iglesya na pamilya ng Diyos. At magagawa natin ito kung magsisikap tayong pag-aralang mabuti ang salita ng Diyos at ituro ito sa pamilya at sa iglesya.
Paul’s apostolic authority (vv. 36-39)
Hindi lang naman mga babae ang may problema sa humble submission sa God-ordained authority sa bahay o sa church. Pati mga lalaki din na hindi nagpapasakop sa kalooban ng Diyos para sa kanila. Arrogance din yun. Pati itong mga members sa church, lalaki o babae, leader o member, new Christian o matagal na, kaya nagkakaproblema sa church gatherings ay dahil sa prideful arrogance. Kaya sa v. 36, sarcastic yung tono ng tanong ni Pablo, “Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito?” Kaming mga elders na nangunguna sa pagtuturo ng salita ng Diyos, walang maipagmamalaki. Yung mga mas maalam sa mga church members tungkol sa Bible at theology, walang maipagmamalaki. Lahat tayo tumanggap ng salita ng Diyos, at dapat lahat tayo ay magpasakop sa salita ng Diyos.
At itong mga salitang sinulat dito ni Pablo ay “salita ng Diyos.” Anumang prophetic word o speaking in tongues ang masambit sa gathering ng church, hindi pwedeng ipantay sa authority ng mga salitang ito ni Pablo bilang apostol. Verse 37, “Kung inaakala ninuman na siya’y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon.” Utos ng Panginoon. Tutal, sabi ni Pablo, gifted naman kayo sa knowledge o prophecy, dapat meron din kayong discernment na masuri o matimbang ang bigat ng mga salitang ito ni Pablo. Utos ng Panginoon. Hindi suggestion ni Paul, hindi tips ng isang coach, hindi pep talk ng isang counselor. Utos, mandato, tagubilin. Kapag hindi mo pinakinggan si Pablo, Diyos mismo ang kinakalaban mo.
Ang paglapastangan sa salita ng Diyos ay may katapat na pagdidisiplina. Verse 38, “Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin (lit., “hindi kikilalanin”). Maaring tumutukoy sa church discipline o direktang pagpaparusa ng Diyos. Siyempre lahat naman tayo nagkakasala, pero kung nagpapatuloy sa kasalanan, walang pagkilala sa kasalanan, walang pagsisisi at nahuhumaling sa kasalanan, nagpapatunay na ang isang tao na sinasabing Cristiano siya at member ng church ay hindi dapat “kilalanin” na kapatid kay Cristo o miyembro ng iglesya bilang pamilya ng Diyos. Pinag-aralan na natin ito sa chap. 5 about church discipline, pati yung excommunication.
So itong vv. 37-38 ay hindi lang applicable sa chapter 14, kundi closing din ng mga instructions niya mula pa sa simula ng sulat niya. Hindi lang pala yung mga nagpapatuloy (note: nagpapatuloy, ibig sabihin walang pagsisisi) sa kasalanang sexual tulad ng adultery ang dapat tanggalin bilang miyembro ng church, kundi pati na rin yung mga hindi nagpapahalaga sa church at sa mga ministries ng church – kasali yung walang ginagawa sa church, hindi na nagpapakita sa church o bihirang-bihira mong makita o maramdaman, hindi pinapahalagahan ang mga pagtitipon ng church. Dahil kung hindi mo pinahahalagahan ang church, ang katawan ni Cristo, hindi mo rin pinahahalagahan si Cristo at ang sakripisyo na ginawa niya para sa church. How can you say you are a Christian if you have no love for the church of Christ?
Ganyan kahalaga, para kay Pablo, ang tamang pagkakaunawa sa church (ecclesiology, doctrine of the church). Hindi masyadong binibigyang-pansin ‘yan ngayon. Siyempre sa tingin natin mas mahalaga pa rin ang tamang pagkakaunawa sa kaligtasan (soteriology, doctrine of salvation). Sure naman na ang gospel of salvation ay “of first importance” (15:3), tulad ng pag-aaralan natin next week. Pero hindi natin pwedeng paghiwalayin ang understanding at attitude natin sa gospel sa understanding at attitude natin sa church. Kaya sinabi ni Mark Dever sa book niya na The Church: The Gospel Made Visible, na merong distorted view tayo ng church kasi meron tayong distorted view ng gospel, at siya namang magreresulta sa distorted witness natin ng gospel dahil nga ang church ay salamin ng gospel na pinaniniwalaan natin.
Ganito ang makikita natin sa pagtalakay ni Pablo sa mga isyu sa church sa Corinth.
- Kung naniniwala tayo na ang gospel ay message of reconciliation, bakit nagkakahati-hati kayo, bakit nagkakampihan, bakit nag-aaway? Hindi ba contradiction yun sa gospel na pinaniniwalaan at ipinapangaral natin?
- Kung naniniwala tayo na ang gospel ay message of grace, bakit nagmamayabang pa tayo as if meron tayong ginawa o naiambag sa kaligtasang yun? Hindi ba contradition yun sa gospel na pinaniniwalaan at ipinapangaral natin?
- Kung naniniwala tayo na ang gospel ay tinanggap natin mula sa Banal na Espiritu, bakit nagpapatuloy pa tayo sa kasalanang sekswal (adultery/homosexuality/pornography) at relational (anger, unforgiveness)? Hindi ba contradiction yun sa gospel na pinaniniwalaan at ipinapangaral natin?
- Kung naniniwala tayo na ang gospel na tinanggap natin ay kumpleto na dahil kay Cristo, bakit sa marriage natin o sa pagiging single ay inaakala nating asawa natin o sinumang karelasyon o pinapangarap na karelasyon ang magiging kasapatan natin? Hindi ba contradiction yun sa gospel na pinaniniwalaan at ipinapangaral natin?
- Kung naniniwala tayo na ang gospel na tinanggap natin ang siyang naglagay din sa atin sa church, bakit hindi nakikita sa atin ang tulad na pagpapahalaga ni Cristo sa kanyang katawan at para bang hindi na importante sa atin ang ministries ng church? Hindi ba contradiction yun sa gospel na pinaniniwalaan at ipinapangaral natin?
Ang paniniwala, pagpapahalaga, at pakikibahagi natin sa church at mga ministries natin ay sumasalamin sa paniniwala, pagpapahalaga at pakikibahagi natin kay Cristo at sa mabuting balita ni Cristo, the gospel. At ang kahalagahan nitong gospel na ‘to ang siyang pag-aaralan natin sa susunod.