[Sermon] Passion and Wisdom in Ministry (1 Cor. 14:1-25)

Sa mga panahong kagaya nito, pinatutunayan ng Panginoon na mahalaga at essential ang church, at kasama dito ang regular na pagtitipon natin. Sa mga panahon ring ito nakikita kung gaano ang pagpapahalaga ng mga Christians sa church at sa mga pagtitipong ginagawa natin. Nakakalungkot kapag nae-expose na para sa iba ito ay optional at hindi essential. We hope and pray na gamitin ng Diyos ang kanyang Salita ngayon para mabago ang pananaw at damdamin ninyo sa kahalagahan ng church sa plano at layunin ng Diyos. Ang mahabang sulat ni Pablo sa 1 Corinthians ay nagpapakita ng damdamin at pagpapahalaga niya sa mga Cristiano na bumubuo sa church sa Corinth. The way he talks about idolatry and worship, ministry and mission, submission and leadership, at yung tungkol sa Lord’s Supper sa chapters 8-11, at yung pinag-aaralan natin ngayon na chapters 12-14 tungkol sa spiritual gifts and ministry sa church ay nagpapakita ng kahalagahan ng gathering ng church, ng relationships sa church, ng kaayusan ng ministries natin sa church. 

Medyo matagal na nahinto ang ilan sa mga ministries natin, lalo na yung mga magagawa lang natin kung magkikita-kita tayo in-person. And my fear, at ito rin naman ang kinakatakot ng maraming pastors ngayon, ay baka nabawasan desire ninyo sa paglilingkod. And to be honest, maging yung desire ko to serve our church ay naaapektuhan din. So in response to that, ang prayer ko na sa pag-aaral natin ngayon ay ma-stir up ulit ang heart ninyo para maging passionate in doing ministry ayon sa pagkakatawag sa atin ng Panginoon, and be wise about that. Passion and wisdom–ito sa tingin ko ang gustong tumbukin ni apostol Pablo sa 1 Corinthians 14:1-25 as he continues talking about spiritual gifts, particularly yung tungkol sa priority ng prophesying sa speaking in tongues.

Tama naman na magkaroon tayo ng pagnanais na magkaroon ng mga spiritual gifts na magagamit sa ministry sa church. Kaysa naman walang desire! Sa 12:31 sinabi niya, “Earnestly desire the higher gifts.” At sa simula ng text natin ngayon, sa 14:1, ganun din ang sinabi niya, “Earnestly desire the spiritual gifts.” Pero tulad ng pinag-aralan natin sa chap. 13, merong higit na mahalaga kaysa spiritual gifts o paggamit nito, ito yung “more excellent way” (12:31) of love. Balewala ang lahat ng gagawin natin sa ministry kung walang pag-ibig. Kaya ito yung nasa gitna ng section na ‘to ng chapters 12-14, kasi central, fundamental ang love as motivation na kailangan natin para magkaroon ng kabuluhan at maging pleasing sa Diyos ang anumang paglilinkod na ginagawa natin. Kaya yun din ang bungad niya dito sa v. 1, “Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos.” 

Para kay Pablo, mahalaga naman ang lahat ng spiritual gifts. Pero dahil sa tendency nitong mga taga-Corinto na bigyan ng superior status ang speaking in tongues above other gifts, papatunayan dito ni Pablo na kung may ranggo ng mga spiritual gifts, itong prophecy ang higit na mataas kaysa speaking in tongues, maliban na lang kung merong magpapaliwanag nito. Tulad ng nasabi ko na sa mga naunang sermons, merong iba’t ibang pananaw tungkol sa spiritual gifts. Yung iba sinasabi na itong speaking in tongues ay pagsasalita ng ibang lenggwahe na unknown sa speaker, yung iba naman sinasabing pwedeng hindi ito isa sa mga languages at parang ecstatic speech. Yung iba sinasabi na yung prophecy ay parang boldness lang din in preaching the Word. Yung iba naman ay sinasabing ito ay spontaneous revelation from God. Yung iba sinasabing itong mga spiritual gifts na tulad ng tongues at prophecy ay wala na ngayon, tapos na kasi meron nang complete revelation sa Old and New Testament. Yung iba naman sinasabing nagpapatuloy pa rin ito sa panahon ngayon, pero siyempre maingat na sabihing hindi ito pandagdag sa revelation ng Diyos sa Scripture dahil yun naman ang supreme authority natin at sufficient na in matters of faith and ministry. 

Ito yung mga usapin ngayon sa theology na hindi lahat ng Christians ay magkakaroon ng complete agreement. At hindi ko naman intensiyon ngayon to settle that debate for you and decide kung ano sa mga views na yan ang panghahawakan natin. But I want us to see yung intent and purpose ni Paul sa section na ito ng sulat niya kung bakit siya naglaan ng oras para sabihin na higit ang prophesying kaysa sa speaking in tongues. Hindi naman yan isyu sa church natin ngayon, pero kung makikita natin yung theological principle na nasa ilalim nitong mga sinasabi niya, malalaman din natin kung paano ito ia-apply sa unique setting and issues na kinahaharap natin sa church ngayon.

Spiritual gifts for the building up of the church (14:1-5)

Sa vv. 2-5, sa pagpapatunay ni Pablo kung bakit nakahihigit ang prophecy sa uninterpreted tongues ay bibigyang diin niya na ito ay dahil ang layunin ng anumang spiritual gift sa ministry ay para sa ikatitibay ng iglesya, for the building up of the church. Sinabi na niya yan sa 12:7, “for the common good.” Dito ine-specify niya kung ano yung good na yun. At kung itong purpose sa paggamit ng spiritual gifts ang pagbabasehan, maiintindihan natin kung bakit sinabi ni Pablo na ang desire niya for them is “especially that you may prophesy” (14:1). Na sinabi niya ulit sa v. 5, “Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba’t ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo’y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba’t ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya.” 

Wala namang isyu kay Paul sa usefulness ng tongues sa church kung merong interpreter. Pero kung wala, yun ang isyu. Kaya sa vv. 2-4, ikinumpara yung uninterpreted tongues sa prophesying. Yung speaking in tongues sino daw ang kausap? “Sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao” (v. 2). Unlike yung prophesying na “nagsasalita sa mga tao” (v. 3). Meron bang nakakaintindi sa speaking in tongues kung walang interpreter? “Walang nakakaunawa sa kanya,” “nagsasalita siya ang mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo.” Unlike sa prophesying, naiintindihan kaya nga tumitibay “ang kanilang pananampalataya,” lumalakas “ang kanilang loob,” at sila’y inaaliw (v. 3). May value ba ang speaking in tongues? Meron, para dun sa nagsasalita, para tumibay ang kanilang pananampalataya (v. 4), kaya naman mas higit ang prophesying dahil hindi lang yung nagsasalita ang tumitibay kundi “ang iglesya ang pinapatibay” (v. 4).

Dahil dito kaya mas mahalaga para kay Pablo, at para sa church natin, yung gift of prophecy at anumang gifts na related dito tulad ng preaching and teaching of the Word, formal man o informal, public man o private, sa church man, sa bahay o sa social media. Yung mga sinabi dito ni Pablo ay nagko-confront sa individualism natin na gumagatong naman sa self-centeredness natin sa Christian life. You go to church at satisfied ka na kung nagkaroon ka ng emotional high, o na-encourage ka, o na-strengthen ang faith mo, o na-bless ka. And it is good kung natanggap mo ito sa Diyos. Kasi naman God is committed to do us good. Pero hindi pwedeng hanggang dun lang ang iisipin mo. Hindi ka lang iniligtas ng Diyos para maranasan mo ang mga kabutihan at pagpapala niya, iniligtas ka ng Diyos lalo na para maiparanas mo ang kabutihang yan sa paglilingkod mo sa iba para sa ikatitibay ng iglesya. Tandaan mo yan.

Understanding crucial in ministry (14:6-11) 

Ngayon naman, sa vv. 6-11, ipapaliwanag niya kung bakit yung prophesying in contrast sa speaking in tongues na walang interpretation ay nakapagpapatibay at may higit na pakinabang sa iglesya. At ito ay may kinalaman sa role ng understanding o pang-unawa ng tao. Gumamit si Pablo ng series of rhetorical questions, mga case examples at real-life illustrations to make his point. Verse 6, “Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba’t ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala!…” Ano nga naman ang mapapakinabang mo sa mga salitang hindi mo naiintindihan? Kung nagbabasa ka ng libro, isang oras na, pero wala kang naintindihan, natapos mo nga ang libro, pero ano ang napakinabang mo? Kaya idinugtong niya ang kahalagahan mga salitang naiintindihan mula sa Diyos, “…Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.” Kailangang may pagpapaliwanag sa salita ng Diyos para ito maging kapaki-pakinabang (2 Tim. 3:16-17).

Ginamit niyang halimbawa ang mga musical instruments. Paano ka makakapag-“name that tune” or “guess that song” kung pare-parehong nota ang tumutunog? Verse 7, “Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota?” Pati sa trumpeta na ginagamit bilang hudyat kung makikipaglaban na ba o hindi, kailangan malinaw din kung ano ang mensahe nito, verse 8, “At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban?” To apply these illustration sa speaking in tongues na hindi naiintindihan, verse 9, “Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.” Nasubukan n’yo na bang makipag-usap sa hangin? Ano ang napala mo?

Yung last illustration na ginamit niya to support his point na para mapakinabangan ang salita ay kailangang naiintindihan ito ay yung existence ng mga languages sa mundo. Sabi niya sa vv. 10-11, “Maraming iba’t ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan.” Obviously. Hindi mo maiintindihan ang Korean kung hindi ka naman sanay ng Korean, o kung walang Google Translate, o kung walang interpreter, o kung walang subtitle kung nanonood ka ng K-Drama. 

Ganun din sa ministry sa church. Kung sa unang bahagi ay kinukompronta yung ating natural na individualism, dito naman ay yung emotionalism o experientialism. Hindi lang tayo after sa emotional worship experience sa church. Kaya ako nagsisikap na ipaliwanag mabuti sa inyo ang mga sinasabi ng Salita ng Diyos ay dahil kumbinsido akong wala kayong mapapakinabangan sa mga salitang maririnig n’yo sa akin, kahit magsisigaw ako, kahit ma-excite kayo, o matawa, o maiyak, kung hindi n’yo naman naiintindihan. Mahalaga ang isip at pang-unawa natin. Mahalaga ang doktrina at biblical theology for the building up of the church. 

Kapatid, sa buhay Cristiano, wag lang sarili mo ang isipin mo, isipin mo kung ano ang mabuti para sa church. At wag ka lang maghanap ng emotional experience. Sikapin mong matutunan, maunawaan, maintindihan ang mga katotohanan ng salita ng Diyos na itinuturo sa ‘yo ng mga pastors/elders, at sinumang involved sa pagdidisciple sa ‘yo. At kung ano itong pagdidisciple na ginagawa sa ‘yo ng ibang members ng church, sikapin mo rin namang gawin sa iba.

Strive to excel (14:12-19) 

Sa first 11 verses ng chapter 14, inilatag ni Pablo ang argumento niya na ang layunin ng mga spiritual gifts ay para sa ikatitibay ng iglesya at mas nangyayari ito sa pamamagitan ng mga gawaing makakatulong sa church na mas maunawaan ang mga salita ng Diyos. Mula naman verse 12, maglalatag siya ng practical implications nito sa ministry. Heto ang opening exhortation niya, “Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu…” Tutal naman passionate na kayo sa mga spiritual gifts, but make sure na yung passion na yan ay nasa tamang lugar, “…sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.” At tulad ng ipinaliwanag na niya kanina, hindi pwedeng desire, passion o zeal lang ang papairalin sa ministry. Hindi pwedeng basta actively involved ka lang. Dapat pinag-iisipan din kung sa paanong paraan mas makakatulong. Kailangang kasama ang isip, tamang kaalaman at pang-unawa. Kasi kung wala yun, hindi ka rin gaanong makakatulong sa ministry.

After that general exhortation na magsikap sa paggawa in building up the church, nagbigay siya ng ilang mga kaugnay na specific instructions,Verse 13, “Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba’t ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito.” Para nga naman kasi maintindihan kung ano ang sinasabi. Mahalaga ang puso at damdamin sa paglilingkod, pero mahalaga din ang tamang pang-unawa. Yun ang point niya sa verses 14-17, 

“Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako’y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.” 

Panalangin, pag-awit, pasasalamat, dapat gawin sa paraang naiintindihan ng lahat. Hindi basta-basta lang. Hindi basta “as the Spirit leads” daw. Binabasa ang Bibliya, pinag-aaralang mabuti, at sinisikap na ang prayer, singing at preaching sa church ay sumasalamin sa Salita ng Diyos.

Ang ministry ay hindi tungkol sa performance o showmanship. It is not about us, not about showcasing our gifts. It is about serving others. Ito ang damdamin ni Pablo na marapat lang na tularan ng mga Christians sa Corinth, at dapat tularan din nating lahat. Verses 18-19, “Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako’y nakapagsasalita sa iba’t ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.”

Kaya nga sa ministry ni Paul sa mga churches ang all-consuming passion niya ay ipangaral, ipaliwanag, ipaunawa ang salita ng Diyos na nakasentro kay Cristo ayon sa kapangyarihan ng Espiritu para mas tumibay ang iglesya (2:1-5), hindi para magpasikat, hindi para magparami ng likes, followers o subscribers. Oo nga’t mahirap ang buhay ngayon, pero ano naman ang all-consuming passion mo? Ano ang kinasasabikan mo? Ano ang pinagpaplanuhan mong mabuti? Ano ang gustung-gusto mo nang gawin? Makalabas ng bahay? Makapasyal? Makapagtrabaho na? Naiisip mo lang naman ba kung paano ka makakatulong sa church sa abot ng iyong makakaya, at kung higit pa ang kailangan ay handang magsakripisyo alang-alang sa ikabubuti ng ibang members at ikatitibay ng church? Are you passionate in doing the work of the ministry? Kung hindi, sinasayang mo ang mga spiritual gifts na bigay sa ‘yo ng Diyos.

Maturity in deciding which is best for others (14:20-25)

If we are going to be honest, lahat tayo (kasali ako!) ay kailangan pang mag-mature sa puso natin sa paglilingkod. Kaya kailangan nating ipagpray na magkaroon tayo ng passion and zeal for the ministry. Kailangan din natin ng wisdom about this, kasi kailangan nating magdesisyon hindi lang kung ano ang masama o mabuti, kundi kung ano ang mabuti o higit na mabuti. May kinalaman dito ang sumunod na exhortation ni Pablo sa v. 20, “Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. [At kung magiging isip-bata man] Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa.” To have wisdom, kailangan natin ng “right knowledge” at “right response.” Magkasama yun, hindi pwedeng paghiwalayin ang pinagsama ng Diyos. 

At sa puntong ito ay baka magtatanong ang mga taga-Corinto, o baka tayo rin, kung bakit pa ibinigay ng Diyos ang gift of speaking in tongues kung usually ay hindi naman naiintindihan, except kung merong interpretation o loloobin ng Diyos na maunawaan ng mga unbelievers tulad ng nangyari sa day of Pentecost sa Acts 2? Sasabihin ni Pablo na merong ibang specific purpose, and it is not for the building up of the church, of the body of believers. Meron siyang citation mula sa Old Testament to set the stage sa sasabihin pa niya sa magkaibang purposes ng speaking in tongues and prophesying. Verse 21, 

Ganito ang nakasulat sa Kautusan (sa Isa. 28:11-12): “Sinabi ng Panginoon, ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika, sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga, ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.'”

Nagpapadala ang Diyos ng propeta sa Judah. Malinaw ang mensahe. Pero ayaw nilang pakinggan. Ngayon naman magpapadala siya ng mensahe sa wikang hindi nila naiintindihan. For what? As a sign of judgment. Applying this principle sa purpose ng speaking in tongues, sinabi ni Pablo sa v. 22, “Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang mga wika ay isang himala (a sign of judgment) para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit (heto ang kaibahan ng prophesying) ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala (a sign not of judgment but salvation) para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.”

Of course merong kaibahan yung unang occurence ng speaking in tongues sa Acts 2 kung saan naunawaan ng mga nakikinig kasi narinig nila yung sarili nilang wika at nagrespond sila in faith and repentance. Pero kung hindi maiintindihan, ganito ang scenario na ipinakita ni Pablo sa v. 23, to justify yung sinabi niya na ang tongues ay sign of judgment para sa mga unbelievers, “Kaya’t kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba’t ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo?” So walang faith response na mangyayari. Kasi sinabi rin niya saRomans 10:17, “Faith comes from hearing and hearing from the word of Christ.” Kailangang malinaw na naiintindihan bago yung mga unbelievers to come to faith.

In that sense kaya nasabi ni Pablo na greater gift ang prophecy, vv. 24-25, “Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya’y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso.” Merong conviction of sin, merong repentance, faith and worshipful response. Tuloy pa niya, “…Kaya’t luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.” Hindi ba’t yan naman ang gusto nating mangyari sa church? Hindi ba’t yan ang prayer natin sa mga unbelievers? Hindi ba’t yan din ang nagpapatuloy na desire natin para sa mga members ng church? Para tumibay ang pananampalataya natin sa Diyos. Para mas lalo tayong tumingin kay Cristo at sa ginawa niya para sa atin. Para mas maging mainit ang pagsamba natin sa Diyos. So spiritual gifts are not just for the good of the church. Ultimately, ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos, the glory of God alone, soli Deo gloria.

And it takes maturity and wisdom para makita natin kung ano ang best na magagawa natin para maging best din para sa church, at makapagbibigay ng greater glory para sa Panginoon. At ito yung dahilan kung bakit tayo nagpe-pray about this. Kasi sa sarili natin paano ba natin pupukawin ulit yung passion na yun sa heart natin kung hindi sa pagkilos ng kamay ng Diyos? Paano tayo magkakaroon ng wisdom sa mga bagay na ‘to kung hindi magliliwanag ang Espiritu sa mga isip at puso natin in helping us see the light the gospel in the face of Christ? 

To be honest, dahil sa mga nangyayari ngayon, at sa mga nababalitaan ko sa mga nangyayari sa ibang members ng church, may moment na parang gusto ko nang sumuko. Yun bang bakit parang lalong mas humihirap ang ministry? Mag-submit kaya ako ng resignation letter at iwanan na ang pastoral ministry. But by the grace of God, I will not do that. Hindi ako susuko. Hindi ko iiwan ang tungkuling iniatang sa akin ng Panginoon. Nagpapatuloy ako dahil sa mga panalangin ninyo. I know you are praying for me. Kaya nandun pa rin yung passion ko to serve you. Magpapatuloy ako in preaching the Word, teaching the Bible, training you do apply the gospel in life and share it to others sa discipleship, sa counseling, kahit masalimuot, kahit messy. Kasi yun ang kailangan ng church. Pagsisikapan kong gawin ang lahat ng magagawa ko to serve you.

How about you? Kumusta ang passion mo sa ministry? Nagpaplano ka ba para dito? Optional lang ba ito sa ‘yo o essential? Nangingibabaw pa rin ba sa ‘yo ang pansariling interes o mga excuses dahil sa hirap ng buhay ngayon at mga struggles mo sa family at nakakahadlang for you to go all-out in serving in the church? Inaalala mo ba kung ano ang dahilan kung bakit ka iniligtas ng Diyos at ibinilang sa church na ito bilang iyong pamilya? Not just to be served, but to serve and give your life for the good of others and the glory of your Savior.

So, you see, kahit na yung subject na tinalakay dito ni Paul ay tungkol sa tongues and prophecy, it is not mainly about that. It is about the good of the church, our church, and the glory of the God of this church. At ang buong buhay natin ay marapat lang din na ilaan natin para sa ikabubuti ng church na bigay sa atin ng Diyos, at higit sa lahat para sa karangalan ng kanyang pangalan. 

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.