Anchored: Si Kristo ang Kapitan (Heb. 6:19-20)

Preached by Derick Parfan at Baliwag Bible Christian Church on Sept. 29, 2019

Where is our assurance and hope anchored?

Ang tema natin ngayon sa pagdiriwang ng ika-33 taon ng pagkakatatag ng Baliwag Bible Christian Church ay “Anchored.” Sa Tagalog, naka-angkla. Ibig sabihin, kahit malakas ang alon, kahit humampas ang malakas na hangin, kahit dumating ang bagyo, this ship we call our church will remain steady. Matatag, hindi matitinag, hindi magigiba. If you are former members, or friends of our members, salamat sa pagpunta. We hope that you share that same desire with us.  

Kasi lahat tayo gusto natin ng stability at security. So, mahalagang tanungin natin ang mga sarili natin kung saan naka-angkla yung katiyakan na meron tayo as a church. Oo nga’t 33 years na tayo, at marami ang nagpagod at nag-alay ng buhay nila para masimulan at magpatuloy ang church natin. We thank the Lord for that. Pero sapat ba na asahan natin ang haba ng kasaysayan natin as a church para makasiguradong magtatagal pa tayo for the next 20 or 50 years? Meron ngang mga churches 100 years old na pero nagsasara pa. 

Biniyayaan din tayo ni Lord ng malaki at maayos ng building at facilities, 28 years na rin yata ito. At tuluy-tuloy ang renovation natin. Pero kung itong properties natin ang aasahan natin for stability, pwede namang magiba ito o masunog, tulad ng nangyari sa church ng kasama kong French pastor sa US trip ko this month. Wag naman sanang mangyari. Pero we are not sure about that. Thankful din tayo na marami ang generous na givers sa church kaya kahit malaki ang gastos marami tayong napapagawa. Pero ang pera nawawala din, o ang mga taong nagbibigay pwedeng magkaroon ng heart change. 

O baka ang iba sa church natin feeling secured and stable kasi nandito ako as your pastor kasama ang mga elders ng church, pati mga ministry leaders na very supportive. We thank the Lord for that. Pero paano kung nawala na ko? Tulad ng kasama nating church sa district na after 15 years ng pastoral ministry, umalis na, di na nakayanan dahil sa sakit, wala pang kapalit na pastor. O kung yung spirituality o pagiging dynamic at spiritually-gifted ng mga members ng church, we thank the Lord for that, siyempre. Pero paano kung may makaaway ka, makatampuhan? 

Naka-angkla ang security natin sa kung ano ang tingin nating kailangan at higit na mas mahalaga sa church. Mahalaga yung mga bagay at taong nabanggit ko. Pero hindi yun ang pinakamahalaga sa lahat. The same thing can be said of our individual lives. Kung tingin mo pera at material possessions ang pinakamahalaga, you will feel secured kapag marami kang pera, may magandang trabaho o stable na business. Pero anxious at fearful ka naman kung hindi. Kung pamilya o relasyon ang pinakamahalaga for you to feel secure, kapag faithful ang asawa mo, okay mga anak mo, you will feel na mas stable ang buhay mo. Pero paano kapag nagkaloko-loko na? O kung ang basis mo ng security ay kapag marami kang accomplishments, o aprubado ka sa maraming tao, paano na kung nagkasakit ka, parang wala ka nang silbi, o pumalpak ang projects mo, o kung katakut-takot na negative comments ang marinig mo sa mga tao? Hindi lang ‘yan sa trabaho, pati na rin sa ministry.

Hindi kung anumang bagay na meron tayo, o sinumang tao na nakadikit sa atin, o anumang achievements ang nagawa natin – wala diyan ang sapat na makakapitan ng angkla ng buhay natin. We need something more solid, and steady, and sure. Ano yun? Or to be more precise, sino yun? Kung hindi ka pa Cristiano, baka hindi mo pa alam, sasabihin ko sa ‘yo. O kung matagal ka nang Christian, lalo na if you are a member of this church, obvious na ang sagot. Walang iba kundi si Cristo.

Christ the sure and steady anchor

Sabi nga sa dati nating kinakanta, “Si Cristo ang sandigan, di magigiba, kasintatag ng kabundukan, di magigiba.” ‘Yan lang yata ang lyrics niyan! Heto ang mas malupet ang lyrics – “Christ the sure and steady anchor.” Lahat ng ibang anchors unsure and unsteady. Tulad ng kinanta natin, anumang doubts, sufferings, sorrows, sinking hopes, temptations, unbelief, trials, and even death – di tayo tuluyang magigiba. In Christ, we are secured firmly in position, yun ang ibig sabihin ng anchored. Siya yung ating “ballast of assurance.” May stability, may security ang buhay natin dahil kay Cristo. 

That song is actually from a Scripture na binasa natin kanina: “We have this as a sure and steadfast anchor of the soul, a hope that enters into the inner place behind the curtain” (Hebrews 6:19 ESV). “Matibay at matatag na angkla ng ating buhay” (MBB). Sure ‘yun, matibay, reliable, trustworthy, maaasahan, hindi lang sa simula kundi hanggang sa dulo. Kaya steadfast, matatag, firm, enduring. ‘Yan ang klase ng assurance na kailangan natin. 

And what is that anchor? “We have this…” Although sa Tagalog clarified na, “Ang pag-asang ito…” Galing naman kasi sa verse 18 yung “hope” na yun, na “panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya.” We “hold fast” to that hope set before us. Sa verse 19 din, ang pag-asang ito’y “umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.” So yung “hope” na yun hindi lang positive thinking, hindi lang wishful thinking, hindi tungkol sa isang bagay o pangyayari na darating. Yung hope na yun ay anchored in a Person. Sino yun? Sa v. 20, “Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin.” 

Yung “naunang pumasok” ay “forerunner”, parang advanced party. Nauna na siya, susunod tayo. Actually, kung nakay Cristo ka, nakasunod ka na. Kaya yung tema natin na “Anchored: Si Kristo ang Kapitan” you can read that word “Kapitan” in two ways. Yung isa ay yung kanina ko pa binabanggit, si Jesus ang kakapitan natin, siya ang object of our assurance.

Dito naman sa v. 20, ang sense ay si Jesus ang Kapitan, Captain. Salita niya ang gagabay sa paglalayag natin. Salita niya ang magbibigay direksyon sa atin. Siya ang Panginoon na maaasahan natin. Malinaw sa mga talatang ito na si Jesus lang ang Anchor and Captain of our Life. Wala nang iba. Significant kasi ‘yan sa mga original readers na nandun yung temptation na bumalik sa dati nilang pamumuhay, dati nilang relihiyon, dati nilang inaasahan sa buhay. Ang ginagawa ng author ng Hebrews, pointing them to Jesus. Para maawit din nilang, “On Christ the solid rock I stand, all other ground is sinking sand, all other ground is sinking sand.”

How is Christ the sure and steady anchor?

Alam naman din natin ‘yan. Kaso ang puso natin ang daling makalimot, ang daling mabaling ang atensyon, ang daling mahumaling sa inaasahan ng mundong ito. So, we ask the question, and reflect, “Paanong si Jesus ang ating sure and steady anchor?”

Si Cristo ang katuparan ng pangako ng Diyos.

Malinaw ito sa mga naunang talata bago ang v. 19. Tingnan natin ang v. 15, “Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya.” Ang focus nito ay hindi sa pananampalataya ni Abraham, kundi sa katapatan ng Diyos na tumupad sa kanyang pangako. Ano ang pangako niya? Nakasulat sa Gen. 12:2, “Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.” Kaso, wala pa siyang anak, siya at ang asawa niya ay matanda na. 25 years silang naghintay. Ipinanganak si Isaac.

Tinupad niya ang pangako niya? Hindi pa. Una pa lang yun. Kaya inulit niya ulit ito kay Abraham sa Genesis 22:16-17. Ito yung tinutukoy sa Heb. 6:13-14, “Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya’y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. Sinabi niya, ‘Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.'” (6:13-14). Mahalaga ang role ni Isaac sa redemptive history. Pero hindi pa yun ang fulfillment ng promise ni God. Downpayment pa lang yun. Guarantee na tutuparin niya lahat ng sinabi niya. 

Inulit pa niya yung promise niya. Hindi naman niya kailangang gawin yun para may patunayan siya sa sarili niya. Pero kailangan natin, because we are so slow to believe his promises. Bukod sa promise meron pang oath o panunumpa. Bakit? Verses 16-18, “Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya’t tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya.” 

He swore by himself. Tayo we swore our oaths by the Bible, o by the heaven. Minsan pati kapitbahay sinasangkalan na natin. Pero ang Diyos, wala namang hihigit pa sa kanya. He swore by himself. Sure yun. Guaranteed yun. Itong Genesis 22 alam naman natin ang story. Inialay ni Abraham si Isaac. Pero hindi natuloy. Tinigil ng Diyos. Nagbigay siya ng substitute na isang lalaking tupa. Pero noong si Jesus na Anak ng Diyos, lubos na minamahal ng Diyos, ang ipinako sa krus, inialay para sa kasalanan natin, hindi pinigilan ng Diyos. Walang ibang papalit. Siya lang ang makatutubos sa mga kasalanan natin. Siya ang katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham, ng lahat ng mga pangako ng Diyos. “Sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging ‘Oo'” (2 Cor. 1:20). Kung ang Anak nga niya hindi niya ipinagkait sa atin, paano pa ang lahat ng bagay na kailangan natin (Rom. 8:32)?

Si Cristo lang ang may karapatang pumasok sa presensiya ng Diyos.

Jesus is the sure and steady anchor kasi siya ang katuparan ng pangako ng Diyos. Siya lang naman talaga ang pwede maging katuparan nun dahil siya lang ang may karapatan at kakayahang pumasok sa presensiya ng Diyos. Siya yung “hope that enters the inner place behind the curtain” (v. 19). Ang image dito ay yung dulong lugar sa temple na tinatawag na Most Holy Place. Sa harapan nito ay may kurtina na naghahati sa Holy Place. Dito sa Holy Place pumapasok ang mga priests. Pero sa Most Holy Place, yung High Priest lang, tapos once a year pa, during the Day of Atonement (Heb. 9:6-8). At bago siya pumasok sisiguraduhin niya dapat na karapat-dapat siya, dahil kung hindi, mamamatay siya, hahatakin siya palabas kung sakali. “Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda” (Heb. 9:8). 

Wala namang qualified na high priest. Mercy na lang ng Diyos kaya nananatili silang buhay. Si Cristo lang ang qualified as our Great High Priest. “Mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya’y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao” (8:1-2).

Ang pari naghahandog ng hayop para sa kasalanan ng tao. Si Cristo sarili niya mismo ang inihandog niya para pambayad sa laki ng kasalanan natin sa Diyos. “Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo’y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan… Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo’y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo’y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili” (9:12, 24-25).

Si Cristo lang ang makapagdadala sa atin pabalik sa Diyos.

Si Cristo lang ang angkla ng buhay natin kasi siya ang pinaka-kailangan natin. Kung kahirapan ang problema natin, kayamanan ang solusyon. Kung loneliness ang problema natin, relationship with others ang solusyon. Kung ignorance ang problema natin, edukasyon ang solusyon. Kung kaguluhan sa lipunan ang problema, politika ang solusyon. Pero relasyon sa Diyos ang pangunahing kailangan natin. Tayong lahat ay makasalanan at nasa ilalim tayo ng poot ng isang banal at makatarungang Diyos. And we need someone to fix that. Only Jesus can. “Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman” (6:20). 

“Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya’t walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. 26 Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya’y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una’y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito’y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili” (7:23-27). 

Nang malagutan ng hininga si Jesus, lumindol nang malakas, at nahati ang tabing o kurtina sa templo from top to bottom. Malinaw ang mensahe: “Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito’y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos” (10:19-21).

Bakit si Jesus ang ating sure and steady anchor? Kasi siya ang katuparan ng pangako ng Diyos, kasi siya lang ang may karapatan at kakayahang makalapit sa presensiya ng Diyos, kasi sa pamamagitan lang niya tayo makalalapit sa Diyos.

Exhortations to anchor

Kung alam natin ang mga katotohanang ‘yan tungkol kay Cristo, heto naman ang mga exhortations o paanyayang tugon sa atin, vv. 22-25.

Lumapit: Let us draw near (v. 22).

“Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan” (10:22). Lumapit tayo sa Diyos. Lumapit tayo. This is an act of faith. Naniniwala kasi tayong tatanggapin niya tayo. Hindi dahil nilinis na natin ang sarili natin, hindi dahil inayos na natin ang buhay natin. Lumalapit tayo dahil nilinis na tayo ni Cristo sa pamamagitan ng ginawa niya sa krus para sa atin. Kaya nga matatawag ng author nito na tayong mga Cristiano ay “we who have fled for refuge” (6:18). Kasi inamin nating kailangan natin siya. And we express that publicly through water baptism. Kaya kung ikaw ay narito ngayon, you are still unsure, insecure, at ang buhay mo ay unsteady, alam mo na ang dahilan – malayo ka kasi sa Panginoon. Wag mong sayangin ang pagdalo mo ngayon. Lumapit ka sa Diyos. Tatanggapin ka niya. Promise niya ‘yan.

Kumapit: Let us hold fast the confession of our hope (v. 23).

Paglapit mo sa kanya, ‘wag ka nang lalayo pa. Kumapit ka nang mahigpit, kasi nakakapit din siya sa ‘yo. “Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin” (10:23). Heto ang purpose ng mga promises ng Diyos – that we “hold fast to the hope set before us” (6:18). Dito sa 10:23 ang exhortation sa atin – hold fast to Christ because God is holding fast to us. Uso ngayon, sasabihan ka lalo na kapag maraming mga trials at parang gusto mo nang sumuko, “Kapit lang, bes.” Kapit saan? Sa sariling willpower to survive? Sa pag-asa na it will be better tomorrow? ‘Yan ang problema sa payo ng mga tao mundo, walang substance, parang kakapit ka lang sa hangin, ganun? Sabi ng Salita ng Diyos, “Kumapit ka kay Cristo at sa mga pangako niyang totoo.”

Dumikit: Not neglecting to meet together (vv. 24-25)

My point here is this – hindi mo kayang manatiling malapit sa Diyos at nakakapit kay Cristo nang nag-iisa. Pansinin mo ang mga exhortations dito, “Lumapit tayo…lumapit tayo…magpakatatag tayo…” (vv. 22-23). Para manatiling malapit at nakakapit tayo kay Cristo, dapat nakadikit din tayo sa mga kapatid natin kay Cristo, especially ang mga kasama natin sa local church. ‘Yan ang point niya sa vv. 24-25, “Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.”

Lumapit tayo sa Diyos nang magkakasama. Let us worship together. Kapag may lumalayo, paaalalahanan. Kapag may nanlalamig, tutulungang mag-init ulit sa Panginoon. Kapag ikaw ang lumalayo, merong magbabalik sa ‘yo. Kumapit tayo kay Cristo ng sama-sama. Let us speak the gospel to one another. Kailangan natin ang paalala ng bawat isa para sa puso nating ang daling makalimot.

This is why church membership is important. You cannot be a Christian without being a church member. At kung member ka, mahalaga din ang church attendance. Lalo na kapag Sunday morning gathering ng buong church – we pray together, we sing together, we listen to the Word together. Ang daming dahilan ng ibang Christians – busy sa trabaho, kailangang magpahinga sa bahay, at kung anu-ano pa. Kung titingnan moa ng vv. 32-34, itong mga Christians na sinasabihan ng author ng Hebrews, heavily persecuted. Ikamamatay nila ang pagdalo sa pagsamba, kasi delikado sa sitwasyon nila. Mas safe siyempre kung sa bahay lang sila. E tayo? Mamamatay ka ba kapag dumalo ka? Mas mamamatay ka kung di ka dadalo. Habitual church non-attendance is spiritually deadly. Hindi ka mabubuhay nang nag-iisa.

Pansinin mo yung first three stanzas ng Christ the Sure and Steady Anchor, puro first person pronouns ang gamit – through me, my sails, my sinking hopes, I will hold fast to the anchor, I justly stand accused, I will hold fast to the anchor, o my soul, my ballast of assurance, I will hold fast to the anchor. Then sa last two stanzas, nagshift sa plural, hindi na individual, corporate song na – as we face the wave of death, as we draw our final breath, we will cross that great horizon, Christ the shore of our salvation, we will hold fast to the anchor.

Kapag kinanta nating Christ is our sure and steady anchor, hindi lang ito about believing the gospel. But we keep believing, we persevere in faith. At hindi tayo nag-iisa. We keep believing together. As Christians, our hope, our faith is anchored in Christ. As a church, our hope, our faith is anchored in Christ. Wala namang ibang paraan para makalapit tayo sa Diyos. Wala naman tayong ibang makakapitan pa.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.