Lahat naman ng tao may misyon sa buhay. Ang iba ang misyon ay magpakayaman. Ang iba ay maging popular. Ang iba makarating kung saan-saan. Lahat may misyon sa buhay, mamili ka kung ano ang misyong di mo pagsisisihan, di mo panghihinayangan, di mo masasabing nasayang ang buhay mo. Kaya nga dito sa church natin, isa sa role ko as your pastor, ay ipaunawa sa inyo na ankinin n’yong misyon ng buhay n’yo ang misyon din ng iglesiang ito.
Heto po ang revised mission statement natin: “We exist to glorify God by building local and global GraceCommunities of disciples of Jesus who make disciples of Jesus.” Mas magiging focused tayo sa disciplemaking, ang maipakilala si Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng dumaraming mga GraceCommunities. May misyon tayo. Kahit sino sa atin. Kahit saan tayo naroroon. Kahit kailan. Everyone. Everywhere. Everyday. Kung kayo ay member ng BBCC, ito ang commitment n’yo. Kung di pa kayo member, at magpapamember kayo, ito ang dahilan kung bakit kayo iniligtas ng Diyos at ibibilang sa kanyang iglesia.
Colossians Ending
Ngayon ang ending ng sermon series natin sa Colossians. Ano ang kinalaman nito sa Colossians? Napag-aralan natin sa series na ito na wala nang hihigit pa kay Cristo (chapter 1). Dahil wala nang hihigit pa kay Cristo, siya ay sapat para sa lahat (chapter 2). At dahil si Cristo ay higit sa lahat at sapat para sa lahat, dapat nating patayin ang anumang natitira pang kasalanan sa buhay natin, bihisan ang sarili natin ng mga katangiang tulad ni Cristo, para maging maayos ang relasyon natin sa isa’t isa sa church, sa kapamilya, sa katrabaho, at para makilala si Jesus ng maraming tao (chapters 3-4). Dahil si Cristo ang lahat-lahat para sa atin, lahat-lahat sa buhay natin ay dapat din nating ilaan sa misyong ibinigay niya sa atin.
Kung sa unang tingin parang tapos na tayo sa Colossians. Sa bagay, mula verse 7 hanggang verse 18 puro pagbati na lang ni Pablo at ng mga kasama niya sa ibang tao. At kung babasahin natin ang maraming listahan ng mga pangalan sa Bible, ang tendency natin ay bilisan lang na basahin at di na pag-isipang mabuti.
Pero kung tutuusin nating mabuti, sa paraan ng pagsasabi ni Pablo tungkol sa kanila, di naman ibang tao ang tinutukoy niya. Mahalaga para sa kanya. Sa panahon ng pangangailangan niya, spiritual, emotional, financial needs man, nakatulong sa kanya. Oo nga’t totoong kay Cristo wala nang kulang, pero ginagamit niya ang ibang tao, mga kapatid kay Cristo, para mas paniwalaan natin sa puso natin ang katotohanang ito. Oo nga’t si Cristo lang ang kailangan natin. Pero kaakibat din nito ang katotohanang kailangan natin ang isa’t isa. Nadarama natin ang pag-ibig, pagkalinga, pagpapalakas ni Cristo sa atin sa pamamagitan ng mga kapatid natin kay Cristo.
Kaya mainam na sa pag-aaral natin ng salita ng Dios, book by book expository series. Ibig sabihin, pag-aaralan natin lahat. Walang lalaktawan. Kahit mga passages na akala nating simple lang naman, di pwedeng laktawan, marami pala tayong matutunan, sulit ang oras na gugugulin sa pag-aaral. Kasi nga naman sabi ni Pablo sa 2 Tim. 3:16-17, lahat ng kasulatan, as in lahat, ay kinasihan ng Dios, salita galing sa Dios, at tiyak na mapapakinabangan. Anong pakinabang? Tingnan natin isa-isa ang mga taong binanggit ni Pablo.
Tychicus (4:7-8)
“Si Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob” (MBB). Siya rin ang binanggit ni Pablo sa sulat niya sa Efeso (prison letter din like Colossians), na magbabalita sa kanila tungkol kay Pablo at magpapalakas ng loob nila (Eph. 6:21-22).
Ano ang description sa kanya ni Paul? “Minamahal naming kapatid” (MBB). Di lang kaibigan, kapamilya at kapatid pa. Obviously maganda ang relasyon sa kanya ni Pablo. Ano pa? “Tapat na lingkod”. Tapat na maglingkod. Kahit reporter o messenger ang tungkulin niya, di nagrereklamo. Basta nakakatulong. At kung ano ang ipagawa sa kanya, ginagawa niya nang tama, mahusay at tapat. Kaya nga sobrang dependable siya. Maaasahan ni Pablo. Anong pinapagawa sa kanya? Nakasulat sa verse 8. Para ibalita sa mga taga-Colosas kung ano ang kalagayan ni Pablo at para iencourage sila, na di sila panghinaan ng loob sa nangyayari kay Pablo o sa mga trials nila, kundi magpatuloy sa paglilingkod sa Panginoon gaano man kahirap ang maging kapalit. At siya rin ang may dala-dala ng sulat na ito sa Colosas. Kailangan talaga dependable. Paano na lang kung hindi?
Heto pa, “kamanggagawa” o “fellow servant in the Lord” (ESV). Doulos ang ginamit dito. Literally, slave of Jesus. Tulad din ni Pablo na karaniwang description niya sa sarili niya. Kahit si Pablo apostol, at itong si Tychicus ay parang errand boy, pareho ang tingin niya sa kanila. Ang pangunahing pagtingin ni Pablo sa sarili niya at sa ibang kapatid kay Cristo ay relasyon niya kay Cristo. Si Cristo ang Panginoon. Tychicus was fully devoted to Christ. Si Cristo ang lahat-lahat sa kanya.
Onesimus (4:9)
“Kasama niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.” Hindi mag-isa si Tychicus na ipinadala ni Pablo sa mga taga-Colosas. Kasama si Onesimo, na pareho din ang pagpapakilala ni Pablo na “tapat at minamahal na kapatid.” Ngayon, mas meaningful ito sa kanila dahil si Onesimo, taga-Colosas din. At mas magiging meaningful kung alam natin ang background niya na nakasulat sa sulat ni Pablo kay Filemon, na dala-dala din nila ang sulat para ibigay sa kanya.
Ito kasing si Onesimo, run-away slave ni Filemon, na isa ring Christian. Pero malamang si Onesimo ay hindi pa. Umalis siya na may tinangay na ari-arian ng amo niya. Sa pagkilos at kabutihan ng Diyos, nakatagpo niya si Pablo. Ibinahagi ang Magandang Balita sa kanya at nagsilbing tulay para si Onesimo ay tanggapin uli ni Filemon. Hindi na bilang isang alipin, kundi bilang kapatid sa Panginoon.
Sabi niya sa sulat niya, “Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya’y makasama mo siya habang panahon, hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lamang bilang isang alipin, kundi bilang isa nang kapatid sa Panginoon” (Filemon 15-16 MBB)! Yan ang kapangyarihan ng Magandang Balita ni Cristo na magpanumbalik ng mga nasirang relasyon at magbago sa pagtingin natin sa mga kapatid natin sa Panginoon, mababa man ang estado nila sa lipunan, pero sa paningin ng Diyos pantay-pantay.
Aristarcus at Marcos (4:10)
“Kinukumusta kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan.”
May mga ipinadala si Pablo sa kanila, meron ding ilan na mga naiwan at kasa-kasama niya. Isa dito si Aristarco na kasama niya sa kulungan. Hindi dahil gumawa ng krimen, kundi dahil sa pangangaral ng Magandang Balita ni Cristo. Ayon sa Acts 19:29 at 27:2, isa siyang Macedonian na taga-Tesalonica at kasa-kasama siya ni Pablo sa mga paglalakbay niya. Simpleng pagbati ang hatid niya sa mga Colossians pero nagpapahiwatig na di lang si Pablo ang dumaranas ng pag-uusig, kundi meron pang iba at dapat maging handa rin silang lahat.
Isa pa sa bumati ay si Marcos o John Mark, na pinsan ni Bernabe. At nagbilin siya na kung sakaling magpunta si Marcos sa kanila ay tanggapin nila. Siguro nakarating na sa kanila ang balita tungkol sa kanya. Dati kasi, kasama siya ni Pablo at Bernabe sa unang missionary journey nila. Pero nakakailang araw pa lang sa paglalakbay, na-homesick na at iniwan sila at umuwi na sa Jerusalem (Acts 13:13). Sa second missionary journey ni Paul, gusto pa ulit siyang isama ni Bernabe. Hindi lang siguro dahil pinsan niya, kundi dahil totoo sa kanyang pangalan (“the son of encouragement”) gusto niyang bigyan ng second chance itong si Marcos. Pero si Pablo ayaw na. Hindi kasi naging dependable noong una. Pinagtalunan ito nina Pablo at Bernabe kaya naghiwalay na lang sila ng landas.
Hindi na mahalagang malaman dito kung sino kay Pablo o kay Bernabe ang tama. Ang mahalaga malaman natin na sa kabila ng mga pagtatalo at paghihiwa-hiwalay, mas naikalat pa ang Magandang Balita sa maraming tao. At naging paraan din ng Diyos para hubugin si Marcos na dating di napakinabangan ni Pablo pero ngayon ay kapaki-pakinabang na. Ayon mismo kay Pablo, sa sulat niya kay Timoteo, “Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain” (2 Tim. 4:11 MBB). Yan ang kapangyarihan ni Cristo na bumago sa isang tao at humilom sa nasirang relasyon.
Jesus Justus (4:11)
“Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Diyos, at pinapalakas nila ang loob ko.” Wala tayong masyadong alam tungkol sa taong ito. Ang mahalaga alam nating kasama siya ni Pablo na naglilingkod at bumabati sa mga taga-Colosas. Hindi naman mahalaga kung makilala ka ang pangalan niyang Jesus, kundi si Jesus na kanyang Tagapagligtas.
Fellow workers for the kingdom of God. Heto ang description niya sa mga kasama niyang Judio, of the circumcision, na sina Aristarchus, Mark at Jesus Justus. Naging malaking comfort sila kay Pablo. Pero higit sa personal na rason, mas mahalaga kay Pablo na mas malawak ang perspektibo nila sa ministry. Nagbago na ang tingin nila sa kingdom of God. Dati kala nila ay para lang ito sa mga Judio, pero sakop pala nito ang lahat ng lahi sa mundo, tulad ng pangako ng Dios kay Abraham (Gen. 12:1-3).
Epaphras (4:12-13)
“Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis.”
Medyo mas pamilyar na sa atin itong si Epaphras. Sa simula pa lang ng study natin sa Colossians, nalaman nating hindi naman si Pablo ang nagplant Ng Colossian church, kundi si Epaphras ang founding pastor nila (see 1:7). Minsang nasa Efeso siya, narinig niya ang preaching ni Paul, nadisciple sandali ni Paul at umuwi sa kanila sa Colosas at siyang magpastor doon, pati na rin marahil sa Laodicea at Hierapolis na binanggit sa text na to, mga katabing bayan ng Colosas sa may Lycus Valley (parang Baliwag, Pulilan, Plaridel). At dahil sa kanyang paglilingkod Kay Cristo, ayun tuloy natulad din kay Pablo na nakulong (ayon sa Philemon 23).
Pero kahit na nakulong siya di niya ginawang excuse yun at sinabing, “Wala na akong magagawa para manglingkod sa inyo.” Ang totoo, kahit malayo siya sa Colosas, patuloy ang pastoral ministry niya. Sa pamamagitan ng prayer. Oo, wala siyang magagawa para sa kanila. Pero alam niyang ang Diyos ang gagawa. Kaya kung manalangin siya, hindi lang kung may time o kung feel niya, kundi “lagi” – lagi niyang iniisip hindi ang mga problema niya kundi ang kalagayan ng mga tupang ipinagkatiwala sa kanya. Seryoso siya, “buong taimtin,” di basta-basta lang, hindi makapagpray lang. At ang prayer niya para sa kanila di lang tungkol sa kalusugan nila o kabuhayan kundi espirituwal na buhay, na sa kabila ng hirap sa buhay, manatili silang nasa kalooban ng Diyos at nagtitiwala kay Cristo.
Oh, how I want to be like Epaphras! Na ang pastoral office ko ay hindi lang time for study and teaching preparation, but time to pray for all of you, one by one, by name. Nawa makita rin natin na napakalaking bahagi ang nagagampanan natin sa paglilingkod sa pagluhod natin sa panalangin di lang para sa sarili kundi para rin sa iba.
Lucas at Demas (4:14)
“Nangungumusta rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.” Ito namang si Lucas at si Demas, magkaiba. Pareho silang kasa-kasama ni Pablo sa mga biyahe niya. Katunayan itong si Luke, na isang doktor, ang sumulat ng Gospel of Luke at Book of Acts, na kung pagsasamahin ay mas mahaba pa sa mga nasulat ni Pablo. Siya rin ang personal doctor ni Paul. Magandang profession, pero ginamit niya sa pagmimisyon, para makasuporta kay Pablo, at para makasulat para ipalaganap ang salita ng Panginoon na pinaglaanan niya ng mahabang panahon at masusing pag-iimbestiga para matiyak na accurate ang mga isusulat niya. Hanggang sa huli di niya iniwanan si Pablo.
Ito rin namang si Demas kasama ni Pablo. Pero di magtatagal, iiwan din niya si Pablo. Heto ang nakakalungkot. Sabi niya kay Timoteo sa sulat niya, “Iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling niya sa sanlibutan; pumunta siya sa Tesalonica” (2 Tim. 4:10). Mas pinili niya ang personal na ambisyon kesa sa misyon ni Cristo, ang kamunduhan kesa sa mga bagay na makalangit (Col. 3:1-2), ang kaginhawaan ng buhay kesa sa paghihirap alang-alang kay Cristo. Para sa kanya hindi sapat si Cristo. Si John Mark, iniwan sila Pablo, pero sa bandang huli ay nagbalik din. Pero itong si Demas, tila nilamon ng kamunduhan. Mag-ingat tayo, mga kapatid, na matulad kay Demas! Wag mong ipagpapalit si Cristo kahit kanino at sa kahit anong kasiyahan o kaginhawaan sa mundong ito.
Laodiceans, Nympha and house church (4:15-16)
“Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon.” May church sa Colosas, may church din sa katabi nilang bayan na Laodicea. Obviously, may relationship ang mga churches na ‘to. Pati rin ang house church sa bahay ni Nympha.
Saan man nagtitipon, magkalayo man, magkaiba man, magkakapatid pa rin sa Panginoon. Kaya ang letter sa Colossians babasahin din sa church sa Laodiceans. Exchange letter sila kumbaga. Pero wala tayong kopya ng letter na bigay sa Laodicea. Pero malinaw na nasa atin ang salita ng Diyos na kailangan natin. At ang salitang ito ay para sa lahat. Not just for our church, but for all churches. Wag nating ipagdamot ang salita ng Panginoon at anumang natututunan natin dito, ituro din natin sa iba. At kahit na mas lumago pa sila kaysa sa atin, purihin ang Panginoon.
Archippus (4:17)
“At pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin (ipagtuloy) ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.” Ayon sa Filemon 2, itong si Arquipo ay maaaring isa ring pastor sa isa sa mga house churches sa Colosas o Laodicea. May pasabi si Pablo para sa kanya, “Ang ministeryong tinanggap mo sa Panginoon, biyaya niya iyan sa iyo, pribilehiyo, ipagpatuloy mo, tapusin mo, wag kang hihinto, wag kang susuko, wag kang panghihinaan ng loob. Oo, mahirap, maraming challenges, pero marami kang kasama, at nasa iyo ang Espiritu ng Panginoon. Let us finish the race together.”
Some applications for our church
Di ba’t hindi lang ito isang simpleng pagbati at tagubilin sa kung sinu-sinong tao na feeling natin wala tayong kinalaman? Ito ay salita din ng Diyos para sa atin, para sa church natin. Anong sinasabi sa atin ng Panginoon?
- Hindi mo kaya na mag-isa. Kailangan mo ang tulong ng mga kapatid mo kay Cristo. Si Pablo nga pinaligiran niya ang sarili niya ng mga maaasahang kaibigan. Pinadala niya rin ang ilan dahil alam niyang kailangan sila ng mga Colossian believers. Kaya ikaw rin, wag mong i-isolate ang sarili mo sa iba. Wag ka lang Sunday magpakita, pumunta ka rin sa iba’t ibang pagtitipon. O kung umatttend ka man, wag kang uuwi agad. O kaya mag-imbita ka sa bahay ko o dumalaw ka sa bahay ng iba. Di pwedeng ang mga kaibigan mo ay puro makamundo. Matatangay ka nila. Tiyakin mo na may kaibigan kang Cristiano din. Meron ba?
- Kailangan ka rin ng mga kapatid mo kay Cristo. Tulungan mo sila na magpatuloy hanggang wakas. Malinaw din ito sa text natin, ang pagtutulungan nila sa misyon at sa pangangailangan ng bawat isa. Meron tayong mga kasama dati na wala na ngayon. Nasaan na? Nakumusta mo ba sila? Gusto mo bang matulad sila kay Demas o kay Marcos? Meron naman dito na discouraged na at bigat na bigat sa mga dalahin. Tinutulungan mo ba sila sa pagpasan? Ano ang ginagawa mo para makatulong sa iba? O sariling pangangailangan mo lang ang iniisip mo? Kaya pag di ka napansin, magtatampo na at aalis sa church? Ganoon?
- Malawak ang sakop ng kaharian ng Diyos. Tingnan mo ito na mas malawak sa apat na sulok ng iglesiang kinabibilangan mo. Hindi lang naman Colossian church ang bida dito. Kasama ang mga katabi nilang churches. So, wag nating isiping ang mahalaga lang sa atin ay ang sarili nating church. Sabi nga sa book ni Patrick Johnstone, The Church is Bigger than You Think. Di tayo nakikipagkumpetensiya sa ibang churches, hindi palakihan, hindi pagandahan ng programa. Tulungan para sa kaharian ng Diyos. Think missional, not parochial.
- Ibigay natin ang lahat-lahat sa buhay natin para kay Cristo na ibinigay ang lahat-lahat para sa atin. Maraming nakulong sa panahon ni Pablo. Ang faithfulness sa ministry ibig sabihin nalalagay sa panganib ang buhay nila. Pero lahat-lahat ibibigay para kay Cristo. Sa panalangin, tulad ni Epaphras, todo bigay. O minu-minuto lang ang kaya mong ibigay? Sa pagbibigay, aaprubahan natin ang budget natin, pero handa ka bang gampanan ang bahagi mo? Sampung porsyento nga di mo maibigay, paano pa ang buong buhay mo? O sa klase ng effort at haba ng oras na inilalaan mo sa paglilingkod sa loob man o labas ng church, naipapakita mo bang si Jesus ang lahat-lahat sa buhay mo?
Grace be with you (4:18)
Heto ang pahuling salita ni Pablo? “Ako mismong si Pablo ang sumulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako’y nakabilanggo. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos” (MBB). Ibig sabihin, may tagasulat siya. Si Timoteo, ayon sa 1:1. Pero sa huli, siya na mismo ang nagsulat. Parang pirma kumbaga. Para matiyak na authentic ang sulat na to, na ito ay personal na galing kay Pablo at hindi kung sino lang.
Remember my chains. Ito ang kahuli-hulihang tagubilin niya sa kanila. Maaaring ibig sabihin ay wag nilang kakalimutang ipadalangin si Pablo at patuloy na suportahan sa hirap na kanyang pinagdadaanan. Maaari ding ibig sabihing ihanda rin nila ang sarili nila sa maaari nilang harapin kung patuloy silang magiging tapat sa pagsunod kay Cristo at sa pangangaral ng kanyang ebanghelyo. Kumbaga, parang sinasabi niyang, “Magpatuloy kayo hanggang katapusan, kahit pa kapalit nito ay kahirapan o kamatayan.” O kaya naman, ibig sabihin rin na alalahanin nila ang dahilan kung bakit nakabilanggo si Pablo. Anong dahilan? Dahil kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo. Don’t ever forget Christ and his gospel. Nasa kulungan ka man, o dumaranas ng kahirapan, o mawala na ang lahat ng nasa iyo, kung nasayo naman si Cristo, tunay na wala nang kulang.
Grace be with you. Ito ang palaging ending ng letters ni Paul. And it is also a prayer of blessing. Na ang salitang narinig nila kay Pablo, tapos na nilang pakinggan o basahin, pero patuloy pa rin ang biyaya ng Panginoon sa kanila. Nagsimula sila sa biyaya, magpapatuloy sa biyaya, magtatapos sa biyaya. The Christian life is a work of grace from beginning to end. Tungkol sa gawa ng Dios sa pamamagitan ni Cristo. Not about us, our image, our accomplishments, our glory. It is never about us. Mabuti na lang. Dahil si Cristo naman talaga ang kailangan natin. At dahil si Cristo ay nasa atin, at tayo’y nasa kanya, talagang wala na ngang kulang. Grace be with you all, mga minamahal kong kapatid kay Cristo!