Magsisimula po tayo ngayon ng panibagong serye na pinamagatang “Wala Nang Kulang” batay sa mensahe ng sulat ni apostol Pablo sa mga taga-Colosas. Maaaring apat na buwan tayong magtagal dito. Bakit Colosas? Mahalaga kasi na meron tayong regular diet ng systematic exposition ng Salita ng Dios. Para matuto tayong pag-aralan ito, para marinig n’yo hindi mga ideya o opinyon ko, kundi ang authority na galing sa Dios, para di lang tayo namimili kung ano gusto nating pag-usapan o pakinggan kundi ang Dios ang magdidikta kung ano ang dapat nating pakinggan.
Isinulat ito ni Pablo sa isang maliit na iglesia sa maliit na bayan ng Colosas, na sakop ng Romanong probinsya ng Asia Minor (na ngayon ay Turkey), habang siya ay nakakulong sa Roma 61 AD, halos 30 taon ang nakalipas matapos ang kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus, at sa panahon natin ay halos 2000 taon na ang nakararaan. Ano naman ang kinalaman ng sulat na ito sa mga isyung hinaharap natin ngayon sa buhay natin, sa pamilya natin, sa lipunan natin?
A lot! Dahil sa sulat na ito, ang bida ay si Jesus na siyang kailangan din natin hanggang ngayon. Ito ang isa sa pinakamataas ang Christology sa mga aklat sa New Testament, dahil nga naman may mga isyu na kinakaharap ang church – mga false teachers, mga human traditions, mga pilosopiya, at kung anu-ano pa na para bang naibababa ang Panginoong Jesus. Noon kasi, pati ngayon, oo sasabihin nating si Jesus ang Panginoon at Tagapagligtas natin. Pero sa dami ng mga umaagaw sa atensyon natin, sa dami ng pinagsisikapan natin, pinagkakagastusan, pinagtatrabahuhan, para bang “Jesus is not enough.” Naghahanap pa tayo ng mga add-ons. Jesus plus (fill in the blanks). Pero gustong ihighlight dito ni Pablo na dahil si Jesus ang pinakadakila sa lahat (the supremacy of Christ), siya rin ay sapat-sapat para sa lahat (the sufficiency of Christ). Kung nasa atin si Jesus, wala nang kulang.
Magandang Balita
Sa simula pa lang ng sulat niya dito sa text natin sa verses 1-8, ito na ang gusto niyang bigyang-diin. Tipikal sa mga sulat niya, sa simula ay nagpakilala siya, kasama si Timoteo (v. 1). Pagkatapos ay tipikal din na pagbati niya sa mga sinusulatan niya: “Grace and peace to you…” (v. 2). At mula verses 3-8 ay sinabi niya kung ano ang ipinagpapasalamat niya sa Dios sa nabalitaan niyang nangyayari sa kanila. At sa lahat ng ito ang ugat, ang pundasyon, ang dahilan, ay ang Magandang Balita o gospel. Dalawang beses niya itong binanggit, para ipaalala sa kanila kung ano ang una nilang napakinggan at pinaniwalaan. Sa v. 5, “ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita.” Sa v. 6, tinawag niya ang gospel na ito na “katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios.” Mula sa simula hanggang ngayon, hanggang sa katapusan, itong Balitang ito ang kailangan nila, ang kailangan din natin. Ang Balitang ito ay hindi nagbabago, hindi naluluma, dahil ito ay tungkol kay Jesus na walang simula at walang katapusan.
Paano niya isinalarawan ang Magandang Balitang ito?
1. Ito ay salita. Ito ay galing sa Dios, hindi gawa-gawa lang ng tao. Ito ang kapahayagan ng katuparan sa pangako ng Dios na ililigtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Ang kaligtasang ito ay walang iba kundi si Jesus na siyang namuhay na matuwid para sa atin, namatay at umako ng mga kasalanan nating di natin mababayaran, at muling nabuhay at napagtagumpayan ang kamatayan para sa atin. Ito ay salita kung ano ang nangyari. This is good news, not good advice. Hindi ito tungkol sa kung ano ang ginawa natin o dapat nating gawin, kundi tungkol sa ginawa na ng Dios para sa atin. Ang salitang ito ay tungkol kay Jesus (John 1:1, 14). Dahil ito ay salita, dapat nating pakinggan, at hindi balewalain. Kaso nga lang, sa Facebook pa lang, o sa TV, ang dami nating salitang napapakinggan o nababasa na mga wala namang katuturan at taliwas sa katotohanan.
2. Ang Magandang Balitang ito ay katotohanan. Dahil tungkol ito kay Jesus, and he is “the truth” (John 14:6), ito ay totoo. Kaya nga Magandang Balita kasi totoo. Di tulad ng mga gimik at mga scam ngayon na sasabihing nanalo ka ng ganitong prize pero di naman totoo. Sinabi ito ni Pablo na salita ng katotohanan para labanan ang mga maling katuruan, mga kasinungalingan. Anumang katuruan, prinsipyo, doktrina, pilosopiya o pamamaraan na taliwas sa katotohanan ng Salita ng Dios na nakasentro sa Magandang Balita ay di natin dapat paniwalaan o i-entertain man lang. Tulad ng programa ng Ang Dating Daan o ng Ang Tamang Daan, di na natin dapat pinag-uubusan ng panahon iyan. Mas mainam pa na ibabad natin ang sarili natin sa kung ano talaga ang sinasabi ng katotohanan ng salita ng Dios.
3. Ang Magandang Balitang ito ay biyaya. Binibigyang-diin ni Pablo na ang narinig nila’t naunawaan ay ang “katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios” (1:6). Ganito rin ang paglalarawan niya sa Acts 20:24, “the gospel of the grace of God.” Anumang nararanasan nilang pagpapala at mga pagbabago sa buhay nila ay hindi resulta ng sarili nilang mga gawa o pagsisikap, hindi ito dahil mas matuwid sila kaysa sa mga kapitbahay nila, hindi ito dahil mas magaling silang asawa, magulang, anak, o empleyado kaysa sa maraming tao. No! This is good news kasi hindi sa atin nakasalalay. Kung sa pagsisikap natin nakasalalay, e di hindi na sana pumarito si Cristo. Pero kaya nga siya dumating at inalay ang kanyang buhay dahil di tayo nakaabot sa Dios sa sariling sikap natin. Ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Jesus ang di natin nagawa at di natin magagawa. Yan ang good news of the grace of God.
Ang Magandang Balita ay salita mula sa Dios. At dahil mula sa Dios, ito ay katotohanan. At ito’y tungkol sa biyaya ng Dios, hindi sa gawa natin. Ito ang Balitang dapat nating paniwalaan, panghawakan, at tayuan araw-araw (1 Cor. 15:1-2). Sa nakaraang SONA ng ating presidente, his last, ibinalita niya ang mga magagandang nangyari sa ilalim ng kanyang administrasyon – mas mataas na tax collections, 4.4 million beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino program, 1.7 million na ibinaba ng mga out-of-school youths, 90 million Filipinos may PhilHealth na, 27% increase ng car sales noong 2014, Philippines no. 1 in Asia, 2nd worldwide in terms of job optimism, at marami pang iba. Ang iba di naniniwala sa sinabi niya, ang iba nagpoprotesta, ang iba naman nakinabang din, ang iba naman pumapalakpak sa kanya. Maganda man ang ilan sa mga balitang ito, pero ang epekto nito sa iilan lang, panandalian lang, at ang SONA ni PNoy, paglipas ng ilang taon, makakalimutan na. Pero ang Magandang Balita ng Panginoong Jesus, talagang Maganda, para sa lahat, at ito ang dapat nating paniwalaan at panghawakan. Wala itong halong bola.
Magandang Simula
Para itong mga Colossian believers, lalo na’t mga bago pa lang sa pananampalataya, ay hindi madala ng mga pambobola ng mga maling katuruan, dapat balikan nila ang magandang simula nila kung paano nila natanggap itong Magandang Balita. Sabi nga ni P-Noy sa SONA niya, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.” Kung lilingon sila sa pinanggalingan ng Magandang Balita bago makarating sa kanila, makikita nila ang tatlong hakbang, mula kay Pablo, patungo kay Epaphras, hanggang makarating sa kanila sa Colosas. Let’s trace this movement backwards:
1. Colossians. Nakarating sa kanila ang Magandang Balita, “…narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita” (1:5). Ito ang unang pagkakataon na narinig nila ito. Galing sila sa ibang relihiyon, mga sumasamba sa mga dios-diosan, ang iba naman ay galing sa pananampalatayang Judio. Nakinig sila, at naunawaan nila kung ano ito. Verse 6, “…noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios.” Naintindihan nila. Nagdesisyon sila na ito na ang paniniwalaan nila at siyang magiging sandigan ng buhay nila. At hindi ito basta tinanggap lang, kundi “natutunan” (v. 7), “learned.” They were learners. Ang salitang ito (Gk. manthano) ay hawig sa salita para sa disciple (mathetes). They were not just converts, but disciples. Pinag-aaralan nila ang gospel na iyan. They were diving deeper into the ocean of the gospel. At kung nakapag-scuba ka man at nakita ang ganda ng ilalim ng dagat na ito, ayaw mo nang umalis. At sino ba ang nagturo sa kanilang sumisid dito? Hindi si Pablo. Actually, hindi pa nakikita ni Pablo ang mga taga-Colosas, at malamang na di man lang siya nakarating doon. So, sino?
2. Epaphras. Malinaw ito sa verse 7, “Natutunan ninyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin.” Taga-Colosas din siya, kababayan nila (4:12). Siya ang unang nagdala ng gospel sa kanila, nagtayo ng church doon, at marahil ay nagpapastor din sa kanila. Maganda ang mga descriptions ni Paul sa kanya. “Minamahal namin,” malapit siya kina Pablo. “Kapwa lingkod ng Panginoon,” ang mga ginagawa niya ay para kay Cristo at para sa mga kapatid niya sa Colosas, tulad ng sinabi ni Pablo sa 4:12-13 tungkol sa lagi niyang pananalangin at mga pagsisikap para sa kanila. Hindi lang isang lingkod, kundi “tapat na lingkod.” “Kinatawan namin,” o sa ibang manuscript ay “kinatawan ninyo” – anuman iyon ay nagpapakita ito na maganda ang relasyon niya kay Pablo at sa mga taga-Colosas. May tiwala sila sa kanya dahil ang dala niyang mensahe ay ang Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Na siya namang una niyang narinig kay Pablo.
3. Paul. Nasa Efeso noon si Pablo, halos tatlong taon siya doon (52-55 AD), nasa kanyang ika-3 missionary journey. Ang Efeso ay 160 km ang layo mula sa Colosas. Habang naroon si Pablo, maraming taga-iba’t ibang lugar ang nagpupunta para makinig sa kanya (Acts 19:10). Dito marahil narinig ni Epaphras ang tungkol kay Jesus, na siya namang dinala niya sa bayan nila sa Colosas. Dito sa sulat niya sa Colosas, ipinakilala niya ang sarili niya bilang “apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios” (1:1). Maaalala n’yo kung sino siya dati. Dati siyang si Saul, isang Judio, isang Pariseo, Roman citizen din by birth, inuusig ang mga Cristiano, akala niya sumusunod siya sa Dios, pero ang tiwala niya ay sa sarili niya. Nagbago noong makita niya ang Panginoong Jesus sa daan patungong Damascus (Acts 9). Nagbago ang lahat. Isa na siyang apostol, dala ang awtoridad ng Panginoon sa kanyang pangangaral, hindi dahil sa sarili niyang pagpili, kundi sa pagpili ng Dios sa kanya. This is the grace of the gospel.
Nakarating ang Magandang Balita sa kanila dahil merong tagapagbalita. Si Epaphras. Si Pablo. “How beautiful are the feet of those who bring good news” (Rom. 10:15). Narinig nila ito dahil merong nangaral sa kanila (Rom. 10:14; Col. 1:5). At makikinig tayo kung ang ipanapangaral sa atin ay “good news” – kung “word of Christ” (Rom. 10:17) ang sinasabi. Hindi kung anu-ano lang, kahit sino pa sila, kahit ano pa ang pangalan nila, kahit mataas pa ang katungkulan nila, kung hindi galing sa Panginoon, di natin pag-aaksayahan ng panahon (see Gal. 1:8-9). Pero kung galing sa Panginoon, kahit ibang pastor ninyo ang nagpipreach, kahit hindi ako, pakinggan n’yo. At maging maingat kayo sa mga naririnig ninyo at binabasa araw-araw, baka malihis kayo sa magandang simula ninyo. At kung hindi pa nagsisimula ang Magandang Balita sa inyo, ito na ang araw para magsimula kang hindi lang makinig, kundi magtiwala kay Jesus. Kung tungkol kay Jesus, nakasentro kay Jesus, Magandang Balita iyan. At kung Magandang Balita, tiyak na may…
Magandang Bunga
Sa simula pa lang ng sulat niya, Paul was already highlighting the transforming power of the gospel. Ang point niya, ito lang ang may kapangyarihang bumago sa atin. Ano ang sakop ng magandang bungang ito ng Magandang Balita
1. Mundo. Verse 6, “Ang Magandang Balitang ito’y lumalaganap (increasing) at lumalago (bearing fruit) sa buong mundo.” Kumakalat ito sa buong Roman empire – ang “buong mundo” sa panahon nila Pablo. Nakikita ng mga tao ang epekto nito. Hanggang ngayon, hindi na lang sa Europa at America, kundi hanggang sa Africa, Middle East, China, India, Nepal, Thailand, Indonesia, Afghanistan, nagkakaroon ng pagkalat ang balita ni Cristo. At kung narinig natin ang balitang ito, at ito ang may kapangyarihang bumago sa buhay natin at sa buhay ng ibang tao, ikakalat natin ito saan man tayo naroroon at saan man tayo dadalhin ng Panginoon. Hindi edukasyon ang solusyon sa problema ng mundo, hindi rin economics, hindi rin technology, hindi rin good governance. Si Cristo ang solusyon. Yan ang dala-dala natin. Hindi lang global ang transforming power ng gospel, kundi deeply personal.
2. Puso. Kaya sabi niya sa verse 6 na ang paglagong ito ay “katulad ng nangyari sa inyo.” Anong nangyari? Verse 4, “Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya n’yo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig n’syo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios.” Kaya nga tinawag sila ni Pablo sa bungad niya na “mga matatapat na kapatid na nakay Cristo” (v. 2). Dahil sa gospel, increasing ang kanilang faith and love. Faith sa Panginoong Jesus – vertical. Love para sa isa’t isa (“all the saints”) – horizontal. Faith and love – hindi puwedeng paghiwalayin. As we grow in faith, we grow in love. Hindi mo pwedeng sabihing, “I love Jesus, but I don’t love the church, I don’t love that member.” Ang tawag diyan ni apostle John ay sinungaling (1 John 4:20). Are you growing in faith in Jesus, or you’re trusting in yourself or others more? Are you growing in love for others, or you are becoming more self-centered?
May magandang bunga ang Magandang Balita – sa buong mundo, at sa puso natin. Ang tanong, paano iyan nagkakaroon ng ganyang bunga?
1. Pag-asa. Nakalagay sa verse 5 ang ugat kung paanong nagkaroon ng ganitong bunga sa buhay nila. Mas tumpak ang MBB, “dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo doon sa langit” (hindi tulad ng sa ASD, “dahil umasa.” Hindi kasi ito dahil sa ginawa nila na umasa sila, oo nga’t totoong umasa sila, pero kundi dahil ito sa katiyakan ng “pas-asa” na meron sila. It is not about their hope but the object of their hope, na walang iba kundi ang Panginoong Jesus na balang araw ay babalik at makikita natin nang mukhaan. Yan ang pag-asa natin. At kung yan ang pag-asa natin, ang tiwala natin nasa kanya, wala sa mundong ito o sa kanino mang tao to make our life better now. At kung yan din ang pag-asa natin, magiging loving tayo sa iba, na kaya nang isakripisyo ang oras, pera at lakas para sa iba dahil alam natin kung nasa atin si Jesus, at inaabangan natin siya, wala nang kulang.
2. Espiritu. Makikita naman ito sa v. 8, na ang pag-ibig nila ay “ibinigay ng Banal na Espiritu” (ASD). Anumang bunga, anumang paglago sa pananampalataya at pag-ibig nila ay gawa ng Dios na nasa kanila (Gal. 5:22-23; 2 Cor. 3:18). Dahil kay Cristo, tinanggap na natin ang kanyang Espiritu na siyang patuloy na bumabago sa atin. Kaya may magandang bunga. Kung walang bunga, maaaring wala pa ang Espiritu sa iyo.
Sa mundo natin, sa buhay ng maraming tao, ang daming bad news ang naririnig natin – kahirapan, hiwalayan, krimen, kagalitan, kaperahan, at kung anu-ano pa. Nasaan ang solution, nasaan ang pag-asa? Saan ka tatakbo? Hahanap ka ba ng solution sa mga how-to books? Sa Google? O sa Facebook friend mo? O aasa sa susunod na presidente ng Pilipinas? Tandaan natin na ang pagbabago, ang magandang bunga, ay dulot ng Magandang Balita. We must be confident in the transforming power of the gospel. Sa puso natin, sa mundo natin. Dahil ito rin ang bumabago sa mga relasyon natin, para magkaroon tayo ng bago at magandang pamilya.
Magandang Pamilya
Dahil kay Cristo, tayo na ay isang pamilya. Ang Dios ang ating Ama, at tayong lahat na sumasampalataya sa kanya ay mga magkakapatid. Sa v. 1, pinakilala si Timoteo na “kapatid natin.” Sa v. 2, ang pagbati niya ay tungkol sa biyaya at kapayapaang galing sa “ating Ama.” Sa v. 3, ang pasasalamat niya ay “sa Dios na Ama…”
Pag-uulat. Nasa kulungan si Pablo, wala nang tsansang makita ang mga taga-Colosas. Pero sabi niya, “Nabalitaan namin…” (v. 4). Merong nag-ulat ng tungkol sa nangyayari sa kanila na maganda. Sino? “Siya (Epafras) ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig n’yo…” (v. 8). Ang ulat na iyon ay nagdulot ng…
Pasasalamat. Sinong pinasalamatan niya? Sinabi ba niya, “Salamat kay Epafras”? O, “Salamat sa inyong lahat”? Hindi! Ang sabi niya, “Lagi kaming nagpapasalamat sa Dios na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa tuwing mananalangin kami para sa inyo.” Bakit? Kasi ang nangyayaring maganda ay gawa ng Dios, biyaya ng Dios, pagpapala ng Dios, dahil sa Dios. Sa kanya ang credit, hindi sa pastor, hindi sa manggagawa. Kundi sa Dios na ating Ama. Oo nga’t maganda ang nangyayari sa Colosas, pero may ilang problema sila kinakaharap at kakaharapin. Kaya naroon ang panalangin niya at pagsulat sa kanila.
Pagsulat. Merong ilang mga isyung mahalagang talakayin. At sa pagbati niya sa kanila, malinaw na kung ano ang intention at prayer niya para sa kanila, “Mahal kong mga banal sa Colosas, mga matatapat na kapatid na nakay Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama” (v. 2). Maliit na iglesia ang Colosas, maliit na bayan, di importante tulad ng Roma o Corinto o Efeso. Pero pinahalagahan ni Pablo sa pagsulat niya. Dahil mahalaga sila sa Dios. Kaya ang prayer ni Paul maranasan nila sa pamamagitan ng sulat niya ang biyaya ng Dios, na maalala nilang ang pagpapalang dumadaloy sa kanila ay hindi galing sa sarili nilang gawa o ng iba, kundi sa gawa ni Cristo para sa kanila. Pati kapayapaan ng Dios, na patuloy na maenjoy nila ang buo at malapit na relasyon sa Dios na siyang magdudulot naman ng magandang relasyon sa isa’t isa, lalo na sa pamilya nila.
Si Cristo ang Lahat-Lahat
At mangyayari lang ito kung maaalala nila at paniniwalaan na si Cristo ang lahat-lahat (Col. 3:11). Marami silang kalaban. Maraming katunggali si Pablo sa katuruang ito. Na siyang nararanasan pa rin natin hanggang ngayon.
Dahil sa mga katuruang kumakalat sa Colosas, lumalabas na si Jesus ay di gaanong dakila, mas mababa kaysa sa Dios. Parang sa katuruan ng sektang Iglesia ni Cristo ngayon, na si Jesus daw ay tao lang at hindi Dios. Sabi ni Pablo, “Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha” (1:15, also v. 19); “Ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo” (2:9).
Lumalabas din na merong ibang mga tagapagturong kinikilala, kahit na ang mga turo ay taliwas sa turo ni Cristo. Tulad din naman sa panahon ngayon, marami tayong sinusubaybayang mga celebrity pastors, authors at teachers, na sa popularidad nila ay nasasapawan na ang pangalan ng Panginoong Jesus. Paalala ni Pablo, “Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan” (2:18).
Meron ding mga nagsasabi sa kanila na kailangan nila ng kung anu-anong pilosopiya o kaalaman para matamo ang kaganapan sa buhay. Sabi ni Pablo, sapat na si Cristo, dahil “si Cristo ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan at kaalaman” (2:3). Tayo rin naman ngayon, feeling natin marami pang kulang – kulang sa kaalaman, kulang sa pagsisikap, kulang sa pera, kulang sa pagmamahal, kulang sa relasyon. Pero sabi ni Pablo, “At naging ganap kayo sa pakikipag-isa n’yo sa kanya” (2:10). You are complete in Christ. At ang katotohanan din namang ito ang babago sa relasyon mo sa ibang tao, lalo na sa pamilya mo (3:5-25).
Sabi naman ng iba, lalo na ng mga galing sa Jewish background, kailangang sundin ang mga kautusan at mga ritwal, at kung anu-ano pang dapat at di dapat gawin para maging ganap ang kaligtasan. Pero sabi ni Pablo, “Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito” (2:17).
Kung meron mang talata sa Colosas ang magbibigay-diin sa itinuturo nito sa atin, ito ay Colosas 3:11, “…but Christ is all, and in all” (ESV). “Si Cristo na ang lahat-lahat, at siya’y nasa ating lahat” (ASD). “Si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat” (MBB). “Christ is all that matters” (NLT). Si Cristo ang Magandang Balita. Yan ang magiging takbo ng pag-aaral natin sa Colosas. Sama-sama tayo sa paglalakbay na ito. Walang bibitiw. Walang aayaw. Dahil kay Cristo, wala nang kulang.
1 Comment