Part 5 – Sino ang May Hawak ng Buhay Mo? (Ex. 4:18-31)

Introduction: Sino ang May Hawak ng Buhay Mo?

‌Kapag narinig natin ang pagtawag ng Diyos—kapag may nag-share ng gospel sa ‘yo, kapag may nagbigay ng counsel o discipleship lesson sa ‘yo, kapag may Bible teacher na nagturo, o kapag nakinig ka ng sermon—may mga tanong tayo, may mga objections, may mga excuses. Sa halip na sumunod agad sa sinasabi ng Diyos, kinokontra natin ang sinasabi niya—Paano kung kumontra ang parents ko? Paano kung hindi sila makinig sa akin? Paano kung hindi ko kakayanin? Pwede bang saka na lang? Pwede bang iba na lang?

‌Ganyan din ang nakita natin sa pagtawag ng Diyos kay Moises sa Exodus 3 to 4. Sabi ng Diyos sa kanya, “Ikaw ang gagamitin kong instrumento para pangunahan ang Israel na makalaya sa pagkakaalipin sa Egipto.” Tugon ni Moises, “Hindi sila maniniwala sa akin. Ano ang sasabihin ko sa kanila? Hindi ako magaling magsalita. Pwede bang iba na lang ang ipadala n’yo? Wag na lang ako.” Sa kabila ng mga paliwanag ng Diyos, ng assurances na meron sa pangako ng Diyos na sasamahan siya, at tutulungan siya, at magtatagumpay ang balak ng Diyos, bakit ganito ang tugon ni Moises?

‌Bakit tulad ni Moises ay ganito rin ang nagiging tugon natin sa pagtawag ng Diyos? I already pointed out na ang bottom issue dito, yung ugat ng ganitong responses natin sa Diyos ay kung tama o mali ang pagkakakilala natin sa Diyos. Ang bunga naman nito ay ang tama o maling pagkakilala natin sa sarili natin, yung identity natin na nakakabit sa relasyon natin sa Diyos. At connected dito yung sagot natin sa tanong na, “Sino ang may hawak ng buhay mo?” Kung sa tingin mo ay ikaw ang may hawak ng buhay mo, talagang gagawin mo ang lahat para masunod ang sarili mong gusto o gumawa ng kung anu-anong dahilan para makaiwas sa pagkakatawag ng Diyos. Pero kung naniniwala ka na ang Diyos—hindi ikaw o sinuman—ang may hawak ng buhay mo, walang ibang nararapat na pagtugon sa pagkakatawag ng Diyos maliban sa “Yes, Lord, susunod ako.”

‌Diyos ang may hawak ng buhay ni Moises. Siya ang may karapatang mag-utos sa kanya kung ano ang gusto niyang ipagawa kay Moises. Siya si Yahweh—ang Diyos na walang hanggan, ang Diyos na nakakaalam ng lahat, ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, ang Diyos na tapat sa kanyang sinumpaang pangako. Kaya kahit anong paikot-ikot ni Moises, hindi matitinag ang panawagan ng Diyos. Sabi niya, “Now therefore go…” (4:12). Tama na ang mga objections, mga pagdududa, mga turo-turo. Go! We cannot negotiate God’s call. God will not change his mind. When he decides to call you, he is firm sa desisyon niya. Yun na yun. There is only one right response to his call—ang magtiwala at sumunod sa kanya. Hindi gumawa ng mga excuses, hindi magturo ng iba, hindi tumanggi sa panawagan ng Diyos.

‌Sino ang nagwagi? Yung gusto ba ni Moises ang nasunod o yung gusto ng Diyos? Tulad ng makikita natin sa pagpapatuloy natin sa kuwento ng Exodus, sa 4:18-31, napagtagumpayan ng Diyos ang resistance sa puso ni Moises, at sumunod na siya sa pagkakatawag ng Diyos. And my prayer is that God will overcome anumang resistance ang meron sa puso natin para makasunod din tayo nang walang pag-aalinlangan at may buong kagalakan sa lahat ng kalooban ng Diyos sa buhay natin.

‌Ang Pagsunod sa Pagtawag ng Diyos (vv. 18-20)

‌Ayun na nga, ang Diyos ang may huling salita. Nawala na—at this point—ang mga protesta ni Moises. Hindi man naging mabilis ang pagsunod niya sa pagtawag ng Diyos—hindi tulad ni Abraham sa Genesis 12—ang mahalaga sumunod na siya. Umuwi na muna si Moises at nagpaalam sa kanyang biyenan na si Jethro. Sabi niya, “Pahintulutan mo akong bumalik sa aking mga kapatid sa Ehipto at titingnan ko kung sila’y buháy pa” (v. 18 AB). Kung tutuusin, hindi naman niya kailangang magpaalam sa biyenan niya. Utos ng Diyos ang pinakamahalaga. E paano kung hindi siya payagan? Baka may idahilan na naman siya. “Lord, di po kasi ako pinayagan ng biyenan ko.” Ito siguro rin yung dahilan kung bakit hindi niya sinabi yung pinaka-rason kung bakit siya babalik sa Egipto. Ang sabi lang niya, titingnan niya ang mga kamag-anak niya, yung mga kababayan niya, kung okay pa ang kalagayan nila. Hindi naman sa nagsisinungaling siya, hindi lang niya sinabi kung ano ang sinabi ng Diyos sa kanya na misyon niya. Pero ang mahalaga, makikita natin na iginagalang pa rin niya ang biyenan niya. Hindi lang kasi kapamilya, at naging mabuti sa kanila, employer din niya ito, priest of Midian pa. Hindi naman dahil kailangan niya ang pahintulot ng biyenan niya, pero at least nandun yung blessing na ibibigay sa kanya kasi balak niyang isama ang asawa niya at mga anak niya. Pumayag naman si Jethro. “Humayo kang payapa,” sabi niya (v. 18 AB). Shalom, kilala ito na customary greeting ito ng mga Israelites, wishing or praying for God’s favor para sa kanila.

‌Sa pagsunod natin sa panawagan ng Panginoong Jesus—“Come, follow me, I will make you fishers of men”; “Go and make disciples of all nations”—siyempre dapat ang loyalty at allegiance natin na pinakamataas ay dapat na nasa Panginoon. We must love God more than our family. Pero hindi ibig sabihin na babalewalain mo na ang pamilya mo, na hindi mo na papakinggan kung ano ang payo nila, na hindi mo na igagalang ang mga magulang mo. Maliban na lang siyempre kung ang sasabihin nila ay kontra sa sinasabi ng Diyos, “We must obey God rather than men.” Pero dapat ipakita pa rin natin ang respeto natin sa kanila. Mahalaga ito, sabi ni Philip Ryken (Exodus, 126) lalo na sa mga Christians na ang parents ay non-Christians. Hindi nila maiintindihan yung ilan sa mga life choices natin. Bagamat hindi nga natin pwedeng ikumpromiso ang calling natin, meron pa rin tayong responsibility na mahalin ang parents natin, at ibig sabihin nito na kailangan nating makipag-usap sa kanila nang maayos, magalang at may pagpapasensya.

‌Siyempre, hindi natin hawak kung ano ang magiging response ng ibang tao sa atin. Buti yung biyenan ni Moises okay naman. Pero anuman yung maging resulta ng pagsunod natin sa Diyos, ang Diyos din ang magbibigay sa atin ng assurance na tiyak na may gagawin siya, may ginagawa siya para matupad ang plano niya. Sabi niya kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo” (v. 19). So, anuman ang sinasabi ng ibang tao sa ‘yo, o anuman ang sinasabi ng puso mo sa sarili mo, kung ano ang sinasabi ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi lang yung mga utos niya, kundi yung mga assurances na galing sa kanya. Bakit sinabi ng Diyos na lahat ng gustong pumatay kay Moises ay patay na? Sa 2:23 pa lang, alam na natin na patay na ang hari ng Egipto na gustong pumatay kay Moises. Pero siyempre meron pang ibang tauhan ‘yan. Hindi naman ito para mawala yung takot ni Moises sa mga gustong pumatay sa kanya, kundi isang theological statement na parang ganito: Yung mga gustong pumatay sa ‘yo, patay na. Ikaw buhay pa. May ginagawa na ako para isakatuparan ang plano ko na ipagtanggol ang Israel sa pang-aapi sa kanila.

‌Kapag ang Diyos ang tumawag sa atin para sumunod sa misyon na ipinapagawa niya, wala pa tayong ginagawa, meron nang ginagawa ang Diyos. Gawin natin kung ano ang dapat nating gawin, pero tandaan natin na nasa Diyos ang tagumpay. Kaya naman, in response, mabilis na ang pagsunod ni Moises. Isinama niya ang asawa niya’t mga anak at nagsimula na silang maglakbay papuntang Egypt (v. 20). Kung pamilyar ka sa details ng story surrounding the birth of Jesus, hindi mo maiiwasang ikumpara ito sa nangyari sa panahon ni Moises. Dahil ipinapatay ni King Herod ang mga bata noon sa Bethlehem, itinakas ni Joseph ang kanyang mag-ina para pumunta pansamantala sa Egypt. Nang mamatay na si Herod, sinabi ng anghel ng Panginoon kay Joseph sa isang panaginip na bumalik na sila dahil patay na ang mga gustong magpapatay sa ipinanganak na Haring Tagapagligtas (Matt. 2:20). Ganun nga ang ginawa ni Joseph (v. 21). Ang Diyos ang may hawak ng buhay ng kanyang ipinadalang tagapagligtas. Walang makakasira sa plano ng Diyos.

‌Ito ang kumpiyansa na gusto ng Diyos na ibigay kay Moises at sa lahat sa atin na nakahanda nang sumunod sa pagtawag ng Diyos. Sa paglalakbay ni Moises pabalik sa Egypt, bukod sa pamilya niya, ano ang pinakamahalagang possession na dala niya? “Dala niya ang kanyang tungkod” (Exod. 4:20 MBB). This is an unfortunate mistranslation. Ang nakalagay sa text na ‘to ay ganito, “Dinala ni Moises ang tungkod ng Diyos sa kanyang kamay” (AB). Oo, tungkod yun ni Moises. Pero nang sinabing yun ay “tungkod ng Diyos” binibigyang-diin ng sumulat ng story na ito yung parehong tungkod na ginawa ng Diyos na ahas earlier sa story (4:2-5) as a sign na ang kapangyarihan ng Diyos ay nakay Moises, nasa kanyang kamay, hawak-hawak niya. Walang dapat ikatakot si Moises sa pagtupad ng misyon na bigay sa kanya ng Diyos. Anumang ordinaryong kakayahan, karunungan, o anumang meron tayo ay kayang gamitin ng Diyos to accomplish mighty things sa pagtupad ng plano niya. Huwag mong mamaliitin anumang meron ka o meron ang iba. As we speak the gospel, hindi man tayo kagaling magsalita katulad ng iba, we speak the wisdom and power of God for salvation. Kahangalan yun, kahinaan yun para sa iba. “But to us who are being saved, it is the power of God…Christ the power of God and the wisdom of God” (1 Cor. 1:18, 24). Bakit tayo mahihiya kung nasa atin na yung gospel na yun? “I am not ashamed of the gospel for it is the power of God for salvation to everyone who believes” (Rom. 1:16). “To everyone who believes,” yes. Pero paano naman yung mga mananatiling matigas ang puso? Mararanasan din nila ang kapangyarihan ng Diyos, sa ibang paraan nga lang.

Ang Parusa ng Diyos sa Katigasan ng Puso (vv. 21-23)

‌Heto ang sabi ng Diyos kay Moises, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito” (Exod. 4:21 MBB). Pambihirang kapangyarihan nga naman talaga ang kailangan ni Moises dahil hindi lang siya haharap sa mga elders ng Israel, kundi sa pinaka-powerful in all of Egypt, yung Pharaoh, yung king of Egypt. Sa pamamagitan ni Moises, makikita ng hari ang sunud-sunod na display ng kapangyarihan ni Yahweh. Yung una, yung tungkod naging ahas, tapos yung tubig naging dugo (7:8-24). Pero sa kabila ng mga yun, nanatiling matigas ang puso ng hari, hindi naniwala sa kapangyarihan ni Yahweh, hindi sumunod sa sinasabi niya to let his people go.

‌Paulit-ulit na sasabihin ng hari, “No. No. No.” Alam naman ng Diyos (he’s all-knowing!) sa simula’t simula pa na ganito ang magiging response ng hari. “But I know that the king of Egypt will not let you go unless compelled by a mighty hand” (3:19). Alam ng Diyos hindi lang dahil meron siyang knowledge of future events, o dahil magaling siyang manghula ng mga susunod na mangyayari, o dahil alam niya na likas na matigas o stubborn ang puso ng hari. Alam niya dahil siya mismo ang nagtakda na ganito ang mangyayari. Sabi pa niya kay Moises, “Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao” (4:21 MBB).

‌What’s happening here? Gusto ng Diyos na umalis ang Israel sa Egypt. Pero gagawa siya ng paraan para hindi sila agad paalisin ng hari? Kailangang balikan natin yung earlier conversation nila ni Moises sa 3:19-20. Sinabi ng Diyos na hindi papayag ang hari “unless compelled by a mighty hand. So I will stretch out my hand and strike Egypt with all the wonders that I will do in it; after that he will let you go.” Heto ang layunin ng Diyos sa pagpapatigas ng puso ng hari: para magkaroon siya ng maraming pagkakataon na ipakita in full display yung kanyang kapangyarihan. God is zealous na ipakilala ang sarili niya hindi lang sa Israel kundi pati sa Egypt. As we take a look at the ten plagues beginning Exodus 7, makikita natin na merong mga passages na nagsasabing pinatigas ng hari ang puso niya, meron ding mga passages na nagsasabing ang Diyos ang nagpatigas ng puso niya, meron din na basta tumigas ang puso ng hari (without reference kung sino ang nagpatigas). Pag-uusapan pa natin ‘yan nang mas detalyado sa susunod. Pero at this point mahalaga muna na makita natin na ang puso ng hari, ang puso ng sinuman, ay nasa kamay ng Diyos. “The king’s heart is a stream of water in the hand of the Lord; he turns it wherever he will” (Prov. 21:1). At ginagawa niya ito sa paraang hindi pwedeng sabihin na siya ay nagkakasala o siya ang pinagmumulan o may-akda ng kasalanan. God is sovereign over the human heart, pero ang may pananagutan sa katigasan ng puso ng hari ay ang hari mismo at hindi ang Diyos.

‌Ganun nga ang nangyari, tulad ng sinabi at itinakda ng Diyos. Sumunod si Moises sa ipinapagawa ng Diyos, pero nagmatigas ang hari ng Egipto sa panawagan ng Diyos na palabasin ang Israel mula sa Egypt (Exod. 5:1-2). In response to that, ganito ang bilin ng Diyos kay Moises na sabihin niya, “Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. Payagan mo siyang umalis para sumamba sa akin (sa ESV, that he may serve me). Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay’” (4:22-23 MBB).

‌Ayon kay Douglas Stuart (Exodus, p. 144), ito yung first time sa Bible na collectively identified ang God’s people as “son.” Dapat ma-realize ng hari na ang mga Israelita ay hindi mga alipin o pag-aari ng hari. They belong to God. Hindi lang dahil nilikha sila ng Diyos. Yung mga Egyptians din naman nilikha ng Diyos. Yun ay dahil pinili sila, especially favored by God, to belong to him. “When Israel was a child, I loved him, and out of Egypt I called my son” (Hos. 11:1). Sa panahon noon, kapag “firstborn” hindi lang ibig sabihin na unang ipinanganak, but also “the one specifically favored with inheritance, the one who would represent the father in many ways as he came into maturity and the father gave him more and more responsibility” (Stuart, p. 146).

‌At ito yung dahilan kung bakit dapat silang lumaya sa pagkakaalipin sa Egypt, “Let my son (Israel ang tinutukoy) go that he may serve me” (v. 23). Isang bayan ng Diyos, isang identity, isang layunin sa buhay. Ang buhay nila ay para sa Diyos, hindi para sa hari ng Egypt. Sa mga Tagalog translations, ito ay isinalin na “sumamba.” Pero mas accurate yung “serve” o “maglingkod” dahil ang emphasis ay yung paglaya nila para hindi na “wrong master” (Stuart, p. 146) ang paglilingkuran nila. Papalayain sila hindi para tumigil sa pagtatrabaho, kundi para magtrabaho at maglingkod sa kanilang totoong Master, walang iba kundi si Yahweh. Hindi lang bilang master sa kanyang slave, kundi bilang father sa kanyang anak. So, yung identification ng Israel bilang panganay na anak ng Diyos ay tumutukoy din sa kanilang purpose na magkaroon ng malapit na ugnayan at relasyon sa Diyos. Ang layunin ng exodus ay para makapaglingkod sila sa Diyos. Ang layunin ng pagliligtas sa atin ng Diyos ay ito pareho rin (Rom. 12:1).

‌Alam naman natin ang kasaysayan ng Israel. Nabigo silang tuparin ang layunin ng pagliligtas sa kanila ng Diyos. Nagbalik din sila sa paglilingkod sa mga wrong masters. They failed to reflect the image of God as their Father in many ways. Hindi nila nagawa ang mga responsibilidad na ibinigay sa kanila ng Diyos. Kaya yung pagiging “firstborn son” ay in-apply sa Gospel of Matthew para tumukoy kay Jesus. Pagkatapos tukuyin yung pagpunta ni Joseph and Mary (kasama ang sanggol na si Jesus) sa Egypt para takasan ang galit ni King Herod, sinabi ni Matthew na yun ay katuparan ng Hosea 11:1, na unang ginamit para tumukoy sa Israel pero ang greater fulfillment ay nakay Jesus, “This was to fulfill what the Lord had spoken by the prophet, ‘Out of Egypt I called my son’” (Matt. 2:15). Si Cristo ang Anak ng Diyos. Sa kanyang baptism, nagsalita ang Ama mula sa langit, “This is my beloved Son, with whom I am well pleased” (Matt. 3:17).

‌Napakataas ng pagkakatawag ng Diyos sa Israel bilang “panganay na anak.” Kaya nga nagbigay ang Diyos ng babala sa hari ng Egypt na kapag hindi niya papayagang umalis ang Israel, “papatayin ko ang iyong panganay” (Exod. 4:23). Buhay ng panganay ng hari ang kapalit para maligtas ang panganay ng Diyos. Hindi ito empty threat na galing sa Diyos. Ito eksakto ang mangyayari sa Exodus 12:29. God is always true to his word. Tapat siya sa mga binitiwan niyang pangako. Tapat din siya sa mga warnings niya, “he remains faithful—for he cannot deny himself” (2 Tim. 2:13). Nakita na natin kanina na ang puso ng hari ay nasa kamay ng Diyos. Ngayon naman ipinapakita ng Diyos na ang buhay ng kanyang anak ay nasa kamay rin ng Diyos. Ang kaligtasan din ng Israel ay nasa kamay ng Diyos. Ang kaligtasan natin ay nasa kamay ng Diyos.

‌Sa kabila ng maraming mga himala na ginawa ni Jesus, nanatiling matigas ang puso ng mga tao na nagpapatay sa kanya. Pero lahat ay nangyari ayon sa planong itinakda ng Diyos (Acts 2:22-23). Si Cristo, ang panganay na Anak ng Diyos ay pinatay para sa atin na mga matitigas ang puso. “It was the will of the Lord to crush him” (Isa. 53:10). Kailangang mamatay ang panganay ng Diyos para tayo ay mapalaya sa pagkakaalipin sa kasalanan (Stuart, p. 151), sa katigasan ng puso natin. Dahil sa pagliligtas ni Cristo, “the firstborn among many brothers” (Rom. 8:29), tayo ngayon na sumasampalataya sa kanya, in union with Christ by faith, ay mga anak na ng Diyos (John 1:12). At kung tayo ay mga anak ng Diyos, bakit hindi natin ibibigay ang lahat-lahat sa buhay natin para maglingkod bilang tugon sa pagkakatawag sa atin ng Diyos? Nananatili kasing maliit ang pagtingin natin sa ginawang pagliligtas sa atin ni Cristo.

Ang Pagliligtas ng Diyos mula sa Kamatayan (vv. 24-26)

‌Para mas lumaki ang pagtingin natin sa pagliligtas ng Diyos, tingnan natin ang sumunod na nangyari habang naglalakbay si Moises pabalik sa Egypt. Itong vv. 24-26 ay isa sa mga pinaka-difficult passages sa Exodus. Hindi kasi malinaw kung sino ang tinutukoy dito na tinangkang patayin ng Diyos—si Moises ba o yung anak niya? At kung yung anak niya—sino sa mga anak niya? Although sa salin ng MBB, nilagay na si Moises, pero sa original Hebrew walang nakalagay kung sino. “Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin” (v. 24 MBB). Sa original Hebrew, hindi malinaw kung sino “siya” na “nilapitan…ng Diyos at pinagtangkaang patayin.” Kung si Moises, bakit naman siya pagtatangkaang patayin ng Diyos, e sumunod na nga siya sa gusto ng Diyos? At kung yung anak niya, ano naman ang kasalanan nito na deserving of death?

‌Heto ang sumunod na nangyari, “Kaya’t kumuha si Zipora (asawa ni Moises) ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak” (v. 25). Mukhang sanay itong mga Midianites sa ritwal ng pagtutuli. “…Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa (euphemism ito na ang tinutukoy ay yung private part) ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli” (v. 25). Sa original Hebrew hindi nakalagay yung pangalan ni Moises. Sa kanya ba ipinahid yung balat na pinagtulian o sa anak niya? Yung sinabi ni Zipporah sa ESV ay “bridegroom of blood” o sa “blood relative.” Ano naman ibig sabihin nun!? Whatever that means ipinapakita nito na hindi lang basta seremonyas ang pagtutuli, merong malalim na kahulugan na nag-iindicate malalim na relasyon. Merong pakikipag-isa o intimate union na nangyayari. At yung ginawang ito ni Zipporah ay ginamit na paraan ng Diyos para mabuhay si Moises o yung anak niya. “Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises (hindi rin nakalagay sa original Hebrew kung si Moises ito o yung anak niya). Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, ‘Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli’” (v. 26).

‌Maraming “unknowns” sa story na ‘to. Kahit yung mga commentaries ay hindi rin nagkakasundo sa kung sino talaga ang tinutukoy rito. Si Moises ba o yung anak niya? Hindi naman tayo sure, ang sure tayo ay ito: banal ang Diyos, makatarungan siya, hindi niya paparusahan ng kamatayan ang sinuman na hindi deserving of death. At hindi naman talaga niya papatayin si Moises. Siya nga ang gagamitin niya para iligtas ang Israel. But of course, deserving to die naman tayong lahat. At kung circumcision ang issue, pagkukulang ni Moises yun kasi bahagi yun ng covenant ng Diyos sa Israel mula pa kay Abraham, “Any uncircumcised male who is not circumcised in the flesh of his foreskin shall be cut off from his people; he has broken my covenant” (Gen. 17:14). Big deal sa Diyos ang covenant niya. Anumang covenant unfaithfulness ay deserving of death. Sa katunayan, we all deserve to die dahil sa unfaithfulness natin in so many ways.

‌Pero heto na naman, babae na naman ang ginamit ng Diyos na “tagapagligtas.” Sa case na ‘to, yung asawa ni Moises. Madugong eksena ang pagtutuli dito. Nagpapaalala sa atin na “madugo” ang kinakailangan para maligtas tayo sa tiyak na kamatayan na nararapat sa ating lahat. Sa kamatayan ni Jesus sa krus, bagamat siya ang minamahal na Anak ng Diyos, na lubos niyang kinalulugdan, siya pa ang na-cut off, naitakwil, namatay, para bayaran ang parusa na nararapat sa atin. Dumanak ang dugo ni Cristo para tubusin tayo. Without the shedding of blood, there is no forgiveness para sa atin. Ano ang makapaghuhugas sa mga kasalanan natin? Nothing but the blood of Jesus! Tinanggap ng Diyos ang ginawa ni Jesus sa krus para tayo na mga stubborn ay maligtas sa parusa ng Diyos kung tayo ay magsisisi at sasampalataya kay Cristo.

‌At kung susunod tayo kay Cristo, he has called us to covenant faithfulness. Kailangang si Moises ay mag-set din ng example dito. “If he was going to lead the people out of Egypt, he himself had to keep the covenant” (Ryken, 132). May responsibilidad siya para iligtas ang Israel. Pero hindi niya pwedeng kalimutan ang pamilya niya. Kasali din sila sa plano ng pagliligtas ng Diyos. Katumbas ng circumcision as sign ng covenant ay yung baptism (Col. 2:11-13). So as parents, elder ka man, deacon, o missionary, wag nating kakalimutan ang obligasyon natin sa mga anak natin na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Tuturuan natin sila ng salita ng Diyos, ibabahagi ang gospel, ipapanalangin na sila rin ay kumilala kay Cristo bilang Tagapagligtas, mabaptized at maging active participant bilang members ng church.

‌Tinawag tayo ng Diyos na gawin hindi lang ang isa o dalawa sa nais niya, kundi ang lahat ng iniuutos niya sa atin. At dito naman nagtatapos yung passage natin ngayon…

Ang Tamang Tugon sa Salita ng Diyos (vv. 27-31)

‌Naalala n’yo yung huling objection ni Moises sa pagtawag ng Diyos, na iba na lang ang ipadala ng Diyos? Sabi niya na ipapadala niya si Aaron na kapatid niya para tulungan siya sa pagsasalita (4:13-16). Ganun nga ang ginawa ng Diyos, eksakto palagi kung ano ang sinabi niya.

Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” (Sumunod naman agad si Aaron, hindi tulad ni Moises noong una!) Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos (kung saan nakipagkita ang Diyos kay Moises) at hinagkan niya nang sila’y magkita. Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila’y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh.

Kung eksakto palagi sa sinabi ng Diyos ang ginagawa niya, hindi ba’t nararapat din na eksakto palagi sa sinabi ng Diyos sa atin ang dapat nating gawin? Walang labis, walang kulang. Ano ang sinabi ni Moises kay Aaron? “All the words of the Lord” na sinabi sa kanya na sabihin niya (v. 28). Ano ang ginawa niya? “All the signs” na iniutos ng Diyos na gawin niya (v. 28). Sumunod ba sina Moises at Aaron sa sinabi ng Diyos na tipunin ang mga elders ng Israel? Yes (v. 29). Ano ang sinabi ni Aaron sa kanila? “All the words that the Lord had spoken to Moses” (v. 30). Walang labis, walang kulang, eksaktong pagsunod sa Diyos ang nararapat na tugon natin sa mga salita niya. At ano ang naging tugon nila? Naniwala sila at sumamba sa Diyos (v. 31). Eksakto rin sa sinabi ng Diyos kay Moises (3:18).

‌Ito ang dahilan kung bakit nag-aral tayo ng “Corporate Worship” sa equipping classes natin—para matutunan natin kung paano tayo sasamba sa Diyos ayon sa sinasabi niya sa kanyang salita, hindi kung ano lang ang gusto natin. Ito ang dahilan kung bakit “expositional” ang mga sermons natin every Sunday, para eksakto kung ano ang sinasabi ng Diyos sa kanyang salita, kung ano ang dapat nating paniwalaan tungkol sa Diyos at sa pagliligtas niya, at kung ano ang dapat nating maging tugon ayon sa sinasabi niya. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pagtuturo natin ay nakasentro kay Cristo at sa kanyang ginawa sa krus para sa atin, hindi sa kung ano ang gusto lang marinig ng mga tao para dumami ang bilang natin sa church, “but in demonstration of the Spirit and of power, so that your faith might not rest in the wisdom of men but in the power of God” (1 Cor 2:4-5).

‌Application: Paano Ka Tutugon sa Salita ng Diyos?

‌Kapangyarihan ng Diyos ang gusto nating maranasan sa buhay natin. At ‘yan naman ang pinatunayan at pinatutunayan niya kapag ipinagkakatiwala natin ang buhay natin sa kanyang mga kamay. Ang buhay natin—lahat-lahat sa buhay natin, ang kaligtasan natin, ang pagbabago natin, hanggang sa kamatayan natin—ay nasa kamay ng Diyos. At kung nasa kamay ng Diyos, paano tayo tutugon sa mga salita ng Diyos na naririnig natin?

‌Kung hanggang ngayon hindi ka pa rin sumasampalataya kay Cristo, pakinggan mo ang panawagan niya sa ‘yo, “Repent and believe the gospel.” Wala nang ibang paraan para maligtas ka maliban sa pamamagitan ng gawa ni Cristo sa krus. Bakit sa iba ka pa rin nagtitiwala? Wala sa ‘yong mga kamay o kamay ninuman maliban kay Cristo ang kaligtasan mo.

‌Now, kung tagasunod ka na ni Cristo, naranasan mo na ang makapangyarihang pagliligtas ng Diyos. Nagawa na ng Diyos ang imposible—ang buhayin ka mula sa kamatayan, ang palayain ka mula sa pagkaalipin sa kasalanan, ang tanggapin ka at mahalin ka gayong hindi ka karapat-dapat. Bakit nahihirapan ka pa ring sumunod sa pagtawag ng Diyos—na tapat na mahalin ang pamilya mo, na ibahagi ang gospel sa iba, na maging aktibong member ng church, na magbigay generously para sa misyon ng church, na kausapin ang mga dapat kausapin, na ibigay ang lahat-lahat sa buhay mo alang-alang sa Diyos na ginawa ang lahat at gagawin ang lahat para matupad ang layunin niya sa buhay mo? You are in good hands, always in good hands, kapag ang Diyos ang may hawak sa buhay mo.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.