Ang Pagtawag ng Diyos sa Atin
Bago tayo maging Christians, narinig natin ang pagtawag ng Diyos sa atin through the preaching of the gospel. Narinig natin ang mabuting balita na ipinadala ng Diyos ang kanyang Anak na si Jesus para mamuhay nang matuwid para sa atin na mga makasalanan, namatay siya sa krus para akuin ang parusa na nararapat sa atin, at nabuhay na muli sa ikatlong araw—“Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid” (Rom. 4:25 ASD). Narinig natin ang panawagan ng Diyos na magsisi sa mga kasalanan natin, at sumampalataya kay Jesus bilang Tagapagligtas at Panginoon: “Kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka” (Rom. 10:9 ASD). Ang iba sa atin, nung marinig yun, may mga objections pa (at baka ang ilan sa inyo ay ganito pa rin ang objections hanggang ngayon): Ganun lang? Wala na akong gagawin? Teka lang, aayusin ko muna ang buhay ko bago ako magpa-baptize at tuluyang sumunod sa Panginoon. Pero salamat sa biyaya at kapangyarihan ng Diyos—his sovereign grace—at na-overcome niya ang mga objections natin at ngayon ay nagtitiwala na tayo kay Cristo para sa ating kaligtasan. That’s our call to salvation.
Meron din namang call to ministry. We are saved to serve, iniligtas para maglingkod sa Diyos. “Tinalikuran [natin] ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos” (1 Thess. 1:9 MBB). Tinawag ako ng Diyos para maglingkod bilang isa sa mga elders ng church noong 22 years old pa lang ako, at nung 27 naman ay bilang leading pastor ng church. Meron din akong mga objections nun. Gusto ko, pero merong mga pag-aalinlangan at takot sa puso ko. Lord, paano kung yung mga matatanda sa church ay hindi naman sumunod sa pangunguna ko? Paano kung maranasan ko rin yung mga painful criticisms na naranasan nung mga naunang pastor sa akin? Paano kung hindi ko kayaning gawin yung pinapagawa mo sa akin?
At sa inyo rin malamang. Marami tayong mga objections at excuses sa pagtawag ng Diyos sa atin. Marami ka nang narinig na sermons about making disciples of all nations, tungkol sa pagbibigay, tungkol sa pagiging actively involved sa ministries ng church, tungkol sa missions, pero may mga excuses ka rin: Bata pa ako. Matanda na ako. Hindi ako masyadong nakapag-aral. Mahirap lang kami. Busy ako, wala masyadong time. Nakakapagod. Maraming kailangang gawin sa school. Sila na lang, kaya na nila ‘yan. Wala naman akong masyadong maiaambag diyan. Anumang objections ang meron ka sa pagsunod sa pagtawag ng Diyos, ang ugat nito ay ito: mali o hindi sapat na pagkakilala sa Diyos at pagkakilala sa sarili.
At ‘yan ang binigyang-diin ko sa unang bahagi ng sermon sa eksena ng pagpapakita ng Diyos kay Moises sa burning bush sa Exodus 3:1 hanggang 4:17. Hanggang 3:15 pa lang ang natapos natin. At nakita natin na mahalagang makilala muna ni Moises ang Diyos na tumatawag sa Diyos—at nang sa gayon ay makilala rin niya ang sarili niya—bago naman niya ipakilala ang Diyos sa mga Israelita (para sa kaligtasan nila) at para sa mga Egyptians (para sa judgment naman ng Diyos sa kanila). Siyempre, noong nagpakita ang Diyos kay Moises sa pamamagitan ng naglalagablab na apoy sa isang halaman, natakot siya, namangha siya sa nakita niya. Narinig niya ang Diyos na sinabing ililigtas niya ang mga Israelita na mahigit 400 taon nang inaalipin at inaapi sa Egypt, at sinabi niyang si Moises ang gagamitin niya bilang tagapagligtas. Tugon naman ni Moises, “Sino ako?” (3:11), na sinagot naman ng Diyos na, “Sasamahan kita” (3:12). Nagtanong na naman si Moises, “Ano ang pangalan mo?” (3:13), na sinagot naman ng Diyos na, “I am who I am” (3:14-15). Yahweh ang pangalan ng Diyos—ang makapangyarihan sa lahat, the promise-keeping God, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob, na siyang magliligtas sa mga Israelita.
Kung nakikilala lang talaga natin ng lubos ang Diyos, maiiba ang mga responses natin sa mga utos ng Diyos sa atin. Sa pagpapatuloy natin sa tagpong ito ng pagtawag ng Diyos kay Moises, tingnan natin kung paano siya nagrespond sa Panginoon, at kung paano rin ito sumasalamin sa mga karaniwang responses natin sa pagtawag ng Diyos.
Ang utos at pangako ng Diyos (3:16-22)
Ano ba ang utos ng Diyos kay Moises? Pagkatapos sabihin ng Diyos kung ano ang pangalan niya—“Yahweh”—heto ang sinabi niyang dapat gawin ni Moises: “Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako’y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio” (v. 16 MBB). Magpatawag daw siya ng meeting ng mga elders ng Israel at sabihin kung sino ang Diyos na nagpakita sa kanya, at kung ano ang gagawin ng Diyos para sa kanila. Kasi nga may pangako ang Diyos kay Abraham na tutuparin niya. Yun ang pangalang Yahweh para sa kanila, he’s a covenant-keeping God. Ang problema kasi ay alipin sila sa Egypt, so merong kailangang gawin para maligtas sila.
Ano ang gagawin daw ng Diyos na dapat sabihin ni Moises? What’s the plan? Heto, “Dahil dito, ilalabas ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita at ng mga Jebuseo” (v. 17). Bagamat inutusan ng Diyos si Moises bilang instrumento ng pagliligtas niya, malinaw na ipinapasabi ng Diyos na hindi si Moises ang Tagapagligtas kundi ang Diyos. Ililigtas sila mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Patungo saan? Sa isang magandang lupain—sa land of Canaan, yung lupa na ipinangako ng Diyos kay Abraham. Pero hindi magiging madali, dahil bago sila makalabas sa Egipto, dadaan muna sila sa malupit na kamay ng hari ng Egipto at ng mga sundalo nito. At kung makalabas man sila, mahabang paglalakbay pa papunta sa Canaan. At pagdating sa Canaan, hindi naman basta-basta bibigyan sila ng grand welcome ng mga nakatira dun. May resistance siyempre, merong pakikipaglaban na gagawin. Pero meron bang imposible kay Yahweh?
Kung ikukumpara sa pagliligtas ng Diyos sa atin mahirap din naman na makalaya tayo sa pagkakaalipin sa kasalanan—hindi pala mahirap, humanly impossible. At sa mga pagdadaanan natin hanggang makarating tayo sa langit, mahirap din. Hindi natin kakayanin. Pero meron bang imposible kay Yahweh? The Lord is our salvation. Jesus is our Savior. Kaya kung tinatawag tayo ng Diyos na dalhin din ang mensaheng ito ng kaligtasan—the gospel—sa mga unbelievers, to the nations, hindi magiging madali, pero hindi imposible.
May gagawing pagliligtas ang Diyos sa pamamagitan mo, ngunit ang tagumpay nito ay hindi nakasalalay sa iyo.
Sa Diyos nakasalalay. He is all-wise and all-powerful. Alam niya ang simula hanggang sa dulo. Titiyakin din niya na mangyayari ang lahat ng balak niya at walang makapipigil sa kanya. May mga objections mamaya si Moises, mga pag-aalinlangan sa pagsunod sa Diyos, but God is powerful to overcome yung resistance sa heart ni Moises. Later sa chapter 4, mababasa nating sumunod din si Moises sa ipinapagawa ng Diyos na tipunin ang mga elders ng Israel (4:29).
Mula 3:18 hanggang verse 22, hindi na nag-uutos ang Diyos kay Moises. Ang sinasabi niya ay kung ano ang mga mangyayari kapag sumunod si Moises sa pagtawag ng Diyos. Alam ng Diyos na ganito ang mga mangyayari hindi lang dahil sa kanyang foresight ng mga future events o magaling siyang manghula. Alam niya ang lahat ng mangyayari, sabi niya sa verse 19, “Alam ko…”—eksaktong detalye, 100% sure, walang mali—dahil ang mga ito ang itinakda niyang mangyari. This is what it means for God to be sovereign.
Anu-ano ang mga susunod na mangyayari ayon sa Diyos?
“Kanilang papakinggan ang iyong tinig…” (3:18 AB). Nangyari ba? “…at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila’y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh” (4:31 MBB).
“…Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo’y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa Panginoon naming Diyos’” (3:18 AB). Nangyari ba? ““Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya…Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos” (5:1, 3 MBB).
Yung pagpapaalam na maglalakbay nang three days, hindi ibig sabihing pagkatapos nun ay babalik din sila. Alam ng hari yun! Kaya? “Alam kong hindi siya papayag…” (3:19). Alam nga ba ng Diyos na ganyan ang mangyayari? “Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon (5:2).
“…hangga’t hindi siya ginagamitan ng kamay na bakal. Kaya’t paparusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan…” (3:19-20). Ito ang kuwento ng sampung salot na ipapadala ng Diyos na nakasulat sa chapters 7-12, na bago yun ay sinabi ng Diyos kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo’y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo” (6:1). At ipinasabi naman ng Diyos kay Moises na sabihin sa mga Israelita, “Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo’y palalayain ko mula sa pagkaalipin” (6:6).
“…Pagkatapos, papayagan na niya kayong umalis” (3:20). Pumayag nga ba ang hari na sila’y umalis pagkatapos ng sampung salot? Sabi ng hari kina Moises at Aaron, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo” (12:31). “Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi” (12:51).
“Idinugtong pa ng Diyos, ‘Pagagaanin ko sa inyo ang loob ng mga Egipcio upang may madala kayo pag-alis. Ang inyong mga kababaihan ay manghihingi ng damit, alahas na ginto o pilak sa kanilang mga Egipciong kapitbahay at sa sinumang Egipciong babaing kasama nila sa bahay. Ipasusuot ninyo ang mga ito sa inyong mga anak. Sa ganitong paraan ay mapapasa-inyo ang ari-arian ng mga Egipcio” (3:21-22). Sa ESV, “so you shall plunder the Egyptians.” Isa itong larawan ng pakikipagdigma, na yung nanalo sa laban ay makukuha ang mga kayamanan ng mga kalaban. Pero mapapasa-Israel ang kayamanan ng mga kalaban nila kahit hindi pa sila nakikipaglaban! The Lord fights for his people. Ganun nga ang nangyari (11:2-3; 12:35-36).
Kung ano ang sinabi ng Diyos na mangyayari yun nga ang eksaktong nangyari. Yun ang ibig sabihin ng pangalang Yahweh. Alam ng Diyos ang lahat ng mangyayari dahil itinakda ng Diyos na mangyari ang lahat ng mangyayari. Kung ganyan pala ang Diyos na tumatawag sa atin para sumunod sa ipinapagawa niya, bakit ka pa tututol? E bakit nga tayo tumututol katulad ni Moises?
Ang unang objection ni Moises: “Hindi nila ako papaniwalaan” (4:1-9) — nag-aalala sa resulta
Heto ang unang objection ni Moises. Sa simula ng pakikipag-usap niya sa Diyos, may takot pa, may pagkamangha. Pero habang tumatagal, nawawala, parang nagiging casual na ang pagsagot niya sa Diyos, sabi niya, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo’” (4:1 AB). Well, mukhang may punto naman si Moises, kasi nga dahil sa background niya, or dahil alam niyang likas na matigas ang puso ng tao. Kasali siya! Hindi lang naman ito nagiging realistic siya, o nagiging pessimistic, puro negatibo ang iniisip. Nag-aalala siya sa resulta kapag sumunod siya sa ipinapagawa ng Diyos. Bakit yun problematic? Kasasabi lang kasi ng Diyos kung ano ang mangyayari, “They will listen to you.” Tapos sasabihin ni Moises, “But behold…” (4:1). Para bang pinagpapaliwanagan mo ang Diyos, na posibleng magkamali ang Diyos at siya ang tama. Aba, mas marunong ka pa sa Diyos, mas alam mo kung ano ang mangyayari kesa sa kanya?
Totoo namang matigas ang puso ng tao. Hindi madaling maniwala sa Diyos. Pero hindi ba’t maging puso ng tao ay hawak ng Diyos? God is so patient with us. Gagawin niya ang lahat ng dapat gawin para tulungan tayo na maniwala sa kanya. Kaya nagbigay ang Diyos ng tatlong signs o mga “kababalaghan” para ano? “That they may believe that the Lord, the God of their fathers, the God of Abraham, the God of Isaac, and the God of Jacob, has appeared to you” (4:5). Yung unang sign ay yung tungkod na hawak ni Moises. Sabi sa kanya ng Diyos, “Ihagis mo sa lupa” (v. 3). Sumunod naman si Moises. Pagkahagis niya ng tungkod niya, naging ahas! Kaya siyempre natakot siya at lumayo (v. 3). Sabi ulit sa kanya ng Diyos, “Hawakan mo sa buntot ang ahas” (v. 4). Hala, totoo ba? Nakakatakot naman yung pinapagawa ng Diyos, pero ginawa naman ni Moises, at naging tungkod ulit ang ahas (v. 4). Preview lang ito ng gagawin ni Moises sa harap ng hari ng Egypt sa 7:8-13. Ito ay sign na ang Diyos na tumawag kay Moises ay makapangyarihan and can perform wondrous deeds.
Meron pang second sign. This time yung kamay naman ni Moises. Sabi ng Diyos, “Ipasok mo ang kamay mo sa damit mo” (v. 6). Paglabas ng kamay niya, nagkaroon ito ng sakit sa balat na parang ketong at kasimputi ng snow (v. 6). Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo ulit.” Sumunod naman si Moises at nagbalik na sa dati ang kamay niya (v. 7). Hindi lang isang sign ang kailangan kasi nga dahil sa katigasan ng puso ng tao, hindi agad naniniwala sa Diyos kahit napakarami nang ebidensiya na totoo ang Diyos at totoo ang salita ng Diyos.
Sabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa. Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, [heto naman yung third sign] kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo” (vv. 8-9). Ito naman ay hindi nakasulat na ginawa ni Moises at this point, pero nagpapahiwatig ng gagawin niya sa unang salot (7:15-25). Kung tutuusin, hindi naman kailangan na ng mga signs kung maniniwala lang talaga tayo agad sa salita ng Diyos. Pero may mga signs na tulad nito dahil stubborn ang heart natin, very slow to believe. Ano ang itinuturo ng mga signs na ‘to? Na merong Diyos na makapangyarihan sa lahat, na makagagawa ng mga bagay na imposible sa tao, kaya dapat tayong maniwala sa kanya.
Hindi ba’t ganun din sa Gospel of John, kaya merong mga signs na ginagawa ang Panginoong Jesus—yung tubig naging alak, yung libu-libong tao napakain sa pamamagitan lang ng ilang tinapay at isda, yung patay muling nabuhay, at siya mismo na namatay ay muling nabuhay. Mga signs yun para ano? “…so that you may believe that Jesus is the Christ, the Son of God, and that by believing you may have life in his name” (John 20:31). Kung naniniwala naman tayo na si Jesus ang Tagapagligtas natin, bakit hindi tayo susunod sa ipinapagawa sa atin ng Diyos? Naniniwala ka ba na mangyayari ang sinabi ng Diyos na mangyayari—ang patay muling mabubuhay, ang mga makasalanan muling maibabalik sa Diyos, ang lahat ng mga lahi ay magiging mga tagasunod ni Jesus, at sa kanyang muling pagbabalik, lahat ng tuhod sa kanya ay luluhod at sasamba sa Diyos.
Hawak ng Diyos ang resulta o kahihinatnan ng pagtugon natin sa pagkatawag sa kanya. Hindi naman ibig sabihin na lahat ng gagawin natin ay magtatagumpay, na lahat ng babahaginan natin ng salita ng Diyos—sa evangelism at discipleship—ay tutugon nang positibo. Meron talagang hindi maniniwala. Meron din talagang papalpak sa mga gagawin natin. Pero ginagarantiya ng Diyos na lahat ng mangyayari ay nasa kanyang mga kamay. It is not for us to worry about the future, ang sa atin ay gawin kung ano ang ipinapagawa niya sa atin.
Ang ikalawang objection ni Moises: “Hindi ako mahusay magsalita” (4:10-12) — nag-aalinlangan sa sariling kakayahan
Pero siyempre, marami pa rin tayong mga objections at mga excuses. Hindi lang tayo nag-aalala sa magiging resulta ng pagtugon natin sa Diyos, nag-aalinlangan din tayo sa sarili nating kakayahan. And not without good reason siyempre. Hindi naman tayo talaga napakatalino, o napakagaling, o napaka-skilled. Tama lang na meron tayong humility kung susukatin ang sarili nating kakayahan. Pero kung yung titingin tayo sa sarili nating kakayahan at gagawin nating excuse yun para hindi sumunod sa Diyos, that is no longer humility, that is unbelief, hindi na tayo nagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos na gamitin ang isang ordinaryong tao na katulad natin para ma-accomplish yung kanyang mga extraordinary purposes.
Heto ang isa na namang objection ni Moises sa panawagan ng Diyos, sabi niya, “Panginoon, sa mula’t mula pa’y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama’t nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo’y pautal-utal pa rin ako kung magsalita” (4:10). Hindi niya tinawag ang Diyos na “Yahweh.” Ang sabi niya, “Adonai,” Lord o Master. Ano ang ironic dito? Hindi lang niya pinagdududahan ang kayang gawin ng Diyos, sinasabi pa niya na ang Diyos ang “Panginoon” niya pero sinasabi naman niyang hindi niya magagawa kung ano ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos. Para bang sinasabi mo sa kanya, kapag hindi ka sumusunod, “No, Lord.” No, hindi mo pwedeng sabihin ‘yan. Pwede mong sabihin, at dapat mong sabihin, “Yes, Lord.” Pero kapag sinabi mong, “No,” tapos tatawagin mo siyang “Lord,” kinokontra mo ang sarili mo. If he is Lord, dapat lang na sundin ang panawagan niya sa atin.
Hindi tayo sigurado kung ano talaga yung objection dito ni Moises. Hindi ba siya mahusay magsalita? Samantalang sa mga susunod na bahagi ng story ay makikita natin na siya ang nagsasalita sa harapan ni Pharaoh, at nagsasalita sa harapan ng maraming mga Israelita. At yung “pautal-utal” o “slow of speech and of tongue” hindi rin tayo sure kung ang ibig sabihin nun ay tulad nung kaklase ko ng high school. Kapag kausap namin siya okay naman, pero kapag tinawag na siya ng teacher sa class recitation, hindi talaga matapos ang isang sentence at palaging nag-iistammer. Anuman yung exact na sinasabi dito ni Moises, malinaw na ang focus ng objection niya ay nasa sarili niyang ability o disability, sa halip na mag-rely siya sa kapangyarihan ng Diyos na makagagawa ng higit pa sa inaasahan o inaakala natin.
Kaya heto ang sagot sa kanya ng Diyos, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba’t akong si Yahweh? Kaya nga, lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang iyong sasabihin” (vv. 11-12). Ipinapaalala ng Diyos kay Moises—at sa atin din—na siya ang lumikha sa atin. Siya ang nagdesisyon kung anu-anong kakayahan o limitasyon ang meron tayo. He is our sovereign Creator. Kung nilikha tayo ng Diyos na hindi gaanong magaling magsalita, o hindi kasing talino ng iba, o hindi kasing gifted ng iba, yun ay hindi para gawin natin yun na mga excuses para hindi na sumunod sa kanya. Yun ay para mas mag-rely tayo sa kanya, sa kapangyarihan niya na makagagawa sa pamamagitan ng mga kahinaan natin. Tulad nga ng sabi ni Paul, “For his power is made perfect in weakness” (2 Cor. 12:9). Yun ay para magtiwala tayo hindi sa sarili nating magagawa kundi sa magagawa ng Diyos. Kaya sabi niya kay Moises, “Tutulungan kita sa pagsasalita.” Hindi naman ang Diyos nag-uutos sa atin at pagkatapos ay hahayaan na tayo, “Bahala ka na. Kaya mo na ‘yan.” Ang pangako niya kay Moises ay siya ring sagot niya kay Jeremiah na may objection din sa pagkatawag ng Diyos (“Bata pa ako. Hindi ako marunong magsalita,” Jer. 1:6-9) at siya ring sagot niya sa atin, “Sasamahan kita hanggang sa dulo. Ako ang bahala.”
Tinawag tayo ng Diyos para gawin ang mga mahihirap gawin tulad ng pagharap sa maraming tao, tulad ng pagsasakripisyo ng mga financial resources na meron tayo, hindi dahil may tiwala sa atin ang Diyos na magagawa natin ang mga sinabing niyang gawin natin. Merong mali sa lyrics ng kantang ‘to:
Ikaw lamang ang nagtiwala sa akin O Diyos di kita bibiguin Magtatapat sa ‘yo Maglilingkod ako O Diyos kaybuti mo
Binibigyan tayo ng Diyos ng mga gawaing mahirap sa atin para gawin, hindi dahil may tiwala siya sa atin na magagawa natin yun. Yun ay upang mas magtiwala tayo sa kanya na magagawa natin ang ipinapagawa niya sa atin sa pamamagitan ng lakas na nanggagaling sa kanya. Dahil kung wala siya, hindi talaga natin magagawa. Very assuring sa atin ang pangako ng Diyos na ang kanyang pagsama at kapangyarihan ay sasaatin ay we respond sa calling niya sa atin sa anumang ministry na nais niya para sa atin.
Ang ikatlong objection ni Moises: “Pwede bang iba na lang” (4:13-17) — umiiwas sa tungkuling iniatas ng Diyos
Pero para kay Moises, this assurance is still not enough. Sa halip na sabihin, “No more objections. Yes, Lord, susunod ako,” heto ang sabi niya, “O Panginoon (heto na naman, tinawag niyang Lord, pero hindi naman susunod!), kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba” (4:13 ASD). Para bang sinasabi niya, “Ayaw ko. Lord, you need to reconsider. You have the wrong man for the job. Nagkakamali kayo.” Oh, what audacity na sabihin ‘yan sa Diyos, kay Yahweh, the King of kings and Lord of lords, the Creator of the Universe, the one who knows the end from the beginning, the Sovereign One. This was the lowest point ng objection ni Moises. Umiiwas na siya sa tungkuling iniatas sa kanya ng Diyos.
Diyan din naman tayo magaling—ang magturô (note stress on last syllable) ng iba. Sinabi ng Diyos ikaw ang magturo sa mga anak mo, ang itinuturô mo ay iba, “Bahala na ang Sunday School teacher niya.” Sinabi ng Diyos na ikaw ang magshare ng gospel sa kaibigan mo, sabi mo kay Lord, “Si Pastor na lang po, Lord, hindi ko kaya.” Tanong ng Diyos, “Whom shall I send?” Ang sagot mo, “Ayun po yung kasama ko sa church. Send him!” Magaling tayong magturô ng iba.
Hindi lang ito objection, hindi lang ito excuse, ito ay tahasang pagrerebelde sa kalooban ng Diyos. This is unacceptable at nararapat lang na tumanggap ng parusa ng Diyos—lahat tayo yun! Kaya heto ang response ng Diyos sa pagrerebelde ni Moises sa Diyos. “Ang galit ng Panginoon (ni Yahweh) ay nag-alab laban kay Moises” (v. 14 AB). Try to imagine yung eksena dito, nagpakita ang naglalagablab na apoy ng Diyos, at nag-alab pa sa galit kay Moises. Tutupukin siya ng apoy ng Diyos kung hindi lang dahil sa haba ng pasensiya at laki ng grasya ng Diyos. Determinado ang Diyos na tawagin si Moises sa isang napakahalagang tungkulin—and this was a gracious call, totally undeserved. Kaya heto ang sabi niya kay Moises,
Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin. 16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya. 17 Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan. (vv. 14-17 MBB).
Sinasabi ng Diyos kay Moises, “Hindi ka pwedeng umiwas sa ipinapagawa ko sa ‘yo. Oo, mahina ka, oo limitado ang kakayahan mo. Kaya nga magpapadala ako ng tulong para sa ‘yo.” Si Moises ang mangunguna pero hindi niya gagawin yun nang nag-iisa. Sa simula pa lang sinabi na ng Diyos sa kanya na kasama niya ang mga elders ng Israel na haharap sa hari (3:18). At dito naman sa huling sagot niya kay Moises, sinabi niyang makakasama niya si Aaron na magsasalita para sa kanya. Although, pagdating natin sa mga encounters ni Moises sa hari, si Moises ang makikita nating nagsasalita! At ang “tungkod” ni Moises ay gagamitin ng Diyos na instrumento sa pag-perform ng kanyang mga miraculous signs. Meaning? Gaano ka man kaordinaryo, gaano man kaordinaryo ang meron ka, gaano man kalimitado ang kakayahan mo, kung ang Diyos ang kasama mo, kung ang Diyos ang kakampi mo, walang anumang acceptable excuse para umiwas sa pagkatawag ng Diyos. The only proper response for us is to trust and obey, there is no other way.
Conclusion: Sino ang Diyos na Tumawag sa Atin?
Eventually, sumunod din naman si Moises sa panawagan ng Diyos (4:18ff). God can overcome anumang resistance sa puso natin. Dito naman obviously ibang-iba ang Panginoong Jesus. That is why he is greater, far far greater than Moses. Tinawag siya ng Diyos na bumaba mula sa langit para iligtas tayong mga alipin ng kasalanan. Walang objection kahit isa. Hindi niya sinabi sa Ama, “Send someone else.” His delight is to do the will of him who sent him and to accomplish his work. His obedience to the Father’s call is our salvation—yung pagsunod niya hanggang sa krus, hanggang sa kamatayan. At ito yung gospel na pinaniniwalaan natin. Hindi pwedeng pinaniniwalaan lang pero hindi naman ibinabalita sa iba. Kung si Cristo ang Tagapagligtas natin, siya rin ang Panginoon natin. Sinabi niya, “As the Father has sent me, even so I am sending you” (John 20:21). Kung paanong sumunod si Jesus sa Ama, ganun din dapat ang pagsunod natin sa pagtawag sa atin, at makasusunod tayo dahil sa Espiritu na nasa atin, at dahil kay Cristo na nasa langit at hanggang ngayon ay namamagitan para sa atin.
Tandaan natin, ang Diyos na tumawag kay Moises, ang Diyos na tumawag kay Jesus, ay ang parehong Diyos na tumatawag sa atin. Oo, hindi madali ang sumunod sa ipinapagawa niya, hindi naman niya ipinangako na magiging madali. Ang ipinangako niya ay sapat ang tulong na ibibigay niya as we respond to his call—in making disciples of our children, in making disciples of our members, in making disciples of our unbelieving friends, in making disciples of all nations.
Ang Diyos ay makapangyarihang gumagawa sa pamamagitan natin.
Kayang gumawa ng Diyos nang wala ka. Pero gusto niya na gumawa siya sa pamamagitan mo. Ibig sabihin, wag mo ring tatangkain na gumawa nang nakahiwalay sa kapangyarihan niya. Apart from Christ, wala kang magagawa.
Ang Diyos ay makapangyarihang nagsasalita sa pamamagitan natin.
Nagsalita na ang Diyos. Nakasulat ‘yan sa Bibliya. Hindi mo kailangang mag-imbento ng sasabihin. Basahin mo ang Bibliya, ipaliwanag mo, at turuan mo ang iba na sundin ang sinasabi ng Diyos. Meron kaming isang speaker sa nakaraang pastors’ assembly, puro kwento, inspirational naman, nakakatuwa ang mga kuwento. Pero walang gospel, wala si Cristo sa sentro. Wala ba tayong tiwala sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos to accomplish his purposes? We are servants of his word, we are ambassadors of Christ. Walang power ang ministry natin kung lalayo tayo sa salita ng Diyos. God speaks through his word and the preaching of his word.
Oo, lahat naman tayo limitado ang magagawa natin, kaya nga…
Ibinigay ng Diyos ang buong church para makatuwang natin sa pagsunod sa pagtawag ng Diyos sa atin.
Hindi ka nag-iisa sa pagtuturo ng gospel sa iba. Nandito ang mga elders ng church para pangunahan kayo, para sanayin kayo. Nandito ang mga deacons to assist us kung ano pa ang mga kailangan Nandito ang mga kasama nating members ng church. Tulung-tulong sa panalangin, tulung-tulong sa pag-eevangelize, tulung-tulong sa pagdidisciple, at sa lahat ng kailangan para lahat tayo ay maging faithful sa pagtugon sa pagtawag ng Diyos sa atin.
At higit sa lahat, dapat nating tandaan, kasama natin ang Diyos. Mangyayari ang sinabi niyang mangyayari.