Ang Diyos ay lubos na Diyos nga. Ito ang pangunahin at nakahihigit na katotohanan. Tapós ang usapan. Sa bilyong katotohanan na mayroon, ito ang nasa ilalim at nasa ibabaw. Ito ang pundasyon ng lahat at katapusan ng lahat. Wala nang mas simple pa rito at wala nang hihigit pa sa katotohanang ang Diyos nga.
Wala nang ibang pangunahing katotohanan kundi ang Diyos nga. Wala nang ibang maaaring maging pundasyon ang iyong buhay o ang inyong pagsasamang mag-asawa, o ang iyong trabaho o kalusugan o ang iyong isip o ang iyong hinaharap kundi ang Diyos nga. Wala nang hihigit pa para maging pundasyon ng mundo, o ng kalawakan, o ng Milky Way, o ng buong daigdig kaysa sa ang Diyos nga. At wala nang hihigit pa na pundasyon para sa Bibliya, at sa pagpapakilala ng Diyos sa kanyang sarili, at sa kaluwalhatian ng ebanghelyo ni Jesus kaysa sa ang Diyos nga.
Ang realidad na ang Diyos ay lubos na Diyos nga ang natatanging punto ng Exodo 3:13–15. Hayaan mong ilarawan ko ito sa iyo. Sa loob ng ilang daang taon, ang mga Israelita—ang bayang pinili ng Diyos—ay namumuhay bilang mga dayuhan sa Egypt. At sa mahabang panahon, sila ay itinuring na mga alipin. Habang papalapit ang panahon ng pagliligtas ng Diyos sa kanila, isang batang Hebrew ang isinilang at pinangalanang Moises. Sa pagkilos ng Diyos, naligtas siya mula sa kamatayan sa pamamagitan ng anak ng Pharaoh at lumaki sa sambahayan ng prinsesa. Sa kanyang paglaki, habang ipinagtatanggol niya ang isang kababayan, napatay niya ang isang Egyptian kaya tumakas siya sa lupain ng Midian. Doon, nagpakita ang Diyos sa kanya sa anyo ng isang nag-aapoy na puno.
Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. 7 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. 8 Kaya’t bumabâ ako upang sila’y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito’y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya’t papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.” (Exodo 3:6–10 MBB)
Kaya pinili ng Diyos si Moises para pangunahan ang kanyang bayan na makalaya sa pagkaalipin at makapasok sa Lupang Pangako, ngunit nag-alinlangan siya tulad din ng iba. “Sumagot si Moises, ‘Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?’” (v. 11). At sinabi ng Diyos, “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos” (v. 12).
Sa puntong ito dinala tayo ni Moises sa isa sa pinakamahahalagang bagay na sinabi ng Diyos.
Tatlong Bagay na Sinabi ng Diyos tungkol sa Kanyang Sarili
Tingnan natin uli ang ating teksto:
Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako’y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?” 14 Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga.’ 15 Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman.” (Exodo 3:13–15 MBB)
Itinatanong ninyo ang pangalan ko, sabi ng Diyos, kaya sasabihin ko sa inyo ang tatlong bagay. Una, “Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga” (v. 14a). Hindi sinabi ng Diyos na iyon ang pangalan niya. Sinabi niya, sa katunayan, “Bago kayo mag-alala sa pangalan ko, o kung saan ako nakahilera sa mga diyos ng Egypt o Babylon o Philistia, at bago kayo mag-imbento ng tungkol sa aking pangalan, at lalong bago kayo magtaka kung Ako nga ang Diyos ni Abraham, magulat[1] muna kayo rito: Ako’y Si Ako Nga. Ako’y lubos na ako nga. Bago ninyo makuha ang pangalan ko, intindihin muna ninyo ang pagiging Diyos ko.”
Yung “Ako’y Si Ako Nga”—yung Ako’y lubos na Ako Nga—ang una sa lahat, ang pinaka-pundasyon at tunay na walang hanggan ang kahalagahan.
Ikalawa, “At sinabi niya, ‘Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay “Ako Nga”’” (v. 14b). Pansinin mo na hindi pa rin sinasabi ng Diyos kay Moises ang pangalan niya. Gumagawa siya ng tulay sa kanyang pagiging Diyos at sa kanyang pangalan, sa pamamagitan ng isang pahayag ng kanyang pagka-Diyos bago pa man sabihin ang tungkol sa kanyang pangalan. Sabihin mo, “Isinugo ako ni Ako Nga.” Siya—si Ako Nga—ang nagsugo sa akin.
Ikatlo, “Sinabi rin ng Diyos kay Moises, ‘Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito [Yahweh] ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman’” (v. 15). Sa wakas, ibinigay na niya sa atin ang pangalan niya. Halos palagi itong isinasalin na Lord sa English Bible (o Panginoon sa ibang salin sa Tagalog). Pero sa Hebrew, ito ay binibigkas na parang “Yahweh,” na nabuo mula sa mga salitang “Ako Nga.” Kaya tuwing maririnig mo ang salitang Yahweh (o ang maikling Yah—na naririnig mo tuwing inaawit ang “hallelu-jah” (“purihin si Yahweh”)—tuwing makikita mo ang Lord sa English Bible, ang kapansin-pansing maliliit na capital letters, dapat mong isipin: ito ay isang proper name (tulad ng Jason o Melissa) na nabuo mula sa salitang “Ako Nga” at nagpapaalala sa atin na siya nga ang Diyos.
Ang Diyos nga. Talagang nakakamangha ito. Binigyan ng Diyos ng pangalan ang kanyang sarili (na ginamit nang higit sa apat na libong beses sa Lumang Tipan) na nagtutulak sa atin, tuwing naririnig natin yun, para isipin na, siya nga. Tiyak na siya nga, walang duda.
…Ang mga taong nagulantang at namangha na ang Diyos nga ay di mo mapipigilan. Sa kanyang mabiyayang kapangyarihan, gustung-gustong magpakita ng ating Diyos kung saan mamamangha ang tao sa katotohanang siya nga.
Sampung Kahulugan ng pagiging Diyos ng Diyos
Ano ang kahulugan ng pagiging Diyos ng Diyos? Narito ang sampung puntos:
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang wala siyang simula. Talagang nakakalula itong isipin. Itinatanong ng bawat bata, “Sino ang gumawa sa Diyos?” At ang bawat matalinong magulang ay sumasagot ng, “Walang gumawa sa Diyos. Basta ganoon ang Diyos. At palaging ganoon. Walang pasimula.”
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang wala siyang katapusan. Kung wala siyang simula, wala rin siyang katapusan, siya ay mananatiling siya nga. Siya ay siya na nga. Walang maaaring puntahan para makalabas sa kanyang pagiging Diyos. Siya lamang. Bago pa siya lumikha, siya na nga: ang Diyos.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang Diyos ang ganap na katotohanan. Walang katotohanan na nauna sa kanya. Walang katotohanan na hiwalay sa kanya malibang loobin niya at gawin niya. Bago siya lumikha, hindi siya isa sa mga katotohanan. Basta lang na naroroon siya bilang tanging katotohanan. Siya lamang ang naroon sa walang hanggan. Walang kalawakan, walang universe, walang kawalan. Tanging ang Diyos lamang. Absolutely there. Absolutely all. Siya lang talaga.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang Diyos ay talagang independent. Wala siyang inaasahan para mabuo ang kanyang pagka-Diyos o suportahan siya o payuhan siya o gawin kung ano siya. Iyan ang ibig sabihin ng pagiging ganap.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang lahat ng bagay na hindi Diyos ay lubusang nakadepende sa Diyos. Lahat ng hindi Diyos ay pangalawa lamang at nakadepende sa Diyos. Ang buong daigdig ay pangalawa lamang. Hindi pangunahin. Nalikha ito sa pamamagitan ng Diyos at nananatili sa parehong kalagayan sa bawat sandali ayon sa pasya ng Diyos.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang buong mundo, kung ikukumpara sa Diyos, ay balewala. Anumang realidad ay parang isang anino na nakasalalay o nakadepende sa kanya bilang ganap na katotohanan. Parang isang alingawngaw sa dagundong ng kulog. O isang bula sa karagatan. Ang lahat ng nakikita natin, ang lahat ng kinamamanghaan natin sa mundo at sa kalawakan, kung ikukumpara sa Diyos, ay balewala. “Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya; kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman” (Isaias 40:17 AB)
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang hindi nagbabago ang Diyos. Hindi siya nagbabago—kung ano siya noon at kahapon, ganoon pa rin siya ngayon at kailanman. Wala na siyang igagaling pa. Wala nang madadagdag sa kanya. Siya ay siya na. Wala nang magbabago sa kanya. Siya’y siya na nga. Ang isang perpekto na ay hindi na pwedeng pagandahin o pagbutihin pa.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang siya ang tanging pamantayan ng katotohanan at kabutihan at kagandahan. Walang anumang libro ang kailangan pa niyang konsultahin para malaman kung ano ang tama. Hindi niya kailangan ng almanac para makita ang mga tunay na pangyayari. Walang samahan ng mga eksperto na kailangang tanungin para malaman niya kung ano ang magaling o maganda. Siya mismo ang pamantayan ng kung ano ang tama, kung ano ang totoo, kung ano ang maganda.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang gagawin ng Diyos ang kahit anong nais niya at iyon ay laging tama, laging maganda at laging ayon sa katotohanan. Walang makakapigil sa kanya na gawin ang anumang gusto niya. Ang lahat ng bagay ay nilikha at dinisenyo niya at pinamamahalaan niya bilang ganap na katotohanan. Wala talagang makakapigil sa kanya na hindi nagmumula sa kanyang sariling kalooban.
- Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang siya ang pinakaimportante at pinakamahalagang katotohanan at pinakaimportante at pinakamahalagang persona sa buong sanlibutan. Siya ang higit na karapat-dapat sa interes at atensyon at paghanga at kasiyahan kaysa sa ibang mga bagay, kabilang ang buong sanlibutan.
Ang Diyos ay lubos na Diyos nga! Paniwalaan at pahalagahan natin ito. Ang Diyos nga. Siya ang pambihirang realidad na bumabago sa takbo ng mundo—wildly untamable, explosively uncontainable, electrically future-creating—iyan ang Diyos.
maraming salamat po dito Pastor dereck..God blessed po..
LikeLike