Introduction: Not “Who am I?” but “Who is our God?”
Fourteen years ago, year 2009, nang magsimula akong maglingkod officially as leading pastor ng church natin. A few months before that, kaya nga ako nag-quit sa trabaho ko as water resources engineer sa San Miguel Corporation, ay dahil nararamdaman kong tinatawag ako ng Diyos na maglingkod sa kanya bilang pastor. Kumpirmado naman yun ng church, at hanggang ngayon ay narito pa rin bilang pastor ninyo. Napakataas na pagkakatawag ang pangunahan, pakainin, at alagaan ang kawan ng Diyos. Kung titingnan ko ang sarili ko, sino ba naman ako, paano naman ako naging deserving, qualified or worthy sa ganitong pagkakatawag. Kung sa sarili ko, I cannot be confident na magagawa ko kung ano ang ipinapagawa niya. Maaaring pumalpak ako, at baka mapahamak ko pa ang church na ipinagkatiwala niya. At ano ba naman ang maiaambag ko sa gawain ng Diyos na makapangyarihan sa lahat?
Tao lang. Makasalanan. Imperfect. Ordinaryo lang. Yan ang tingin natin sa sarili natin, at totoo naman, pero ginagawa nating mga excuses, o kaya naman ay nakakahadlang para magkaroon tayo ng lakas ng loob na sumunod sa ipinapagawa ng Diyos sa ministry. Hindi lang ako, tayong lahat ay tinawag ng Diyos “to make disciples of all nations” (Matt. 28:19). Pastor ka man, misyonero, deacon, miyembro ng church, empleyado, businessman, housewife, lahat ay tinawag ng Diyos sa misyong ‘yan, to be an instrument in the Redeemer’s hands. But, how are we responding? Marami ka bang excuses? Hesitant ka ba? O sobra naman ang kumpiyansa mo sa sarili mo at akala mo na you are more worthy than other people?
Nasa ugat ng iba’t ibang mga responses natin ang klase ng pagkakilala natin sa Diyos at sa sarili natin. “Knowledge of God and knowledge of ourselves”— ito yung bungad ni John Calvin sa kanyang Institutes—na sinabi niyang “the whole sum of our wisdom.” Napakahalagang malaman. Ang maling pagkakilala sa Diyos ay nagdudulot ng maling pagkakakilala sa sarili, na nagdudulot naman ng maling pagtugon sa pagkatawag niya. Kaya napaka-crucial na makilala nating mabuti ang tunay na Diyos. Kaya ang preaching ay dapat na theological, isang pag-aaral at pagpapahayag na nakasentro sa Diyos. Kapag nakasentro ka sa tao, hindi mo makikilala ang Diyos. Pero kapag nakasentro sa Diyos, makikilala mo ang Diyos at magiging tama rin ang pagkakilala mo sa sarili mo.
At yun naman ang gagawin ng Diyos sa pagtawag niya kay Moses—magpapakilala siya. Simula ito sa chapter 3 ng Exodus. Sa chapter 1, hindi mo mapapansin na nandiyan ang Diyos sa 430 years of slavery nila sa Egypt. Parang wala, pero “para” lang. Yun yung doctrine of providence, na God is actively at work sa pagtupad ng kanyang mga redemptive purposes para sa Israel kahit sa mga panahong parang tahimik at wala siya sa eksena. Sa chapter 2, na-introduced na tayo sa gagamitin ng Diyos para hanguin ang kanyang bayan mula sa pagkakaalipin sa Egipto—si Moses. And, for the first time, nasulyapan natin kung tugon ng Diyos sa mga paghihirap na nararanasan nila:
During those many days the king of Egypt died, and the people of Israel groaned because of their slavery and cried out for help. Their cry for rescue from slavery came up to God. And God heard their groaning, and God remembered his covenant with Abraham, with Isaac, and with Jacob. God saw the people of Israel—and God knew. (Exodus 2:23–25 ESV)
“God heard…God remembered…God saw…God knew…” Walang duda na ang Diyos ang pangunahing “actor” sa drama ng Exodus story. Siya ang Bida sa bawat kuwento at buong Kuwento ng Bibliya. Ang gawa ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat, at walang sinumang tao o demonyo ang magtatagumpay na hadlangan ang mga itinakda niyang mangyari. At sa kanyang pagpapasya, itinakda rin niya na meron siyang gagamiting tao para maisagawa kung ano ang gusto niyang gawin.
At sa puntong ito, ang taong iyon ay si Moses. Ito ang unang pagkakataon na nagpakita at nagpakilala ang Diyos kay Moses. Bago sa Israel, kay Moses muna. Medyo mahaba yung usapang ito sa Exodus 3:1-4:17. Kaya ngayon ay hanggang 3:15 muna tayo at magfocus sa kung paano ipinapakilala ng Diyos kung sino siya, at sa susunod naman (3:16-4:17) ay kung paano siya bibigyan ng assurances ng Diyos sa mga pagdududa niya sa pagkakatawag sa kanya ng Diyos.
The Revelation of God: Nagpakita ang Diyos kay Moises (Ex. 3:1-2)
Tingnan natin kung paano nagpakita ang Diyos kay Moses. Walang kamalay-malay si Moses na ang isang ordinaryong araw ay magiging extraordinary. Noong araw kasi na yun ay inaalagaan ni Moses ang ang mga tupa na pag-aari ng kanyang biyenan na si Jethro (3:1). Itong biyenan niya ay kilala rin sa pangalang “Reuel” (2:18), at isang pari sa Midian. Nakita natin sa chapter 2 kung paanong napangasawa ni Moses ang anak ni Jethro. By this time 80 years old na si Moses (Acts 7:23, 30), pero ibang-iba na yung kalagayan niya kumpara noong siya ay “prince of Egypt.” Hindi rin siya mayaman, dahil ang mga inaalagaan niyang tupa ay hindi naman niya pag-aari. Ordinaryong husband, father, and worker. Ordinaryong araw din nung napunta siya sa western side ng disyerto, sa Horeb (na tinatawag ding Sinai), at ito’y tinatawag na “the mountain of God” (Ex. 4:27; 18:5), dahil dito sa bundok na ito mangyayari ang ilan sa mga espesyal na pagpapakita ng Diyos sa mga tao. Fast forward sa story, dito sa bundok na ito magpapakita ang Diyos sa mga Israelita at ibibigay ang kanyang mga utos.
Pero bago yun, kay Moses muna. “Doon, ang anghel ni Yahweh (LORD, all caps, or PANGINOON, sa ibang salin) ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog” (3:2). Ang mga anghel ay mga heavenly beings na sinusugo ng Diyos bilang messengers niya dito sa mundo. Yun ang ibig sabihin ng Hebrew malak, “messengers.” Pero dito, yung “angel of Yahweh” na magsasalita ay walang iba kundi ang Diyos mismo, si Yahweh (v. 4). Ganun din nung nagsalita ang “angel of Yahweh” kay Abraham sa Genesis 22:11.
Sasabihin naman ng iba na itong “angel of Yahweh” ay isang Christophany, o appearance ng Anak ng Diyos sa Old Testament. Posible dahil si Cristo naman ay Diyos. Pero it is best for us to see na ito ay theophany, pagpapakita ng Diyos sa mga tao. Hindi naman kasi nakikita ang Diyos dahil siya ay espiritu. At kung magpapakita sa atin ang Diyos, in all of his glory, with our bare human eyes, matutupok tayo, tepok tayo. “For our God is a consuming fire” (Heb. 12:29; also Deut. 4:24; 5:25; 9:3; Num. 11:1; 16:35). But out of his grace, nagpakita siya kay Moses in a way na hindi siya matutupok. Actually, sa pamamagitan ng “nagliliyab” na “puno ngunit hindi nasusunog” (Ex. 3:2). Posible dahil siya naman ang mayhawak ng kanyang mga nilikha and he can suspend yung mga natural properties ng apoy at halaman to reveal himself in that form.
God is an invisible God. Kung hindi siya magpapakita sa atin, hindi natin siya makikita. Pero sa kanyang kabutihan hinayaan niya na makita ng tao ang ilang aspeto ng pagka-Diyos ng Diyos. Kay Adam. Kay Abraham. Kay Isaac. Kay Jacob. At dito kay Moses. At ngayon, we have the fullness and sufficiency of God’s self-revelation in Scripture. Hindi na natin kailangang maghintay ng burning bush para makita ang Diyos. As we read the Scripture, nakikita natin (through the eyes of our faith) si Cristo. “…we have seen his glory, glory as of the only Son from the Father…No one has ever seen God; the only God, who is at the Father’s side, he has made him known” (Jn 1:14, 18). “He is the image of the invisible God, the firstborn of all creation” (Col 1:15). God’s self-revelation in Christ is a much better than the burning bush of Moses.
The Holiness of God: Hindi Makalapit si Moises sa Diyos (Ex. 3:3-6)
Na-curious si Moses sa nakita niya. Ordinarily, matutupok talaga ang halaman. Kaya nagtaka siya, “Bakit kaya hindi natutupok? Malapitan nga” (v. 3). Nang papalapit na si Moses, mula sa burning bush ay nagsalita si Yahweh, “Moses, Moses!” (v. 4). Nagpakita ang Diyos. Nagsalita ang Diyos. By repeating Moses’ name, term of endearment yun sa Hebrew expression. Wala siyang dapat ipag-alala o ikatakot. Although yun naman talaga ang natural na naging reaksyon ni Moses kaya tinakpan niya ang mukha niya (v. 6). Pero ipinapahiwatig dito ng Diyos yung assurance na hindi siya matutupok ng apoy ng Diyos tulad ng burning bush na hindi natutupok. Ang kailangan lang ni Moses ay bigyang-atensyon at pakinggan ang sasabihin ng Diyos. Kaya sabi niya, “Narito ako” (v. 4). When God speaks, you better listen. Be ready to listen.
Pero hindi lang readiness ang kailangan natin. Kailangan din natin ng reverence. Diyos ang nagsasalita, hindi ito ordinaryong tao. Kaya sabi ng Diyos, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo” (v. 5 ASD). Banal ang lugar hindi dahil espesyal yung lupa at buhangin dun! Banal dahil sa banal na presensiya ng Diyos. Tayo na may-hangganan at makasalanang mga nilalang ay imposibleng makalapit sa Diyos na walang-hangganan at perpekto sa kanyang kabanalan. Walang makakakita, walang makakalapit sa Diyos nang hindi namamatay! Kaya tinakpan ni Moses ang mukha niya, takot siyang tumingin sa Diyos! Nung nakita rin ni Isaiah si Yahweh habang ang mga heavenly beings ay nagsasabing, “Holy, holy, holy,” ganito ang reaksyon niya, “Woe is me!” Alam niya kasing makasalanan siya (Isa. 6). Nung nakita ni Peter nang bahagya yung glory ni Cristo, sabi niya, “Depart from me, O Lord, for I am a sinful man” (Luke 5:8).
Hindi tayo makakalapit sa kabanalan ng Diyos. Pero dahil sa habag niya, siya mismo ang lalapit sa atin at gagawa ng paraan para hindi tayo matupok ng kanyang nagliliyab na kabanalan kung lalapit tayo sa kanya. Kaya sabi niya kay Moses, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob” (v. 6 AB). Siya ay Diyos na nagnanais na magkaroon ng ugnayan o relasyon kay Moses. Yung pinaka-identity niya ay hindi nakatali sa kung kanyang pagiging Israelita, kundi sa kung sino ang Diyos ng Israel—ang Diyos ng kanyang tatay, at hindi lang yun, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob. Ibig sabihin, itong pagpapakita at pagpapakilala ng Diyos sa kanya ay nakakabit sa mga pangakong binitiwan niya mula pa kay Abraham. “God remembered—hindi nakalimutan, kundi nagpasya ang Diyos na sa isang tiyak at espesyal na paraan ay gumawa para tuparin ang kanyang mga pangako—his covenant with Abraham, with Isaac, and with Jacob” (2:24).
Hindi tayo makakalapit sa Diyos dahil tayo’y mga makasalanan. Pero inilapit ng Diyos ang kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Ang Diyos mismo ang bumaba—ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao—para tuparin ang kanyang pangako kay Abraham. “The Word became flesh and dwelt among us” (Jn 1:14). At ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Moses, ay siya ring Diyos na nais magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin sa pamamagitan ni Cristo.
The Salvation of God: Gagamitin si Moises na Instrumento para Iligtas ng Diyos ang mga Israelita (Ex. 3:7-10)
Para sa mga Israelita na alipin sa Egipto, ang pinaglilingkuran ay ang hari ng Egipto, paanong mangyayari na sila ay makakalaya upang sumamba at maglingkod kay Yahweh? A mighty act of rescue must be accomplished. At ‘yan ang ginarantiya ng Diyos na gagawin niya sa mga sumunod na sinabi niya kay Moses. Ang mga sinabing kasunod ng Diyos ay echo ng isinulat ng narrator sa dulo ng chapter 2: “God heard…God remembered…God saw…God knew” (2:24-25). Ito naman ay mula mismo sa bibig ng Diyos:
Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya’t bumabâ ako upang sila’y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito’y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Kaya’t papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel. (3:7-10)
“Nakita ko…alam ko…narinig ko…” Hindi bulag ang Diyos. Hindi ignorante ang Diyos. Hindi bingi ang Diyos. May gagawin siya para sa Israel. Kung noong una, 40 years ago, ay tinangka ni Moses na gawan ng paraan ang paghihirap ng kanyang mga kababayan: “he went out to his people and looked on their burdens” (2:11). Papatunayan naman ng Diyos na wala sa kamay ni Moses ang kaligtasan ng Israel. Ito ay nasa makapangyarihang pagkilos ng Diyos: “Kaya’t bumaba ako upang sila’y iligtas…” (3:8). Sinabi na niya kay Abraham noon pa na aalipinin sila sa Egipto pero gagawa ang Diyos para iligtas sila (Gen. 15:13-14). Ito yung sabi niya kay Moses, “…upang sila’y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay” (Ex. 3:8). Maganda ang plano ng Diyos para sa kanila. Pero paano naman sila—milyun-milyong mga Israelita—ay makakatakas sa malupit na kamay ng hari ng Egipto? Sabi ng Diyos, “Ako ang bahala!” At pag nakalabas na sila, pagdating naman sa Canaan: “Ito’y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo” (v. 8). Marami pa rin silang kaaway na kakaharapin. Paano nila magagawa yun? Sabi ng Diyos, “Ako ang bahala!” Do you believe that God can accomplish mighty things, that God is mighty to save?
Sa isip natin, kaya naman nating sagutin ‘yan ng, “Yes. I believe.” And of course, we confess that Jesus Christ is our Savior, that he is our great Savior. Pambihira naman talaga ang mga ginawa niya—yung buong buhay niya na pagsunod sa Diyos, walang kasalanan kahit isa; yung inialay niya ang kanyang buhay para tubusin tayo sa ating mga kasalanan, para makalaya tayo sa pagkakaalipin sa kasalanan; yung muli siyang nabuhay para lahat ng sasampalataya sa kanya ay magkaroon ng bagong buhay. Pambihira yun. Diyos lang ang makagagawa. Kung hanggang ngayon hindi mo pa pinaniniwalaan na ang Diyos ang Tagapagligtas sa pamamagitan ni Cristo, hanggang ngayon ay alipin ka pa rin ng kasalanan. So, aminin mo na kailangan mo ang Tagapagligtas at yun ay wala nang iba kundi si Cristo. Put your trust in him.
Kung Kristiyano ka, sinasabi natin na naniniwala tayo diyan. That is the faith that we confess. Pero paano kung sasabihin ng Diyos na gagamitin ka niya na instrumento para maligtas ang ibang tao, karaniwan na we find it so hard to believe. Sinabi ng Diyos kay Moses na siya ang magliligtas sa Israel. Pero sinabi rin niya na meron siyang gagamiting instrumento. Sabi niya kay Moses, “Kaya’t papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel” (v. 10). Ikaw, Moses, oo, ikaw, ang maglalabas sa kanila. Paano naman nagrespond si Moses dito?
The Presence of God: Ang Tagumpay ng Misyon ni Moises ay Nakasalalay sa Pagsama ng Diyos (Ex. 3:11-12)
Nung una siyang tinawag ng Diyos, ang sabi niya, “Here I am” (v. 6). Ngayon naman ang sagot niya, “Who am I that I should go to Pharaoh and bring the children of Israel out of Egypt” (v. 11)? Sino ako? Sino ba naman ako? Pwede namang natural lang na ganito ang tanungin niya, kasi nga kung nakita niya kung gaano kabanal, gaano kadakila ang Diyos, siyempre di hamak na maliit ang pagtingin niya sa sarili niya. So, in a way, in can be an expression of humility, tamang pagtingin sa sarili. Alam niya ang lugar niya, alam niyang hindi siya karapat-dapat, alam niyang wala siyang kakayahan na gawin ang ipinapagawa ng Diyos. Tulad ng sabi ni Paul, reflecting sa bigat ng pastoral ministry, “Who is sufficient for this task?” Siyempre, wala. Diyos lang talaga.
Sa kabilang banda, pwede rin na ang sagot ni Moses masyado namang self-focused, nakalimutan na na ibaling ang pagtingin, tamang pagtingin sa Diyos. Sabi ng Diyos, “Ako ang gagawa. At pinili kong gawin ito sa pamamagitan mo.” So, posible na yung “Who am I?” ay indication ng unbelief, na para bang nagkamali ang Diyos sa pagpili kay Moses. Posible na may mga doubts sa heart ni Moses, lalo na kung makikita natin yung mga objections niya sa Diyos sa chapter 4.
At pansinin mo na hindi sinagot ng Diyos ang tanong niya na “Who am I?” Hindi sinabi ng Diyos, “You are Moses! Kaya mo ‘yan! Masyadong mababa ang self-esteem mo, dapat think positive about yourself. Sabihin mo, “I am strong, I am wise, I can do it!” No. Heto ang sabi ng Diyos, “But I will be with you…” (v. 12). In effect sinasabi ng Diyos na hindi “Who am I” ang dapat na tanong ni Moses, kundi “Who is God?” at sino ang Diyos para sa kanya. Ang success ng rescue mission ng Diyos ay hindi nakasalalay kung sino si Moses at kung ano ang meron siya, kundi kung sino ang Diyos na sasama sa kanya. The presence of God will guarantee na mangyayari ang sinabi niya. Ganito rin ang sabi niya kay Gideon, “I will be with you” (Judg. 6:16). Ganito rin kay Jeremiah, “I am with you” (Jer. 1:8). Ganito rin sabi ni Jesus sa mga disciples niya, sa atin, “I am with you always” (Matt. 28:20). Kung ginarantiya ng Diyos ang presensiya niya sa pagsunod natin sa panawagan niya to make disciples of all nations, beginning dito sa church kung saan tayo miyembro, ano pa ang valid excuse mo para hindi sumunod sa utos ng Diyos?
God knows the end, alam niyang mangyayari ang sinabi niya. Dugtong pa niya kay Moses, “…and this shall be the sign for you, that I have sent you: when you have brought the people out of Egypt, you shall serve God on this mountain” (Ex. 3:12). Medyo weird ito kasi kung sign ang ibibigay ng Diyos to give Moses assurance, dapat sana yung makikita na niya ngayon. Pero yung sign ay “future” pa. Ano ang sinasabi ng Diyos dito? Moses, take my word for it. Malalaman mo ng totoo ang sinasabi ko, at mapagkakatiwalaan ang plano ko. Notice yung emphasis sa “you”: Oo, ikaw, Moses. Ako ang magliligtas sa kanila, pero kasali ka. Ito ang plano ko. Ito ang gagawin ko. You have to take my word for it. God’s word is fully trustworthy. Kapag sinabi niyang kasali ka sa pagdidisciple sa iba, sa pagshare ng good news of salvation para maligtas ang ibang tao, garantisado na sasamahan ka niya. Do you believe that?
The Name of God: Hahayo si Moises sa Pangalan ng Diyos, ang Lubos na Pagka-Diyos ng Diyos (Ex. 3:13-15).
At this point, pwede na sanang tapos na ang usapan. Kapag sinabi ng Diyos, yun na yun. Pero may alinlangan pa rin si Moses. May tanong na naman siya, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila” (v. 13 ASD)? We are not exactly sure bakit ganito ang tanong ni Moses. Pero siguradong mahalaga ‘to kasi it is about identity. Sino ba talaga ang Diyos? Ano ang pagkakaiba niya sa mga dinidiyos sa Egypt at baka yun na rin ang dinidiyos ng mga Israelita. Paano niya ipapakilala ang Diyos kung hindi niya lubos na kilala ang Diyos. Kaya heto ang sagot ng Diyos:
“Ako’y si Ako Nga (ESV, I am who I am). Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman.” (vv. 14-15 MBB)
Heto ang paliwanag diyan ni John Piper sa translation natin ng kanyang book na Astonished by God:
Itinatanong ninyo ang pangalan ko, sabi ng Diyos, kaya sasabihin ko sa inyo ang tatlong bagay. Una, “Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga” (v. 14a). Hindi sinabi ng Diyos na iyon ang pangalan niya. Sinabi niya, sa katunayan, “Bago kayo mag-alala sa pangalan ko, o kung saan ako nakahilera sa mga diyos ng Egypt o Babylon o Philistia, at bago kayo mag-imbento ng tungkol sa aking pangalan, at lalong bago kayo magtaka kung Ako nga ang Diyos ni Abraham, magulat muna kayo rito: Ako’y Si Ako Nga. Ako’y lubos na ako nga. Bago ninyo makuha ang pangalan ko, intindihin muna ninyo ang pagiging Diyos ko.”
Yung “Ako’y Si Ako Nga”—yung Ako’y lubos na Ako Nga—ang una sa lahat, ang pinaka-pundasyon at tunay na walang hanggan ang kahalagahan.
Ikalawa, “At sinabi niya, ‘Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay “Ako Nga”’” (v. 14b). Pansinin mo na hindi pa rin sinasabi ng Diyos kay Moises ang pangalan niya. Gumagawa siya ng tulay sa kanyang pagiging Diyos at sa kanyang pangalan, sa pamamagitan ng isang pahayag ng kanyang pagka-Diyos bago pa man sabihin ang tungkol sa kanyang pangalan. Sabihin mo, “Isinugo ako ni Ako Nga.” Siya—si Ako Nga—ang nagsugo sa akin.
Ikatlo, “Sinabi rin ng Diyos kay Moises, ‘Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito [Yahweh] ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman’” (v. 15). Sa wakas, ibinigay na niya sa atin ang pangalan niya. Halos palagi itong isinasalin na LORD sa English Bible (o PANGINOON sa ibang salin sa Tagalog). Pero sa Hebrew, ito ay binibigkas na parang “Yahweh,” na nabuo mula sa mga salitang “Ako Nga.” Kaya tuwing maririnig mo ang salitang Yahweh (o ang maikling Yah—na naririnig mo tuwing inaawit ang “hallelu-jah” (“purihin si Yahweh”)—tuwing makikita mo ang LORD sa English Bible, ang kapansin-pansing capital letters, dapat mong isipin: ito ay isang proper name (tulad ng Jason o Melissa) na nabuo mula sa salitang “Ako Nga” at nagpapaalala sa atin na siya nga ang Diyos.
Ang Diyos nga. Talagang nakakamangha ito. Binigyan ng Diyos ng pangalan ang kanyang sarili (na ginamit nang higit sa apat na libong beses sa Lumang Tipan) na nagtutulak sa atin, tuwing naririnig natin yun, para isipin na, siya nga. Tiyak na siya nga, walang duda…
Ano ang kahulugan ng pagiging Diyos ng Diyos? Narito ang sampung puntos:
1. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang wala siyang simula…
2. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang wala siyang katapusan. Kung wala siyang simula, wala rin siyang katapusan…
3. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang Diyos ang ganap na katotohanan. Walang katotohanan na nauna sa kanya. Walang katotohanan na hiwalay sa kanya…
4. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang Diyos ay talagang independent. Wala siyang inaasahan para mabuo ang kanyang pagka-Diyos o suportahan siya o payuhan siya o gawin kung ano siya. Iyan ang ibig sabihin ng pagiging ganap.
5. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang lahat ng bagay na hindi Diyos ay lubusang nakadepende sa Diyos. Lahat ng hindi Diyos ay pangalawa lamang at nakadepende sa Diyos. Ang buong daigdig ay pangalawa lamang. Hindi pangunahin. Nalikha ito sa pamamagitan ng Diyos at nananatili sa parehong kalagayan sa bawat sandali ayon sa pasya ng Diyos.
6. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang ang buong mundo, kung ikukumpara sa Diyos, ay balewala. Anumang realidad ay parang isang anino na nakasalalay o nakadepende sa kanya bilang ganap na katotohanan. Parang isang alingawngaw sa dagundong ng kulog. O isang bula sa karagatan. Ang lahat ng nakikita natin, ang lahat ng kinamamanghaan natin sa mundo at sa kalawakan, kung ikukumpara sa Diyos, ay balewala…
7. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang hindi nagbabago ang Diyos. Hindi siya nagbabago—kung ano siya noon at kahapon, ganoon pa rin siya ngayon at kailanman. Wala na siyang igagaling pa. Wala nang madadagdag sa kanya. Siya ay siya na…
8. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang siya ang tanging pamantayan ng katotohanan at kabutihan at kagandahan…Siya mismo ang pamantayan ng kung ano ang tama, kung ano ang totoo, kung ano ang maganda.
9. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang gagawin ng Diyos ang kahit anong nais niya at iyon ay laging tama, laging maganda at laging ayon sa katotohanan. Walang makakapigil sa kanya na gawin ang anumang gusto niya…Wala talagang makakapigil sa kanya na hindi nagmumula sa kanyang sariling kalooban.
10. Ang lubos na pagiging Diyos ng Diyos ay nangangahulugang siya ang pinakaimportante at pinakamahalagang katotohanan at pinakaimportante at pinakamahalagang persona sa buong sanlibutan. Siya ang higit na karapat-dapat sa interes at atensyon at paghanga at kasiyahan kaysa sa ibang mga bagay, kabilang ang buong sanlibutan.
Ang Pangalan ng “PANGINOON” (YHWH) sa Redemptive History
Yan ang Diyos na nagpapakilala kay Moses, siya nga!, wala nang iba, Yahweh ang pangalan niya. Hindi ito bagong revelation ng pangalan ng Diyos, ito ay re-revelation, pagpapakilala muli. Ito ang Yahweh na Diyos rin nina Abraham, Isaac at Jacob (v. 15). Noon, ngayon, magpakailanman, ito ang pangalan ng Diyos. “This is my name forever, and thus I am to be remembered throughout all generations” (v. 15). Lahat ng henerasyon ng mga Israelita. At magpakailanman, kasali tayo sa pag-alala na yun. Yan din ang Diyos na nagpapakilala sa atin. Sabi ni Joel Beeke (Reformed Systematic Theology Vol. 1, “The Name of the Lord”), merong double aspect yung divine name. Primarily, tumutukoy ito sa kanyang “sovereign independence, eternality, freedom, and sovereignty.” Secondarily, sa kanyang “covenant faithfulness, presence, and compassion.” Siya ay higit sa atin, siya rin ay kasama natin.
Hindi ba’t ito ang pagpapakilala ng Diyos sa atin tungkol sa pagkakatawang-tao o incarnation ng Anak ng Diyos? Tinawag siyang Immanuel, ibig sabihin, “God with us.” Siya mismo ay Diyos. Siya mismo ang Diyos na nagsabing “Ako Nga” / “I am.” Sinabi ni Jesus sa mga Judio, “Before Abraham was, I am, Ako Nga (ego eimi)” (John 8:58). Sa pag-invoke ng divine name na sinabi ng Diyos kay Moses—itong Greek na ego eimi ang katumbas ng Hebrew ng “I am”—inaangkin niya na siya ay Diyos. Kaya nga dumampot ng mga bato ang mga tao para batuhin siya (v. 59). That’s blasphemy sa tingin nila, pero hindi kung siya talaga ay Diyos. Si Yahweh. Wag mong isiping si Yahweh ay yung Diyos Ama lang. When we see the fullness of revelation ng buong Bible makikita mo na si Yahweh ang triune God. God the Son and God the Holy Spirit share in one divine “name” of the Father (Matt. 28:19) (Beeke, RST, 1:561).
Conclusion: Ano ang Implikasyon nito sa Discipleship at Mission?
Kung tayo ay disciple ni Jesus, sinasabi nating “Jesus is Lord.” Yung “Lord” (Rom. 10:9; 1 Cor. 12:3) na ‘yan ay translation ng kyrios, yung Greek word for God’s Hebrew name. Jesus is Yahweh. “Christ is the eternal sovereign Lord” (Beeke, 1:562). So, kung hindi ka pa disciple ni Cristo, paano ka maliligtas? “And there is salvation in no one else, for there is no other name under heaven given among men by which we must be saved” (Acts 4:12). Ano ang kailangan mong gawin kapag narinig mo kung sino si Jesus at kung ano ang ginawa niya? Tumawag sa pangalan ni Jesus—Panginoon, iligtas mo ako!—ay ikaw ay maliligtas (Acts 2:21; Rom 10:13).
At kung ikaw ay ligtas na, bahagi ng plano ng Diyos na kasali ka, instrumento ka para maligtas din ang iba. Ang kumpiyansa natin ay wala sa sarili natin, kundi kay Cristo na nagsabing, “I am.” Sinabi rin ni Jesus sa mga disciples niya na natatakot, “Wag kayong matakot, I am, ego eimi” (Matt. 14:27). Sinabi rin niya throughout Gospel of John, “I am the bread of life. I am the light of the world. I am the door. I am the good shepherd. I am the resurrection and the life. I am the way, the truth and the life. I am the vine.” Kasama natin ang Diyos, si Yahweh, ang “I am,” “the sovereign and eternal God come in human flesh to be our spiritual nourishment, wisdom, strength and fruitfulness” (Beeke, 1:563). Sabi niya, “I am with you always to the end of the age” (Matt. 28:19). Bakit ka aatras sa panawagan ng Diyos kung ang kasama mo ay si Jesus, si Yahweh, siyang “I am”?
Kung nauunawaan natin at pinaniniwalaan natin ‘yan, lahat ng mga objections at excuses natin ay maglalahong parang bula. Pero dahil stubborn ang puso natin, at mabagal maniwala, marami pa rin tayong mga excuses. Tulad ni Moses. Pag-uusapan pa natin ‘yan sa susunod.