download mp3 | listen on YouTube
*This sermon was preached by Eric Hernandez, pastor of Sovereign Grace Baptist Church – Baliuag, Bulacan*
Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito’y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya’t ito’y aking pinagpala at inilaan para sa akin. (Exodo 20:8–11)
Introduction
Sa tingin ko mahalagang alamin muna natin ang context ng passage na ito upang mas maunawaan natin ang kahulugan at kahalagahan ng mga talatang ating binasa.
Ang kwento ng Exodo ay nagsimula sa kwento ng pagka–alipin. Naalipin sa loob ng higit 400 taon ang bayang Israel. Sa loob ng mahabang panahong yaon sila’y naghihinagpis, humihibik, dumadaing sa Dios (Exo. 2:23–24). Naranasan nila ang tila walang katapusan at makabali–gulugod na mga pasanin. Pagod sila, pata sila, walang pag–asa, ganyan ang kanilang malungkot na kalagayan. Marahil ang ilan sa kanila ay nagsimula nang magduda kung tunay nga ba ang mga kwento ng kanilang mga ninuno tungkol sa kadakilaan at katapatan ng Dios ni Israel.
Subalit di natutulog ang Dios. Sa takdang kapanahunan ay tumugon Siya sa kanilang mga pagmamaka–awa. Nagpakita at nagpakilala Siya kay Moises sa pamamagitan ng isang punong kahoy na di natutupok, “Sinabi ng Diyos, ‘Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob Sinabi sa kanya ni Yahweh…Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya’t bumabâ ako upang sila’y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay’” (Exo. 3:5–8).
Kapatid, nais kong ipaalala sa iyo na hindi lingid sa Dios ang iyong mga hibik. Nalalaman Niya ang iyong mabigat na dinadaanan at may mabuting dahilan Siya, higit sa lahat, may ginagawa Siya.
Yahweh is the Name of God
Nang tanungin ni Moises ang Dios kung ano ang pangalan Niya, ang tugon ng Panginoon ay, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’” (Exo. 3:14). Sa talatang 15, ang pangalang yaon ay naging si YAHWEH.
Yahweh is One God
Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang mga utos niya’y itanim ninyo sa inyong puso (Deut. 6:4 – 5).
Dahil ang Panginoon ay iisa lamang – walang iba maliban sa Kanya, may karapatan Siya sa ating buo at di nahahating pag–ibig at katapatan. Dapat nating maunawaan na lahat ng mga dakilang gawa na Kanyang ginawa para sa Kanyang bayan na nakasulat sa aklat na ito ay may layuning bigyang diin na Siya si Yahweh, maliban sa Kanya wala nang iba pa. Bawat salot na Kanyang ipinataw sa bayan ng Egipto ay upang isa–isang tibagin ang mga misplaced loyalty ng mga tao (e.g. Exo. 6:7; 7:5, 17; 8:22; 10:2). Sa kabilang panig, ang mga kamangha–manghang gawa na Kanyang ginawa para sa Kanyang bayan ay paanyaya na Siya lamang ang dapat paglagakan ng buong tiwala.
Kung ang malinaw na mensahe ng Shema sa Lumang Tipan ay ang si Yahweh ang Panginoon. Ang mensahe naman ng Bagong Tipan ay si “Jesus ang Panginoon” (Roma 10:9 cf. I Cor. 12:3; Juan 20:28).
Napakahalagang bahagi ng pangangaral ng Ebanghelyo ang pagpapahayag na si Jesus ang Panginoon. Imposibleng maunawaan ng isang tao ang tunay na Ebanghelyo nang hiwalay sa tamang unawa na si JESUS ANG PANGINOON!
Yahweh is Holy, Self-Sufficient and Eternal
Banal ang Dios, angat Siya sa lahat at sinumang iba. Siya’y lubhang matuwid at mabuti. Kaya’t saan man naroroon ang presensiya ng Dios, banal ang dakong yaon (Exo. 3:5). Walang pangangailangan ang Dios sa atin. Masakit sa tainga ang mga katagang ito. Pero iyan ang totoo. Di tayo kailangan ng Dios! Nakapagsasarili at may kasapatan sa sarili Niya ang Dios. Kung paanong ang punong kahoy sa harapan ni Moises ay nagliliyab subalit di natutupok, gayon ang Dios ng Biblia. (Exo. 3:2–3).
Wala pa ako, wala ka pa, di pa tayong lahat umiiral, ang Dios ay umiiral na, bakit? Walang hanggan kasi Siya (Isa. 57:15; Awit 90:1, 2)! Si Abraham ay pumanaw na, Si Isaac ay lumipas na, si Jacob ay namatay na subalit ang Dios ay Siya pa rin, walang iba (Exo. 3:6).
Yahweh is to be Praised
Ang aklat ng Exodo ay hindi isang aklat tungkol kay Moises, di rin ito tungkol sa bayang Israel. Gaya ng buong Biblia, ang Exodo ay tungkol sa Dios. Two–fold Goal:
- Ang makilala ng lahat na Siya ang Panginoon (Exo. 7:5, 17; 8:22; 14:4; 29:46). Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita” (7:5).
- Upang kanila Siyang paglingkuran at sambahin (3:12; 4:23). Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang (7:16).
The goal of everything in life is the glory of God.
Yahweh is a Covenant-Keeping God
Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo’y palalayain ko mula sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh (6:6–8).
Malinaw sa mga talatang ito na pumapasok sa isang tipan o kasunduan ang Panginoon sa bayang Israel. May buong kapangyarihang ipinakilala Niya ang Kanyang sarili sa kanila. Kasabay nito, ipinangako Niya ang Kanyang presensiya na magiging kasama nila. Dinalaw Niya ang Kanyang bayan na may dalang kaligtasan mula sa tiyak na kamatayan at kapahamakan. Dinaig Niya ang pinaka–makapangyarihang si Faraon upang idiin, walang ibang nakapangyayari maliban sa Kanya (6:1).
Nang makipagtagpo ang Dios sa bayang Israel sa Bundok ng Sinai, ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang si Yahweh o ang Panginoon na nagpalaya sa kanila sa pagka – alipin (20:1–2). Pagkatapos nito sinabi Niyang huwag silang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap Niya (v. 3).
Ang mga utos ng Panginoon na gaya nito, dahil Siya nga ang Kanilang tagapagligtas, ang dapat lamang sundin at kilalanin ng Kanyang bayang hirang. Ito ang tipan na ginawa ng Dios kasama ang Israel na ang pinaka–tanda naman ay ang Sabbath o ang Araw ng Pamamahinga (31:12 – 17; Neh. 9:13, 14).
“Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo’y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga” (Deut. 5:15).
Sabbath is for the Lord
“Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga” (Exo. 20:8).
Ang utos na “Laging tandaan ang Araw ng Pamamahinga” ay higit pa sa simpleng huwag itong makalimutan. Sa halip, ito ay malinaw na tagubilin na dapat itong gunitain o ipagdiwang. Ang Araw ng Pamamahinga ay araw ng Panginoon – araw ito ng pagkilala at pagsamba.
Ibinigay sa kanila ang anim na araw subalit ang ika-pito ay sa Panginoon. Ang sabi, “Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos” (20:9, 10).
Panahon din ito ng paggunita kung saan sila nanggaling, “Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo’y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga” (Deut. 5:15).
The Sabbath and Creation
“Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya’t ito’y aking pinagpala at inilaan para sa akin” (Exo. 20:11).
“Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya’y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa” (Gen. 2:2, 3).
Ang pagka–Panginoon ng Dios ay nangangahulugan na nakumpleto Niyang gawin ang Kanyang sinimulan. Pwede namang sa isang iglap nilikha Niya ang lahat ng mga bagay subalit pinili Niyang magbigay ng malinaw na mensahe sa Kanyang mga nilalang – may takdang panahon na dapat pagbulay–bulayan at ipagdiwang ang kadakilaan ng natapos na gawa ng Panginoon. Kung totoo ito sa panahon ng paglikha, na siyang ginamit na halimbawa sa Exo. 20:11, totoo rin ito sa panahon ng pagliligtas ni Yahweh sa bayang Israel mula sa pagka–alipin.
Yahweh is Our Great Provider
Ang unang pagkakataon na binanggit ng Panginoon sa bayang Israel ang konsepto ng Sabbath o Araw ng Pamammahinga ay mababasa natin sa Exodo 16. Ipinaliwanag naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo’y hindi nasira at hindi inuod. At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha” (vv. 23–26).
Naglaan ang Panginoon ng isang araw sa bawat linggo upang ituon ng Kanyang bayan ang kanilang pag–iisip tungo sa talagang pinagmumulan ng lahat ng kanilang tinatangkilik – ang Panginoon. Pero makikita natin kung paanong hayagang nilabag ng ilan ang utos na ito.
“Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha” (v. 27).
Maaalala po ninyo na bago pa ang pangyayaring ito ay nagpakita na ng katigasan ng ulo ang marami sa kanila.
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.” Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. Ngunit nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” Ngunit ang ilan sa kanila’y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. Mula noon, tuwing umaga’y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito’y natutunaw.
Nag – iwan ang Panginoon ng isang aral na di nila makakalimutan…
“Sinabi sa kanila ni Moises, ‘Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto’” (16:32).
Mga kapatid, malinaw ang mensahe: Ang Panginoon ang makapangyarihang tumugon sa lahat ng mga pangangailangan, no matter how much or how few are the resources. Dahil dito, di kailanganang nakawin ang araw na laan para sa Kanya. Ang kailangan ay magtiwala nang lubos sa Kanya.
Kapansin–pansin din na ang manna na ginawang alaala ng katapatan ng Panginoon ay di nabubulok, sa halip, makikita pa ito ng mga susunod na saling lahi. Ano po ang ibig sabihin ng memorial na ito? Ang Panginoon lamang ang maaaring makapag–ingat ng lahat ng mga bagay. The Lord is not only our Great Provider, He is also our Great Preserver!
The Rebellion of Israel
Ang Araw ng Pamamahinga sa Lumang Tipan ay nagsisilbing tanda ng kasunduan sa pagitan ng Panginoon at ng bayang Israel. Subalit hindi naging tapat sa kasunduang ito ang Israel. Sa halip nilapastangan nila ang mahalagang araw na ito.
“Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig. Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh. Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto.
“Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko’y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto. Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang. Doon, ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila’y mabuhay. Ibinigay ko rin sa kanila ang mga tuntunin para sa Araw ng Pamamahinga para maalala nila na akong si Yahweh ang nagpapabanal sa kanila. Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga” (Ezekiel 20:6–13).
Ang kaganapang ito ang nagsilbing mitsa upang isa–isang tabi ang Araw ng Pamamahinga. Tumalikod ang mukha ng Panginoon sa Kanyang bayang hirang.
“Hindi niya kinilalang ako ang nagbigay sa kanya ng pagkaing butil, ng alak at ng langis. Sa akin nanggaling ang pilak at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal. Kaya’t babawiin ko ang pagkaing butil na aking ibinigay maging ang bagong alak sa kapanahunan nito. Babawiin ko rin ang mga damit at balabal, na itinakip ko sa kanyang kahubaran. Ngayo’y ilalantad ko ang kanyang kahubaran sa harapan ng kanyang mga mangingibig, walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang, ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin, gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan” (Hosea 2:8–11).
Lubhang naging matigas ang puso ng bayang Israel na nang dumating ang Messiah, maging Siya ay itinakwil nila (1 Pet. 2:7).
An Invitation to Enter His Rest
Ang naging pinakamalaking kabiguan ng Israel ay ang kabiguan nilang maglagak ng buong tiwala sa Panginoon. Nabigo silang sumampalataya at mamahinga sa Dios. They failed miserably to believe that the Lord is able to carry them through and to save them to the uttermost.
“Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. Kaya’t muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang ‘Ngayon’. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,’ Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.’ Sapagkat ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. Kaya’t sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya” (Heb. 4:10–11).
Salamat na lamang sapagkat nag–iwan ang Panginoon ng bukas na paanyaya sa bawat isa. Sa kanila na pagod na, pata pa at walang pag–asa. Ang sabi Niya, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako’y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo” (Mateo 11:28–30).
The New Covenant People of God
Mga kapatid, ang kabiguan ng Israel na sumampalataya at sumunod sa Panginoon ay nakapailalim sa kabiguan nilang magtaglay ng isang pusong binago ng Dios, “At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Inyong nakita yaong lahat na ginawa ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Egipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang lingkod at kaniyang buong lupain; Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, at yaong mga dakilang kababalaghan: Nguni’t hindi kayo binigyan ng Panginoon ng pusong ikakikilala at ng mga matang ikakikita, at ng mga pakinig na ikaririnig, hanggang sa araw na ito” (Deut. 29:2–4).
Walang kagustuhan ang bayang ito na ang puso nilang matigas ay mabago. “Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso’t mga tainga, kayo’y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo. subalit ang Panginoon ay mayroong kapangyarihan” (Mga Gawa 7:51).
Subalit narito ang mabuting balita ng bagong tipan na walang hanggan at walang katapusan, na nagdadala ng lubos na kagalakan at pag–asa sa bawat isang magbabalik – loob sa Kanya. Sa kanila na dati’y di bayan ng Dios ngunit ngayo’y bayang hinirang, mga kinaawaan.
“Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos” (Eze. 36:26 cf. Heb. 8).
Sa bawat isang mananampalatayang narito, nalalaman mo ba na ikaw ay hinirang ng Panginoon at tinubos, bunsod ng Kanyang malaking awa, upang mula sa iyong buhay ay mahayag ang kadakilaan ng Kanyang mga gawa.
“Ngunit kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. Kayo’y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo’y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo’y tumanggap na kayo ng kanyang habag” (1 Pet. 2:9–10).
Dumadakila ang Panginoon sa buhay ng isang tao, hindi lamang dahil ginagawa nito ang Kanyang kalooban kundi dahil kinikilala rin niya na ang Panginoon ang kinauuwian ng lahat. Para sa tunay na bayan ng Panginoon ang pagsambasa sa Kanya ay di lamang isang rituwal na gawain. Na ang tanging concern ay ang maging magaling sa paningin ng iba ang kanyang ginagawa.
“Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya, Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat… Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath: Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni’t ang katawan ay kay Cristo” (Col. 2:6, 7, 16, 17).
Ang kabiguan ng bayang Israel na mamahinga kay Kristo lamang at lumakad alinsudon sa Kanyang kalooban ay atin namang katagumbayan dahil sa kakayahang tinanggap natin mula sa Kanya. Purihin ng Panginoon ng tipang walang hanggan (Juan 15:5)!
“Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. Nawa’y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen” (Heb. 13:20–21).