I praise the Lord dahil marami sa church natin ang mga lalaki. Hindi lang basta dumadalo, kundi naglilingkod sa Panginoon. Tulad ni Ptr. Marlon na two weeks ago ay nagpreach about David and Mephibosheth. Magkaiba man kami ng style ng preaching (at mas malalim siyang humugot ng Tagalog) ang mahalaga malalim din ang pinaghuhugutan niya when preaching about the gospel. At ngayon he’s preaching sa isang kasama nating church sa Balagtas.
Listen on YouTube | Download mp3
Maraming mga churches ang kakaunti lang ang lalaki. Kung meron man, karamihan naman ng nasa ministry as mga babae. Ang iba kasi nahihiya. Resulta na rin ng distorted view natin ng masculinity sa society natin. Hindi raw bagay sa mga lalaki ‘yang kantahan, palakpakan, at pagpapakita ng emotion sa worship. Medyo soft daw ang pagiging religious o palasimba, di masyadong nakikita ang toughness at strength ng isang tunay na lalaki. Ayun, kaya ang marami nasa sabungan, nasa sugalan, nasa inuman! Yun ba ang tunay na pagkalalaki?
But expressing our emotions in worship is not just a male problem. I believe that all of us may reservations sa pag express ng worship natin sa Panginoon. Buti pa sa mga parties, hataw na hataw sa videoke singing sessions. Pero kung alam lang natin at talagang pinaniniwalaan kung sino ang Diyos at ano ang ginawa niya para sa atin, and what his holy and gracious presence among us meant, maiiba ang paraan ng pagsamba natin.
The ark in Jerusalem (vv. 12-16)
Tulad ng nakita na natin three weeks ago sa story natin about David sa 2 Samuel 6. Dinala na sa Jerusalem – the city of David – ang “ark of the covenant,” isang kahon na gawa sa kahoy at nababalutan ng ginto, may kerubim sa itaas, at nasa loob ang tipak ng bato na kung saan nakasulat ang Sampung Utos. Simbolo ng presensiya ng Diyos sa kanilang kalagitnaan, ng kanyang kabanalan at paghahari sa Israel. Kaso, bago yun may namatay, si Uzzah, nang hawakan niya ito. Natakot sila, pati si David. To remind us that there must be trembling and seriousness in our worship of God. Pero nang makita nila kung paanong pagpapala ang hatid ng presensiya ng Diyos, napalitan ang takot nila ng tuwa. “With rejoicing” (v. 12). Sa sobrang tuwa, “David danced before the Lord with all his might (v. 14). “With shouting and with the sound of the horn” (v. 15). Todo-todo ang pagsamba nila sa Panginoon, tot just David, but “David and all the house of Israel.”
Eto yung “zoom out” ng story. Eto yung big picture ng ginagawa ng Panginoon sa Israel. God is at work in establishing his presence sa kingdom ni David. Pagdating sa verse 16, nagzoom-in yung story sa marriage niya, kung ano ang nangyayari sa loob ng bahay. Hari siya sa buong Israel at nakita natin ang ganda ng nangyayari sa bansa nila. Maganda ang relasyon n’ya sa Diyos. Kaya nga sa verse 17 may emphasis na ang paghahandog na pinangunahan niya ay ginawa “before the Lord.” At bilang hari, he was a benevolent king to his people: “he blessed the people in the name of the Lord of hosts” (v. 18). Siya rin naman ang hari sa loob ng bahay, as head of the family, at nakalulungkot na ibang-iba ang eksena dito. Verse 16, “As the ark of the Lord came into the city of David, Michal the daughter of Saul looked out of the window and saw King David leaping and dancing before the Lord, and she despised him in her heart.”
Pero bago natin pag-usapan ang relasyon nitong si David kay Michal, kailangang bigyang-diin natin na hindi yun ang pinakamahalaga sa story. Marriage is good. Very good. But we miss the bigger story kung nakafocus lang tayo sa marriage. Or any other horizontal relationships. Pinakamahalaga pa rin ang relasyon natin sa Diyos, vertical relationship. “The ark of the Lord came into the city of David…” Pinakamahalaga ang presensya ng Diyos, ang kabanalan ng Diyos, ang pagtanggap ng Diyos, ang malapit at mainit na relasyon natin sa Diyos. Ito ang malinaw na priority ni David. Kaya nga heto ang nakita ni Michal na eksena: “King David leaping and dancing before the Lord.” Hindi nahihiya. Contrast that to many men in many churches who are not even singing in worship. Nakatayo lang, hiyang-hiyang gumalaw o marinig ang boses. Pero si David “walang hiya” sa paglundag at pagsaway sa pagpupuri sa kabutihan ng Diyos. All-out, todo-bigay dapat ang pagsamba natin sa Diyos na all-out at todo-bigay ang biyaya para sa atin.
Flashback: David and Michal’s Love Story
Ano ngayon ang koneksyon nitong worship life ni David sa kanyang family life? Bago natin sagutin ‘yan, magbalik-tanaw muna tayo sandali sa love story ni David at ni Michal, ang kanyang first love at first wife. Dito sa kuwento natin, tatlong beses ipinakilala si Michal na anak ni Saul (vv. 16, 20, 23). Naging biyenan ni David si Saul na siyang unang hari sa Israel. Kasi noon, naiinggit at nagagalit na si Saul sa kanya dahil mas nagiging popular si David kesa sa kanya. Kaya sinabak niya sa laban sa mga Philistines, tapos ang reward ay si Michal, baka kasi sakaling mapatay siya sa laban. Pero 200 Philistines ang napatay niya, kaya ayun, napangasawa niya si Michal (1 Sam. 18:22-25).
Pinaghirapan niya yan. At mahal na mahal naman siya ni Michal (v. 28). Katunayan siya pa ang nagligtas kay David mula sa kamay ni Saul nang bigyan niya siya ng warning tungkol sa assassination attempt sa kanya. Pinatakas niya sa bintana ng bahay at nagsinungaling alang-alang kay David (19:9-17). Ang pag-ibig nga naman, hahamakin maging sariling magulang, masunod ka lamang. Kaso, nang tumakas na si David, ibinigay naman ni Saul si Michal sa ibang lalaki para mapangasawa (25:44). Pero nang mamatay na si Saul at malipat ang kaharian kay David, nakipagkasundo si Abner, na chief commander ng army ni Saul, kay David. Pumayag naman si David sa kundisyon na kuhanin muli ang asawa niya. Kaya nagpadala siya ng mensahe sa kapatid nitong si Ishbosheth, na siya namang kumuha kay Michal. Humabol pa’t umiiyak ang lalaki, pero eventually nagkasama ulit sila ni David (2 Sam. 3:13-16). May second chance. Kaso, bukod kay Michal, bago pa nga sila magkahiwalay, kinuha na ni David si Abigail at si Ahinoam para dagdag na asawa (1 Sam. 25:42-43). Even David was not faithful to one wife.
Michal’s displeasure (v. 16)
Pero naniniwala ako na ang fundamental problem sa heart ni Michal ay deeper than that. Kasi bakit ipinakilala siya ng author ng story na “Michal the daughter of Saul” (vv. 16, 20, 23), at tatlong beses pa, at bakit hindi “Michal wife of David.” Like father, like daughter. There is something fundamentally wrong not just in her relationship with David, but her relationship with God. Why not join the people and her husband in celebrating the coming of the ark of God?
Marriage is about oneness and intimacy not just physically or sexually but also spiritually. Mahalaga sa mag-asawa na merong same faith, same love, same devotion to the Lord. Kaya mahalaga parehong “believers” ang mag-asawa. Kapag hindi, you will not really experience true intimacy. Magkakagulo pa nga.
Kitang-kita ang kalagayan ng puso ni Michal sa story. She “looked out of the window and saw King David leaping and dancing before the Lord, and she despised him in her heart.” Sa halip na respetuhin, despised. This is huge. Ibig sabihin, disesteem, dishonor, disrespect, treat someone as an evil person. Buti sana kung masama ginagawa ni David. Tulad ng addict o lasenggo o babaero. Pwede mo pang ma-justify ‘yan (bagamat di rin naman dapat). But despising someone for worshipping the Lord? Pero hindi lang despised, but despised him in her heart, showing that the problem is deeper. This is not just a one time or once in a while despising, this is how she treats him. Si David hinahangaan at kinalulugdan ng mga tao. Pero ang asawa niya? No. Di naman kasalanan ni David kung bakit ganun. Sometimes, even when your vertical relationship is good, that doesn’t mean na laging okay ang horizontal relationships mo. Ang lalaki at babae ay parehong nilikha ng Diyos para magkasama at magkaisang sumamba sa kanya. Pero hindi ‘yan ang karaniwang nangyayari. Alam ‘yan ng ilan sa inyo, nararanasan n’yo ‘yan.
David and spiritual leadership (v. 20)
Ang hirap umuwi sa bahay kapag isa man lang ang may hindi maayos na relasyon sa Diyos na siyang dahilan kung bakit di rin nagiging maayos ang relasyon sa isa’t isa. Ano’ng gagawin mo if that is the case? Ang iba makikipaglaro na lang o makikipag-inuman sa barkada, ang iba magpapaka-workaholic na lang, ang iba papatol sa ibang babae, ang iba magpapaka-addict sa ministry. Kasi akala natin ang honor, identity, o significance ng pagkalalaki natin ay nasa success natin sa performance sa trabaho o ministry o kaya’y approval ng ibang tao. Pag di natin ‘yan nakukuha sa asawa o pamilya, hahanapin naman natin sa iba. Pero ang totoo, ang sukatan ng tunay na pagkatao natin ay nasa pagsamba natin sa Diyos. Worship is our priority. Personal and private worship. Corporate worship with our church. At siyempre, di dapat mawala ang spiritual leadership natin sa family, na siyang karaniwang napapabayaan natin at very challenging for all of us men.
How about David? “And David returned to bless his household” (v. 20). Alam n’ya na hindi lang siya hari na magiging blessing sa Israel, siya rin ay asawa at ama na mamamahala bilang mabuting hari at maglalapit sa Panginoon ng kanyang pamilya na parang isang pari. Tayong mga lalaki, para tayong prophet, priest and king sa ating pamilya. Hindi lang tayo nagtatrabaho para may maipakain sa kanila kundi para makakain sila ng Salita ng Diyos, at maakay sa paglapit sa Diyos. Pero imposibleng mangyari kung ikaw mismo ay malayo ang relasyon sa Diyos. So, make your relationship with God your priority. ‘Yan naman ang gustung-gustong makita ng mga babae dito sa church natin. Makita lang kayo na kasama nila sa pagsamba, ang laking bagay na ‘yan sa kanila. Pero nandun din yung longing na makita ang mga lalaki rise up out of passivity into courageous leadership. Thankful tayo sa Panginoon for wives supportive of their husband’s growth in leadership in church and family. Kaya I will make sure na priority ko ‘yan, I need to see growth in my leadership sa family ko. Priority ko rin (in partnership with our church) na sanayin ang mga tatay para para pangunahan ang kanilang pamilya sa paglapit sa Panginoon.
Michal’s disrespect (v. 20)
Pero paano naman kung meron kang asawang tulad ni Michal? Yun bang sabik na sabik kang umuwi sa bahay at ibalita kung ano ang magandang nangyari sa maghapon mo tapos ito ang sasalubong sa iyo. “But Michal the daughter of Saul (again, not “wife of David”) came out to meet David and said, ‘How the king of Israel honored himself today, uncovering himself today before the eyes of his servants’ female servants, as one of the vulgar fellows shamelessly uncovers himself'” (v. 20)! Tinawag niya ang asawa niya na “king of Israel.” Yan ang main concern niya, yung kingly reputation niya, merong siyang expectation kung ano dapat ang asta ng isang hari. Wala man lang reference sa Diyos o sa kanyang pagiging asawa. Tapos yung paraan ng pagsasalita sarcastic pa, disrespectful. Na para niyang sinasabi, “Nakakahiya naman ‘yang ginawa mo. Di ka umaasta na parang hari. Nakikita ka pa ng ibang mga babae. Para kang taong busabos o palaboy na ipinaparada ang sarili niya na nakahubad!”
A wife should honor her husband, and respect him in private and in public. She is to speak well of him before others. Kapag may mali, may gentle and loving rebuke siyempre. But in the case of David, wala namang mali sa ginagawa niya. Mali sa paningin ng asawa niya, pero tama sa paningin ng Diyos. Napakahalaga pa naman sa aming mga lalaki ng affirmation, honor and respect na nanggagaling sa asawa. Kaya nga sabi ni Paul, “Let the wife see that she respects her husband” (Eph. 5:33).
David’s response (vv. 21-22)
Kung tulad ng salita ni Michal ang marinig mo sa asawa mo, paano ka magrerespond? Ano ang sagot ni David? Sabi niya, “It was before the Lord, who chose me above your father and above all his house, to appoint me as prince over Israel, the people of the Lord—and I will celebrate before the Lord. I will make myself yet more contemptible than this, and I will be abased in your eyes. But by the female servants of whom you have spoken, by them I shall be held in honor” (vv. 21-22).
Tama naman na ibinaling niya ang perspective na “God-centered” ang ginagawa niya. Hindi lang siya hari ng Israel, he was God’s king. “Before the Lord…I will celebrate before the Lord…” He “chose me…to appoint me…Israel, the people of the Lord.” Ang identity niya bilang hari ay hindi nakatali sa sasabihin ng mga tao, kundi nakasentro sa Diyos. It is not about honoring or giving glory to himself, but about giving the honor that is due God.
Pero tama kaya na dalin ni David ang pangalan ng tatay ni Michal sa usapan: “who chose me about your father…”? Or to be sarcastic himself: “I will make myself yet more comtemptible than this, and I will be abased in your eyes”? Or to bring other women in conversation? “But by the female servants of whom you have spoken, by them I shall be held in honor.” Dapat naman talagang irebuke si Michal sa inasal niya, pero respectful, loving and gentle ba ang paghandle ni David sa situation? Hindi lang siya dapat makipag-usap kay Michal bilang isang hari kundi isang mapagmahal na asawa. Sabi ni apostol Pablo, “Let each one of you love his wife as himself” (Eph. 5:33).
Tama si David sa mga inasal niya sa pagsamba at pagbibigay-karangalan sa Diyos. Mali naman si Michal sa pagtrato kay David na di nagbigay-karangalan sa asawa niya. At marahil may mali din si David sa paraan ng pakikipag-usap niya sa asawa niya.
The shame of Michal’s childlessness (v. 23)
May kinalaman din kaya si David sa sinapit ng kanyang asawa? “And Michal the daughter of Saul had no child to the day of her death” (v. 23). Again, “the daughter of Saul” ang designation sa kanya. Tinanggal ng Diyos kay Saul ang honor ng pagiging hari ng Israel for failing to honor the God of Israel. Gayundin ay tinanggal ng Diyos kay Michal ang honor ng pagiging isang nanay dahil di siya nagkaanak hanggang mamatay siya. At sa panahon nila, kapag wala kang anak, nandun yung matinding shame, na para bang there is something wrong with you. But it is different for you who are in Christ na hanggang ngayon ay wala pa ring anak. Sabi niya si David ang kahiya-hiya, pero eventually si Michal ang lumabas na kahiya-hiya. Kahihiyan ang aabutin ng mga taong ikinahihiya ang pagsamba sa Diyos.
O baka naman kaya ang dahilan kung bakit “the daughter of Saul” ang palaging designation kay Michal ay dahil David already refused to treat her as his wife? Posible. Baka di na siya nagkaanak dahil ayaw na ni David sa kanya. Para sa mga lalaki, ang pakikipagsiping sa asawa ay not just about physical pleasure (although akala ng mga babae ganun nga). Mahalaga sa lalaki yung respect na galing sa babae. Pero hindi yun dahilan para hindi na ipakita ni David ang pagmamahal at katapatan bilang isang asawa. Nasa lalaki pa rin ang gampaning suyuin muli ang kanyang asawa para maging maayos ang relasyon nila. And walang indication sa life ni David na that is the case dahil di na muling nabanggit si Michal pagkatapos nito.
Gospel Exhortation
Whatever the case, direct punishment man ito galing sa Diyos o kagagawan ni David, obvious sa story na dahil sa kasalanan, nagdulot ito ng kahihiyan at sirang relasyon sa pagitan ng mga tao, lalo na ng mag-asawa. Simula pa kina Adan at Eba, pumasok na ang kahihiyan sa kahubaran ng tao, di tayo naging tapat sa isa’t isa, at di tayo natuto na magbigay respeto o parangal sa iba, lalo na sa Diyos na worthy of all honor.
Mas gusto pa natin ang naninisi. Blameshifting. Ang proper response natin dito sa story ay hindi tingnan ang sarili natin na tayo ang tama at mali ang pagtrato sa atin ng asawa natin o ibang tao. Although that may be the case for some. But to see that we are unlike David in worshipping God. Ikinakahiya natin ang pagsamba sa Panginoon. Like Michal, mas concern pa tayo sa sasabihin o makikita ng iba kaysa sa Panginoon. Like Michal, di natin itinrato ang asawa natin o ibang tao nang nararapat, respectful and loving. Kung magsalita tayo akala natin tayo palagi ang tama at siya ang mali. Like David, kahit na alam nating tayo ang tama, mali naman ang pagsagot natin sa mga taong nagsasabi ng masama laban sa atin. Instead of repaying evil with good, gagantihan natin ng masama ang masama. We are not gentle and careful in the way we speak. Yes, may mga times na mabait si David (like with Mepibosheth sa chap. 8) sa ibang tao, pero sa pagkakataong ito di naging mabait sa asawa niya. Tayo rin, bakit mas mabait pa tayo sa kapitbahay kaysa sa mga taong nasa loob ng ating bahay?
We are fallen, we are broken, we need a Savior everyday to rescue us from ourselves everyday. Tulad ng sabi ni Paul about marriage sa Ephesians 5:32, this story about David and Michal is more than just about marriage. It is about our relationship with Jesus.”This mystery is profound, and I am saying that it refers to Christ and his church.” We dishonored him. We dishonored ourselves and one another. Jesus alone gives the honor due God. He treated men, women, children, the poor, the lame, the blind, the Gentiles, even his enemies with dignity, respect, and love. Yes, may mga times na strong ang language na ginagamit niya, because of his zeal for the honor of the Father, not his own. Hinayaan nga niyang ipahiya siya ng mga tao. Sa krus, inako niya ang kahihiyang dapat sana ay sa atin. He uncovered himself, naked, hanging on the cross, like a worthless man, like a criminal, like a sinner, kahit wala naman siyang kasalanan. And he is the king of Israel! The King of all humanity! But he was dishonored for our sake. To cover our nakedness and shame. Para wala na tayong dapat ikahiya sa paglapit at pagsamba sa Diyos. So that we will live for the honor of the name of God above everything else. So that we will treat our spouse, our children, our neighbor with honor and respect and love.
Because Jesus was already shamed for us on the cross, we are now free to give our all in worshipping God (giving him the honor due his name) and to treat others (especially our spouse) who are different from us with respect and honor. Dahil inako na ni Jesus ang kahihiyang dapat sana ay sa atin, malaya na tayo at di na dapat mahiyang sambahin ang Diyos at ibigay ang nararapat sa kanyang pangalan. Malaya na rin tayong hindi ipahiya ang ibang tao (lalo na ang asawa) kundi tratuhin silang may pagrespeto at pagbibigay-karangalan.
We need God’s scandalous grace everyday. We need grace to treat others with grace. Maaaring di mo pa masyadong nakita na scandalous ang grace ng Panginoon kay David sa kuwentong ito. Baka kasi sabihin mo, parang wala naman siyang masyadong kasalanan. Parang yung asawa naman niya ang may problema dito. Yes, maybe we only see a “little” sin sa part ni David. Pero kitang-kita ang malaking kapangyarihan ng Diyos sa kuwentong ito. Niloob niyang di magkaanak si Michal na anak ni Saul para hindi mabahiran ng lahi ni Saul ang susunod na hari at matawag na “apo ni Saul” sa halip na “anak ni David.” Magkakaroon ng anak si David, at hindi ito galing sa linya ni Saul. Ibig sabihin manggagaling ito sa ibang babae. Dito manggagaling ang Messiah who kingdom will be forever. The story surrounding that is a huge scandal. But that will be for next week.