Part 11 – David and Bathsheba

003-david-bathshebaBinanggit ko sa dulo ng sermon natin last week na “We need God’s scandalous grace everyday.” Pinost naman ni Jovi ‘yang quote na ‘yan sa FB at may friend siya na nagtanong sa comment, “Bakit scandalous?” Tinanong ako ni Jovi kung paano ipapaliwanag. Di ko muna sinagot. Di ko pa naman talaga naipaliwanag ‘yan last week or kahit sa mga previous sermons. Ibig sabihin kasi ng “scandal” ay “an action or event regarded as morally or legally wrong and causing general public outrage.” Karaniwan ‘yan pag may isang celebrity – politician, entertainer, or religious leader – na nakagawa ng malaking kasalanan, na nabalitaan at ikinagulantang ng maraming tao. Pwedeng may kinalaman sa sex, money or power.

Listen on YouTube  |  Download mp3

Wala pa naman tayong masyadong nakikitang ganyang “scandal” sa story ni David, at least on his part. Kasi nasa tugatog siya ng popularity as king. So yung previous 10 sermons sa series na ‘to ay parang set up pa lang sa scandalous sins na nagawa ng pinakamataas at pinakapopular na leader sa Israel. Makikita natin ang kuwentong ‘yan sa 2 Samuel chapters 11 at 12.

David remained in Jerusalem (11:1)

Popular si David dahil kitang-kita ang kamay ng Diyos sa mga tagumpay na nararanasan niya sa pakikipaglaban sa mga kaaway ng Israel tulad ng Philistia at Moab (chap. 8) at Ammon at Syria (chap. 10). Marami nang tagumpay ang naranasan ni David bilang warrior-king ng Israel. Pero hindi pa tapos ang laban.

“Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan lang siya sa Jerusalem. Sina Joab, ang mga opisyal niya, at ang lahat ng sundalo ng Israel ang pinapunta niya. Tinalo nina Joab ang mga Ammonita at sinakop ang Rabba” (11:1 ASD). Kabubukas pa lang ng kuwentong ito, masesense na nating something is wrong. Ang mga hari nasa battlefields para makipaglaban, pero itong hari ng Israel na si David, nasa bahay at nagpapahinga. Lahat ng sundalo ng Israel nasa labanan, pero ang tagapanguna nila nagpaiwan.

Importante ang laban ng Israel laban sa kanilang mga kaaway. Pero mas importanteng laban ang kinahaharap ni David. This battle is not fought outside but inside his heart. Araw-araw ang labang ito. This is a battle kung sino ang nasa trono ng puso natin, kung nakanino ang allegiance natin. Dapat lagi tayong handa sa labang ito, dapat laging may armas sa pakikipaglaban, hindi pwedeng huminto, hindi pwedeng magpahinga.

Kung akala natin tapos na ang laban, kung akala natin nagtagumpay na tayo, nagiging kampante tayo sa sarili natin. Pride ang unang kalaban natin. Kung yan ang maghahari sa puso natin, baka tayo mabuwal. “Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan” (1 Cor. 10:12 ASD). “Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak” (Prov. 16:18 ASD).

Tulad ng nangyari kay David.

David commits adultery (11:2-5)

Kabi-kabila ang tagumpay na naranasan niya para sa kanyang bansa, pero nabigo siyang magtagumpay laban sa tukso na may kinalaman sa isang magandang babae na hindi naman niya asawa at asawa pa ng iba. Ito ang ikinababagsak ng maraming lalaki, kahit mga Cristiano na, kahit nga mga pastor na.

“Isang hapon, bumangon si David at naglakad-lakad sa patag na bubungan ng palasyo. Habang nakatingin siya sa ibaba, may nakita siyang isang magandang babaeng naliligo. Nag-utos si David na alamin kung sino ang babaeng iyon. Napag-alaman niyang ang babae ay si Batsheba na anak ni Eliam at asawa ni Uria na Heteo. Ipinasundo ni David si Batsheba at nang dumating ito, sinipingan siya ni David. (Katatapos pa lang noon ni Batsheba ng seremonya ng paglilinis dahil sa buwanan niyang dalaw.) Pagkatapos nilang magsiping, umuwi siya. Nabuntis siya, at ipinaalam niya ito kay David” (11:2-5 ASD).

Nagsimula sa pagtingin. Tapos pinagnasahan niyang makuha ang hindi naman sa kanya, ang asawa ng iba, asawa pa ng isa sa pinakamahusay at pinakatapat niyang sundalo. Kinuha niya at itinuring niyang sa kanya. Paulit-ulit sa kuwento na ang tawag kay Batsheba ay “asawa ni Uriah” para bigyang diin na kinuha ni David ang hindi para sa kanya. Maraming pribilehiyo at malawak ang kapangyarihan ng isang hari, pero ang paglabag sa malinaw na utos ng Diyos ay hindi kasali dun. No one is above God’s law. Nahulog si David sa tukso, tulad ng nangyari kay Eba. Malinaw din ang utos ng Diyos sa kanila ni Adan. Nakita niya ang bunga na pinagbabawal ng Diyos, pinagnasahan niya, kinuha, at kinain (Gen. 3:6). Si Adan ganun din.

Mga singles, when you have sex before marriage, kinukuha n’yo ang hindi para sa inyo. Kung may asawa ka man, and you have sex outside of marriage, kinukuha n’yo rin ang hindi para sa inyo. Hindi mo man aktwal na gawin, kung sa isip mo pa lang nagnasa ka na na kunin ang hindi para sa iyo, sabi ng Panginoong Jesus, nagkasala ka na rin. When God says no, he means it. Bata pa lang tayo, hindi na tayo makasunod sa utos ng Diyos. Ilang beses na tayong sumuway sa utos niya.

David tries to cover up his sin (11:6-13)

Kung nagkasala tayo sa Diyos, dapat aminin natin. Dapat humingi tayo ng tawad. Yun sana ang ginawa ni David. Humingi ng tawad sa Diyos, humingi ng tawad kay Batsheba at kay Uriah, at sa bansang Israel. Pero ang karaniwan, hangga’t maitatago, itatago natin, lalo pa kung nakakahiya kung malalaman ng iba. Instead of taking responsibility for our sinful actions, we try to deny it, hide it or cover it up. Ganun din ang ginawa ni David.

“Nagpadala si David ng mensahe kay Joab na papuntahin sa kanya si Uria na Heteo. Kaya pinapunta ni Joab si Uria kay David. Pagdating ni Uria, tinanong siya ni David kung ano na ang kalagayan ni Joab at ng mga sundalo sa kanilang pakikipaglaban. Pagkatapos, sinabi ni David sa kanya, “Umuwi ka muna at magpahinga.” Kaya umalis si Uria sa palasyo, at pinadalhan siya ni David ng mga regalo sa bahay niya. Pero hindi umuwi si Uria sa kanila kundi roon siya natulog sa pintuan ng palasyo kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David. Nang malaman ni David na hindi umuwi si Uria, ipinatawag niya ito, at tinanong, “Bakit hindi ka umuwi? Matagal kang nawala sa inyo.” Sinabi ni Uria, “Ang Kahon ng Kasunduan ng Dios at ang mga sundalo ng Israel at Juda ay naroon po sa mga kampo sa kapatagan, at nandoon din ang pinuno naming si Joab at ang mga opisyal niya. Maaatim ko po bang umuwi sa amin para kumain, uminom at sumiping sa asawa ko? Isinusumpa ko na hinding-hindi ko ito gagawin!” Sinabi sa kanya ni David, “Manatili ka pa rito ng isang gabi, at bukas pababalikin na kita sa kampo.” Kaya nanatili pa si Uria sa Jerusalem ng araw na iyon. Kinabukasan, inanyayahan siya ni David na kumain at uminom kasama niya. At nilasing siya ni David. Pero nang gabing iyon, hindi pa rin umuwi si Uria kundi roon ulit siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David” (11:6-13).

Gusto niyang magbreak sa military duty itong si Uriah at umuwi sa kanila para kung sipingan niya ang asawa niya ay akalaing anak niya ito. Ginawa niya ito out of concern sa sarili niyang reputasyon. Pero buti pa itong si Uriah, na di naman Israelita, tapat na sundalo ni David, and among his top 30 warriors (23:39). Para sa mga sundalo, malinaw ang utos ng Diyos. Habang naka-duty, habang may pakikipaglaban, di sila puwedeng sumiping sa asawa nila (Ex. 19:15; Lev. 15:18). Magiging dahilan yun para maging ritually impure sila, bagamat legitimate naman at asawa nila yun. Kaya kahit pauwiin siya ng hari, di niya ginagawa. He considered himself as still on-duty as a soldier. Buti pa siya, faithful sa tungkulin niya bilang sundalo. Si David, unfaithful. Buti pa siya titiisin ang hirap sa pakikipaglaban. Si David, nagpapakasarap na makuha ang nais niya samantalang ang mga sundalo niya ay nakikipaglaban.

David commits murder (11:14-25)

Dahil yung plan A niya ay hindi umubra kay Uriah, meron siyang plan B, and it involves another sin. Ganyan naman tayo, sa halip na pagsisihan at talikuran ang naunang nagawang kasalanan, susubukan nating takpan sa pamamagitan ng isa pang kasalanan.

“Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Uria. Ito ang isinulat niya: ‘Ilagay mo si Uria sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay'” (vv. 14-15). Walang kamalay-malay si Uriah na ang sulat na dala niya kay Joab ay naglalaman ng orders para siya’y mapatay. This was David’s sinister plot of trying to cover his sin (adultery) with another sin (murder). Sumunod naman itong si Joab at inilagay nga sa unahan ng matinding laban si Uriah. Napatay nga siya kasama ng iba pang mga sundalo. Nakarating ang balitang ito kay David (vv. 16-25). Tagumpay si David sa kanyang plano. Pero sa halip na masolusyunan ang una niyang kasalanan, nagkapatung-patong na ang atraso niya sa Diyos.

David took Bathsheba as wife (11:26-27)

“Nang malaman ni Batsheba (lit., “ng asawa ni Uriah”) na napatay ang asawa niyang si Uria, nagluksa siya. Pagkatapos ng pagluluksa, ipinasundo siya ni David at dinala sa palasyo. Naging asawa siya ni David at hindi nagtagal, nanganak siya ng isang lalaki. [Natupad nga ang mga ginustong mangyari ni David.] Pero ang ginawa ni David ay masama sa paningin ng Panginoon” (vv. 26-27). Sa ESV, “But the thing that David had done displeased the Lord.” Literally, “evil in the eyes of the Lord.” Samantalang si David, pinasabi pa kay Joab, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay” (v. 25). Ikinatuwa niya ang isang bagay na ikinalulungkot ng Diyos, itinuring niyang mabuti para sa kanya ang isang bagay na masama sa paningin ng Diyos. Ganyan ang kasalanan.

David confronted of his sin (12:1-9)

Nagsimula si David na suwayin ang ika-10 utos, (pagnasahan ang asawa ng iba, Ex. 20:17), pagkatapos ay ang ika-7 utos (pangangalunya, Ex. 20:14), at ang sumunod ay ang ika-6 (pagpatay, Ex. 20:13). Habang ang Diyos naman ay tila tahimik lang na pinapanood ang mga scandalous behaviors ni David. Sa dulo na lang ng chapter 11 nabanggit ang pangalan niya. Pero dito sa chapter 12, ipinamukha ng Diyos sa kanya ang pananagutan niya sa pag-aakalang siya’y nakatataas sa batas ng Diyos (from notes of ESV Study Bible).

Kahit na siya’y hari at ang mga salita niya ang nasusunod sa chapter 11, ipapakita ngayon ng Diyos dito na siya ay nasa ilalim ng Hari ng mga hari.

“Ngayon, isinugo ng Panginoon si Propeta Natan kay David. Pagdating niya kay David, sinabi niya, ‘May dalawang taong nakatira sa isang bayan. Ang isaʼy mayaman at ang isaʼy mahirap. Ang mayaman ay maraming tupa at baka, pero ang mahirap ay isa lang ang tupa na binili pa niya. Inalagaan niya ito at lumaking kasabay ng mga anak niya. Pinapakain niya ito ng pagkain niya, at pinapainom sa baso niya, at kinakarga-karga pa niya ito. Itinuturing niya itong parang anak niyang babae. Minsan, may dumating na bisita sa bahay ng mayaman, pero ayaw niyang katayin ang baka o tupa niya para ipakain sa bisita niya. Kaya kinuha niya ang tupa ng mahirap at ito ang inihanda niya para sa bisita niya.’ Labis na nagalit si David sa mayaman at sinabi niya kay Natan, ‘Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na dapat patayin ang taong gumawa niyan. Dapat niyang bayaran ng hanggang apat na beses ang halaga ng isang tupang kanyang kinuha dahil wala siyang awa'” (12:1-6).

Pangalan na ng Diyos ang ginamit niya sa paghatol sa lalaking umabuso sa kapitbahay niyang mahirap. Ang dali niyang hatulan ang kasalanan ng iba, samantalang bulag siya sa sarili niyang kasalanan. Ganyan tayo. Kaya kailangang kumprontahin tayo ng Salita ng Diyos, karaniwan gumagamit siya ng ibang tao tulad ni Nathan kay David.

“Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, ‘Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang hari ng Israel at iniligtas kita kay Saul. Ibinigay ko sa iyo ang kaharian at mga asawa niya. Ginawa kitang hari ng buong Israel at Juda. At kung kulang pa ito, bibigyan pa sana kita nang mas marami pa riyan. Pero bakit hindi mo sinunod ang mga utos ko (MBB, hinamak ang salita ko; ESV, despised the word of the Lord), at ginawa mo ang masamang bagay na ito sa paningin ko? Ipinapatay mo pa si Uria na Heteo sa labanan; ipinapatay mo siya sa mga Ammonita, at kinuha mo ang asawa niya'” (12:7-9).

Hindi sinusumbat ng Diyos ang mga kabutihang ginawa niya kay David – piniling hari, iniligtas sa kaaway, ibinigay ang kaharian, at marami pa sanang limpak-limpak na pagpapala. Ipinapakita niya ang tindi o bigat ng kasalanan ni David sa kabila ng mga bagay na ibinigay na sa kanya ng Diyos. Wala nang kulang, wala na siyang hahanapin pa. Tulad nina Adan at Eba, nasa kanila na ang lahat, pinagnasahan pa ang nag-iisang ipinagbawal sa kanila ng Diyos. Tulad ni David, hinamak din natin, binalewala, itinuring na walang kuwenta ang mga salita, mga pangako, mga utos, mga babala ng Diyos.

Yan ang nature ng kasalanan. Walang “small” sin kung tutuusin. Dahil sa pagbabalewala natin sa salita ng Diyos, binabalewala rin natin mismo ang Diyos. Mabigat ang parusang katapat niyan.

“Kaya dahil sa ginawa mo, mula ngayon, palagi nang magkakaroon ng labanan at patayan sa pamilya mo, dahil sinuway mo ako (MBB, itinakwil; ESV, despised) at kinuha ang asawa ni Uria upang maging iyong asawa. Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: May isang miyembro ng sambahayan mo ang maghihimagsik laban sa iyo. Ibibigay ko ang mga asawa mo sa taong iyon na hindi iba sa iyo at sisiping siya sa kanila na kitang-kita ng mga tao. Ginawa mo ito nang lihim pero ang gagawin koʼy makikita nang hayagan ng buong Israel.”

Grabe ang kasalanan ni David. Grabe rin ang mga consequences nito. Ang mga anak ni David na si Amnon (13:29), Absalom (18:15), at Adonijah (1 Kings 2:25) ay papatayin. Si Absalom naman ay maghihimagsik laban kay David at sa harap ng maraming tao ay sisipingan ang mga babae ni David (2 Sam. 16:22). Magpapatuloy ang scandals sa family ni David. More of that next week.

David confessed his sins (12:13-14)

Walang maitatagong lihim sa Diyos. Sa tao pwede nating itago. Kaya kahit gaano kalaki ang kasalanan natin, aminin natin. Humingi tayo ng tawad sa Diyos. Ganyan ang ginawa ni David. Verse 13, “Sinabi ni David kay Natan, ‘Nagkasala ako sa Panginoon.'”

Ganyan lang kaikli. Pero heto ang puso ni David na nagpapakumbaba sa harapan ng Diyos. Ang kabuuan ng paghingi niya ng tawad ay nakasulat sa Psalm 51:

O Dios, kaawaan nʼyo po ako ayon sa inyong tapat na pagmamahal. At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin, ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin. Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan, dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway, at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan. Tanging sa inyo lamang ako nagkasala. Gumawa ako ng masama sa inyong paningin…

Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, gaano man kalaki, gaano man karami, tapat ang Diyos at makatarungang patatawarin tayo (1 John 1:9). Verse 13, ituloy natin, “Sumagot si Natan, ‘Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo.'” Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Kung magpatawad ang Diyos, grace ang, tawag dun. Undeserved goodness. At scandalous yan. Consider a judge. Sinabi niya sa isang rapist o plunderer o murderer o drug pusher, “Malaya ka na, di ka na mananagot sa kasalanan mo.” Kung basta-basta lang isasantabi ng Diyos ang kasalanan ni David, that’s outrageous! that’s a mockery of justice! Siya pa nga nagsabi, “Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan” (Kaw. 17:15 ASD). Pinawalang-sala si David na patung-patong na ang naging kasalanan! Hindi ba scandalous yun?

At heto pa ang mas grabe. Sabi pa ni Nathan, verse 14, “Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay” (MBB). Akala ko ba kasuklam-suklam sa Panginoon na parusahan ang taong walang kasalanan? Si David ang dapat na mamatay, siya ang lumapastangan sa pangalan ng Diyos, tapos yung anak niya na walang kamalay-malay ang madadamay? Sabi pa niya, “Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama” (Ezekiel 18:20 ASD). Scandalous ang kasalanan ni David laban sa Diyos, mas scandalous ang kabutihan ng Diyos para kay David.

Namatay nga ang anak nila David at Bathsheba (vv. 15-23).

Solomon…and Jesus (12:24-25)

“Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba, at nagsiping sila. Nabuntis si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nila siyang Solomon. Minahal ng Panginoon ang bata, at nagpadala siya ng mensahe kay Propeta Natan na pangalanang Jedidia ang bata dahil mahal siya ng Panginoon” (11:24-25).

Malamang na pang-apat pa si Solomon na anak nila David at Bathsheba kung 1 Chronicles 3:5 ang pagbabasehan. Nilaktawan ang ilang mga taong lumipas dito sa kuwento para ihighlight ang pinakaimportante sa mga anak nila. Ang pagmamahal ng Diyos kay David ay mananatili sa lahi niya sa pamamagitan ni Solomon na siyang susunod na hari (ayon sa covenant niya kay David sa 2 Sam. 7). At mula kay Solomon nanggaling ang Panginoong Jesus. “Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David…Si Haring David ang ama ni Solomon (ang ina niya ay ang dating asawa ni Uria)” (Mat. 1:1, 6 ASD). Hindi binanggit ang pangalan ni Bathsheba kundi “asawa ni Uria.” The background of the story of Jesus is the scandalous story of David and Bathsheba.

Lahat ng kasalanan ni David ay pinatawad ng Diyos. Gracious and also just ang Panginoon dahil merong umako ng kasalanang iyon. Hindi ang unang anak ni David. Kundi ang Anak ng Diyos, na walang kasalanan, ni hindi tumingin ng mahalay sa isang babae pero inako ang kahihiyan ng kasalanan ni David at ng bawat isa sa atin. Ni hindi siya pumatay, ni hindi nanakit man lang ng kapwa niya, pero he died in our place that we might live. Itinuring siyang makasalanan para tayo’y maituring na matuwid sa harap ng Diyos. Walang nang mas scandalous kaysa sa biyaya ng Diyos na kitang-kita  sa krus ng Panginoong Jesus.

Application

Kung nandito ka ngayon tapos ang liit ng tingin mo sa kasalanan mo, at tingin mo mas grabe ang kasalanan ni David sa iyo, tumingin ka sa krus. Tingnan mo kung paano siya namatay at kung masabi mong maliit lang ang kasalanan mo. Your sins brought him to the cross! Nilapastangan mo ang salita ng Diyos. Nilapastangan mo ang Diyos. Binayarang lahat iyon ng Panginoong Jesus.

Kung alam mong malaki ang nagawa mong kasalanan, kaya pinagtatakpan mo, itinatago o pinagsisikapang bayaran, tumingin ka sa krus. The blood of Jesus is enough to cover your greatest sins. Hindi mo na kailangang itago. Aminin mo sa Diyos at sa kapatid mo.

Kung overwhelmed ka ng guilt dahil sa laki ng kasalanan mo, at hirap kang paniwalaan na patatawarin ng Diyos lahat ng kasalanan mo without you doing anything to pay him back, tumingin ka sa krus. Malaki ang kasalanan mo. But the grace of God is greater than all your sins.

At malamang meron din kayong kilala na nagkasala nang matindi – maaaring in denial sila o overwhelmed din ng guilt. Tulad ni Nathan, puntahan natin sila. Kausapin, kumprontahin sa kasalanan nila at turuang tumingin sa krus ni Cristo. Where they can find the grace and forgiveness they need.

Yan ang ibig sabihin ng scandal of grace. Ang scandal ay hindi yung grabeng kasalanan na ginawa natin tulad ni David. Ang scandal ay ang mas grabeng biyaya ng Diyos na ipinaranas niya kay David at sa ating lahat na nakay Cristo. Kaya kung i-post n’yo man ulit ang tungkol dito sa FB at may magtanong kung bakit “scandalous”, alam na ninyo kung ano ang isasagot n’yo. Hindi lang dahil napakinggan n’yo ang kuwentong ito, kundi kayo mismo, personal n’yong naranasan at natikman ang biyayang ito ng Diyos para sa atin.

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.