Huling bahagi na ‘to ng sermon series natin na #MayForever. And today, we will talk about parenting. Bakit? Relasyon ang pinag-uusapan natin, partikular ang relasyon ng mag-asawa. At bahagi ng layunin ng Diyos sa kanyang disenyo sa marriage ay mabigyan siya ng karangalan hindi lang sa intimate relationship ng mag-asawa, kundi maging sa pagtutulungan nila para palakihin ang kanilang anak ayon sa disenyo ng Diyos.
Kaya nga sabi ng Diyos kina Adan at Eba, “Be fruitful and multiply and fill the earth…” (Gen. 1:28). Totoong walang forever sa relasyon natin sa asawa o kaninuman. Pero ang halimbawang iiwanan natin, ang pagsasanay natin sa mga anak at pagtuturo sa kanila ay magkakaroon ng continuing impact sa susunod na henerasyon na magpapasalin-salin hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Our relationship with him ang forever. Pero habang hinihintay natin ang pagbabalik niya, meron tayong mission. “Make disciples of all nations” (Matt. 28:19), kasali diyan ang mga anak natin.
Titingnan natin ngayon ang halimbawa ni Pablo sa kanyang ministeryo sa mga taga-Tesalonica. Isinalarawan niya ang pakikitungo niya sa kanila, his leadership in making disciples among them, na “tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya” (1 Thess. 2:7) at “katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo” (v. 11). Ministry is not just about work, it is about relationship. The church is not just an organization, we are family.
Bakit itong text na ‘to ang pag-aaralan natin? Si Pablo ay single. Walang asawa. Walang mga anak. Pero nandoon ang contentment and joy niya sa pagkakaroon ng maraming “spiritual children,” mga taong dinala niya sa Panginoon at sinanay para maging tagasunod ng Panginoong Jesus. Some of you are still single o kaya ay married pero wala pang anak. You may feel that this message is not for you or you may feel unfulfilled kasi wala ka pang anak. Pero may pangako ang Diyos sa iyo tulad ng kay Pablo at sa mga eunuko na wala ngang asawa’t anak pero pinangakuan ng Diyos ng ganito, “Papayagan ko silang makapasok sa aking templo at pararangalan ko sila ng higit pa sa karangalang ibibigay sa kanila kung silaʼy nagkaanak. At hindi sila makakalimutan ng mga tao magpakailanman” (Isa. 56:5). Pag sinabi ng Diyos na “be fruitful and multiply and fill the earth,” hindi lang biological reproduction ang pinag-uusapan, kundi spiritual multiplication. Ang katumbas nito ay “go and make disciples of all nations.”
Sa pagpapalaki natin ng ating mga anak, hindi lang ito yung mapakain sila, mabihisan sila, at madala sila sa eskwelahan. Kung relasyon kay Jesus ang pinakamahalaga sa lahat, ibig sabihin pinakamahalagang responsibilidad natin sa mga bata ay madala sila sa relasyon kay Jesus. Na ang mga anak natin ay maging disciple din, “sumusunod kay Jesus, binabago ni Jesus, at ibinibigay ang buhay sa misyon ni Jesus.” At tayong mga magulang, parehong tatay at nanay, magkatulong bilang disciplemakers ng ating mga anak, tumutulong sa kanila para mas makilala nila si Jesus, magtiwala kay Jesus at sumunod kay Jesus. Parenting is making disciples of your children. Disciplemaking is spiritual parenting. May anak ka man o wala, the mission is the same.
What can we learn from Paul? Ano ang kinalaman nito sa role natin in discipling children as fathers and mothers or spiritual fathers and spiritual mothers?
Centrality of the Gospel in Disciplemaking
Bago natin tingnan ang unique roles ng tatay at nanay sa kanilang mga anak, tingnan muna natin kung ano ang pinakamahalaga kay Pablo. Ang pinakamahalaga sa kanya at sa atin din dapat, the beginning, middle and end of everything we do sa family or sa church ay walang iba kundi si Jesus. It is all about Jesus and what he has done. Dapat ang parenting natin gospel-centered. Dapat ang disciplemaking natin gospel-centered.
Words (gospel proclamation). Ano ang sinasabi mo? Ano ang lumalabas sa bibig mo? Bago pa maging Christians ang mga Thessalonians at hanggang sa pagpapatuloy nila sa buhay Cristiano, Magandang Balita ni Cristo ang itinuturo ni Pablo sa kanila. “Tinanggap nʼyo ang Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo. Dumating ito sa inyo hindi lang sa salita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu” (1:5). “Binigyan kami ng Dios ng lakas ng loob na ipangaral ang Magandang Balita sa inyo, kahit na maraming hadlang” (2:2). “Minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami sa inyo… (2:4 MBB). Sa role niya na tulad ng isang ama at ina sa kanyang anak, it is still about proclaiming the gospel of Jesus (vv. 8-9). Kapag ang gospel ay hindi naririnig sa atin ng ating mga anak, we are not doing them any good. Mapakain mo man sila ng masasarap, mabigyan mo ng magagarang damit, mapag-aral mo sa mamahaling eskwelahan, maipasyal mo sa magagandang lugar, kung di naman nila maririnig sa iyo ang Magandang Balita, you are failing in your role as disciplemaker of your children.
Heart (gospel motivation). Ano ang hangarin o nais mo? Bakit mo ginagawa ang ginagawa mo para sa mga anak mo? Hindi mo naman kasi maibibigay ang gospel sa mga anak mo kung ikaw mismo hindi ito ang pinaniniwalaan mo. But if you believe the gospel, you will parent your children out of the approval and security you already have in Jesus. Tulad ni Pablo, “…Ginagawa namin ito hindi para kalugdan kami ng mga tao kundi ng Dios na siyang sumisiyasat sa mga puso namin. Alam nʼyo rin na hindi namin kayo dinaan sa matatamis na pananalita sa pangangaral namin at hindi rin kami nangaral para samantalahin kayo. Ang Dios mismo ang saksi namin Hindi namin hinangad ang papuri ninyo o ng sinuman, kahit may karapatan kaming tumanggap nito bilang mga apostol ni Cristo” (2:4-7). Ang paglilingkod niya ay hindi pakabig, kundi pabigay. Ang ginagawa natin para sa ating mga anak ay hindi para matupad ang pangarap nating di natin nakamit nung bata tayo o para punan ang pagmamahal na di natin nakuha sa asawa natin o sa magulang natin. We serve our children of the overflow of the love of God for us in Jesus.
Life (gospel demonstration). Mahalaga hindi lang kung ano ang naririnig sa atin ng mga bata, kundi kung ano rin ang nakikita nila. Gusto mong maging disciple ni Jesus ang anak mo, then be a committed disciple of Jesus. Disciplemaking is not just teaching lessons, but modeling and demonstrating a life centered on the gospel of Jesus. Tulad ni Pablo, madalas sinasabi, “Follow me as a I follow the example of Christ.” Tulad din ng sabi niya sa mga Thessalonians, “Alam ninyo kung paano kami namuhay noong nasa inyo kami – ginawa namin ito para sa kabutihan ninyo” (1:5). Dahil nakikita sa kanila ang pagsunod sa Panginoon, “Tinularan nʼyo ang pamumuhay namin at ng Panginoon” (1:6). Parents, is our life and our relationship with God something that our children will follow as an example? May dinidisciple ka ngayon, but is your devotion to Jesus something other people will follow?
Movement (gospel multiplication). Merong multiplication na mangyayari. Kakalat ang Magandang Balita, “Sapagkat mula sa inyo, lumaganap ang mensahe ng Panginoon. Hindi lang sa Macedonia at Acaya nabalitaan ang pananampalataya nʼyo sa Dios, kundi sa lahat ng lugar” (1:8). Ang mga bata magiging disciples din ni Jesus. All nations will be discipled. Then the Lord will return. We will be with him forever. If we really desire to be forever with the Lord, we will give our life to share and show the gospel to our children, to other people, and to all nations. And it will be according to the unique roles God has assigned to us. Bilang tatay, bilang nanay, bilang single o bilang married without children yet.
Motherhood and disciplemaking
Magandang halimbawang dapat tularan ang pagdidisciple ni Pablo sa mga taga-Tesalonica. Sa verses 3-6, sinabi niya na ang ministry niya sa kanila ay walang halong pagpapanggap, panloloko, panggagamit, pambobola, at pagkuha ng karangalan para sa sarili nila. Na ang puso niya ay nasa tamang lugar. Ang puso niya ay tulad ng isang nanay. Verses 7-8, “Sa halip, naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya. At dahil mahal namin kayo, hindi lang ang Magandang Balita ang malugod naming ibinigay sa inyo kundi pati na rin ang buhay namin, dahil napamahal na kayo sa amin.”
Lalaki si Pablo, nasa position of authority and leadership sa church. Pero may puso ng isang nanay. Motherhood reflects gospel realities. Mahalaga ang pangangaral ng gospel, pero sabi ni Pablo, “…hindi lang ang Magandang Balita ang malugod naming ibinigay sa inyo…” (v. 8). We share the gospel, but we also demonstrate gospel realities. Paano maipapakita ng isang nanay ang Magandang Balita sa kanyang anak?
Ang nanay ay nagmamahal sa kanyang anak. Verse 8, “Dahil mahal namin kayo…dahil napamahal na kayo sa amin.” Sa pagmamahal ng nanay, nakikita niya ang anak niya na napakahalaga, very precious in her sight. Kahit ano pa ang hitsura niya, kahit di siya singtalino ng iba, kahit sa kabila ng mga pagkukulang niya. A mother loves her child not because of anything the child has done for her, but simply because that child is her own. At dahil mahal niya ang anak niya…
Ang nanay ay nag-aalaga sa kanyang anak. “…naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya” (v. 7). Mula sa sinapupunan hanggang sa pagsilang hanggang sa paglaki, naroon ang pag-aalaga ng nanay. Pag may sakit ang bata, hindi sa tatay nagpapaalaga dahil iba ang alaga at haplos ng nanay. Hindi nagpapabaya sa kanyang anak. Not just physically, but also emotionally. Pag may problema ang anak, tinatanong, “Ok ka lang, anak? May problema ba? Pwede mong sabihin sa akin.” Dahil sa pagmamahal, tinitiyak ng nanay na maibigay sa anak ang kailangan, kahit kailangan ang sakripisyo.
Ang nanay ay nag-aalay ng buhay para sa kanyang anak. “…hindi lang ang Magandang Balita ang malugod naming ibinigay sa inyo kundi pati na rin ang buhay namin…” (v. 8). Ngayon na lang ulit nakapagtrabaho ang asawa ko sa World Vision. Iniwan niya yun bago pa ipanganak ang panganay naming si Daniel. Dahil ang pag-aalaga, pagmamahal at pagsasakripisyo sa anak ay di pwedeng ipasa sa iba. Only a mother can do that for her child, hindi ang yaya, hindi ang lola. Hindi naman ibig sabihing hindi pwedeng humingi ng tulong sa iba kung kailangan. Pero ang puso ng nanay ay yun bang ibibigay kahit sariling buhay para sa kanyang anak.
Motherhood reflects gospel realities kasi ganito magmahal ang Diyos natin. Itinuring niya tayong kanyang sariling anak. Because of Jesus, we are very precious in his sight. Mahal niya tayo hindi dahil sa anumang ginawa natin para sa kanya. Just because he is love. Mula pa simula hanggang ngayon hanggang sa katapusan, inaalagaan niya tayo, hindi pinapabayaan, at ginagabayan hanggang matapos natin ang ating takbuhin. Kitang-kita ang pagmamahal niya sa atin nang maging sarili niyang buhay ay inialay niya sa krus para sa atin.
Mga nanay, dahil sa pagmamahal ng Diyos, mahalin n’yo nang todo-todo ang inyong anak. Alagaan ninyo. Wag pababayaan. Ibigay n’yo ang buhay n’yo kung kinakailangan, alang-alang sa kanilang kinabukasan. And to all of us pastors, church leaders, and disciplemakers, mahalin natin ang mga taong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos para alagaan. Nawa’y taglayin natin ang puso ng isang nanay na umiiyak kapag umiiyak ang ating inaalagaan, dinadamayan sila sa kanilang problema, sinasamahan sa mga pagsubok sa buhay, pinapayuhan kung kinakailangan, pinoprotektahan laban sa anumang makakahadlang sa kanilang pagsunod kay Cristo, ibinabad sa panalangin, at pinagtitiyagaan kahit nagiging masakit sa ulo. Ganyan ang isang nanay na dapat nating tularan.
Fatherhood and disciplemaking
Bukod sa puso ng isang nanay, dapat din magkaroon tayong lahat ng puso ng isang tatay sa pagdidisciple natin. Ganito si Pablo, verse 11, “Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo.” Hindi sapat ang pag-aaruga ng isang nanay sa kanyang anak. Kailangan ng isang bata ang tatay at nanay. Fathers, we have a very important role to fulfill para ang mga anak natin ay maging tagasunod din ng Panginoong Jesus. Sa lahat ng nagdidisciple, hindi sapat na meron lang tayong pusong nanay, kailangan din natin pusong tatay. Siyempre, unang-unang mahalagang responsibility natin ay maituro sa kanila ang Salita ng Diyos, lalo na ang sentro nito na Magandang Balita ni Cristo.”Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios…” (v. 9). Itinuturo. Ipinapakita rin. Paano maipapakita ng isang tatay ang Magandang Balita sa kanyang anak?
Ang tatay ay nagtatrabahong mabuti para sa kanyang anak. “Tiyak na natatandaan nʼyo pa, mga kapatid, ang pagsisikap namin noong nasa inyo pa kami. Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios, araw-gabi kaming nagtatrabaho para hindi kami maging pabigat sa inyo” (v. 9). Paul was a hardworking leader. Ang tatay na tamad ay nagdadala sa kanyang mga anak sa kapahamakan. Fatherhood is about taking responsibility. Hindi ibig sabihing di pwedeng magtrabaho si misis at si mister muna ang titingin sa mga bata. But at the heart of a father ay yun bang gagawin ang lahat para sa kanyang pamilya. Hindi ipapaubaya sa asawa ang responsibilidad sa pagtataguyod ng pamilya. Pwedeng pagtulungan, pero ang tatay pa rin ang may pananagutan. Di naman ibig sabihin maging overwork at wala nang time sa family o di na magpahinga. Kapag overwork, para namang sinasabi mong sa kamay mo lahat nakasalalay. Pero pag nagpahinga ka, ipinapakita mo sa mga anak mo na we have a hardworking Father in heaven na di tayo pababayaan. Work hard, and find your rest in God.
Ang tatay ay nagpapakita ng magandang halimbawa para tularan ng kanyang anak. Nadidisciple ni Pablo ang mga Thessalonians by inviting them to look into his life and follow his lead, “Saksi namin kayo at ang Dios na ang pakikitungo namin sa inyong mga mananampalataya ay tapat, matuwid at walang kapintasan” (v. 10). Iba ang impact kapag ang tatay ay namumuhay na matuwid at may takot sa Diyos. Ang tatay na sumusunod kay Cristo ay naaakay ang kanyang mga anak na sumunod kay Cristo. Ang tatay na tapat sa kanyang asawa ay nagpapakita sa kanyang mga anak ng halimbawa na dapat nilang tularan pag sila ay nag-asawa na. An unfaithful husband sets up his children to be unfaithful husbands in the future. Fathers, watch your life closely. Pinapanood kayo ng inyong mga anak. Tama na magpakita tayo ng magandang halimbawa, pero kailangan din nating magsalita.
Ang tatay ay nagtuturo at gumagabay sa kanyang anak sa daang dapat niyang lakaran. “Pinalakas namin ang loob nʼyo, pinayuhan at hinikayat na mamuhay nang karapat-dapat sa Dios na humirang sa inyo para sa kanyang kaharian at kadakilaan” (v. 12). Sa pagdidisciple sa kanila, ginagamit ni Paul ang Word of God (2 Tim. 3:16-17) sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid at pagsasanay sa matuwid na pamumuhay. Salita ng Diyos ang kailangan para madala ang mga bata sa kaharian ng Diyos. Salita din ng Diyos ang kailangan para masanay silang mamuhay na may kingdom mindset. Mga tatay, mahalaga na nagsasalita tayo. Wag nating ipaubaya lang sa mga asawa natin ang pagsasalita sa ating mga anak. We live in a culture na passive and silent ang mga tatay. Ang pagsasalita ay position of authority. Kapag di tayo nagsalita, di natin ginagampanan ang authority na bigay sa atin ng Diyos. Kapag nagsalita naman tayo ng masama, inaabuso natin ang authority na yun. Turuan natin ang mga anak natin. Sawayin pag nagkakamali. Ituwid sa pamamagitan ng Magandang Balita ni Jesus. Sanayin bilang tagasunod ni Jesus. Let our words be words of blessing to them, affirming their beauty, their worth, their dignity, their calling as disciples of Jesus.
Mga tatay, tayo ang primary disciplemaker ng ating mga anak. Wag nating ipaubaya lang yan kay pastor o sa children disciplemaking team ng church. Take responsibility. Lead in prayer. Teach the Word. Kung di ka pa sanay, magpadisciple ka din sa mas mature na mga tatay. It is time na pangatawanan at panindigan natin ang tungkuling iniatang sa atin ng Diyos. Sa lahat naman ng nagdidisciple ng iba, tingnan natin ang sarili natin as spiritual fathers, at ang mga dinidisciple natin bilang mga anak na kailangan ang paggabay at pagtuturo natin. Sa simula ng kanilang buhay Cristiano, mas mahalaga sa kanila ang pusong nanay na nararamdaman sa atin, may pag-aalaga, pag-aaruga, pagmamahal. Pero pag tumatagal, kailangan nilang marinig ang pagsaway, pagtutuwid pag sila’y nagkakamali. Kailangan nila ng mga “spiritual fathers” na matitingala at masasabing, “I want to be like him.”
Hard work but rewarding
Mahirap maging nanay. Mahirap maging tatay. May mga panahong parang iniisip nating mas mainam pala kung wala na lang tayong mga anak. Pero ang mga anak ay regalo ng Diyos sa atin. Mahirap mag-alaga at magpalaki ng anak. Mahirap magmahal sa kanila sa mga panahong parang di naman nila nasusuklian ang pagmamahal natin sa kanila. Mahirap ding tumayong tatay at nanay sa dinidisciple natin. Pero lubos na kagalakan ang dulot nito sa atin na naniniwalang dahil ang pag-ibig ni Jesus ay sapat-sapat sa atin, malaya na tayong ibuhos ang pagmamahal na ito para sa mga itinuturing nating mga anak. Tulad ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, “Walang ibang nagbibigay sa amin ng pag-asa at kagalakan kundi kayo. Hindi baʼt kayo rin ang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesu-Cristo sa pagbabalik niya” (2:19-20)?
Tulad ni Ptr. Nilo ng Pandi, Bulacan na may walong anak. Nagtulung-tulong ang mga anak niyang ito para surpresahin siya at regaluhan ng Chevrolet Trailblazer. Nakapost ang video nito sa Facebook ng kanyang bunso at naging viral sa social media:
But this is not about the car. It is about children whom he has raised up to honor their father. Ito ay tungkol sa kagalakang dulot ng mga anak natin sa atin.
Totoo na maraming beses tayong iiyak para sa kanila. Totoong ang ilan sa kanila ay nagrebelde. Pero iba ang kagalakang nararamdaman ng isang magulang na ang puso ay busug na busog sa pagmamahal ng Diyos, at handang sumunod sa kanyang kalooban bilang mga tatay at mga nanay na ibibigay ang lahat para sa mga anak. Dahil merong tayong Diyos, at Panginoong Jesu-Cristo na ibinigay ang lahat-lahat para sa atin. Kahit na tayo’y nagrebelde, sumuway, naglayas, at naging matigas ang ulo. This is the love of God. Ito ang bumabago sa atin.