4 na Dahilan na Dapat Kang Magdagdag ng Regular na Prayer Service sa inyong Church Calendar

Kung may maidadagdag ka sa church calendar n’yo, ano kaya iyon? Isang retreat ng mga kababaihan o breakfast fellowship ng mga kalalakihan? Isang seminar sa evangelism? Mga small groups? Evening service tuwing Sabado para sa mga taong nahihirapang gumising nang maaga? Bible study tuwing Miyerkules?

Iyan ang tanong na paulit-ulit kong tinatanong sa sarili ko simula nung dumating ako sa bago kong church noong nakaraang taon. Bagama’t marami sa mga suggestions na iyan ang maganda at kapuri-puri, kasama ang aming mga elders, pinangunahan ko ang aming church na simulan ang regular na prayer service tuwing Linggo ng gabi.

Seryoso ba, isang prayer service? Parang makaluma at katawa-tawa ‘yan, ginagawa ‘yan ng mga Kristiyano noong panahon na wala pang kuryente, panahon na mas simple pa ang buhay, mas maliliit ang mga churches, at noon na hindi napupuno ng mga schedule ng gala ng ating mga anak ang mga kalendaryo natin.

At humarap ito sa ilang mga pagtutol. May isang member na nagsabi sa akin na sobra sobra na ang aming pananalangin. Pakiramdam niya masyadong mahaba na ang oras ng pananalangin namin tuwing Linggo ng umaga. Nakakabawas ito sa time ng music team, at medyo nakakagambala sa worship experience. May iba pa nga na nagmungkahi na maaaring magbunga raw ito ng legalism, na baka raw ang maging dating ay nagbibigay kami sa mga tao ng iba pang bagay na feeling nila ay requirement na dapat nilang gawin. Ang iba ay nagpahayag ng pag-aalala na maaaring makahadlang ito sa komunidad, dahil maaaring pabayaan o umalis na lang ang ilan sa kanilang mga small groups para makadalo sa corporate prayer meeting.

So, bakit ba isang pagtitipon na nakalaan para sa sama-samang pananalangin? Hayaan mong magbigay ako ng apat na dahilan.

1. Ipinapaalala nito sa mga miyembro ng church ang kahalagahan ng panalangin.

Hindi naman mahirap kumbinsihin ang mga miyembro na mag sign-up para sa isang event, o sumali sa isang small group. Nitong nakaraan lang daan-daan ang mga dumating sa retreat ng aming mga kababaihan. Maraming dumating sa breakfast fellowship ng mga kalalakihan at sa tinatawag naming Secret Church. So bakit nag-aatubili ang marami na magtipon para sa sama-samang pananalangin? Bakit ang prayer service sa maraming mga churches ngayon ay parang umiikot na lamang sa mga telepono?

Sa simpleng pananalita, hindi nakakaakit ang pananalangin. Hindi ito nakakaaliw. Kadalasan ay hindi ito madali o maginhawa; nangangailangan ito ng pagsisikap at kailangang pagtrabahuhan. Kaya nga ibinigay sa atin ni Jesus ang talinghaga tungkol sa matiyagang balo sa Lucas 18, upang tayo ay “laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa.” Nasanay na tayo sa madaliang musika at media, mga podcasts at preaching. Ngunit sa pananalangin, kailangang isara natin ang ating mga sarili sa mundo habang binubuksan natin ang ating mga isipan.

At ito ang dapat nating gawin—hindi lamang individually, kundi corporately, sama-sama. Sa Mateo 21, sinaway ni Jesus ang mga tao dahil ginawa nilang tulad ng trading floor ng Chicago Mercantile Exchange ang templo. Sinabi niya, “Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan” (Mateo 21:13). Ayon sa Bagong Tipan, ang church ay ang templo ng Espiritu ng Diyos (1 Cor. 3:16). Kung gayon, ang mga churches ba natin ay bahay-dalanginan na nilalayon ng Diyos? Pinaglalaanan ba natin ito ng oras? Inuuna ba natin ang commitment na manalangin nang sama-sama? O ang sama-samang pananalangin natin ay isang filler o transition lamang sa pagitan ng mga awitan?

Sabi ni Robert Murray M’Cheyne, “Kahanga-hanga ang isang tao na nakaluhod ang mga tuhod sa harap ng Diyos, siya lamang, at wala nang iba pa.” Paano kung gamitin natin yang panukat na iyan sa mga churches natin? Ano kaya ang makikita sa atin? Ang pananalangin nang sama sama ay nagpapahayag ng kahalagahan ng panalangin sa mga miyembro ng church, ito ay lubos na mahalaga. Sapagkat ang ating pakikibaka ay laban sa mga espirituwal na pwersa, at sa gayon ay nangangailangan ng espirituwal na mga sandata—at ano pa ang mas dakilang sandata kaysa sa mga panalangin ng hindi lamang isa, kundi ng daan-daan, at libu-libo?

2. Minomodelo nito sa mga miyembro ng church kung paano manalangin.

Naaalala ko pa yung unang beses na nananalangin ako sa harap ng marami. Ako ay isang bagong mananampalataya palang noon, parehong natatakot at nalilito sa kung ano ang sasabihin. So ano ginawa ko? Kinopya ko ang mga narinig kong ginagawa ng iba.

Bukod sa pag-aaral ng mga panalangin ni Daniel o ni Pablo o ni Hannah o ni Maria, walang ibang nagtuturo sa mga miyembro ng church kung paano manalangin nang higit pa kaysa sa mga panalangin na naririnig nila mula sa mga tapat na mananampalataya sa church. Kung nais nating manalangin ang mga miyembro sa church natin nang ayon sa Bibliya at nang may katapatan, kung nais nating manalangin sila nang may mataas na paggalang sa Diyos at may personal na pagmamahal, dapat nating imodelo ito para sa kanila nang magkakasama. Tulad ng sinabi ni D. A. Carson, “Pumili ng mga modelo, ngunit pumili nang maayos. Pag-aralan mo ang kaalaman nila, ang lalim nila, ang naisin nila, ang sigla nila—pero huwag gayahin ang kanilang wika o idyoma.”

3. Pinagkakaisa nito ang mga miyembro ng church sa mga layunin ng Diyos.

Natural na narcissistic tayong mga tao, mataas ang pagpapahalaga natin sa ating mga sarili. Wala tayong problema sa pananalangin para sa sarili nating mga pangangailangan, mga nais, at mga hangarin. At hindi naman mali na ipanalangin ang mga bagay na ‘yan. Dapat natin ipanalangin ang mga ‘yan. Subalit nakakalungkot kapag ang ating prayer life, lalo na ang ating corporate prayer life, ay pinangungunahan ng gayong mga alalahanin. Kung tutuusin, wala sa atin ang kahulugan ng kasaysayan ng tao. Hindi ang ating kalusugan at kaligayahan ang kahulugan ng kasaysayan ng tao. Ang church at ang kanyang kasaganaan ang kahulugan ng kasaysayan ng tao (Efe. 3:1-13).

Kapag nagtitipon tayo upang bigyang diin ang espirituwal higit sa pisikal, ang pangkalahatan higit sa indibidwal, pinag-kakaisa natin ang mga miyembro ng church sa mga layunin ng Diyos para sa kanyang church. Ang pananalangin nang sama sama ay nagdudulot ng pagmamalasakit para sa pagkakaisa ng lahat, at sa patotoo ng lahat bilang church.

4. Inihahanda nito ang mga miyembro ng church sa pagkilos ng Diyos.

Karamihan sa mga malalaking kilusan sa aklat ng Mga Gawa ay markado ng sama-samang pananalangin ng church. Ito ang nagbigay kahulugan sa kanilang buhay noong Pentecostes (2:42). Binigyang kakayahan nito sa pamamagitan ng Espiritu ang mga mananampalataya upang buong tapang na maipahayag ang Salita ng Diyos (4:31). Markado ng panalangin ang pagkomisyon sa kauna-unahang mga diakono (6:6), ang paglaganap ng gospel sa mga Samaritano (8:15), at maging ang pangitain ni Pedro na ipalaganap ang gospel sa mga Hentil (10:9). Sa katunayan, ang pananalangin ng iglesya ang naging dahilan ng paglaya ni Pedro sa bilangguan (12:5)!

Mga kaibigan, binabago ng panalangin ang mga bagay-bagay! Kaya nga ipinapalagay ni Pablo na mananalangin nang magkakasama ang iglesya, kapwa lalaki at babae (1 Cor. 11, 14). Ang panalangin ang itinalaga ng Diyos na paraan upang maisakatuparan ang kanyang mga supernatural na layunin. Ito ay parehong personal at makapangyarihan. Tulad ng paalala ni Jesus sa kanyang mga alagad, may ilang mga hadlang na hindi maaaring mapagtagumpayan ng anumang bagay bukod sa panalangin (Mateo 9:29).

Mga kaibigan, gaya ng nabanggit ni Jamie Dunlop sa The Compelling Community, “Gustong-gusto ng Diyos na ipagtanggol ang kanyang reputasyon. Kapag sama-sama tayong nananalangin, nagiging lantad ang ating mga pangangailangan. Kapag sumagot siya, nalalantad ang kaluwalhatian niya.” Ang pananalangin ay naghahanda sa mga miyembro ng ating mga churches sa pagkilos ng Diyos.

ANG AMING UNANG PRAYER SERVICE

Noong nakaraang buwan, Linggo ng gabi, ginanap ang kauna-unahang prayer service namin, kung tama ang aking pagkakaalala. At talaga namang maraming awkward moments at ilang kalituhan sa buong service. Hindi ito nangyari nang eksakto sa plano ko, at marami sa mga iyon ang dapat isisi sa akin!

Pero okay lang ‘yun. Sapagkat kami, ang pamilya ng Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ay nanalangin. Ginawa namin ang hindi magagawa ng sinumang tao o ng anumang institusyon sa mundo. At gagawin namin ‘yun ulit. At magbabantay kami, at maghihintay, at aasahan ang mga gagawin ng Diyos.


Salin sa Filipino/Taglish ng 4 Reasons You Should Add a Regular Prayer Service to Your Church Calendar. Mula sa 9Marks. Isinulat ni Brad Wheeler.

Share your thoughts about this post...

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.