Ang Salita na Naging Tao

Sino ba si Jesus?

Sa pagkakaalam mo, sino siya? Ano ba siya? Paano mo siya ipapakilala sa iba? Paano mo ipapaliwanag sa iba ang mga ginawa niya?

Sa bansa natin, halos lahat ng mga tao ay may kanya-kanya nang mga pananaw at mga opinyon tungkol sa persona at mga gawa ni Jesus. May mga pananaw sila tungkol kay Jesus na base lamang sa sariling damdamin at mga karanasan, malayo sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang ilan naman ay may mga opinyon na base lamang sa kakaunting mga narinig sa iba’t ibang mga grupo at mga nabasa sa social media na kadalasa’y taliwas sa doktrinang Kristiyano (heretical). At hindi lang ‘yan, karamihan pa sa mga nagsasabing mananampalataya sila ay kilala nga ang pangalang Jesus, ngunit hindi naman tunay na nalalaman kung sino siya at minsa’y hindi pa sigurado kung para saan ang mga ginawa niya.

Kaakibat ng pagiging Kristiyano ang sariling pagkakilala kay Cristo. Hindi ito magkahiwalay. Hindi pwedeng sabihin ng isang tao na siya ay Kristiyano pero hindi nakikilala si Cristo. Bilang mga Kristiyano, ipinapahayag natin na tayo ay ang mga taong nananampalataya kay Cristo. Kung ito ay tunay, hindi lamang ito title na nakakabit sa ating pangalan, dapat kilala natin ang ating sinasampalatayanan. Mahalaga na meron tayong biblikal at malalim na pananaw at pagkaunawa sa persona at mga gawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Sa theology, ito ay tinatawag na Christology—isang doktrina tungkol kay Cristo.

Ang pagkakilala ng mga Kristiyano kay Cristo o Christology ay higit na naipapahayag sa pamamagitan ng kanilang buhay bilang church. Sa kanilang mga pagtitipon, mga preachings at mga teachings, sa sama-samang pagmimisyon, at sa kanilang pamumuhay, naipapaalam sa marami kung ano ang pagkakaunawa nila sa Salita ng Diyos, kung ano ang pagkakakilala ng church kay Cristo. Maaaring ang ipinapahayag at ipinapakita nila ay tapat sa itinuturo ng Bibliya at sa history ng pagbubulay-bulay ng mga Kristiyano. Posible rin namang kontra ito sa turo ng Salita ng Diyos.

Ang paraang itinalaga ng Diyos para maipahayag sa buong mundo kung sino si Jesus at anu-ano ang mga ginawa niya para sa kasalanan natin ay sa pamamagitan ng pamumuhay ng church. Kung ang Christology ng mga mananampalataya, individually at corporately, ay hindi matibay na nakatayo sa Cristo ng kasaysayan at ng Kasulatan, paano nila maisusulong ang misyon—ang pagpapahayag ng gospel ng kaligtasan sa buong mundo?

Ipinahayag at pinrotektahan ng mga Kristiyano, ng church, ang biblikal na katuruan tungkol sa persona at mga gawa ni Cristo sa pamamagitan ng mga makasaysayang pahayag ng pananampalataya tulad ng Nicene Creed, ng Definition of Chalcedon, ng Heidelberg Catechism, at ng Westminster Confession of Faith. Ang mga pahayag na ito ay hindi dapat isinasantabi, sa halip dapat patuloy na pinanghahawakan at ipinapahayag ng church sa panahon ngayon. Kaya nga, para kay Cristo at para sa pagpapatibay ng pananampalataya ng bawat Kristiyano, pinagsama-sama ng Ligonier ang mga katuruan ng mga pahayag na ito tungkol sa persona at mga gawa ni Cristo at binuo ang isang Pahayag (Statement) upang “mailahad ang makasaysayan, kinikilalang tama (orthodox), at biblikal na Christology ng iglesyang Kristiyano sa isang anyo na madaling bigkasin, magagamit para makatulong sa pagtuturo ng nagpapatuloy at walang humpay na pananampalataya ng iglesya, at makapagsisilbi bilang isang pahayag ng pananampalataya na mapagkakasunduan ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang mga iglesya upang sama-samang maisulong ang misyon” (R. C. Sproul).

Ang Pahayag na ito (The Ligonier Statement on Christology) ay available para mabasa ng lahat at naisalin na ngayon sa Filipino. Heto ang isa sa mga artikulo ng Mga Katuruang Pinaninindigan at Itinatanggi ng Pahayag na ito:

Artikulo 22:

Pinaninindigan namin na si Jesu-Cristo ang nag-iisang tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tinawag na tao. Pinaninindigan namin ang pagiging tagapamagitan ni Jesu-Cristo bilang Propeta, Pari, at Hari sa Kanyang katayuan ng pagpapakaaba (state of humiliation) at gayundin sa Kanyang katayuan ng kaparangalan (state of exaltation). Pinaninindigan namin na Siya ay pinahiran ng Banal na Espiritu upang gampanan ang tungkulin ng tagapamagitan na ibinigay sa Kanya ng Ama.

Itinatanggi namin na ang Diyos ay mayroon o magkakaroon ng iba pang pagkakatawang-tao o na mayroon o magkakaroon pa ng ibang mga tagapamagitan ng kaligtasan maliban sa Panginoong Jesu-Cristo. Itinatanggi namin ang kaligtasang maliban kay Jesu-Cristo lamang.

Basahin ang Filipino translation ng The Ligonier Statement on Christology: Pahayag ng Ligonier sa Doktrina tungkol kay Cristo.


Narito ang iba pang mga Taglish resources na makakatulong para mas makilala si Jesus:

Share your thoughts about this post...

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.