Introduction
Politics is about power. Masama ba yun? Not necessarily. Kung gagamitin naman natin yung “power” or position of authority na meron tayo for the good of others—pulitiko ka man, o tatay/nanay, o manager, o Sunday School teacher, o pastor—that’s good. Pero dahil sa makasalanang kalagayan ng puso natin, we tend to use power to serve our own agenda—para mas maitanyag ang pangalan natin, o para sa iba, para magpayaman, para kontrolin ang maraming tao at maging sunud-sunuran sa gusto niya. Simula pa sa Garden of Eden, problema na ang pride ng tao, na gustong alisin sa trono ang Diyos at iluklok ang sarili in his place. Ah, hindi pala diyan ang simula. Mula pa sa pagrerebelde ni Lucifer (Satanas), na nais higitan ang Diyos. Nung isang araw, sabi nga ni Pangulong Duterte, marami raw siyang isasama sa impiyerno, at papalitan daw niya si Satanas. What kind of nonsense and arrogance from the mouth of the highest official sa bansa natin!
Yung pride naman talaga nasa puso nating lahat. Kahit sa ating mga ordinaryong mamamayan. Parang yung puso ng King of Tyre: “Your heart is proud…you make your heart like the heart of a god” (Ezek. 28:2, 6, 17). At kapag merong mga ganyang hari, o presidente man, prone pa rin tayo na tingnan, tingalain, at pagtiwalaan sila na para bang sa kanila nakasalalay ang security natin. O kaya, sa kabilang banda naman, maaaring kinatatakutan ng ilan, tulad ng mga Judio sa Babylon, na para bang talunan na ang kanilang Diyos at Hari na si Yahweh. Baka nag-hashtag na sila #SwitchToNebu. Ang dali sa atin na ibaling ang paningin natin palayo sa Diyos as our only source of security in this world. Dahil alam ng Diyos na hindi ‘yan makakabuti sa kanyang mga anak, gagawin niya ang lahat ng magagawa niya—and he is Almighty God!—para magkaroon tayo ng tamang pagkakilala sa sarili natin at sa mga taong tinitingala natin, at tamang pagkakilala naman sa Diyos, to turn our eyes away from human kings to God our Savior-King.
Sa pagsubaybay natin sa mga naunang chapters ng Daniel, nakita natin na si King Nebuchadnezzar ay very prominent dito, na gagamitin ng Diyos to demonstrate kung ano ang magagawa niya at ano ang gagawin niya para sa kanyang mga anak. Sa chapter 1, siya yung victorious king na sumakop sa Jerusalem, para bang si Yahweh ang talunan dahil winasak ang kanyang templo. Pero hindi sunud-sunuran si Daniel at ang tatlo niyang friends sa lahat ng gusto niya. Sa chapter 2, nagkaroon siya ng panaginip, merong malaking rebulto, siya yung ulong ginto, pero may mga papalit sa kanya, para makita niya na merong Diyos na nagtatanggal sa mga hari at nagluluklok sa kanila: “he removes kings and sets up kings” (2:21). Tanging ang kaharian lang ng Diyos ang hindi mawawasak at hindi magwawakas (2:44). Nagkaroon siya ng “bahagyang” pagkakilala sa Diyos. Sabi niya kay Daniel, “Truly, your God is God of gods and Lord of kings” (2:47). Pero ang taas-taas pa rin ng tingin niya sa sarili niya. Gumawa siya ng rebultong ginto, ayaw niyang ulo lang ang ginto. Gusto niya siya lang ang hari forever. Inutusan niya ang mga taong sumamba sa rebulto. Sabi nina Shadrach, Meshach, at Abednego, “No way.” Ipinatapon sila sa pugon para sunugin. Iniligtas sila ng Diyos. Nakita yun ng hari. Sabi niya tungkol sa Diyos nila, “…there is no other god who is able to rescue in this way” (3:29).
Theme: God’s Kingdom Lasts Forever (Dan. 4:1-3)
Heto na yung huling kuwento tungkol kay Nebuchadnezzar. Sa susunod na chapter, iba na ang king. At nagsimula itong chapter 4 sa ending ng story. Ibang-iba yung mood niya dito kung ikukumpara sa chapter 3, marahil ay 20 years na ang nakalipas, na kung mag-utos siya sa kaharian niya talagang haring-hari. Dito sa vv. 1-3, ganito ang bungad ng pahayag niya sa kaharian niya: “Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa’y sumagana sa inyo ang kapayapaan! Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos” (vv. 1-2). Sa chapter 3 nag-utos siya na sambahin ang rebultong ginawa niya. Dito naman personal testimony kung paanong nagbago ang pagkakilala niya sa Diyos. “Kataas-taasang Diyos” ang tawag niya. At hindi ito tumutukoy sa experience nina Shadrach, Meshach at Abednego ng iligtas sila ng Diyos sa apoy. Ito ay personal experience ng hari, “ginawa para sa akin,” what “God has done for me.” Napakalaking pagbabago! Try to imagine kung ang presidente natin na nagsasalita ng masasama laban sa Diyos, isang araw ay maglalabas ng presidential proclamation na ang laman ay puro papuri tungkol sa Diyos! Sounds impossible? Look what happened to Nebuchadnezzar!
Hindi lang ito personal testimony, ito rin ay isang song na heto yung chorus: “How great are his signs, how mighty his wonders! His kingdom is an everlasting kingdom, and his dominion endures from generation to generation” (Dan. 4:3). Ang laman ng song na ito ay nagpapakita ng pagbabago sa pagkilala niya sa sarili niya at sa Diyos. Ang lahat ng kaharian sa mundo, including Nebuchadnezzar’s kingdom, gaano man ito kalawak at ka-makapangyarihan ay limitado pa rin. Limitado ang sakop, limitado ang panahon, limitado ang kontrol sa takbo ng kasaysayan. Pero ang Diyos? He is “the Most High God.” Lahat ng ginagawa niya ay dakila at kamangha-mangha—hindi lang nakikita at kinikilala ng iba. Ang kanyang kaharian—walang katapusan. Ang kanyang kapangyarihan—walang hangganan. Ang panunungkulan ng isang presidente—kahit pa yung mga naging diktador sa kasaysayan—ay panandalian lang, may katapusan, may hangganan, may limitasyon.
Itong “chorus” na ‘to na inawit ni Nebuchadnezzar ay siyang paulit-ulit na refrain dito sa chapter na ‘to—and actually, sa buong book of Daniel:
- Sabi ng watcher sa panaginip ng hari: “to the end that the living may know that the Most High rules the kingdom of men and gives it to whom he will and sets over it the lowliest of men” (v. 17).
- Sabi ni Daniel sa hari tungkol sa interpretation ng panaginip niya: “…till you know that the Most High rules the kingdom of men and gives it to whom he will…from the time that you know that Heaven rules” (vv. 25-26).
- Sabi ng angel sa kanya, nung natupad na yung panaginip niya: “…until you know that the Most High rules the kingdom of men and gives it to whom he will” (v. 32).
Yan ang purpose ng Diyos for Nebuchadnezzar, for God’s people na nasa Babylon, and for God’s people sa panahon natin ngayon, yung awitin din natin nang paulit-ulit itong chorus na inawit ng hari hindi lang sa v. 3, kundi pati sa dulo, v. 34, “…his dominion is an everlasting dominion, and his kingdom endures from generation to generation.” Paulit-ulit hindi lang sa chapter na ‘to, kundi maging sa buong book of Daniel, and actually sa buong Bibliya, kasi palagi tayong nakakalimot. Ang dali sa atin ang tumingin sa mga pulitiko o sa ibang taong mayaman o may kapangyarihan o sa mga tinitingala natin sa church at lalo na sa sarili nating mga accomplishments at achievements. We are naturally and sinfully prideful, at meron tayong misplaced trust sa tao sa halip na sa Diyos.
Ano ang ginagawa ng Diyos para maibaling ang paningin natin patungo sa kanya? At magtataka tayo kung ano nga ba ang ginawa ng Diyos kay Nebuchadnezzar na ubod sa pagiging arogante para siya’y magpakumbaba at kilalanin ang paghahari ng Diyos? Totoo nga kayang “the king’s heart is a stream of water in the hand of the Lord; he turns it wherever he will” (Prov. 21:1)? Paanong ang pusong mapagmataas ay magiging mapagpakumbaba?
The King’s Second Dream (Dan. 4:4-18)
Sa kaso ni Nebuchadnezzar, gumamit siya ng isang panaginip. Ikalawang panaginip na ‘to. Yung una ay sa Daniel 2 kung saan ginamit ni Lord yun para mai-promote si Daniel dahil sa kakayahan niyang magpaliwanag ng panaginip ng hari. Yung unang panaginip ay tungkol sa isang malaking rebulto na ang ulo ay gold, tapos ang dibdib ay silver, tapos ang hita ay bronze, at ang paa ay clay, na tumutukoy paglipas ng panahon na mababago ang mga naghahari sa mundo, na eventually ay paghaharian siyempre ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Kung yung dream na yun ay “sweeping” in terms of historical significance, ito namang second dream ay mas personal kay Nebuchadnezzar. Heto ang personal testimony niya sa nangyari:
4 “Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. 5 Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. (MBB)
Simula pa lang, binubuwag na ng Diyos yung kanyang false sense of security. Saka nandun yung pagkabagabag kapag meron kang mga bagay na hindi alam. It humbles the proud in heart. Patuloy pa niya:
6 Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. 7 Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag.
Hindi tulad ng unang panaginip niya, na hindi niya sinabi kung ano yun, dito sinabi na niya. Maybe dahil sobrang troubled na siya. Lalo pa’t hindi ito maipaliwanag ng mga tauhan niya. Merong sense of urgency. Pero alam naman niyang si Daniel ang pinakamahusay in terms of interpreting his dream. Subok na niya yan nung una.
8 Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: 9 Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo’y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin. (MBB)
Bilib na bilib naman siya kay Daniel. Pero hindi pa siya bilib na bilib sa Diyos ni Daniel. Tingin pa rin niya sa Diyos ni Daniel ay isa lamang sa kanyang maraming mga diyos. Pinangalanan nga niya si Daniel na “ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos” (v. 8; also v. 9). Pero iri-reveal ng Diyos ang sarili niya sa mga hindi pa lubos na kumikilala sa kanya, at sa ibang “diyos” pa rin tumitingin.
So, ikinuwento ng hari kay Daniel ang panaginip niya (vv. 10-17). Merong isang napakalaking puno, napakataas. Lalo pang lumago at naging napakataas, kaya’t kitang-kita na ng lahat ng nasa mundo. May magandang dahon. Maraming mga bunga na pwedeng kainin ng lahat. Ang mga hayop ay sumisilong sa punong ito, at dinadapuan ng maraming mga ibon. Tapos may nakita siyang “watcher” o “bantay,” “a holy one” (v. 13), o isang anghel mula sa langit. Malakas niyang sinabi: “Ibuwal ang punong ‘yan. Putulin ang mga sanga. Lagasin ang mga dahon. Isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop at mga ibon. Pero “huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. Ang isip niya’y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon” (vv. 15-16 MBB). Sinabi rin ni Nebuchadnezzar na ang hatol na ito ay panukala at desisyon na ayon sa “salita ng mga banal” (v. 17 Ang Biblia). Para raw saan? “To the end that the living may know that the Most High rules the kingdom of men and gives it to whom he will and sets over it the lowliest of men.”
Merong dahilan kung bakit natakot ang hari sa panaginip na ‘to. Siguro nararamdaman na niya na merong mangyayari na hindi maganda. Ngayong election season rin naman, nakakakaba. Maaaring yung magiging resulta nito ay hindi makakabuti sa bansa natin. Things might get worse. Of course, we hope for the best. Kapag nagbabasa tayo ng Bible, we look for words na magbibigay ng comfort and encouragement sa atin. Kaya medyo iniiwasan natin yung “prophetic literature,” lalo na yung “apocalyptic” tulad ng second half ng Daniel at ng Revelation. Kasi nakakatakot yung images. Tapos mababasa mo pa, “But understand this, that in the last days there will come times of difficulty” (2 Tim 3:1). Lahat tayo daraan diyan. Paraan ‘yan ng Diyos para tapyasin yung mga natitira pang yabang sa puso natin, at maturuan tayong tumingin sa kanya lamang, wala nang iba.
Daniel’s Interpretation (Dan. 4:19-27)
At gagamit ang Diyos ng instrumento para mas maintindihan natin kung ano ang gusto niyang ipaintindi sa atin. Sa kaso ni Nebuchadnezzar, si Daniel ang instrumento ng Diyos. Kaya sinabi ng hari sa kanya na ipaliwanag ang panaginip niya, kasi nga wala ni isa man sa “all the wise men of my kingdom” ang makagawa nun. Si Daniel lang, “you are able, for the spirit of the holy gods is in you” (v. 18). Pero nung marinig ni Daniel yung panaginip ng hari, nabahala siya, natahimik at di agad nakapagsalita. In-assure naman siya ng hari na wala siyang dapat ipag-alala, basta sabihin lang niya ang meaning ng panaginip niya (v. 19).
So sabi niya sa hari, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip” (v. 19). Yun naman ang ikinabahala niya, kasi yung panaginip ng hari ay yung masamang mangyayari sa kanya. Sinabi niya na ang malaking puno ay ang hari mismo: “It is you, O king, who have grown and become strong. Your greatness has grown and reaches to heaven, and your dominion to the ends of the earth” (v. 22). At yung “watcher” na nakita niya ay isang messenger na galing sa Diyos na nagsabing puputulin ang puno ay ganito ang interpretation:
Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. 25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. 26 Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. (vv. 24-26 MBB)
Sobrang ibababa siya ng Diyos, for what purpose, o hanggang kelan? “…till you know that the Most High rules the kingdom of men and gives it to whom he will” (v. 25). Heto na naman yung refrain na paulit-ulit sa chapter na ‘to. Pero ibabalik ng Diyos yung kingdom sa kanya, kelan o sa anong kundisyon? “…from the time that you know that Heaven rules.” Hindi sa lahat ng pagkakataon na ibinabagsak tayo ng Diyos ay dahil sa kayabangan natin, tulad halimbawa ng naranasan ni Job. Pero kapag ibinagsak ng Diyos ang isang tao dahil sa kanyang pagiging proud in heart, yun ay isang panawagan ng Diyos na magsisi, to repent of your pride and to ask for his forgiveness. Kaya yun ang sinabi ni Daniel kay Nebuchadnezzar: “Kaya, mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay” (v. 26 MBB).
Bold and courageous and very personal ang sermon ni Daniel sa hari. Sinabihan siya na masama, at nanawagan na magsisi sa kanyang mga kasalanan. Yung iba sasabihin kapag Christian ka, lalo na kung pastor, wag nang makialam sa politics, just preach the Word of God daw. But if God has called us to speak sa area ng politics and mga social issues, let us do so and apply the principles of Word of God sa mga ganung issue. Hindi natin pwedeng paghiwalayin ang religion at politics dahil meron tayong calling to be give light sa madilim na mundo ng pulitika. At kung magsalita naman tayo, sasabihin ng iba na wag kang manghuhusga. Pero dapat nating i-clarify ‘yan. Baka kasi sa sobrang pagtingin at pagtingala natin sa isang kandidato, nagiging bulag na tayo sa mga kasalanan nila at nadadala na tayong maniwala sa mga matatamis nilang salita o mga balita na ikinakalat para mapaniwala tayo. Tulad ni Daniel, kung masama, tawagin nating masama. Wag nating gagawing mabuti ang masama. Sa halip, i-expose natin ang kasamaan at manawagan tayo na magsisi ang mga tao, magpakumbaba, at sa Diyos lamang tumingin—hindi sa sarili nila o sa ibang tao.
The King’s Humiliation (Dan. 4:28-33)
Dahil ang puso ng tao—ang puso natin—ay sadyang mayabang, hindi madali sa atin ang tumugon sa ganyang panawagan sa pagsisisi. Kasi nga repentance is about humbling ourselves. Aaminin mo na mali ka. Sasang-ayon ka sa hatol ng Diyos sa ‘yo. Kapag pinagsabihan ka lang, madali sa atin na balewalain ang mga salitang yun. Lalo na siguro kung lumipas ang matagal na panahon at makalimutan na natin kung ano ang sinasabi sa atin ng Diyos. Tulad ni Nebuchadnezzar, pagkalipas ng isang taon, nandun siya naglalakad sa bubungan ng kanyang palasyo sa Babylon, nakakapit pa rin ang kayabangan sa puso niya (vv. 28-29). Sabi niya, “Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan” (v. 30 Ang Biblia)? “Aking itinayo…aking kapangyarihan…aking kadakilaan.” Pride is self-focused. Me. Me. Me. Look at me.
Sa tigas ng puso natin, hindi sapat ang mga salita para gawin tayong mapagpakumbaba. Bibigyan tayo ng Diyos ng mga karanasan—humbling experiences—to call us to repentance, at para marecognize natin na sa Diyos lang talaga tayo dapat tumingin para mamahala sa buhay natin at sa buong kasaysayan. Kaya ayun, nagkatotoo nga ang panaginip ng hari. Hindi pa siya tapos magsalita, may isang boses na galing sa langit ang nagsabi:
Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. 32 Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin. (vv. 31-32 MBB)
Hayan na naman yung refrain, paulit-ulit, “until you know that the Most High rules the kingdom of men and gives it to whom he will.” Napanaginipan niya na ‘yan. Sinabi na ‘yan sa kanya ni Daniel. Ngayon meron nang malakas na boses sa langit na nagsabi sa kanya. Hindi kasi tayo nakikinig. Kailangang ulit-ulitin. Kailangang lakasan. God is so patient with us prideful sinners. He keeps sending his Word until our hearts are humbled. And his Word is sure, kung ano ang sinabi niya, yun ang mangyayari. Tulad ng nangyari sa hari. “Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon” (v. 33). Mula sa posisyon na napakataas ang kapangyarihan, kayamanan, at karangyaan, ngayon ay napakababa naman, sobrang hirap, nasiraan na ng ulo, para na siyang hayop, mas masahol pa sa isang pulubi ang kalagayan niya.
Dati siyang tinitingnan ng mga tao, tinitingala pati ng mga Judio. Pero sa kalagayan niyang ito na kaawa-awa, ni hindi ka makakatingin sa kanya. Bakit ito ginawa ng Diyos sa kanya? Hindi lamang para turuan siyang magpakumbaba, kundi lalo na para turuan ang kanyang bayan na huwag titingalain (o katatakutan man) ang sinumang tao at sa kanya lamang tumingin bilang Hari—the sovereign King of all the earth.
The King’s Restoration (Dan. 4:34-37)
Dahil maging si Nebuchadnezzar, sa kanyang kababaan, ay natutong “tumingala sa langit” (v. 34). Naranasan niya na nangyari nga ang itinakda ng Diyos, ayon sa panahon niya, at ayon sa kung ano ang sinabi niya. Nanumbalik ang pag-iisip niya. Ito yung “stump” o “tuod” sa panaginip niya. Bagamat nabuwal ang malaking puno, hindi pa tuluyang nawasak, may buhay pa. Nasarian na ng ulo itong si Nebuchadnezzar, pero ibinalik ng Diyos ang katinuan niya. Kapahamakan ang mararanasan ng sinumang nananatiling mapagmataas (tulad ng hari na makikita natin sa Daniel chapter 5), pero mapapabuti ang sasapitin ng sinumang nagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, at kinikilalang siya lang ang Kataas-taasang Diyos, wala nang iba.
So, nagtapos ang testimony ng hari, a good ending for him, sa kung saan din nagsimula ang passage natin. Sa pamamagitan ng isang awit ng pagsamba: “Dahil dito, pinuri ko’t pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.
Ang kapangyarihan niya’y walang hanggan, ang paghahari niya’y magpakailanman. 35 Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga; ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya. Walang maaaring mag-utos sa kanya ni makakatutol sa kanyang ginagawa.” (vv. 34-35 MBB)
Dahil walang limitasyon at walang makapipigil sa paghahari ng Diyos, “he does according to his will” (v. 35). Niloob ng Diyos na ibagsak ang hari, nagawa niya. Niloob din niya, by his grace, na ipanumbalik ang karangalan niya, nagawa rin niya. Sabi ng hari, “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako’y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati” (v. 36 MBB). Masama bang magkaroon ng power, greatness and glory? Not necessarily. Kasama nga ito sa paglikha sa atin ng Diyos in his image. Masama ba ang pulitika—yung hangarin na magkaroon ng power, greatness and glory? Not necessarily. Kung gagamitin mo naman ito para sa karangalan ng Diyos, at hahayaan na ang Diyos ang maitanyag sa lahat. Ang masama ay angkinin mo ito para sa sarili mo, gawin para sa pansariling agenda and not to serve other, and rob God of the glory na nararapat para sa kanya. Gusto mong maging pulitiko? Go and do it for the glory of God. Gusto mong suportahan ang mga kandidato mo. Go, iboto mo sila, but do it in a way na nakapagbibigay karangalan sa Diyos. Hindi yung sa kanila ka titingala. Kundi tulad ni Nebuchadnezzar, “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo” (v. 37 MBB).
Conclusion
Mula simula hanggang sa dulo ng chapter 4, nakita natin na gagawin at gagawin ng Diyos ang lahat para patunayang siya lang ang Diyos at Hari na dapat tingnan, tingalain at pagtiwalaan nating lahat.
Merong isang detalye sa panaginip ng hari na hindi ipinaliwanag ni Daniel ang interpretation. Look at verse 17, “upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao” (Ang Biblia). Pay attention to that line, “the lowliest of men” ang pinipili pa ng Diyos na mamuno sa mga kaharian sa mundo. Nang itaas ng mga tao ang sarili nila sa paggawa ng Tower of Babel, ibinagsak sila ng Diyos. At pinili niya, out of nowhere, ang isang “nobody” na si Abraham at nangako sa kanya, “I will make your name great” (Gen. 12:2). At ang pinili ng Diyos na pumalit sa unang hari ng Israel na si Saul ay isa ring “nobody”—kumbaga sa botohan, hindi natin iboboto—si David. Pero siya ang itinaas ng Diyos. At mula sa kanyang lahi nanggaling ang pinakamababa sa lahat na naging pinakatanyag sa lahat.
Si Nebuchadnezzar, dahil sa kanyang kayabangan, ay kailangang ibagsak nang todo ng Diyos. Pero si Jesus, bagamat kapantay ng Diyos, ay kusa niyang ibinaba ang kanyang sarili. Ang Diyos mismo, “the King of heaven” (v. 37, dito lang binanggit sa OT ayon kay Sidney Greidanus), “the Most High God,” siya yung dumating nung dumating si Cristo na paulit-ulit sinasabi sa Matthew na siya ang katuparan ng “kingdom of heaven.” Bagamat napakataas niya, siya ay nagpakababa, naging tao, namuhay na parang isang alipin, tinawag pa siya na parang isang baliw, pinatay sa krus na parang isang hayop na kinatay. Ngunit muli siyang nabuhay, umakyat sa langit, naupo sa kanan ng Diyos, at “siya’y lubusang itinaas ng Diyos, at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan” (Phil. 2:9). Sabi niya niya, “All authority in heaven and on earth has been given to me” (Matt. 28:19).
Pag-akyat niya sa langit, tiningala siya ng mga disciples niya, at patuloy natin siyang tinitingala hanggang ngayon. Sa gulo ng pulitika sa bansa natin, very tempting sa atin na tumingin sa kung kani-kaninong kandidato. Yung iba nasasabik sa outcome ng elections. But, wag kang titingin sa tao, wag mo silang titingalain o paglalagakan ng tiwala mo. You will be disappointed kapag sila mismo ay ibinagsak ng Diyos. Sa pagbagsak nila, baka gumuho na rin ang pag-asa mo. Yung iba naman sa atin, tulad ko, nandun yung takot at pangamba sa kalalabasan ng eleksiyon. Yun ay dahil nakakaligtaan natin na ipako ang paningin natin kay Cristo. He “upholds (or sustains) the universe by the word of his power” (Heb. 1:3). Siya rin ang may hawak ng ating bansa, ang may hawak ng ating iglesya, ang may hawak ng buhay ng bawat isa sa atin. Sinuman ang maluklok sa palasyo sa Malacanang, mananatili si Cristo sa kanyang trono magpakailanman.