Malapit na ring mag-two years itong pandemic. Naghihintay tayo at nananalangin siyempre na matapos na ‘to. Sa paghihintay na yun, maraming araw sa buhay natin ang lumilipas na parang ordinaryo lang, mundane, at minsan ay boring. Nababago lang yun kung merong nangyaring “significant.” Like yung merong ipinanganak. O merong nag-graduate. O na-promote sa trabaho. We celebrate those moments. Pero meron ding mga “significant” moments sa buhay natin na malungkot. Tulad nang ma-ospital ka o yung ka-pamilya o ka-church natin. Lalo pa kung nagka-Covid, at na-ICU pa.
At siyempre mas mabigat yung may namatay. Tulad ni Ate Malou, Nanay Iska, Tatay Jun, Kuya Danilo. Sa Covid man o hindi, every death is tragic. Umiiyak tayo. Nagtatanong yung iba, “Bakit? Bakit hindi sinagot ni Lord ang mga prayers natin? Akala ko ba ‘all things work together for good,’ paano naman magiging ‘good’ yun!? ‘To live is Christ, to die is gain’—paano namang kapakinabangan ang kamatayan, nawalan nga kami ng mahal sa buhay!?”
Hindi ganun kadali na sagutin ang mga ganyang tanong. Pero bilang mga mananampalataya, we trust and keep trusting na anuman ang mangyari sa buhay natin—mula dun sa pinaka-boring hanggang dun sa pinakamasaklap— lahat yun ay gagamitin ng Diyos para ikatuparan ang magandang plano niya sa buhay natin, hindi man natin yun lubos na makita. Dun pumapasok madalas yung mga pagdududa at pag-aalinlangan natin sa katapatan ng Diyos—kapag hindi natin makita yung magandang plano niya, kapag nakakalimutan natin, o kapag hindi natin lubos na maintindihan.
Very significant yung nangyari kay Abraham sa huling pinag-aralan natin sa Genesis 22:1-19. Faith-bolstering kumbaga. Muntik nang mamatay si Isaac. Pero hindi natuloy. Tapos, after some time, may nagbalita kay Abraham na dumami na yung anak ng kapatid niyang si Nahor (vv. 20-24). Maraming binanggit na pangalan dito, pero ang pinaka-significant lang sa Genesis story ay si Bethuel na anak ni Nahor na naging tatay ni Rebekah na siyang mapapangasawa ni Isaac, na makikita natin sa story next week sa Genesis 24.
May ipinapanganak, meron ding namamatay. Normal na nangyayari ‘yan sa araw-araw. Not surprising. But it is still painful kapag malapit sa atin ang namatay. Tulad sa Genesis 23, si Sarah na asawa ni Abraham ang namatay. At natatakot tayo kapag nararamdaman nating baka malapit na tayong mamatay. Sa Genesis 25, si Abraham na ang mamamatay. So itong huling tatlong stories na ‘tin ay sort of transitional sa pagpapatuloy naman ng katuparan ng pangako ng Diyos sa susunod na henerasyon—kay Isaac.
Hindi na ito kasing “dramatic” in terms of emotional impact ng story, hindi tulad ng Genesis 22. But it doesn’t mean na lesser ang significance nito. Tayo pa naman, siyempre kapag nababalitaan mo yung libu-libong namatay sa Covid, para stats lang siya. Pero kapag meron man lang “isa” na namatay sa kasama mo sa bahay o sa church, hindi na yun “stats” lang. So paano naman nagiging significant sa atin itong kamatayan ni Sarah, hindi naman natin siya kaanu-ano, saka matagal na namang nangyari ‘yan. Pwede bang mag-move on na lang tayo, ibang topic na lang, ibang text na lang, ibang story na lang?
Yun ang problema natin sa pagbabasa ng Bibliya. Hindi natin nakikita ang significance sa buhay natin kung hindi natin titingnang mabuti. Look first sa structure ng Genesis 23. Sa first two verses, tungkol sa kamatayan ni Sarah. Sa last two verses (vv. 19-20), tungkol sa paglilibing sa kanya. Pero ang bulk ng story (vv. 3-18) ay tungkol sa pakikipag-transaksyon ni Abraham sa pagbili ng lupa na paglilibingan sa labi ng kanyang asawa. So, hindi talaga ‘to tungkol sa kamatayan ni Sarah, although siyempre sobrang significant nun kay Abraham. Tungkol ito sa lupa! Okay, so ano naman significant dun? Ano naman ang theological purpose ng story na ‘to, ni hindi nga binanggit ang Diyos sa story (except siguro yung “prince of God” na designation kay Abraham sa v. 6, pero sa ibang salin naman ay “mighty prince”). Wala siyang sinabi, wala siyang ginawa—at least on the surface of the story. Parang ordinaryo lang, nagbilihan lang ng lupa, yun lang. Parang wala namang theological point or purpose yung story na ‘to. Para lang.
So, samahan n’yo ako ngayon na bigyang-pansin kung ano ang nangyayari sa eksenang ito in light of God’s promises kay Abraham, at sa koneksyon nito sa kabuuan ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa atin (redemptive history) na ang culmination ay ang pagdating ni Cristo.
Death of Sarah (Gen 23:1-2)
Bungad ng eksenang ito ay ang summary ng buhay ni Sarah—“Nabuhay si Sara ng 127 taon” (v. 1). Mahaba-haba rin ‘yan! Sino sa inyo ang gustong tumagal nang ganyan? At least meron kang 100,000 pesos from the government. Totoo namang ang mahabang buhay ay regalo ng Panginoon sa atin. Pero ngayon, 70 o 80 years bihira na rin ang umaabot, at sa hirap ng buhay parang ayaw na nating mas mahaba pa ang buhay natin (Psa. 90:10). Sandali lang naman talaga ang buhay, biglang mawawala rin na parang usok, susulpot, mawawala (Jas 4:14). Maraming taon ang pinagsamahan ng mag-asawang Abraham at Sarah. Maraming sakit, luha, hirap at mahabang paghihintay sa pangako ng Diyos bago sila magkaanak. Ilan sa mga paghihirap nila ay consequences na rin ng sarili niyang kasalanan (kay Hagar at Ishmael). Yung iba ay dahil sa kasalanan ni Abraham (sa Egypt at sa Gerar). Hindi natin alam yung iba pang nangyari sa higit 20 taong pagitan ng Gen. 22 at 23, pero siyempre malamang na hindi naman din maayos ang lahat. Life is full of trouble.
Lahat tayo ay mamamatay. Sabi nga nila, una-una lang ‘yan. “Namatay siya [si Sarah] sa Lunsod ng Arba (o Kiriath Arba), na tinatawag ding Hebron sa lupain ng Canaan” (v. 2). Ganun lang ang pagkareport. Walang sinabi kung nagkasakit o anupamang circumstances leading to her death. Basta, namatay siya.
Lahat rin tayo ay mamamatayan ng mahal sa buhay. Thirty seven years old na si Isaac nang mamatay ang nanay niya. Si Abraham naman ay 137. At anong naramdaman niya? Siyempre nalungkot. “Ito’y labis na ikinalungkot ni Abraham” (v. 2). Sa ASD, “Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay ni Sara.” Sabi ng mga commentators, ito raw ay hindi lang expression ng pagkalungkot, kundi standard mourning rites (NET). May period of mourning. Ok lang malungkot, ok lang umiyak, lalo na kapag namatayan ka. Wag mong sabihin, “wag ka nang malungkot, wag ka nang umiyak.” Let them grieve. Death is sad and sorrowful. We grieve, but we don’t grieve like the rest of the world na without hope (1 Thess. 4:13).
Sabi sa Question 1 ng New City Catechism, “What is our only hope in life and death?” Hawig ‘yan sa first question din ng Heidelberg Catechism, “What is your only comfort in life and death?” Sagot, shortened version ng longer answer ng Heidelberg Catechism, “That we are not our own but belong, body and soul, both in life and death, to God and to our faithful Savior Jesus Christ.” Sa Tagalog, “Ano ang ating tanging pag-asa sa buhay at sa kamatayan?” Sagot, “Na hindi na natin pagmamay-ari ang ating buhay, katawan at kaluluwa, sa buhay man o kamatayan, kundi ito ay sa Diyos na at sa ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.”
Pagmamay-ari tayo ng Diyos. Ang pinakamahalagang pag-aari o possession din natin ay ang Diyos—Ama, Anak at Espiritu. Ang pag-asa at kaaliwan natin sa buhay—anuman ang mangyari sa atin—ay nakasalalay kung kanino ka at kung ano o sino ang meron ka. Si Abraham ba ano ang meron siya? Tingnan n’yo ulit yung verse 2, nasaan sila nung namatay si Sarah? “Sa lupain ng Canaan.” Sa kanila ba yun? Hindi. Dayuhan sila dun, wala silang karapatang magmay-ari ng lupa. Water rights lang sa well ang meron si Abraham (remember Genesis 21?).
Pero hindi ba’t pinangako ng Diyos na mapapasakanya ang buong lupain ng Canaan? Napakalaki nun, right? Malaki naman ang pangako talaga ng Diyos sa kanya—great nation, great blessing, great name sa Genesis 12:2-3. Kasama dun yung great land—yung Canaan (12:7). Pero hindi sa lifetime ni Abraham mangyayari yun, “To your offspring I will give this land” (12:7). So ayun, more than 60 years na sila sa Canaan. Wala pang sariling lupain. Nakikitira pa lang. Sa atin ngayon, kapag ganun, makakarinig ka sa ibang tao o sa asawa mo, “Hanggang kelan tayo mangungupahan? Bakit wala ka pa ring sariling lupa’t bahay?” Bakit? May ipingangako ba sa ‘yo ang Diyos na magkakaroon ka ng sariling lupa? Kahit mag-“name-it-claim-it” ka pa dyan, kapag hindi naman ipinangako sa ‘yo ng Diyos, wag mong angkinin.
Ang kaibahan kay Abraham, merong ipinangakong lupa ang Diyos sa kanila. Pero wala pa rin nung namatay si Sarah. Anong meron sila? Ang Diyos nasa kanila. Pangako ng Diyos ang pinanghahawakan nila. Nasa kanila rin ang pananampalataya na tutuparin ng Diyos ang mga pangako niya. Ang kamatayan pala ni Sarah ang gagamitin ng Diyos para masimulan ang katuparan ang pangako niyang lupa para sa lahi ni Abraham.
Negotiating for a Burial Tomb (Gen 23:3-9)
Nagluluksa si Abraham siyempre, pero ang problema walang mapaglilibingan sa labi ng kanyang asawa. Hindi naman siya nakakuha ng St. Peter Plan, hindi pa naman siya nakapag-invest ng lupa sa Mt. Zion Memorial. So kailangan niyang iwan muna ang labi ni Sarah para makipag-usap sa mga tao roon—sa mga Hittites (v. 3). Sabi niya: “Ako’y isang dayuhan at nakikitira lamang sa inyong lupain. Kung maaari, pagbilhan ninyo ako ng lupang mapaglilibingan sa aking asawa” (v. 4). Alam kasi niya na bilang dayuhan ay wala siyang karapatan to own real property sa lugar na yun. So yung sinabi niyang, “give me property,” request yun hindi para bigyan siya ng lupa (sobrang request naman yun di ba, “pahingi nga po ng lupa”), kundi para pagbigyan siya na makabili ng lupa. This is an act of faith, faith in God’s promise. Wala siyang karapatan, pero ang may-ari ng lahat ng lupa sa buong mundo (Psa. 24:1) ay nasa panig niya, right?
So, will God grant him favor sa business transaction na ‘to? Ano ang response sa kanya ng mga Hittites? “Kinikilala ka naming isang dakilang pinuno; pumili ka na ng lugar na gusto mo para paglibingan sa iyong asawa. Ikalulugod namin na ibigay sa inyo ang bahagi ng inyong mapipili” (vv. 5-6). Mukhang favorable naman kasi highly respected siya sa community. “Prince of God” (ESV) o “mighty prince” (NET) ang tawag sa kanya. Yun nga lang, wala siyang sariling lupa—landless prince! So bilang favor sa kanya, sige pumili na siya ng best tomb na gusto niya, “ibibigay” daw, o “hindi ipagkakait” (ASD). Okay naman, di ba? What’s the problem though? Hindi naman ownership ‘yan. Pahiram lang, pagamit lang, pero hindi nakapangalan sa kanya. Bangkay na nga si Sarah, makikitira pa rin.
Tumanggi si Abraham. Not because feeling entitled siya. Actually, sobrang humble niya throughout this negotiation—yumuko nga siya sa harapan nila (v. 7). Bitbit niya kasi yung mga promises ni God, kaya malakas ang loob niya. Ang request niya ay magkaroon siya ng sariling property. Kaya sinabi niya sa kanila, “Kung talagang hindi kayo tutol na dito ko ilibing ang aking asawa, tulungan ninyo akong makiusap kay Efron na anak ni Zohar. Nais kong saksihan ninyo ang pagbili ko sa yungib na nasa tabi ng kanyang lupain sa Macpela, upang ito’y gawing libingan. Babayaran ko siya sa hustong halaga” (vv. 8-9). Hindi yung pahiram lang, o magrerenta lang—“as property” (v. 9), bibilhin talaga for a full price, legal transaction, ililipat yung titulo sa kanya,
Purchasing a Field as Property (Gen 23:10-16)
Tingnan natin ngayon kung ano ang mangyayari. Ito palang si Efron ay nandun din. Sinabi rin sa atin sa v. 10 na “sa may pintuan ng lunsod” sila nagtitipon, ibig sabihin legal transaction ‘to. Heto ang bungad ng sabi niya kay Abraham, hindi nga lang makikita sa Tagalog translations, “No, my lord, hear me…” Parang yung mga Hittites din sa v. 6, “Hear us, my lord…” Hindi lang ito sign of respect, pero parang formality rin para maging official at legal yung mga usapin nila. Sabi pa ni Efron, “Hindi lamang ang yungib, kundi pati ang lupang kinalalagyan nito ay ibinibigay ko na rin sa inyo upang paglibingan sa inyong asawa. Saksi ko ang lahat ng naririto.” Parang contract na ‘yan, may mga witnesses. Hindi ibig sabihing ibinibigay na niya na walang bayad, kundi iniaalok hindi lang yung cave na nasa dulo ng lupain niya, kundi pati yung buong field na yun.
Walang sinabi kung gaano kalaki. Pero payag na si Abraham, presyo na lang ang kulang. Muli siyang yumuko as a sign of respect bilang isang dayuhan (v. 12). Sabi niya kay Efron, na naririnig ng mga saksi, “Kung maaari’y pakinggan mo ako. Bibilhin ko ang buong lupain. Tanggapin mo ang tamang kabayaran upang mailibing ko roon ang aking asawa.” Ang sarap ng ganitong mga business transactions. Smooth. Walang mainitin ang ulo. Walang nagrereklamo. Walang nang-iiscam.
Magkano kaya ang presyo ni Efron? Heto ang sabi niya, “Apatnaraang pirasong pilak po ang halaga ng lupa. Huwag na nating pag-usapan (literally, ano ba naman yun sa ating dalawa); basta’t paglibingan na ninyo” (vv. 14-15). Sounds like a friendly deal. Pero maraming commentators ang nagsasabi na kung ikukumpara yung presyo na ‘to sa ibang bilihan ng lupa sa Old Testament, overpriced daw ‘to. So dehado si Abraham dito, pabor naman kay Efron. Nananamantala, kumbaga. Kasi mukhang desperadong makabili ng lupa si Abraham. Saka nabalitaan sigurong marami siyang pera! Pag mayaman ang bibili, di ba’t minamahalan ang presyo karaniwan?
Hindi na nakipagtalo si Abraham. Hindi na rin siya tumawad. Mukhang may mas mahalaga sa kanya kesa sa halaga ng lupa. Kaya, “Nagkasundo sila. Sa harapan ng mga tao’y tumimbang si Abraham ng halagang apatnaraang pirasong pilak, ayon sa halaga ng salaping umiiral noon sa pamilihan” (v. 16). Done deal. Transaction completed.
Burial of Sarah (Gen 23:17-20)
Problem solved. Meron nang lugar para paglibingan sa labi ng asawa ni Abraham. Nagsimula ang kuwento natin ngayon sa pagkamatay ni Sarah. Magtatapos sa paglilibing sa kanya (v. 19). Pero tulad ng sabi ko kanina, this is not about Sarah’s death and burial. Yun ang occasion ng story, but the main point of the story is about the land na binili ni Abraham. Tingnan n’yo yung vv. 17-18: “Kaya’t ang lupang iyon ni Efron sa Macpela sa silangan ng Mamre, pati na ang yungib at mga punongkahoy sa paligid nito ay naging pag-aari ni Abraham. Sinaksihan ito ng mga Heteong dumalo sa pagpupulong na iyon sa may pintuan ng lunsod.” Legally transferred na kay Abraham yung lupa na yun. Sa kanya na! “As a possession,” pag-aari na ni Abraham. Sa v. 20 ganun din, “The field and the cave that is in it were made over to Abraham as property for a burying place by the Hittites.” Property. Nagsimula ang kuwento na walang property si Abraham. Nagtapos na meron na.
How is that significant sa promise ng Diyos sa kanya? Hindi ba’t nangako ang Diyos na siya’y magiging isang malaking bansa? Nagsimula sa isang anak na humanly impossible na mangyari, pero nangyari dahil sa gawa ng Diyos. Nangako ang Diyos sa kanya na ang lupain ng Canaan ang magiging pag-aari ng lahi ni Abraham. Meron na siyang kapirasong lupa na pag-aari niya, kahit na wala siyang karapatan bilang isang dayuhan na magmay-ari. Dahil ba sa negotiation skills niya? O sa yaman na meron siya? No, dahil sa pabor na galing sa Diyos. At yung negotiation na ginawa niya, yung pera na pinambili niya, lahat naman yun galing din sa Diyos!
Kaya yung report ng paglilibing kay Sarah ay ganito ang nakasulat, “At inilibing nga ni Abraham si Sara sa yungib na iyon sa Macpela, silangan ng Mamre (tinatawag na Hebron), sa lupain ng Canaan” (v. 19). Sa lupain ng Canaan. Simula din ng kuwento yung kamatayan ni Sarah, “sa lupain ng Canaan” (v. 2). Gumagawa ang Diyos—kahit na tahimik siya sa eksenang ito, kahit na hindi siya participating actor sa story—gumagawa siya para unti-unting tuparin ng Diyos ang napakalaking pangako niya para kay Abraham at para sa bansang Israel—ang lahing pinili ng Diyos na magdadala ng biyaya ng kaligtasan ng buong mundo.
Hindi ba’t malaking tulong ang kuwentong ito para sa mga unang nakarinig nito, yung mga Israelitang illang taon na nagpaikut-ikot sa disyerto, na nakita isa-isang namamatay ang mga mahal nila sa buhay, at malapit nang pumasok “sa lupain ng Canaan.” Malaki ang nawala kay Abraham, namatay ang asawa niya, naagrabyado siya sa bilihan ng lupa, pero sa bandang dulo ng istorya, napasakanya ang lupa na wala naman siyang karapatang magmay-ari. Biyaya ng Diyos. Pangako ng Diyos. Kapangyarihan ng Diyos ang maygawa. Hindi ba’t yun din ang aasahan ng mga Israelita sa pagpasok nila sa Lupang Pangako. Bakit sila magdududa? Bakit sila mag-aalinlangan sa Diyos? Anuman yung mga masasakit na karanasan nila, anuman yung hirap ng present condition nila, anumang tindi ng kalaban na haharapin nila dapat silang magtiwala sa Diyos na siyang magkakaloob sa kanila ng buong lupain ng Canaan dahil yun ay bigay ng Diyos para sa kanila. By grace alone.
Sa panahon ni Joshua, ang pumalit na leader ng Israel pagkamatay ni Moises, ganun nga ang nangyari. Napasakanila ang lupa. “Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno…Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel” (Jos. 21:43, 45). Yung maliit na katuparan ng pangako ng Diyos sa istorya natin ngayon ay sapat nang garantiya na tutuparin ng Diyos ang lahat ng ipinangako niya.
Sa panahon ni David at Solomon, lumawak pa yung lupain na sakop ng bansang Israel. Oo nga’t may panahon na naalis na naman sila sa lupa. Dahil yun sa unfaithfulness nila. Pero dahil sa faithfulness ng Panginoon, ibinalik ulit sila sa lupang pangako. Oo, mahalaga ang lupain sa bansang Israel, but that’s not the whole point of their story. Marami naman sa faithful sa Israel tulad ni Abraham ay hindi pa natanggap yung kabuuan ng pangako ng Diyos. Pero nanatili silang nagtitiwala:
These all died in faith, not having received the things promised, but having seen them and greeted them from afar, and having acknowledged that they were strangers and exiles on the earth. For people who speak thus make it clear that they are seeking a homeland. (Hebrews 11:13–14)
Hindi ang lupain ng Canaan ang “homeland” nila. Yun ay anino lang ng ultimate goal ng Diyos para sa kanyang mga bayan. In the end, hindi ito tungkol sa lupa. Tungkol ito sa Diyos na nagbigay sa kanila ng lupa. Tungkol ito sa layuning makasama nila ang Diyos sa lupaing ibinigay niya. At hindi lang naman ito tungkol sa kanila—sa simula’t simula pa’y layunin ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng mga lahi sa buong mundo sa pamamagitan ng lahi ni Abraham.
Christ Our Everlasting Possession
Kung magkaroon lang pala ng lupain, o kayamanan, o tanyag na pangalan ang layunin ng Diyos para sa lahi ni Abraham, e para saan pa’t dumating si Cristo? Christ came and gave his life for us not to give us “real property” on earth, but to bring us to God (1 Pet. 3:18). Siya yung talagang “real property” and “treasured possession” natin. Tulad ni Abraham, napakalaki ng pangako ng Diyos para sa atin—higit na mas malaki kesa sa isang kapirasong lupa dito sa mundo. Sabi ni Cristo, “Blessed are the meek, for they shall inherit the earth” (Matt. 5:5). The earth! Namatay si Cristo, muling nabuhay, umakyat sa langit, at sinabi niyang ipinaghahanda niya tayo roon ng lugar para matirhan (John 14:2-3). Ano nga naman ang ikababahala mo kung ganun (14:1)? Dahil tayo ay nakay Cristo, we have everything. “All things are yours” (1 Cor. 3:21).
Paano ‘yan napasayo? Hindi dahil binili mo o nag-ambag ka. Dahil ‘yan sa ginawa ni Cristo. Iniwan niya ang tirahan niya sa langit, bumaba sa lupa, nagkatawang-tao. Ni wala siyang sariling tirahan dito sa lupa. Walang “property” bagamat sa kanya ang lahat! Ni wala nga siyang titulo na kinikilala ng mga tao. Ipinahiya at itinakwil pa siya. Ipinako siya sa krus bagamat walang kasalanan, namatay, inilibing sa libingang hindi sa kanya, bigay ng isang lalaking mayaman. Pero sa pamamagitan ng kamatayan niya, binili niya tayo, tinubos, hindi sa pamamagitan ng ginto o pilak, but with his precious blood (1 Pet. 1:18-20). Yun lang naman kasi ang sapat (at higit pa!) na pambayad para mapasaatin ang pangako ng Diyos na wala ni isa man sa atin ang may karapatang makuha. Biyaya lang talaga ng Diyos.
Hindi siya nanatili sa libingan. Muli siyang nabuhay. Umakyat sa langit, naupo sa kanang kamay ng Diyos, at muling babalik para sa atin. Para tanggapin natin ang ipinangako niyang mana. Kay Cristo, tayo ay tagapagmana—“heirs of God and fellow heirs with Christ” (Rom. 8:17). Kung ano ang pag-aari niya, mapapasaatin din. Pero future pa yun. Hindi pa ngayon. Our best life is not now, but later. Sabi ni Paul Washer, “The only way you can enjoy your best life now is if you will spend your eternity in hell.” But for us Christians, haharapin muna natin yung “worst life” natin dito sa mundo. “…provided we suffer with him in order that we may also be glorified with him” (v. 17).
Meaning, makakaranas ka ng iba’t ibang sufferings—persecutions, o financial troubles, o problema sa pamilya, o Covid, o struggles sa kasalanan, o discouragements sa discipleship at ministry. At gagamitin ‘yan ng Kaaway para ilagay sa puso mo ang pagdududa sa pangako ng Diyos, “Paano naman niya tutuparin yung pangako niya sa ‘yo kung ganyan ang nangyayari sa buhay mo ngayon?” Kaya tandaan mo, hindi “better life” ngayon ang guarantee na tumutupad ang Diyos sa mga pangako niya. Ano yung tinanggap na natin na guarantee? “You have received the Spirit” (v. 15). He has “given us his Spirit in our hearts as a guarantee” (2 Cor. 1:22; 5:5).
Kapatid, nasaan ang pag-asa mo? Saan nakalagak ang security mo? Kung nandito sa mundo, madidismaya ka. Pero kung aalalahin mong ibinigay na ng Diyos ang sarili niyang Anak, wala na siyang ipagkakait sa ‘yo na kailangan mo. Ibinigay na niya ang kanyang Espiritu sa atin—siya mismo!—paanong hindi niya ibibigay ang lahat ng bagay? Hindi man ipagkaloob sa atin ng Diyos ang kaginhawaan o kasaganaan na inaasahan natin sa mundong ito, bawiin man ng Diyos ang isa sa mga mahal natin sa buhay, bawiin man ng Diyos ang hiram nating buhay, hinding-hindi niya babawiin ang pangakong bigay niya sa atin. Magtiwala ka sa kanya. Si Cristo ay sa ‘yo magpakailanman.