We are now nearing the end of our journey sa Romans chapter 8. Siguro ngayon, wala ka nang duda kung bakit tinawag ito ng maraming preachers na “the greatest chapter in the Bible.” Ang dami na nating magandang mga salitang narinig mula pa sa verse 1. Kung tayo ay nakay Cristo, wala nang kahatulan para sa atin. Nasa atin na ang Espiritu ng Diyos, nananahan sa atin, tumutulong sa atin na lumaban sa kasalanan, nagbibigay ng katiyakan sa atin na tayo nga’y mga anak ng Diyos, at kung anak ng Diyos ay tagapagmana na kasama ni Cristo.
Mahirap ang buhay, pero may pag-asa na gaano man kahirap ang nararanasan natin ngayon, hindi ito maikukumpara sa ganda ng buhay na nakalaan sa atin sa pagbabalik ni Cristo. At gagawin ng Diyos ang lahat, maging itong mga sufferings na nararanasan natin will work together for our good. At ano yung good na yun? Para tayo ay maging katulad ng kanyang Anak na si Cristo. Para matupad ang layunin niya para sa atin. And this salvation is sure and unbreakable. Mula pa sa simula, siya na ang pumili sa atin, nagmahal sa atin, out of his own free and sovereign grace. Siya ang tumawag sa atin, nagpatawad at tumanggap sa atin, at titiyak na magpapatuloy tayo hanggang sa wakas at makakasama natin siya, with fullness of joy in his presence forevermore.
Ang dami na nating magagandang salita na narinig mula sa Diyos mula verse 1 hanggang verse 30. At sapat na sana yan para bigyan ng katiyakan ang puso nating ang daling mag-alinlangan sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa atin. Bakit nga? Sa mga panahon ngayon na kumakalat pa rin ang coronavirus, pati mga Christians nagkakasakit at namamatay din, prone tayo na magtanong kung mabuti nga ba ang Diyos, mahal nga ba talaga tayo ng Diyos. Lalo pa kung meron tayong mga sufferings na nararanasan dahil sa pagiging Christians natin, dahil sa faithfulness natin sa salita ng Diyos. At kung hanggang ngayon we are dealing with guilt dahil sa kasalanang nagagawa pa rin natin, at paulit-ulit na nagagawa. So we doubt, mamahalin pa kaya ako ng Diyos sa ganitong kalagayan ko? Papatawarin pa niya kaya ako? Baka itakwil niya na ako at bawiin ang kaligtasang ibinigay niya sa akin?
Natatakot tayo na may mas masama pang mangyari sa atin. Nagdududa tayo sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos ng Diyos na tiyaking mapapabuti ang lahat para sa mga anak. Patuloy tayo sa pakikipaglaban sa kasalanan and at times, feeling natin failures tayo at talunan. Kaya nga mas dapat nating pakinggan ang salita ng Diyos, intindihing mabuti at ulit-ulitin hanggang maisaksak sa isip at puso natin. Kaya nga ang gagawin ni Paul mula verse 31 hanggang sa verse 39 is to drive home his point, para mas maranasan natin yung blessed assurance ng pagiging Cristiano–in Christ, children of God, and indwelt by the Spirit.
He introduced this last section ng Romans 8 with a question na sasagutin niya using a series of rhetorical questions, “What then shall we say to these things” (v. 31)? Ano daw ang masasabi natin, ano daw ang maaari o dapat na maging conclusions natin sa mga nauna niyang sinabi, and most probably hindi lang sa Romans 8, but the whole letter (ayon kay Charles Hodge, Romans). Hindi niya sinabing, “What then shall I say…?” But, “What shall we say…?” Inaanyayahan tayo ni Pablo sa paglalakbay na ‘to to make the same conclusions na meron siya. Because this is not just for him, para sa atin, para magkaroon tayo ng greater assurance lalo na sa mga feeling natin na uncertainties of the future.
Kailangan nating pag-isipang mabuti, to own these truths, para hindi lang si Pablo ang magsabi nito, kundi tayo din, na sabihin natin ito sa sarili natin hanggang maisaksak na nang mabuti sa puso natin. Yung assurance na kailangan natin ay hindi lang basta nanggagaling sa good emotional feelings, kasi pwedeng magbago yung feeling na yan. This assurance is a result of hard thinking about biblical realities.
In sum, parang ganito ang sinasabi ni Pablo kasunod nitong first question niya sa v. 31,
If God’s love has led to all the good just specified, what have we to fear for the future?
Charles Hodge, Romans, 287
Ang tawag sa ganitong tanong ay rhetorical question. Hindi ito questions sa isang exam na pag-iisipan mo pa ang sagot, at baka magkamali ka. Itong mga rhetorical questions ay obvious at implied yung mga answers. Alam na ninyo ito! Merong anim na ganitong questions sa vv. 31-39. Yung unang apat, sa vv. 31-34, ang pag-aaralan natin ngayon. Yung last two sa vv. 35-39 naman next week.
Alam kong may mga questions kayo sa sermon last week lalo na about election and predestination. At susubukan nating sagutin at pag-aralan yung mga questions na yun. But for now, I hope na yung teaching ng Scripture is clear, though we don’t understand everything. So yung mga rhetorical questions ni Pablo dito ay para ma-train tayo kung paano i-apply yung biblical doctrines sa buhay natin. Ang goal nito ay hindi lang for intellectual discussion, but for our assurance, comfort and hope in times of sufferings tulad ng nararanasan natin ngayon.
#1 – If God is for us, who can be against us?
Romans 8:31 ESV
Kung ang Diyos ay para sa atin (o kakampi natin), sino ang maaaring lumaban sa atin? Rhetorical question ‘to, so ang obvious answer: Ang Diyos ay para sa atin, so walang sinuman ang maaaring lumaban sa atin. Merong dalawang statements na nakapaloob dito. “If…then” ang construction nito. Yung una yung premise, na kung totoo ito, then yung second statement ang conclusion, siguradong totoo din ito. Halimbawa, kung may two on two basketball. Kung kakampi ko ay si LeBron James, at ikaw naman kakampi mo ang tatay mo, yun ang premise, ano ang conclusion? Sino ang panalo? Obvious, sigurado, kami ang panalo, unless mapilayan si LeBron na pwedeng mangyari because we are dealing here with human examples. Pero kung Diyos na ang pag-uusapan, ibang usapan na ‘yan.
Ano yung premise? Base sa mga nakaraang mga pag-aaral natin sa Romans 8:1-30, totoo ito: “God is for us.” Siya ay para sa atin, at hindi laban sa atin. Siya ang ating Ama, tayo ang kanyang mga anak. Lahat ng kanyang pinaplano at ginagawa sa buhay natin ay para sa ikabubuti natin. Ang kaligtasan natin sa simula’t simula pa ay nasa isip at puso na niya. At gumagawa siya ngayon para tiyaking makakarating tayo sa finish line. God is for us! Oo dati kaaway tayo ng Diyos, nilalabanan natin siya (vv. 7-8), pero noon din ay ipinakita na niya ang pagmamahal niya sa atin (5:8, 10) nang ipadala niya ang kanyang Anak para sa atin. Dahil kay Cristo, napanumbalik na tayo sa Diyos, napatawad, natanggap, itinuring na matuwid. Hindi ibig sabihing he is for us ay kinukunsinti niya pati mga kasalanan natin, pero dinidisiplina tayo because he is our loving Father. This all-powerful Creator, the One we have offended is our lover, and he loved us with an everlasting love. God is for you! So, ano ang ikakatakot mo?
Kaya nga ang conclusion o implication ng premise na God is for us ay ito, “No one can be against us.” Hindi ibig sabihing walang sinumang tao ang lalaban sa atin, magsasalita ng masama laban sa atin, at lahat ay papabor sa atin. That is not true to our experience. Sinabi din ni Cristo na we will be hated by the world dahil sa allegiance natin sa kanya. So, in a sense, people will be against us. But in the ultimate sense, no one can be successfully against us. Walang sinumang makapagbabagsak sa atin at makakasira ng buhay na bigay sa atin ng Diyos. HIndi ang sinumang kaaway mo, not your abuser, not your slanderer, not your critics, not our government, not anyone! Kahit gaano pa ka-powerful ang mga forces na ‘yan going against us, wala tayong dapat ikatakot.
Tulad ng sabi ng Diyos kina Moses, Joshua, Gideon, “Wag kang matakot, kasama mo ako.” Kasangga mo ang Diyos, kakampi mo ang Diyos. You are always in the majority kung nasa panig mo ang Diyos. You have guaranteed victory if God is on your side. Tulad ng sabi ni Elisha sa servant niya na natatakot dahil sa dami ng kalaban nila, “Wag kang matakot. Those who are for us are greater than those who are against us.” Tulad din ng assurance ni Isaiah kay King Hezekiah dahil sa threat of Assyrian invasion. Dahil kakampi nila ang Diyos, dumaan lang ang anghel ng Panginoon sa kampo ng mga kalaban, daang-libo ang namatay sa mga kalaban. So, kung feeling mo man ay nagsasabwatan ang mga tao sa paligid mo, pinagtutulung-tulungan ka, tinatabunan ka ng mga problema at mga kahirapan sa buhay, wag kang matakot, wag kang mabahala. If God is for us, who can be against us? Alam mo ang sagot.
#2 – He who did not spare his own Son but gave him up for us all, how will he not with him graciously give us all things?
Romans 8:32 ESV
Tinawag ni John Piper itong verse na ‘to na “the solid logic of heaven.” E tayo pa naman ayaw pinag-uusapan itong mga may kinalaman sa “logic” o yun bang kailangan mong mag-isip. Tulad ng mga pinag-aaralan natin sa theology. Mahilig tayo ngayon sa mga hugot na emotion-laden, basta nakakaantig ng puso tatanggapin na natin. Ito kailangang mag-isip, pero kung alam mo yung gospel, alam mo ang sagot dito sa rhetorical question na ‘to: “Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait kundi ibinigay para sa ating lahat, paano pang hindi niya ibibigay nang sagana sa atin kasama niya ang lahat ng bagay?” Obvious na sagot? Siyempre naman ibibigay niya ang lahat para sa atin.
Tinatawag itong a fortiori argument o argument from the greater to the lesser. Kung itong greater thing ay totoo at nagawa ng Diyos para sa atin, how much more these lesser things? Halimbawa, two years ago binigyan ako ng regalo ng kapatid ko na espresso machine. Medyo mahal ‘yan. Out of his generous heart. Paano kung isang araw, naubusan ako ng kape. At nagtext ako sa kanya na kung madadaan siya sa Starbucks ay ibili niya ako ng coffee beans. Ibibigay niya kaya? Mag-aalangan kaya ako sa sagot niya? Siyempre confident ako kasi kilala ko siya, kapatid ko siya, kayang-kaya niya yan at masaya siya na magbigay! Maliban na lang kung ayaw na niya, o feeling niya abusado na ko, o nagbago na siya at hindi na siya generous, o kaya naghirap na siya at wala nang trabaho. Pag tao pwedeng magbago, pero ang grace and generosity ni Lord sa atin, hindi magbabago.
Ano yung “greater thing” o mas mahirap na ginawa na ng Diyos na nagbibigay katiyakan na gagawin din niya yung “lesser things” o yung mas madaling gawin? God did not spare his own Son. Hindi niya ipinagkait si Jesus na minamahal niyang anak at lubos na kinalulugdan. Ibinigay para sa ating lahat, sa ating lahat ng pinili niyang maligtas bagamat hindi karapat-dapat. Tayo na mga pasaway, rebelde at ipinagpalit siya sa mga bagay na walang kabuluhan. Ginawa niya ‘to para sa atin!
Ipinapaalala sa atin ng mga salitang ito–at maaaring ito ang nasa isip din ni Pablo nung sinusulat niya ‘to—ang pagsakripisyo ni Abraham kay Isaac na kanyang minamahal na anak. But Isaac was spared nung papatayin na siya ni Abraham para ialay sa Panginoon. Ipinalit ang isang tupa in his place. Pero nung papatayin si Cristo sa krus, hindi pinigilan ng Diyos ang mga papatay kay Jesus. Hinayaan niya ang Anak niya na patayin. Para sa ‘yo. Para sa akin. Dahil sa pag-ibig ng Diyos inialay niya ang kanyang Anak para sa atin (John 3:16). Ultimately, hindi si Judas, hindi si Pilato, hindi ang mga Judio, hindi ang kasalanan natin ang nagdala kay Cristo sa krus, kundi ang plano ng Diyos sa simula’t simula pa. Noon pa man ay itinakda na ng Diyos na ililigtas niya tayo, at noon pa man ay itinakda na ng Diyos ang paraan para maligtas tayo–ang kamatayan ng kanyang minamahal na Anak. This is the greatest thing God has done for us. Ito ang pinakamalaking regalo na tinanggap natin sa Diyos.
Kung ito ay totoo, how much more yung mga mas madaling bagay kesa dito? How much more na ibibigay ng Diyos ang lahat ng kailangan natin? “…how will he not with him graciously give us all things?” Christ and his work on the cross is our assurance na hindi sasabihin ng Diyos sa atin kapag may hinihiling tayo na kailangan natin, “Hindi na, tama na! Sobra ka na! Bahala ka na! Abuso ka na! Kaya mo na yan!” Christ is our assurance that God will cause “all things to work together for good” (8:28). Tulad ng “all things” dito, yung “all things” na ibibigay ng Diyos sa v. 32 ay hindi yung lahat ng gusto natin, kundi lahat ng kailangan para matupad ang layunin ng Diyos para sa atin, for us to be conformed to Christ, for us to persevere and be brought home to glory. The faith you need to persevere, the endurance you need in times of sufferings, the contentment you need in times of losses and needs, the strength you need to say no to temptations, the repentance you need when you fall into sin. Kapag sinabing all things ibig sabihin all things!
At ibibigay ng Diyos ‘yan sa ‘yo not because you are better than others, o you are proving yourself now worthy of his love, or because you deserve it. No! “Graciously give us…” Wala ni isa mang mabuting bagay ang tinanggap natin sa Diyos ang masasabi nating deserving tayo. It is all of grace from beginning to end.
May mga times na pinagdududahan pa rin natin ang kabutihan ng Diyos lalo na sa kabila ng mga sufferings natin. Pinagdududahan natin ang generosity ng Diyos sa panahong feeling natin ay salat na salat tayo sa buhay. It is easy for us to doubt Romans 8:28. Eto yung opening line ng song ni Babbie Mason na “Trust His Heart” “All things work for our good / though sometimes we don’t see how they could…” Tapos sabi ng kanta sa chorus part:
God is too wise to be mistaken God is too good to be unkind So when you don't understand When you don't see His plan When you can't trace His hand Trust His Heart
Wag mong pagdududahan ang puso ng Diyos para sa ‘yo. Si Cristo ang ebidensiya niyan. Wag mong sabihing pinagkakaitan ka ng Diyos ng mabubuting bagay kapag tinitingnan mo ang buhay ng iba, kung ano ang meron ang iba at wala sa ‘yo. He will not withhold good things from his children. Tingnan mo si Cristo na pinako sa krus, ang nag-iisang Anak ng Diyos binigay sa ‘yo, tapos sasabihin mong pinagkakaitan ka niya? This is “the solid logic of heaven”! This is gospel assurance indeed!
Yung ikatlo at ika-apat na rhetorical questions ay closely related (related naman lahat!), kaya pagsamahin na nating pag-usapan.
#3 – “Who shall bring any charge against God’s elect? It is God who justifies.”
Romans 8:33 ESV
#4 – “Who is to condemn? Christ Jesus is the one who died-more than that, who was raised-who is at the right hand of God, who indeed is interceding for us.”
Romans 8:34 ESV
Karaniwan din, sarili nating kasalanan ang nagiging dahilan ng mga pagdududa natin. Sa isip-isip natin, itong kasalanan na nagawa natin noon pa, o nitong nakaraang araw lang, ang ebideniya na hindi tayo matatanggap ng Diyos. Kaya dito sa vv. 33-34 ginamit ni Pablo ang lenggwahe ng korte para ipaalala sa atin ang mabuting balita. Tanong niya, “Sino ang mag-aakusa o magsasampa ng kaso laban sa mga pinili ng Diyos?” Oo nga’t merong nag-aakusa sa atin — Si Satanas, ang pangalan nga niya ibig sabihin Accuser/Adversary (Zech. 3:1). O ang ibang tao na nakikita ang mga pagkakamali natin at sinasabing, “Ganyan ba ang buhay ng mga pinili ng Diyos? You are not qualified.” O ang sarili nating guilty conscience, na hirap na hirap tayong paniwalaan ang pagpapatawad at pagtanggap ng Diyos.
Talaga namang nagkakasala pa tayo, at talagang pwedeng gamiting ebidensya iyan, Exhibit A, na tayo’y karapat-dapat lang na parusahan ng Diyos, and we don’t deserve heaven! But that’s the point! We don’t really deserve salvation. Kaya nagdududa tayo kasi akala natin nakabase sa atin ang pagliligtas ng Diyos. Kaya nga ginamit ni Pablo yung term na “God’s elect” to refer to us Christians. Ito rin naman yung point ng vv. 29-30, “Those whom he foreknew, he also predestined…” Pinili tayo ng Diyos na maligtas. Tapos magdududa ka, pinili nga ba ako ng Diyos? Baka hindi naman ako kasali dun. Paano ako magkakaroon ng assurance na recipient ako ng promise of salvation na nasa vv. 28-30?
Tanungin mo ang sarili mo, Do you believe in Christ, placed your trust in him alone for salvation? Do you see evident fruit of the Spirit in your life? Are you making war against sin, and growing in Christ-likeness? Marami pang struggles yes, pero meron ka bang nakikitang evidence of sanctification? Then you are “God’s elect”! Don’t base the assurance of your election on what you are doing, or your qualifications, or characteristics. At anumang nakikita mo sa buhay mo ngayon ay bunga ng gawa ng Diyos sa buhay mo. Election is by God’s own free, sovereign choice. Hindi mo kailangang patunayan ang sarili mo sa sarili mo o sa ibang tao o sa Diyos to make yourself worthy of his choice. Kasi we are not worthy, we are not deserving. That is why it is called grace.
But the point of Paul’s question is that no one can be successful sa pagsasampa ng kaso sa atin to reverse God’s verdict for us. Kaya followup question niya, “Who is to condemn?” Sino ang hahatol? Pwede kang hatulan at kundenahin ng ibang tao, pero walang bisa iyon. Bakit? Dito may paliwanag si Pablo bakit yun ang sagot. Kasi marahil ay isa ito sa mga bagay na hirap na hirap tayong tanggapin. Natural tayong gospel amnesiac. So Paul reminds us of the basis of this conclusion. At expansion lang din naman ito verse 1, in case you forget that, heto yun: “There is therefore now no condemnation for those who are in Christ Jesus.”
“There is therefore now no condemnation” sa verse 1, “It is God who justifies” dito sa v. 33. Sa verse 30, “justified,” tapos na, tapos na naman talaga ‘yan, naibaba na ang hatol sa atin nung mismong oras na sumampalatay tayo kay Cristo. Anong hatol? May kasalanan ka, guilty ka, dapat kang parusahan, pero ang hatol ng Diyos sa ‘yo, “Not guilty. Forgiven. Righteous.” Tapos na ‘yan, pero ipinaalala sa atin sa verse 1 na ang status na ‘yan ay nagpapatuloy hanggang ngayon, “now no condemnation.” At ito marahil ang dahilan ng pagkakagamit ng present tense ni Pablo sa verse 33, “It is God who justifies.”
Pero ang emphasis nito ay nasa Diyos na naggawad ng hatol at hindi sa hatol na ginawad niya sa atin. Ibig sabihin, desisyon ito ng Supreme Court of the Universe. At ang desisyong ito ay final at irreversible. Kahit anong kaso ang isampa ni Satanas, o ng ibang tao, o ng konsensiya natin, wala nang court of appeals na makapagbabaligtad ng desisyong ito ng Diyos. Kapag nagpatawad siya, it’s a done deal. Tulad ng vision na nakita ni Zechariah. Nakita niya si Joshua the high priest at inaakusahan siya ni Satanas. Pero sabi ng Diyos kay Satanas, “The Lord rebuke you, O Satan!” Itong si Joshua may suut-suot na maruming damit. Pero itong anghel ng Panginoon ay binihisan siya ng malinis na damit at sinabi, “Tinanggal na ang kasalanan mo” (Zech. 3:1-5).
Paano naman magiging makatarungan ang Diyos dun? Nung naging Christian nga tayo mas nakita natin ang laki ng mga kasalanan natin sa Diyos. Kung sa human court, pwedeng bagong ebidensiya yan para makasuhan tayo ulit. Ang napapawalang-sala lang ay yung mapapatunayang walang sala. Pero tayo kahit na may sala (at napakarami ng kasalanan natin!) ay pinawalang-sala. Nasaan ang hustisya dun? Nakay Cristo! No condemnation for those who are in Christ Jesus (Rom. 8:1).
Tulad ni Christian sa The Pilgrim’s Progress, sa paglalakbay niya suot-suot niya ay maruming basahan, pero nang makita niya ang krus, kung saan hubad na ipinako sa krus si Cristo, tinanggal ang marumi niyang damit at binihisan ng bago. Sabi ng author nito na si John Bunyan, sa oras na inaakusahan siya ng konsensya niya na di siya karapat-dapat sa buhay na walang hanggan,
It was not my good frame of heart that made my righteousness better, nor yet my bad frame that made my righteousness worse; for my righteousness was Jesus Christ Himself, the same yesterday, and today, and forever.
John Bunya, Grace Abounding to the Chief of Sinners, cited in F. F. Bruce, Romans, 170
Kay Cristo nakakabit, at hindi ito kelanman makakalag, ang katiyakan natin na final and irreversible ang justification na meron tayo sa Panginoon. “Christ Jesus is the one who died–and more than that, who was raised–who is at the right hand of God, who indeed is interceding for us” (v. 34). Tulad sa v. 32, dito sa v. 34 ay inihaharap sa atin si Cristo na siyang patunay at nag-iisang ebidensiya na kailangan natin sa mga oras na nagdududa tayo sa pag-ibig at pagtanggap ng Diyos sa atin. At nakabatay ito sa apat na gawa ni Cristo.
Una, ang kamatayan niya. He is “the one who died.” Ang kamatayan niya ang pinambayad para sa mga kasalanan, pagkakautang at obligasyon na meron tayo sa Diyos. Dugo niya ang pinambayad para maalis ang pataw na parusa na nararapat para sa atin. Binayaran na niyang lahat. Wala ni isa mang kasalanang nagawa mo, o nagagawa mo ngayon, o gagawin mo bukas ang sasapat na magsakdal sa ‘yo para maibalik ang death penalty for you. Sa kamatayan ni Cristo sa krus, he “condemned sin in the flesh” (Rom. 8:3). Pinarusahan na ang kasalanan para hindi ka na maparusahan. Si Cristo na ang namatay, para hindi na ikaw ang hatulan. Masasayang ang dugo ni Cristo kung ikaw na pinili niyang maligtas ay tuluyang malilihis ng landas at hindi makakarating sa kaluwalhatiang nakalaan sa lahat ng mga anak ng Diyos. Ang patunay na ang sakripisyo ni Cristo ay tagumpay at mabisa?
Ikalawa, ang kanyang muling pagkabuhay. “…more than that, who was raised.” Inako niya ang kasalanan natin sa kanyang kamatayan, at sa kanyang muling pagkabuhay, by faith in him, ay mapapasaatin naman ang kanyang katuwiran. This is the gospel of “the great exchange.” Our sin for his righteousness.
It will be counted to us who believe in him who raised from the dead Jesus our Lord, who was delivered up for our trespasses and raised for our justification.
Romans 4:24-25 ESV
Ikatlo, ang kanyang pag-upo sa kanan ng Diyos. Sa theology, tinatawag itong “session.” Matapos na si Cristo ay umakyat sa langit, naupo siya sa kanan ng Diyos (Mark 16:19; Psa. 110:1; Heb. 1:3). Naupo siya, ibig sabihin tapos na ang ginawa niya. It is finished! It is done! Sa kanan ng Diyos to designate the highest authority in all the universe (Matt. 28:18). Sa kanan ng Diyos to designate din yun closeness at intimate relationship niya with God. Hindi kailangang tumingin ng Diyos sa malayo, hindi kailangang tingnan ng Diyos ang mga ebidensya ng gawa natin para pagbasehan ng pagtanggap niya sa atin. He always looks at the righteousness of his Son na nasa atin din. Wala na tayong dapat gawin to prove ourselves to him or to other people. Nakakapagod mamuhay nang ganyan. Kaya ang pag-upo ni Cristo sa kanan ng Diyos ang magbibigay sa atin ng kapahingahan sa katiyakan na meron tayo dahil kay Cristo. At hindi ibig sabihing wala na siyang ginagawa para sa atin at nakaupo na lang!
Ika-apat, ang kanyang nagpapatuloy na panalangin para sa atin. “…who indeed is interceding for us.” Ang Espiritu na nasa puso natin ay “interceding” din para sa atin (v. 26). Si Cristo na nasa langit ay nanalangin din para sa atin. Siya ang advocate natin sa Diyos whenever Satan accuse us dahil sa mga kasalanan natin (1 John 2:1). His sacrifice on the cross was so precious, kaya titiyakin niya by his intercessory work for us na wala ni isa man lang na patak ng kanyang dugo ang masasayang. Kung paanong pinagpray niya si Pedro na hindi bumagsak ang pananampalataya, at kung mahulog man sa kasalanan ay magbalik-loob sa Diyos (Luke 22:31-32), patuloy na ganyan din ang prayer sa atin ng Panginoon (John 17; Heb 7:25).
Mahalaga na ipagpray natin ang bawat isa and we encourage that sa church. But we fail to uphold each other in prayer. But we have a high priest in heaven who never fails in interceding for us. At lahat ng prayer ni Jesus para sa ‘yo dinidinig at sinasagot ng Diyos. Hindi ba’t malaking comfort ang dulot niya sa puso natin? Marami tayong failures. Maraming disappointments tayo sa mga taong inaasahan natin na tutulong sa atin. But we have a Savior in heaven who will never ever fail us.
Napakasarap nang nakay Cristo. Napakasarap maging Cristiano. Nasaan ang katiyakan natin? Nakay Cristo! Nasaan ang patunay na ang Diyos ay para sa atin? Nakay Cristo! Nasaan ang patunay na ibibigay ng Diyos ang lahat ng kailangan natin? Nakay Cristo! Nasaan ang patunay na wala nang makapagsasampa ng kaso laban sa atin para muli tayong hatulan? Nakay Cristo. At dahil nakay Cristo ang assurance natin, wala tayong dapat ikatakot na anuman, at wala rin tayong dahilan para pagdudahan ang pag-ibig ng Diyos.
And we will talk more about that love of God for us in Christ Jesus sa huling bahagi ng pag-aaral natin sa Romans 8 next week.