Nakakadismaya ang mga nangyayari ngayon. Parami na nga nang parami ang mga may covid-19, hindi pa tayo makapag-gather physically as a church family. Although pwede na, hanggang 50% capacity ng worship hall. Pero ayaw naman nating madaliin kasi nga mas delikado pa nga ngayon. Ginagawa naman natin lahat ng dapat gawin para makatulong para di kumalat itong coronavirus, pero nakakadismaya na merong mga government officials na para bang di na nakikita na lumalala ang problema. Kung anu-ano pang solusyon o panukala ang ginagawa, kung anu-ano ang pinagtutuunan ng pansin, kung anu-ano ang sinasabi na lalong nakakasakit sa kalooban.
Nakakadismaya din bilang pastor kasi bukod sa nakakapagod yung new ways of doing ministry ngayon, mababalitaan ko pa yung ibang mga members natin na hindi sabik magjoin sa mga online. Meron namang Zoom, meron namang Internet o data connection. Yung iba naman talaga maiintindihan natin kung walang access sa ganitong means of communication. Nakakadismaya naman sa part ko na nahihirapan kung paano sila aabutin at pangangalagaan as a pastor. Marami tayong frustrations ngayon. Di naman maganda kung itatago lang natin at ipapalagay na okay lahat kasi hindi naman okay lahat. Napapabuntong-hininga tayo sa mga nangyayari. Napapa-“Hay naku!” sa mga balita. Naiinis. Nagagalit din.
And my prayer–at ito naman ang gusto ni Lord for us–na anuman yang mga pagkadismaya, pagkainis, frustrations natin ay magresulta sa greater longing for that day na wala nang sakit, wala nang kasalanan, wala nang ineffective and corrupt government, wala nang kamatayan, maayos na ang lahat, makakasama na natin ang isa’t isa, makakasama na natin ang Diyos full of joy forevermore. This is called glory–our glorification, when we will be glorified with Christ, tulad ng binanggit ni Paul sa Romans 8:17. At sinabi niyang yung glory na ‘to ay pakikibahagi sa kaluwalhatian ni Cristo, na tayo rin ay kasama niya na mamanahin ang mga pagpapala ng Diyos. Ito yung “revealing of the sons of God” (v. 19) at “freedom of th glory of the children of God” (v. 21) na inaabangan ng sangnilikha, at pinananabikan na makibahagi sa atin. At ngayon naman makikita nating kasama sa glorious future na ‘to yung kinasasabikan nating “adoption as sons, the redemption of our bodies” (v. 23).
Napakaganda ng buhay na inilaan sa atin ng Diyos sa pagbabalik ni Cristo. Pero bago yun, may pagdadaanan tayo, walang shortcut–“provided we suffer with him.” Yun yung parte na ayaw natin, yung sandali lang, yung konti lang okay pa. Pero pag antagal na, ang tindi na. Pwede ba mag-skip dyan? Sabi ni Lord, “No!” So dapat tanggapin nating kasama sa buhay Cristiano ‘yan. Hindi lang pang non-Christians ‘yan. Tanggapin natin, embrace that not with doubt, impatience, complaining, but embrace God’s purposes–his good and wise purposes–for his children.
So, we suffer with him in order that we may be glorified with him. Yayakapin natin itong sufferings bilang bahagi ng plano ng Diyos para sa kanya mga anak na meron ding pananabik, pag-asa, pagtingin sa hinaharap, paghihintay sa buhay na nakalaan para sa kanyang mga anak. Pero paano makukumbinsi ang puso natin na sulit maghintay sa pagdating ng araw na yun? Anu-ano ang dahilan na binanggit ni Pablo para tulungan tayong yakapin ang sufferings bilang bahagi ng plano ng Diyos para sa atin. Last week we spent time savv. 18-21, nakita natin ang three reasons why we embrace sufferings as part of God’s plan for his children. At ang focus nitong mga verses na ‘to ay to magnify the glory that awaits us, para ipakita sa atin kung gaano ito kalaki at kaganda, kasi may mga araw–especially in times of loss and suffering–na ang liit ng tingin natin sa buhay na inilaan ng Diyos para sa atin.
- Sa v. 18, itinuturing ni Pablo na yung bigat ng future glory natin ay di maikukumpara sa anumang bigat ng sufferings natin ngayon.
- Sa v. 19, sinabi niyang maging ang sangnilikha ay sabik na naghihintay dito sa future glory na mararanasan natin.
- Sa vv. 20-21, sinabi niyang hindi lang sabik ang sangnilikha, makakabahagi din sila dun sa “freedom of the glory of the children of God.”
Now, sa vv. 22-25, mas personal na. Meron pa tayong dalawang reasons na titingnan why we embrace sufferings now. Sasabihin niyang, yes, dahil meron tayong glorious future, we wait for it with patience (v. 25). Pero! Gaano man kaganda ang inaabangan at hinihintay natin, waiting is hard. Kung single ka, kung after 10 years alam mo na God will give you a perfect partner for you, excited ka. Pero ten years pa! Matagal maghintay! Or sa case ni Abraham, sinabi ni Lord na magkakaanak sila, pero 25 years siyang pinaghintay! Waiting for glory is hard, we want it quick and now. We are not talking here not just about having a covid-free world, but sin-free, suffering-free, death-free, all-the-curse-of-fallen-creation-free!
Our life now, our journey toward glory includes waiting. I do not mean the time we die. Yes, our soul will be with Christ in heaven, but that is not yet our glorified state, wala pa yung resurrected body natin. Mangyayari yun sa pagbabalik ni Cristo. Maghihintay tayo. Pero hindi lang basta maghihintay na passive lang, nagtitiis lang kahit inip na inip na. No. Tulad ng sangnilikha–na naghihintay “with eager longing” (v. 19, Gk. apokaradokia…apekdechomai). Tayo rin, we “wait eagerly” (v. 23, Gk. apekdechomai), “we eagerly wait” (CSB) (v. 25, Gk. apekdechomai). Ginamit din yung salitang ‘yan sa 1 Cor 1:7 (“wait for the revealing of our Lord Jesus Christ”); Phil 3:20 (“we await a Savior, the Lord Jesus Christ”); Heb 9:28 (“those who are eagerly waiting for him”). So kung Cristiano ka, naghihintay ka, sabik ka na naghihintay, inaabangan mo ang pagdating ni Cristo–parang bata na laging sumisilip sa bahay, inaabangan kung nandyan na ba si daddy. Kung hindi mo siya kinasasabikan? You are not a Christian, no matter what you say about yourself.
Bakit na sa halip na maghimutok sa paghihintay ay masasabik tayo (tulad ng creation sa v. 19) sa future glory habang nararanasan natin ang mga sufferings natin ngayon–at masabi rin natin yung damdamin ni Pablo v. 18, “I consider that the sufferings of this present time are not worth comparing with the glory that is to be revealed to us”?
Waiting while Groaning (vv. 22-23)
Isa pang sagot ni Pablo dyan ay nasa vv. 22-23, “For…” Sapagkat…heto ang dahilan. For we know that the whole creation has been groaning together in the pains of childbirth until now. And not only the creation, but we ourselves, who have the firstfruits of the Spirit, groan inwardly as we wait eagerly for adoption as sons, the redemption of our bodies” (Romans 8:22-23 ESV). My translation: “Sapagkat alam nating hanggang ngayon ay sama-samang dumaraing ang buong sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. At hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayo mismo na mga tumanggap ng Espiritu bilang paunang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang sabik nating hinihintay ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan.”
Sabik tayo sa paghihintay kasi may dinaraing na sakit ang sangnilikha (v. 22) at tayo na mga anak ng Diyos (v. 23). Ito ang basis or ground for saying that–because we already know something about it. We know. It is common knowledge. Hindi dahil natutunan natin sa eskuwelahan o may nagsabi sa atin. Kasi nakikita natin ang ebidensiya sa paligid natin sa araw-araw. Kasi tayo mismo nararanasan natin. Pero bakit sinasabi pa ni Pablo? Alam na natin, pero ipanapaalala. Nakakalimot tayo. At kung hindi man nakakalimutan, nahihirapan tayong ikonekta yung kasalukuyang karanasan natin sa pangako at plano ng Diyos para sa atin. What do we know?
Dumaraing ang buong sangnilikha. “For we know that the whole creation has been groaning together in the pains of childbirth until now” (v. 22). Tulad ng napag-aralan natin last week, yung creation na tinutukoy dito–na siyang subject ng vv. 19-21–ay hindi kasali ang mga tao at mga anghel, kundi yung mga mga nilikha ng Diyos tulad ng lupa, hangin, tubig, hayop, halaman. Again, this is personification. Tulad ng sa v. 19, ang creation ay sabik na naghihintay. Dito naman ang isa pang dahilan kung bakit sabik na naghihintay ang sangnilikha–dahil dumaraing ang sangniilikha. Wala naman talagang pakiramdam o expression ng feeling ang mga walang buhay na nilikha ng Diyos tulad ng bundok, lupa, tubig, atbp. Pero isinasalarawan sila dito na dumaraing. Hindi lang may iniindang sakit, kundi naririnig natin yung paghiyaw ng nilikha ng Diyos sa sakit o sumpa na dulot ng pagkakasala ng tao. Ito yung “futility” na binabanggit ni Paul sa v. 20.
At ilan lang bang bahagi ng creation ang apektado nito? Siguro naman hindi lahat kasi may makikita pa tayong ganda ng nilikha ng Diyos, mukhang peaceful naman, pwedeng pang-Instagram. Yes, may ganda pa rin. But yung beauty na yun ay corrupted na dahil sa pagbagsak sa kasalanan. Lahat ng bahagi ng creation. Sa v. 19, v. 20 at v. 21, “the creation” ang tinutukoy ni Pablo. Pero dito sa v. 22, to emphasize, to make sure hindi natin ma-miss yung tinuturo niya, sinabi niya, “the whole creation.” No part of God’s creation is untouched by the fall. Everything is subjected to futility. Comprehensive ang resulta ng isang kasalanan ng isang tao. Dulot nito ay pagbagsak ng lahat ng tao, at lahat ng bahagi ng nilikha ng Diyos.
Kaya naman dumaraing ang nilikha ng Diyos. Sama-samang dumaraing. Malungkot na kalagayan kung parang isang funeral, buong pamilya, lahat ng miyembro umiiyak, humahagulgol sa iyak. O yung isang taong naghihingalo na at malalagutan na ng hininga. Death pangs ang tawag dun.
Pero dito ang pagsasalarawan ni Pablo sa daing ng nilikha ay hindi death pangs, but birth pangs. Daing sa hirap ng isang babaeng nanganganak. Ang mga salitang ginamit dito ni Pablo (sustenazo, groan together; sunodino, travail together) ay dito lang ginamit sa New Testament. Larawan ito ng matinding sakit na nararamdaman ng nilikha ng Diyos tulad ng binabanggit ni Jesus na “birth pains” sa Matt. 24:8 at Mark 13:8, na tumutukoy sa sakit na dulot ng giyera, taggutom, lindol at iba pang sakit at sakuna. Maging itong coronavirus pandemic ay isang expression ng pagdaing ng nilikha ng Diyos.
Pero ito ay isang sakit na hindi meaningless. May pananabik kasi merong sanggol na ipapanganak. Merong isang bagong mundo na isisilang sa pagbabalik ni Cristo! Masakit, humihiyaw sa sakit pero sulit ang paghihirap nito. Yung unang panganganak ng asawa ko di naman masakit kasi CS, saka may anesthesia. Masakit talaga, di lang ganun naramdaman. Masakit lang sa bulsa. Pero nung nasingil na ang Philhealth at SSS, kumita pa! Yung si Stephen naman, normal na. Masakit na. Mas masakit recently kay Kyrie, nung pumutok na yung panubigan niya, andun na kami sa lying-in clinic, hirap na hirap na siya sa sakit. Ako iniiisip ko na ipa-CS na sa ospital. Pero iniisip ko rin ang laki ng babayaran! Nung nandun na siya sa delivery room, naririnig ko yung daing niya sa sakit. Ako naman walang magawa. Kinakabahan din. Kasi anything can happen. Pero nung marinig ko na ang iyak ng baby namin, ang laki ng tuwa. Ang saya. Although hindi lahat ng nanganganak ganito ang karanasan. Merong nauuwi sa kalungkutan dahil maaaring yung baby o yung nanay ang mamatay. Pero itong pagdaraing ng nilikha ay mauuwi hindi sa kamatayan kundi sa tiyak na kapanganakan ng isang bagong mundo sa pagbabalik ni Cristo. 100 percent sure yun, hindi 50/50.
Pero hanggang ngayon nasa labor pa rin ang mundo. Humihiyaw pa rin sa delivery room. Hindi pa tapos, ang pagdaing nito ay “hanggang ngayon,” “until now.” Not yet over. But will be over when Christ returns. Kaya naman nasasabik tayo kahit na dumaraing sa mga paghihirap sa mundong ito na nararanasan din natin ngayon–tulad ng coronavirus pandemic.
Kaya dugtong ni Pablo sa v. 23, “And not only the creation…” Literally, sinasabi ni Paul, “At hindi lang yun!” Heto mas personal na sa atin. “…but we ourselves who have the firstfruits of the Spirit, groan inwardly as we wait eagerly for adoption as sons, the redemption of our bodies.” Sino daw ang dumaraing din kasama ng sangnilikha? Tayo mismo. Tayong mga Cristiano. Hindi kasali dito ang mga non-Christians. Oo dumaraing din sila, pero dahil gusto lang nilang matapos ang mga paghihirap sa mundong ito. Pero tayo, mas nararamdaman natin ang pagdaing nang matindi kasi may inaasahan tayong darating. Meron tayong preview nung future glory na yun, at nararamdaman natin ang laki ng disparity ng buhay natin ngayon sa buhay na darating. Nagkakasakit din tayo, magkaka-virus din tayo, nagugutom din tayo, dumaranas din tayo ng mga kalamidad, namamatayan din tayo.
Malinaw na mga Christians ang tinutukoy dito ni Paul kasi sinabi niya tungkol sa “we ourselves” — “who have the firstfruits of the Spirit.” Christians, hindi lang mga apostol tulad ni Pablo, hindi lang mga Christians, but all Christians. Nasa atin na ang Espiritu, at nararanasan na natin yung preview at foretaste ng buhay na nasa Espiritu. To be in the Spirit doesn’t mean to be free from sufferings. Pinadala ng Diyos ang Espiritu sa atin–nananahan sa atin (vv. 9,11)–not to shield us from sufferings but to sustain us in the midst of sufferings. At isang paraan para ma-sustain tayo ay bigyan tayo ng assurance sa katiyakan ng buhay na darating para sa atin. Kaya sabi dito ni Paul, “firstfruits” ang Holy Spirit o yung buhay na nararanasan natin ngayon being led by the Spirit. Itong firstfruits ay tumutukoy sa Jewish practice ng pagdadala ng mga naunang inani nila sa templo para ihandog sa Diyos, to signify God’s ownership of everything they have. Dito naman, isinalarawan ni Pablo ang Espiritung nasa atin bilang firstfruit, ibig sabihin, paunang handog o kaloob ng Diyos sa atin na nagbibigay katiyakan sa atin na meron pang kasunod, marami pang kasunod. “They contained the evidence and assurance of the whole harvest being secured” (Hodge, 275). Pauna lang. May kasunod pa. Garantisadong lahat ng pagpapalang nasa atin sa pakikipag-isa kay Cristo ay mapapasaatin in its fullness. Garantisado (Eph. 1:14).
That is why we cry! Kasi nasasabik tayo dun! And sometimes we express that groaning. Pero most of the time “inwardly” – di man natin i-express sa ibang tao o sa Diyos pero nararamdaman natin yun. Itong sakit na ‘to, itong mga sufferings na ‘to, itong nangyayari sa mundo ngayon, nararamdaman natin na something is wrong. Napapa-buntong hininga tayo, napapa-“haay…” sa mga nangyayari. Itong “groaning” natin ay parehas na salita ang ginamit sa “groaning” ng creation sa v. 22. Maging ang Panginoong Jesus, because he is fully human and in touch with the sufferings around him, nararamdaman din ‘to (see Mark 7:34).
Ang gusto natin ay hindi lang malampasan ang mga hirap na ‘to tulad ng mga non-Christians. Ang end goal ng minimithi natin ay ang makasama ang Panginoong Jesu-Cristo, to be in the presence of our Father in heaven forever. Dumadaing tayo kasi may hinihintay tayong pinananabikan natin. “As we wait eagerly for adoption as sons.” We are already adopted children of God, napag-aralan na natin ‘yan sa vv. 14-17. Totoong mga anak na tayo, hindi half-half pa lang, hindi probationary pa lang. Pero, yung kabuuan ng karanasan ng pagiging anak ng Diyos di pa natin nakukuha, hindi pa natin nare-realize yung kabuuuan ng status natin bilang children of God. “There is more to adoption into the heavenly family than we now experience” (Morris, 324). Kumbaga, yung mga blessings na na-eenjoy natin ngayon as children of God, hindi pa whole package yun. Buti na lang! More to come. Patikim pa lang ‘to. A greater feast awaits. Preview pa lang ‘to. Darating ang araw masisilayan natin ang kinasasabikan ng puso natin–ang makita nang mukhaan ang Panginoong Jesus.
Hindi pa lubos yung experience natin as children of God kasi hindi pa natutubos o napapalaya sa pagkakaalipin ang mga katawan natin. Spiritually speaking, malaya na tayo. Pero yung katawan natin, apektado pa rin ng sumpa ng kasalanan. Kaya nga nilinaw ni Pablo kung ano ang tinutukoy niyang “adoption as sons”–yun yung “the redemption of our bodies.” We usually use the word redemption sa spiritual aspect ng salvation natin. Pero dito ang tinutukoy niya ay ang darating na resurrection of our bodies. Hindi lang tayo kaluluwa sa kabilang buhay. Sa pagdating ni Jesus, muling bubuhayin ang mga katawan natin, pagsasamahin ulit ang kaluluwa’t katawan natin. Napag-aralan na natin ‘yan sa v. 11. ‘Yan din ang itinuturo ni Paul sa 1 Cor 15:23. 1 Thess. 4:16.
Anumang dinaraing mo sa katawan mo, yung sakit na nararamdaman mo, yung katawan mong tumatanda, humihina, nakukulubot and eventually ay mamamatay ay senyales na balang-araw babaguhing lahat ‘yan ng Diyos.
Sabi rin ni Pablo sa 2 Corinthians:
Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. 3 At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. 4 Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. 5 Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.
2 Cor. 5:2-5 ASD
Magkakaroon ng bagong langit at bagong mundo (Rev. 21:1-2). At tayong mga Cristiano ay titira doon na may bagong katawan–wala nang sakit, wala nang hirap, wala nang luha, wala nang kamatayan (21:4).
Waiting while Hoping (vv. 24-25)
Bakit ka hindi masasabik na hintayin ‘yan? Oo, mahirap ngayon. Pero tiyak ang pag-asa natin. Yun naman ang sumunod na sinabing dahilan ni Pablo kung bakit dapat nating panabikan yung future glory habang yinayakap naman natin ang mga paghihirap ngayon bilang bahagi ng plano ng Diyos para sa kanyang mga anak. “For [heto ang isa pang dahilan] in this hope we were saved. Now hope that is seen is not hope. For who hopes for what he sees? But if we hope for what we do not see, we [eagerly, CSB] wait for it with patience” (Romans 8:24-25 ESV). My translation: “Sapagkat sa pag-asang ito tayo ay naligtas. Ngunit ang pag-asang nakikita na ay hindi matatawag na pag-asa. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito’y nakikita na niya? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi pa natin nakikita, sabik na hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.”
Two verses lang ‘to pero siksik sa pag-asa! Yung “hope” (noun form “pag-asa” at verb form “aasa/umaasa”) ay apat na beses na ginamit dito ni Pablo. Yung una ay sinabi niyang, “For in this hope we were saved…” (v. 24). Yung “hope” na tinutukoy niya dito ay yung object of our hope–yung future glory, yung fullness of our status as children of God, yung resurrection natin, yung eternal life with God. Future pa yun. Meron ba tayong katiyakan na mapapasaatin yun? Yes! Kaya remarkable yung pagkakagamit ni Pablo dito nung verb na “save.” Hindi niya sinabing “we will be saved” (future tense, referring to our glorification). Hindi niya sinabing “we are being saved” (present tense, referring to our sanctification). Sabi niya, “we were saved” (past tense, sa Greek grammar aorist tense, tapos na!). ‘Yan yung “justification” natin. There is therefore now no condemnation for those who are in Christ Jesus (v. 1). Iniligtas na tayo ng Diyos at siguradong lulubusin niya ang kaligtasan natin hanggang sa dulo. He will not “undo” our being saved. Yun ang hope natin.
At kapag sinabing hope, oo nga’t tiyak na mapapasaatin at mararanasan natin, pero wala pa sa atin at sa future pa natin mararanasan. Kaya nga dugtong ni Paul sa v. 24, “…Now hope that is seen is not hope. For who hopes for what he sees?” Yung sinasabi niya dito ay hindi kumplikado. Napakasimple ng logic. Kung inaasahan mo ang asawa mo na nasa ibang bansa na makauwi na at umuwi na nga, nasa harap mo na. Aasahan mo pa ba? Hindi na kasi nakikita mo na. Kung inaasahan natin na dumating ang araw na magkita-kita at magkasama-sama ulit tayo as a church family, tapos next Sunday nangyari na, nandun ka na sa gathering natin sa worship service, wala na sa Zoom. Aasahan mo pa ba kung nararanasan mo na? The answer is obvious. Madali sa paliwanag, madaling intindihin, pero in real life mahirap. Mahirap mangulila sa pamilya. Mahirap dumanas ng pagkakasakit. Mahirap mamatayan ng mahal sa buhay. Mahirap tamaan ng krisis sa pinansiyal. Gusto natin matapos na agad-agad. Pero ang katiyakan nating mga Cristiano ay wala dun sa immediate relief o comfort na ineexpect natin, kundi nandun sa future glory na inaasahan natin.
Ito ang kaibahan nating mga Cristiano sa pagharap sa krisis tulad ng coronavirus pandemic. Hindi tayo umaasa sa pwede nating makita ngayon sa plano at istratehiya ng gobyerno, sa pakikiisa ng mga tao, sa pagkakadiskubre ng vaccine. Umaasa tayo sa hindi natin nakikita.
Sasabihan tayo ng mga tao na parang hibang, na parang umaasa sa wala. Pero alam nating meron. Kasi yun ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Kasi yun ang totoo. Kasi hindi siya nagsisinungaling. Kaya kahit di natin nakikita, naniniwala tayong totoong mangyayari. Minsan nakakakaba kasi di mo pa nakikita, minsan may pagdududa. Pero merong pananabik, excitement na marealize. Wag tayong panghinaan ng loob, mga kapatid.
Kaya’t hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya’t ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
2 Cor. 4:16-18 MBB
Ang pananampalatayang meron tayo ay may kakabit na pag-asa. “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita” (Heb. 11:1). Kaya sinabi ni Pablo sa last verse ng text natin ngayon, “But if we hope for what we do not see, we (eagerly) wait for it with patience” (Rom. 8:25). Kung ang inaasahan natin ay hindi pa natin nakikita, at matagal pa nating makikita, hindi lang tayo nasasabik maghintay. Kasi kung hanggang sabik lang, maiinip ka kapag tumagal at humirap pa ang sitwasyon. Kaya sabi niya dito, we eagerly wait for it with patience. Mas tumpak yung translation na “endurance” o perseverance (yun naman ang pagkakasalin sa Rom. 5:3, “suffering produces endurance”). So, ang paghihintay natin ay hindi lang may pananabik, meron ding pagtitiyaga. Hindi kasi ito panandalian lang, kailangan natin ng pangmatagalan, yung matibay sa paghihintay. Ito yung “steadfastness of hope” na tinutukoy ni Pablo sa 1 Thess 1:3. Ito yung tatag ng taong isinasalarawan sa Psa. 112:6-8:
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan at hindi siya makakalimutan magpakailanman. Hindi siya matatakot sa masamang balita, dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon. Hindi siya matatakot o maguguluhan, dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban. (ASD).
Mangyayari lang ‘to sa atin kung sa salita ng Diyos tayo umaasa. “Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo, at umaasa sa inyong mga salita” (Psa 130:5 ASD).
Sabik tayo sa paghihintay. Dumaraing, yes. Pero may pag-asa. Tiyak na pag-asa. Kaya hindi lang sabik ang paghihintay natin, may pagtitiyaga rin. Paano kung sabik lang, wala namang pagtitiyaga? Halimbawa, may ayuda si Mayor. Isang kilong bigas, at isang lata ng sardinas sa bawat pamilya. Pero pipila ka, at pang-500 ka sa pila, nakabilad pa sa init, di mo pa sigurado kung may matitira pa sa ‘yo. Nasabik ka nung una kasi libre. Pero nung nahirapan na, nangawit na, napagodd na, ayoko na, sa inyo na lang ‘yan! Pero Pero paano kung 100,000 pesos ang pipilahan mo? Kahit magutom ka, kahit mapuyat ka, kahit mabilad ka sa araw, sige! titiyagain ko yan! At kung alam lang natin ang buhay sa presensiya ng Diyos na nakalaan sa atin na higit pa sa anumang kayamanan at karangyaan sa mundong ito, anumang hirap titiyagain din natin.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito’y nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. 5 At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.
Rom 5:3-5 MBB
Conclusion
So, kung ikaw, wala kang masyadong dinaraing ngayon. Maybe kumportable ang buhay mo kahit hirap na hirap ang mga tao sa paligid mo. Look at the world around you. Tingnan mo ang daming nagdurusa, ang daming mali sa mundong ito, ang daming kailangang ayusin. And also look at yourself. Tingnan mo ang puso mo na nahuhumaling pa rin sa kasalanan, nakatali sa mga bagay sa mundong ito. Hindi ka dumaraing kasi baka dinedeny mo lang o itinatago o pinagtatakpan ang sakit na nararamdaman mo. Pero dapat mong harapin yan. Kaya siguro di ka rin nasasabik sa pagdating ni Cristo. Masyadong nakatali ang puso mo sa mga bagay na inaalok ng mundong ito. Gumising ka, kapatid. Lahat ng kinakapitan mo ngayon maliban kay Cristo ay maglalahong parang bula. Madidismaya ka rin. Sigurdao yun.
At sa ‘yo naman, kapatid, na ang daming dinaraing, hirap na hirap sa kalagayan ngayon, feeling mo wala nang pag-asa. Wag mo lang tingnan ang mga nangyayari sa paligid mo at sa buhay mo. Lalo namang wag mong titigan. Tumingala ka. Tanawin mo ang buhay na nakalaan sa ‘yo bilang isa sa mga anak ng Diyos dahil sa pakikipag-isa mo kay Cristo. Kasabikan mo ang araw na yun. Marami kang bad news maririnig araw-araw. Pakinggan mo ang good news ng salita ng Diyos para sa ‘yo araw-araw. Wag mong ilagak ang tiwala mo sa mundong ito–sa mga tao at bagay sa mundong ito. Put your hope in God. Hindi ka niya bibiguin. Promise niya ‘yan. Wala pang pumalya kahit isa man lang sa mga salitang binitiwan niya. Panghawakan mo ‘yan. Higpitan mo ang hawak. Wag kang bibitaw. Dahil di ka naman niya bibitawan.