Sa previous post ko, I noted na isa sa mga ikinatutuwa natin sa krisis na nararanasan natin ngayon ay ang pag-spread ng word of God. Pero sa pag-spread ng word of God, kasama din diyan ang pag-spread ng mga false teachings about Christian suffering. And that is a valid cause for concern din naman. Maiintindihan pa natin kung yung mga non-Christians ay merong wrong beliefs and responses sa suffering. Pero kung galing na sa mga professing Christians, at lalo pa kung mga pastors and Bible teachers ang pinagmumulan nito, di natin ‘yan pwedeng basta-basta lang na isantabi.
Parehong Christians at non-Christians ang nakakaranas ng adverse effects ng coronavirus. Pero dapat iba sa kanila ang responses natin – deeper trust in God and more love for our neighbors. Merong ilang mga various reasons kung bakit sa halip na maging iba ang response natin, nagiging pareho lang din nila ang approach natin about suffering and evil. Merong five reasons na binanggit si D. A. Carson sa book niya na How Long, O Lord?: Reflections on Suffering and Evil, pages 25-27. I will closely follow his flow of thought here.
1) We may get the balance of Scripture wrong.
Hindi nagiging balanse ang pagbabasa natin ng Bibliya. Mas naaalala natin yung mga wonderful triumphs nina Joseph, Gideon at David. Mas madalas tayong mag-meditate sa miraculous healing ng lalaking ipinanganak na bulag o sa resurrection ni Lazarus. Pero hindi natural sa atin na pagtuunan ng atensyon for reflection ang mga sufferings ni Jeremiah, yung constant ailments ni Timothy, o yung thorn in the flesh ni Paul. Merong isang righteous man tulad ni Naboth na namatay dahil sa maling paratang sa kanya (1 Kings 21). The “good guys” do not always win.
Kung di tayo maingat na tingnan ang balanced approach ng Scripture, “we may be infected by a pious version of the raw triumphalism that prevails in much of the surrounding culture.”
2) We may succumb to the crush of the urgent.
Nagmamadali kasi tayo. Gusto natin “instant.” Inaakala nating kung sosolusyunan ng Diyos ang mga sufferings natin, kailangang gawin na niya agad. Kung meron mang delay, akala nating parang sumisira si Lord sa mga promises niya. We live in a fast-paced world, at gusto nating mag-respond ang Diyos na kasing efficient ng mga high-speed computers. Hindi natural sa atin na pag-isipang mabuti ang tungkol sa mga delays na nakasulat sa Scripture, tulad ng 40 years ni Moses sa wilderness, ng 20 or more years bago yung vindication ni Joseph, pati yung iyak at daing ng mga “saints under the altar” (Rev. 6:9-10).
Pero di mo pwedeng limitahan ang Diyos ng mga petty timetables natin. Committed siya na gawin ang lahat for our good, at mas alam niya na ang mga delays are not always bad. At kung sa pagtagal-tagal pa natin sa Christian life, matututunan din natin yung lesson na ‘yan – mas nagkakaroon tayo ng longer perspective sa buhay at maa-appreciate na “God’s timing is best.” Tapos magtataka na tayo sa kawalan natin ng pasensya. Para tayong mga batang tuwing magrerequest na lang ay palaging may nakasunod na “Ngayon na!”
3) Some of us thoroughly misunderstand a number of important texts.
Ang ilan sa atin ay may malaking misunderstanding sa ilan sa mga mahahalagang talata sa Bibliya. Tulad na lang ng Romans 8:28. Sabi dun, “And we know that in all things God works for the good of those who love him, who have been called according to his purpose.” Kung ang interpretation natin dun sa “the good of those who love him” ay selfish at materialistic, maling-mali ang kakalabasang point ng passage na yun. Sa konteksto nun, yung mga bad things of the world ang nararanasan ng mga anak ng Diyos, kasali yun sa groaning ng buong creation ni God (8:22ff), at mas pinatindi pa ng persecution na nararanasan ng mga Christians (8:35ff).
So, ang promise ng passage na yun para sa atin ay yung mabigyan tayo ng assurance na ang Diyos ay gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya. At dapat nating panghawakan ang pangakong yun by faith – yung faith na pinalakas dahil sa katibayang ibinigay na ng Diyos tungkol sa kanyang pag-ibig sa atin. Ipinagkaloob na niya sa atin ang Anak niya, wala nang pruweba pa na mas hihigit dun. Walang anuman sa Romans 8:28 ang nagbibigay sa atin ng promise na magiging madali ang buhay natin, o kaya ay makakatakas tayo agad sa mga idinadaing natin na siya rin namang idinadaing ng buong nilikha ng Diyos.
4) Some of us have absorbed a form of theology with all the answers.
Ang ilan sa atin ay merong “form of theology” na para bang nasa atin na ang lahat ng sagot. Pwede tayong mag-offer ng mga standard answers sa bawat problemang darating, lalo na kung yung problemang yun ay problema ng ibang tao. Masyado tayong sure sa “certainty and dogmatism” natin, masyadong well articulated yung systematic theology natin, na parang wala na tayong space na inilalaan “for mystery, awe, unknowns.”
Kaya namam, kung tayo na ang naharap sa isang matinding trahedya, at yung mga certainties na pinanghahawakan natin with confidence ay kakaunting relief na lang ang ibinibigay sa atin, mas magiging depress tayo. As a result, pwedeng simulan nating kuwestyunin yung mga “most basic elements of our faith.” Kung ma-recognized lang natin sana na kasama sa mga great certainties natin yung mga great gaps sa pagkakaunawa natin, di tayo masyadong madidismaya kung mapatunayan nating di sapat yung mga “mere certainties” na yun sa oras na kailangang-kailangan natin. Kaya naman mahalagang makapag-decide tayo kung nasaan ang mga mysteries (yung mga nananatiling hiwaga sa atin) at kung nasaan yung mga certainties (yung mga sure o tiyak na mapanghahawakan natin).
Kung ang Christianity natin ay puro lang certainties, magiging mayabang tayo at arogante, matigas at di papatalo kahit nasa mali na. At mas malala pa kung magiging dahilan ‘to para mas maging prone tayong pagdudahan ang pananampalataya natin kung dumating yung mga unexpected sufferings.
Para bang yung Diyos ng ganung klaseng Christianity ay hindi big enough para mapagkatiwalaan natin kapag hanggang leeg na ang pagkakalugmok mo sa pighati at kabiguan. Ganun din naman kung ang Christianity mo ay puro mystery na lang at wala ka nang sure na mai-proclaim sa iba, at parang wala nang ipinagkaiba ang faith mo sa mga taong walang sure na pinaniniwalaan. So kailangang bigyang-diin natin na merong mga bagay na dapat maging firm points of assurance nating mga Christians, at magkaroon din naman tayo ng kaunting mga reflections sa “deep mysteries” of our faith.
5) Above all, many of us have not adequately reflected on the cross.
Higit sa lahat, marami sa atin ang hindi nagkaroon ng sapat na reflection sa krus ni Cristo, sa message of the gospel. Iniisip lang natin na ang krus ang paraan ng kaligtasan natin; di natin pinag-iisipang mabuti kung ano ang meaning ng “take up your cross and die daily”, pati yung “fill up the sufferings of Christ.” Dahil dito at sa iba pang reasons tayong mga Christians ay nagrerespond sa suffering and pain na tulad lang din ng mga taong di naniniwala sa Diyos. Dapat gumawa tayo ng mga hakbang para ma-overcome yung ignorance natin ng salita ng Diyos patungkol sa mga bagay na ‘to, at tanggalin na yung kayabangang ipinapakita natin na nagsa-suggest na parang bang dapat ay exempted tayo sa mga sufferings.
Kaya nga, napakahalaga na rooted and anchored tayo sa gospel when we reflect on suffering and evil. Dapat tanungin natin yung question na, “Ano ang kinalaman ng gospel sa mga nangyayari sa buhay natin ngayon, sa mga nangyayari sa buong mundo?” Any answer to our problem of suffering na hindi nakasentro sa krus ni Cristo ay insufficient. Sabi ni D. A. Carson, “From any Christian perspective, our theoretical and practical approach to evil and suffering must fasten on the cross, or we are bound to take a false step” (p. 35).
So, di man natin masagot lahat ng tanong about suffering, basta pinag-aaralan nating mabuti ang salita ng Diyos, at nananatiling naka-focus tayo sa ginawa ni Cristo sa krus, we are in the right direction.