Part 10 – Grace When Marriage is Hard (3:1-7)

listen on audiomack  |  download mp3

Nandito na tayo sa section ng 1 Peter na talagang binibigyang diin kung paano tayo magrerespond when life is hard. At karaniwan naman na ang kahirapang nararanasan natin ay dulot din ng kasamaan na nasa puso natin (2:11). At itong kasalanang ito ang nasa puso ng lahat ng tao kaya nahihirapan tayo sa relasyon natin sa mga tao sa mundong ito. At kaya “Grace When Life is Hard” ang title ng series natin ay para alalahanin natin na sa biyaya lang (by grace) kaya tayo naligtas. God treated us by his grace, not according to what we deserve. Siyempre, merong place for justice, pero ipapaubaya natin yun sa tamang awtoridad, lalo na sa Diyos as our highest authority.

But in our relationship with other people, it must be generally characterized by grace. Kahit sa mundo na puno ng kasamaan, dapat tayong magpatuloy sa paggawa ng kabutihan (2:12). Kahit sa gobyerno na puno ng kasamaan, dapat tayong magpatuloy sa paggawa ng kabutihan, bilang mabuting mamamayan (2:13-17). Kahit na ang pinagtatrabahuhan ninyo ay puno ng kasamaan, dapat kayong magpatuloy sa paggawa ng kabutihan (2:18). Ang ugat ng lahat ng ito ay ang mabuting balita ng ginawa ni Cristo sa krus para sa atin (2:19-25). He suffered the condemnation he doesn’t deserve to give us the salvation we don’t deserve.

Dito naman sa text natin ngayon sa 3:1-7, grace hits closer to home. Kung ang calling nga ni Lord sa atin ay to respond in grace sa ibang tao, paano pa kaya sa sarili nating asawa, na ating “kabiyak,” na one flesh with us? Kahit na ang ating asawa ay mahirap pakisamahan, dapat tayong magpatuloy sa paggawa sa kanya ng kabutihan. So obviously, this text is for those who are married. Particularly, kung ang asawa mo ay hindi believer, mas mahirap pakisamahan ‘yan. At kahit believer pa ang asawa mo, may mga times na hirap pa rin tayo sa isa’t isa. Kung ikaw naman ay hiwalay sa asawa, sana ang mensaheng ito ay magpaalala sa ‘yo ng mga dapat mong ihingi ng tawad sa Diyos sa mga many ways you failed to respond with grace sa asawa mo. At magpatawad din naman sa mga many ways na yung asawa mo ay nagkulang sa iyo. At kung meron kang karelasyon ngayon, may it help you re-evaluate your relationship in light of God’s Word.

At para sa singles, wala pang asawa, o wala nang asawa, whether you will get married in the future or not, sana makita n’yo rin ang message na ‘to na kahit hindi personally applicable sa ‘yo, makita mo na you are part of this church and you have a responsibility para maipagpray at matulungan sa iba’t ibang paraan ang mga may-asawa. We are a church family, so we help each other when marriage is hard. (If you want to learn mo about marriage, singleness and relationships, search for our last year’s sermon series #MayForever)

Dito sa text natin, yung first six verses tungkol sa gagawin ng babae, isang verse lang sa lalaki. Hmmm…bakit kaya mas mahaba yung sa babae? Siguro mas kailangang sermonan at mas mahirap umintindi ang mga babae (tama, mga lalaki?). Maybe not. May mga times nga na mas mahirap tayong umintindi (right, mga babae?). This is situational. Mas concern kasi si Peter sa kalagayan ng mga babae sa church na married sa unbelievers. Their marriage was really difficult. Pag lalaki kasi, karaniwan kasama ang asawa sa church, though hindi naman lahat. Contextual din. Kasi ang gustong ihighlight ni Peter ay yung humble submission, na una na niyang nadiscuss sa mga naunang verses.

Wives (3:1-6)

Unahin natin ang utos sa mga asawang babae. Dito sa verses 1-6, sinasabi ng salita ng Diyos sa mga asawang babae: Kahit na ang iyong asawa ay mahirap pakisamahan, magpatuloy ka sa paggawa sa kanya ng kabutihan. Ano yung kabutihan na ‘to? Verse 1, “Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo…” (ASD). Ibig sabihin ng “magpasakop” ay ipailalim ang sarili sa pamamahala, authority, o leadership ng lalaki. Obviously, God designed men and women as equal in his image (Gen. 1:26), but different in leadership roles. Ang lalaki ang nasa authority, siya ang nangunguna, siya ang nasusunod; babae ang sumusunod sa kanyang pangunguna, except of course sa mga cases na hindi ayon sa kalooban ng Diyos. Especially dito sa case na ‘to na karamihan ng asawang lalaki ay unbelievers. Kung pinagbabawalan kang sumamba sa Panginoon o sumunod sa mga utos niya, your primary allegiance is to God. And be ready to suffer the consequences of obeying God rather than your husband.

Itong principle of “submission” din ang emphasis ni Peter sa relasyon natin sa gobyerno ay citizens (2:13), sa relasyon ng empleyado sa kanyang amo (2:18). The issue is not if the one in authority is worthy of respect and honor, but God’s design. Wives submit not only in times na okay and loving ang asawa, but in everything. At kung mapapansin n’yo, everytime na may command ang Diyos sa mga babae sa relasyon nila sa asawa, it is always about humble, respectful submission. “Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon” (Eph. 5:22 MBB). “…mga babae, igalang naman ninyo ang inyong asawa” (v. 33). “Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon” (Col. 3:18). Hindi lang dahil kayong mga babae ay hirap na hirap magpasakop, although that is true. At tayo namang mga lalaki ay mas pinahihirapan pa sila, sa halip na maging madali sa kanila ang mag-submit sa atin.

Ang isyu kasi dito ay kalooban ng Panginoon. This is not about what the woman wants, or what the man wants, but what God wills. Bakit ito ang gusto niya? Peter gives three reasons.

Una, the attractive power of humble submission (nakapang-aakit na kapangyarihan) (vv. 1-2). “…upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita. Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Dios at malinis ang pamumuhay ninyo” (v. 2). Naniniwala tayo siyempre na yung gospel is the only power of God for salvation (Rom. 1:16). Kailangang marinig yun for your spiritually dead husband to be raised to new life in Christ (1 Pet. 1:23, 25). Pero may mga times na sa kasasalita ng isang babae sa kanyang asawa, kahit na mabuting balita pa ang sinasabi niya, masakit sa pandinig ng asawa. Lalo na kung hindi nakikita ang mabuting bunga ng mabuting balita sa asawa niya.

So, mga asawang babae, don’t underestimate the attractive power of humble submission. In harmony ito sa turo ni Cristo sa Matthew 5:16, “Let your light shine before men that they may see your good deeds and glorify your Father in heaven.” Pati sa napag-aralan na natin sa 1 Peter 2:12, “Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating niya.” Kung gagawan mo ng mabuti ang mga taong masama sa iyo para makakilala sa Panginoon, how much more para sa asawa mo. There are times na maganda ang ugali mo, mabait ka sa ibang tao, pero sa asawa mo, masakit kang magsalita, disrespectful and arrogant. Tandaan mo, you humbly submit because you are a servant of the gospel. Gawin mo ang lahat ng dapat gawin para makita ng asawa mo (at ng ibang tao) na good news talaga ‘yang gospel na ‘yan. Yes, hindi guarantee na magiging Christian ang asawa mo, kahit na sa humble submission mo. But maybe magkaroon ng greater possibility,

Ikalawa, the unfading beauty of humble submission (di kumukupas na kagandahan) (vv. 3-4). “Kung gusto ninyong maging maganda…” (v. 3). Wala namang masamang gustuhing maging maganda. Alangan naman, kung gusto n’yong maging pangit. The desire to be beautiful ay Diyos din naman ang naglagay niyan sa puso n’yo. Women are created in the image of God, to reflect God’s beauty. Kaso nga lang, because the fall, ang focus ng maraming babae ay sa panlabas na kagandahan. Kaya sabi ni Pedro, “…huwag sa panlabas lang tulad ng pag-aayos nʼyo ng buhok na nilalagyan ng mamahaling alahas, at pagsusuot ng mamahaling damit.” Wala namang masamang magparebond, o mag-alahas, o magsuot ng magandang damit. But if you are spending a lot of money, a lot of time in the mirror, and a lot of your worries and anxieties for the way you look in front of people, you have misplaced priorities.

That’s why Peter was talking about humble submission. To focus your attention na mas mahalaga sa lahat, mas maaattract ang asawa ninyo not sa outward beauty but sa unfading inward beauty of your humble and respectful submission. Verse 4, “Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinhin kayo at maging mabait.” Kahit anong pagpapaganda at pagpapasexy ang gawin n’yo to look attractive, magiging 60 or 70 years old ka rin and you won’t look as beautiful when you were 25. Kaya sa halip na tingin ka ng tingin sa salamin, spend more time looking at the mirror of God’s Word. Sa halip na isip ka ng isip sa ipapalamuti sa katawan mo, pay more attention to how you will “adorn” the gospel in your life. Sinasabi mong Magandang Balita ang gospel, maganda rin ba ang pananalita mo, pag-uugali, paggalang, paglilingkod sa asawa mo?

Maybe, lalo na kung non-Christian ang asawa mo, hindi pa rin maging attractive or beautiful sa kanya ang ginagawa mo. Pero ang pinakamahalaga, kung ano ang nakikita ng Diyos sa ‘yo. He does not look at outward appearance, he looks at the heart” (1 Samuel 16:7). “Ito ang mahalaga sa paningin ng Dios” (1 Pet. 3:4), very precious (ESV). This humble submission is “fitting in the Lord” (Col. 3:18).

Ikatlo, the hopeful confidence of humble submission (umaasang pagtitiwala) (vv. 5-6). Kung di ka nagpapasakop sa asawa mo, ipinapakita mo na ang tiwala mo ay nasa kanya because he is not fulfilling what you expect him to be or to do for you. Pero kung nagpapasakop ka kahit na di siya Christian, or kung Christian man ay may mga times na di maganda ang trato sa ‘yo, you are demonstrating na ang pag-asa mo ay nasa Diyos, wala sa asawa mo. Kaya sabi ni Pedro sa verse 5, “Iyan ang kagandahang ipinakita ng mga banal na babaing umasa sa Diyos noong unang panahon. Sila’y nagpasakop sa kanilang mga asawa” (v. 5 MBB). I used yung MBB translation kasi for some weird reason wala sa ASD yung “hoped in God” (ESV).

Ginawa niyang halimbawa si Sara na asawa ni Abraham. Though of course she’s not a perfect example kasi may time na parang naging “boss” siya at siya pa ang nagsuggest na sipingan ni Abraham si Hagar, para magkaroon sila ng anak. Na sa instance na ‘yo ipinakita niyang nasa tao ang tiwala niya at wala sa pangako ng Diyos. Pero dito sa verse 6, ipinakita niya na ang general disposition ng heart ni Sarah sa kanyang asawa ay that of humble submission. “Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham.” You can see that sa Genesis 18:12. Wag n’yo namang tawaging “panginoon” ang asawa n’yo. What is more important here ay yung damdamin na ibinababa n’yo ang sarili n’yo para sumunod sa pangunguna ng asawa.

Like mother, like daughter. “…Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.” Yes, ang iba sa inyo ay natatakot sa magiging resulta ng submission. Risky, yes. Pwedeng madala mo siya sa Panginoon, o pwedeng hindi. “Baka abusuhin ng asawa ko. Baka lalo akong pagmalupitan.” You don’t need to fear the results of your submission. Hindi mo hawak yun. Hawak ng Diyos ang puso ng asawa mo. Hawak ng Diyos ang buhay mo. Trust him. Put your hope in him, not in your husband.

Mga asawang babae, pagsikapan ninyong gawan ng mabuti ang asawa n’yo in humble submission. Dahil gusto mo siyang madala sa Panginoon, dahil ito ay mahalaga sa paningin ng Panginoon, at dahil ang pag-asa mo ay nasa Panginoon.

Husbands (3:7)

At para naman sa mga lalaki na narito na hindi believer ang asawa, love your wife tulad ng pagmamahal ni Cristo. Mahalin mo ang asawa mo kahit na mahirap mahalin. This is the love of God for us. Usually, kapag husbands ang kausap, ganito ang utos ng Diyos, “Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa…” (Eph. 5:25 ASD). “Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya” (v. 28). “Kaya’t kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili” (v. 33). “Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan” (Col. 3:19).

Pero dito sa 1 Peter iba ang focus, “Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa…” (v. 7 MBB). Kahit mahirap pakisamahan o pakitunguhan ang asawa natin, unbeliever man o believer na mahirap pa rin, magpatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kabutihan para sa kanila. Ang focus ay tungkol mas malawak na pang-unawa (“in an understanding way” sa ESV), pagpapasensya, at pagtitiis. This is also an expression of love. Doon naman nasusubok ang pagmamahal. Hindi kapag okay ang finances, hindi kapag okay si misis. Nasusubok ang tunay na pagmamahal sa mga panahon ng suffering or conflicts sa marriage. Kung moody si misis. Kung nagging si misis. Kung lagi ka na lang pinaglalaba ni misis. Kung lumalabas ang mga selfish tendencies niya, kung nasasapul tayo ng mga immaturities niya. We reflect the love of Christ by understianding them, being patient with them, and serving them.

Kahit isang verse lang ‘to, nagbigay siya ng tatlong reasons why. Una, “sapagkat sila’y mas mahina.” Sa ESV, “weaker vessel” ang mga babae. Although in some intances, “weaker” ang mga babae in their spiritual maturity. Pero in many cases sa church natin, baka yung ibang babae pa ang mas mature. Dito sa verse na ‘to, malamang na tumutukoy sa physical strength. Mas malakas ang mga lalaki generally speaking. At tayong mga lalaki, kaya natin sila i-dominate physically, saktan physically, abuse emotionally, and use to satisfy our sexual desires. But that is not the right way of using our strength. God designed our masculine strength to complement feminine weakness. At may mga strengths din naman ang mga babae na designed by God as “our helper,” to help meet our weaknesses. So, kahit sa mga times na we don’t feel like loving and serving our wives, o clueless tayo how to do that, tanungin natin sila, “How can I serve you today? How can I help you? How can I ease your burden?”

Ikalawa, “at tulad ninyo’y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos.” Sa ESV, “heirs with you of the grace of life.” Ikaw na lalaki na believer, you received grace from God. Yung asawa mo, kung believer din, same grace ang tinanggap. And we are still both awaiting yung mana na tatanggapin natin sa pagbabalik ni Cristo. Now, this is only true kung ang asawa mo ay Christian din. Pero kung hindi, you are life-bound, ang asawa mo death-bound. Ikaw heaven-bound, siya hell-bound. Think about eternal realities in your marriage. That is why ayaw na ayaw ng Diyos sa isang Christian na mag-aasawa ng non-Christian. So, para sa atin na mga lalaki, kahit na Christian ang asawa natin, may mga ugali pa rin ‘yan na parang non-Christian (tayo rin naman, di ba?). Uunawain natin sila kasi kapatid din natin sila kay Cristo. Sa church nga we love one another, sa bahay pa kaya? And sometimes, we are kinder, nicer, and spending more time to serve people in our church kaysa sa asawa natin. Don’t forget that your wife is also your sister.

Ikatlo, “Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.” For the sake of our prayers. Ibig palang sabihin, kung malupit o salbahe tayo sa asawa natin, or we fail to love them, hindi sasagutin ni Lord ang prayers natin. “Kung sa kasalanan ako’y magpatuloy, di sana ako dininig ng ating Panginoon” (Psa. 66:18). At kasalanan ang hindi magmahal sa ating asawa. Kung sinasabi nating mahal natin ang Diyos pero di natin minamahal ang asawa natin, what’s the point of us praying to God? Kung si Lord kinakausap natin, ang asawa natin hindi, our problem is not just horizontal but also vertical (see 1 John 4:19-21). We are praying for breakthroughs para sa family natin, para sa church, para sa church planting. Maybe, just maybe I’m not sure, isa sa mga reasons na God is not yet answering our prayers is because many of us husbands are not intimate with our wives – physically, emotionally and spiritually. Yun naman ang point ng prayer, intimacy with God. And that intimacy is reflected sa intimacy natin sa asawa.

Sa mga babae naman, may mga times na ikaw ang parang stronger. Mas masipag magtrabaho, mas maabilidad, mas marunong, mas masipag sa ministry, mas mature spiritually. If that is the case, this verse is also for you. Lawakan mo rin ang pang-unawa mo sa asawa mo. Be patient with him. He might be “weaker” in some aspects, but he is also your brother. Tulungan mo siya. Hikayatin mo siyang maconnect sa ibang mga lalaki so that he will mature sa leadership niya sa family. And invite him to pray together, hanggang dumating yung time na siya na ang maglilead sa prayer times n’yo.

Conclusion

Kahit na ang ating asawa ay mahirap pakisamahan, dapat tayong magpatuloy sa paggawa sa kanya ng kabutihan. That is grace even when marriage is hard. And it will always be hard, unbeliever man o believer ang asawa natin. So we need more of his grace to help us. And that grace is Jesus. Mga asawang babae, you submit ultimately to your Husband (capital H) Jesus. Nagsa-submit ka sa asawa mo kasi gusto mo silang madala kay Cristo. Secondary lang ang intimacy sa marriage n’yo. At ito ay precious in the sight of God, kasi you are in Jesus. Ipinapakita mo na ang tiwala mo ay nasa Diyos and our hope is the coming of Jesus.

Para naman sa ating mga lalaki, inuunawa natin ang asawa natin kasi Jesus is the Truth, he is our Wisdom. Sila man yung weaker vessel, we show them na Jesus is our Strength in our weakness. At ang asawa natin, kung believer sila, ay fellow heirs with Christ. Jesus is our inheritance (Rom. 8:17). And our sufferings today sa marriage are not worth comparing with the glory that will be revealed to us (Rom 8:18), sa pagbabalik ni Jesus. At ang mga prayers natin for our marriage, our family, for our church and for the lost are all answered by God not because of our own goodness, but in the name of Jesus. Gaano man ka-imperfect, ka-messy ang relasyon natin sa ating asawa, we cling to Jesus’ perfect love for us his Church, his Bride (Eph. 5:25).

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.