Grabe ang mga kasamaang nangyayari sa paligid natin. Maganda nga na maraming sumusuko na mga drug addicts at pushers, pero makikita nating talamak na talaga ang droga at ang masamang epekto nito sa lipunan natin. Ang daming patayan araw-araw, at iba pang mga krimen. Maraming kaso ng rape, sex trafficking, pati mga bata nabibiktima. Grabe rin ang kasamaang nangyayari sa mundo natin. Ang daming balita tungkol sa terrorism, tulad ng kasamaan ng mga miyembro ng ISIS. Grabe na, pero di na bago iyan, lumang tugtugin na ‘to.
Isa sa pinakaimportanteng siyudad sa Assyria ang Nineveh, 120,000 ang nakatira, 7.5 square kilometers lang ang laki, so hindi kalakihan, malaki pa ang Baliwag. Pero kalakihan ang kasamaan, grabe. Idol worshipers, sumasamba kay Asur at Ishtar, ang kanilang chief male and female gods. Rebelde sila sa Diyos. Sukdulan ang kasamaan, abot hanggang langit. Kaya hindi yan papalampasin ng Diyos.
Ang Utos ng Diyos kay Jonah
Sa aklat ni Jonah nakasulat kung ano ang gagawin ng Diyos sa kanila. Isa ito sa 12 minor prophets sa Bible, pero di tulad ng ibang prophetic books na nakafocus sa message, dito ang focus ay sa buhay ng messenger. Heto ang simula: Nagsalita ang Panginoon kay Jonas na anak ni Amitai. Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod (politically, not geographically), at bigyan mo ng babala ang mga taga-roon, dahil umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasamaan” (1:1-2 ASD).
Dati pa namang alam ng Diyos ang kasamaan nila. Hindi ibig sabihing ngayong lang niya nalaman. Ibig sabihin, umabot na sa sukdulan ang kasamaan nila. Gusto ng Diyos bigyan sila ng warning. Kapag di sila nagbago, paparusahan sila ng Diyos. Bad news, yes. Pero may good news. Sa chapter 3, ang message ng Diyos sa kanila ay 40 days pa bago sila tuluyang wasakin ng Diyos (3:4). Kapag hindi sila sumuko, shoot to kill ang order ng Diyos. Pero may good news, kasi may palugit. Kasi may chance sila na sumurrender sa Diyos at magbagong buhay. God is “…patient toward you, not wishing that any should perish, but that all should reach repentance” (2 Peter 3:9).
Maawain ang Diyos. Oo may parusa sa kasalanan. Pero ang nais niya ay magsisi tayo at magbalik loob sa kanya. Yan ang gusto niyang malaman ng mga taga-Nineveh. Pero hindi siya ang magsasabi, bagamat ginagawa rin niya iyon. Hindi rin mga angels, bagamat messenger din sila ng good news. Si Jonah ang gusto niyang magsabi nun sa kanila. Si Jonah, anak ni Amittai. Si Jonah, isang propeta, kilalang propeta na sa panahon ni Jeroboam II. Sabi niya sa kanya, “Arise, go…” Tumayo ka, bumangon ka, dali, puntahan mo sila.” Sila, na ibang lahi. Sila na kaaway n’yo. Sila na nararapat lamang na parusahan.
Kung tutuusin, hindi lang naman ito ang calling ng Diyos kay Jonah. Para ito sa Israel. Pinili ng Diyos at iniligtas ang Israel para maging tagapamagitan ng Diyos sa mga bansa, kingdom of priests (Exod. 19:4-6). At ito ay nakaugat sa layunin ng Diyos kay Abraham, ang ama ng mga Israelita, na siya’y pagpapalain ng Diyos para maging pagpapala sa lahat ng mga bansa, hindi lamang sa bansang Israel. At hindi ba’t ito rin ang calling ng Diyos sa atin na mga disciples ng Panginoong Jesus. Arise, go and make disciples of all nations (Matt. 28:19). Masama ang nangyayari sa paligid natin, kaya dadalin natin ang mabuting balita sa kanila. Sa kapitbahay natin hanggang sa ibang lahi.
Alam natin iyan, malinaw iyan ang utos ng Diyos sa atin. Pero how do we respond to that? Ang bansang Israel paano nagrespond sa misyon nila? Si Jonah, paano nagrespond sa misyon na bigay ng Diyos kanya?
Ang Pagtakas ni Jonah
Si Jonah ay taga Gathheper, sa may Galilee. Pagkarinig niya ng utos ng Diyos sa kanya, bangon agad, nagrespond agad. At sinubukang takasan ang presensiya ng Diyos. As if possible yun. Sumukay siya ng bus, deluxe aircon, nagpunta sa pier ng Joppa (parang sa Batangas), bumili ng ticket, suite accomodation, at sumakay sa barkong biyaheng Tarshish. Teka, sabi ni Lord pumunta ka sa Nineveh, nasa East yun. Bakit sa Tarshish na nasa kabilang dulo sa West? Ay, naligaw, nagkamali? Hindi! Kasi tumatakas palayo sa kalooban ng Diyos. Si Jonah na propeta, inutusan ng Diyos, tumakas, tumakbo palayo, sumuway sa Diyos. Ang pasaway na propeta, bow.
Ouch, parang tayo din. Sabi ni Lord pumunta ka sa China, sabi mo, sa Baliwag na lang, o kaya sa Davao. Sabi ni Lord puntahan mo mga Muslim, sabi mo, wag na lang. Sabi ni Lord kausapin mo ang kaaway mo, sabi mo wag na lang. Sabi ni Lord gastusan mo ang misyon, sabi mo pambili ko na lang ‘to ng iPhone. Sabi ni Lord maglaan ka ng prayer para sa mga ISIS, sabi mo bwisit sila.
Wala bang pera si Jonah? Meron. Wala ba siyang time? Meron. Busy ba siya? Yun nga ang calling niya. Maysakit ba siya? Malakas naman. Wala ba siyang experience? Hindi siguro. Ang problema natin sumusuway tayo at ayaw nating maranasan ang nasa malapit na presensiya ng Diyos. Tsk.
Ano kaya ang gagawin ng Diyos kapag sumusuway tayo sa utos niya , tulad ni Jonah? Sinabi kaya niya, “Bahala ka sa buhay mo…Kung ayaw mo wag mo”? Buti na lang di tayo pababayaan ng Diyos sa pagsuway natin. Gagawin niya ang lahat to call our attention at ibalik tayo sa pagsunod sa kanya.
Ang Nagngangalit na Dagat
Kaya, habang nasa laot na ang barkong sinasakyan ni Jonah, nagpadala ang Diyos ng napakalakas na hangin at binayo ang dagat na parang isang delubyo sa lakas ng bagyong dumating. Sa lakas ng bagyo, halos masira na ang barko. Takot na takot ang mga tripulante. Mga seaman pa ‘to, sanay sa dagat, pero sa sobrang lakas ng hangin, nanginig sa takot. Napapray tuloy sa mga diyos nila. “Baal, tulungan mo kami. Ashtoreth, tulungan mo kami. Poseidon, tulungan mo kami.” Ayaw naman silang tulungan. E siyempre, wala namang tenga yang mga idols na iyan. So, sila na lang ang gumawa ng paraan. Pati mga kargamento nila, hinagis na sa dagat para mabawasan ang bigat ng barko, baka sakali lang. Pati nga matataba nilang kasama, kung maihahagis nila, ihahagis na rin.
Habang busyng busy sila, busyng busy din ang Diyos na tawagin ang atensiyon ni Jonah. Sa malakas na bagyong pinadala ng Diyos, merong malaking billboard sa langit na nagsasabing, “Hello, Jonah! Running away from me?” Pero di naman nabasa ni Jonah. Di nga niya naririnig ang malakas na hampas ng tubig dahil malakas na malakas din ang hilik niya sa kanyang suite room. Sarap buhay! Wala na ring pakialam sa buhay ng iba. Wala na ring pakialam kahit siya ay mamatay.
Kaya itong si Kapitan, binaba siya, pumasok sa kuwarto niya at sabi, “Ha!!! Tulug ka pa ng tulog! Bumangon ka, at tumawag ka sa diyos mo! Baka ang diyos mo na yan ang makaalala sa atin para di tayo mamatay.” Naalimpungatan si Jonah, feeling siyang may LSS (last song syndrome) na naririnig pa rin ang boses ng Diyos, “Bumangon ka, puntahan mo ang mga taga-Nineveh.”
Tulala lang si Jonah, parang walang narinig. E bakit nga naman siya lalapit sa Diyos at hihingi ng tulong samantalang tumatakas nga siya palayo sa Diyos. Ito namang mga seaman, dahil di na nila alam ang gagawin nila, napagkasunduan, “Tara nga, magpalabunutan na lang tayo, para malaman natin kung sino ang may kasalanan kung bakit nangyari ito.” So, kumuha sila ng mga sticks, at yung makabunot ng pinakamaliit, yun ang taya. Bumunot yung isa, mahaba nakuha niya, “Hindi ako!” Bumunot yung isa, “Hindi rin ako!” Bumunot si Jonah…”Ako nga ang may kasalanan.” Hindi lang sa karagatan, kundi pati sa palabunutan, ang pasya ng Diyos ang nasusunod. Hindi tatantanan ng Diyos si Jonah at lahat ng kanyang mga anak na lumalayo sa pagsunod sa kanyang utos.
Tanong nila kay Jonah, “Ano’ng ginawa mo? Taga-saan ka ba? Ano’ng lahi mo? Anong trabaho mo? Bakit nangyari ‘to?” Sagot ni Jonah, kakamot-kamot pa sa ulo niya, “Ako si Jonah. Isa akong Hebreo, taga-Israel. Ang Diyos namin ay si Yahweh, at may takot ako sa kanya (owws?). Dahil siya ang Diyos na lumikha sa langit, sa dagat at sa lupa. May utos siya sa akin. Tinatakasan ko siya.” Pagkarinig nila nun, tumayo ang mga balahibo nitong mga tripulante at takot na takot. Sabi nila sa kanya, “Ano yang ginawa mo?”
Kanina, yung kapitan pa nagsabi kay Jonah na magpray siya. Parang pastor na sinabihan ng atheist na magpray. Ngayon naman, sinabi ni Jonah na may takot siya sa Diyos, di naman nakikita sa actions niya na walang takot sa pagtakbo palayo sa Diyos. Hypocrite . Samantalang itong mga seaman na mga idol-worshipers sila pa ang nagkaroon ng lubhang pagkatakot sa Diyos ni Jonah. Parang baligtad ata. Di ba’t dapat tayo ang mas malapit sa Diyos, mas may takot sa Diyos, mas sumusunod sa Diyos, may maawain sa mga taong nangangailangan sa Diyos? Umaawit tayo ng pagsamba sa Diyos sa loob ng ating iglesia, we confess our faith in the one true God, pero paglabas natin ni hindi natin masabi sa ibang tao kung sino ang Diyos na sinasamba natin, ni hindi natin maipakita sa pamumuhay natin. Something is terribly wrong with us.
Parang mas maawain pa itong mga tripulante sa kanya kaysa kay Jonah sa mga taga Nineveh. Kasi tinanong nila si Jonah, “Anong gagawin namin sa iyo para matigil na ‘tong bagyo na ‘to?” As if may magagawa sila? As if kay Jonah talaga nakasalalay ang solusyon. Baka nga. Kaya sabi ni Jonah, “Buhatin n’yo ko, ihagis sa dagat, at titigil na iyan. Tutal ako naman ang may kasalanan bakit nangyari ‘to.” Wow, very noble, very sacrificial. Teka, inuutusan ka nga ng Diyos na pumunta sa Nineveh, tapos pipiliin mo pang mamatay kaysa mabuhay at ang buhay mo ay ilaan sa misyon ng Diyos sa iyo. Tumatakas na naman itong si Jonah sa kanyang obligasyon, no?
Pero itong mga seaman, di agree sa suggestion ni Jonah. Pilit nilang dinadala ang barko sa tuyong lupa, baka malapit na naman, at maisalba pa ang buhay nila, pati ang buhay ni Jonah. Something is terribly wrong with Jonah. Siya ang inutusan para magdala ng mensahe ng kaligtasan sa mga taong napapahamak sa Nineveh. Siya pa ang pinagtulungang iligtas nitong mga tripulanteng kasama niya wag lang siyang mapahamak. Baligtad!
Pero wala na talaga silang magawa. Lalo pang lumakas ang bagyo at hampas ng alon. Wala na talagang ibang choice, ihagis na ‘tong si Jonah at isakripisyo sa kanyang Diyos. Pero bago iyon, nagpray muna sila, “O Yahweh (uy, si Yahweh na tinatawag nila ngayon), nakikiusap po kami sa inyo, huwag nʼyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin kay Jonas. Huwag po ninyo kaming singilin sa aming pagpatay sa kanya na hindi pa naman namin natitiyak kung siya nga ay nagkasala. Pero alam po namin na ang mga nangyayaring ito ay ayon sa inyong kalooban” (1:14).
Kinilala nila ang kapangyarihan ng Diyos, ang kalooban ng Diyos. Si Jonah hindi. Nagpray sila, si Jonah hindi. Nagsorry na sila kay Lord di pa man din nila ginagawa yun, si Jonah kanina pa suway nang suway sa Diyos di man lang humingi ng tawad. Kinilala nilang may pananagutan sila kung wala namang kasalanan si Jonah, samantalang si Jonah di man lang alintanang mananagot siya sa buhay ng mga mapapahamak sa Nineveh kapag di niya binigyan ng babala (see Ezek. 3:16-18).
Ang Pagsamba ng mga Mandaragat
Pagkatapos nilang magpray, binuhat nila si Jonah…one…two…three…at hinagis sa dagat. Nilamon si Jonah ng nagngangalit na dagat at kumalma na ang lahat. Sobrang takot at paggalang ng mga tripulante kay Yahweh, naghandog sila sa kanya bilang pagsamba, at nangakong maglilingkod sa kanya. Yan naman ang gusto ng Diyos na mangyari sa lahat ng mga taong malayo sa kanya at sumasamba sa ibang diyos. He deserves the worship of all 7.3 billion people on the planet. He deserves the worship of all the 16,500 people groups on earth. He is passionate for his glory. Gusto niya na kung paanong ang dagat ay nababalot ng tubig, na ang buong mundo rin ay mapuno ng mga taong kumikilala at sumasamba sa kanya.
Pero hindi pa iyan nangyayari. Meron pang 1.3 billion Muslims ang sumasamba sa di tunay na Diyos, 860 million Hindus ang sumasamba sa milyung-milyong diyos na gawa-gawa lang nila, 275 million Buddhists na sumusunod sa patakaran ni Buddha, 161 million tribal people na sumasamba sa mga bundok, sa puno, sa hayop at sa kanilang mga ninuno, 121 million unreligious na walang kinikilalang kahit na sinong diyos maliban sa sarili nila. Pati milyung-milyong taong nagsasabing Christians sila, sumasamba daw sa tunay na Diyos pero ang niluluhuran naman ay ang diyus-diyosan na kayamanan, kahalayan, at kapangyarihan. More than 6,600 people groups are still considered unreached. That is more than 3 billion people. They are going to hell without even an opportunity to hear about Jesus. And God deserves the worship of each one of them. The goal of missions is the worship of the God of the nations.
Gagawin ng Diyos iyan. Tutuparin niya ang layunin niya. Kahit ayaw mong tumulong, kahit ayaw mong sumunod. Katunayan di naman niya kailangan ang tulong natin. Pero gusto niya kasali ka. Gusto niya maranasan mo ang saya ng pagsunod sa kanya, ang saya na makita ang maraming tuhod na lumuluhod sa kanya.
Ang Pagliligtas ng Diyos kay Jonah
Pero bakit ayaw nating sumunod? Bakit ayaw sumunod ni Jonah? Hindi pera, hindi lack of training, hindi kakulangan sa oras, hindi hirap ng misyon, hindi sitwasyon ang problema. Akala kasi natin deserving tayo ng goodness ni Lord, sila hindi. Akala natin sila deserving ng punishment ni God, tayo hindi. Pero sino ba ang rebelde sa Diyos? Di ba si Jonah rin? Di ba tayo rin? Hindi lang noon, hanggang ngayon nagrerebelde pa rin. Anong nangyari kay Jonah, ayan tuloy itinapon sa dagat, kawawa naman, malulunod iyan, mamamatay. Tama lang naman, makatarungan ang Diyos. He deserved to die. We deserved hell.
Pero iyon ba ang ginawa ng Diyos? Verse 17, “Samantala, nagpadala ang Panginoon ng isang malaking isda para lunukin si Jonas. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa tiyan ng isda.” Ang dambuhalang isda ay hindi parusa sa malaking kasalanan ni Jonah. Ito ay ebidensiya ng dambuhalang biyaya ng Diyos para kay Jonah. Para iligtas siya. Para mabuhay siya. Si Haring Jeroboam, evil din naman, pero pinalawak pa ng Diyos ang kaharian nila sa panahon niya. Ang Israel rebelde sa Diyos, pero di tuluyang winasak ng Diyos. Ganun din ang gusto niyang ipakita sa Nineveh, sa mga Muslim, at sa mga Buddhists.
Ang kuwento ni Jonah ay hindi tungkol kay Jonah, hindi tungkol sa atin, kundi tungkol sa Diyos at sa kanyang ipapadalang Tagapagligtas na kailangan ni Jonah at nating lahat. Walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Bawat kuwento sa Bibliya patungo sa kanya, tungkol sa kanya, siya ang Bida. Sabi niya sa Matthew 12:40-41, “Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa…Narito ang higit pa kay Jonas.”
Jesus is greater than Jonah. Unang-una dahil siya mismo ay Diyos. Siya ang Salita ng Diyos. Siya ang kapahayagan kung sino ang Diyos. Tulad ng Diyos kay Jonah, siya rin ang nag-utos sa mga disciples niya na puntahan ang lahat ng lahi para gawing mga tagasunod niya. Siya ang Diyos na may likha ng langit at lupa. Siya ang Diyos na may command sa dagat, sa hangin, at kayang patigilin ang bagyo sa isang salita lang niya. Siya rin ang may command sa isda, kaya niyang paramihin ang ilang pirasong isda. He is the presence of God in our midst.
Jesus is greater than Jonah kasi siya ang tunay na Tao na sumunod sa Diyos Ama perfectly. Inutusan siyang bumaba mula sa langit para manirahan kasama ang mga kaaway ng Diyos. Di siya nagsabi ng No, di siya nag-atubili, sabi niya agad, Yes! Kahit alam niya ang sasapitin niya sa kamay ng mga makasalanang pinuntahan niya para iligtas. Siya ang tunay na Prophet to the nations. Hindi lang sa mga Judio ang mensaheng dala niya, pati sa mga Gentiles din (Galilee of the Gentiles! ang base ng ministry niya). Hindi niya tinakasan ang layunin ng Diyos, tinupad niya ito, hanggang sa kamatayan sa krus. Siya ang tunay na “innocent blood,” hindi si Jonah. Wala siyang sala, pero itinuring na maysala alang-alang sa atin. Para hindi tayo mapahamak.
Jesus is greater than Jonah, dahil siya ang Tagapagligtas na kailangan ng mga rebeldeng tulad ni Jonah, tulad ko. Kung paanong si Jonah ay 3 days, 3 nights sa tiyan ng dambuhalang isda, ganun din si Jesus sa ilalim ng lupa, sa kanyang kamatayan, pagkalibing, hanggang siya’y mabuhay na muli. Hinagis si Jonah sa dagat para maligtas sa panganib ang mga nasa barko. Hinagis si Jesus sa delubyo ng galit ng Diyos para mailigtas tayo sa tiyak na panganib. Dahil sa kanyang sakripisyo on our behalf, napawi ang galit ng Diyos sa mga rebeldeng tulad ko. Oh what a Savior!
Sumusuway tayo sa utos ng Diyos sa misyon dahil di natin lubos na pinaniniwalaan ang grabeng biyaya ng Diyos sa atin na grabe din naman ang kasalanan sa kanya. Kung alam mong rebelde ka sa Diyos, pero pinatawad dahil kay Jesus, at ngayo’y nailapit na sa Diyos, maaawa ka rin sa mga taong hanggang ngayon ay malayo sa Diyos at tungo sa impiyerno. Gagampanan mo ang tungkuling bigay sa iyo ng Diyos bilang propeta o misyonero sa mga lahing kailangang makarinig ng Mabuting Balita.
Arise, go and make disciples of all nations. Go, welcome, pray and give. Paghandaan mo, magsanay ka, darating ang araw ang iba sa inyo tatawagin ng Diyos na umalis at pumunta sa ibang lahi tulad ng mga nauna na sa atin. Ang iba tinatawag na ng Diyos. Meron ding misyonero na pupunta sa atin para mag-aral ng Tagalog. Kailangan ng may magwelcome sa kanya at maghost sa bahay sa loob ng isang buwan. Sino ang tutugon? Lahat tayo pwedeng magpray for the lost and the unreached. Lahat tayo dapat maging faithful sa pagbibigay sa church dahil karamihan sa budget natin sa misyon ang tungo.
Hindi ka naman kailangan ng Diyos. Pero pinili ka niya para makibahagi sa kanyang global purposes. At ang pangako niya, “I am with you always.” Ang presensiya niya ay lagi mong kasama. Kung susunod ka, hindi mo siya tatakasan, tiyak na sasamahan ka niya, tiyak na mararanasan mo ang saya nang kapiling siya, ng tumutupad sa layunin niya, ng nakaalign sa kalooban niya. Kung ayaw mo at tatakbo ka pa rin palayo sa kalooban niya, tandaan mo, meron kang Diyos na hindi ka tatantanan hanggang maranasan mo ang inam at saya ng malapit na relasyon sa kanya.