Next Steps of COMMITMENT

next steps2Meron tayong sermon series this July tungkol sa tatlong mahahalagang elemento ng church bilang isang Grace Community – Gospel, Community, Mission. Ito ay para mas maunawaan natin kung bakit may church, bakit may BBCC. At ito ang nakapaloob sa mission statement natin: “We exist to glorify God by building local and global Grace Communities of disciples of Jesus who make disciples of Jesus.” At ano naman ang definition natin ng isang GraceComm? “Pamilya ng Diyos na binubuo ng Kuwento ng Diyos at nakikibahagi sa misyon ng Diyos.” Pinag-aaralan natin ‘to kasi ang nais ng Panginoon mas lumalim pa ang commitment natin sa church na ibinigay niya sa atin. At kung wala ka pang ganyang commitment, na magsimula ka nang magcommit. At kung member ka man sa ibang church, mas maging committed ka pa sa local church mo.

Pinag-usapan natin paano mamuhay ang isang GraceComm at kung paano ka makikibahagi dun. Ilang linggo nating pinag-usapan kasi di naman madaling mabuwag ang nakagisnan nating church culture or tradition. At hindi rin naman  pwedeng napakinggan mo lang yan. Sabi sa James 1:22, “Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin nʼyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang sarili ninyo” (ASD). Hindi ako nakikipaglaro lang sa inyo, hindi lang tayo nagbobolahan dito. Seryosong usapan ‘to. Sabi pa niya sa verses 23-24, na kung nakinig ka, nakita mo ang katotohanan ng Salita ng Diyos tungkol sa disenyo niya sa isang church at kung ano ang bahagi mo dun, tapos uuwi ka lang na parang walang nangyari, wala namang nagbago sa commitment mo, para ka lang tumingin sa salamin at nakalimutan mo na kung sino ka.

Di ko naman sinasabing madali lang ang pagsunod, kaya nga kailangan natin ng commitment, kasi hindi siya ganun kadali. Madaling sabihin, mahirap gawin. Bakit? Unang-una, makasalanan pa rin tayo. Iniligtas na, oo. Pero nananatili pa rin ang sinful nature natin, nagiging makasarili, individualistic ang approach sa Christian life. Pero kung susunod ka sa salita ng Diyos, ikaw ang “taong pagpapalain ng Dios sa mga ginagawa niya” (v. 25). May tiyak na pagpapala sa pagsunod. Yan ang biyaya ng Diyos, ganyan kabuti ang Diyos. It is not because we deserve it. It is because he is really really good.

Reminders

Kaya ngayon, I will challenge you to make the next step of commitment sa Christian faith mo. Pero bago natin gawin iyan, magbibigay lang ako ng tatlong paalala.

We will fail. Natural naman sa atin, when we make commitments, di natin kayang tuparin perfectly. Makakaranas ka ng failures. At kapag nangyari iyon, remember the gospel! Good news iyan para sa mga imperfections and failures natin, na lubus-lubos ang pagpapatawad ng Diyos. Ang pagsunod natin sa nais niya, ang commitment na gagawin natin ngayon ay hindi paraan para makuha ang favor, acceptance at love ng Panginoon. Dahil kay Cristo, nasa atin nang lahat iyon! Meron tayong commitment forms ngayon para isulat ang next steps of obedience natin. Pero hindi ito isang legalistic document, para husgahan ang performance natin, whether we’re doing better or worse. Gagawin natin ito kasi mas gusto pa nating lumago ang relasyon natin sa Panginoon, at maramdamang ang puso natin ay malapit sa puso ng Diyos. At sa mga panahong you failed to keep your commitment, we will not condemn you. Tayo’y isang pamilya di ba? Pagtutulungan natin iyan.

Not “in or out”. Hindi rin ito sukatan kung sino ang “in” at kung sino ang “out”. Oo sinasabi ko na ituturing nating church member ang magcocommit sa mga GraceComm. Mahalaga iyon para malaman natin kung sino ba talaga ang may commitment to participate para tuparin ang misyong bigay sa atin ng Diyos. Pero kung di ka pa ready to make that commitment, it’s okay. Hindi namin kayo pipilitin. At wag n’yo ring isiping, “Lilipat na lang ako sa ibang church, mahirap pala dito kailangan committed ka, dun na lang ako sa aattend lang, tapos uuwi na, para low profile lang.” I cannot stop you from leaving. Pero nakikiusap ako, dumalo ka pa rin dito. You’re always welcome to this family. At patuloy kang makinig sa Diyos, at sumunod sa kung ano ang sinasabi niya sa iyo.

Not about perfect maturity, but taking the next step. Nasa iba’t ibang yugto naman kasi tayo ng spiritual maturity sa Christian life. Hindi naman ibig sabihin ng commitment na gagawin n’yo ngayon dapat tulad na kayo ng pastor n’yo o leader n’yo when it comes to commitment to this church. Ito ay isang paglalakbay, sama-samang paglalakbay. Pero hindi ka makakarating sa paroroonan, sa layunin ng Diyos para sa iyo, kung mananatili ka lang na nakatayo sa kinalalagyan mo. You continue on your journey by taking the next step, and the next step, and the next step. Yan ang pag-usapan natin ngayon, kung ano ang susunod mong hakbang para maipakita ang commitment mo sa gospel, community at mission.

Commitment to the Gospel (1 Cor. 15:1-4)

Ano ang gospel? Sa Part 1 pinag-aralan natin ang 1 Cor. 15:1-4. Ang Mabuting Balita ay ito: Ginawa ng Diyos ang hindi natin magagawa para sa sarili natin; ayon sa kanyang plano, si Jesus na Anak ng Diyos nagkatawang tao, namuhay na matuwid para tayong mga nananalig sa kanya ay maituring na matuwid sa paningin ng Diyos, namatay sa krus para akuin ang lahat ng parusang nararapat sa ating mga makasalanan, at sa ikatlong araw ay nabuhay na muli at nagtagumpay laban sa kasalanan, kamatayan, at lahat ng kasamaan para baguhin ang lahat ng kanyang nilikha at tayo’y mapanumbalik sa Diyos.

Kung naniniwala ka Diyos, ibig sabihin yan ang mensaheng tinanggap mo, pinaniwalaan, pinaninindigan at pinanghahawakan (1 Cor. 15:1-2). That’s what commitment to the gospel means. Na hindi lang ito sa simula ng Christian life, kundi sa pagpapatuloy mo ngayon, gagawin mo ang lahat for you to go deeper into the gospel and be more devoted to Jesus. When you commit to the gospel, ito ang babago sa iyo para maging tulad ni Cristo (2 Cor. 3:18), mananatili kang matatag sa mga pagsubok at mga tukso, at magpapatuloy ka sa kabila man ng mga suliranin, pag-uusig at kahirapan.

Paano kung pinapakinggan mo lang ang gospel, pero di ka naman magcommit sa gospel? Ibig sabihin, ayon sa verse 2, hindi tunay ang inyong pagsampalataya. Sa nguso lang, hindi bumaon sa puso. At kung maliligtas tayo kung panghahawakan ito, ibig sabihin, kung di mo ito panghahawakan sa puso, di ka maliligtas. Nakinig ka lang, di ka naman sumunod. Para kang isang taong hangal, ayon sa sabi ni Jesus sa Mateo 7:26-27, na nagtayo ng bahay sa buhanginan. Dumating ang malakas na bagyo, rumagasa ang baha, humampas ang hangin, tinamaan ang bahay at bumagsak at lubusang nasira.

Nararapat lang na we commit our lives to the gospel of Jesus. Kung naniniwala ka sa Mabuting Balita ni Cristo, ano ang susunod mong gagawin para lumago ang relasyon mo sa kanya? Siguro hindi pa masyadong malinaw sa iyo ang gospel na iyan, buksan mo ang sarili mo na marinig ang Story of God. Ituturo namin ito sa iyo. O baka ito na ang oras na magpabaptize ka na. O matagal ka nang Christian pero di naman regular ang Bible reading mo. How can you go deeper to Christ, kung di mo naririnig ang salita niya? If you are not spending quality time with him? Or you may begin committing attending our worship services regularly. O kung regular na, pero iyon lang ang dinadaluhan mo sa isang linggo, I challenge you to attend GraceComm gatherings and prayer meetings. At sa mga pagdalo mo, tandaan mo na this is not about being busy sa mga spiritual activities, but making space and focusing attention to listening to Jesus and worshiping him.

Commitment to Community (Acts 2:41-47; Heb. 3:12-14; 10:24-25)

Sa Part 2 naman, pinag-aralan natin na kung tayo ay naniniwala sa Mabuting Balita, hindi lang ito bumabago sa relasyon natin sa Diyos, ito rin ang bumabago sa relasyon natin sa isa’t isa bilang pamilya ng Diyos. Iniligtas ka ng Diyos hindi para mag-isa sa buhay Cristiano, kundi para makibahagi sa kanyang iglesia bilang isang pamilya, para magtulungan sa paglaban sa mga natitira pa nating mga kasalanan, para maipamuhay ang mga bunga ng Espiritu at mga katangian ni Cristo sa isa’t isa – may pagmamahalan, pagpapatawaran, at pagtutulungan.

Nakita natin iyan sa life of the early church sa Acts 2:41-47. At kung church ay isang Grace Community, isang pamilya ng Diyos, nandun ang commitment sa isa’t isa bilang members of one family. Verse 42, “They devoted themselves…” Sa Diyos at sa pamilya ng Diyos. Gagawin nila ang lahat ng magagawa nila para magtulungan sa paglagong espirituwal at matugunan ang mga pangangailangan sa araw-araw. Kung magcocommit din tayo tulad nila, at hindi pababayaan ang mga pagtitipon natin tulad ng nagiging bisyo ng ilan, ayon sa Hebrews 10:24-25, natutulungan natin ang isa’t isa to grow in love and in good works, at mas napapalakas din natin ang bawat isa.

Kung di tayo magcocommit sa pamilya ng Diyos, sino ang makakatulong natin sa pagdadala ng mga pasanin sa buhay (Gal. 6:1-2) at sa pagtutuwid sa atin tuwing nagkakasala tayo at nagiging bulag tayo sa sarili nating kasalanan? Mag-ingat tayo, ayon sa Hebrews 3:12-14, kapag wala nang kumakausap sa atin tungkol sa mga struggles natin, baka maging matigas ang puso natin at tuluyan tayong malayo sa Diyos.

Kung ganyan ang gusto mong mangyari sa iyo, nasasayo yun. But if you care for your own heart, and you care for others, make the next step of commitment now bilang kapamilya. Anong gagawin mong hakbang para lumago ang relasyon mo sa church bilang kapamilya? Kung wala ka pang GraceComm, saan ka sasali? Kung kabilang ka na, pero di ka naman regular na nakakadalo, anong adjustments gagawin mo sa schedule mo? O baka wala pang nagdidisciple sa iyo? O baka dapat may maidisciple ka na ngayon? O baka wala ka pang ka-Fight Club? Kahit leader ka na, wag mong isiping di mo ‘to kailangan. Baka lahat ng dinadaluhan mo ikaw ang nangunguna. How will you experience more of God’s family? This is not just about involvement sa mga activities or gatherings, paalala lang. Relasyon sa isa’t isa ang pinag-uusapan natin dito. Kahit walang gatherings, may sinasabi ba sa iyo ang Diyos na members na dalawin mo sa bahay? O imbitahan sa bahay mo?

Commitment to Mission (Matt. 28:18-20)

Last week sa Part 3, mission naman ang pinag-uusapan natin. May misyon ang church. Misyon ng Diyos iyon. Bahagi ka ng pamilya ng Diyos. Ibig sabihin, bahagi ka rin ng misyong ito. Anong misyon? “Make disciples of all nations” (Matt. 28:19) – ang akayin ang ibang tao na lumapit kay Jesus sa pamamagitan ng buhay nating kinakikitaan ng pagkilos ng Diyos at ng katangian ni Cristo, ng pangangaral ng Mabuting Balita sa kanila, at ng pagtuturo sa kanila na sumunod sa lahat ng utos ng Panginoong Jesus. Ang misyon natin ay hindi matatapos hangga’t di pa naaabot ang lahat ng lahi ng Mabuting Balita, hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesus.

Kung naniniwala kang bahagi ka ng misyong ito, makikibahagi ka. Meron kang gagawin, meron kang participation. Pag sinabi ni Jesus na “Go…,” you go! Meron kang mga kaibigan o kakilala na non-Christians, sadyain mo. Puntahan mo, dalawin mo, kausapin mo, ipagpray mo, kuwentuhan mo, ilapit mo kay Cristo.  If you commit to this mission, mas mararanasan mo ang kapangyarihan ni Jesus sa buhay mo. Mas mararanasan mo ang presensiya ni Jesus sa buhay mo, yung reality ng promise niya na “I will be with you always” (v. 20). At mararanasan mo din ang saya na makita ang mga dating malayo sa Diyos ay lumalapit na sa kanya.

At kung di ka magcommit,  ayon sa logic ng Romans 10:9-15, pabaligtad na basa, di nila maririnig ang Mabuting Balita. Kung di nila marinig di sila maniniwala. Kung di sila maniniwala, di sila tatawag kay Jesus. Kung di sila tatawag, di sila maliligtas. At kung di sila maliligtas, mapapahamak ang kanilang kaluluwa sa loob ng bilyung-bilyong taon sa walang-hanggan.

Anong next step ang gagawin mo para makatulong sa pag-akay sa ibang tao palapit kay Jesus? Sino yun? Paano mo siya ipagpepray? Paano ka maglalaan ng oras sa kanya? Paano mo ishare ang gospel sa kanya? Kung di ka pa sanay, aattend ka ba sa Story of God training? Magvovolunteer ka ba sa barangay para makatulong sa ibang tao? Pupunta ka ba sa ibang lugar to be exposed sa ibang lahi? Magbibigay ka na ba sa pagmimisyon? Kakaibiganin mo na ba ang kapitbahay mong Muslim? Hindi pwedeng wala kang gagawin.

Counting the Cost

Gospel, Community, Mission. Ang tatlong ito ang mahahalagang sangkap o elemento ng isang church bilang isang Grace Community. Kung mahalaga ito, dapat pinahahalagahan. At sa pamamagitan ng mga next steps of commitment na gagawin natin, pinapakita nito kung gaano ito kahalaga sa atin. At bawat mahalagang bagay sa buhay natin tulad ng pamilya, kalusugan, at trabaho ay pinahahalagahan natin, pinaglalaanan ng oras, ng lakas/kakayahan, at pera/kayamanan. Kung di mo ginagastusan, di mo pinagpapaguran, di mo pinagbubuhusan ng oras, di mahalaga sa iyo. Ganun din sa involvement natin sa church. Kung wala kang panahon, wala kang iniaambag na finances, kung talento mo di mo ginagamit sa paglilingkod, ibig sabihin di ito mahalaga sa iyo.

Ang commitment may sakripisyo. Paalala ulit sa atin na di nakasalalay sa sakripisyo natin ang pagtanggap ng Diyos. Iniligtas na tayo, pinatawad, tinanggap dahil sa sakripisyo ni Cristo. Gagawin natin ang commitment natin dahil sa total commitment na ipinakita na ni Cristo para sa atin, maging sariling buhay niya ay inialay niya para sa atin. Kaya importante na ilagay natin ang gospel sa sentro ng pag-iisip natin.

Tanungin mo ang sarili mo:

  1. Paano ako magiging mapagbigay sa oras ko (time)?
  2. Paano ako magiging mapagbigay sa talento o kakayahan ko (talent)?
  3. Paano ako magiging mapagbigay sa pera ko (treasure)?

Maging ako na pastor ninyo ay icocommit sa Panginoon ang next step of commitment naming mag-asawa para sa church natin. Tumatanggap ako ngayon ng higit 20,000 kada buwan bilang support ng church, plus allowances and other benefits. Malaki ang pasasalamat namin sa Panginoon sa katapatan ninyo sa pagsuporta sa aming pamilya para makafocus sa ministry. Simula sa August, napagpasyahan naming mag-asawa na bawasan ang tinatanggap namin at gawin na lang na 15,000. Malaki pa rin iyan kung ikukumpara sa tinatanggap ng maraming pastor na mababa pa sa minimum wage. Pero ito ay gusto naming gawin para ipakita na kami ay naniniwala sa gospel – ang Mabuting Balita na tinanggap na namin ang lahat ng pagpapala galing sa Diyos at siya ang bahala sa kailangan namin araw-araw. Dahil naniniwala rin kami na ang church na ito ay pamilya namin. Ramdam namin ang burdens na dinadala n’yo araw-araw. At dahil naniniwala rin kami na ako bilang pastor ang tagapanguna n’yo sa pagtupad ng misyon na bigay sa atin ng Diyos. This will provide more financial flexibility sa church, para paglaanan natin ng higit pang resources ang pag-abot sa maraming tao na hanggang ngayon ay wala pa kay Cristo.

This commitment is not really about us, not about our decision. It is about Christ. Ganun din sa commitment na gagawin n’yo. Hindi ito para magpagalingan tayo, hindi ito para sinuman sa atin ang maitaas. Ito ay para mas makilala pa si Cristo na siya ang lahat-lahat sa buhay natin.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.