Participating in God’s MISSION

Slide4

Ang pag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa “mission.” Kapag naririnig natin ang salitang ito, ang pumapasok siguro sa isip natin ay ang pagpunta ni James sa Thailand, o ang pagmimisyon sa Mindanao, o ang pagpunta sa mga mahihirap o mga nasalanta ng bagyo, o ang pagpapakain sa mga nagugutom. Matatawag nga nating misyon ang mga iyan, pero wag nating iisiping ang mission ay malilimitahan lang sa ganyang mga gawain. When we talk about mission, concern tayo sa sagot sa mga tanong na, Para saan ang church? Bakit may GraceComm? Ano ang ibig sabihin ng pagiging member? Ano ang layunin ng mga ginagawa natin sa mga ministries?

Kaya meron tayong Mission Statement: “We exist to glorify God by building local and global GraceCommunities of disciples of Jesus who make disciples of Jesus.” Sa part 1 ng series natin, pinag-uusapan natin ang Gospel foundation, ang kahalagahan ng Kuwento ng Diyos sa buhay natin at sa church natin. Sa part 2 naman ay ang Community, na ang church ay isang Pamilya ng Diyos. Last week, nagkaroon tayo ng break sa series. Pinaalala sa atin ni Ptr. Robin ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti, sa mga kasama natin sa church (bilang isang pamilya), at siyempre sa ibang tao na di pa nakakakilala kay Cristo. Yan ang misyon natin, gumawa ng mabuti para sa kanila, at ipakilala si Cristo, para sila rin ay mailapit sa Panginoon.

At kapag sila rin ay naging mga disciples ni Jesus, mapabilang sila sa isang GraceCommunity o bumuo ng bagong GraceCommunity kung saan patuloy silang lalago sa pagsunod kay Jesus, sa pag-ibig sa isa’t isa bilang isang pamilya, at masanay na sila naman ang magkuwento ng Story of God sa iba at maakay sa pagsunod kay Jesus. At kung dumarami ang mga GraceCommunities sa isang lugar, titipunin natin sila para magkaroon na sila ng sariling expression ng church sa lugar nila at sumamba’t magtipon na nakabukod sa atin.

Making Disciples of All Nations

Ang ginagawa natin ay alinsunod sa tinatawag na Great Commission, na ibinigay ni Jesus sa kanyang mga disciples (kasali tayo dun!), pagkatapos na siya ay mabuhay na muli at bago siya bumalik sa langit:

Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu.  Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo. (Matthew 28:18-20 ASD)

Ano ang mission natin? “Make disciples of all nations” o gawing tagasunod ni Jesus ang lahat ng lahi sa buong mundo. Lahat ng ginagawa natin sa church at sa ating mga GraceCommunities ay dapat na nakapaloob dito. Both local and global disciplemaking. Ang tulungan ang lahat ng tao – mga Christians na at pati mga hindi pa Christians – na  “mas makilala si Jesus, magtiwala kay Jesus at sumunod kay Jesus.” Yan ang definition natin ng disciplemaking. Ano naman ang isang disciple? “Sumusunod kay Jesus, binabago ni Jesus, at ibinibigay ang buhay sa misyon ni Jesus.” Yan ang prayer natin na mangyari sa bawat isa. That we will grow as disciples of Jesus and also as disciple-makers.

Tatlong elemento ang nakapaloob sa disciplemaking. Una, “Puntahan ninyo…” Pupuntahan natin sila. Sanay kasi tayo na iinvite sila sa church. Pero ang sabi dito ni Jesus, dalin natin ang church sa kanila. Puntahan natin sila, gumawa ng mabuti sa kanila at ishare natin ang gospel sa kanila.

Ikalawa, “Bautismuhan ninyo sila…” Kasama siyempre ang ibaptize sila sa tubig. Pero hindi lang iyon. Ang patuloy silang ilapit sa Diyos – Ama, Anak at Espiritu, matuto silang sumamba sa kanya at makasama din ang church bilang pamilya ng Diyos.

Ikatlo, “Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo.” Tuturuan sila, hindi lang ng Bible o mga aralin sa Bibliya, kundi tutulungan silang makasunod kay Jesus. Kaya paglalaanan natin sila ng panahon para madisciple sa pamamagitan ng One2One at matulungan ang bawat isa sa Fight Clubs.

Why: The Gospel is a Missional Gospel

Bakit natin ito gagawin? Because of Jesus! Disciplemaking is all about Jesus. Ayon sa Great Commission, isinugo tayo ayon sa kapangyarihan ni Jesus, pupuntahan natin ang mga tao hanggang maabot natin ang lahat ng lahi sa mundo para makilala nila si Jesus, babautismuhan sila sa pangalan ni Jesus, at tuturuang sumunod kay Jesus. Kaya nga ang definition natin ng disciple at disciplemaking ay binabanggit si Jesus na paulit-ulit, to emphasize that it is all about Jesus. Kaya nga binanggit din natin sa Week 1 that the gospel is Christological and the gospel is missional.

It is all about him. Hindi ito tungkol sa gawa natin, kundi sa gawa ni Jesus para sa atin. Hindi ito tungkol sa pagsunod natin, kundi kay Jesus na karapat-dapat sundin. Hindi ito tungkol sa church natin, kundi kay Jesus na Head of the Church. Hindi ito tungkol sa posisyon natin kundi kay Jesus na Lord of lords and King of kings.

In being his disciples and making disciples, we confess that “Jesus Christ is Lord” (Phil 2:11). Hindi lang sa pamamagitan ng ating mga labi, ng ating mga pangangaral o kantahan, kundi sa pamamagitan ng ating mga gawa, sa pamamagitan ng buhay nating nakasentro kay Jesus, na lahat ng bahagi ng buhay natin ay siya ang kinikilalang Hari at Panginoon. Sa bahay, sa kapitbahay, sa barangay, sa eskuwela, sa trabaho, sa gobyerno at kahit anong bahagi ng ating buhay, lipunan at kultura – Jesus is Lord!

Why: Our God is a Missional God

Ginagawa natin ito dahil kay Jesus. Bakit pa natin ito ginagawa? Hindi dahil ito ang misyon ng church o misyon ng pastor o misyon ng GraceComm n’yo. Kundi dahil this is the mission of God (missio Dei).

Sabi ni Jesus sa mga disciples niya matapos na siya’y nabuhay na muli at magpakita sa kanila, “‘Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.’ Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, ‘Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu'” (John 20:21-22).

Isinugo ng Ama ang Anak. “Sinugo ako ng Ama…” Ipinadala ng Diyos si Jesus para sa isang partikular na misyon. “Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw” (Luke 19:10). Sa pamamagitan ng kanyang gawa sa krus, iniligtas niya tayong mga naliligaw.

Isinugo ng Ama at Anak ang Espiritu. John 20:22, “Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, ‘Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu.'” Pangako ito ni Jesus bago siya mamatay, “Kapag umalis na ako, ipapadala ko siya (ang Espiritu) sa inyo” (John 16:7). Nalubos ang katuparan nito sa pagbaba ng Espiritu sa araw ng Pentecostes, “Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu…” (Acts 2:4).

Isinugo ng Ama, Anak at Espiritu ang Church/Iglesia. Ang misyong iniwan sa atin ay to make disciples of Jesus to all nations (Matt. 28:19). Sinabi pa niya na tayo ang kanyang witnesses (Acts 1:8). Tayo ang kanyang mga kinatawan dito sa mundo para ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng tao. Sabi ni Pablo, “At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya” (2 Cor 5:19-20).

Ang misyon ng Diyos ay siya ring misyon ng church natin at ng bawat GraceCommunity na kinabibilangan natin o kabibilangan ninyo. Kaya kung ang misyon mo sa buhay ay hindi nakaayon sa misyon ng pag-aakay ng mga tao para maging tagasunod ni Jesus, ang puso mo ay hindi nakaayon sa puso ng Diyos.

How: Together as Missional Family

Our mission is to make disciples of all nations because of the missional gospel and because of our missional God. Ngayon, paano natin ito gagawin? Dahil tayo ay kabilang sa isang church o GraceCommunity at tayo ay isang pamilya, gagawin natin ang misyong ito na hindi isa-isa o solo-solo kundi sama-sama, together as a missional family.

Tandaan nating kapag misyon ang pinag-uusapan natin, hindi lang activity o gawain ang tinutukoy natin tulad ng paglead ng mga Story of God groups o pagdalaw sa mga non-Christians. Oo, may gagawin tayo, pero tandaan nating ito’y nakabatay sa ating identity. We are servants. Naglilingkod tayo para tugunan ang pangangailangan ng mga tao. We are missionaries. Pinupuntahan natin sila kung saan sila naroon. We are a family of servants. We are a family of missionaries. Kaya sama-sama natin ‘tong gagawin.

Alam mo kung bakit ka nahihirapan na mainvolved sa pagmimisyon? At sinasabi mong hindi mo kaya? Kasi hindi ka naman sumasama, hindi ka naman nagpapatrain. Kapag may mga trainings hindi ka umaattend. Kapag may nag-Story of God, di ka man lang mag-observe para matutunan mo. Di mo kaya na mag-isa kaya tulung-tulong tayo. Kaya si Gina natuto sa pagmimisyon kasi palagi siyang sumasama kay Ate Lisa na talaga namang ang puso ay pagmimisyon. Sa August may training ng Story of God, sali ka. Let’s do this together.

How: With Christlike Servanthood

Paano natin gagawin ang misyong ito? Hindi lang naman skills ang pinag-uusapan natin dito kundi puso. Dapat gawin natin ito na tulad ni Jesus na ang puso ay merong nagpapakumbabang paglilingkod o humble servanthood. Kumalat ang balitang si Pres. Duterte ay pumila sa dinner buffet table at hindi nagpaka-VIP, isang modelo ng humility ng isang servant. Pero ang Panginoong Jesus higit pa dun! “Ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin. Naging tao siyang tulad natin. At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus” (‭Filipos‬ ‭2:7-8).

Mainam naman kung nag-iinvite tayo ng mga tao para pumunta dito sa atin, pero alisin na natin sa isip natin na yun ang misyon natin. Na papuntahin ang tao sa church. No. Dalin natin ang church sa mga tao. Ibig sabihin, tayo ang pumunta sa mga tao! Yun ang Great Commission di ba? “Go and make disciples…” At sa pagpunta natin, ipakita natin, ipadama natin na ang puso natin ay para sa kanila. Magpakumbaba tayo, abutin natin sila, para maipakilala natin si Jesus sa kanila.

Ganito ang approach ni Paul sa misyon, tulad din ni Jesus. “Kahit hindi ako isang alipin, nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami na sasampalataya kay Cristo. Sa piling ng mga kapwa ko Judio, namumuhay ako bilang Judio upang mahikayat ko silang sumampalataya kay Cristo. Kaya kahit wala man ako sa ilalim ng Kautusan ng mga Judio, sinusunod ko ito upang madala ko sila sa pananampalataya. Sa piling naman ng mga hindi Judio, namumuhay ako na parang wala sa ilalim ng Kautusan upang madala sila sa pananampalataya. Hindi nangangahulugan na hindi ko na sinusunod ang mga utos ng Dios, dahil ang totoo, sinusunod ko ang mga utos ni Cristo. Sa mahihina pa ang pananampalataya, nakikibagay ako upang mapatatag ko sila kay Cristo. Nakikibagay ako sa lahat ng tao, upang sa kahit anong paraan ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. Ginagawa ko ang lahat ng ito sa ikalalaganap ng Magandang Balita, upang makabahagi rin ako sa mga pagpapala nito” (‭‭1 Corinto‬ ‭9:19-23‬ ).

Sa bagong bahay na nilipatan namin early this year, inilagay kami sa isang neighborhood ng Panginoon, at may misyon kami dun. Maraming bata, iba’t ibang klase ng tao. Hindi namin pwedeng ikulong ang sarili namin sa bahay at sa church. Binuksan ng Diyos ang puso namin para abutin ang “mga nasa laylayan ng lipunan,” ika nga ng ating Bise Presidente Leni. Pero si Jesus ang original nun.

For Whom: For All Disciples of Jesus

Ang misyon ay para sa lahat ng disciples ni Jesus. Ang isang disciple ay “sumusunod kay Jesus, binabago ni Jesus, at ibinibigay ang buhay sa misyon ni Jesus.” Hindi lang tagapakinig, tagaupo, tagahanga, kundi tagasunod. At kung iniutos niya na kasama tayo sa misyon, susunod tayo.

Di ito tulad ng nakagawian ng marami na Spectator Christianity. Ano yun? Aattend ka, makinig ka lang, hayaan mo mga leaders na pagsilbihan ka. Maupo ka, hayaan mo sila tumayo at kumilos. Magbigay ka para masuportahan ang mga magmimisyon, pero ikaw ok na yun nakapagbigay ka na naman. Nagpray ka para magpadala si Lord ng mga laborers sa harvest field. Pero ikaw di handang maging sagot sa sarili mong prayer.

Oo may mga tagapanguna tulad naming mga pastor at GraceComm leaders n’yo. Pero kaya nga tagapanguna ang tawag sa amin, hindi para kami ang gumawa ng lahat ng kailangang gawin sa misyon, kundi para pangunahan kayo, magbigay ng halimbawa sa inyo, sanayin kayo, para makasunod kayo sa utos ng Panginoong Jesus. Ganito ang disenyo ng Diyos sa iglesiya: “Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal...” (‭‭Efeso‬ ‭4:11-12‬). Ang paglilingkod dito ay ang pagganap ng tungkulin natin sa misyon, o sa pag-akay sa mga tao na sumunod kay Jesus.

Ang ministry o ang involvement sa misyon ay hindi para sa mga extraordinary Christians, hindi lang para sa mga pastors o professional missionaries o seminary graduates. Para ito sa lahat. Para ito sa mga ordinaryong Cristiano na gaya ninyong lahat. Ang disenyo ng Panginoon sa mission ay para lahat ng ordinaryong disciples ay gumagawa nang sama-sama sa misyon. That’s the only way we can finish the Great Commission.

Kaya gaano ka man ka-ordinaryo, di ka man bihasa sa ministeryo, ayos lang yun. Start where you are. Sa pamilya mo, sa mga kapitbahay mo, sa mga kaklase mo, sa mga katrabaho mo. Hindi naman ibig sabihin na kapag mag-involve ka sa misyon daragdagan ang napakabusy mo nang schedule. Kundi sa mga ordinaryong gawain tulad ng pakikipagkaibigan o pagtatrabaho, gagawin mong intentional na tingnan ang mga tao na kailangan din nila si Cristo at may magagawa ka para sa salita at sa gawa mo ay maipakilala si Cristo sa kanila. Kahit sa pagbili ng ulam. Nitong nakaraang mga araw, nakagawian ko nang laging kay Aling Gloria bibili ng ulam. Para paulit-ulit ko siyang makikita, makukumusta at sa mga susunod ay maaya na na manalangin at mag-aral ng Bibliya. Sabi nga ni Jonathan Dodson, “The missional church is not about adding activities to an already busy life; rather, it is a matter of being yourself in the everyday with gospel intentionality.”

Kung kasi ang tingin mo na ang misyon ay hindi para sa iyo, ibig sabihin you don’t trust the power of the gospel enough. Ang tingin mo sa sarili mo, akala mo sa ‘yo nakasalalay ang “powers” sa pagmimisyon.

For Whom? For All Not-Yet Disciples

Ang misyon ay gawain nating lahat na mga disciples ni Jesus alang-alang sa mga taong hanggang ngayon ay hindi pa disciples ni Jesus. Ang disciplemaking ay “pagtulong sa ibang tao na mas makilala si Jesus, magtiwala kay Jesus at sumunod kay Jesus.” Hangga’t meron pang mga taong di lubos na nakakakilala kay Jesus, di pa sumusunod sa kanya. Sila ang pupuntahan natin at di natin tatantanan sa pananalangin at pagkukuwento tungkol kay Jesus. Kasi kailangan din nila si Jesus! They were lost and without hope without Jesus.

Kaya ang mga kapatid natin merong nagpapatuloy na Story of God groups sa Bustos, Plaridel, Barangca, School of Music, at kung saan-saan pa. Para maipakilala si Jesus at sila rin ay sumunod kay Jesus. Pero iilan pa lang ang mga iyan. Marami pang kailangang abutin. Marami pa sa inyo ang di pa aktibong nakikilahok sa misyon natin.

Kaya ngayon, ilang beses na nating pinag-uusapan ang tungkol sa misyon, madalas n’yong marinig sa akin. Sana makulitan na kayo. Oo, kukulitin ko kayo. Di ko kayo tatantanan. Kasi gusto kong maturuan kayong sumunod sa lahat ng utos ni Cristo, kasama ang utos na “make disciples of all nations.” Magsimula ka sa mga taong nasa paligid mo na, nakakausap mo na, kilala mo na. Kilalanin mo pa sila. Maging bihasa ka sa pagsasalita tungkol kay Jesus sa paraang angkop sa kanila. Gamitin mo ang mga tanong na ito para pagplanuhan ang misyon mo sa kanila. At tandaan mo, di ka nag-iisa. Tulung-tulong tayo sa GraceComm natin.

  • PeopleSino sila? Saan sila nakatira? Paano mo sila pakikisamahan? Anu-anong adjustments ang gagawin mo? Ako, kailangan kong maglaan ng oras para tumambay lang sa labas ng bahay at makausap at makilala sila.
  • LanguageAno ang lenggwahe nila? Paano sila magsalita? Mga kabataan ba? Mahihirap? Negosyante? Sa amin karamihan mga mahihirap lang. Di edukado. Siyempre di pwede inglesan diyan. Simpleng salita lang. Kuwento lang.
  • ValueAno ang mahalaga o importante sa kanila? Pera ba? Makaraos sa araw-araw? Relasyon sa pamilya?
  • GospelPaano nila maririnig na mabuti talaga ang Mabuting Balita? Paano nito tinutugunan ang mga mahahalaga sa kanila? Paanong si Jesus ay higit na mabuti kasya sa mga ito?
  • NeedsPaano ka makakatulong na tugunan ang kailangan nila? Paano mo maipapakita ang mabuting balita sa pamamagitan ng mabuti mong gawa sa kanila? Naisip ko, baka marami sa mga nagsasama sa may amin hindi pa kasal. Nagkakasal naman ako, nagpapayo sa mga mag-asawa. Baka pwede yun ang maitulong ko sa kanila. At eventually, maipakilala si Jesus na siyang tanging nagbubuklod sa relasyon ng mag-asawa at sa buong pamilya.

Naaala ko kung paano nakilala ni Marlyn ang Panginoong Jesus. Medyo matagal siyang di nakadalo sa atin. Inalagaan niya ang tatay niya sa Manila na maysakit. Namatay noong isang linggo at inilibing last Friday. Pinuntahan ko sa burol last Wednesday. Umiiyak. Ikinukuwento daw niya sa tatay niya kung paano niya nakilala ang Diyos. Napansin kasi ng tatay niya na iba siya kaysa mga kapatid niya na di maganda ang trato sa ama. Ikinuwento kung paanong ginamit daw ako ng Diyos kasama ang asawa ko na silang mag-ina ay “mahugot sa dilim.” Six years ago yun. Si Bryan at Jham talaga ang tinuturuan namin ng gospel. Napadaan siya. Nakinig na rin. At nakipag-usap sa akin pagkatapos. Suicidal siya nun dahil sa sobrang depression at hopelessness sa hirap ng mga problema sa pamilya niya. Pero nakilala niya si Jesus na siyang tangi niyang pag-asa, liwanag at Tagapagligtas.

May misyon tayo dahil sa mga tulad ni Marlyn. Na tulad din naman natin na walang pag-asa kung di natin nakilala si Cristo. Ang mga tao sa paligid natin, hindi nga magpapakamatay karamihan tulad ni Marlyn, pero sila naman ay patungo sa tiyak na kapahamakan kung di sila maging mga disciples ng Panginoong Jesus. Make disciples of all nations, yan ang misyon nating lahat. Yan ang misyon ng bawat GraceCommunity natin. Start now. Start where you are.

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.