Ang kuwento ni Jonah ay kuwento nating lahat. Magandang kuwento, pero mahirap pakinggan. Masakit sa puso. Kasi para kang nakatingin sa salamin at sa tuwing makikita mo ang dungis ni Jonah, nakikita mo rin ang dungis ng puso mo.
Malinaw ang utos ng Diyos, malinaw din ang pagsuway natin.
Si Jonah, misyonero pero ayaw umalis. Propeta pero ayaw magsalita. Buti pa mga marinerong sumasamba sa mga dios-diosan, lumapit sa Diyos at sumamba sa kanya. Itong si Jonah, tumatakas sa Diyos at ayaw siyang kilalaning Hari na dapat sundin sa lahat ng pagkakataon. Kahit ayaw mo, kahit anong feel mo. Buti pa sila nagpray kay Lord. Si Jonah hindi (sa chapter 2 pa lang). Buti pa sila may takot sa Diyos, si Jonah, sinabi ngang may takot siya sa Diyos pero walang takot tumakbo palayo sa Diyos. Buti pa sila naawa kay Jonah. Si Jonah di man lang nagpray para sa kanila, di man lang maawa sa mga taga-Nineveh.
Buti pa ang hangin sumusunod sa Diyos nang ipadala ito sa dagat. Si Jonah ayaw ipadala sa Nineveh. Buti pa ang isda sumunod sa Diyos nang ipadala kay Jonah para maligtas siya. Si Jonah ayaw sumunod para maligtas ang mga taga-Nineveh.
Sinasabi nating tagasunod tayo ni Jesus. Pero di naman tayo sumusunod sa iniuutos niya na “make disciples of all nations”. E baka dapat “tagasuway” ang itawag sa atin? Pak ganern! Sumuway si Jonah sa utos ng Diyos. Sumusuway din tayo. Tulad ni Jonah, we don’t deserve any good thing from God. Dapat lang tayong maparusahan, dapat lang tayong mamatay. Kung hustisya ang paiiralin, lahat tayo susunugin sa impiyerno.
Rescued!
Pero buti na lang, and this is good news, merong umako ng parusang nararapat para kay Jonah, para sa atin. Ang kuwentong ito ay tungkol kay Jesus na “higit pa kay Jonah” (Matt. 12:41). Siya ang nilunod ng galit ng parusa ng Diyos sa kanyang kamatayan sa krus, nilunok ng lupa tatlong araw tatlong gabi. Para tayo’y maligtas. Iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng gawa ni Cristo bagamat di tayo karapat-dapat. Tulad ng ginawa ng Diyos kay Jonah. “Samantala, nagpadala ang Panginoon ng isang malaking isda para lunukin si Jonas. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa tiyan ng isda” (Jonah 1:17 ASD).
Sige, lumayo ka sa Diyos. Pero tandaan mo, di ka niya tatantanan hanggang di ka naibabalik sa pagsunod sa kanya, palapit sa presensiya niya. So, Jonah, stop running away from God. Mapapagod ka lang. Magmumukha ka lang tanga. Ikaw ba naman ang magswimming sa loob ng belly ng fish. Buti walang CCTV sa loob at ibroadcast sa CNN. Kahit kasing galing mo pa si Michael Phelps sa swimming, nakakatawa pa rin yun.
Kaya yung iba, hindi naniniwala na historical ‘to, na totoong nangyari. Parable daw ito, o kaya’y isang allegory. Kasi sino nga ba naman ang magsurvive sa loob ng tiyan ng isda? Pero para kay Jesus, totoong nangyari ‘to. Bakit di mo papaniwalaan si Jesus? Sa Matthew 12, nanghihingi ang mga tao ng himala para patunayan ni Jesus na siya nga ay galing sa Diyos (v. 38). Sabi niya, “Walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa” (vv. 39-40).
Katawa-tawa naman itong nangyari kay Jonah. At unbelievable ang sequence of events. But that’s the point of the story! Unbelievably ridiculous ang pagsuway natin sa Diyos. Pero unbelievably scandalous ang pagliligtas sa atin ng Diyos. It may sound unbelievable, but it is true. Dahil totoong mangyayari ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus (at nangyari nga!), kaya totoo ring nangyari ito kay Jonah.
Pero di naman siya namatay, muntik-muntikan na siyang mamatay. Pero sinagip siya ng Diyos, para siya’y mabuhay. Hindi pa tapos ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Hindi pa tapos ang pagtuturo niya kay Jonah. Tayo rin, sinagip ng Diyos mula sa kasalanan at araw-araw pa ring sinasagip ng Diyos mula sa puso nating makasarili. Dahil meron siyang misyon para sa atin. Meron siyang gustong ituro sa atin. Meron siyang gustong gawin sa puso natin.
Ngayong naranasan natin ang pagsagip ng Diyos, ano dapat ang maging unang tugon natin? Tulad ni Jonah, nanalangin siya’t nagpasalamat sa Diyos.
Giving Thanks
“Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Dios sa loob ng tiyan ng isda” (2:1). Nagpray din sa wakas! Di tulad nung nagbigay ng instruction si Lord sa kanya, no comment man lang. Mamamatay na ang mga nasa barko, di man lang siya nagpray para iligtas sila ng Diyos. Mas gugustuhin pa niyang mamatay kesa bumalik sa Diyos. Ha? Pero siguro noong di na siya makahinga sa ilalim ng tubig, nagpray na siya at humingi ng tulong. Siguro. Pero itong vv. 2-9 ay record ng kanyang prayer na isinulat niya paglabas na niya ng isda. Alangan namang sa loob ng tiyan! At nakarecord dito hindi yung prayer niya para siya’y iligtas ng Diyos. Ito ay prayer of thanksgiving sa pagsagip ng Diyos sa kanya.
Well, kanina pa natin inookray itong si Jonah dahil di naman talaga maganda ang mga pinakita niya sa kuwento. At di maganda ang mga dinanas niya, na dulot na rin ng kanyang pagsuway sa Diyos. Naramdaman niya ang “paghihirap ng aking kalooban at kalagayan” (v. 2). Nalagay siya “sa bingit ng kamatayan” (v. 2), na sa literal ay “sa kailaliman ng lugar ng mga patay” (Heb. Sheol). “Napalibutan ako ng tubig at natabunan ng mga alon” (v. 3). Naramdaman niyang bigat ng malayo sa presensiya ng Diyos (v. 4). Halos malunod siya at “ang ulo ko ay napuluputan ng mga halamang-dagat” (v. 5). Feeling niya na nakakulong na siya sa ilalim ng lupa at parang di na makakaahon (v. 6). Feeling niya katapusan na niya, nawawalan na siya ng pag-asang mabuhay pa (v. 7).
Nararanasan din natin yan. Yun bang di mo na alam kung anong gagawin mo, di mo na alam sinong lalapitan mo, di mo na alam kung may direksyon pa ang buhay mo. Yan ang eksaktong mga sitwasyon sa buhay na ginagamit ng Diyos para ipakita sa atin na wala nang iba tayong malalapitan maliban sa kanya. Katunayan nga, inilalagay tayo ng Diyos sa isang sitwasyon na wala na tayong magagawa maliban sa manalangin sa kanya. Kaya kung feeling mo wala nang mangyayari sa buhay mo ngayon, take heart. Kasi siguradong nagpapakilala sa iyo ang Diyos. Ganun ang ginawa niya kay Jonah. Nanalangin siya, and it is always a good thing when we pray to God. Di man totally ayos na ang puso ni Jonah, maganda pa rin ang nangyari sa kanya dahil nagpakilala ang Diyos sa kanya. Lumalalim man ang bigat ng problema natin sa buhay – dahil sa pagsuway man natin o kasalanan ng iba – lumalalim din ang pagkakilala natin sa Diyos.
Sa prayer of thanksgiving ni Jonah, paano niya nakilala ang Diyos?
#1 – Nakikinig ang Diyos sa ating mga hinaing.
Sa verse 2 nakasulat hindi lang simula ng prayer niya kundi yung summary ng naranasan niya. Sabi niya, “Panginoon, sa paghihirap ng aking kalooban at kalagayan humingi po ako ng tulong sa inyo, at sinagot nʼyo ako. Sa bingit ng kamatayan, humingi ako ng tulong sa inyo, at pinakinggan nʼyo ako.”
Tumawag siya sa “Panginoon.” Yahweh, personal na pangalan ng Diyos. Inaamin na niyang si Yahweh ang kanyang Panginoon at di siya lalayuan, di siya pababayaan. Ang prayer na ito ay hindi nakafocus sa ginawa ni Jonah. Oo, humingi siya ng tulong. Oo, tumawag siya sa Diyos. Pero yun ay pag-amin na kailangan niya ang tulong ng Diyos. This prayer glorifies God na siyang nilalapitan natin ng tulong. Sa pamamagitan ng prayer, kinikilala nating nakikinig ang Diyos.
Karaniwan, kapag wala na tayong matatakbuhan at mahihingan ng tulong saka tayo sa Diyos lumalapit. Buti na lang hindi niya tayo susumbatan at sasabihing, anong K mong lumapit sa kin ngayon aber? Parang nung isang araw, barado yung tubo sa kitchen sink namin. Nilinis ko. Nung ikakabit ko na, may tumutulo naman. May limit ang powers ko. Anong gagawin ko? Tatawag na ko kay Mang Nedy, yung tubero namin. Di tatanggi yun. Tubero nga, yun ang trabaho niya. Kaya lang may bayad. Pero sa paglapit natin sa Diyos, wala nang bayad, walang kapalit, may nagbayad na. Kaya we pray “in Jesus’ name.” At di man niya trabahong tulungan tayo pero inobliga na niya ang sarili niya para sa atin. He’s always there to listen, he’s always there to help. Hindi dahil yun ang trabaho niya. Kundi dahil gusto niya.
#2 – Kung tayo’y nalalayo, ibinabalik tayo ng Diyos palapit muli sa kanya.
“Inihagis nʼyo ako sa pusod ng dagat. Napalibutan ako ng tubig at natabunan ng mga alon na ipinadala ninyo. Pinalayas nʼyo ako sa inyong presensya, pero umaasa pa rin akong makakalapit muli ako sa inyo roon sa inyong banal na templo” (vv. 3-4).
Mga kasama niya sa barko talaga ang naghagis sa kanya sa dagat. Pero sabi niya sa prayer niya, “Inihagis n’yo ako…” Kinikilala niya na kumikilos ang kamay ng Diyos para disiplinahin siya. Na ang tubig at hampas ng alon sa kanya ay hampas ng kamay ng Diyos. Ipinaramdam sa kanya ng Diyos ang bigat ng malayo sa presensiya niya. Sabi niya, “Pinalayas n’yo ako sa inyong presensiya…” Oo, siya pa nga ang tumakas palayo. Siya pa nga ang naglayas. Pero pinaranas sa kanya ng Diyos na patungo sa kapahamakan at kamatayan ang malayo sa presensya ng Diyos. Kaya gusto na niyang bumalik sa Diyos. Nasasabik siyang makita ang templo ng banal na Diyos, kung saan naroon ang manifest presence ni God. Nasasabik siyang matikman muli ang sarap ng may malapit na relasyon sa Diyos.
Tulad ni Jonah, sa pagsuway natin sa utos ng Diyos, para tayong batang naglayas sa kanilang bahay. Sa hirap ng dinanas niya, gusto na niyang bumalik. Pero natatakot siyang humarap sa tatay niya. Baka salubungin siya ng galit, pagmumura at masasakit na palo. Buti na lang, dahil kay Jesus, malaya na tayong makakalapit sa Diyos. We now have access to God’s throne of grace. Nahati na ang tabing sa templo, pwede na tayong lumapit sa dakong kabanal-banalan. Walang takot na maparusahan. Walang takot na papagalitan ng Diyos. Tulad ng ama sa kuwento ni Jesus sa Luke 15, siya pa ang sasalubong sa atin, yayakapin tayo, at hahagkan. Kung sabik ka sa presensya ng Diyos, mas sabik siya na magbalik ka sa kanya.
#3 – Inililigtas tayo ng Diyos mula sa tiyak na kapahamakan.
Grabe ang naranasan niyang desperation sa ilalim ng tubig. Sabi niya sa prayer, “Lumubog po ako sa tubig at halos malunod. Natabunan ako ng tubig at ang ulo ko ay napuluputan ng mga halamang-dagat. Lumubog ako hanggang sa pinakailalim ng dagat, at parang ikinulong sa kailaliman ng lupa magpakailanman…” (vv. 5-6). Parang wala nang pag-asa. Parang katapusan na ng lahat. Parang wala nang liwanag na masisilayan. Parang wala na.
Para lang. Hangga’t buhay ang Diyos, may pag-asa. Dugtong niya, “…Pero kinuha nʼyo ako sa kailalimang iyon, O Panginoon kong Dios. Nang parang mamamatay na ako, tumawag ako sa inyo, Panginoon, at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko roon sa inyong banal na templo” (vv. 6-7). Wala na siyang ibang malalapitan, wala nang ibang mahihingan ng tulong, wala nang powerful at caring enough to save him. Wala na maliban sa Diyos, sa Diyos na kanyang tinatakasan. Ngayon wala na siyang kawala, nacorner na ni Lord. Pinatunayan niyang siya lang talaga ang makapagliligtas sa atin sa tiyak na kapahamakan.
Minsan nasa Cagayan de Oro ako. Sinubukan ko yung adventure ng whitewater rafting. Grabeng wild river experience! May isang part dun sa river na medyo kalmado, pinababa kami ng raft para magfloating muna sa river. Napansin ko nadadala ako ng agos palayo sa raft namin. Kinabahan ako. Nang malapit na sa gilid, sinubukan kong humawak sa bato. Nasugatan ako at di ako nakakapit. Sabi ng leader namin, “Hayaan mo lang, magpadala ka lang sa agos, titigil ka rin.” Yun nga, nagtiwala ako sa kanya. Nilapit nila yung raft sa akin, kinuha ang kamay ko at isinampa ako ulit.
Yan ang gusto ng Diyos, magtiwala tayo sa kamay niya na sasagip sa atin sa tiyak na kapahamakan. Kahit tinatangay pa tayo ng agos palayo. He will come near us and save us. Ginawa niya yan. Siya pa ang lumapit sa atin. Bumaba si Jesus mula sa langit “to seek and save the lost.” Tunay ngang he is mighty to save!
#4 – Ang Diyos lang ang karapat-dapat sambahin dahil siya lang ang tanging Tagapagligtas.
Verse, “Ang mga taong sumasamba sa mga walang kwentang dios-diosan ay hindi na tapat sa inyo.” Heto yung mga kasama niya sa barko, na eventually ay kumilala din sa kanyang Diyos. Di nga sila tapat sa Diyos, pero tulad din naman ni Jonah. Sila pa nga ang naunang maghandog sa Diyos. Pero eventually, yun na rin ang ginawa ni Jonah sa kanyang prayer. Verse 9, “Pero maghahandog ako sa inyo nang may awit ng pasasalamat. Tutuparin ko ang pangako ko na maghahandog sa inyo. Kayo po, Panginoon, ang nagliligtas.”
Dapat lang na siya ang sambahin. Dapat lang na siya ang pasalamatan. Dapat lang na siya ang handugan. Dapat lang na siya ang paglingkuran. Dahil? Siya lang ang tagapagligtas, wala nang iba.
Bakit nga naman tatanggapin ng Diyos ang prayer ni Jonah? Dahil ba maganda ang composition nito? Dahil ba maayos ang theology o doctrine na nakapaloob dito? Dahil ba sa promise na binitawan niya? Dahil ba sa potential ni Jonah na maging isang mahusay na misyonero? No!!! It is only because of the grace of God. At yan ang naranasan natin dahil kay Jesus. Siya ang nangako at tumupad ng kanyang pangako. Siya ang templo, siya ang naghandog, siya rin ang inihandog para sa ating mga kasalanan. Para makalapit tayo sa Diyos. Wala namang ginawa si Jonah para tanggapin ng Diyos. Wala naman tayong ginawa o magagawa para tanggapin ng Diyos. Tinanggap tayo, kasama ang ating panalangin, pagsamba, paglilingkod, hindi dahil sa husay o galing natin, kundi dahil sa ginawa ni Jesus para sa atin.
Kaya nga “Salvation belongs to the Lord.” Yan ang summary ng prayer ni Jonah. Yan din ang summary ng buong Story ng Bibliya. Salvation, sa Hebrew Yeshua, diyan galing ang pangalang Joshua, yan din ang pangalan ng Panginoon Jesus! He is our Savior. We worship because of Jesus. We pray because of Jesus. We serve because of Jesus. Kung naniniwala ka na si Jesus lang ang tanging Tagapagligtas, wala nang iba, talaga namang Diyos lang ang karapat-dapat sambahin, wala nang iba.
At kung siya’y karapat-dapat sambahin, hindi ba’t siya rin ay karapat-dapat sundin? Susunod na kaya si Jonah sa utos sa kanya ng Diyos na pumunta sa Nineveh?
Obedience
Verse 10, “Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.” Three days ago, sabi ng Panginoon sa isda, “Puntahan mo si Jonah, at lunukin para siya’y maligtas.” Sabi ng isda, “Yes, Lord! Ngayon din!” Inutusan ulit ng Panginoon ang isda, “Dalin mo na siya sa tuyong lupa, at iluwa.” Sabi ng isda, “Yes, Lord!” Buti pa ang isda, sumusunod sa Maylikha sa kanya. Ang tao kaya? Tayo kaya na binigyan niya ng buhay at ng bagong buhay at ng buhay na walang hanggan?
Makikita natin sa next part ng story ni Jonah, na pag-aaralan natin next week, na susunod na siya sa Diyos. Pupunta siya sa Nineveh, magpipreach siya dun, tulad ng utos sa kanya ng Diyos. Pero dapat nating alalahanin na ang tunay na pagsunod sa Diyos ay hindi lang pagganap ng mga tungkuling ibinigay niya sa atin. Ito dapat ay nag-uugat sa pusong katulad ng puso ng Diyos.
Ang salita “iniluwa” sa literal ay “vomited” o “isinuka”. The language is negative. Isinusuka mo ang pagkaing di tinatanggap ng tiyan mo. Posible na ito ang ginamit na salita rito to indicate na bagamat nanalangin si Jonah, at susunod siya sa utos ng Diyos, meron pa ring dapat na itama at ayusin sa puso niya. At yan naman ang makikita natin nang malinaw sa chapter 4.
Pero ngayon pa lang, marapat na siyasatin natin ang puso natin. Nagpepray nga tayo tulad ni Jonah. Pero yung mga nasa barko di man lang niya pinagpray para maligtas. Karamihan ba ng prayers natin para sa sarili nating kapakanan? Do we pray for the lost and the unreached? Nandito tayo nagpapasalamat at nagpupuri sa Diyos, pero pinapangarap din ba natin ang pagdating ng araw na lahat ng lahi sa buong mundo ay magpupuri din sa Diyos? Nagpepray tayo na ibless tayo ni Lord, pero nagpepray din ba tayo na maging blessing tayo to the nations? Naniniwala tayo na “Salvation belongs to the Lord,” na siya ang ating Tagapagligtas, pero naniniwala din ba tayo na siya ang Tagapagligtas nila?
At kung naniniwala ka, susunod ka na ba sa kanya? Susunod ka na ba pag sinabi niyang go and make disciples of all nations? Susunod ka na ba pag sinabi niyang pray for the nations? Susunod ka na ba pag sinabi niyang give to the nations? Susunod ka na ba pag sinabi niyang preach the gospel to your enemies? Susunod ka na ba? Ikaw ang makasasagot niyan.