Sa nakaraang dalawang Linggo, tinulungan ko kayo kung paano magiging gospel-centered o gospel-driven ang personal Bible reading at prayer life n’yo. Bible reading and prayer – dalawa sa pinakamahalagang spiritual disciplines na kailangan nating matutunan at palagiang ipractice bilang mga disciples ng Panginoong Jesus. Sa pamamagitan nito, inaalala natin kung gaano kalaki ang pagmamahal sa atin ng Diyos, at ipinapahayag din naman natin ang pag-ibig natin sa kanya. We are loved by God to love God.
Mahalaga ang personal communion with God, daily. Pero hindi pwedeng personal lang at private. Ang pagmamahal natin sa Diyos ay mas naeexpress at mas tumitindi kung nag-ooverflow ito kasama ang iba sa pagsamba, public and corporate as a church. Kaya nagtitipon tayo tuwing Linggo nang umaga. We make it a priority sa schedule natin sa family at sa church. Sama-sama tayong nagpupuri sa Diyos dahil sa kanyang biyaya sa atin.
“Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa (hindi mo magagawa iyan nang mag-isa!). Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo” (1 Ped. 2:9-10 ASD).
The gospel drives us, motivates us to worship God with others. Hindi tayo sumasamba dahil lang sa tradisyon, o bahagi na ng ritwal natin, o dahil obligasyon natin, o para hindi tayo mag-feeling guilty, o para makuha ang pabor ng Diyos kung may kahilingan tayo sa kanya. We worship because of the gospel of Jesus, dahil sa laki ng awa at habag niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo.
“Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya” (Rom. 12:1).
Sumasamba tayo dahil sa awa ng Diyos. Hindi dahil karapat-dapat at katanggap-tanggap tayo. Merong ilan akong nakakausap na ang dahilan kung bakit di muna sila dumadalo sa pagsamba, ganito ang sabi, “Pastor, pasensya na kayo, hindi pa kasi ako OK ngayon, kailangan ko munang ayusin ang sarili ko.” Ha? God is not waiting for you to fix yourself first. Because of the gospel, kaya nga good news, dahil kahit makasalanan tayo, marumi, messy, at ilang ulit naging unfaithful, makakalapit tayo sa Diyos dahil sa gawa ni Cristo para sa atin.
“Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus (hindi dahil sa gawa natin!)…lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin (hindi dahil inayos na natin ang sarili natin!)…” (Heb. 10:19, 22).
Mga kapatid, bakit kayo nandito ngayon? Dahil ba member ka ng church? Dahil ba may nakaassign sa iyo sa service? Dahil ba leader ka na tinitingnan ng iba? Dahil ba pastor ka? Dahil ba nakasanayan mo na? Dahil ba nandito ang pamilya mo? Dahil ba nandito ang crush mo? Dahil ba may wish ka kay Lord na gusto mong makuha? Dahil ba nagiguilty ka pag di ka nakakaattend?
Ang “gospel” ba ang nagtutulak sa iyo para gumising nang maaga, gumayak, at tiyaking nandito ka na bago pa magsimula at matapos hanggang dulo ang pagsamba? Narito ka ba dahil sa kadakilaan ng Diyos, at dahil nakikita mo ang laki ng pangangailangan mo sa kanya, at dahil kay Jesus na siyang nagligtas sa iyo, at dahil gusto mong purihin siya, pakinggan siya at magpasalamat sa kanya? Sana ganoon!
Shaped by the Gospel
Mahalaga ang motibo natin sa pagsamba. Mahalaga din ang mga pamamaraang ginagawa natin para ipahayag ang pagsambang iyon. Ang pagsamba ay hindi pwedeng basta lang kung ano ang maisipan nating gawin, o kung ano ang tradisyon na ng church na gawin, o kung ano ang style na personal preference mo, o kung ano ang makakaattract ng maraming tao (Bryan Chapell, Christ-Centered Worship, p. 85).
Kung ang gospel ang dapat nasa sentro ng buhay natin, pati sa Bible reading and prayer life natin, dapat sa worship service ganoon din. Bakit? Magbigay ako ng three reasons. Dahil ang gospel-shaped worship ay:
- Consistent with the gospel story. Hindi pwedeng nakasalungat sa gospel, dapat consistent sa message na pinanghahawakan natin, ipinamumuhay natin, at ipinapangaral natin sa iba. Sabi pa ni Chapell, “The worship of the church honors the gospel. The worship of the church communicates the gospel. And, the gospel shapes the worship of the church” (p. 100). Hindi lang ito para sa mga unbelievers. Kundi para din sa atin, para maalala natin, sa mga kinakanta natin, sa mga prayers natin, sa mensaheng naririnig natin, kung gaano kalaki ang pagmamahal ng Diyos sa atin.
- Honoring to God – Father, Son and Spirit. Kapag nakasentro kay Cristo ang pagsamba, hindi ibig sabihing we bypass the Father and the Spirit. Katunayan, mas nakikita natin ang kadakilaan, kabutihan at katapatan ng Ama kung inaalala natin ang ginawa ni Cristo para sa atin. We honor the Son, we honor the Father (John 5:23). Paano naman ang Holy Spirit? Kapag nakikita natin si Cristo, ministry ng Holy Spirit iyon na mas makita natin si Cristo, at mahubog tayo na maging tulad ni Cristo. The Spirit came to glorify Christ (John 16:14).
- Engaging the heart. Ang pagsamba ay hindi lang kung ano ang nakagawian nating “flow” or “order” of worship. Na parang nakikisabay lang tayo. Kung ang pagsamba natin ay dapat na “in spirit and in truth” (John 4:23-24), dapat engaged ang heart natin. Kasi, oo nga’t ang pagsamba ay para sa Diyos at ito ang layunin kung bakit tayo iniligtas ng Diyos. Pero dinisenyo ito ng Diyos na “redemptive” din para sa atin ngayon, hangga’t hinihintay natin ang masilayan si Cristo at sambahin siya for eternity. Habang sumasamba tayo, hinuhubog ng Diyos ang puso natin. Minsan kasi akala natin we’re doing it for God, pero in reality pinapakita ng Diyos na hindi niya tayo kailangan, tayo ang may kailangan sa kanya.
Aspects of Christ-Centered Worship
Sa book ni Chapell, inisa-isa niya ang walong aspeto ng pagsambang si Cristo ang nasa sentro (gospel-shaped), na nagpapakita ng “pattern of the progress of the gospel in the heart” (p. 99). Unang-unang naaapektuhan ng “gospel” ang puso natin sa pamamagitan ng pagpapakilala sa atin kung sino ang Diyos (#1 – Adoration). At kapag naunawaan talaga natin ang kaningningan ng kanyang kabanalan, mas nakikilala natin ang sarili natin ang inaaming kailangan natin siya (#2 – Confession). Ang “gospel” din naman ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na sapat ang biyaya niya para sa ating mga kasalanan at kahinaan (#3 – Assurance), at ang puso natin ay tumutugon sa pasasalamat (#4 – Thanksgiving) at nagpapakumbabang paghiling sa tulong niya (#5 – Petition and Intercession). Bilang tugon ng Diyos sa kailangan nating tulong, ibinibigay ng Diyos ang kanyang Salita (#6 – Instruction). Bilang tugon sa kanyang salita, sama-sama tayong nagdiriwang (#7 – Communion/Fellowship). At bago man maghiwa-hiwalay, taglay natin ang tagubilin ng Diyos sa atin at pangako na sasamahan niya tayo sa araw-araw (#8 – Charge and Blessing).
Bakit ko ito itinuturo sa inyo? Para malaman at maunawaan natin kung bakit natin ginagawa ang mga ginagawa natin tuwing Linggo. At para maevaluate din natin kung ano pa ang dapat nating baguhin para mapanatiling nakasentro kay Cristo ang pagsamba natin. Hindi dahil lang nakasanayan na natin ito, kundi para masanay ang puso natin na mas lumalim pa kay Cristo sa pagsamba sa kanya.
Meron bang biblical examples ng ganitong pagsamba? Wala namang eksakto, kasi di naman nagbigay ng specific form of worship ang Bible, kahit sa New Testament. Meron tayong freedom to express ang worship sa iba’t ibang cultural expressions. Pero hindi ibig sabihing bahala na tayo kung ano ang gusto natin. Merong ilang mga patterns na pwede nating gamitin para mag-guide sa atin.
Halimbawa, sa Isaiah 6, nung nakita ni Isaiah ang isang vision, nakita niya ang kabanalan ng Diyos sa pamamagitan ng awit ng mga heavenly beings (vv. 1-4), inamin niyang makasalanan siya (v. 5). Ipinadama ng Diyos ang kabutihan niya, at tiniyak na siya’y napatawad (vv. 6-7). Ang response niya na pagsunod sa tawag ng Diyos ay nagpapakita ng pasasalamat niya sa habag ng Diyos (v. 8). Pagkatapos, nagbigay ang Diyos ng instruction na kailangan niyang sundin (vv. 9-12), na sinundan pangakong pagpapala ng Diyos (v. 13).
Personal worship ang kay Isaiah. Sa case naman ng temple dedication na pinangunahan ni Solomon sa 2 Chronicles 5-7, corporate gathering ng Israel, bilang pagdiriwang sa kabutihan ng Diyos na manirahan sa Israel sa pamamagitan ng templo, ang bahay ng Panginoon. Sa 5:1-5, tinipon ni Solomon ang mga tao para makita ang kagandahan ng templo, na larawan ng kagandahan ng Diyos. Inamin nila ang kasalanan nila sa pamamagitan ng mga handog, sa pamamagitan ng mga pari (5:6-10). Nagpuri sila sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan (5:11-13), at ipinakita ng Diyos na sasamahan niya sila (5:13-14). Pagkatapos, nagpuri si Solomon sa Diyos at nagpasalamat sa pagliligtas niya sa kanila (6:1-11), nanalangin siya sa Diyos para pangalagaan ang mga tao (6:12-21), habang nananalangin may instruction siya sa mga tao mula sa Salita ng Diyos (6:22-42). Pagkatapos, pinagpala ng Diyos ang mga tao at tinanggap ang kanilang paghahandog (7:1-3). Sama-sama silang nagpuri sa pamamagitan ng isang salu-salo (7:4-9), at pinauwi na ni Solomon ang mga tao pagkatapos (7:10).
Siyempre, Old Testament ito. Pero lahat ito ay patungo sa ginawang paghahandog ni Cristo, at tayo ngayon sa panahon ng New Testament, sa paraan ng pagsamba natin, si Cristo ang nasa sentro. Pero ang nakita natin kay Isaiah at sa panahon ni Solomon, ang puso ng tao, para lumalim sa gospel at manatiling kay Cristo nakasentro, merong movement, merong pattern.
Isa-isahin ulit natin, at tingnan natin ang halimbawa nito sa Psalms (worship book ng Israel) at kung paano natin ito ginagawa tuwing Linggo, at kung paano tayo dapat magrespond dito.
#1: Adoration – recognition of God’s greatness and grace
“Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang. Siya ay banal! Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan. Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan, at ang ginagawa niya sa Israel ay matuwid at makatarungan. Purihin ang Panginoon na ating Dios. Sambahin siya sa kanyang templo” (99:3-5).
Ang sinasamba natin ay banal na Diyos! Sa simula pa lang ng pagsamba ito ang dapat nating marinig. Hindi lang sa pagbasa ng Scripture, pwede ring sa pamamagitan ng isang awit, o tahimik na pagbubulay-bulay, o maikling salita mula sa worship leader, o sama-samang pagbigkas ng “Affirmation of Faith.” Napakahalaga ng “Call to Worship” – kasi ito ang paanyaya para sumamba tayo sa Diyos na maylikha ng lahat. Kaya mahalaga na dumating kayong lahat bago pa ang oras ng simula natin! Bawat minuto sa pagsamba ay mahalaga.
“Every moment God’s people gather together in his presence can be of eternal significance. Let’s not waste them” (Bob Kauflin, “Thoughts on a Call to Worship”)
#2: Confession – acknowledgment of our sin and need for grace
Sa tuwing nahaharap tayo sa kabanalan ng Diyos, tulad ng response ni Isaiah at lahat ng anak ng Diyos inaamin nating tayo’y makasalanan at di karapat-dapat na humarap sa kanya. Ganito ang prayer natin, “Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan, patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan” (Ps. 25:11). “O Dios, kaawaan nʼyo po ako ayon sa inyong tapat na pagmamahal. At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin, ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin” (51:1).
Hindi karaniwan sa mga churches na may time of confession. Pero kung gusto nating mas lumalim sa pagkakilala at paghanga sa ginawa ni Cristo, dapat aminin natin kung gaano kalaki ang pangangailangan natin sa kanya. Karaniwan sa simula natin ito ginagawa. O bago mag-Lord’s Supper. O bilang response sa sermon na napakinggan natin. Aside from Scripture, pwede tayong umawit na may humble repentance (pero bihira ang songs of confession), pwedeng tahimik lang na manalangin, pwede ring aminin sa isa’t isa ang kasalanan.
#3: Assurance – affirmation of God’s provision of grace
Kapag naramdaman nating unworthy tayo, di naman tayo makasamba sa kanya hangga’t di natin inaalala na si Jesus na ang nagbayad ng ating mga kasalanan. Wag nating kalilimutan ang laki ng biyaya ng Diyos, “Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan. Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang. Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa, ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya. Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan” (Ps. 103:10-12).
Ipinapaalala sa atin ang gospel sa pamamagitan ng isang worship leader na magbabasa ng Scripture na tulad ng Psalm 103 o anumang salita na nagpapaalala ng ginawa ni Cristo para sa atin. Karaniwan nating inaawit ang mga kantang talaga namang si Jesus at ang gawa niya sa krus ang nasa sentro.
#4: Thanksgiving – expression of praise and thanks for God’s grace
Karaniwan din sa mga awit natin ang praises and thanksgiving. “Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan. Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga. Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios. Aawit ako ng mga papuri para sa inyo” (9:1-2). “Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay, kaya pupurihin ko kayo. Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay. Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo. Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan. At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan” (63:3-5).
Pero hindi lang songs. Pwedeng meron ding magbigay ng testimony, life story or missions/ministry updates, answered prayer. At ang mga financial tithes and offerings natin ay nagpapahayag ng laki ng pasasalamat natin sa kabutihan ng Diyos.
#5: Petition and Intercession – expression of dependence on God’s grace
Kumpiyansa tayong makakalapit sa Diyos dahil kay Cristo, “Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid, at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin. Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso, at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa” (34:17-18).
Ang prayer natin minsan elder ang mangunguna, minsan sabay-sabay tayo, minsan we pray by partner or in small groups. Minsan din may testimony. Madalas may prayer for kids or iba pang groups dito sa church natin. Ang mahalaga, ipinapahayag natin sa Diyos na kailangan natin siya sa bawat aspeto ng buhay natin at ng ministeryo ng ating iglesiya. This is not a boring part sa worship service natin. Make sure your heart is engaged sa prayer times.
#6: Instruction – acquiring the knowledge to grow in grace
Kailangan natin ang paggabay ng salita ng Diyos, “Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan, at susundin ko ito nang may katapatan. Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo” (Ps 86:11). “Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin, at habang nabubuhay itoʼy aking susundin. Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan, at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan” (119:33-34).
Karaniwan natin itong ginagawa through Scripture reading at sermon na nakasentro kay Cristo. Pero kahit sa pamamagitan ng testimony or life story, pwede ring magbigay ng instruction sa atin. Karaniwan din umaawit tayo pagkatapos ng sermon para ipahayag ang commitment na sundin ang nais ng Diyos.
#7: Communion/Fellowship – celebrating the grace of union with Christ and his people
We also celebrate the reality of our union with Christ and with each other. Dahil? “Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa’t laging sama-sama na magkakapatid” (133:1 MBB)! Hawak kamay na umaawit tayo sa Diyos, nagpapasalamat sa kanya, nagsasalu-salo sa Lord’s Supper, at minsan ay may salu-salo sa tanghalian. We also pray for each other, o kaya’y nagtitipon sa small group para talakayin ang mensahing napakinggan. Kaya tayo may Family Sunday every first Sunday. Dito rin kasali ang mga announcements para sa mga gatherings natin as a church. Minsan may special offering din sa kapatid nating may matinding pangangailangan.
#8: Charge and blessing – living for and in the light of God’s grace
At bago tayo maghiwa-hiwalay, mahalagang sa bandang dulo ay magkaroon tayo ng kumpiyansa na tutulungan ng biyaya ng Diyos para mamuhay ayon sa nais niya. Mamaya sa pagtatapos natin, ito ang babasahin ko bilang benediction, “Nawaʼy sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Dios, at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu” (2 Cor. 13:14). Pwede ring ibang talata sa Bibliya o sarili kong words of blessing para sa inyo, o umawit nang panghuling awit ng papuri sa Diyos.
Commitment to Worship
Nakita na nating bawat bahagi ng pagsamba natin sa Diyos ay mahalaga dahil ang sinasamba natin ay ang pinakamahalaga sa lahat na ipinaranas sa atin ang napakalaking pagmamahal niya bagamat napakalaki ng pagkakasala natin. We must renew our commitment, then, in corporate worship.
Para sa mga lead worshipers, tandaan n’yong tayo na tumatayo dito sa harapan ay hindi lang mga leaders, kundi worshipers. Sabi nga ni Paul Baloche, “Our primary task is simply to help others worship.” Na magagawa lang natin kung tayo mismo ay sasamba din sa Panginoon. Mahalaga ang…
- Paghahanda. Tutugtog ka man, aawit, magseserve sa technical, magpepray, magbabasa ng Scripture, magbibigay ng sermon, mahalaga ang paghahandang personal. Naipapakita natin ang kahalagahan ng ginagawa natin kung pinaghahandaan natin itong mabuti.
- Pagsusuri. Uugaliin na rin nating magkaroon ng regular na evaluation, hindi lang para icheck o punahin ang mga pagkakamali. Ang purpose nito ay para makita natin kung anong aspeto ng pagsamba ang mas mapapabuti pa natin sa susunod para mas matulungan natin ang buong church sa pagsamba.
- Pagsasanay. Hindi lang ang mga datihan na ang sasanayin, kahit ang mga bagong members natin na tinatawag ng Diyos na maglingkod sa Sunday Worship Service natin ay sasanayin natin kung paanong manguna sa iba’t ibang aspeto ng pagsamba.
At para naman sa lahat sa atin, paalala na tayong lahat ay worshipers. It requires commitment din.
- Ugaliin ang araw-araw na pagsamba. Ang worship ay hindi lang pang-Sunday. Pang-araw-araw ito. Sa pakikinig natin sa Salita ng Diyos at pakikipag-usap sa kanya, sa araw-araw na pamumuhay nang ayon sa kalooban ni Cristo at nakasentro sa kanya, we give glory to God everyday. You don’t worship God on Sunday and worship other gods throughout the week!
- Pahalagahan at paghandaan ang lingguhang sama-samang pagsamba. Gawin na ninyong priority. Wag na kayong magschedule pa ng iba kapag Sunday morning. Buong pamilya sama-sama mas maganda. Matulog nang maaga. Saturday night pa lang, ipagpray na ninyo ang worship service natin at ang preparation ng family n’yo. At siyempre, dumating nang maaga, ilang minuto bago ang oras ng pagsamba. Mahalagang sa simula ay handa ang puso mo.
- Pagsambang buong puso. Hindi lang sa simula, kundi sa kabuuan ng pagsamba, tiyakin mong fully engaged ang heart mo. God doesn’t just desire na mapuno ng mga seaters ang upuan sa church na ito. Hinahanap ng Diyos ang mga sasamba sa kanya sa espiritu at katotohanan. True worshipers, may pusong nagpapakumbaba, lumuluhod, nagpupuri, nagpapasalamat, at tumatanggap ng kanyang mga salita.