“Bahala na means that life is determined by an impersonal force called palad, suwerte or fate. Destiny has no face. It is unfeeling, disinterested and bears a stamp of unmoving finality” (Evelyn Miranda-Feliciano). Kaiba sa kaisipang “bahala na”, ang pananampalatayang Cristiano ay merong mukha, at ito ay ang mukha ng Diyos na nakay Cristo. Yan ang pag-asa natin, anuman ang hirap ng sitwasyon natin ngayon o kakaharapin bukas – hindi nakasalalay as suwerte o kapalaran o aksidente – kundi sa Diyos na ating Ama.
Listen
Resources
“Bahala Na” and Our Christian Faith
Merong common impression sa ating mga Pinoy na kapag sinabing “bahala na,” akala natin nagpapakita ito ng faith o pananampalataya sa Diyos. Sa chapter 2 (“Did God Say Bahala Na?) ng aklat ni Evelyn Miranda-Feliciano na Filipino Va lues and Our Christian Faith, nagbigay siya ng ilang mga kuwentong makakarelate tayo tungkol dito. May nakausap siyang Mang Vic, na nawalan ng trabaho, at tinanong niya, “Paano na?” Sagot sa kanya, “Bahala na.” May isang babae, si Pinang, palaging binubugbog ng kanyang asawa, pero tinitiis lang. Sabi ni Pinang, “Ito na ang siguro ang suwerte ko (o kapalaran).” Si Edeng naman, ang anak nagtanan, pagbalik ikakasal na. Sinabi daw ng kapitbahay niya sa kanya, “Huwag ka nang malungkot, wala ka nang magagawa at suwerte iyan ng mga bata. Ipakasal mo na lang. Sabi ni Edeng, “Bahala na!” Si Derio, natagpuang patay sa ilog. Sabi ni Ka Amboy tungkol dito, “Ang buhay ay pasuwerte-suwerte lang…”
Naririnig din natin ‘yan sa weather forecast ni Kuya Kim (Atienza), “Ang buhay ay weather-weather lang…” Minsan pa nga pati si Batman dinadamay na, “Bahala na si Batman…” Sabi ni Feliciano sa article niya, “Bahala na means that life is determined by an impersonal force called palad, suwerte or fate. Destiny has no face. It is unfeeling, disinterested and bears a stamp of unmoving finality” (p. 14). Kahit tayong mga Christians na, papalitan natin ng words iyan at sasabihin nating “mapalad” (sa halip na “suwerte”) o “Kung God’s will” pero sa loob natin ay parang sinasabi natin Que Sera Sera (Whatever Will Be, Will Be).
Kaiba sa kaisipang “bahala na”, ang pananampalatayang Cristiano ay merong mukha, at ito ay ang mukha ng Diyos na nakay Cristo. Yan ang pag-asa natin, anuman ang hirap ng sitwasyon natin ngayon o kakaharapin bukas – hindi nakasalalay as suwerte o kapalaran o aksidente – kundi sa Diyos na ating Ama. Makikita natin sa tatlong bahagi ng teksto natin sa Luke 18:1-17 ang tatlong larawan ng pananampalatayang ito na makikita sa isang biyuda, isang BIR collector, at isang sanggol. Ang unang dalawa ay sa pamamagitan ng isang parable, talinghaga o kuwento. At ang pangatlo naman ay sa isang tunay na pangyayari na ginawang object lesson ng Panginoon.
Perseverance in Hope (18:1-8)
Verse 1, Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Intro pa lang, klaro na ang gustong iparating ni Jesus sa kuwentong ito para sa atin na mga disciples niya. This is not so much about how we pray – individually or in prayer meetings. But about the attitude we bring whenever we pray or not pray. Kapag nananalangin ka na baguhin ng Diyos ang asawa mo o tatay mo, o ibigay sa iyo ng Diyos ang trabaho o negosyong pinapangarap mo, tapos parang walang nangyayari, ganoon pa rin pagkatapos ng ilang taon, nandoon ang natural tendency natin na mawalan ng pag-asa, lose hope, umayaw na, madiscourage at masanay na sa sitwasyon. “Ganoon talaga, bahala na!” Gusto tayong turuan ni Jesus na huwag mawalan ng pag-asa, don’t give up, keep trusting in God. “Always pray,” o sabi ni Paul, “Pray without ceasing” (1 Thess 5:17 ESV) o “Never stop praying” (NLT), na nandoon palagi ang attitude natin na umaasa na may gagawin ang Diyos, na may ginagawa ang Diyos. Dapat nating tularan ang biyuda sa kuwento ni Jesus:
Verses 2-5, Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako’y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’”
Tulad ng biyuda sa kuwento. Wala na siyang asawa. Walang ibang maaasahan sa buhay. Meron pang kalaban, o umaapi sa kanya. Inagaw siguro ang lupain nila o inabuso siya. Gusto niyang mabigyan ng katarungan, para maibalik sa ayos ang buhay niya. “Lagi siyang pumupunta sa hukom” (v. 3) at humihingi ng katarungan. Paulit-ulit, nag-aapela, kahit pa nadedeny dahil itong hukom sa kuwento, “walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao” (v. 2). Kurakot siguro, tumatanggap ng lagay, walang pakialam sa mga naaapi. Pero sa kabila noon, di huminto ang biyuda, hindi nawalan ng pag-asa. Kahit “mahabang panahon” (v. 4) ang lumipas. Dumating ang araw, nakulitan na ang judge, naiinis na, para matigil lang ito, ibinigay ang hinihingi.
Nasaan ngayon ang kumpiyansa natin para di tayo magsawa na humiling sa Diyos na magbago ang kalagayan natin sa buhay? Na mapagtagumpayan natin ang mga struggles natin? Na mabago ang kalakaran sa gobyerno natin? Na maabot ang mga kababayan nating Muslim (lalo na ngayon sa panahon ng Ramadan)? Hindi dahil katulad ng Diyos ang hukom sa kuwento. The argument here is from lesser (unrighteous judge) to greater (righteous Judge). Kung iyong unrighteous judge nga, ibinigay ang hinihiling ng biyuda, paano pa kaya ang Diyos na meron tayo, na ibang-iba sa kanya? That’s our confidence! Kaya sabi ni Jesus…
Verses 6-8, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon [ng kuwentong ito]. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya’y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”
Makatarungan ang Diyos. His justice is perfect. Anumang mali itatama niya. He will complete his redemptive purpose for – na maging tulad tayo ng kanyang Anak (Rom. 8:29). And we are not strangers to God, tulad ng biyuda sa hukom. We are in a relationship with him. He is our Father – loving, merciful, gracious. We are his children, mga hinirang (v. 7), chosen, beloved, precious with him. Tayo “kaya’y paghihintayin niya nang matagal” (v. 7)? Ang sagot ay “No!” “Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan…” (v. 8). Pero parang may kumokontra sa loob-loob natin, “Oo nga, matagal na kong naghihintay…” Pero dapat nating marealize na hindi siya mabagal sa pagtupad sa kanyang pangako, iba ang timetable niya (see 2 Pet. 3:9). He is perfectly wise, mas marunong siya sa atin. Akala natin kailangan natin ngayon at dapat ngayon na ibigay ng Diyos, pero alam niya, hindi iyon ang kailangan natin ngayon.
Mas kailangan natin ngayon ang matuto kung paano magtiwala sa kanya. Dumaraing tayo sa kanya araw at gabi (v. 7) kasi alam nating kailangan natin siya maya’t maya – hindi ibig sabihing kukulitin natin siya para makulitan siya at ibigay na ang hinihiling natin. There’s never a moment that we lose our need of him. Kaya magtitiwala tayo sa kanya hanggang sa muling pagbabalik ng Panginoong Jesus. “Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya” (v. 8). Oo, madaratnan niya tayong patuloy pang umaasa. Dahil alam natin na sa araw na iyon, everything will be made right! Sasabihin niya sa araw na iyon, “Behold, I am making all things new” (Rev 21:5 ESV).
Iyan ang malaking kaibahan ng “bahala na” sa tunay na pananampalataya. Umaasa tayo may ginagawa ang Diyos ngayon, may gagawin siya bukas, at tutuparin niya ang lahat ng ipinangako niya sa pagbabalik ng kanyang Anak.
Humility in Repentance (18:9-14)
Sa mga taong “minamalas” madalas marinig ang salitang “bahala na” at ang baba ng tingin nila sa sarili nila pero sa mga tao namang tila “sinusuwerte” ang taas ng tingin nila sa sarili nila at ang baba naman ng tingin nila sa ibang tao. Kaya may gusto siyang ituro sa atin tungkol dito. Verses 9-10, Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis.” Sa kuwentong ito, ang Pariseo ang tinutukoy ni Jesus “taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba.” Ang “iba” na hinahamak o mababa ang tingin ay ang maniningil ng buwis. Bagamat pinariringgan niya ang mga Pariseong nakikinig sa kanya, ito ay aral din na dapat matutunan ng bawat isa sa atin na may tendency ng tulad sa mga Pariseo.
Sa haba ng paglalakbay natin sa Gospel of Luke, naroon na ang impression sa atin na itong mga Pariseo ay parang mga “kontrabida” dahil madalas silang nirerebuke ng Panginoon. Pero para mas maramdaman natin ang impact ng kuwento ni Jesus dito dapat ilagay natin ang sarili natin sa karaniwang Judio nang panahong iyon. Mataas ang pagtingin nila sa mga Pariseo. Dahil itong mga Pariseo, strict sa pagsunod sa kautusan ni Moises at sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Kung baga, sa level ng spirituality at piety, sila ang modelo. Ito namang mga maniningil ng buwis, di maganda ang reputasyon sa mga Judio. Para silang mga traydor dahil nagtatrabaho sila sa dayuhang pamahalaan ng mga Romano, at marami sa kanila, sinasamantala pa ang mga kapwa nila Judio para magpayaman sa sarili nila. Kaya sa pag-iisip nila, kung meron mang karapat-dapat pumasok sa templo at lumapit sa Diyos, ang Pariseo at hindi ang maniningil ng buwis.
Kaya shocking ang ending ng story ng Panginoon. Merong great reversal, totally unexpected. Karaniwan itong tema sa Gospel of Luke. Verse 14a, “Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito’y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo.” Akala ng Pariseo siya ang matuwid sa harapan ng Diyos. Pero nagkakamali siya. Ang tax collector ang matuwid sa harapan ng Diyos. Justified! It’s a legal term na karaniwang ginagamit ni Pablo sa mga sulat niya (lalo na sa Romans). Bagamat makasalanan at dapat lang na managot sa kasalanan, idineklara ng Diyos (the Judge) na pinatawad ang kasalanan, at matuwid sa kanyang harapan. Bakit itong Pariseo ay hindi matuwid sa harapan ng Diyos (bagamat sa harap ng tao at sa sarili niya matuwid siya) at ito namang tax collector ang matuwid sa harap ng Diyos (bagamat sa harap ng tao ay marumi)? Ang sagot ay nandoon sa malaking pagkakaiba ng panalangin nila. What we say in prayer is a window to our soul.
Verses 11-13, Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ Samantala, ang maniningil ng buwis nama’y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’
Pareho silang nananalangin. Good. Pareho silang nakatayo, normal posture ng prayer nila. So far so good. Pareho silang tumawag sa Diyos, “O Diyos…” (v. 11, v. 13). Iyon lang ang pagkakatulad nila. Kaya sabi ni Jesus sa verse 13, “Samantala…” (“But…”), para ihighlight ang napakalaking pagkakaiba. Ang tax collector, “nakatayo sa malayo.” Malamang itong Pariseo ay malapit sa harapan. He felt deserving. Ang tax collector, “di man lang makatingin sa langit…” Nakayuko, a sign of humility. Malamang itong Pariseo naman, nakatingala sa langit. Ang tax collector, “dinadagukan niya ang kanyang dibdib,” a sign of sorrow for one’s sin and indicating repentance. Ang Pariseo, parang tinatapik ang balikat niya, congratulatory mode, self-congratulating, as if saying to himself, “Well done, my self.” It’s ironic. Kasi sabi niya sa prayer niya, “Nagpapasalamat ako sa iyo…” pero hindi naman sinabi sa Diyos ang papuri niya sa mga ginawa ng Diyos kundi papuri sa sarili sa mga ginawa niya. Pansinin n’yo ang focus sa “ako” – “Hindi ako katulad ng iba…dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo…nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi…” Ako, ako, ako.
This is not faith. This is arrogance. Faith looks away from self and looks only to God and his grace. Akala ng Pariseong ito deserving siya, righteous siya. Oo nga, kung ikukumpara sa ibang tao tulad ng ginagawa niya, “…hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis na ito.” Pero ang sukatan ng pagiging matuwid ay hindi ang ibang tao. Ang sukatan ay ang perpektong kabanalan ng Diyos. At kung iyan ang sukatan, masasabi mo bang matuwid ka? “None is righteous, no, not one…All have turned aside; together they have become worthless; no one does good, not even one…for all have sinned and fall short of the glory of God” (Rom 3:10, 12, 23 ESV).
The Pharisee had a false sense of self-worth. Pero itong tax collector, alam niya sa sarili niya, he is not worthy. He was a sinner in need of God’s mercy. Verse 13, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Hindi siya umapela sa Diyos at sinabing hindi naman siya kasinlala ng iba o sinabing babawi siya o nangakong magpapakabuti na siya. Alam niyang sa sarili niya, wala siyang maiaalay sa Diyos. Ang pag-asa niya ay nasa awa ng Panginoon. Tulad ng prayer ni David, “Have mercy on me, O God, according to your steadfast love; according to your abundant mercy blot out my transgressions” (Psa 51:1 ESV). At siya ang itinuring na matuwid ng Diyos. God only shows his saving mercy and grace to those who acknowledge or recognize that they need him. So, humility cannot be separated from faith. Kaya sabi ng Panginoon, Verse 14b, “Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.” Sa kontekstong ito, ang “itataas” ay siyang ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos at balang araw ay tatanggap ng karangalang igagawad ng Diyos. Tayo iyon na mga umaasa sa Diyos at nagtitiwalang si Cristo lang ang pag-asa natin, “justified by his grace as a gift, through the redemption that is in Christ Jesus” (Rom 3:24 ESV). Kaya sa paglapit natin sa Diyos, ang puso natin sinasabing, “Nothing in my hands I bring; simply to thy cross I cling” (from the hymn Rock of Ages).
Total Reliance (18:15-17)
“Nothing in my hands I bring…” Ganito rin ang basic nature ng isang sanggol na tumatanggap ng pag-aalaga ng kanyang nanay. At ito ang gusto ni Jesus na tularan natin sa pananampalataya sa kanya. Sinamantala ng Panginoon ang isang insidente para bigyan ng magandang leksiyon ang mga estudyante niya. He is really the Master Teacher. Anong insidente? Verse 15, Inilalapit ng mga tao (nagpapakitang regular occurrence ito sa ministry niya) kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito’y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. Dahil marahil kilala na nila si Jesus na miracles worker, compassionate sa kahit kanino, gusto ng mga magulang na ito na dalhin ang mga anak nila kay Jesus para mapatungan ng kamay o para mahawakan. Siyempre ang paghawak ay nagpapakita ng care. Gusto nila ang blessing ng Panginoon sa anak nila. But it does not necessarily mean they have faith in Jesus. Tulad siguro ng sa panahon natin ngayon na ang binyag sa Katoliko o kahit sa dedication o handog sa ating mga Christians, ginagawang pampaswerte ng mga magulang, para eka di maging sakitin ang bata.
Pero makikita natin sa kuwento na gusto ng Panginoon ang ginagawa ng mga magulang. Ang di niya nagustuhan ay ang ginawa ng mga disciples niya. Akala nila ang ministeryo ni Jesus ay para sa mga matatanda lang. Sa kultura nila, they have a low view of children. Na parang di importante. Hangga’t walang maiaambag sa pamilya, di mahalaga ang mga bata. As if our worth and significance before Jesus depends on the degree of our contributions to him. Di ba’t may mga magulang din ngayon na gusto nila paglaki ng anak nila’t nagkahanapbuhay na, “suklian” ang mga nagastos nila sa anak nila. But that’s not reflective of the way God is parenting us. Kaya ginamit ni Jesus na ilustrasyon ang mga bata para turuan tayo…
Verses 16-17, Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.” Nakasalalay ang pagpasok natin sa kaharian ng Diyos sa pananampalataya natin. At ang pananampalatayang ito ay dapat na child-like. O sa gustong emphasis ni Luke, infant-like. Kaya nga sa version niya, mga “sanggol” ang dinadala kay Jesus. Di tulad ng sa Matthew at Mark, na ang salitang ginamit ay “bata”. Ang emphasis ito – tulad ng isang sanggol we must be totally reliant to God for everything.
Tulad ng isang sanggol na iiyak para sabihing nagugutom siya at gusto niyang dumede (hindi naman iyan lalakad at magtitimpla ng sarili niyang gatas!), ngumangawa tayo sa Diyos at sinasabing siya ang ating “daily bread.” Kung may sakit, mas malakas at mas madalas ang iyak (di naman iyan pupunta sa botika at bibili ng gamot), gayundin sinasabi natin sa Diyos, “Be the healer of my heart.” Tulad ng isang sanggol na napupu, messy, di naman niya lilinisin ang sarili niya, nakadepende tayo Diyos para maging malinis at mabango ang ating buhay. That’s total reliance. Ito ang pananampalatayang ibang-iba sa “bahala na.”
“Bahala ako sa iyo”
Perseverance – pananampalatayang hindi bumibitiw sa kabutihan ng Diyos. Humility – pananampalatayang umaasa hindi sa sariling kabutihan kundi sa habag ng Diyos. Total reliance – pananampalatayang kinikilalang sa lahat ng bahagi ng buhay, sa lahat ng panahon, nakasalalay ang buhay natin sa mga mapag-alaga at makapangyarihang kamay ng Diyos. Ito ang pananampalatayang ibang-iba sa “bahala na.” Sa halip na ipakita nito ang tunay na pananampalataya, sa likod nito ay ang pagkabahala sa mangyayari bukas.
Hindi ko alam kung ano ang ikinababahala mo ngayon. Pero alam ng Diyos. Maaaring utang na di mabayaran. O anak mong habang lumalaki ay lalong tumitigas ang ulo. O ang relasyon mo sa isang minamahal na di maayos-ayos. O ang matagal mo nang struggles na hanggang ngayon ay di mo mapagtagumpayan. O ang suportang pinansiyal na kailangan mo sa pagmimisyon at pagmiministeryo. O ang kawalan mo ng katiyakan sa kalagayan mo ngayon sa harap ng Diyos. Anuman iyon, ang kumpiyansa mo ay wala sa suwerte o bahala na, wala rin sa sarili mong kakayahan at pagsisikap (bagamat hindi naman ibig sabihing tutunganga lang tayo at magpapakatamad.
Sa halip, ito ay nakasalalay sa Diyos na hindi bahagi ng kanyang bokabularyo ang “bahala na”. Sa ending ng chapter ng article ni Evelyn Miranda-Feliciano tungkol dito (Filipino Values and Our Christian Faith, p. 18) , sabi niya: “Did God ever say bahala na, thus leaving us to the vagaries of chance and fortune? No, I think He said, ‘Bahala Ako sa iyo.’ (I’ll take care of you.) And that makes all the difference. To place our hand in His by faith assures us of a walk through life that is both full of adventure and meaning.”
Previous sermons
1 Comment