Part 38: Waiting for the Kingdom (Luke 17:20-37)

The kingdom of God is already here but not yet fully here. This kingdom arrived when Jesus first came and proclaimed and demonstrated the kingdom. It continues to manifest itself in the lives of men and women who embraced Jesus as their King. But we’re still awaiting the fullness of its power when Jesus returns. That’s what we are still waiting for.Part 38

Listen

Resources

mp3_filepdf_fileunnamed

Waiting for the Kingdom

[Note: Our text for today is Luke 17:20-37. Kung mapapansin n’yo po sa karamihan ng mga versions ng Bible (English or Tagalog), walang verse 36. Sa footnote ng ESV sa dulo ng v. 35 ganito ang nakalagay, Some manuscripts add verse 36: Two men will be in the field; one will be taken and the other left. Malamang wala ito sa original, dinagdag lang ng mga scribes or editors. Binanggit ko para di kayo magtaka. Nandyan man o wala, ang mainam, di naman mababago ang itinuturo ng Panginoong Jesus.]

Madalas tayong nagtatanong ng “Kailan?” lalo na kung may inaabangan tayong magandang mangyayari. Lalo na kung ang nangyayari sa buhay natin o sa paligid natin ay hindi maganda. Kelan kaya ako makakabayad ng utang? Kelan kaya matatapos itong problema sa pamilya namin? Kelan kaya uunlad ang Pilipinas? Kelan kaya ako makakapunta sa Canada? Tinatanong natin iyan kasi meron tayong inaasahan. May kasabihan nga tayo, habang may buhay may pag-asa. Kaso akala ng maraming tao ngayon, maraming pera ang pag-asa o maayos na relasyon muli sa pamilya ang pag-asa o relihiyon ang pag-asa (basta magawa mo kung anong tamang gawin, mababawasan ang problema mo). Ang tanong, nandoon nga ba ang pag-asa natin?

Yan ang maling akala ng maraming mga Pariseo – mga relihiyosong grupo na strict sa pagsunod sa kautusan ni Moises at sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Kakatapos lang ituro sa kanila ni Jesus na wala sa dami ng pera o pagiging metikuloso nila sa kanilang relihiyon ang pag-asa nila. Katunayan, iyon pa nga ang ikapapahamak nila. Dito sa verse 20, may pakikipag-usap na naman si Jesus sa kanila, “Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari (kingdom/kaharian) ng Diyos.” Hinihintay kasi nila iyon. Iyon ang inaasahan nila na siya namang ipinangako ng Diyos: “And in the days of those kings the God of heaven will set up a kingdom that shall never be destroyed, nor shall the kingdom be left to another people. It shall break in pieces all these kingdoms and bring them to an end, and it shall stand forever” (Dan 2:44 ESV). Kaso sa panahong ito, nasa ilalim pa sila ng mga Romano. Nasaan na ang kahariang ipinangako ng Diyos na wawasak sa kaharian nitong mga Romano? Nasaan ang haring ipinangako ng Diyos na magliligtas sa kanila? Kailan ba iyan darating?

Well, that’s a valid concern. Pero kailang maunawaan nila (at ng bawat isa sa atin) kung ano ang nature ng kingdom of God. The mystery about this kingdom is that this kingdom comes in two stages – dumating na ang kaharian ng Diyos pero hindi pa lubos na dumarating ang kaharian ng Diyos.

The Presence of the Kingdom Now in Jesus

First stage – dumating na ang kaharian ng Diyos. Sinagot ni Jesus ang tanong nila kung kailan, Verse 20b, “Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos…” Ang “makikitang palatandaan” o “signs to be observed” (ESV) ay iyong mga hinahanap nila na cosmic o spectacular signs, yung visible sa lahat, yung obvious na nandyan na ang kaharian ng Diyos. Sa pagdating ni Jesus, may mga signs nga tulad ng miracles at mga teachings niya, pero hindi iyon ang tinutukoy ni Jesus dito. Sinasabi niyang silent, humble, at hindi masyadong halata ang pagdating ng kahariang ito. Dugtong pa ng Panginoon, verse 21a, “…at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon.” Hindi na sila dapat maghanap pa ng mga teachers na magtuturo kung dumating na ang kaharian ng Diyos.

Sabi ni Jesus, verse 21b, “Sapagkat ang totoo’y naghahari na ang Diyos sa inyo.” Sapat na ang witness ni John the Baptist tungkol kay Jesus. Sabi niya sa kanila noon, “Repent, for the kingdom of heaven is at hand” (Mat 3:2 ESV). Sabi din ni Jesus sa simula ng kanyang public appearance, “The time is fulfilled, and the kingdom of God is at hand; repent and believe in the gospel” (Mar 1:15 ESV). Jesus did not fit their profile of a Messiah – yung glorious, majestic, powerful conqueror. What they were seeing was his humility, meekness, and submission to those in authority. Dumating na ang kaharian ng Diyos sa pagdating ni Jesus. Siya ang Hari ng kahariang ito. Sinasabi niya sa kanila, “I am standing in your midst. I am the King.” Pero di sila naniniwala.

Sa pagdating ni Jesus – nakakita ang bulag, nakalakad ang pilay, nabuhay ang patay, napatawad ang may kasalanan – senyales ng paghahari ng Diyos. Nang siya’y umakyat sa langit, siya ngayon ay nakaupo sa kanang kamay ng Diyos at naghahari mula roon. Nananatili ang kanyang paghahari dito sa mundo hanggang ngayon sa pamamagitan ng Espiritung nasa atin, sa buhay ng mga tagasunod niya na ipinamumuhay ang kaharian ng Diyos at ikinakalat ang balitang ito sa iba. Mahilig din ang mga tao ngayon sa mga usaping spectacular. Kaya sikat ang mga movies na may kinalaman sa last days. Kumakalat ang balita at nagiging popular ang mga taong nagsasabi kung kelan babalik si Jesus. Pero malinaw na itinuturo ni Jesus dito na ang mas mahalagang tanong ay hindi, “Kailan?” kundi, “Kabilang na ba ako sa kaharian ng Diyos? Nagtitiwala, nagpapasakop at sumusunod ba ako kay Jesus bilang Panginoon ng aking buhay?” Discipleship is about living our lives as kingdom citizens. We follow the King of kings and the Lord of lords.

The Power of the Kingdom when Jesus Returns

Hindi pa tapos ang kuwento ng kaharian. Oo nga’t narito na ang kingdom of God (already here). But it is not yet here in its fullness. We are still awaiting the ending of this Story, the return of the King! Simula verse 22, nagshift ang tema ng Panginoon, hindi na sa present reality ng kingdom, kundi sa darating pa.

Expectation for all disciples of Jesus, not speculation. Direkta na niya itong sinabi sa mga disciples. Na darating siya, muli siyang babalik, at iyon ang pinakaaabangan natin, kahit pa di natin ito masaksihan sa ating lifetime. Verse 22, sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita.” Ang ginamit niyang title sa sarili niya dito at sa mga susunod pang verses ay isa sa favorite niya, “Son of Man.” Hindi lang ito tumutukoy sa kanyang pagiging tao, kundi sa authority and power na taglay niya sa kanyang pagbabalik (see Daniel’s vision of the Son of Man). Ito ang expectation natin, ngayon kasi di pa natin lubos nakikita ang kapangyarihan ng paghahari ng Diyos. Meron pang mga injustices, abuses, talamak na kasalanan. But one day, it will be over. It is sure. Pakinggan natin si Jesus. There is no need for speculation. Tulad ng caution niya sa mga disciples sa verse 23, “May magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narito siya!’ Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila.” Kay Jesus lang tayo maniwala. Kasi naman ang pagdating niya ay…

Visible demonstration to all – disciples or not. Wala nang kailangang magsabi nito, obvious ito para sa lahat, saang dako ka man ng mundo madatnan ng pagdating niya. Verse 24, “Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap.” Kitang-kita, hindi maikakaila ang pagdating niya. Lahat ng mata makakakita, bata o matanda, abala o walang ginagawa, ang mga tulog magigising. Kaya nga ang ibig sabihin ng apocalypsis ay “revelation” (verse 30, “when the Son of Man is revealed”) o pagpapakita, pagpapahayag, na ang Hari ay narito na – kingdom power in its fulness. It is good news for all of us who are disciples. For those who don’t follow Jesus, it is a terribly bad news.

Destruction for all non-disciples. Verses 26-30, “Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe. Ang mga tao noo’y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.”

Isinalarawan ni Jesus ang kanyang pagbabalik sa pamamagitan ng dalawang kuwento sa Old Testament. Ang isa ay kay Noe (Gen. 6-9) at ang isa ay kay Lot, pamangkin ni Abraham (Gen. 19). Sa parehong kuwentong ito, may parating na panganib – ang parusa ng Diyos sa pamamagitan ng baha sa kasamaan ng buong mundo sa panahon ni Noe at ang parusa ng Diyos dahil sa kasamaan ng Sodoma at Gomora. Merong mga naligtas sa parusang iyon – si Noe at ang kanyang pamilya at si Lot at ang kanyang pamilya. Iniligtas sila ng Diyos. Pero ang iba ay napahamak. Sa panahon ni Noe, “Dumating ang baha at namatay silang lahat.” Sa panahon ni Abraham, “umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat.” Sino ang mga taong ito at ano ang ginagawa nila? “Nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa…nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay…” Ano naman ang masama doon? Normal na takbo ng buhay, pero di sila handa, akala nila ang buhay ay umiikot lang doon, wala ang Diyos sa eksena ng kanilang buhay, kung naroon man, wala siya sa sentro.

Sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, mas malala ang parusang sasapitin ng mga taong in-love na in-love sa mundong ito at nag-aakalang ang buhay ng tao ay para lang mabusog, magpakayaman, makapag-asawa…di man lang naisip na tayo’y nilikha para sumamba at sumunod sa Diyos na siyang Hari ng ating buhay. Paparusahan sila ng Diyos, itatapon sa lawa ng apoy. Jesus will come “in flaming fire, inflicting vengeance on those who do not know God and on those who do not obey the gospel of our Lord Jesus. They will suffer the punishment of eternal destruction, away from the presence of the Lord and from the glory of his might” (2 Thess 1:8-9 ESV).

Reward of Jesus’ Sufferings. Nang sabihin ni Jesus mula sa verse 22 ang tungkol sa kanyang pagbabalik, ipinaalala niya sa mga disciples niya ang unang kailangang mangyari, “Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito” (v. 25). His return then – in glory, exaltation and power – is a reward of his sufferings. Ganoon din ang sabi sa Phil. 2:8-11, “he humbled himself by becoming obedient to the point of death, even death on a cross. Therefore God has highly exalted him and bestowed on him the name that is above every name, so that at the name of Jesus every knee should bow (sa kanyang pagbabalik), in heaven and on earth and under the earth, and every tongue confess that Jesus Christ is Lord, to the glory of God the Father” (ESV).

Para sa iba – sa pagdating ni Jesus – makikilala nila si Jesus na Panginoon, di na nila maikakaila. Pero it’s too late for them. Kaya ngayon pa lang, habang may panahon pa tayo, kilalanin na natin ang pangalan niya, lumuhod na tayo sa kanya bilang Hari ng ating buhay. Yan ang buhay ng isang disciple ng Panginoong Jesus – we are now part of his kingdom.

How to Live in Light of the Kingdom

But here’s the tension – we live between these two stages. Tayong mga disciples ng Panginoon, paano ngayon tayo mamumuhay ayon dito – ngayong alam nating narito na ang kaharian ng Diyos pero hinihintay pa natin ang fulness nito sa pagdating ni Jesus?

Treasure the Kingdom more than anything else. Verse 31, “Sa araw na iyon, ang nasa bubungan (flat roofs kasi sa kanila noon) ay huwag nang bumaba pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa.” Hindi lang ito tumutukoy sa urgency ng pagdating ng Panginoong Jesus, kundi para ipakita na wala nang mas mahalaga pa kesa ang salubungin ang ating Hari. Walang anumang gamit sa loob ng bahay ang mas mahalaga kesa sa kaharian ng Diyos. Walang sinumang tao ang mas mahalaga kesa sa relasyon natin sa Panginoon. Walang anumang kayamanan ang mas mahalaga kesa sa kayamanan na meron tayo sa kaharian ng Diyos. “The kingdom of heaven is like treasure hidden in a field, which a man found and covered up. Then in his joy he goes and sells all that he has and buys that field” (Mat 13:44 ESV). Kaya nga sabi ng Panginoon, “Seek first the kingdom of God…” (Matt. 6:33).

Ang problema, ang mga tao ngayon mas pinahahalagahan pa ang mga bagay sa mundong ito kesa sa mga may kinalaman sa kaharian ng Diyos. Yan ang nangyari sa asawa ni Lot. Kaya sabi ng Panginoon sa v. 32, “Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot.” Anong nangyari? Matagal na rin kasi silang nanirahan sa Sodoma. Na-in love na sa kultura, sa sarap ng buhay, pati sa talamak na kahalayan sa lugar. Habang pinauulanan ng Diyos ng apoy ang siyudad, lumingon ang asawa ni Lot at naging haligi ng asin (Gen. 19:26). She was in love with the kingdom of this world. Kaya sinabi ng Panginoon sa verse 33, “Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.” Mas mahalaga ang kaharian ng Diyos kesa pa sa ating sariling buhay. Kaya kahit mahirap maging Christian at magpaka-Christian, we…

Embrace suffering now for the sake of the Kingdom. Sanay na sanay ang maraming Christians ngayon sa sarap ng buhay, sa comfort and convenience. Kung meron man tayong hirap na nararanasan ngayon, dahil lang sa hirap ng takbo ng buhay pero walang kinalaman sa kaharian ng Diyos. Hangga’t maaari iiwasan natin ang hirap. Kapag mainit nga, hirap pa na lumabas ng bahay at ikuwento si Cristo sa kapitbahay. Sa ibang kuwentuhan, magaling tayo, pero kung tungkol sa kaharian ng Diyos, natatameme. Pero buti na lang meron tayong Savior na di iniwasan ang hirap, Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito” (v. 25). At kung tayo naman ay tagasunod niya, maging sa pagtitiis ng hirap susundin natin ang example niya (1 Pet. 2:21). No pain, no gain. The cross comes before the glory. Suffering for the sake of the kingdom is inevitable for all disciples. Ganito ang ipinaalala nina Paul at Barnabas sa mga iglesiang itinayo nila: “they strengthened the believers. They encouraged them to continue in the faith, reminding them that we must suffer many hardships to enter the Kingdom of God” (Act 14:22 NLT). Sa tingin mo ba ang buhay Cristiano ay relax-relax lang, kukuyakuyakoy lang? No! We are to lay down our possessions, our strengths, our time, our relationships, our life if necessary, for the sake of the kingdom.

Rescue those who are still outside the Kingdom. Verses 34-35, “Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa (ibig sabihin, kukunin para parusahan – di ito tumutukoy sa rapture) at iiwan ang isa (maliligtas). May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.” Verse 37, “Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad [Siguro tinatanong nila kung saan dadalhin]. Sumagot siya, “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.” Ang larawang pinapakita dito ng Diyos ay tungkol sa mapait at masaklap na kakahinatnan hindi lang ng katawan ng isang tao, kundi maging ng kanyang kaluluwa. Alam na natin ito.

Kapag naisip natin ang tanong na “Saan sila pupunta?” tungkol sa asawa n’yong di pa Christian, sa officemate mo o bestfriend mo o classmate mo na kakuwentuhan mo, katawanan, kasama sa gimik at mga kasiyahan. Darating ang araw hindi na makakangiti iyan, kundi hahagulgol sa iyak dahil sa hirap na daranasin nila sa parusa ng Diyos. Huwag na nating tanungin kung saan sila pupunta. Alam natin iyon. Huwag na nating ideny o balewalain. Ang tanong na dapat nating sagutin, kung gayon, “saan tayo pupunta?” Pupuntahan natin sila na hanggang ngayon ay wala pa sa kaharian ng Diyos. We “rescue others by snatching them from the flames of judgment” (Jude 23 NLT).

Bakit natin gagawin? Dahil nasa kaharian na tayo ng Diyos at hinihintay ang pag-asa na malulubos ito sa pagbabalik ng Panginoon. Pero sila wala pa sa kaharian ng Diyos – parusa ng Diyos ang nag-aabang sa kanila. Walang anumang kayamanan, relasyon, kapangyarihan sa mundong ito ang sasapat para mailigtas sa kanila – maliban na lang kung tayong mga nasa kaharian ng Diyos ay pupunta sa kanila, maglalakas-loob na sabihin ang masamang balita at mabuting balita sa kanila. Si Jesus lang ang pag-asa nila. Si Jesus lang ang pag-asa natin. Wala nang iba. Wala nang iba. Kung gayon, bakit ang dami-dami mo pang iniintindi at pinagkakaabalahan sa buhay?

Previous sermons

Part 37Part 36 - Rescued from HellPart 35 - Servants and Stewards

 

3 Comments

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.