Full video
Full audio

Introduction

‌Kapag babasahin natin ang mga utos para sa Israel na nakasulat sa Exodus 20:22 hanggang 23:19, na tinatawag na Book of the Covenant sa 24:7, malamang ay maikumpara mo ito sa mga naunang part ng Exodus, lalo na ang sampung salot at ang pagtawid nila sa Red Sea. Haay…tapos na ang exciting part ng Exodus (except maybe yung story ng golden calf sa chapter 32). Tingin natin ay boring ang part na ‘to. Lalaktawan na lang o bibilisan ng basa kasi mukhang hindi naman relevant sa buhay natin ngayon. Pero kapag ganun, ano nang nangyari sa pinaniniwalaan nating nakasulat sa 2 Timothy 3:16, “All Scripture is breathed out by God and profitable…” All Scripture, kasali diyan ang Old Testament law. O yung sinabi ng psalmist sa Psalm 119:97, “Oh how I love your law! It is my meditation all the day.” Pwede ba nating i-revise ‘yan para mas totoo sa puso natin, “Oh how I love your Word, especially yung mga stories, except your law.” O, “Oh how I’m bored with your law. I find it so irrelevant.”

‌Anong problema dito? Cherry-picking, o namimili lang tayo kung ano ang gusto nating basahin o pag-aralan. Kaya mainam ang book-by-book exposition sa preaching every Sunday. Hindi ko naman pipiliin ang text na ‘to kung topical ang approach natin, kahit tungkol sa will of God at obedience ang topic, hahanap na lang ako ng tekstong mas madaling pag-aralan. Pero dahil expositional, hindi pwedeng laktawan! Pwersado ako, pwersado kayo (in a good way, of course) na paglaanan ito ng panahon, at tanungin ang sarili natin, Paano tayong mga Kristiyano makakarelate sa bahaging ito ng Salita ng Diyos? Hindi ba pwedeng sa New Testament na lang tayo tumingin kung ano ang mga direktang iniuutos ni Cristo sa ating mga tagasunod niya?

‌I am convinced na mahalaga ang Old Testament law para sa ating mga Christians ngayon, hindi by way of direct application. Siyempre hindi ganun. Kundi dapat makita natin na ito ay tungkol unang-una sa relasyon ng Diyos sa kanyang redeemed people, kung ano ang gusto niyang gawin nila in response sa pagliligtas na ginawa sa kanila ng Diyos, kung paano sila mamumuhay para sila’y maging “kingdom of priests” at “holy nation” (Ex. 19:5-6). Ang Diyos ng Israel ay Diyos din natin—si Yahweh. Hindi iba ang Diyos ng Old Testament sa Diyos ng New Testament. At itong kuwento ng bansang Israel ay bahagi at nakarugtong din sa kuwento natin bilang church.‌

Kaya mahalaga na alam natin kung nasaang bahagi ng kuwento ang tekstong binabasa natin. Nasaang bahagi na ba ito ng kuwento?

‌Review: Pagbibigay ng Kautusan (Ex. 19:16-20:21)‌

Kakatapos lang ibigay ng Diyos ang Ten Commandments sa Israel. Diyos mismo ang narinig nilang nagsasalita. Kung “boring” ang mga utos ng Diyos, tingnan mo ang sound and visual effects na nakapalibot dito. Sa 19:16-18, nang makipagtagpo ang Israel sa Diyos sa paanan ng bundok, ganito ang eksena: merong kulog, merong kidlat, merong makapal na ulap, at malakas na tunog ng trumpeta. Nanginginig sa takot ang mga tao, pati ang bundok ay nayayanig sa presensiya ng Diyos. Parehong eksena rin ang nakasulat pagkatapos ng Ten Commandments, sa 20:18-21: kulog, kidlat, trumpeta, makapal na usok, takot na takot ang mga tao, nanginginig. Nararamdaman nila ang bigat ng salita ng Diyos, ang banal na Diyos na nagbibigay ng kanyang mga utos sa mga tinubos niyang mga makasalanan.‌

Request tuloy nila kay Moises, “Ikaw na lang ang magsalita sa amin, at makikinig kami. Huwag mo nang hayaang Diyos ang magsalita sa amin, kundi mamamatay kami” (v. 19). Takot sa Diyos. Takot para sa sarili nilang buhay. Sagot ni Moises, “Wag kayong matakot. Sinusubok kayo ng Diyos. Para magkaroon kayo ng takot sa kanya, nang sa gayon ay hindi kayo magkasala” (v. 20). Hindi plano ng Diyos na patayin sila. Gusto niyang mabuhay sila. Kaya gusto niyang matakot sila sa Diyos, igalang siya, at matakot na sumuway sa mga utos niya. May koneksyon ang takot sa Diyos at pagsunod sa Diyos. Kapag wala kang takot sa Diyos, susuway ka sa mga utos niya. Kapag sumusuway ka sa mga utos niya, ibig sabihin ay wala kang takot sa Diyos.‌

Dahil sa hiling nila kay Moises, yung mga sumunod na utos na nakapaloob sa tinatawag na Book of the Covenant (Exod. 24:7) ay hindi na Diyos ang direktang nagsasalita sa kanila. Si Moises, bilang propeta, ang go-between o mediator. Sasabihin ng Diyos kay Moises ang mga sasabihin naman niya sa Israel (20:22; 21:1). Pero kahit na si Moises na ang nagsasalita sa kanila, hindi nila dapat kalimutan ang naranasan nila nang nagsasalita sa kanila ang Diyos. “Sinabi ni Yahweh kay Moises, ‘Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako’y magsalita mula sa langit’” (20:22). Always keep in mind na Diyos ang nagsasalita sa kanila, hindi tao. Walang kidlat at kulog at usok na special effects ngayon habang nagpi-preach ako. Pero ang tapat na pangangaral ng salita ng Diyos ay dapat nating pakinggan na hindi tao ang nagsasalita kundi ang Diyos (1 Thess. 2:13). “Kaya’t huwag kayong tumangging makinig sa kanya (sa Diyos!) na nagsasalita” (Heb. 12:25).

‌Kalahati lang muna nitong Book of the Covenant (20:22-23:19) ang pag-usapan natin ngayon, sa susunod na yung kalahati. Prayer ko na in response ay masabi rin natin ang sinabi ng mga Israelita pagkatapos marinig ang mga ito: “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin” (24:7 AB)—hindi lang sa salita, kundi sa gawa.

‌I. Tungkol sa Pagsamba (Ex 20:22-26)

‌Ang unang-unang bahagi nito ay may kinalaman sa pagsamba, halos kapareho lang ng una at ikalawang utos. Exodus 20:23, “Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto.” Pinakamahalaga sa lahat ang pagsamba sa Diyos. Kaya nagbigay ang Diyos ng ilang mga provisions sa altar na gagamitin sa pagsamba sa kanya. Dapat simple lang, “yari sa lupa” (v. 24), at kung magarbo ay baka yung altar na mismo ang sambahin. Dapat din disente, kaya wala dapat hagdan paakyat (v. 26). Hindi man natin lubos na maintindihan ang mga detalye nito kung bakit, malinaw na ang nais ng Diyos ay sambahin siya sa paraang sinasabi niya, hindi sa paraang tulad ng mga taong sumasamba sa mga diyos-diyosan o ayon sa kalakaran ng mundo. Siya ang masusunod kung paano siya sasambahin. God’s word, not culture or personal preferences, regulates the way we worship him. We approach God on his terms, or we die.‌

Pero siyempre, hindi naman ang patayin sila ang intensyon ng Diyos kaya niya ibinigay ang mga utos niya. Sinabi nga niya sa verse 24, “Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo.” Kaya nga sinabi ng Diyos sa kanila na ang mga utos niya ay hindi “empty word…but your very life” (Deut. 32:47). Kaya merong mga provisions tungkol sa burnt offerings at peace offerings, na ang mga detalye ay nakasulat sa Leviticus 1-3, para sabihin sa kanila ng Diyos na siya mismo ang nagtakda ng paraan para hindi sila mamatay. Merong ibang mamamatay na ihahandog na kapalit nila para sila ay mabuhay. At hindi ba’t lahat ng ‘yan ay patungo sa sakripisyong ginawa ni Jesus para sa ating mga kasalanan na nararapat mamatay dahil sa pagsuway natin sa Diyos?

‌II. Tungkol sa mga Alipin (Ex 21:1-11)

‌Ang sumunod naman ay may kinalaman sa pagtrato sa mga alipin,Exodus 21:1-11. Hindi pamilyar sa atin ang ganitong sistema. Kasi kapag narinig natin ang alipin o slave, tingin natin ay pagmamalupit na agad. Although siyempre pwede namang mangyari yun. Kaya nga may mga utos ang Diyos para hindi ganun ang mangyari. Wag nating isipin na tulad ito ng naging problema ng America sa slavery, o bentahan ng mga slaves, o parang human trafficking sa panahon ngayon na ang mga tao ay ginagawang parang mga property na lang ng mga mayayaman. Kung babasahin natin ang mga utos sa Israel, dapat muna nating isipin ang konteksto nila noon. Isa pa, ang mga mababasa natin dito ay tinatawag na mga “case laws,” o mga utos ng Diyos na partikular sa isang sitwasyon, para masanay sila kung paano isasabuhay ang pag-ibig sa kapwa sa anumang sitwasyon sa buhay. So wala man tayong mga itinuturing na mga alipin ngayon, applicable ito sa anumang “contractual work arrangement” (Stuart, Exodus, 476).‌

At bakit sa dinami-dami ng mga klase ng taong pwedeng unahin sa mga utos ng Diyos, bakit ang tungkol pa sa mga alipin? Di ba’t nagpapakita ito ng concern ng Diyos sa mga itinuturing natin na pinakababa sa lipunan kung social o economic status ang pag-uusapan? Hindi ba’t dapat nilang alalahanin na sila rin ay inalipin sa Egipto, pinagmalupitan ng hari ng Egipto, ngunit kinahabagan ng Diyos at pinalaya? Paano ngayon nila tatratuhin ang mga naglilingkod sa kanila? Tulad din ng Diyos siyempre.‌

Ang mga alipin daw nila ay hindi pwedeng forever silang pagsisilbihan, dapat anim na taon lang, pagkatapos ay papalayain na (21:2). At hahayaan lang ba na walang dala? Titiyakin ng amo ng aliping iyon na well-provided siya pag-alis. Kasama ang pamilya siyempre, kung meron (v. 3). Pero bakit sinabi sa verse 4 na kung ang master niya ang nag-provide sa kanya ng asawa ay iiwan nito ang asawa at anak niya sa amo niya? I’m not totally sure, pero sabi nila ay malamang na temporary lang ito hanggang mapatunayan na ng pinalayang alipin na kaya niyang buhayin ang pamilya niya at hindi niya mapapabayaan. Hindi ba’t ang mga utos na ‘to ay pabor sa mga alipin dahil tinitiyak ng Diyos na hindi one-sided na amo lang ang nakikinabang. Kaya nga sa verses 7-11 ay mababasa natin na isang paraan ito parang ang isang tao na sobrang naghihirap o baon sa utang ay magkaroon ng pagkakataon na makaahon sa buhay, kapag ang among mapagsisilbihan niya ay mabibigyan siya ng matitirhan at mas magandang buhay.‌

Dahil sa ganitong work arrangement para sa mga slaves, posible na kahit ikapitong taon na nila ay masabi nilang, “I love my master…I will not go out free.” At pagkatapos ay magkakaroon ng seremonya na nagsasabing “he shall be his slave forever” (vv. 5-6). Sino ba namang alipin ang magmamahal sa amo niya na nanaisin niyang maglingkod sa kanya habang buhay? Maliban kung ang among iyon ay sumasalamin sa Diyos na pinaglilingkuran natin. Hindi ba’t mga alipin tayo ng kasalanan? Pinalaya tayo ng Diyos, tinubos ng dugo ni Cristo, ngayon ay mga alipin na tayo ni Cristo. Gugustuhin mo pa bang lumaya sa pagkakaalipin kay Cristo? May matatagpuan ka bang “master” na mas mabuti, mas mabait, mas mayaman, mas mapagmahal, mas mapagbigay, mas mapagpasensya na kagaya niya? Saan ka pa pupunta? At kung ganito ang naranasan natin mula sa ating Ama at Amo sa langit, paano mo pakikitunguhan ngayon ang mga kasambahay mo? Ang mga empleyado mo? Ang mga taong inaasahan mong paglilingkuran ka? Tulad ni Cristo na naparito hindi upang paglingkuran kung upang maglingkod para sa atin (Mark 10:45). At ang mga kasamahan natin sa church na hindi naman natin kasingyaman, at tingin ng iba ay mababa sa lipunan, hindi ba’t ituturing din natin silang kapantay na kapatid sa Panginoon? Dahil pare-pareho naman tayong mga alipin na tinubos ni Cristo, at ngayon ay kabilang sa isang pamilya ng Diyos.

‌III. Tungkol sa Ibang Tao (Ex 21:12-27)‌

Ang sumunod namang bahagi ay may kinalaman sa ano ang dapat gawin kung nakasakit o nakapatay o nakaagrabyado ng ibang tao, verses 12-27. Mababasa natin dito ang mga tinatawag na civil law. Case law pa rin dahil iba’t ibang kaso ang tinatalakay. Pero meron nang sistema ng pagpaparusa sa nagkasala. Tulad sa panahon natin ngayon na merong korte at merong judge na magde-determine kung anong parusa sa nakagawa ng krimen o lumabag sa batas. So, siyempre, ang church ngayon ay hindi katulad ng Israel noon, at least sa mga bahaging tulad ng kung paano ipapatupad ang mga kautusan ng Diyos. Wala naman tayong authority bilang church para parusahan ang krimen tulad ng murder at robbery, except sa case ng church discipline na ang abot ay hanggang excommunication lang. Ipinapaubaya na natin ang mga pagpaparusa sa justice system ng gobyerno natin bagamat hindi tayo tiwala na sa lahat ng pagkakataon ay makukuha natin ang hustisya, dahil na rin ang marami sa nasa gobyerno ay hindi naman kumikilala sa “batas ng Diyos.”‌

Pero, meron pa ring itinuturo sa atin ang mga utos na tulad ng mababasa natin mula sa verse 12. Sa verses 12-14, tungkol sa pumatay ng isang tao, ang parusa ay death penalty. Pero kung unintentional, merong itatalaga ang Diyos na lugar na pwedeng puntahan ng nagkasala para maprotektahan naman siya sa mga gaganti sa kanya. Pati kidnapping, death penalty rin (v. 16). Hindi ba’t nagpapaalala ito sa atin sa laki ng pagpapahalaga sa buhay ng isang tao?‌

Sa verse 15, “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.” Sa verse 17, “Sinumang magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.” Wala naman tayong batas ngayon na ganyan! Ang dami na sigurong naparusahan ng death penalty! O di kaya, kababait siguro ng mga bata. Pati mga magulang siyempre, pagbubutihin mo ang pagtuturo at pagdidisiplina sa anak mo, maliban na lang kung gusto mo siyang lumabag sa batas na ito at maparusahan ng kamatayan. Baka sabihin n’yo, napakalupit naman ng batas ng Diyos! Hindi naman ibig sabihin nito na nakapagsalita lang ng masama sa magulang ay papatayin na agad. Ito ay nagpapahiwatig ng pagtatakwil sa magulang na tahasang nire-reject mo ang awtoridad ng magulang mo sa buhay mo. Ibig sabihin, para mo na ring pinagbubuhatan ng kamay at itinatakwil ang awtoridad ng Diyos sa buhay mo.‌

Hindi naman lahat death penalty na agad ang parusa. Hindi naman pantay-pantay ang degree ng seriousness ng bawat kasalanan. Kaya nakasulat sa verses 18-22, na kapag nakasakit ka ng ibang tao—alipin man, o isang buntis—merong kailangang bayaran para sa naagrabyado. Ang judge siyempre ang magde-determine kung magkano o ano ang penalty. At ang prinsipyo ng justice system ay nakasulat sa verses 23-25, na tinatawag na lex talionis, “buhay din ang kabayaran sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.” Hindi naman nangangahulugan na literal ang application nito na kapag sinuntok mo ang isang tao at nabungi ang ngipin ay tatanggalan ka rin ng ngipin. Ang prinsipyo dito ay dapat na ang parusa o penalty sa kasalanang nagawa ay appropriate sa level o pinsalang dulot ng nagawang kasalanan. May example na binigay sa verses 26-27, na kung nasaktan ang isang alipin ng kanyang amo ay magiging paraan ito para makalaya na siya.‌

Wala man tayong awtoridad tulad ng nasa gobyerno na tiyakin na makatarungan ang justice system ng bansa natin, pero meron tayong obligasyon sa kapwa natin na pareho rin nating nilikha sa larawan ng Diyos. Hindi babalewalain ng Diyos ang kasalanang ginawa natin sa ibang tao. Dapat lang na matakot tayo sa mga consequences ng mga kasalanang ginawa natin, hindi man tayo mahuli ng pulis, o makulong, o maisumbong sa mga elders ng church para disiplinahin. On the other hand, good news din ito sa atin, na may hustisya ang Diyos sa mga kasalanang ginawa laban sa atin. Hindi man natin makamit ang hustisya sa mundong ito, hindi babalewalain ng Diyos ang mga pag-aagrabyadong ginawa sa atin ng ibang tao. Asahan mo yun.

‌IV. Tungkol sa mga Hayop (Ex 21:28-36)‌

Ang sumunod naman, sa verses 28-36, ay may kinalaman sa mga alagang hayop. Importante ito lalo na sa agricultural society tulad ng Israel noon. Tungkol sa isang baka na nanuwag at nakapatay, babatuhin ang baka hanggang mamatay pero walang pananagutan ang may-ari (v. 28). Maliban na lang kung meron nang history ng panunuwag, at nakapatay ulit, pati may-ari ay paparusahan ng kamatayan (v. 29). Liable siya dahil sa pagpapabaya niya. Pero merong mga provisions para matubos niya ang buhay niya depende sa mapagkakasunduan o maipapataw na penalty (vv. 30-32). Sa verses 33-36 ay meron ding ilang mga provisions kung merong hayop na pagmamay-ari ng iba na nahulog sa hukay o napatay ng ibang hayop na pag-aari ng iba.‌

Mahalaga ang hayop bilang nilikha rin ng Diyos. Ibinigay rin ito ng Diyos sa tao para makatulong sa ikabubuhay natin, para makain, o para maging mga alaga. Pero tandaan natin na higit na mahalaga ang tao at ang buhay ng tao dahil ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos. Ang iba kasi ngayon, sobrang pagpapahalaga sa mga hayop, na parang mas mahalaga pa sa tao. Meron pa akong nakita na merong bubuksang business sa Malolos na Paw Eternal Plan yata ang pangalan. Nag-ooffer sila ng serbisyo kapag namatay ang pinakamamahal mong aso o pusa. Merong funeral service, merong cremation services. Ewan ko lang kung merong pastor na magse-service sa burol! Mahalaga ang hayop bilang nilikha ng Diyos. Pero ang tao ang nilikha sa larawan ng Diyos, hindi ang hayop. Kung yakapin at mahalin mo ang alaga mo ginagawa mong parang anak mo, pero kapag may isang tao na kinainisan o nagalit ka, sasabihin mo, “Hayop ka.” Wag ganun.

‌V. Tungkol sa mga Ari-arian (Ex 22:1-17)‌

Pagdating naman sa chapter 22, sa susunod na bahagi, verses 1-17, may kinalaman na ito sa mga utos tungkol sa mga ari-arian o properties. Dapat tayong maging faithful steward hindi lang ng mga pag-aaring ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon—bahay, sasakyan, gamit sa bahay—kundi dapat din nating isaalang-alang ang pag-aari ng iba.‌

Sa verses 1-4, kapag may nagnakaw ng hayop, hindi lang ibabalik kundi limang baka ang bayad sa ninakaw na isang baka, apat na tupa sa isang tupa. Yun ay kung patay na ang ninakaw, dahil nga mahalaga sa kabuhayan ang mga hayop na yun. Pero kung buhay pa doble lang ang penalty. Hindi man natin ‘yan gagawin ngayon, kahirap naman magnakaw ng isang baka!, pero implication ito ng utos na huwag magnanakaw o pagnanasahang maangkin ang pag-aari ng iba. Baka man ‘yan o iPhone. Kahit nga mapatay ang magnanakaw, malamang for self-defense, ay walang pananagutan ang nakapatay.‌

Sa verses 5-6, kapag naman naperwisyo ang mga pananim ng ibang tao, kapag ang alaga mong hayop ay hindi naitali nang mabuti at nakapinsala sa taniman ng iba. O kung may sunog na kumalat. Ang may-ari ng hayop o ang nakapagsimula ng apoy ay may pananagutan, meron siyang kailangang bayaran.‌

Sa verses 7-15. Kapag merong ipinatabi sa ‘yo ang ibang tao, ipinatago, o ipinahiram, meron kang pananagutan na ingatan yun. Pera man, o anumang bagay, o hayop. Kapag nanakaw, siyempre hindi mo pananagutan yun, kung may nagnakaw talaga. Pero kung sinabi mong ninakaw pero wala namang patunay, dapat sa Diyos ipaubaya ang desisyon, siya naman ang nakakaalam ng lahat. “Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa. Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa” (vv. 8-9 AB). Ang point, dapat matiyak na mapaparusahan ang nagkasala, at hindi maparusahan ang hindi naman nagkasala. Kaya wag tayo basta nagbibigay ng paratang na wala namang sapat na ebidensiya. “Siyang nagpapawalang-sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid, ay kapwa kasuklamsuklam sa Panginoon” (Prov. 17:15AB).‌

Sa verses 16-17, kapag daw ang isang lalaki at isang babae ay nagtalik na hindi pa kasal, kasalanan ‘yan laban sa Diyos. Dapat daw bayaran yung “bride-price” o dote sa tatay ng babae at pakasalan niya, maliban na lang kung hindi pumayag ang tatay, pero magbabayard pa rin siya ng dote. Although siyempre sa atin, kailangan Kristiyano rin ang papakasalanan mo. Pero yung “dote” hindi na uso ngayon. Bakit nakalagay itong tungkol sa babaeng virgin sa utos tungkol sa “ari-arian”? Hindi dahil parang mga objects ang mga babae na pwedeng gawing property ng mga lalaki. No. Although ganyan ang attitude ng ibang lalaki. Pero hindi yun ang point dito. Hirap tayong pakinggan yung magbabayad sa tatay kasi ngayon nga, may mga lalaki na makuha lang ang gusto nila sa isang dalagang babae, walang sense of responsibility. Pero noon, nagbibigay pa nga ito ng halaga sa mga babae. Ang “ari-arian” na tinutukoy dito ay yung dapat ibayad sa tatay ng babae. Para sa kanya yun, nagpapakita rin ng malaking halaga ng kanyang anak. Kasi nga naman, paano kung nagalaw na ang babae ng ibang lalaki, tapos wala nang mapangasawa, o bumaba na ang value sa tingin ng iba.

‌VI. Tungkol sa Pagsamba (Ex 22:18-20)‌

Itong last three verses ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Verse 18, “Huwag mong pahintulutang mabuhay ang isang babaing mangkukulam” (AB). Ang sorcery o salamangka ay paraan para makakonekta sa spirit world sa paraan na hindi pinahihintulutan ng Diyos. Si Jesus lang ang daan patungo sa Ama, ang ibang paraan ay nauuwi sa kamatayan. Sa verse 19 naman, “Sinumang sumiping sa isang hayop ay papatayin” (AB). Tinatawag itong bestiality. Maisip pa lang natin, it is so gross, nakakadiri. Sinasabi nila na kasali ito sa ritwal ng pagsamba ng ibang mga bansa. So, hindi lang ito tungkol sa sexuality, kundi tungkol sa pagsamba. Huwag tutularan ang pagsamba na ginagawa ng iba, kundi yung ayon lang sa salita ng Diyos.‌

Verse 20, “Ang maghandog sa alinmang diyos, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na pupuksain” (AB). Balik na naman tayo sa unang utos, na walang ibang dapat sambahin maliban kay Yahweh, dahil isa lang naman ang Diyos. Ang “lubos na pupuksain” ay “devoted to destruction” sa ESV. Gagamitin itong term sa parusang igagawad ng Diyos sa mga bansang paparusahan niya sa pagpasok ng Israel sa Promised Land. Pero dito merong threat na sila mismo ang makakaranas ng tindi ng pagpaparusa ng Diyos kapag tumalikod sila sa pagsamba sa nag-iisang Diyos. Napakaliit na ng pagpapahalaga ng mga tao ngayon, kahit na yung mga nagsasabing Kristiyano sila, sa pagsamba sa Diyos. Kung alam lang natin kung paano tayo mapapahamak kapag ang puso natin ay nalalayo sa Diyos, higit na pagkatakot sa Diyos ang maitatanim sa puso natin, na siya namang magtutulak sa atin para sundin ang mga utos niya sa atin.‌

Pansinin mong ang unang puntos natin (20:22-26) ay tungkol sa pagsamba sa Diyos. Ang huli at ikaanim na puntos naman (22:18-20) ay tungkol ulit sa pagsamba sa Diyos. Sa next section (22:21-23:19), ganito rin ang makikita nating pattern, tungkol sa pagsamba sa Diyos, then susundan ng tungkol sa relasyon natin sa kapwa tao, then balik ulit sa pagsamba sa Diyos. God is central sa buhay natin. Ang relasyon natin sa kanya ay dapat ma-reflect sa relasyon natin sa ibang tao. Hindi magkahiwalay, magkakonekta palagi.

‌Conclusion and Application‌

Yan ang problema natin. HIndi natin pwedeng sabihing maayos naman ang relasyon natin sa Diyos kung hindi maayos ang pakikitungo natin sa ibang tao, kung hindi natin pinanagutan ang dapat nating panagutan, if we don’t take responsibility for our actions, kung isinasantabi lang natin ang mga obligasyon natin sa pamilya, sa church at sa bansa natin. We are all guilty of breaking God’s law.‌

Kaya nga kailangang-kailangan natin si Jesus. Siya lang ang nag-iisang taong nakasunod sa utos ng Diyos na “love God” at “love your neighbor.” Kay Jesus, ang Diyos na Lumikha sa atin ay naging isa sa mga nilikha nang siya’y maging ganap na tao, fully reflecting the image of God sa buong buhay niya. Good news sa atin ang perfect justice ng Panginoon. Pero problema rin natin dahil dapat tayong parusahan. Remember Proverbs 17:15? “Siyang nagpapawalang-sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid, ay kapwa kasuklamsuklam sa Panginoon” (AB). Hindi ba’t ganyan ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng krus ni Cristo? Pero bakit hindi yun kasuklam-suklam sa Diyos, at isang mabuting bagay pa nga—yun ang good news of the gospel. Dahil sa krus, natupad ang hustisya ng Diyos. Anumang penalty na kabayaran ng kasalanan natin ay inako ni ni Cristo, willingly—even the death penalty dahil sa paglapastangan natin sa Diyos at sa mga utos niya. Sa krus, hindi lang siya itinuring na parang alipin kundi para siyang hayop na pinatay, kinatay, para hindi tayo ang mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.‌

Our righteousness is not found or achieved in our obeying his laws—hindi naman natin nasunod, hindi naman natin masusunod. The law only reveals our unrighteousness, na kailangan natin ng isang Savior, at walang iba kundi si Cristo. Ibig sabihin ba babalewalain na natin ang mga utos ng Diyos? Of course not. Sabi ng Puritan na si Samuel Bolton, “Dinadala tayo ng kautusan papunta sa gospel para tayo’y mapawalang-sala at maituring na matuwid sa harap ng Diyos (justified); at dinadala tayo ng gospel papunta sa kautusan para gabayan tayo kung paano tayo dapat mamuhay.”‌

So, bilang mga iniligtas na, tinubos na, pinalaya na, paano ngayon tayo susunod sa kalooban ng Diyos? How do we reflect the image of God sa lahat ng bahagi ng buhay natin? Pinahahalagahan ba natin ang pagsamba sa Diyos, lalo na tuwing nagsasama-sama tayo? Pinahahalagahan at sinusunod ba natin ang mga magulang natin? Kapag meron kang naatraso na ibang tao, pinanagutan mo ba? Yung mga pag-aari na ipinagkatiwala sa ‘yo ng Diyos o ng ibang tao, pinangangalagaan mo ba? Yung mga utang mo, ginagawan mo ba ng paraan para mabayaran? At kung tayo naman ang naatraso o nautangan, nagiging demanding ba tayo na bayaran o panagutan ng iba ang atraso sa atin, o ipinagkakatiwala ang lahat ng bagay sa hustisya ng Diyos, habang tinutularan natin ang ating Panginoon—mapagpasensya, maawain, mapagpatawad, at mapagbigay?‌

Ilan lang ito sa mga tanong na dapat nating sagutin para hindi masayang ang anumang salitang narinig natin ngayon. Pag-usapan n’yo sa pamilya n’yo, sa discipleship groups, o sa pakikipag-usap sa mga elders ng church. Tulungan natin ang bawat isa sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, at sa pagtutuwid kapag nalilihis ng landas.

Leave a Reply