Introduction

‌Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa apat na buwan na sabbatical leave sa pastoral ministry. Na-miss kong paglingkuran kayo bilang pastor ninyo, bagamat hindi ako humihinto sa pananalangin para sa bawat isa sa inyo. Gusto ko siyempreng i-share sa inyo kung anu-ano ang ginawa ng Diyos sa akin at sa pamilya namin sa loob ng apat na buwan na yun. Pero unti-unti lang muna. Ngayon, gusto kong i-share sa inyo ang isang tanong na pumasok sa isip ko nung panahong iyon: Paano kaya kung hindi ko na ginagawa yung mga ginagawa ko bilang pastor—hindi lang sa apat na buwan, kundi paano kaya kung hindi na ako pastor, mamahalin pa rin kaya ako ng church? Paano kaya kung hindi ko ginagawa ang mga karaniwan kong ginagawa, ganoon pa rin bang pagmamahal ang mararanasan ko? Paano kung mali ang ginawa ko, o may nasaktan pa sa ginawa ko?‌

Ipinaranas sa akin ng Diyos kung ano ang sagot sa tanong na ‘yan. Salamat sa asawa ko na mas ipinaranas sa akin ang pagmamahal bilang asawa—sa pagpapatawad niya, sa pagtitiyaga niya, sa pag-unawa niya, sa pakikinig niya, sa pagpapaalala niya, sa pananalangin niya, sa pagsama niya at sa pagsuporta niya. Sa mga elders ng church—kay Pastor Marlon na sumalo sa mga iniwan kong trabaho, kay Aldrin at sa kanyang asawa na niyaya kami na mag-double date, at sa iba pang elders na ipinaranas sa akin hindi lang kung paano maging co-elder nila, kundi paano maging isang tupa na inaalagaan ng mga pastor ng church. Sa mga kaibigan naming mga pastor sa ibang mga churches, pati mga asawa nila, na walang sawang nag-eencourage sa amin, nananalangin, at sumasama sa amin sa pakikipaglaban sa kasalanan at paglago para maging katulad ni Cristo. At sa inyo na mga members ng church na dumalaw sa amin, nangumusta, nananalangin, at patuloy na nagmamahal. Salamat sa pagmamahal ninyo. I love you all.‌

Pero sa tingin ko, merong mas importanteng tanong kaysa sa pagtatanong tungkol sa pagmamahal ng iba sa atin. Heto: Ako ba, ikaw ba, nagpapatuloy ba ako, nagpapatuloy ka ba na magmahal sa kapatid mo sa Panginoon? Paano mo nasabi? E paano kung yung tao na pinapakitaan mo ng pagmamahal ay hindi nasusuklian ang pagmamahal mo? Paano kung sa halip na mabuti ang iganti ay gumawa pa ng kasalanan laban sa ‘yo? Aminin natin, hindi sa lahat ng panahon ay madaling magmahal. Hindi lang dahil sa mga mahihirap na sitwasyon kundi dahil lalo na sa makasalanan at makasariling kundisyon ng puso natin—na may natitira pa rin kahit na mga Kristiyano na tayo. Kahit na gustuhin natin, nalo-lowbat din tayo, parang nasasagad ang love tank ng puso natin.‌

Kaya kailangan natin palagi ang salita ng Diyos na makapangyarihang sumisiyasat sa puso natin, nagtutuwid, at nagsasanay para matutunan nating magpatuloy na mahalin ang bawat isa. Tulad nitong 1 John 4:7–12. Puro love, love, love ang maririnig natin dito. Concern kasi si apostle John sa sulat niya na ‘to na turuan ang mga Kristiyano na makumpirma kung sila ba ay mga totoong “born again.” Merong tatlong tests na paulit-ulit niyang binabanggit. Ang una: Meron ka bang tamang pagkilala at tunay na pananampalataya kay Cristo? Ikalawa: nagpapatuloy ka ba sa pagsunod sa mga utos ng Diyos? Ikatlo: minamahal mo ba ang mga kapatid mo? Itong pangatlo ang focus ng teksto natin ngayon. Basahin natin:

‌​1 John 4:7–12ESV
Beloved, let us love one another, for love is from God, and whoever loves has been born of God and knows God. Anyone who does not love does not know God, because God is love. In this the love of God was made manifest among us, that God sent his only Son into the world, so that we might live through him. In this is love, not that we have loved God but that he loved us and sent his Son to be the propitiation for our sins. Beloved, if God so loved us, we also ought to love one another. No one has ever seen God; if we love one another, God abides in us and his love is perfected in us.

‌Obvious ang tema ng mga talatang ito: pag-ibig, to be more specific, hindi pag-ibig natin sa Diyos ang focus, kundi ang pag-ibig natin sa isa’t isa. Tatlong beses nating makikita yung “love one another.” Yung una ay bilang isang paanyaya, “Beloved, let us love one another” (v. 7). Ang sumunod ay bilang isang obligasyon, “Beloved…we also ought to love one another” (v. 11). Panghuli, bilang isang kundisyon, “…if we love one another…” (v. 12). Ang usapin dito ay tungkol sa pagmamahal ng mga Kristiyano sa kapwa nila Kristiyano, “one another.” At yung “love” na ‘to ay iba sa “love” na definition ng mundo o nakagawian natin while growing up, o yung “love” daw na nararamdaman ng mga kabataan ngayon. We are talking about distinct Christian love. Ito yung klase ng pagmamahal na imposible para sa mga non-Christians, at pagmamahal na magpapakilala sa buong mundo na tayo nga ay nakay Cristo.

John 13:35, sabi ni Cristo, “By this all people will know that you are my disciples, if you have love for one another.”

‌At isa sa mga pangunahing paraan para masunod natin ang utos na ‘to ay sa kontektso ng pagiging miyembro ng isang local church. Mga minamahal kong kapatid kay Cristo, mga members ng Baliwag Bible Christian Church, mahalin natin, patuloy na mahalin natin ang mga kasama nating miyembro ng church—mga elders, mga deacons, mga members na active sa ministry, mga members na hindi pa masyadong involved sa ministry, mga members na hindi natin regular na nakakasama, mga members na matagal na nating hindi nakikita, mga members na maysakit o physically unable na na makapunta dito, mga members na nasa makasalanang relasyon, mga members na nagpapatuloy sa kasalanan, mga members na mahihina, mga members na matigas ang ulo, mga members na mahirap pakisamahan, mga members na matampuhin, mga members na sugatan. Mahalin natin ang bawat isa. Paano kung hindi ka pa member? Be a member of a local church—dito sa BBCC o maging sa ibang biblically healthy, gospel-preaching and gospel-loving church. Mas lalalim ang commitment mo na mahalin ang kapatid mo kung meron ka ring covenant commitment bilang isang miyembro.

‌Marami pang ibang praktikal na paraan kung paano natin masusunod ang utos na mahalin ang mga kasama nating members ng church. Pero ang main burden ng teksto natin ay sagutin hindi ang tanong na “paano” kundi “bakit”: Bakit natin dapat mahalin ang isa’t isa? Merong tatlong sagot na matatagpuan sa bawat isang bahagi kung saan matatagpuan ang “love one another” sa text natin. Ang una ay kung ano ang koneksyon ng love sa pagkakaroon ng genuine conversion o pagmamahal na sukatan ng pagiging tunay na Kristiyano (verses 7–8). Ang ikalawa ay kung ano ang koneksyon ng love sa gospel of Christ o kung paanong ang pagmamahal ay bunga ng mabuting balita ni Cristo (verses 9–11). Ang ang ikatlo ay kung ano ang koneksyon ng love sa witness o patotoo nating mga Kristiyano o kung ano ang magiging epekto ng pagmamahal natin sa isa’t isa (verse 12). Isa-isahin natin.

‌Love and Conversion (vv. 7-8)‌

Bakit dapat nating mahalin ang isa’t isa? Ang unang sagot ay: Dahil ang pag-ibig sa kapatid ay isang patunay na ikaw nga ay genuinely converted. Hindi kapani-paniwala kung sinasabi mong ligtas ka dahil nagsisi ka’t sumasampalataya kay Cristo pero wala namang nakikitang patunay ang ibang Kristiyano na lumalago ka sa pagmamahal. Oo, we are saved by grace through faith (Eph. 2:8–9), not through love. Pero ang pag-ibig ay bahagi ng sanctification natin, bunga ng Espiritu (Gal. 5:22), at ebidensiya na meron tayong tunay na pananampalataya, “faith working through love” (Gal. 5:6). Kung sinasabi mong meron kang pananampalataya, pero wala ka namang pag-ibig, ang pananampalatayang iyon ay peke at patay. Malinaw ‘yan sa teksto natin, 1 John 4:7–8, “Beloved, let us love one another, for love is from God, and whoever loves has been born of God and knows God. Anyone who does not love does not know God, because God is love.” Sinundan ni apostle John yung invitation sa atin na mahalin natin ang isa’t isa ng dahilan kung bakit, “for…”, heto ang dahilan.‌

“…for love is from God.” Dapat tayong magmahalan dahil ang pag-ibig ay galing sa Diyos. Mula sa Diyos, regalo ng Diyos. Hindi lang pananampalataya at kaligtasan ang regalo na galing sa Diyos (Eph. 2:8–9). Kasama sa package na ‘yan ang pag-ibig. Love is a renewing grace from God. Dati, we are haters, or naturally self-lovers. Pero kung tinanggap natin ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos, tinanggap din natin ang isang puso na natututo na na magmahal ng iba. Heto pa…‌

“and whoever loves has been born of God and knows God.” Dati tayong patay dahil sa kasalanan, ngunit ngayon ay buhay dahil sa biyaya ng Diyos (Eph. 2:1-5). Isang patunay na ikaw nga ay may buhay ay kung meron nang nakikitang pagmamahal sa puso mo. Madaling sabihin na, “Born again ako.” Pero meron ka bang patunay? Madaling sabihing kilala mo ang Diyos, pero talaga nga bang kilala mo ang Diyos? Hindi kasi intellectual knowledge lang ang pinag-uusapan dito. Pati nga mga demonyo kilala ang Diyos, pero wala silang tunay na pananampalataya, wala silang pag-ibig. Kung nagpakilala sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Cristo, na-born again tayo, genuinely converted. At kung may totoong conversion, meron ding transformation na mangyayari. Hindi mo pwedeng sabihing Kristiyano ka, pero wala namang pagbabagong nangyayari sa puso mo. Sabi ni John Calvin, “The true knowledge of God is that which regenerates and renews us, so that we become new creatures; and that hence it cannot be but that it must conform us to the image of God.” Ang regeneration (new birth) at conversion (faith and repentance) ay nangyari na sa ating mga Kristiyano, pero ang bunga nito—bagong buhay, bagong puso, binabagong puso—ay patuloy na nangyayari. Kung may buhay, may bunga. Isa sa bunga ay pag-ibig sa kapatid kay Cristo. Kung walang bunga ng pag-ibig, ibig sabihin, walang buhay, patay. ‘Yan ang binigyang diin ni John sa sumunod…

Anyone who does not love does not know God. Kung hindi ka nagmamahal, kahit sabihin mong kilala mo ang Diyos, kahit marami kang alam sa theology, kahit mahusay kang makipagdebate sa social media, ang totoo, hindi mo kilala ang Diyos. Bakit ganun? …because God is love. Sabi mo kasi kilala mo ang Diyos. Alam mo ba na “God is love”? Theological truth ‘yan di ba? Palasak pero profound ang ibig sabihin. Hindi lang sinabing ang Diyos ay nagmamahal o nagpapakita ng pagmamahal. Sinabi na ang Diyos mismo ay pag-ibig. Likas ang pag-ibig sa Diyos. Tayo minsan nagmamahal, minsan hindi. Pero ang Diyos, bawat panahon, sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng gagawin niya, lahat ay “loving.” God is love. So, to know God is to be like God, to be conformed to his image. Kung anak ka ng Diyos, like Father, like son. Kamukha mo ba ang Diyos? Not perfectly, pero merong resemblance, merong pagkakahawig. Kung wala, hindi ka tunay na anak ng Diyos.‌

Dito sa verses 7–8, nakita natin ang unang dahilan kung bakit dapat na mahalin natin ang isa’t isa. Ito ay patunay na tayo ay genuinely converted, totoong born again. Kung nagmamahal ka, merong ebidensiya para masabi ng ibang tao, “Anak ka nga ng Diyos.” Hindi perpektong pagmamahal ang pinag-uusapan dito. Sa Diyos lang pwedeng sabihing, “God is love.” Tayo, hindi man perpekto, pero totoo at lumalago ang pagmamahal natin sa iba dahil sa biyaya ng Diyos. Nagbibigay ito ng pambihirang assurance sa atin kapag nakikita natin ‘yan sa sarili natin at ina-affirm ng ibang members ng church, “Totoo ngang ako ay anak na ng Diyos!” Pwede ba tayong magkamali sa akala natin na ang isang kapatid natin na tinanggap na miyembro ay hindi naman pala genuinely converted? Oo. Hindi naman kasi natin nakikita ang tunay na kalagayan ng puso ng isang tao. Pero siyempre, tinitingnan natin kung merong bunga, pero posible pa rin na mali tayo ng basa. So, if you are a member, tatanungin kita, Nagmamahal ka ba talaga? O baka ginagamit mo lang ang ibang tao para sa sarili mong interes? O baka nagpapanggap ka lang? Mas nababawasan ba ang selfishness mo? Are you growing in lovingly giving yourself to serve others?‌

At kung naging member ka, stay for a while. Hindi lang ilang buwan, kundi limang taon, sampung taon, dalawampung taon! Dun talaga masusubok ang pagmamahal mo sa kapatid mo. Kapag lumabas na ang mga pangit na ugali—lahat naman tayo nasa sanctification pa!—talagang pagtitiisan natin ang bawat isa. Pero sa kabila nun, blessing yun kasi binibigyan ka ng Diyos ng assurance, nakikita mo sa sarili mo, na-aaffirm ng ibang tao na merong totoo at lumalagong pagmamahal sa puso mo.‌

Pero, what if, kung sa puntong ito ngayon ng buhay mo ay nahihirapan kang magmahal ng kapwa miyembro—asawa mo siguro, o yung dini-disciple mo, o yung nangutang sa ‘yo o may atraso sa ‘yo? Mahalagang pakinggan itong ikalawang dahilan na binanggit ni apostle John sa vv. 9–11.

‌Love and the Gospel (vv. 9-11)‌

Bakit natin dapat mahalin ang isa’t isa? Una, dahil ito ay patunay na tayo nga ay genuinely converted. Ikalawa, makikita natin dito sa verses 9–11, dahil ito ay bunga ng pag-ibig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo. Pinag-usapan na natin sa unang bahagi na ang pag-ibig ay hindi lang mula sa Diyos; kundi ang Diyos mismo ay pag-ibig. Hindi pa tayo nililikha ng Diyos, hindi pa ipinapadala si Cristo, “God is love” na. Walang pasimula ang pagmamamahal niya. Mula pa sa walang hanggan, meron nang pagmamahalan sa tatlong persona ng Trinity—ang Ama minamahal ang Anak, ang Anak minamahal ang Ama, ang Ama at ang Anak minamahal ang Banal na Espiritu. Mula pa noon, likas na sa Diyos ang pagmamahal at nakaplano na sa Diyos kung paano tayo mamahalin. In time, ipinakita, ipinadama niya ang pag-ibig niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Ito ang isa pang dahilan kung bakit tayo dapat magmahalan.‌

Sa verse 7 pa lang, sa paanyaya na, “Beloved, let us love one another,” ipinapaalala na sa atin ni apostle John na tayo ay “beloved”—minahal at patuloy na minamahal tayo ng Diyos. Mas explicit ‘yan sa verses 11, at ini-stress na hindi lang isang imbitasyon ang magmahalan kundi isang obligasyon, “Beloved (tulad sa verse 7), if God so loved us, we also ought to love one another.” Dapat daw tayong magmahalan. Hindi conditional kung maayos bang pakisamahan ang mga kasama natin sa church, hindi nakadepende kung nararanasan ba natin ang pagmamahal galing sa ibang tao, kundi isang obligasyon at pananagutan na dapat nating gawin. No excuses, hindi natin pwedeng takasan. Bakit daw? Dahil dito: “God so loved us,” echoing John 3:16, “For God so loved the world…” Sa paanong paraan? “…that he gave his only Son…” Ito ang mabuting balita, the gospel, na ipinakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang Anak para sa atin. This is self-giving love. Na binanggit din ni John sa dalawang verses na nauna sa verse 11, “if God so loved us.” Sa paanong paraan?‌

Verse 9, “In this the love of God was made manifest among us, that God sent his only Son (or, “only begotten Son) into the world, so that we might live through him.” Hindi nakatago ang pag-ibig ng Diyos. Sa Lumang Tipan, meron pang tabing na nakatakip kung paano masasabing “God is love.” Pero sa New Testament, sa pagdating ni Cristo, hayagan, bulgaran, at malakas na sinasabi ng Diyos sa atin, “Mahal ko kayo.” Para sa atin, ang “I love you, kapatid,” ay madaling sabihin. Pero nakikita ba yun sa ginagawa natin? Ang pag-ibig ng Diyos kitang-kita nung ipinadala niya ang kanyang Anak. Ang Anak ng Diyos ay Diyos din tulad ng Diyos Ama. Meron lang isang Diyos, tatlong persona. Kaya kung ipinadala ng Diyos ang kanyang Anak, sarili niya ang ibinigay niya sa atin. Ano ang layunin kung bakit ito ginawa ng Diyos? “So that we might live through him.” Para sa halip na mamatay, magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan ni Cristo. O sa language ng John 3:16, “so that whoever believes in him might not perish but have everlasting life.” Kung nagtitiwala ka kay Cristo, meron kang buhay. At kung meron kang buhay, mamahalin mo ang mga kapatid mo kay Cristo. The gospel of Christ gives us life so we can love. Sa sumunod na verse, nilinaw pa kung ano ang pag-ibig na ‘to.‌

Verse 10, “In this is love, not that we have loved God but that he loved us and sent his Son to be the propitiation for our sins.” Hindi ang pag-ibig natin sa Diyos ang sukatan ng tunay na pag-ibig. Naturally selfish tayo. Mas iniisip natin ang sarili nating interes sa halip na ang kapakanan ng iba. Dahil sa pagkamakasarili natin at pagkakasala nararapat lang na hatulan tayo ng Diyos. We deserve the wrath of God. Pero sa halip na poot ng Diyos ang maranasan natin, ipinadama niya sa atin ang pag-ibig niya nang ipadala niya si Cristo. Hindi lang para ipanganak bilang tao, mamuhay na matuwid bilang tao, kundi para mamatay at ialay ang kanyang sariling buhay para ano? “To be the propitiation for our sins.” Ang salitang “propitiation” ay tumutukoy sa paghahandog ni Jesus ng kanyang sarili sa krus para pawiin ang galit ng Diyos sa mga makasalanan. Hindi kontra ang galit ng Diyos sa pag-ibig ng Diyos. Dahil mahal ng Diyos ang sarili niya at ang kabanalan niya, tama lang na magalit siya at parusahan ang mga kasalanan. Pero dahil din sa pag-ibig ng Diyos kaya siya ang nagpadala ng solusyon para pawiin ang kanyang galit at mapasaatin ang biyaya ng kanyang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. This is the gospel of love. Hindi ka karapat-dapat mahalin ng Diyos. Karapat-dapat kang itapon sa apoy ng impiyerno for all eternity. Pero dahil kay Cristo, by faith in his finished work on the cross, pag-ibig ng Diyos ang nasa ‘yo for all eternity. “Here is love vast as the ocean, lovingkindness as the flood.”‌

At kung ganito tayo minahal ng Diyos, obligado tayo na mahalin din ang iba tulad ng pagmamahal sa atin ng Diyos. Sabi ni John Stott (Epistles of John, p. 163), “The gift of God’s Son not only assures us of God’s love for us, but lays upon us an obligation. No-one who has been to the cross and seen God’s immeasurable and unmerited love displayed there can go back to a life of selfishness.” The gospel empowers and motivates us to love one another. Ang ginawa ni Cristo sa krus ang kapangyarihan at motibasyon na kailangan natin para patuloy na magmahal.‌

Kung nahihirapan kang magmahal, always remember the gospel. Alalahanin mo kung paano ka minahal ng Diyos. Sabi ni John Calvin, “Mula lamang sa kabutihan ng Diyos, na parang mula sa isang bukal, na si Cristo ay dumating sa atin kasama ang lahat ng pagpapalang mula sa kanya. At gaya ng kinakailangang malaman, tayo ay may kaligtasan kay Cristo, sapagkat malaya tayong minahal ng ating Ama sa langit; kaya kapag hinahanap natin ang tunay at lubos na katiyakan ng pagmamahal ng Diyos sa atin, hindi tayo dapat tumingin sa iba pa maliban kay Cristo.” Nagdududa ka kung may nagmamahal sa ‘yo? Tumingin ka kay Cristo. Nahihirapan kang mahalin ang iba? Tumingin ka kay Cristo. Minahal ka, bakit hindi ka magmamahal?‌

This church is about the gospel. We love the gospel. We preach, we sing, we talk about the gospel. We share the gospel to unbelievers. Pero anumang sinasabi natin tungkol sa gospel ay parang mababalewala kung hindi tayo natututo at lumalago sa pagmamahal sa isa’t isa. It makes the gospel, the good news, look bad. Ito naman ang ikatlong dahilan kung bakit dapat tayong magmahalan. May kinalaman ito sa witness o patotoo natin.

‌Love and Our Witness (v. 12)

‌Sabi sa verse 12, “No one has ever seen God; if we love one another, God abides in us and his love is perfected in us.” Yung “love one another” dito ay hindi na bilang isang imbitasyon (tulad sa v. 7) o isang obligasyon (tulad sa v. 11). Ito ay isang kundisyon, “if we love one another.” At ano raw ang mangyayari o magiging resulta kung totoo yung kundisyon na ‘to? Heto ang mangyayari…‌

Pero bago niya sabihin kung ano ang mangyayari kapag tayo ay nagmamahalan, binanggit muna niya ang isang obvious na katotohanan. “No one has ever seen God.” Ang Diyos ay Espiritu, invisible siya, hindi makikita ng pisikal na mata natin. Oo, nakita siya ng mga tao sa pamamagitan ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, pero hindi yung kanyang lubos na pagka-Diyos. Mamamatay ang sinumang makakita sa Diyos, sabi ‘yan sa Old Testament. Through the gospel, in a sense, ay nakita natin ang Diyos sa pamamagitan ng kaluwalhatian ni Cristo (2 Cor. 4:4,6). Pero dito sa text natin, merong sinasabi si apostle John na nakamamangha. Bagamat daw wala pang nakakita sa Diyos, pero kung nagmamahalan tayo, “God abides in us.” Naninirahan sa atin, kasama natin ang Diyos. Hindi man natin siya makita with our naked eyes, mapatutunayan na totoong ang presensiya niya ay nasa atin. At siyempre, ‘yan ang pinakaimportanteng masasabi natin sa mga unbelievers. Hindi yung, “Punta kayo sa church namin, naka-aircon kami, maganda ang music, mahusay ang mga preachers namin.” Kundi yung ebidensiya na narito ang Diyos, kasama natin ang Diyos, the presence of God is here sa pamamagitan ng nakikita nilang pagmamahal natin sa isa’t isa. Yung masabi nila, “Hindi naman sila magka-anu-ano, pero bakit sobrang nagtutulungan, sobrang nagmamalasakit sa isa’t isa, sobrang nagmamahalan?” We don’t just preach the gospel, we adorn the gospel—pinapaganda o ipinapakitang maganda—sa pamamagitan ng pagmamahal natin sa isa’t isa.‌

Heto pa ang isang mangyayari kung nagmamahalan tayo: “his love is perfected in us.” Hindi dahil imperfect ang pag-ibig ng Diyos. Of course not! Ang ibig sabihin, nalulubos ang layunin ng Diyos sa kanyang pagmamahal sa atin kapag ito ay nag-uumapaw sa pag-ibig natin sa iba. Yung theology natin ay para sa application nito sa buhay natin. Yung doktrina natin ay para humubog sa kultura ng church na merong pagmamahalan. Ang church natin ay binubuo ng mga imperfect people na nagmamahal sa isa’t isa with an imperfect love, pero kung nagmamahalan tayo sa isa’t isa nagbibigay tayo ng patotoo na meron tayong Diyos na perfect God na nagmahal sa atin with a perfect love sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng isang perfect Savior.‌

Maraming beses ko nang narinig sa mga interviews sa mga nag-aapply sa church membership na ganito ang sagot nila sa tanong na, “Bakit gusto mong maging member ng church?”: “Dito ko kasi nakita at naranasan na may mga taong nagmahal sa akin at nakita ko na nagmamahalan sa isa’t isa—hindi ko ‘yan nakita sa pamilya ko o sa dati kong church.” Ang sarap pakinggan. Kaya lagi nating tanungin ang bawat isa, “Kung makita ba o mabalitaan ng mga non-Christians ang pakikitungo mo sa ibang members ng church, maeengganyo kaya silang sumama sa atin o mate-turn off sila?”

‌Closing Exhortations‌

Heto ang tatlong dahilan kung bakit hindi lang tayo inaanyayahang magmahalan kundi obligado tayong magmahalan: una, ang pagmamahalan ay nagpapatunay na tayo nga ay mga tunay na anak ng Diyos; ikalawa, ang pagmamahalan ay bunga ng magandang balita ng kaligtasang tinanggap natin; ikatlo, ang pagmamahalan ay nagpapatotoo na ang presensiya ng Diyos ay nasa church natin. At lahat ng ito ay may kinalaman sa isang mahalagang katotohanan: ang Diyos ay pag-ibig, at ipinakita niya ang pagmamahal niya sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang sarili sa pamamagitan ni Cristo.

‌Heto naman ang tatlong bagay na dapat nating gawin in response.

Una, repent. Pagsisihan natin at ihingi ng tawad ang mga kakulangan natin sa pagmamahal. During my four months of ministry leave, in-expose din ni Lord ang mga pagkukulang ko sa pagmamahal kay Jodi bilang asawa, at sa church bilang pastor. Sama-sama tayong humingi ng tawad sa Diyos sa maraming pagkakataon na hindi tayo nagmahal na tulad ni Cristo—naging makasarili, ipinagdamot ang oras sa iba, at inisip ang sarili nang higit sa iba.

‌Ikalawa, remember. Alalahanin mo ang laki ng pag-ibig ng Diyos para sa ‘yo. Minahal ka kahit hindi ka karapat-dapat, kahit paulit-ulit kang nagkakasala sa kanya, kahit hindi mo matumbasan ang mga kabutihang ginawa niya para sa ‘yo.

‌Then, resolve. Magkaroon ng panibagong commitment na magmahal na tulad ni Cristo. Paano ba siya nagmahal?

1 John 3:16, “By this we know love, that he laid down his life for us, and we ought to lay down our lives for the brothers.” Hindi lang nagbigay ng konting oras, o konting pera, o konting tulong, ibinigay niya ang buhay niya para sa atin. Ang utos na mahalin ang bawat isa ay utos na ibigay ang buhay natin sa bawat isa. Mga asawang lalaki, pangunahan natin ang ganyang pagmamahal. Mahalin natin ang asawa natin kung paanong minahal ni Cristo ang iglesya at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin (Eph. 5:25). Mga elders, mga pastor, magkaroon tayo ng higit na resolution na hindi lang mangaral ng tungkol sa pagmamahal. Tulad ni John, sabi niya sa sulat niya, “Beloved…beloved.” Ibig sabihin din, hindi lang mahal kayo ng Diyos, kundi mahal ko kayo, kaya magmahalan kayo. Alagaan nating mabuti ang mga tupa na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, ang iglesya na binili niya ng kanyang sariling dugo (Acts 20:28). Tularan natin ang Mabuting Pastol, si Cristo, na inialay ang kanyang sariling buhay para sa mga tupa (John 10:11). Huwag lang tayo maging magaling sa pagpi-preach ng gospel sa church, kundi ibigay rin natin ang sariling buhay natin sa kanila dahil mahal natin sila (1 Thess. 2:8). Mga kapatid, mahalin natin ang isa’t isa, ibigay natin ang buhay natin sa isa’t isa—alang-alang sa sarili nating kapakanan, alang-alang sa kapakanan ng mundo, at alang-alang, higit sa lahat, sa karangalan ng pangalan ng Diyos.

Leave a Reply