Kaya’t nakaluhod akong nananalangin sa Ama, 15 na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, 17 at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, habang kayo’y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. 18 Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, 19 at lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman, upang kayo’y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin, 21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen. (Eph. 3:14-21 FSV)

Introduction

Every Sunday, during our worship service, meron tayong at least eight different kinds of prayers. Merong prayer of praise, prayer of confession, prayer of thanks, prayer of petition and intercession na tinatawag ding pastoral prayer, prayer of illumination before the sermon, prayer of response after ng sermon, the Lord’s Prayer, tapos yung prayer of blessing sa dulo. Bukod pa ito sa mga kinakanta natin na forms of prayer din naman. Bakit ganyan karami? Unang-una, dahil ang worship service ay pagsamba sa Diyos, at ang panalangin ay pagsamba sa Diyos. May mga churchgoers na nabo-bore sa marami at mahabang prayers. Well, worship is not about you; it is about God.

At isa pang dahilan kung bakit maraming prayers every Sunday ay para ipaalala at ituro sa atin kung gaano kahalaga ang prayer sa buhay natin bilang mga Kristiyano at bilang isang local church. Aminin natin, karamihan sa atin ay hindi satisfied sa quality ng prayer life natin. Hindi nagiging priority. Nakakaligtaan. Kung gagawin man, bihira at nagmamadali pa. Nandun naman yung desires sa heart natin para ma-rejuvenate ang prayer life natin pero may mga panahon na hindi natin alam kung anu-ano ba dapat ang ipag-pray natin. May mga times na hindi tayo motivated to pray kasi hindi tayo kumbinsido na kailangan, o merong pag-aalinlangan na lumapit sa Diyos dahil sa mga kasalanan at pagkukulang natin sa kanya. O kung madalas man mag-pray, pero puro hingi lang ng hingi sa Diyos ng mga pansarili at materyal na bagay na hindi iniisip ang ibang tao, at hindi hinahangad ang kaluwalhatian ng Diyos nang higit sa lahat.

Kaya nga itong prayer ni Paul sa dulo ng chapter 3 ay very instructive for us. Heto na yung dulo ng first half ng Ephesians na siksik sa katuruan tungkol sa yaman na meron tayo kay Cristo. At bago siya dumako sa huling tatlong chapters tungkol sa mga instructions kung anu-ano ang dapat nating gawin in light of the riches we have in Christ, nag-pray muna siya. Actually, yung simula nga ng sulat niya, prayer of praise o doxology na na maituturing, kasi pinuri niya ang Diyos sa dami ng pagpapalang espirituwal na ipinagkaloob niya sa atin (Eph. 1:3-14). Tapos sinabi niya na nagpapasalamat siya sa Diyos sa pagkilos niya sa buhay nila (Eph. 1:15-16). Tapos sinabi niya kung anu-ano ang pinagpe-pray niya para sa kanila: na gumawa ang Espiritu Santo para sa kanilang paglago sa pang-unawa sa katiyakan, kayamanan, at kapangyarihang nasa kanila na (Eph. 1:17-19). Sa simula ng chapter 3, dapat nga magpe-pray na ulit siya: “Dahil dito…” (Eph. 3:1), pero na-interrupt dahil meron pa siyang mga ipinaliwanag tungkol sa “mystery of Christ” at sa “gospel ministry” na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos (Eph. 3:1-13). Pero hindi niya nakalimutang bumalik sa plano niyang gawin.

At heto na nga at siyang titingnan natin ngayon yung prayer niya sa verses 14-21. “Kaya’t nakaluhod akong nananalangin sa Ama” (Eph. 3:14 FSV). Matapos niyang magsulat ng maraming mga kamangha-manghang katotohanan tungkol sa Diyos, sa kanyang pagliligtas sa pamamagitan ni Cristo, sa kanyang plano na nagkakaroon ng katuparan sa iglesya, he feels the need to pray for them. Merong mahalagang lesson ito para sa mga pastor na tulad ko—at para sa ating lahat na nagtuturo rin ng salita ng Diyos sa iba. Sabi ni John Calvin tungkol dito:

Dapat na matuto ang mga pastor mula sa halimbawa ni Pablo—hindi lang sa pangangaral at pagsaway sa kanilang kawan, kundi sa mataimtim na pananalangin sa Diyos na pagpalain ang kanilang mga ginagawa, para hindi ito manatiling walang bunga. Kahit gaano sila kasipag, kahit anong talino at pagsisikap, wala talagang mangyayari kung wala ang pagpapala ng Panginoon. Hindi ito dahilan para maging tamad; sa halip, tungkulin nilang magtanim at magdilig nang masigasig, habang buong tiwala silang humihingi at umaasa sa bungang galing sa Diyos.

Maging masipag sa pag-aaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos. At maging masipag din sa pananalangin para sa mga tinuturuan natin. Parehong mahalaga. We pray as we teach. We also teach as we pray, dahil minomodelo natin ang postura at itsura ng biblikal na pananalangin. Kung tayong mga magulang, especially mga tatay, ay hindi nakikita, naririnig, at nangunguna sa prayers, we are also teaching our children—na hindi mahalaga ang prayer sa buhay natin. Habang nagpe-pray si Pablo dito, kinakausap at tinuturuan pa rin niya sila tungkol sa kahalagahan ng panalangin at kung paano dapat manalangin. He teaches while he prays. At ano ang itinuturo niya sa atin? Merong tatlong bagay tungkol sa prayer na matututunan natin dito kay Pablo.

Sa Panalangin, May Paglapit sa Diyos (vv. 14-15)

Una: sa panalangin, may paglapit sa Diyos. ‘Wag muna nating unahing pag-isipan kung ano ang sasabihin natin sa prayer. Merong mas mahalaga kaysa rito. Mas mahalaga ang tamang pagkakilala sa Diyos na lalapitan natin sa prayer. Bago yung six petitions sa Lord’s Prayer, merong address o pagtawag sa Diyos, “Our Father in heaven…” (Matt. 6:9). Si Pablo ay good student ng Master Teacher natin, kasi hawig diyan yung pagtawag niya sa Diyos sa verses 14-15, “Kaya’t nakaluhod akong nananalangin sa Ama, na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa” (Eph. 3:14-15 FSV). Ang postura ng puso natin sa paglapit sa Diyos sa prayer ay nagpapahayag kung ganito rin ba ang pinaniniwalaan natin tungkol sa Diyos. Paano ba tayo dapat lumapit kung ganito ang Diyos natin?

May Kababaang-loob

Una, may kababaang-loob. Yung sinabi ni Pablo na “For this reason…” sa simula ng verse 14 ay nakakonekta sa mga tinalakay niya sa chapter 2, particularly yung laki ng plano ng Diyos na pag-isahin ang dalawang grupo ng tao na dating magkaaway: ang mga Judio at ang mga Hentil. Painfully aware si Pablo kung gaano ‘yan kahirap mangyari, sa katunayan nga ay humanly impossible na mangyari. So he feels the need to pray for them. Ang panalangin ay pagkilala sa laki ng pangangailangan natin ng tulong na sa Diyos lang nanggagaling. Ang postura na “nakaluhod” sa prayer ay pwede namang gawin, bagamat usually ay nakatayo sila kung mag-pray noon. Nagpapakita ito ito ng kababaang-loob kapag nasa harap ka ng isang Hari na higit na mataas, higit na makapangyarihan, higit na dakila kaysa sa ‘yo.

Makikita rin ‘yan sa sinabi ni Paul sa verse 15 tungkol sa Ama (sa Greek ay pater) “na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan (sa Greek ay patria) sa langit at sa lupa.” Hindi lang ito tungkol sa pagkaama ng Diyos sa langit na dapat tularan o maging pattern ng mga tatay dito sa lupa. Although totoo namang dapat talagang ganyan. Pero ang tinutukoy rito ay ang Diyos na siyang pinagmumulan ng “pamilya” ng mga tao dito sa lupa na ang tinutukoy ay hindi mga small family units kundi ng buong sangkatauhan. At hindi lang yun, pati ang “pamilya” sa langit na ang tinutukoy ay ang lahat ng mga anghel. Ibig sabihin, kapag siya ang nagpangalan sa sangkatauhan at sa mga nilalang sa sangkalangitan, siya ang may higit na authority and power sa lahat. He is the “Father Almighty.” So, ang paglapit sa kanya sa prayer ay may kababaang-loob at pagkilala ng ating creatureliness sa harapan ng ating Creator. Lumuluhod ang puso natin sa kanya in submission, respect, reverence, and acknowledgment na wala tayong anumang karapatan bilang mga ordinaryong mamamayan na lumapit sa dakilang Hari. We can only appeal to his grace and mercy.

May Lakas ng Loob

At sa paglapit sa kanya, hindi rin naman tayo dapat na matakot at magdalawang-isip na lumapit sa kanya. Ang paglapit ay dapat na may lakas ng loob, o boldness, o confidence. Sa pamamagitan ni Cristo, meron na tayong “access…to the Father” (Eph. 2:18), meron na tayong “boldness and access with confidence through our faith in him” (Eph. 3:12). Kung siya ang Ama, tayo ay mga inampon na mga anak sa pamamagitan ni Cristo na bugtong na Anak ng Diyos (Eph. 1:5). We relate to God hindi lang bilang isang Hari sa kanyang nasasakupan. We come boldly dahil siya ang ating Father-King. At ang prayer ay ang paglapit ng isang bata sa kanya Ama, walang takot, may kalayaang lumapit sa kanyang Ama anytime na hindi kailangan ng special appointment. Ang prayer ay isang expression ng bagong identity na meron tayo bilang mga anak ng Diyos, bilang kabilang sa kanyang pamilya, “members of the household of God” (Eph. 2:19).

Ganyan ba tayo—bilang mga anak ng Diyos—na lumalapit sa kanya sa panalangin? Hindi naman siya malayo, hindi naman siya mahirap lapitan. Yun nga ang isang implication ng gospel, kasama sa mga benefits na dulot ng ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Because of Christ, we can come to God humbly and boldly. Tama na ang mga excuses natin for not coming to God in prayer. “Nahihiya kasi ako.” Come and pray. “Marami pa kasi akong kailangang ayusin sa buhay ko.” Come and pray. “Sobrang busy ngayon sa school (o sa trabaho).” Come and pray. “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.” Come and pray.

Sa Panalangin, May Paghiling sa Diyos (vv. 16-19)

Hindi mo alam kung ano ang sasabihin mo sa prayer? Hindi mo naman kailangang mag-imbento. Hindi mo naman kailangang magpagawa ng prayer kay ChatGPT. Ang kailangan natin ay basahin ang Bibliya at hayaan nating ito ang magturo sa atin kung paano. So ito yung pangalawang itinuturo sa atin ni Paul tungkol sa prayer: sa panalangin, may paghiling sa Diyos. Sa paglapit natin sa Diyos sa panalangin, dala-dala natin ang mga kahilingan natin. Sa susunod na bahagi, sa verses 16-19, ay tinuturuan tayo ni Pablo na dalhin ang pinakamalaking pangangailangan natin. Of course, we can pray for daily needs—pagkain, trabaho, kagalingan, maayos na relasyon sa pamilya, safety sa biyahe, etc. Pero hindi na tayo kailangang turuan na mag-pray about those things, default natin ‘yan. Ang dapat din nating matutunan ay tulad ng mga hinihiling ni Pablo sa Diyos sa prayer niya, as we pray for ourselves and for one another sa church. Especially for others. Take note na hindi ito prayers ni Paul para sa sarili niya kundi para sa mga kapatid niya kay Cristo, a prayer of intercession para sa iba. Meron tayong makikita rito na tatlong kahilingan.

Para sa Kalakasan (vv. 16-17a)

Ang unang kahilingan ay para sa kanilang kalakasan: “Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya” (Eph. 3:16-17 FSV). Saan nanggagaling ang kalakasang ito? Hindi galing kay Pablo, hindi galing sa ibang tao. Kaya nga tayo nagpe-pray kasi inaamin nating sa Diyos nagmumula ang lakas na ‘to. Ito ay “ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian.” Madalas gamitin ni Paul yung “riches” o “kayamanan” sa sulat niyang ito: “the unsearchable riches of Christ” (Eph. 3:8); “the immeasureable riches of his grace” (Eph. 2:7); “the riches of his glorious inheritance” (Eph. 1:18); “the riches of his grace” (Eph. 1:7); at dito sa text natin, “the riches of his glory.” Pinag-aaralan natin sa Ephesians kung paano yumaman! Yung totoong kayamanan. Yung glory o kaluwalhatian ng Diyos ay tumutukoy sa pagpapahayag ng sarili niya kung sino talaga siya. Yung “riches” o kayamanan ay tumutukoy sa infinite excellencies ng pagka-Diyos niya. Ang kumpiyansa natin na sasagutin ng Diyos ang prayer natin para sa kalakasan, at para sa lahat ng kailangan natin, ay matatagpuan sa nag-uumapaw na fountain ng kabutihan ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Our Father-King is rich in glory. Hindi mauubusan ang sinumang anak ng Diyos.

Paano natin mararanasan ang kalakasang ito? By the power of the Holy Spirit. “Dalangin ko…na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.” Ang lakas na kailangan natin ay galing sa Diyos. Ibinibigay ito ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu na nasa atin, dwelling inside us. The presence of the Spirit in us is our power, the power we need. Obviously, hindi physical strength ang tinutukoy rito. Siyempre, pwede rin naman tayong mag-pray na pagalingin ang sakit natin, pero ang focus ng prayer ni Paul ay hindi yung ating physical bodies, kundi “panloob na pagkatao.” Kahit naman kasi gumaling ang sakit natin, tatanda at tatanda pa rin tayo, manghihina, at tuluyang mamamatay. So, ang focus ng prayer natin ay higit pa sa physical strength, na manghina man ang “outer self” natin, yung “inner self” naman natin ay “being renewed day by day” (2 Cor. 4:16). At nangyayari ‘yan kapag kumikilos ang Holy Spirit sa atin para bigyan tayo ng power na labanan ang kasalanan at tukso (Rom. 8:13), ng power na panghawakan ang mga pangako ng Diyos para makapamuhay tayo in godliness (2 Pet. 1:3-4), ng power na kailangan natin para mamunga ng mga katangiang tulad ni Cristo (Gal. 5:22-23).

Ano ang magiging resulta kapag nagtaglay tayo ng ganitong kalakasan? Magpapatuloy na tayo ay sumasampalataya at nakakapit kay Cristo. “…at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya” (Eph. 3:17 FSV). Hindi ito panibagong kahilingan (tulad ng makikita sa salin ng MBB). Ito ay resulta ng kalakasang ipinagkakaloob ng Diyos. Kailangan natin ng lakas para magpatuloy sa pananampalataya kay Cristo dahil tayo ay likas na mahina at madaling matinag. Totoong nasa atin na si Cristo through the Spirit. Pero ang point dito ay ito: na si Cristo ay magpapatuloy na mananahan sa atin habang tayo ay nagpapatuloy na nakakabit sa kanya, abiding in him by faith. Mamumunga lang tayo kung tayo ay nakay Cristo at si Cristo ay nasa atin. Apart from Christ, wala talaga tayong magagawa (John 15:4-5). Ang kumpiyansa natin ay wala sa lakas at tibay ng pagkakahawak natin sa kanya, kundi nasa lakas at tibay ng pagkakahawak niya sa atin. He will never ever let us go. Titiyakin ng kapangyarihan ng Diyos na iingatan tayo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng ating pananampalataya kay Cristo hanggang dulo (1 Pet. 1:5). Kaya kailangan nating ipanalangin na pagkalooban tayo ng Diyos ng kalakasang kailangan natin sa araw-araw.

Para sa Kaalaman (vv. 17b-19a)

Bukod sa kalakasan, ang isa pang hiling ni Pablo sa prayer niya para sa kanila ay para naman sa kaalaman tungkol sa pag-ibig ni Cristo, na “lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo” (Eph. 3:19 FSV). Bakit mahalaga para kay Pablo na manalangin ng ganito para sa kanila. Sabi niya sa dulo ng verse 17, “habang kayo’y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig” (Eph. 3:17). Pwedeng nakakabit ito sa dulo ng unang hiling niya sa panalangin, o sa simula ng prayer niya sa verse 18, na sa tingin ko ay ganun nga kasi tungkol ito sa pag-ibig ni Cristo. Ang point, sa prayer niyang ito ay ipinapaalala niya sa kanila na ito na yung totoo sa kanila: “nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.” Hindi ito prayer sa kanila, kundi statement ng kung ano na ang totoo sa kanila. Pinagsama niya ang agricultural (ugat) at architectural (pundasyon) metaphors. Nakaugat sila, at nananatiling nakaugat. Itinayo sila sa matibay na pundasyon, at patuloy na nakatayo sa pundasyong iyon. Dahil malalim ang ugat, kaya namumunga. Dahil matibay ang pundasyon, kaya nananatiling matatag. Saan daw tayo nakaugat at nakatayo? “In love.” Agape. Pwedeng tumutukoy sa pag-ibig na meron tayo sa Diyos at sa isa’t isa na nanggagaling din naman sa pag-ibig ni Cristo sa atin. Pero most likely ay pag-ibig ng Diyos ang tinutukoy rito. Or particularly, “ang pag-ibig ni Cristo” (v. 19). Kapag pag-ibig na meron tayo, mababaw yun, madaling mabunot, madaling tumumba.

At may kinalaman diyan ang prayer ni Paul na maunawaan natin, kung anong klaseng pag-ibig ‘yang ugat at pundasyon ng buhay natin. “Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim (ng ano? ng pag-ibig ni Cristo)” (Eph. 3:18). Ang pag-ibig ni Cristo ay simple para maunawaan ng isang bata, pero sobrang profound din na hindi kayang unawain ng ordinaryong pag-iisip ng tao kung wala ang tulong na galing sa Diyos. Kailangan natin yung “strength to comprehend” this kind of love. Kailangan ng tulong ng Diyos para “makaya [nating] arukin” pag-ibig ni Cristo, ng lakas para mabuhat ang bigat nito, ng salamin para makita ang ganda nito, ng panlasa para matikman ang sarap nito. Hindi lang ito intellectual knowledge na makukuha mo sa pagbabasa ng Bible o ng mga libro tungkol sa pag-ibig ni Cristo. We need the Holy Spirit for this spiritual apprehension of the love of Christ. We also need the whole church, “with all the saints,” “kasama ng lahat ng mga banal.” Kaya mahalaga ang pagtuturo ng ibang Kristiyano, hindi lang ng mga kasama natin ngayon sa local church, kundi ng iba pang mga Kristiyano sa kasaysayan ng church. Kaya mahalagang magbasa ng mga libro ng mga church fathers, o ng mga Reformers, o ng mga Puritans, tungkol sa pag-ibig ni Cristo. Pero hindi lang teaching ang kailangan natin, kailangang maranasan natin ang pag-ibig na ‘yan sa pamamagitan ng pagmamahal na ipinapadama ng bawat isa sa atin. Kapag nagiging mabait tayo sa isa’t isa, nagpapatawad sa isa’t isa, nagmamahal sa isa’t isa, we reflect the kindness, forgiveness, and love of God through Christ para sa atin (see Eph. 4:32-5:2).

But of course, no matter how hard we try to love each other, we will always fall short sa kung anong klaseng pag-ibig meron si Cristo, kung masusukat natin “ang luwang, haba, taas, at lalim” nito (Eph. 3:18).

  • Ang luwang: Malawak ang puso ni Cristo na mahalin hindi lang ang ilang tao, kundi ang buong mundo, hindi lang ang ilang bahagi ng pagkatao natin kundi ang buung-buong pagkatao natin. Christ is infinite in his love for us.
  • Ang haba: Mahaba ang pag-ibig ni Cristo. HIndi lang ito pang-ilang taon, ito ay pangwalang-hanggan. Christ is eternal in his love for us.
  • Ang taas: Matayog ang pag-ibig ni Cristo. He loves us the way we are, pero hindi niya tayo hahayaan lang sa kalagayan natin. He will bring us to his glory with him. Umakyat siya sa langit, at ang buhay natin ngayon ay nasa langit na kasama niya (Col 3:1-2).
  • Ang lalim: Malalim ang pag-ibig ni Cristo. Hindi mababaw. Hindi surface level lang. Ocean deep. Ang lalim ng problema natin dahil sa kasalanan. Pero si Cristo ay bumaba—from heaven he came down. Hindi lang siya Diyos na nagkatawang tao, naging alipin pa, at namatay sa krus para maranasan natin ang pag-ibig ng Diyos. Kapag binibigkas natin sa Apostles’ Creed, “He descended into hell,” isa itong metaphorical (not literal) way of saying kung gaano kalalim ang pagdurusa na dinanas ni Cristo bilang pagpapakita ng lalim ng pag-ibig niya sa atin. Nothing and no one can separate us from his love (Rom. 8:38-39).

Ito yung pag-ibig ni Cristo na wala ni isa man sa atin—kahit 50 years ka nang Kristiyano—ang lubos na nauunawaan. Kaya prayer ni Paul para sa atin na “lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman” (Eph. 3:19). Hindi lang ito yung “maunawaan…kaalaman” na intellectually ay alam mo. Ito ay malalim na pagkaunawa, merong deep-seated heart satisfaction sa pag-ibig na meron si Cristo sa atin. Eto yung prayer na tulad ng sa Psalm 90:14, “Satisfy us in the morning with your steadfast love.” Ito yung prayer na kailangan natin araw-araw, dahil hindi kailanman darating sa araw ng buhay natin na masasabi nating lubos na nating nauunawaan ang pag-ibig ni Cristo. Kung alam lang natin ang lalim ng kasalanan natin, we will really struggle to find an explanation how Christ can love us so much! The love of Christ, the agape of Christ. Dito, ang focus ay nasa ikalawang persona sa Trinity. Previously sa Ephesians, nakita natin na love of God ang nag-udyok sa kanya para piliin tayong iligtas at gawing mga anak ng Diyos (Eph. 1:4, 5). Pag-ibig, dakilang pag-ibig ng Diyos, ang nag-udyok para buhayin tayo mula sa kamatayang espirituwal (Eph. 2:4, 5). Of course, the love of the Father is the love of the Son is the love of the Spirit. Pansinin natin ngayon na kung paanong deeply Trinitarian ang prayer dito ni Paul. The riches of the glory of the Father, the power of the Spirit, the love of Christ—‘yan ang laman ng prayer ni Paul para sa kanila. ‘Yan din ang dapat nating matutunang ipagpray sa puso natin at sa puso ng bawat isa. “Above all else, guard your heart,” sabi sa Proverbs (Prov. 4:23 NIV). Sabi naman sa prayer ni Paul, “Above all else, pray for your heart.”

Para sa Kapuspusan (v. 19b)

Kahilingan para sa kalakasan, para sa kaalaman. Ang ikatlo naman ay parang summary ng naunang prayers, o para lahatin na, pagsama-samahin na yung pinakakailangan talaga natin: para sa kapuspusan. Sabi niya sa dulo ng verse 19, “that you may be filled with all the fullness of God,” “upang kayo’y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos.” Mapuno, ibig sabihin hindi na walang laman, hindi na kulang-kulang. Merong “kulang” sa puso natin na ang kalakihan at kasapatan lang ng Diyos ang makapupuno. Patunay ito sa kasapatan ng Diyos, the sufficiency of God. Tayo ay mga dependent beings, insufficient by ourselves. Ang Diyos lang ang self-existent at self-sufficient. Marami tayong pangangailangan, ang Diyos ay walang pangangailangan kahit isa. Kailangan natin siya, hindi niya tayo kailangan. Nakadepende tayo sa kanya, hindi siya dependent kahit kaninuman. Kulang tayo sa karunungan, ang Diyos ang nagbibigay ng karunungan at siya ang ating karunungan. Kulang tayo sa buhay, ang Diyos ang nagbibigay ng buhay at siya ang ating buhay. Kulang tayo sa kalakasan, ang Diyos ang nagbibigay ng kalakasan, God is the strength of my heart forever. Kulang tayo sa pagmamahal, ang Diyos ang nagmahal sa atin at ang Diyos mismo ay pag-ibig. Christ is our wisdom, righteousness, sanctification, redemption (1 Cor. 1:30-31). Hindi tayo magiging Diyos kung mapupuno tayo ng kapuspusan ng Diyos, pero matutupad ang layunin ng pagkakalikha sa atin ng Diyos ayon sa kanyang larawan. Ito ang dahilan kung bakit tayo nagpe-pray. Ito rin ang dapat nating ipag-pray: for more of Christ in our lives.

Sa Panalangin, May Papuri sa Diyos (vv. 20-21)

Sa panalangin, may paglapit sa Diyos, may paghiling sa Diyos, at dahil makakalapit tayo at makatitiyak na sasagutin niya ang hiling natin, heto ang pangatlo: sa panalangin, may papuri sa Diyos na nararapat lang ibigay sa kanya. Hindi dahil kailangan niya ang papuri natin, kundi dahil karapat-dapat siya sa papuri natin. Ito yung huling bahagi ng panalangin ni Pablo, at huling bahagi ng chapter 3, at huling bahagi ng first half ng Ephesians: doxology o words of praise. Dito nagsimula si Pablo sa chapter 1, “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo!” (Eph. 1:3). Dito rin siya magtatapos sa chapter 3. Mula simula hanggang dulo, and everything in between, karapat-dapat talagang purihin ang Diyos.

Dahil sa kanyang kapangyarihan (v. 20)

Bakit nagtapos si Pablo sa kanyang panalangin sa pagpupuri sa Diyos? Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan: “Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin” (Eph. 3:20 FSV). Anumang hinihiling natin, anumang ine-expect natin, ang kakayahan at kapangyarihan ng Diyos ay higit pa. Super-abundant, beyond all measure. Superlative to the highest degree. He is the Father Almighty, confession natin ‘yan sa simula ng Apostles’ Creed. At ang kapangyarihang ‘yan ay mind-blowing power. Sabi nga sa isang commentary, yung power na ito ay hindi parang isang 9-volt battery power, kundi nuclear bomb of power. ‘Yan ang “kapangyarihang kumikilos sa atin.” Tulad din ng sabi niya sa verse 16 tungkol sa kapangyarihan ng Espiritu. Ang kapangyarihang hinihiling natin ay ibibigay ng Diyos dahil ang Diyos ay omnipotent, all-powerful.

Kaya, huwag nating iismolin ang Diyos. Huwag nating iismolin ang magagawa natin sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay niya. Kahit sa panahong hindi niya ibinigay ang hinihiling natin, hindi yun pruweba na less powerful. He acts in ways beyond what we expect or imagine. Nago-glorify natin ang Diyos kapag nagtitiwala tayo sa kanya na magagawa niya ang anumang humanly impossible na tanging Diyos lang ang makagagawa. Paano natin siya mago-glorify sa evangelism? Kapag nagtitiwala tayo na may kapangyarihan siya na bumuhay ng patay. Sa church discipline? Kapag nagtitiwala tayo sa kanya na nagkakaloob ng repentance. Sa pakikipaglaban natin sa kasalanan? Kapag nagtitiwala tayo na bibigyan niya tayo ng lakas na lumaban. Karapat-dapat purihin ang Diyos dahil sa kanyang pambihirang kapangyarihan.

Sa iglesya at kay Cristo Jesus (v. 21a)

Saan naman nararapat purihin ang Diyos? “Sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus” (Eph. 3:20). Totoo na God is glorified through his work in creation (Psa. 19:1). Pero dito, ang specific focus ay yung glory na nararapat sa kanya through his work of redemption, “in Christ Jesus.” Dumating si Jesus para bigyang-karangalan ang kanyang Ama. At naluluwalhati natin ang Diyos “in Christ Jesus.” Walang tunay na pagsamba kung hindi tayo nakakabit kay Cristo. At hindi lang natin ‘yan ginagawa individually, but as a church, “in the church.” Hindi ibig sabihin sa loob ng simbahang ito. Kung sa pamamagitan ng pagiging kabilang sa church, kasama ng church, hindi nag-iisa lang. Yes, we worship privately, but you are not truly worshipping God kung solo ka lang, at wala kang church. The glory of God shines brightest through the church (‘yan di ba ang sabi niya sa Eph. 3:10?). God created the church to display his glory, parang isang teatro na ang main event ay ang pagtatanghal ng kadakilaan ng Diyos for all to see (tulad ng sinabi ni John Calvin tungkol sa mundong nilikha ng Diyos). Ganyan kahalaga ang ginagawa natin every Sunday morning. Hindi mo ‘yan magagawa kapag nasa bahay ka lang ng Linggo ng umaga.

Magpakailanpaman (v. 21b)

At hanggang kailan dapat purihin ng church ang Diyos? “…sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen” (Eph. 3:21). Mula pa sa lahi ni Abraham, sa lahi ng Israel, sa mga churches sa New Testament churches, sa panahon ng mga church fathers, sa panahon ng middle ages, sa panahon ng Reformation, sa panahon ng mga Puritans, at hanggang sa panahon ng pagmimisyon sa global church ngayon, at hanggang magpakailanpaman. Ibig sabihin, every generation has a responsibility to pass on this faith, this gospel to the next generation. Mga parents, especially mga tatay, responsibilidad natin ‘yan sa mga anak natin. Dalhin natin sila sa church, i-catechize natin sila, turuan ng pananampalatayang Kristiyano kapag nasa bahay tayo. At hindi lang natin ikukuwento sa kanila ang gospel story. We will live our lives in such a way na malinaw nilang makikita na ang Diyos lang ang deserving of all glory. At gagawin natin ‘yan to every generation and for all nations, hindi tayo hihinto, hanggang dumating ang araw na bumalik na ang Panginoong Jesus at lahat ng tuhod ay luluhod at lahat ng labi ay magsasabing “si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama” (Phil. 2:10-11).

At lahat ay magsasabi ng huling salitang binanggit ni Pablo sa panalangin niya, at ang huling salitang sinasabi natin sa panalangin natin, “Amen.” Ibig sabihin, totoo ang lahat ng ito, pinaniniwalaan ko ang lahat ng ito. ‘Yan ang pananampalataya na meron si Pablo. ‘Yan din ay paanyaya sa mga taga-Efeso, at sa bawat isa sa atin, na samahan siya at sabihing, “Amen.” To affirm this personally, to take ownership of this faith. Hindi lang ito pananampalataya ng mga magulang mo, ito rin ay pananampalataya mo, totoo ba? Sinasabi mo ang Amen na ‘to kapag nagpabautismo ka, kapag nag-take ka ng Lord’s Supper, kapag binigkas natin ang Apostles’ Creed o Nicene Creed together, at kapag sa dulo ng panalangin ng pastor, sinabi mo, at sinabi nating lahat, ang “Amen.” Sa panalangin natin sa Diyos, may paglapit sa kanya, may paghiling sa kanya, at may papuri sa kanya nang higit sa lahat. Amen?

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply