Alam naman nating pinagpala tayo ng Diyos. Araw-araw nagpapasalamat tayo sa blessings na bigay sa atin ng Diyos. Kaso, aminin natin, hindi natin lubos na nare-realize kung gaano kalaki at gaano karami ang mga pagpapalang tinanggap natin mula sa Diyos. Kaya nagrereklamo tayo kasi akala natin ay kulang-kulang ang bigay sa atin ni Lord o may mga bagay na ipinagkakait niya sa atin. Kaya naiinggit tayo sa ibang tao na para bang mas pinagpala sila kaysa sa atin. Kaya nahuhumaling tayo sa mga maling relasyon kasi akala natin makukuha natin sa relasyong iyon—sa kasalanang iyon—ang hinahanap nating kulang sa buhay natin. Kung alam lang natin kung gaano kalaki at gaano karami ang mga pagpapalang tinanggap natin mula sa Diyos, tayo ang magiging pinaka-humble, pinaka-generous, pinaka-madaling pakisamahan na mga tao sa buong mundo.

But we still struggle. Kaya kailangan nating ulit-uliting pakinggan, dahan-dahang pag-aralan itong Ephesians 1:3-14, na sa original Greek na pagkakasulat nito ni apostol Pablo ay isang napakahabang sentence. Inisa-isa niya rito ang mga “lahat ng pagpapalang espirituwal” (v. 3 MBB) na tinanggap natin “in Christ.” Sa pakikipag-isa natin kay Cristo kaya dumadaloy sa ating mga nakay Cristo, mga Kristiyano, ang limpak-limpak na pagpapalang ito.

Nakita na natin sa verses 4-6 ang dalawa sa mga pagpapalang ito na attributed primarily sa gawa ng Diyos Ama. Ang pinakauna sa lahat, at dito dumadaloy ang lahat ng iba pang mga pagpapalang ito, ay ang blessing of election. Isang napakalaking pagpapala ang pagpili ng Diyos sa atin: “he chose us in him before the foundation of the world” (v. 4). Pinagpala na tayo bago pa man tayo ipanganak, mula pa sa walang hanggang nakaraan. Wala naman tayong katangian o qualification o future actions or decisions man na naging dahilan ng Diyos para piliin tayong mahalin.

Ang ikalawang pagpapala ay nakakabit din sa pagkapili sa atin ng Diyos, yung blessing of adoption o pagkupkop sa atin ng Diyos para maging mga anak niya: “he predestined us for adoption as sons through Jesus Christ” (v. 5). Tayo na dahil sa kasalanan ay mga “children of wrath” (Eph. 2:3) ay hindi poot ng Diyos ang tinanggap kundi isang napakaengrandeng pribilehiyo na maituring na mga anak ng Diyos. Imagine kung gaano kalaking blessing ‘yan, na lahat ng nakay Cristo na siyang Anak ng Diyos by nature ay nasa atin din bilang mga anak ng Diyos by adoption.

In light of all these blessings—dalawa pa lang ‘yan—ano ngayon ang dapat nating maging tugon? Marami siyempre, pero ang na-highlight dito ni Paul ay yung pinakapuno’t dulo ng layunin ng Diyos sa paglikha at pagliligtas sa atin, ang layunin ng pagpapala, pagpili, at pagkupkop sa atin ng Diyos. Ano yun? “To the praise of his glorious grace” (v. 6). At dito rin, sa papuring ito sa Diyos, nagsimula si Pablo sa verse 3, “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo!” Dahil nga wala naman tayong naiambag na anumang qualifications natin o contribution natin sa pagpili at pagkupkop at pagpapala sa atin ng Diyos, wala tayong maipagmamalaki sa sarili natin. Katulad nga ng sasabihin ni Paul sa chapter 2, na salvation is all by grace, blessing na regalo ng Diyos, hindi natin pinagtrabahuhan, hindi natin deserving, “so that no one may boast.” Sabi naman niya sa 1 Corinthians 1:31, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”

Dalawa pa lang sa gawa ng Panginoon o pagpapalang tinanggap natin mula sa Diyos ang nakita natin. Dagdagan pa natin ngayon ng dalawa pa para madagdagan din ang pagpupuri at pagmamalaki natin sa Diyos. Titingnan natin ngayon ang verses 7-10, mga pagpapalang primarily attributed sa gawa ng Diyos Anak. Ang ikatlong spiritual blessing na makikita natin ay ang blessing of redemption sa verses 7-8, “In him we have redemption through his blood, the forgiveness of our trespasses, according to the riches of his grace, which he lavished upon us, in all wisdom and insight…” Ang sumunod naman, ikaapat na spiritual blessing ay ang blessing of revelation sa verses 9-10, “…making known to us the mystery of his will, according to his purpose, which he set forth in Christ as a plan for the fullness of time, to unite all things in him, things in heaven and things on earth.”

Take note, again, na ang mga pagpapalang ito ay nakakabit kay Cristo. God “has blessed us in Christ” (v. 3). Sa blessing of redemption ganun din, “In him we have redemption” (v. 7). Sa blessing of revelation, ganun din. Anuman ang ipinaalam sa atin ng Diyos, nakakabit din kay Cristo: “which he set forth in Christ” (v. 9); “to unite all things in him” (v. 10). Kung wala si Cristo, kung hiwalay ka kay Cristo, no redemption, no salvation. ‘Wag na ‘wag nating tatangkaing hanapin ang anuman sa mga pagpapalang ito nang hiwalay kay Cristo. Outside of Christ, hindi mo mahahanap ang isa man lang sa mga pagpapalang ‘yan.

Blessing #3: Redemption / Katubusan (vv. 7-8)

Tingnan muna natin ang blessing of redemption o ang pagpapala ng katubusan. Sa salin ng Ang Biblia, ganito ang nakasulat sa verses 7-8, “Sa kanya’y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa.” Para maintindihan natin kung paano ito naging isang pagpapala at kung gaano kalaki ang pagpapalang ito, subukan nating sagutin sa mga verses na ito ang apat na tanong.

  1. Ano ang kahulugan ng “pagtubos”?

Maraming mga salita o pagsasalarawan ang ginagamit sa New Testament para sa ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Ang particular image na ginamit dito ni Pablo ay “redemption” o “katubusan.” Kapag may tutubusin, usual sa atin na ginagamit natin ‘yan kapag merong isinanlang alahas, cellphone, o sasakyan. Kapag hindi mo natubos, ibig sabihin hindi ‘yan mapapasayo bilang may-ari, kundi pag-aari na ng iba. Sa biblical language, itong redemption naman ay tumutukoy karaniwan sa isang alipin na pag-aari ng kanyang amo, pero binili para mapalaya sa may-ari sa kanya at maging pag-aari na ng bumili sa kanya. Ang istorya sa Old Testament na nagpi-picture nitong redemption na ‘to ay yung pagliligtas na ginawa ng Diyos sa Exodus. Na itong mga Israelita na mga alipin ni Pharaoh at ng mga Egyptians ay pinalaya ni Yahweh para maging kanya, para maging pag-aari niya. Ganito ang sasabihin ng mga magulang sa mga anak nila tungkol dito, “Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin” (Ex. 13:14 AB).

Gayundin naman, tayo ay mga alipin din, spiritually speaking. Noong wala pa tayo kay Cristo, itong mga kasalanan ang nilalakaran natin (Eph. 2:1-2), ito ang way of life natin, the way of sin. Sabi ng Panginoong Jesus, “Ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan” (John 8:34). Kung ikaw ay hindi Kristiyano, ‘yan pa rin ang nananatili mong kalagayan hanggang ngayon—alipin. Oo, gusto mong malaya ka na gawin kung ano ang gusto mong gawin, pero hindi ka talaga malaya, akala mo lang. Pero kung Kristiyano ka, malaya ka na, hindi ka na alipin. “Tinubos tayo ni Cristo,” ‘yan ang salin ng MBB sa verse 7. Pero more accurately, “Sa kanya’y mayroon tayong katubusan” (AB); “In him we have redemption” (ESV). Ibig sabihin, tumutukoy ito hindi lang sa ginawa ng Diyos para sa ‘yo (tinubos), kundi sa possession o pagmamay-ari mo ngayong ikaw ay nakay Cristo na (katubusan). Nasa ‘yo na ‘yan. Hindi lang ito past event, but present possession natin, nagpapatuloy na kalagayan (Hoehner, Ephesians, 205). Pinalaya ka na, at nagpapatuloy, at magpapatuloy na malaya. Hindi ka na kailanman magiging alipin ulit ng kasalanan. You now belong to Christ. Hindi na kinakailangang kasalanan ang masunod sa buhay mo. “You are not your own,” sabi ni Paul sa mga taga-Corinto tungkol sa pakikipaglaban nila sa kasalanan, particularly sexual sins, “for you were bought with a price” (1 Cor. 6:19-20).

Ano yung pinambili sa kalayaan natin? Ano ang ipinantubos? Ito naman ang susunod na tanong…

  1. Paano tayo tinubos?

Hindi naman pwedeng basta-basta na lang na palampasin ng Diyos ang kasalanan natin. Banal at makatarungan siya. Para matanggap natin ang biyaya ng kaligtasan, hindi naman pwedeng salungatin niya ang kanyang holy and righteous character. Kaya kailangan ng tutubos, ng ipambabayad para sa kasalanan natin. Si Cristo ang ipinambayad ng Diyos para matubos tayo: “Sa kanya’y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo” (Eph. 1:7 AB). Nang alipin pa sa Egipto ang mga Israelita, nag-provide ang Diyos ng paraan para makaligtas sila sa huling salot, yung pagpatay sa lahat ng panganay sa Egipto. Kailangan ng ihahandog na lalaking tupa, isang taong gulang, at walang kapintasan. At ang dugo nito ay ipapahid sa hamba ng pintuan ng mga bahay ng mga Israelita para lampasan sila ng darating na anghel ng Panginoon na papatay sa lahat ng panganay sa Egipto. They were saved by the blood of the lamb. Ito ay anino na nagtuturo sa pagdating ni Cristo na sa pamamagitan ng kanyang dugo, “through his blood,” ibig sabihin ay ang buhay ni Cristo na inialay nang siya ay patayin sa krus.

Malaking halaga ang ipinantubos sa atin. 1 Peter 1:18–19, “You were ransomed…not with perishable things such as silver or gold, but with the precious blood of Christ, like that of a lamb without blemish or spot.” Bakit hindi mo pahahalagahan ang pagliligtas sa ‘yo ng Diyos? Kung ganyan pala kalaking halaga ang ipinambayad para matubos ka sa kasalanan. Sino ba si Jesus? Yung “in him” sa verse 7 ay yung “in the Beloved” sa verse 6. Siya yung pinakamamahal na Anak ng Diyos na inialay ng Diyos Ama para matubos ka sa pagkakaalipin sa kasalanan. Kamangha-manghang laki ng pag-ibig ng Diyos na sarili niyang Anak (na ang lahat ng ginagawa ay nakalulugod sa Diyos) ay ibibigay niya para sa akin (na napakarami at napakalaki ng pagkakasala laban sa kanya). Amazing love indeed na ialay ni Cristo ang sarili niyang buhay to secure our “eternal redemption” (Heb. 9:11–12).

  1. Ano ang resulta ng pagtubos na ito?

“Sa kanya’y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan” (Eph. 1:7 AB). Dahil sa pagtubos na ginawa ni Cristo para sa atin, napatawad ang ating mga kasalanan. Magkakabit din ang redemption at forgiveness sa sinabi ni Paul sa Colossians 1:14, “na sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan” (AB). Meron tayong atraso sa Diyos. Ang sinabi niyang dapat nating gawin, yun ang hindi natin ginawa. Ang sinabi niyang hindi natin dapat gawin, yun naman ang ginawa natin. At kung ginagawa naman natin ang sinabi niyang dapat nating gawin, nanggagaling pa rin sa pusong makasarili at hindi nagmamahal at hindi nagtitiwala sa Diyos. Malaki ang utang natin sa Diyos. Wala ni isa man sa atin ang makakabayad. Araw-araw pa ngang nadaragdagan ang pagkakautang natin sa Diyos. Pero sa kamatayan ni Cristo sa krus, binura niya ang lahat ng pagkakautang natin (see Col. 2:13–14).

Paano? Sa krus, itinuring ng Diyos ang kanyang minamahal na Anak na isang makasalanan, dala-dala ang lahat ng kasalanan natin at ang parusang nararapat para rito, at tayo naman na sumasampalataya kay Cristo ay itinuring ng Diyos na matuwid, perfectly righteous, tulad ng kanyang minamahal na Anak (2 Cor. 5:21). Hindi ba isang napakalaking pagpapala ang katubusang bigay sa atin ni Cristo? Hindi lang binura ang bilyun-bilyong pagkakautang natin sa Diyos; nag-transfer pa siya ng bilyun-bilyon sa account natin! Obviously, hindi pera ang tinutukoy ko rito. Kung ganyan pa rin ang nasa isip mo, you’re missing the point of everything! Spiritual wealth, hindi material wealth, ang pinag-uusapan natin dito.

  1. Anong mga katangian ng Diyos ang nahahayag sa pagtubos na ito?

Kung magre-reflect tayong mabuti dito, makikita natin kung anong mga katangian ng Diyos ang naha-highlight sa blessing of redemption. Ito yung ikaapat na tanong na sasagutin natin. Merong dalawang sagot. Ang una ay ang sagana at nag-uumapaw na biyaya ng Diyos: “ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, na pinasagana niya sa atin” (Eph. 1:7–8 AB). Kayamanan ng biyaya ng Diyos ang naha-highlight dito, wealth of grace. Sa verse 2, nabanggit na ni Paul ang grace. Sa verse 6 naman, “glorious grace.” Sa verse 7, “riches of his grace.” Sa 2:7, “the immeasurable riches of his grace.” Gusto ni apostol Pablo, gusto ng Diyos, na mas maging malaki ang pagtingin natin sa “grace” niya sa atin. Alam na naman nating undeserved blessing yung tinanggap natin, kaya nga grace. Pero minsan tingin natin, konti lang ‘yan, kulang pa ‘yan, at meron pa tayong hinahanap sa iba. “Riches of his grace,” hindi mauubos ang kayamanan ng Diyos na ibinuhos para sa atin. ‘Yan ang translation ng MBB sa verse 8, “ibinuhos.” O sa ESV, “which he lavished upon us.” Ibig sabihin, noong naghihikahos ka sa hirap, hindi parang 1000 pesos lang ang ibinigay sa ‘yo ng Diyos. Malaki naman ‘yan, pero mas malaki pa, bilyun-bilyon. Noong init na init ka, hindi lang ambon ang pumatak mula sa langit. Bumuhos ang malakas na ulan at biniyayaan ka ng Diyos nang sobra-sobra.

Bukod sa grace ng Diyos, nahahayag din sa blessing of redemption ang wisdom ng Diyos: “sa lahat ng karunungan at pagkaunawa” (v. 8 AB); “in all wisdom and insight” (ESV). Ang ibang interpreter, tingin nila ay nakakabit ito sa verse 9, tulad ng sa MBB. May point naman kasi yung sumunod ay tungkol sa kaalaman at karunungang bigay sa atin ng Diyos. Ang iba naman, at sa tingin ko ay mas akma, na nakakabit ito sa verses 7-8, na ang point ay ito: na ang pagbuhos ng Diyos ng kanyang biyaya sa atin sa redemption na tinanggap natin ay ayon sa “karunungan at pagkaunawa” ng Diyos. Magkaiba man yung wisdom at insight, pero nag-ooverlap naman ang meaning niyan. Ibig sabihin, lahat ng ginagawa ng Diyos ay ayon sa karunungan niya. Hindi lang basta alam niya ang lahat ng bagay, siya rin ang nagtakda kung ano ang “best” goal at ano ang “best” means para ma-achieve ang mga layunin niya.

Mula sa pagpili ng Diyos kung sino ang ililigtas niya, hanggang sa paglalatag ng daan hanggang sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo, lahat ay according to God’s wisdom. Hindi parang nagpalabunutan lang ang Diyos, at randomly selected lang yung maliligtas. Hindi haphazard ang Diyos, hindi “reckless” ang pagmamahal at gawa ng Diyos sa pagliligtas sa atin. Nakaplanong mabuti ang lahat, at lahat ay maisasakatuparan ayon sa kanyang plano. Sabi nga ni Thielman, “God’s carefully considered willingness to pay such a price for the forgiveness of the sins of his people reveals something about his character: he is not merely a gracious God but an overwhelmingly gracious God.” (Thielman, Ephesians, p. 68). ‘Yan ang Diyos na nagpadala kay Cristo para iligtas tayo. Hindi lang gracious God, but an overwhelmingly gracious God! Ganyan ba ang pagkakakilala mo sa Diyos? Ganyan mo ba nakikita kung gaano kalaki ang pagpapalang tinanggap mo sa pagtubos ni Cristo?

Blessing #4: Revelation / Kaalaman (vv. 9-10)

Punta naman tayo ngayon sa ikaapat na blessing na binabanggit ni Paul. Bukod sa election, adoption, redemption, heto pa ang isa: revelation. Sa verses 9-10, “na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo, bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa” (AB). Tulad ng ginawa natin sa unang bahagi, sagutin ulit natin ang ilang tanong, tatlong tanong, para mas maintindihan natin kung anong klaseng blessing itong revelation na ‘to at gaano ito kalaki.

  1. Ano ang ipinaalam sa atin ng Diyos?

May ipinaalam sa atin ang Diyos. Ibig sabihin, kung wala itong revelation niya, hindi natin ito malalaman. Dependent naman talaga tayo sa Diyos para malaman natin kung ano ang dapat nating malaman. Malaki naman talagang blessing kapag marami kang alam. Pero balewala ang lahat kung hindi mo alam itong ipinaalam o revealed ng Diyos sa mga Kristiyano. Ano ito? “Ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban,” “the mystery of his will.” Kapag sinabing “mystery” hindi ito yung imposibleng malaman; pero ito yung nakatago dati, noong unang panahon, pero ngayon ay ni-reveal na ng Diyos sa atin. At ito ay may kinalaman sa “kalooban” niya, yung gusto niyang mangyari, yung pagsasakatuparan ng plano ng Diyos.

Tatalakayin pa ito ni Pablo sa chapter 3. Ito yung mystery na ipinaalam kay Pablo “by revelation” (Eph. 3:3). Tinawag niya itong “the mystery of Christ” (v. 4). Kasama rito yung katotohanan na ang pagliligtas ng Diyos na ipinangako sa Old Testament ay magkakaroon ng katuparan sa pamamagitan ni Cristo, at kung paanong hindi lang mga Judio kundi maging ibang lahi ay kabilang sa pagliligtas na ito ng Diyos. Ito yung mabuting balita ni Cristo na siyang paraan ng Diyos to accomplish his redemptive plan. Kung hindi mo alam ‘yang mabuting balita na ‘yan, kung hindi sa ‘yo ipinaalam ng Diyos, lugi ka. Pero kung alam mo ‘yan, “the word of truth, the gospel of your salvation” (Eph. 1:13), and you believe the good news of the gospel na ipinaalam sa ‘yo ng Diyos, malaking blessing ‘yan. Napakalaki.

  1. Ano ang nag-udyok sa Diyos na ipaalam ito sa atin?

Now, kung alam mo itong “mystery of the will,” malaking privilege ‘yan kasi hindi naman ‘yan alam ng iba. Mga Kristiyano lang ang nakakaalam niyan, at least in a way na maituturing na spiritual blessing. So, kung meron kang alam na “insider information,” you feel special. So, bakit ikaw alam mo, pero yung iba ay hindi? Dahil ba merong special qualities ka that set you apart from others? Malinaw na ‘yan sa nakaraang sermon na ang sagot ay, “No!” So, paano natin sasagutin itong sumunod na tanong, Ano ang nag-udyok sa Diyos na ipaalam ito sa atin? Sabi ni Paul, “ayon sa kanyang mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo” (v. 9 AB). Sa LSB, “according to his good pleasure, which he purposed in Christ.” Parallel ito sa verse 5, na ang pagpili sa atin ng Diyos, ang pagkupkop sa atin para maging mga anak niya ay “according to the good pleasure of his will” (LSB).

Consistent sa emphasis ni Paul, dito naman sa verse 9 ay sinabi niya na ipinaalam niya sa atin ang plano niya kung paano isasakatuparan ang pagliligtas niya—his redemptive purposes—hindi dahil mas madali tayong umintindi kesa sa iba, hindi dahil we are more deserving kesa sa iba, hindi dahil mapapatunayan natin ang sarili natin na magiging faithful in stewarding this blessing. No, ito ay dahil lamang sa kanyang sariling kagustuhan, at hindi dependent in any way sa anumang meron tayo.

Again, andito rin yung emphasis na itong mabuting layunin o kagustuhan ng Diyos ay “kanyang itinakda kay Cristo,” “in Christ.” Ang plano ng Diyos kung paano tayo tutubusin, kung paano ipapaalam sa atin ang kailangan nating malaman para maging beneficiaries tayo ng redemption na yun ay hindi pwedeng hiwalay kay Cristo, na para bang pwedeng mong paghiwa-hiwalayin ang tatlong persona ng Trinity. Our redemption and God’s revelation of that redemptive plan cannot be accomplished apart from Christ. Hindi talaga pwede. Ganyan kahalaga si Cristo sa plano ng Diyos, at sa buhay ng bawat isa sa atin.

  1. Ano ang “hiwaga ng kalooban” ng Diyos?

Maraming pwedeng sabihin tungkol sa kung ano itong “hiwaga ng kanyang kalooban.” Sa chapter 3, marami pang sasabihin si Paul tungkol diyan. Pero tingnan muna natin kung ano itong nakalagay sa last verse ng text natin ngayon. Heto yung plano, layunin, kalooban ng Diyos: “as a plan for the fullness of time, to unite all things in Christ, things in heaven and things on earth in him” (ESV). Yung “plan” na ‘to ay oikonomia sa Greek, na ang ibig sabihin ay pangangasiwa o stewardship o administration ng isang household. So, tumutukoy ito sa pangangasiwa ng Diyos, na sa kanyang karunungan at kapangyarihan, ay isinasaayos niya ang lahat to accomplish his redemptive purposes. “For the fullness of time,” para naman i-highlight na bagamat every event in history ay nasa kamay ng Diyos, merong mga significant moment in history na crucial at kailangang mangyari para matupad ang layunin ng Diyos. Tulad ng pagdating ni Cristo, tulad ng sakripisyong ginawa niya sa krus, at ang inaabangan pa nating mangyari, ang muling pagbabalik ni Cristo.

At ano yung gusto ng Diyos na mangyari sa dulo ng kasaysayan? “To unite all things in Christ.” Yung “all things” na ‘to ay sinabi ni Paul na mga bagay na nasa langit at mga bagay na nasa lupa. Sabi ng iba, tumutukoy ito sa mga anghel sa langit at mga tao sa lupa, o kaya naman ay yung mga taong nasa langit na at yung mga taong nasa lupa pa. Most likely, tumutukoy ito sa buong nilikha ng Diyos. “In the beginning, God created the heavens and the earth” (Gen. 1:1). Pero ano ang nangyari? Dahil sa kasalanan, hindi lang tao ang naapektuhan nito—nasirang relasyon sa Diyos at sa isa’t isa. Pati ang buong created order, “the whole creation has been groaning” (Rom. 8:22). Ang nilikha ng Diyos ay kailangan ding palayain, to “be set free from its bondage to corruption” (v. 21). Merong disorder, merong chaos, merong broken hindi lang sa buhay natin, hindi lang sa loob ng bahay natin, hindi lang sa bansa natin, hindi lang sa buong mundo, kundi sa buong universe.

Kaya dumating si Cristo, at muling babalik si Cristo, to make all things right, “to unite all things in Christ.” Siya lang ang makagagawa nito. “For in him all the fullness of God was pleased to dwell, and through him to reconcile to himself all things, whether on earth or in heaven, making peace by the blood of his cross” (Col. 1:19–20). Obviously, hindi universalism ang ibig sabihin nito na lahat ng tao ay maliligtas. Rather, ang implication nito ay para malaman natin na ang sakop ng redemptive work ni Cristo ay hindi lang sa pagliligtas sa atin individually, hindi lang din para sa buong Church, kundi sa buong nilikha ng Diyos. Again, mangyayari lang ito sa pamamagitan ni Cristo, wala nang iba. Pakinggan natin si John Calvin kung paano niya ito binibigyang-diin:

…out of Christ all things were disordered, and that through him they have been restored to order. And truly, out of Christ, what can we perceive in the world but mere ruins? We are alienated from God by sin, and how can we but present a broken and shattered aspect? The proper condition of creatures is to keep close to God. Such a gathering together as might bring us back to regular order, the apostle tells us, has been made in Christ. Formed into one body, we are united to God, and closely connected with each other. Without Christ, on the other hand, the whole world is a shapeless chaos and frightful confusion. We are brought into actual unity by Christ alone. (John Calvin, Galatians and Ephesians, 205)

Christ alone, wala nang iba. Ganito na ba kalaki at kalawak ang pagtingin mo kay Cristo at sa gawa niya? O hanggang ngayon ang tingin mo ay tungkol lang ito sa kung paano ka iniligtas ni Cristo mula sa parusa ng impiyerno para kapag namatay ka ay sa langit ka pupunta? O tingin mo ay tungkol lang ito sa pagkakaroon ng maayos na buhay sa ngayon? May the Lord grant all of us eyes to see kung gaano kalaki at gaano kalawak ang blessing of redemption and revelation na matatanggap lang natin sa pamamagitan ni Cristo, wala nang iba.

Conclusion: Ano ang implikasyon ng mga pagpapalang ito…

Dapat din nating alalahanin na hindi lang ito tungkol sa nalalaman mo o pinaniniwalaan mo tungkol sa pagliligtas na ginawa ni Cristo. Dapat din nating tanungin ang sarili natin kung ano ba ang mga personal implications nito. E ano ngayon kung alam mo ‘to? E ano ngayon kung naranasan mo ang pagtubos na ginawa ni Cristo?

  1. …sa relasyon mo sa Diyos?

Ano ang implikasyon nito sa relasyon mo sa Diyos? Kung alam mo na ganito pala kayaman ang biyaya ng Diyos na ibinuhos sa ‘yo, hindi ba’t palagi kang magpapasalamat sa Diyos? Hindi ba’t ito ang magmo-motivate sa puso mo na sambahin ang Diyos palagi? Kung alam mo na ganito pala inihayag ng Diyos ang karunungan niya, hindi ba’t mas magtitiwala ka sa paraan ng Diyos, sa halip na sariling diskarte mo ang asahan mo? Kung alam mo na ginagawa ng Diyos ang lahat ayon sa kanyang kagustuhan, hindi ba’t mas mamamangha ka na ginusto ng Diyos na iligtas ka, na ibigay ang kanyang Anak para sa ‘yo? Ano ang ipagmamalaki mo maliban sa Diyos?

  1. …sa pakikipaglaban natin sa kasalanan?

Ano ang implikasyon nito sa pakikipaglaban natin sa kasalanan? Kung tinubos ka na ni Cristo mula sa pagkakaalipin sa kasalanan, gagamitin mo ba ang kalayaang meron ka ngayon para bumalik pa sa pagkakasala? Papaalipin ka ba ulit sa kahalayan, kalaswaan, at kabastusan (Eph. 4:19, 22)? Papaalipin ka pa ba ulit sa galit, sa inggit, sa sama ng loob, sa kasakiman, sa katamaran, sa paninirang-puri (Eph. 4:25–31)? Kung malaya ka na, meron ka nang kapangyarihang labanan ang natitirang kasalanan sa puso mo. Mamuhay ka tulad ng isang malaya, at hindi isang alipin. Kay Cristo ka na. Gamitin mo ang buhay mo para paglingkuran at sundin ang Panginoon mo, hindi ang sariling gusto mo.

  1. …sa pagtugon natin sa mga nagkasala sa atin?

Paano naman tayo tutugon sa mga nagkakasala sa atin? Kung kasama sa katubusan ang kapatawaran ng kasalanan, paano mo tatratuhin ang mga taong may atraso sa ‘yo? Magtatanim ka ba ng sama ng loob sa kanila at gagantihan sila sa masamang ginawa nila sa ‘yo? Hindi ba’t papatawarin mo sila, mamahalin, at magiging mabuti ang pakikitungo mo sa kanila, tulad ng pagpapatawad at pagmamahal ng Diyos sa ‘yo (Eph. 4:31–5:2)? Lalo naman kung ang taong yun ay kapatid natin sa Panginoon. Kung balang araw, pagkakaisahin ng Diyos ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo, bakit hindi mo simulan ngayon na makipagkasundo sa asawa mo, sa kapatid mo kay Cristo? Ang layon ng pagtubos sa atin ni Cristo ay hindi lang para ipagkasundo at ilapit tayo sa Diyos, kundi ipagkasundo at ilapit din tayo sa isa’t isa.

  1. …sa pagtingin natin sa mga nangyayari sa araw-araw?

Paano naman sa pagtingin natin sa mga nangyayari sa araw-araw? Kung ginawa mo na ang effort mo para maayos ang relasyon n’yong mag-asawa, pero wala pa rin. Kung nag-reach out ka na sa kapatid mo kay Cristo, pero wala talagang response, o lalo pang lumayo. Kung ang dalawang pamilya ay nananatiling hindi magkasundo, kung nagkakagulo sa bansa natin, kung ang daming kaguluhan sa mundo. Kung alam mo na planong pagliligtas ng Diyos ay saklaw ang lahat ng nangyayari sa kasaysayan—not just our personal history—kundi sa buong kasaysayan, aabangan mo ang katuparan ng lahat ng ‘yan sa pagbabalik ni Cristo. At gagawin mo rin ang lahat ng dapat mong gawin habang naghihintay sa araw na ‘yan. Patuloy na ipi-preach ang gospel. Patuloy na sasamba sa Diyos. Patuloy na magdi-disciple. Patuloy na tutulong para maibalik ang mga nalalayo sa Panginoon. Patuloy na makikipagkasundo at gagawa para sa unity ng church. Until that day that everything will be made right. Itatama at aayusin ng Diyos ang lahat balang araw.

So, kung alam mo at naranasan mo itong blessings of the gospel we have in Christ—the blessing of election, the blessing of adoption, the blessing of redemption, the blessing of revelation—this changes everything, absolutely everything.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply