Introduction: Ano ang hinding-hindi pwedeng mawala sa ‘yo?‌

Ano ang para sa ‘yo ay hinding-hindi pwedeng mawala sa ‘yo? Yung phone mo na hindi mo mabitawan? Yung asawa mo? Yung anak mo? Yung trabaho mo? Yung bahay mo? O kaya naman ay isang bagay o isang tao na wala pa sa ‘yo ngayon pero pinakaaasam-asam mo? Na sa tingin mo ay hindi kumpleto ang buhay mo kapag wala iyon? Ang sagot mo sa mga tanong na ito ay isang worship issue. Nagrereveal ito ng deepest desires ng puso natin. Nag-eexpose ng mas pinahahalagahan natin nang higit sa Diyos. Idolatry ‘yan.‌

At iyan ang naging issue sa Exodus 32. Hindi lang naman unang utos ang nilabag nila: “Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos maliban sa akin.” Pati ang ikalawa: “Huwag kayong gagawa ng imahen…upang sambahin.” Inexpose ng Diyos ang puso nila na mas pinahahalagahan ang ibang bagay at ang sarili nilang naisin at pamamaraan kaysa sa Diyos at sa kanyang malinaw na salita. Ayun, muntik na tuloy silang maubos. Kung hindi dahil sa intercession ni Moses para sa kanila. Pero 3,000 pa rin ang namatay. Tapos meron pang pinadala ang Diyos na salot sa dulo, na hindi natin alam kung ikinamatay ng iba o hindi. So, marami pa rin ang nanatiling buhay. At malapit na silang maglakbay ulit sa promised land. At sa paglalakbay nila, hanggang sa moment na papasok na sila sa lupain, maeexpose talaga kung ano ang pinakamahalaga sa lahat para sa kanila.‌

Previous chapter, Exodus 32, exposes that para sa mga Israelita. Muntik na silang maubos. Kung hindi dahil sa intercession ni Moses para sa kanila. Pero 3000 pa rin ang namatay. Tapos meron pang pinadala ang Diyos na salot sa dulo, na hindi natin alam kung ikinamatay ng iba o hindi. So, marami pa rin ang nanatiling buhay. At malapit na silang maglakbay‌ ulit sa promised land. At sa paglalakbay nila, hanggang sa moment na papasok na sila sa lupain, maeexpose talaga kung ano ang para sa kanila na pinakamahalaga sa lahat.

‌Sa atin din naman ngayon, madaling sagutin ang tanong na, “Ano ang pinakamahalaga sa buhay natin, na hindi pwedeng mawala sa atin?” Doctrinally, alam nating “Diyos” ang sagot. Pero practically, deep inside our hearts, nararamdaman ba talaga natin sa puso natin kung gaano kahalaga ang presensya ng Diyos sa buhay natin? Para sa Diyos, ang gusto niya ay mamalagi ang presensya niya sa Israel. That’s the point ng tabernacle. Kaya mahaba ang instructions niya tungkol diyan sa chapters 25-31. At ang detalye naman ng construction niyan sa chapters 35-40. Pero merong aberya sa nakapagitnang three chapters. Gusto ng Diyos na manirahan sa kalagitnaan nila. Pero ang tanong sa kanila, gusto ba nila? Nakita na natin ang Exodus 32. Ngayon naman ang chapter 33.

‌I. Problema (vv. 1-6)

‌Para maramdaman at marealize ng mga Israelita na malaking problema—napakalaking problema—kung wala ang presensya ng Diyos sa kanila, sinabi niya na hindi niya sila sasamahan papunta sa lupang pangako. Ito ang makikita natin sa unang bahagi ng chapter 33, sa verses 1-6. Kinausap muna ni Yahweh si Moises, at sinabing, “Umalis ka sa lugar na ito kasama ang mga mamamayang inilabas mo sa Egipto, at pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi ko sa kanila noon na ibibigay ko ang mga lupaing ito sa kanilang mga salinlahi” (Ex 33:1 ASD). Totoo namang si Moises ang nanguna sa paglabas nila sa Egipto, pero kapansin-pansin na hindi sinabi ng Diyos sila’y sa kanya at siya ang naglabas sa kanila sa Egipto. Tulad din ng sinabi niya sa nakaraang chapter kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako” (32:7 MBB). Na para bang isinasantabi na sila ng Diyos, o kaya’y mas malamang na na pinupunto ang pagtataksil na ginawa ng Israel sa covenant nila sa Diyos o kaya’y biglang kumalimot sa lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila. Hindi ang Diyos ang naging unfaithful at sumira sa sinumpaan niyang pangako sa kanila. In fact, binibigyang-diin pa nga ng Diyos na ang lupaing pupuntahan nila ay pangako ng Diyos simula pa kay Abraham (Gen 12:7). Mula noon hanggang ngayon ay totoo ang Diyos sa kanyang pangako. Kahit sumira ang Israel sa sinumpaan nilang tipan—na para bang isang asawa na honeymoon period pa lang ay nagtaksil na agad—kahit kailan ay hindi sisirain ng Diyos ang sinumpaan niyang pangako. Yun nga ang ginawa niya noong iniligtas niya ang Israel sa pagkakaalipin: “Narinig ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob” (Ex 2:24).

‌Dahil laging tapat ang Diyos sa kanyang pangako, gagarantiyahan niya na makakarating sila sa Canaan. Sabi ng Diyos kay Moises, “Ang pupuntahan ninyo’y isang mayaman at masaganang lupain. Pauunahin ko sa inyo ang isang anghel upang palayasin ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo” (Ex 33:2-3 MBB). Maganda ang lupaing titirhan nila, “flowing with milk and honey,” ibig sabihin sagana. Pero hindi magiging madali ang journey nila. Kaya magpapadala ang Diyos ng anghel para gabayan at protektahan sila. At sisiguraduhin ng Diyos na magtatagumpay sila laban sa mga kaaway nila. Well and good, right?

‌Pero may sinabi pa ang Diyos pagkatapos nito: “Hindi ako ang sasama sa inyo at baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo” (v. 3). Ang presensya ng Diyos ay hindi sasama sa kanila. Una, dahil sa pagrerebelde nila sa pagsamba sa gintong baka ay napatunayang hindi sila deserving sa presensya ng Diyos. Ito ay, in a sense, an act of God’s judgment. Makukuntento ba sila na magiging maayos nga ang paglalakbay nila at magiging masagana ang buhay nila sa Canaan pero hindi naman nila kasama ang Diyos? They have to answer that question. Sa kabilang banda rin naman, ang hindi pagsama sa kanila ng Diyos ay isang act of God’s mercy. Bakit? Sabi ng Diyos, “Baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo.” Hindi lang dahil sa nangyari sa golden calf, kundi alam ng Diyos na ganito talaga sila, at mauulit nang mauulit ang pagsuway nila sa mga utos niya. Kung ganun, ang presensya ng Diyos para sa kanila ay hindi isang satisfying presence but a consuming fire. Makatarungan ang Diyos, maawain din ang Diyos.

‌Meron silang two-fold problem. Malaking problema na hindi nila makakasama ang presensya ng Diyos. Aanhin mo nga naman ang lahat ng mga bagay sa mundo, kung ang pinakamainam sa lahat, our highest good, ay hindi mapapasaiyo? Malaking problema rin kung lalapit ang presensya ng Diyos sa kanila. Dahil sa kasalanan nila, babagsak ang parusa ng Diyos laban sa kanila. God’s absence, bad news. God’s presence, bad news. Pano na ‘yan? Kaya heto ang naging tugon ng mga Israelita sa balitang ito nang makarating ito sa kanila? “…labis silang nalungkot at isa ma’y walang nagsuot ng alahas” (v. 4). Malamang na ito ay act of repentance na may malaking kalungkutan dahil narealize nila ang kasalanan nila at miserable nilang kalagayan dahil sa kasalanan nila. Ang hindi pagsusuot ng alahas ay expression ng pagsisisi at pagsunod sa salita ng Diyos. “Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, ‘Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.’ Kaya’t mula sa Bundok ng Sinai, hindi na sila nagsuot ng alahas” (vv. 5-6). Tama naman na ang mga gintong alahas nila na ginamit para sa pagpapagawa ng gintong baka na sinamba nila at ikipinahamak nila ay hindi na nila isinuot all throughout their journey.

‌Ang sinabi ng Diyos na “pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila” ay literally, “upang aking malaman kung ano ang aking gagawin sa inyo” (v. 5 AB). Hindi ibig sabihin na hindi alam ng Diyos at pag-iisipan pa niya ang mga options niya. Alam niya ang lahat—past, present at future. Nagpapakita lang ito na ang gagawin ng Diyos ay—whether Israel will experience his mercy or his judgment—ay nakasalalay kung paano sila tutugon sa Diyos. Magsisisi ba sila or magpapatuloy sa stubborness nila? Of course, ang nais ng Diyos kaya nga ipinaparealize niya ang laki ng problema natin dahil sa kasalanan natin ay para udyukan tayo na magsisi, to provoke us and lead us toward repentance.

‌Gusto ng Diyos na marealize ng Israel—at marealize nating lahat—na ang pagtataksil natin sa kanya, sa kabila ng katapatan niya sa pagliligtas sa atin ay nararapat lang na lapatan ng parusa ng Diyos. Dapat sana ay naeenjoy natin at napangungunahan tayo ng presensya ng Diyos, pero hindi mangyayari yun kung magpapatuloy tayo sa kasalanan natin. Hindi kailanman maka-cancel ang katapatan ng Diyos kahit sa kabila ng pinakamabigat nating pagrerebelde laban sa kanya. Lalo na kung hindi mo mare-realize na presensya ng Diyos ang kailangan mo nang higit sa lahat—hindi pera, hindi trabaho, hindi pamilya, hindi ministry, hindi accomplishments, hindi success, hindi approval ng ibang tao.

‌Parehong problema ang paglayo at paglapit ng presensya ng Diyos—nakay Cristo ang natatanging solusyon sa problemang ito.

‌Totoo namang God is omnipresent, nasa lahat ng dako, at hindi tayo makakalayo sa presensya ng Diyos. “Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu? Saan ba ako makakapunta na wala kayo? Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo; kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo” (Ps 139:7-8ASD). Kung ayaw mo mang makasama ang Diyos sa buhay na ito, hindi mo siya matatakasan eventually. Haharap ka sa kanya balang araw, at mararanasan mo ang bagsik ng presensya ng Diyos sa paghatol niya sa impiyerno kung magpapatuloy ka sa katigasan ng ulo mo. Si Cristo lang ang tanging solusyon sa problemang ito. Si Cristo ang nagdusa at umako ng parusa sa katigasan ng ulo natin, sa pagtataksil natin laban sa Diyos. Sa kamatayan niya sa krus ay iniwanan siya ng presensya ng Diyos. Nabalot ng kadiliman ang buong lupain, sumigaw si Jesus, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Pinabayaan ng Ama ang kanyang Anak—for a moment—para tuparin ang kanyang pangako na ililigtas tayo at dadalhin tayo sa kanyang presensya.‌

Malaki ang problema natin. Pero Diyos din ang nagbigay ng solusyon. So, aminin natin na ang essence ng idolatry ay ang pagpapahalaga sa “presence” ng ibang bagay o ibang tao sa buhay natin nang higit sa “presence” ng Diyos. At ang totoong pagsisisi ay pag-recognize na tayo ay makasalanan (stiff-necked, matigas ang ulo) at miserable ang kalagayan natin kung tayo ay hiwalay sa mabiyayang presensya ng Diyos at haharapin naman natin ang bagsik ng presensya ng Diyos sa kanyang paghatol. Walang ibang nararapat na tugon kundi yakapin si Cristo bilang katugunan sa malaking problemang iyon.

‌II. Paraan (vv. 7-11)‌

Malaki ang problema ng Israel. Pero ang Diyos pa rin ang gumagawa ng paraan para masolusyunan ang problema nila. Hindi pa sila tuluyang inabandona ng Diyos. Naalala n’yo yung point ng pagpapagawa ng tabernacle? Gusto nga ng Diyos na manirahan sa kalagitnaan nila kaya nga yung tabernacle ay ilalagay sa gitna ng kampo nila. Pero sa verses 1-6 ay parang umayaw na ang Diyos, “Ayoko na, hindi na ako sasama sa inyo, bahala na kayo. Basta ibibigay ko kung ano ang kailangan ninyo, pero hindi ko na kayo sasamahan.” Mukhang ganun nga, pero ang sumunod na bahagi ng chapter 33, verses 7-11, ay nag-iindicate na hindi naman sila talaga totally sinukuan na ng Diyos. Merong “tent of meeting” na ginawa para magsilbing isang lugar kung saan makikipagkita si Moises kay Yahweh, hindi sa taas ng bundok, pero outside the camp pa rin nila, hindi sa gitna.‌

“Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Tolda malayo sa kampo. Ang Toldang itoʼy tinatawag na ‘Toldang Tipanan.’ Pumupunta sa Toldang ito ang sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon” (Ex 33:7ASD). Hindi ito minsanan lang, kundi tumagal din siguro ng ilang araw, at least bago matuloy ang pagpapagawa ng tabernacle proper. So yung “Tolda” na ito (“tabernakulo” sa MBB) ay temporary setup lang, at hind fully functional tulad ng tabernacle. Ang pinakapurpose lang ay para sa “sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon.” Para sa mga Israelita na narerecognize na kailangan nila ang presensya ng Diyos, kailangan nilang marinig ang salita ng Diyos, kailangan nila ang paggabay ng Diyos sa araw-araw. Bagamat nagkasala sila, meron namang paraan para makabalik sila sa Diyos. Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises later on, “Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya’y buong puso ninyong hahanapin” (Deut 4:29MBB). Sa puntong ito, nananatili ang toldang ito sa labas ng kampo, hindi sa loob at hindi sa gitna tulad ng intention ng Diyos. Ibig sabihin, malayo pa rin ang presensya ng Diyos sa kanila. Pero nagpapaalala ito kung ano ang “missing” sa buhay nila kung malayo ang Diyos sa kanila. Si Moises lang kasi ang makakalapit dun at makakaharap sa Diyos sa mas personal at mas intimate na paraan. Pero sila, nakatingin lang sila mula sa malayo.

“Sa tuwing papasok si Moises sa Tolda, tumatayo ang mga tao sa pintuan ng mga tolda nila. Tinitingnan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa Tolda” (v. 8 ASD). Hindi sila makakapasok sa tolda, pinapanood lang nila si Moises as their representative. Ito eventually ang magiging function ng high priest na si Aaron na siya namang nanguna sa kanila sa pagsamba sa gintong baka. At ano ang nangyayari kapag pumapasok si Moises sa loob? “At habang naroon si Moises sa loob, bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda habang nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya” (v. 9). Alam nila na naroon ang presensya ng Diyos. Alam nila na nagsasalita ang Diyos at may sinasabi kay Moises, na siya namang sasabihin niya sa kanila para malaman nila kung ano ang kalooban ng Diyos.

‌Pero siyempre ngayon hindi na ganyan. Na para bang ang pastor ng church ang may exclusive access sa Diyos, at sasabihin ko lang sa inyo kung ano ang will ni Lord na gusto n’yong malaman! Of course not! We have the word of God, na siyang babasahin, pag-aaralan at uunawain natin para malaman natin ang kalooban ng Diyos sa buhay natin. At malinaw na kalooban ng Diyos na kapag naranasan natin ang presensya niya sa pamamagitan ng salita niya na napapakinggan natin ay sasamba tayo sa kanya. Ganyan ang response ng Israel sa tuwing ganun ang nangyayari. “At kapag nakita ng mga tao ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda, tumatayo sila at sumasamba sa Panginoon sa may pintuan ng tolda nila” (v. 10). Higit na mainam naman ang nangyayari dito—sumasamba sila kay Yahweh—kaysa naman sa nakaraang chapter na gintong baka ang sinasamba nila bagamat iniiisip nilang si Yahweh rin ang sinasamba nila.

‌Better kung ikukumpara sa chapter 32, pero hindi pa rin ang the best. Si Moises lang ang nakaka-enjoy ng “the best” na experience sa presensya ng Diyos. “Kapag nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan. Pagkatapos, bumabalik si Moises sa kampo, pero ang binata niyang lingkod na si Josue na anak ni Nun ay nananatili sa Tolda” (v. 11 ASD). Eventually, si Josue, na higit na mas bata kay Moises (baka 30/40 compared kay Moises na 80), ang papalit kay Moises. Pero sa puntong ito, si Moises pa rin ang nasa highest position ng leadership sa Israel at may pinakamalaking privilege na may special access sa Panginoon. Face to face, tulad ni Jacob nang makipagbuno siya sa Diyos sa Peniel at nakita niya rin ang Diyos face to face (Gen 32:30). Harapan, parang magkaibigan lang, ibang level ng depth of intimacy. Tulad ni Abraham na tinawag ding kaibigan ng Diyos (Isa 41:8; Jas 2:23). Iba yung kilala mo lang na mga hinahangaan mo tulad nina John Piper at Mark Dever na nababasa mo ang mga books na isinulat nila o napapakinggan sa podcast ang mga sermons nila. Pero yung makakasama mo sila, makakausap ng harapan, aba ibang experience yun! Pero siyempre tao pa lang ‘yan na pinag-uusapan natin. Paano pa kung Diyos mismo? That is an experience ten thousand times better!

‌Pero sa point na ‘to ng story sa Exodus, si Moises lang ang merong ganung privilege. Pero hindi ibig sabihing mailap ang Diyos at hindi approachable. In a way, unapproachable dahil nga sa kanyang non-compromising holiness at dahil naman sa rebellious hearts ng mga tao na delikado talaga na lumapit sa kanya kapag ganun. So, parang wala bang pag-asa na makalapit tayo sa Diyos kung ganun? Ang point nitong verses 7-11 ay para ipaalala sa kanila na hindi ganun, na hindi sila tuluyang iniwanan ng Diyos, at makakalapit sila sa Diyos kung hahanapin nila ang Diyos, kung makikinig sila sa Diyos, kung sasamba sila sa Diyos. Pero sa paraan lang na itinakda ng Diyos—sa pamamagitan ni Moises. Ganun din ang mensahe para sa atin.

‌Bagamat hindi tayo karapat-dapat, may pag-asang ma-enjoy natin ang malapit na presensya ng Diyos sa pamamagitan ng paraang itinakda ng Diyos—walang iba kundi sa pamamagitan ni Cristo.

‌Pambihira ang privilege na nae-enjoy ni Moises. “Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan (face to face) kay Yahweh” (Deut 34:10). Pero si Moises na rin ang nagsabi sa kanila, “Mula sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya” (Deut 18:15). Sabi naman ni Yahweh kay Moises, “…pipili ako para sa kanila ng isang propetang katulad mo. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalooban, at siya ang magsasabi nito sa mga tao” (v. 18). Ang propetang ito ay walang iba kundi si Cristo, katulad ni Moises, pero higit na dakila kaysa kay Moises (Heb 3:3).

‌Kung tutuusin, hindi naman talaga literal na nakita ni Moises ang Diyos face to face. Mamamatay siya kung ganun! Pero si Cristo na Anak ng Diyos? Yun talaga ang face to face. “Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya” (Jn 1:18 AB). Maririnig mo ang salita ng Diyos kung makikinig ka kay Cristo: “siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Makikilala mo ang Diyos” (Heb 1:2 MBB). Makikilala mo ang Ama kung makikilala mo si Cristo: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama” (Jn 14:7). Makakalapit lang tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na siyang natatanging “Daan” patungo sa Ama: “Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Jn 14:6). Kaya napakahalaga na lagi nating naririnig, lagi nating pinagbubulayan, lagi nating inaalala, lagi nating pinanghahawakan ang mabuting balita ni Cristo—the gospel. Dahil ito ay “tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos…ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo” (2 Cor 4:4, 6).

‌III. Pangako (vv. 12-23)

‌Kung alam natin na dahil kay Cristo ay nakalapit na tayo sa Diyos, nasa atin na ang presensya ng Diyos, nasa atin na ang lahat ng kailangan natin sa buhay, tayo na ang pinakamatapang, pinakamalakas ang loob, pinakamatibay ang pananampalataya sa buong mundo. Walang katatakutan, walang aalalahanin, walang ikababahala. Pero hindi palaging ganun. Kaya kailangan natin ang reassurances ng pangako ng Diyos na nagsabi kay Joshua na siyang pumalit kay Moises pagkamatay niya, “Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man” (Jos 1:5). Nandoon nga sa tent of meeting ang presensya ng Diyos. Pero hindi ba’t sabi ng Diyos kay Moises at sa Israel kanina, “Magsimula na kayong maglakbay, pero hindi ako sasama sa inyo”? Mabigat ang tungkuling nakaatang kay Moises para pangunahan ang Israel sa buong paglalakbay nila. Kailangang-kailangan niya ang assurance na galing sa Diyos. Kaya dito sa ikatlo at huling bahagi ng chapter 33, vv. 12-23, ay makikita natin ang tatlong panalangin ni Moises, at kung paano naman ito sinagot ng Diyos.

‌Ang unang prayer ay nasa vv. 12-13, “Lagi po ninyong sinasabi sa akin na pangunahan ko ang inyong mga mamamayan sa pagpunta sa lupaing ipinangako ninyo, pero hindi pa po ninyo ipinapaalam kung sino ang pasasamahin ninyo sa akin. Sinabi pa po ninyo na kilalang-kilala nʼyo ako at nalulugod kayo sa akin. 13 Kung totoo pong nalulugod kayo sa akin, turuan nʼyo ako ng mga pamamaraan ninyo para makilala ko kayo at para mas matuwa pa kayo sa akin. Alalahanin po ninyong ang bansang ito ay bayan ninyo” (ASD). Alam ni Moises ang tungkulin niya. Alam ni Moises ang pabor ng Diyos sa kanya, “nalulugod kayo sa akin,” “favor in your sight,” paulit-ulit ‘yan (five times) sa bahaging ito. Sa atin din, alam natin ang good news of justification, na sa paningin ng Diyos ay matuwid ang tingin niya sa atin, at dahil kay Cristo ay nalulugod siya sa atin. Pero kahit hindi magbabago yun, nagdududa pa rin tayo, o merong mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin nararamdaman na totoo yung good news na yun. So ang prayer ni Moises, “Ipaalam n’yo sa akin kung sino ang pasasamahin n’yo sa akin. Kung hindi kayo, sino pa ba? Ipakita n’yo sa akin ang pamamaraan n’yo.” May mga bagay na hindi tayo naiintindihan, at gusto nating maintindihan, that is why we pray. Hindi naman sasabihin ng Diyos ang lahat ng gusto nating malaman, pero kapag sumagot siya sa pamamagitan ng Salita niya, sapat yun para sa atin.

‌Sagot niya kay Moises, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan” (v .14 ASD). Sa MBB kasi, “Sasamahan ko kayo…” Pero sa palagay ko ay mas tumpak ang sa ASD. Ang sinabi ng Diyos ay katiyakan na sasamahan niya si Moises. At sa presensya ng Diyos ay makakatagpo siya ng kapahingahang hanap niya. Nakakapagod nga naman talaga ang maging leader ng isang malaking bansa—na marami pa ang matitigas ang ulo! Masarap sanang pakinggan yun para kay Moises. Pero hindi lang sarili niya ang iniisip niya—ganyan naman dapat talaga ang mga leaders, hindi self-interest lang ang iniisip. Kaya sabi niya kanina, Alalahanin po ninyong ang bansang ito ay bayan ninyo” (v. 13). Sa inyo ‘to, bakit iiwan n’yo?

‌Kaya ito ang second prayer niya, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami’y naiiba sa lahat ng mga bansa” (vv. 15-16 MBB). Ang mga prayers natin ay nagrereveal kung ano ang nasa heart natin. At sa puso ni Moises, kitang-kita na para sa kanya ay walang katumbas ang kahalagahan ng presensya ng Diyos sa buhay niya, sa buhay nila. Kung wala ang presensya mo sa paglalakbay namin, ‘wag na lang, dito na lang kami, what’s the point of everything? Kung wala ang presensya ng Diyos, wala silang identity as a nation. Kung wala ang presensya ng Diyos, paano mababalita sa iba ang grasya ng Diyos sa kanila? Kung wala ang presensya ng Diyos sa kalagitnaan natin, walang saysay ang buhay natin, para lang tayong isang social club, and the good news of the gospel will not be good news. God is the greatest gift of the gospel.

‌At this point makikita natin kung paano naha-highlight kung gaano ka-crucial ang intercessory role ni Moises para sa Israel. At isa ito sa rason bakit sinabi ng Diyos ang mga sinabi niya kanina, to provoke Moses’ intercession. Dalawang beses nakita nating ginawa ito ni Moises sa last chapter. Sa simula pa lang ng journey nila sa disyerto, ganun din ang ginawa niya. Actually, all throughout their 40-year journey, patuloy na mag-iintercede si Moises para sa kanila dahil sa paulit-ulit na pagrereklamo, pagrerebelde at idolatry nila laban sa Diyos. Paulit-ulit din naman na naaawa ang Diyos sa kanila, nagpapatawad, at nagbibigay ng kanyang pagpapala. “Our sins they are many, his mercy is more!” Kaya sagot ng Diyos kay Moises, “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako’y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita” (v. 17 MBB). Kay Jesus, meron tayong intercessor na higit pa kay Moises. Ngayon, araw-araw, nananalangin siya sa Ama para sa atin. At palaging “yes” ang sagot ng Ama sa kanya, dahil siya ang Anak na lubos niyang kinalulugdan. Ang kumpiyansa natin ay nakay Cristo araw-araw.

‌Hindi pa tapos si Moises sa prayer niya. Meron pang pangatlo. “Please show me your glory” (v. 18). Again, nagpapakita ito ng masidhing pagnanais ni Moises para sa Diyos. Hindi ba’t 40 days na siya sa bundok na naranasan itong glory ng Panginoon? Hindi pa ba sapat yun, Moises? Para kay Moises, that is already past grace. Gusto niyang makita at maranasan ang pagka-Diyos ng Diyos hindi lang for a few days, but everyday, and forevermore. He wants more and more and more of God! Oh, do we pray like this? Napakaliit ng mga hinihiling natin sa Diyos sa panalangin. Ginagawa natin ang buhay natin na tungkol sa atin—how to show our own glory to as many people as possible. Pabida tayo masyado.

But if we pray this way, “Please show me your glory,” tiyak na sasagot ang Diyos. Sabi niya, “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian (mas tumpak sa ASD, Ipapakita ko sa iyo ang lahat ng kabutihan ko) at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan” (v. 19 MBB). Sinasabi pa lang dito ng Diyos kung ano ang gagawin niya in response sa prayer ni Moises. Inihahanda pa lang siya. Sa susunod na chapter natin makikita ang mga susunod na mangyayari. Ipapakita ng Diyos kay Moises ang lahat ng kabutihan ng Diyos, all his goodness, wala naman kasing “bad side” ang Diyos, God is all good, perfectly good, infinitely good, our highest good. At kung ano ang ibig sabihin ng Yahweh, na siya ang self-existent, sovereign creator and redeemer ng Israel. Sovereign siya, at malaya siyang piliin kung sino ang kahahabagan at kaaawaan niya. Kaya nga ginamit ito ni Paul sa Romans 9:15. Ibig sabihin din, kapag nagpasya siya na kaawaan at kahabagan ang Israel na hindi karapat-dapat kaawaan at kahabagan, gagawin niya yun all the way. Yan ang kumpiyansa na kailangan ni Moises at ng Israel.

‌Gustuhin man ni Moises na makita ang kaluwalhatian ng Diyos, hindi niya kakayanin. Kaya hindi itotodo ng Diyos ang pagreveal ng kanyang glory kay Moises. Bahagya muna, pero yung bahagya na yun ay sapat na to give Moses much needed confidence. “…ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko’y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko’y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha” (vv. 20-23 MBB). Anthropomorphism ito, ibig sabihin, isinasalarawan ng Diyos ang sarili niya sa anyo ng isang tao. Wala naman siyang likuran, mukha, o kamay. Pero in a real sense, merong makikita si Moises na magpapahayag na Diyos na invisible ang nakikita niya. Again, pambihirang privilege ito na bigay ng Diyos kay Moises. Pero hindi pa ito ang lubos na pagka-Diyos ng Diyos. Preview lang. Patikim lang. In Christ na siyang “image of the invisible God” (Col 1:15) ay nakita natin ang Diyos, hindi physically, but in a real spiritual sense by faith. That is not something we deserve. Ang deserved natin ay talikuran ng Diyos, layuan ng Diyos, layasan ng Diyos, iwanan ng Diyos, pabayaan ng Diyos. But in Christ, kabaligtaran niyan ang naranasan natin. At nakay Cristo na nagsabing, “I will be with you always to the end of the age” (Mat 28:20), ang kumpiyansa natin.

‌Ang kumpiyansa natin na garantisado ang ipinangakong presensya ng Diyos ay nakasalalay sa kanyang kapangyarihan, kabutihan, kahabagan, at kaluwalhatian—na lubos na naihayag sa pamamagitan ni Cristo.

‌Conclusion: Meron ka pa bang pinakananais at pinahahalagahan sa buhay mo nang higit pa sa presensya ng Diyos?

‌Malaki ang problema natin—kung malayo ang presensya ng Diyos at kung lalapit naman ang presensya ng Diyos ay matutupok tayo. Sino ang tanging solusyon? Si Cristo. Sino ang natatanging paraan para makalapit tayo sa Diyos? Si Cristo. Ano ang garantiya na tutuparin ng Diyos ang pangako niya na sasamahan niya tayo hanggang sa dulo? Si Cristo. Dahil kay Cristo, at sa pamamagitan ni Cristo, matutuklasan natin na walang katumbas ang halaga ng presensya ng Diyos. Hindi tayo mabubuhay kung wala ang Diyos. Walang halaga ang ginagawa natin ngayon kung wala ang Diyos sa atin. Wala tayong pag-asa kung hindi dahil sa Diyos. Kaya ang tanong na mahalagang masagot mo sa sarili mo, at mapag-usapan sa mga discipleship groups ninyo: Meron ka pa bang pinakananais at pinahahalagahan sa buhay mo nang higit pa sa presensya ng Diyos?

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply