Nandito na tayo ngayon sa bahagi ng Exodus na isa sa pinakapopular na portions ng Bibliya. Kilalang-kilala at memorized pa ng iba—hindi lang ng mga Christians pati na rin ng mga non-Christians—ang tinatawag na Ten Commandments o Sampung Utos na nakasulat sa Exodus 20. Tapos na tayo sa mga tingin at feeling natin ay mga exciting parts ng Exodus. Nakalabas na sila sa Egypt. Nandito na sila sa Mount Sinai na tatagal nang halos isang taon bago magpatuloy sa journey nila papunta sa Promised Land. Wala nang mga kakila-kilabot na mga pangyayari, mga awesome displays of God’s power. Maliban na lang sa malapit sa dulo ng Exodus 20, pagkatapos ng Sampung Utos. Saka sa golden calf incident sa chapters 32-34. Simula na ito ng sunud-sunod na mga utos na ibibigay ng Diyos sa Israel. Eto ang dapat ninyong gawin. Eto ang hindi n’yo dapat gawin. Hanggang dulo ‘yan ng Exodus. At buong Leviticus. At first ten chapters ng Numbers. At buong Deuteronomy pa, na sa chapter 5 nito ay merong pag-uulit ng sampung utos. Puro utos, utos, utos! Kaya nga tinatawag din ang first five books ng Bible (Genesis to Deuteronomy) na Torah, Hebrew word for Law.

Ano ang nararamdaman mo kapag puro utos ang mababasa at maririnig mo? Ano ang pakiramdam mo kapag yung Bible reading schedule ay nasa ganitong parts ng Scripture?

Yung iba, feeling nila boring basahin. Hindi babasahin nang dahan-dahan. Bilisan lang. O lalaktawan pa. Yung iba naman ang tingin sa mga utos sa Old Testament ay hindi na relevant o applicable sa panahon natin ngayon. Para sa Israel lang daw ‘yan. Hindi na ‘yan para sa church. Nasa New Covenant na tayo. Wala tayo sa Old Covenant. Totoo naman. Pero hindi ibig sabihin irrelevant. Hindi ibig sabihin walang application sa atin.

Yung iba naman, parang allergic kapag “law” ang pinag-uusapan. Baka daw maging legalistic tayo, o yung pagsunod sa kautusan na para bang yun ang basehan ng pagtanggap sa atin ng Diyos. We are under grace na raw. Siyempre naman. Pero hindi ibig sabihin na wala nang function ang “law” o “kautusan” sa buhay Kristiyano. Mauuwi tayo niyan sa antinomianism o anti-law.

At mas malala yung nagiging prevailing attitude sa society natin, maging sa mga bata ngayon na andun palagi yung suspicion sa authority. Ayaw na inuutusan. Ayaw na sinasabihan kung ano ang gagawin. Ito ay anti-authority, autonomy o self-rule. Natural, sa sinful, unregenerate nature natin, na gusto natin tayo ang highest authority sa buhay natin.

As we take a look at Exodus 20, ang prayer ko ay mabago itong mga karaniwang attitude na meron tayo tungkol sa mga utos ng Diyos, particularly itong Sampung Utos. Mangyayari ito kung hindi lang tayo nakafocus sa bawat isa sa sampung utos (law) kundi maging sa konteksto o sa kuwentong kinapapalooban nito (narrative context). Hindi lang ito tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin, kundi tungkol sa ano ang ginagawa ng Diyos at gagawin ng Diyos na konektado dito.

‌I. God Speaks: Ang Sampung Utos ay Salita ng Diyos (Ex. 20:1)

Actually hindi ito tinawag na Sampung Utos dito sa Exodus 20. Utos naman talaga. Pero mas tumpak na tawagin itong Sampung Salita o Ten Words. Heto ang bungad, “Binigkas ng Diyos ang lahat ng salitang ito, na sinasabi…” (AB). Salita, sa Hebrew dabar. At hindi lang salita, kundi salita ng Diyos. Mahalaga kung kanino galing ang salita. Kung salita ng Hari, bakit hindi mo papakinggan? Kung salita ng Diyos na siyang Maylikha ng lahat, how can God’s words be boring? Hindi ito boring para sa mga Israelita. Tandaan n’yo yung setting ng pagbibigay ng Diyos ng mga utos na ‘to. Ang Diyos nasa ituktok ng Mount Sinai, bumaba para harapin ang mga tao at nang marinig nila ang sasabihin ng Diyos. Higit pa sa isang full high definition visual display at dolby digital audio presentation. “Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok, at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog” (19:18-19 ASD). Pagkatapos ng sampung utos, “Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo at sinabi kay Moises, ‘Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami’” (20:18-19 ASD). Paano magiging boring ang salita ng Diyos kung maririnig talaga natin na ang Diyos ang nagsasalita? Nakakakilabot. Nakakamatay. Pakinggan mo ang salita ng Diyos, “you who tremble at his word” (Isa. 66:5).

Hindi lang takot ang gusto ng Diyos na maging response natin sa mga salita niya, kundi delight, joy, kagalakan. Siyempre kapag “utos,” karaniwan sa atin, “Haaay…utos na naman…ako na naman…” Pero kung marealize natin na ang utos na ito ay salita ng Diyos, ibig sabihin, ito ay revelation o kapahayagan galing sa Diyos. Ipinapahayag niya kung sino siya, ano ang nais niya para sa atin. Regalo ito galing sa Diyos. Paano na lang kung wala ang salita ng Diyos? Saan tayo dadamputin? Wala tayong patutunguhan o kapahamakan ang patutunguhan natin. So ano ang dapat na response natin sa Sampung Utos bilang salita ng Diyos? Salamat, Lord, sa utos na bigay mo. Kailangan namin ‘to. Tulad din ng psalmist, “Oh how I love your law! I delight in your law!” (Psa. 119:97, 70). So, ang Sampung Utos, at iba pang mga utos ng Diyos, ay hindi boring. Dahil ito ay salita ng Diyos, meron dapat serious joy sa pagtanggap natin sa mga utos ng Diyos.

‌II. God Saves: Ang Sampung Utos ay Hindi para sa Kaligtasan kundi para sa Kabanalan (Ex. 20:2)

Mahalaga ang mga utos ng Diyos. Hindi ang utos ng Diyos ang problema. Puso ng taong makasalanan ang problema. “Ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti” (Rom. 7:12). Mabuti, kasi galing sa Diyos. Pero wag nating iisipin na ito ay paraan ng Diyos para maligtas ang mga Israelita. Na para bang sa Old Testament, ang salvation ay through the law, sa pamamagitan ng pagsunod dito. At sa New Testament naman, ang salvation ay through the gospel, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. No. Pareho lang ang paraan ng pagliligtas ng Diyos sa Old Testament. By grace din, hindi sa pamamagitan ng gawa ng mga Israelita (see Eph. 2:8-9).

Ang framework ng pagbibigay ng Diyos ng utos sa kanila ay sa pamamagitan ng isang “covenant.” Sa format na familiar ang mga Israelita, similar sa mga ancient near east treaties, bago ang mga specific na mga listahan ng mga obligations nila ay merong tinatawag na preamble at historical prologue. Sa preamble nakasulat kung sinu-sino ang mga partido na kasali sa tipan—ang hari at ang mga taong nasa ilalim niya. Sa historical prologue naman ay nakasulat kung ano ang ginawa ng hari para sa kanila. Ganyan ang pagkakasulat ng Exodus 20:2, “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin” (MBB). Meron nang relasyon ang Diyos sa mga Israelita. Ang mga utos ay hindi paraan para sila ay magkaroon ng relasyon sa Diyos. Ang mga utos na ito ang magdedefine kung anong klaseng buhay ang dapat nilang ipamuhay to reflect the image of God sa mga bansang hindi kumikilala kay Yahweh. Hindi ito paraan para maligtas sila. Iniligtas na sila ng Diyos mula sa pagkakaalipin. Pero siyempre, ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay kundisyon pa rin para maranasan nila ang mga covenant blessings na ipinangako ng Diyos, at kung hindi naman sila susunod ay yung mga covenant curses ang mararanasan nila.

Kaya wag na wag nating iisipin na ang pagsunod natin sa mga utos ng Diyos ay way for us to gain God’s favor. That is anti-gospel. Yun ang legalism. Iniligtas tayo ng Diyos hindi sa pamamagitan ng pagsunod natin sa mga utos niya. At sino ba naman sa atin ang makakasunod sa lahat ng mga utos niya? Iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng perpektong pagsunod ni Cristo sa mga utos ng Diyos, at sa pag-ako niya sa parusa sa kasalanan natin as our substitute. Yes, hindi paraan ang kautusan para tayo ay maligtas. Pero hindi rin naman ibig sabihin na sobrang negatibo na ang pagtingin natin sa kautusan ng Diyos. Hindi magkaaway ang Gospel at Law. Magkaiba lang ang disenyo ng Diyos sa dalawang ‘yan. Ang gospel ay paraan para tayo ay maligtas. Ang law ay para gabayan tayo sa kabanalan. Mahalaga pareho. Magkaugnay rin. Kaya sabi ni Samuel Bolton: “The law sends us to the gospel that we may be justified; and the gospel sends us to the law again to inquire what is our duty as those who are justified…The law sends us to the gospel for our justification; the gospel sends us to the law to frame our way of life.” Kapag nakita natin ang laki ng pagkukulang natin sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, it will drive us para makita natin kung gaano kalaki ang pangangailangan natin kay Cristo na ating Tagapagligtas. At dahil kay Cristo, sa tulong ng Espiritu, binabago ang puso natin para lumago tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.

‌III. God Commands: Ang Sampung Utos ay Dapat Sundin (Ex. 20:3-17)

Kaya mahalaga na pakinggan natin ang mga utos ng Diyos. Ang Diyos ang nagsasalita. Ang Diyos ang nag-uutos. Hindi ito dapat balewalain. Hindi dapat suwayin. Kundi dapat sundin. Itong Sampung Utos ay mas dinetalye sa 601 pa na mga utos. Pero pwedeng hatiin sa dalawa. Ito yung sinabi ng Panginoong Jesus sa nagtanong sa kanya kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ng Diyos.

Matthew 22:37–39, “You shall love the Lord your God with all your heart and with all your soul and with all your mind. This is the great and first commandment. And a second is like it: You shall love your neighbor as yourself.” Love God, love other people. Ito ang suma ng kalooban ng Diyos para sa atin. The essence of the law is love. Hindi lang ito about external behaviors. Basta nagawa mo, ayos ka na. It is a matter of the heart. Obvious din ‘yan sa unang utos (tungkol sa pinakamataas na pagpapahalaga sa Diyos lamang) at huling utos (tungkol sa makasalanang pagnanasa).

Isa-isahin natin yung sampung utos na ‘to. Nagkaroon na tayo ng sermon series sa Sampung Utos dati, inisa-isa natin ‘yan. Kung gusto n’yo pang mas maintindihan pwede ring tingnan ang Heidelberg Catechism (Questions 92-115), Westminster Shorter Catechism (Questions 41-81), at Westminster Larger Catechism (Questions 98-149). Sa pagtingin natin isa-isa sa mga utos na ‘to, hindi lang natin dapat tanungin kung anu-ano ang nakapaloob sa utos na ‘to, dapat din nating tanungin: Ano ang itinuturo ng utos na ito tungkol sa Diyos? Hindi kasi arbitrary ang mga utos ng Diyos. Ito ay expression at sumasalamin sa karakter ng Diyos, kung sino ang Diyos natin. At saka pa lang natin tanungin kung ano ang gusto niya para sa atin, kung ano ang gusto niyang gawin natin, ano ang ayaw niyang gawin natin.

Habang pinapakinggan mo ang bawat isang ito, isipin mo muna ang sarili mo. Madali kasi sa atin isipin yung iba: Ah yung asawa ko pasaway talaga. Ah yung anak ko matigas ang ulo. Ah yung mga tao sa paligid natin mga imoral talaga. Bagamat ang sampung utos na ito ay naka-address sa buong Israel, pero very personal yung pagkakasabi dito ng Diyos na para bang ikaw lang ang kinakausap. Sa English hindi mo mapapansin kasi yung “you” ay pwedeng singular o plural. Pero sa original Hebrew singular, pati sa Tagalog obvious. Sa verse 2 pa lang: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.” Heto ang ginawa ng Diyos para sa ‘yo. Ano naman ang dapat mong gawin in response sa pagliligtas ng Diyos sa ‘yo? “Huwag kang…Huwag mong…Lagi mong…Igalang mo…Huwag kang…Huwag kang…” Para sa ‘yo ang utos na ‘to. Sama-sama tayo ngayon na paglaanan ng panahon na siyasatin ang sarili nating puso kung talaga nga bang sumusunod tayo sa mga utos ng Diyos…

Yung unang apat ay may kinalaman sa direktang relasyon natin sa ‘yo, kung ano ang dapat nating gawin kung iniibig natin ang Diyos nang buong puso. Deuteronomy 6:4–5, “Hear, O Israel: The Lord our God, the Lord is one. You shall love the Lord your God with all your heart and with all your soul and with all your might.”

Unang utos, “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” (20:3). Wala naman kasing ibang diyos maliban kay Yahweh. Naniniwala ka nga na may Diyos, pero may mga araw na kung mamuhay ka ay parang walang Diyos. O may pinahahalagahan kang iba nang higit sa Diyos. Ang nais ng Diyos ay kilalanin mo kung sino siya, sambahin mo siya, mahalin mo siya, pagtiwalaan mo siya, sundin mo siya. Not as one among many, but exclusively. The essence of the first commandment is your exclusive, whole-hearted devotion to this one true God. Na ipamuhay mo ang buhay mo—as created in his image—para bigyan ng karalangan ang pangalan niya.

Ikalawang utos, “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan” (vv. 4-6). Bakit? Kasi, worship must be done in a way that is consistent with God’s character and according to his will expressed in his Word. Sinabi nga niyang bawal, gagawin mo pa. Hindi nga tayo makagagawa ng any image na tutulad o lalapit man lang sa pagkakatulad kung sino ang Diyos. Hindi mo maitutulad ang isang infinite Creator-God sa anuman o sinuman sa nilikha niya. Pagdating sa Exodus 32, makikita natin kung paano ito agad sinuway ng mga Israelita nang gumawa sila ng imahen para sambahin si Yahweh. How can you possibly represent his infinite holiness, his perfect beauty, his awesome greatness using a golden calf? That is not worship, that is dishonoring to God. Whether you represent God with an image or meron kang idinadagdag na ibang diyos maliban sa kanya, you dishonor him.

‌Ayaw na ayaw ‘yan ng Diyos. Bakit? “For I the LORD your God am a jealous God…” (20:5). Jealous. Akala natin kasi yung pagiging “jealous” katumbas ng negative concept natin ng pagiging seloso. Na para bang insecure siya, na para bang unhealthy yung craving niya for our worship. Pero yung jealousy niya is a good thing. Ito yung desire niya, yung passion niya, yung zeal niya to protect his own glory. Kasali rin sa kanyang jealousy ay yung kanyang zeal to protect the special relationship he has with his people. Alam ng Diyos na ang pagsamba sa mga pekeng diyos o ang pagsamba sa tunay na Diyos sa maling paraan ay ikapapahamak natin.‌

Medyo controversial yung verses 5-6, “Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.” Of course, hindi ibig sabihin na mananagot ang iba para sa kasalanan ng iba. Ang pinakapunto ay ito: far-reaching ang consequences ng pagsuway o pagsunod natin sa mga utos ng Diyos. Hindi lang ikaw ang apektado, pati ang pamilya mo, at marami pang iba.‌

Ikatlong utos, “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan” (v. 7). Bakit? Dahil karapat-dapat ang Diyos sa pinakamataas na paggalang. Dala-dala ng pangalan ng Diyos ang karakter at pagka-Diyos ng Diyos. Kapag binalewala mo o ininsulto mo ang pangalan ng Diyos, Diyos mismo ang kinakalaban mo. Nagbigay si Thomas Watson (1620-1686) ng ilang mga paraan kung paano natin ito nilalabag sa kanyang classic book na The Ten Commandments: Kapag walang paggalang ang paggamit mo sa pangalan ng Diyos; kapag dala-dala mo ang pangalan ng Diyos ngunit taliwas naman dito ang buhay mo; kapag ginagamit mo ang pangalan ng Diyos sa mga walang kabuluhang usapan; kapag sinasamba mo siya sa iyong bibig pero hindi naman galing sa puso mo; kapag nagpe-pray ka sa kanya pero hindi naman nagtitiwala sa kanya; kapag inaabuso mo ang salita ng Diyos; kapag sumusumpa ka sa pangalan ng Diyos pero wala naman sa loob mo na gawin; kapag ginagamit mo ang pangalan ng Diyos sa paggawa ng masama.‌

Ikaapat na utos, “Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito’y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya’t ito’y aking pinagpala at inilaan para sa akin” (vv. 8-11). Medyo mahabang usapan ‘to. Ireserve natin for next week ‘yan.

‌Yung ikalima hanggang ikasampung utos naman ay may kinalaman sa relasyon natin sa ibang tao. Sa paanong paraan magagawa nating mahalin ang kapwa natin tulad ng pagmamahal natin sa sarili natin (Matt 22:37; Lev. 19:18)? Unang-una na yung mga magulang natin…

‌Ikalimang utos, “Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo’y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos” (v. 12). Tinawag pa ito ni Pablo na unang utos na may pangako (Eph. 6:2). Bakit mahalaga? Dahil namamahala ang Diyos sa atin unang-una sa pamamagitan ng mga magulang natin. And then, mga church leaders. And even our government. Sagot ng Heidelberg Catechism (1563) sa tanong na, “Ano ang hinihingi ng Diyos sa ikalimang utos?”: “Na ipamalas ko ang paggalang, pag-ibig at katapatan sa aking ama at ina at sa lahat ng mga may kapangyarihan sa akin, magpasakop nang may nararapat na pagsunod sa kanilang mabuting tuntunin at pagtutuwid, At pati na rin ang pagtitiyaga sa kanilang kahinaan at kakulangan dahil kalooban ng Diyos na tayo’y pangasiwaan sa pamamagitan ng kanilang kamay” (Q104). Hindi lang mga anak natin ang sumusuway sa utos na ito. Tayo rin naman sa mga magulang natin noong bata tayo. At tayo namang mga magulang, nagagabayan ba natin ang mga anak natin para matuto sila na sumunod sa utos na ‘to?‌

Ikaanim na utos, “Huwag kang papatay” (v. 13). Bakit? Dahil ang Diyos ang maybigay ng buhay natin, siyang pinanggagalingan ng buhay natin at nagpapahalaga sa buhay ng tao. Siya ang may karapatan ding bumawi nito. Ayon sa Westminster Larger Catechism (1647), sa sagot sa Question 136 kung ano ang ipinagbabawal sa ikaanim na utos, kasali rito ang pagpatay sa sarili o suicide, pagpatay sa iba tulad ng murder, homicide at abortion, maliban na lang sa “case of public justice, lawful war, or necessary defense; kasali rin ang ayon sa sabi ng Panginoong Jesus sa Matthew 5 na makasalanang galit, hindi pagpapatawad sa ibang tao, pagkainggit, desire na maghiganti o may masamang mangyari sa iba, yung wala ka nang ibang inisip kundi sarili mo, wala ka nang pakialam kung ano mangyari sa iba, kung puro unhealthy ang kinakain o iniinom mo, you are killing yourself. O kung pinapatay mo na ang sarili mo sa sobrang trabaho. Marami pang paraan. Ang nais ng Diyos ay pahalagahan natin ang buhay natin at ang buhay ng ibang tao.‌

Ikapitong utos, “Huwag kang mangangalunya” (v. 14). Tungkol naman sa relasyon ng mag-asawa at kung paano natin gagamitin ang bigay niyang sexuality. Ang gusto ng Diyos ay faithfulness dahil siya ay faithful sa kanyang covenant love para sa atin. Nilalabag mo ang utos na ‘to kapag nakipagrelasyon ka sa hindi mo asawa o sa asawa ng iba. Kapag single ka pero ang ginagawa n’yo namang mag-boyfriend ay para sa lang sa mag-asawa. Kapag nakipagrelasyon ka sa kapwa lalaki o kapwa babae. Kapag nanood ka ng porn o nag-isip nang mahalay o ginagawang biro ang mga kabastusan. Kapag tumingin ka nang mahalay sa babae o kung nagsuot ka ng damit na nagpapakita ng mga hindi dapat ipakita sa iba. Nais ng Diyos ang tapat na pagmamahal sa asawa mo, na hindi pahalagahan ang ibang tao, o ang trabaho, o ang pera, o ang sarili nang higit sa kanya.‌

Ikawalong utos, “Huwag kang magnanakaw” (v. 15). God owns everything at siyang nagkakaloob ng lahat ng bagay na kailangan natin. Paano mo idedefine ang pagnanakaw o stealing? Kapag pinagsasamantalahan mo ang ibang tao at ang mga resources o pag-aari na meron sila para sa sarili mong kapakinabangan. Kapag ang ginawa mo ay nagbebenefit sa ‘yo pero nakasasama naman sa iba o nakahahadlang para maibigay mo ang dapat ay para sa kanila. Kung empleyado ka, kulang ang oras na ibinibigay mo sa trabaho. Kung employer ka, kulang ang pasweldo at benefits mo sa mga empleyado mo. Kung may business ka o nagtitinda ng produkto, kung kulang sa timbang o kung dinadaya mo ang income report mo para mabasawan ang ibabayad na buwis sa gobyerno. Kung may utang ka, pero hindi mo ginagawan ng paraan para mabayaran. Kung nagdadownload ka ng pirated videos o applications. Kung sa asawa mo naman o sa pamilya, kung sobra-sobra ang oras mo sa trabaho, ninanakaw mo ang oras at atensyon na dapat ay para sa pamilya mo. O sa pisikal na kalusugan, kung kulang ka sa tulog, kulang sa sustansya ang kinakain mo, kulang sa ehersisyo, ninanakawan mo ang sarili mong katawan ng nararapat para mapangalagaan. Sa ministry sa church, kung wala kang time, wala kang participation, kung wala kang ginagawa para sa iba, ninanakaw mo ang dapat na ibigay mo para sa ikalalago ng iglesya.

‌Ikasiyam na utos, “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa” (v. 16). Dahil ang Diyos ay Diyos ng katotohanan at hindi kailanman nagsisinungaling. Kapag sinabi niya, yun ang totoo. Kapag sinabi niyang gagawin niya, totoo ngang gagawin niya. Hindi siya tulad ng tao (Num. 23:19). Hindi lang ito tungkol sa pagiging saksi sa korte o yung kasalanang tinatawag na perjury. Kasali rin dito yung binabaluktot mo ang sinabi ng iba. Backbiting o yung kapag kaharap mo maganda ang sinasabi mo, kapag sa iba masama na ang sinasabi mo. Kapag nagsasalita ka ng masama o negatibo sa ibang tao, kahit na totoo, pero ang intensyon mo ay para sa ikasisira ng pangalan niya. Parang murder din ‘yan, baka nga mas malala pa, kasi mina-murder mo ang reputasyon ng ibang tao. Kapag pinagtsitsismisan n’yo ang ibang tao. Hindi ka nga nagtsismis, pero nakikinig ka naman, sa halip na pigilan siya’t sabihing, “Hoy, tsismis na ‘yan ha. Tigilan mo na. Siya kausapin mo, wag ako,” gagatungan mo pa, “Oo nga, ganyan talaga ‘yan.” Hindi ka nga nagsabi ng kasinungalingan, pero baka di ka naman nagsasalita to promote justice, to do what is good for others. Because of pride, ayaw mong aminin kung ano ang totoo sa ‘yo, lalo na yung mga struggles mo sa kasalanan. Pagdating sa church, tingin ng iba para kang santo o santa at may halo sa ulo. Pero sa bahay, kung magsalita ka’t umasta para kang may sungay. That’s hypocrisy. Di n’yo nga pinagtsismisan ang iba, pero wala ka rin namang ginawa para maiangat ang reputasyon at kapakanan ng iba. Di mo nga ginamit sa kasamaan ang dila mo, pero di mo rin ginamit sa ikabubuti ng iba.

‌Ikasampung utos, “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya” (v. 17). It is really a matter of the heart. Ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng kailangan natin. Okay naman mag-desire ng mga bagay na wala pa tayo. Okay namang ipagpray yun. Pero kapag naiinggit ka sa iba kasi feeling mo deserving ka rin o mas deserving ka kung ano ang meron sila, covetousness yun. Sabi ni Paul, idolatry rin yun o violation ng first commandment (Col. 3:5). Kapag nagsasabi ka ng “sana all,” i-check mo ang puso mo baka covetousness na rin yun. Sa halip na magpasalamat ka sa Diyos sa lahat ng ibinibigay niya sa ‘yo, makuntento, at magtiwala sa kanya sa mga bagay na pinili niyang hindi ibigay sa ‘yo.

‌IV. Response: “Upang Hindi Kayo Magkasala” (Ex. 20:18-21)

Okay ka pa? Kung okay ka pa, baka hindi ka nakikinig na mabuti sa sampung utos. Nasunod mo ba ang lahat ng utos ng Diyos? Siyempre hindi. Meron ka bang nasunod man lang kahit sa isa diyan? Wala. Sumasamba ka sa diyos-diyosan. Gumagawa ka ng ibang diyos para sambahin. Nilapastangan mo ang pangalan niya. Hindi mo ibinibigay ang oras para sa pagsamba sa kanya. Hindi mo iginalang ang magulang mo. Mamamatay tao ka. Mangangalunya ka. Magnanakaw ka. Sinungaling ka. Pinagnanasahan mong maangkin ang hindi para sa ‘yo. You are a lawbreaker. Araw-araw mong sinusuway ang utos ng Diyos—sa isip, sa salita at sa gawa. Maiintindihan mo na siguro kung bakit natakot ang mga tao nang magsalita ang Diyos (Ex. 20:18). Feeling nila mamamatay sila. Totoo naman, kapag nakumpronta tayo ng kabanalan ng Diyos, na siyang nasasalamin sa mga utos niya, nakikita natin kung gaano kalala ang problema natin sa kasalanan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 6:23). You deserve to die. We all deserve to die.‌

Pero sabi ni Moises sa kanila, “Huwag kayong matakot, sinusubok kayo, para magkaroon kayo ng takot sa kanya, para hindi kayo magkasala” (v. 20). Kung hindi natin kinikilala ang Diyos at ang kabanalan niya, talagang magkakasala tayo. Pero ang nais ng Diyos ay masolusyunan ang problema natin sa kasalanan. Hindi natin kaya sa sarili natin. Kailangan natin ng Tagapamagitan—tulad ni Moises na siya lang nakakalapit sa Diyos (v. 21). Pero higit pa kay Moises, dahil makasalanan din si Moises. Si Jesus ang Tagapamagitan natin. Siya ang sumunod sa lahat ng utos ng Diyos. Pinahalagahan niya ang Diyos at ang pangalan ng Diyos nang higit sa lahat. He is Lord of the Sabbath. Iginalang niya ang mga magulang niya dito sa lupa. Hindi siya pumatay. Hindi siya nagnakaw. He is perfectly pure and faithful. Tapat ang lahat ng salita niya. Nasunod niya ang lahat ng kalooban ng Diyos. Pero sa krus, itinuturing siyang lawbreaker upang tayong lahat na sasampalataya sa kanya ay maituring na lawkeeper. Sumuway tayo sa lahat ng utos ng Diyos. Pero dahil kay Cristo, tinitingnan tayo ng Diyos na parang sumunod sa lahat ng mga utos niya. We have Christ’s perfect righteousness.‌

Bakit kailangan nating marinig ang sampung utos ng Diyos? Hindi lang ngayon, kundi maalala araw-araw. Bakit? Para kapag nakikita natin ang lalim at laki at dami ng mga kasalanan natin, palagi tayong lumapit kay Cristo para tayo’y mapatawad at mapanghawakan ang kanyang katuwiran. Para lagi rin tayong magsumikap, sa tulong ng kanyang biyaya at ng kanyang Banal na Espiritu na nasa atin na maging tulad ni Cristo, to reflect the image of God as we obey him, para maipakilala ang banal na Diyos na sinasamba natin sa ibang mga tao, hanggang dumating ang araw, sa araw na masilayan na natin si Cristo, na tayo ay lubusang maging katulad ni Cristo (1 John 3:2).

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply