Introduction: Paano tayo haharap sa Diyos? (19:1-3)

‌Ang isang Kristiyano ay isang anak ng Diyos. Meron tayong relasyon sa Diyos. Nagsasalita ang Diyos, Nakikinig tayo. Nag-uutos ang Diyos, Sumusunod tayo. Nilikha at iniligtas tayo ng Diyos, Sumasamba tayo. Meron tayong ugnayan sa Diyos. Pero naiintindihan ba talaga natin kung anong klaseng relasyon meron tayo sa Diyos? Take for example itong ginagawa natin every Sunday morning. Hindi lang ito pagtitipon ng mga tao. It is more than just a gathering. Ito ay pagsamba sa Diyos, pagharap sa Diyos, an encounter with God. Nakikinig tayo ng salita niya, inaawitan natin siya, nananalangin tayo sa kanya. Naiintindihan ba talaga natin ang ginagawa natin every Sunday morning kapag nagtitipon tayo at sama-samang haharap sa Diyos?‌

Mula sa chapter 20 hanggang sa chapter 23 ng Exodus ay magsasalita ang Diyos sa Israel. Nasa paanan sila ng Mt. Sinai. Ibibigay ang sampung utos at iba pang mga utos na tungkol dito. Kilala natin ang section na ‘to bilang “giving of the law” na tatagal nang kulang-kulang sa isang taon, hanggang sa dulo ng Exodus, buong Leviticus, at unang bahagi ng Numbers (Num. 10:10). But we should not missed the important context of this giving of the law. Nasa Exodus 19 yung significant event na yun. Ganito ang simula: “Ang mga Israelita’y nakarating sa ilang ng Sinai noong unang araw ng ikatlong buwan buhat nang umalis sila sa Egipto. Mula sa Refidim, nagpatuloy sila sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok” (19:1-2 MBB). Ito yung unang pagkakataon na haharap ang Israel as a whole nation sa Diyos, na para bang ang Mount Sinai ay magsisilbing trono na kinaluluklukan ng Diyos bilang Hari ng Israel. Hindi lang si Moses ang haharap sa Diyos. Oo nga’t “si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos” (v. 3a), na simulang nangyari sa kanyang encounter kay Yahweh sa burning bush (Exod. 3), nais din ng Diyos na humarap sa buong bayan ng Israel o ang Israel ay humarap sa kanya. Yes, meron pa ring ipapasabi ang Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Moises, tulad ng ginagawa niya sa simula’t simula pa: “Sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita’” (19:3b). Pero magsasalita rin ang Diyos kay Moises sa paraang maririnig ng lahat ang boses niya, “Magsasalita ako sa iyo…upang marinig ng mga tao” (v. 9). Magpapakita rin siya sa mga tao, “Akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao” (v. 11).‌

Tinawag ni Moises ang araw na ito na “day of assembly” (sa Deut. 9:10; 10:4; 18:16). Yung “assembly” na yun ay galing sa salitang Hebrew na qahal na ang katumbas sa Greek ay ekklesia kung saan galing ang salitang iglesia o church na ang ibig sabihin ay pagtitipon, ofcourse higit pa sa pagtitipon, pero yung basic meaning ay pagtitipon, assemblea. Ang buong kongregasyon ng Israel ay nagtitipon para humarap sa Diyos, para pakinggan ang sasabihin ng Diyos. May significance ito sa tuwing nagtitipon tayo tuwing Linggo. Kaya nga tinatawag natin itong “Lord’s Day” para ipaalala na espesyal ang araw na ito hindi lang para magtipon ang church kundi para humarap sa Diyos sa pagsamba. Nauna yung encounter ng Israel sa Diyos sa Exodus 19 bago yung pagbibigay ng mga utos simula sa Exodus 20 para ipaalala sa kanila at sa atin din na bagamat mahalaga yung tanong na “Ano ba ang mga utos ng Diyos na dapat nating sundin?”, mas mahalaga na masagot natin yung tanong na “Sino ba ang Diyos na nagbigay ng mga utos na ‘yan, at anong klaseng relasyon sa kanya ang nais niya para sa atin?”

‌Mahalagang masagot ang mga tanong na ‘yan. Bakit? Obserbahan ninyo ang mga nangyayaring trends sa maraming mga churches ngayon. Nagiging casual ang approach sa worship. Yung klase ng mga tugtugan, mga elements sa service, nagiging parang entertainment ang dating. Basta maka-attract ng maraming tao. Ang overriding concern ay kung ano ba ang gusto ng mga tao para bumalik sila sa church, hindi na kung ano ang gusto ng Diyos sa pagsamba sa kanya. Nagkakaroon din tayo ng para bang overfamiliarity sa relasyon sa Diyos. Ibinababa natin ang Diyos sa level ng mga relasyon na meron din tayo sa mga tao, as if naman ang Diyos ay ka-level nating mga tao. Dahil paulit-ulit natin ‘tong ginagawa every week, pwedeng nagiging habitual na lang, or we may be doing this for wrong reasons. Or madali na para sa iba na basta-basta na lang ang pagsamba, at kung hindi “feel” mag-worship, ang dali-daling wag na lang bumangon nang maaga o kaya ay pumunta na lang sa ibang lugar na mas exciting at mas mae-enjoy. Lumiliit ang pagkilala natin sa Diyos na sinasabi nating karapat-dapat sambahin. Ang mas kailangan natin ay hindi ang listahan ng mga utos ng Diyos (bagamat mahalaga yun!) kundi isang panibagong encounter with the Holy God.‌

So, as we continue dito sa Exodus 19, watch out sa mga key words na paulit-ulit na babanggitin. Especially yung “holy” (v. 6) at “consecrate” (vv. 10, 11, 22, 23) na galing sa parehong root word na qadash na ang basic meaning ay “set apart, sacred, separate from ordinary use, human infirmity, impurity and sin” (BDB). Kung kaugnayan sa Diyos ang pag-uusapan, ibig sabihin nito ay “belonging to God; making acceptable to be close to God” (Stuart, Exodus, 425). Ang pagsamba at pagharap natin sa Diyos ay hindi dapat katulad ng ginagawa ng mga non-Christians. Meron ding paghahanda na kailangan sa pagharap natin sa Diyos. And who will set the terms of this relationship? Tayo ba ang magsasabi kung sa paanong paraan tayo sasamba at lalapit sa Diyos? No! Oo, meron tayong relasyon sa Diyos, pero itong covenant na ito ng Diyos sa Israel ay napansing nakapattern sa karaniwang ancient near east treaties nung panahon nila na kasunduan o tipan sa pagitan ng hari at ng nasasakupan nito (suzerain-vassal). Hindi ito relasyon sa pagitan ng magkapantay na partido. The King sets the terms of this relationship. Ang Diyos ang magsasabi sa atin kung paano tayo dapat humarap sa kanya. Ano ang sinasabi ng Diyos? Utos ng Diyos kay Moises, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita…Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita” (19:3b, 6b). Hindi kailangan ang suggestions nila. Hindi kailangang mag-survey. Salita ng Diyos ang pinakamataas na awtoridad kung pagharap sa kanya ang pag-uusapan.

‌I. Covenant: Nais ng Diyos na Ilapit Tayo sa Kanya (19:4-8)‌

Ano ba ang nais ng Diyos bakit siya nakipag-covenant sa Israel? Makikita natin sa verses 4 to 6 ang summary niyan, na spelled out naman in more details mula Exodus 20 hanggang Leviticus 27.

‌​Exodus 19:4–6ESV ‘You yourselves have seen what I did to the Egyptians, and how I bore you on eagles’ wings and brought you to myself. Now therefore, if you will indeed obey my voice and keep my covenant, you shall be my treasured possession among all peoples, for all the earth is mine; and you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation.’ These are the words that you shall speak to the people of Israel.”‌

Siyempre, nais ng Diyos na sumunod sa kanya ang mga Israelita. “Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan…” (v. 5 ASD). Yan ang kundisyon para mangyari o maranasan nila yung mga covenant blessings sa kasunod niyang binanggit. Pero ‘wag na wag’ nating iisipin na ang obedience at faithfulness nila ang paraan para sila ay maligtas at magkaroon ng relasyon sa Diyos. This is to turn the law as a means to achieve salvation by themselves. Na karaniwan din nating nagiging pagkakamali bilang mga Kristiyano. Susunod tayo sa mga utos ng Diyos hindi sa pag-aakalang sa ganitong paraan ay makakalapit tayo sa Diyos. Susunod tayo dahil iniligtas na tayo ng Diyos at inilapit sa kanya. Kaya nga ang bungad din bago ang giving ng ten commandments sa Exodus 20 ay ito: “I am the Lord your God, who brought you out of the land of Egypt, out of the house of slavery” (20:2).

‌Kaya mahalaga na marinig muna ng mga Israelita yung naunang verse bago yung Exodus 19:5, “Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak” (v. 4 ASD). Hindi ito yung unang beses na magpapakilala ang Diyos sa kanila. Saksi sila sa mga ginawa ng Diyos na signs and wonders sa Egypt. Yung sampung salot. Yung pagliligtas sa mga panganay nila mula sa ikasampung salot. Yung pagtawid nila sa dagat. Yung pagpatay ng Diyos sa mga Egyptians na lulusob sa kanila. Ang Diyos ang may gawa ng lahat ng iyan. Kaya nga inihalintulad sa isang agila na dala-dala sa mga pakpak niya ang mga inakay niya. Na tulad ng mga Israel na helpless na kailangang iligtas, gabayan, at alagaan ng Diyos sa bawat araw (ganun din sa Deut. 32:11). Katuparan ng pangako ng Diyos sa Exodus 3:12 ang nangyayari dito Exodus 19. Unang encounter ni Moises sa Diyos ay dito rin sa Mt. Horeb/Sinai. Sabi ng Diyos sa kanya,

“Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan” (Exod. 3:12 MBB).

‌What’s the point ng lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila? What’s the point of their redemption? What’s the point of this covenant? Para sambahin ang Diyos. Para ilapit sila sa Diyos: “how I brought you to myself.” Ito rin ang nais ng Diyos sa pagliligtas sa atin. Hindi lang para mapatawad ang mga kasalanan natin. Hindi lang para makatakas tayo sa impiyerno. Hindi para mawala na ang mga problema natin sa buhay. Bakit nga ba namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan?

“That he might bring us to God” (1 Pet. 3:18).

God is the ultimate goal of our salvation. God is the great good news of the gospel. Ito ang nais ng Diyos: Nais ng Diyos na ilapit tayo sa kanya.

‌Malinaw rin itong nakasaad sa mga resultang mangyayari o covenant blessings na mararanasan nila kung susunod sila sa Diyos. Merong tatlong binanggit. Yung una, “you shall be my treasured possession among all peoples, for all the earth is mine” (v. 5). Totoo naman ngang pag-aari ng Diyos ang lahat. Pero yung covenant ng Diyos sa Israel ang paraan para ituring ng Diyos ang Israel na bukod-tanging kayamanan o treasure. Para bang ikaw ang may-ari ng bahay, pero merong kang mga pag-aari na pinahahalagahan mo nang higit sa lahat. Mararanasan nila ang “covenant love” ng Diyos sa kanila sa paraang hindi nararanasan ng ibang lahi. Espesyal, hindi dahil sa sarili nilang katangian kundi dahil sa malayang pagpili ng Diyos (see Deut. 7:6-8). Ibig sabihin ba nun ay walang paki-alam ang Diyos sa ibang lahi? Yung covenant na ito ay nakadugtong din sa covenant ng Diyos kay Abraham, na ang nais niya ay makarating din ang “blessing” ng Diyos sa “all the families of the earth” sa pamamagitan ng lahi ni Abraham, ang Israel (Gen. 12:2-3). Kaya nga ito yung ikalawa at ikatlong resulta ng pagsunod nila sa covenant: “and you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation” (Ex. 19:6). Merong missional purpose ang covenant sa Israel. Para makita ng lahat na sila ay pinamamahalaan ng Diyos, “a kingdom.” Wala pang mga priests during this time, pero buong bansa ay magsisilbing isang “priesthood” na instrumento ng Diyos to bring his blessing to the nations. At mangyayari ito kung hindi sila tutulad sa ibang bansa, kung sila ay magiging “holy nation” nakabukod sila, ibig sabihin mamumuhay sila sa paraan na hindi katulad ng ibang mga bansa, hindi para hindi ibilang ang ibang bansa, kundi sa pamamagitan noon ay makita ng mga tao na yung Diyos na banal ang sinasamba ng Israel, at yun din yung sasambahin nila, yun din yung kikilalanin nila, “kingdom of priest”, “holy nation”.

‌Ito ang nais ng Diyos, hindi lang para sa Israel kundi kasama rin tayo na mailapit sa Diyos. Bumaba si Moises sa bundok at sinabi ito sa mga elders ng Israel (v. 7), na siyang mga nagsabi naman sa lahat ng mga Israelita. In response sabi ng mga tao, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh” (v. 8 MBB). Tama lang na ganito ang response nila (Deut. 5:28-29). Pero ang tanong, nagawa ba nila? O, magagawa ba nila? Saksi ang kasaysayan ng Israel sa pagsuway at unfaithfulness sa covenant ang nangingibabaw na responses nila. Yun naman ang dahilan kung bakit kailangan ng new covenant, at kung bakit naparito ang Panginoong Jesus. Ginawa niya ang hindi nila nagawa at hindi natin magagawa. At dahil kay Cristo, tayo rin ay inilapit sa Diyos. Tinupad ni Cristo ang kundisyon ng covenant, kaya nga yung statement sa 1 Peter 2:9 ay ganito, “But you are a chosen race, a royal priesthood, a holy nation, a people for his own possession.”Not because we are more obedient and more faithful than Israel. We know we are not. But because Someone has fulfilled the terms of the covenant. Dahil kay Cristo, makakalapit na tayo sa Diyos.

‌II. Consecration: Nais ng Diyos na Ihanda Tayo sa Pagharap sa Kanya (19:9-15)‌

Hindi tayo ang unang lumapit sa Diyos. Ang Diyos ang bumaba para tayo’y makalapit sa kanya. Makikita rin natin ito sa nangyaring sumunod. Sinabi ng Diyos kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila’y maniwala sa iyo habang panahon” (v. 9 MBB). Yung sasabihin ng Diyos kay Moises ay hindi na lang private conversation, public na, amplified para marinig ng lahat. Isang dahilan dito ay dahil sa palagian nilang pagsalungat sa leadership ni Moises, para rin ma-authenticate yung sinasabi ni Moises na hindi lang ito opinyon o idea ng isang tao, kundi salita mismo ng Diyos. At ganyan din ang ginagawa ng Diyos kapag kumikilos ang Holy Spirit sa isip at puso natin para tanggapin natin ang mga salitang naririnig natin sa faithful preaching of God’s Word na hindi lang salita ng tao kundi salita mismo ng Diyos (1 Thess. 2:13).

‌So, maririnig nila ang boses ng Diyos. Magpapakita rin sa kanila ang Diyos. Sabi niya, “Akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao” (v. 11). Ang Diyos ay espiritu. Wala siyang mga physical parts na katulad ng mga tao. Kaya invisible, hindi makikita maliban na lang kung magpapakita siya sa anyo na tulad ng kanyang nilikha. Theophany ang tawag dito. Pero kapag nakita natin ang Diyos with our bare eyes, delikado. May warning sa pagtawid sa highway, “Nakamamatay” o “May namatay na dito.” Pero makakatawid ka pa rin na hindi namamatay. Pero ibang usapan kung makikita mo ang Diyos. Kaya may warning ang Diyos sa verse 21, “marami ang mamamatay.” Sabi niya kay Moises, “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon” (33:20). Hindi tayo pwedeng basta-basta lumapit sa Diyos. Hindi pwedeng basta-basta magpakita sa atin ang Diyos, without being us consumed. Kapag pupunta ka sa Malacanang, hindi ka basta-basta makakapasok sa opisina ng presidente. Haharangin ka agad ng presidential security. Maliban na lang kung may appointment ka o ipinatawag ka. Paano pa kung Diyos ang lalapitan mo? You cannot cross the line, there are boundaries or you will die. Kaya sabi ng Diyos kay Moises:

Lagyan mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok. (vv. 12-13)

Maliban na lang kung ipapatawag sila ng Diyos. At sa paglapit nila sa Diyos, kailangang nakahanda, hindi rin basta-basta. Kaya ganito ang pinapasabi ng Diyos na dapat nilang gawing preparation sa loob ng dalawang araw bago ang pagbaba at pagpapakita ng Diyos sa kanila sa ikatlong araw. Kung paanong sinabihan ng Diyos si Moises na hubarin ang kanyang sandalyas for he is standing on holy ground nung nakita niya ang Diyos sa burning bush, ganito naman ang sa Israel, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili (“consecrate themselves”) mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao” (vv. 10-11). Walang sinabi rito kung bakit kailangang labhan ang damit nila. Sa atin naman walang problema ‘yan. Lagi namang malinis ang damit natin. Lagi naman tayong naliligo. Pero marahil ang point dito ay hindi lang naman yung physical na kalinisan, kundi yung physical na kalinisan bilang salamin o reflection nang higit na mahalaga, yung kalinisan ng puso ng taong haharap sa Diyos. Ang Diyos ay banal, walang karumihan sa Diyos, walang kasalanan sa Diyos, walang kapintasan sa Diyos. paano tayo haharap sa Kanya, tayong marumi at makasalanan. Kailangan tayong linisin sa ating mga karumihan. “Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kanyang dakong banal? Siyang may malilinis na kamay at may pusong dalisay” (Psa. 24:3-4AB).‌

Anuman ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na labhan nila ang kanilang damit, ang pinakapunto ay matutunan nila na sundin kung ano ang ipinapagawa ng Diyos para ihanda ang kanilang sarili sa pagharap sa Diyos. Na siya namang ginawa nila. “Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba (“consecrated the people”); at nilinis nila ang kanilang mga damit. Sinabi sa kanila ni Moises, ‘Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping’” (vv. 14-15 MBB). Kapansin-pansin ang sinabi sa kanila ni Moises, bukod sa paglilinis ng damit, pinapaiwas muna ang mga mag-asawa sa sexual contact. Bakit? Wala namang sinabi ang Diyos kay Moises na ganun. Baka meron, we don’t know. Pero significant marahil na malaman natin na kasama sa paghahanda sa pagharap sa Diyos ay maging ang pagtanggi sa mga legitimate good things or pleasures para ibigay sa Diyos ang “special, focused, self-denying attention” (Stuart, 426). Maging si Pablo ay sinabi sa mga mag-asawa na it is a good thing na umiwas sa sexual contact para ilaan ang kanilang sarili sa prayer (see 1 Cor. 7:5).‌

Hindi basta-basta ang pagharap sa Diyos. Kailangang paghandaang mabuti. Sa atin madali ngayon ang maglaba sa washing machine o magpalaba sa laundry shop. Pero sa mga Israelita na nasa disyerto, na ilang araw na marumi ang mga damit nila dahil sa alikabok, at kakaunti ang tubig na pwedeng gamitin sa paglalaba, it takes a lot of work and effort on their part to do that. Pwede bang wag na lang gawin? Hindi pwede. Mahirap din para sa atin ang i-deny sa sarili natin yung mga legitimate pleasures para maging buong-buo ang atensyon sa pagsamba sa Diyos. Nais ng Diyos na maging handa tayo sa paglapit sa kanya. We can be so casual sa pagsamba natin sa Diyos. Yes, pwede nating sabihing we have friendship with God, close tayo kay Lord. Pero wag natin siyang ituturing na para bang isang tao tulad ng kaibigan mo. He is God, King of kings, Lord of lords, Creator of the whole universe. Pinaghahandaan mo ba ang pagsamba sa kanya sa bawat linggo na nagtitipon tayo as a church? Binabasa ba natin ang salita ng Diyos araw-araw bilang paghahanda sa pakikinig sa kanya sa preaching of the Word? Nananalangin ba tayo araw-araw, in private and with our families, in preparation sa sama-sama nating pakikipagtagpo sa Diyos tuwing Linggo? Do we repent of our sins everyday, so we can also be honest in our time of confession every Sunday? Pinaghahandaan ba natin pati ang oras ng pagtulog kapag Sabado at oras ng paggising kapag Linggo? Do we prepare to meet our God every Sunday?

‌Maraming mga Kristiyano ngayon ay nagiging basta-basta ang pagsamba sa Diyos dahil hindi nila lubos na nare-realize kung ano ang ibig sabihin ng pagharap sa Diyos.

‌III. Theophany: Nakapangingilabot ang Pagharap sa Diyos (19:16-20)

‌Subukan mo ngayong ilagay ang sarili mo sa katayuan nang mga Israelita nang maranasan nila marinig at makita ang Diyos sa kanyang pagbaba para harapin sila. Ang mga nakabalot na pangyayari rito—may kulog, may kidlat, may malakas na tunog ng trumpeta, may makapal na usok, may pagyanig ng bundok—ay isang malinaw na indikasyon na ito ay isang theophany o pagpapakita ng Diyos sa mga tao. Ito yung “burning bush” experience ng Israel.

Kinaumagahan ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises. (vv. 16-20)

‌Nung nakita ni Moises ang burning bush, nagtago siya kasi natakot siyang tumingin sa Diyos (Ex. 3:6). Nung nagpakita ang Diyos sa Mt. Sinai, nanginginig ang lahat ng mga tao—mga lalaki, mga babae, mga matatanda, mga bata, lahat. Pati ang bundok nanginginig din. Ang kalangitan dumadagundong. This is God showing up. Bago nila tanggapin ang mga utos ng Diyos, heto muna ang kailangan nilang makita at maranasan—ang kakila-kilabot na presensiya ng Diyos na banal, makapangyarihan, at kamangha-mangha sa kanyang kadakilaan. Nakapangingilabot ang pagharap sa Diyos. Naalala mo ba kung kailan ka huling kinilabutan na tulad nito? Siguro nung bagyong Ulysses, sa lakas ng hangin, sa rumaragasang baha, sa dumadagundong na kulog. We have a lot of concerns sa corporate worship natin. Pinag-usapan namin ‘to ng mga leaders last Monday during our annual planning. Okay ba yung worship bulletin? Bakit wala muna projector screen? Kapag ba mag ooffering tayo, Lalapit ba sa harap o kokolektahin ng mga ushers? Paano mas magiging maayos yung flow ng worship at ng mga may part sa worship? Paano yung mga nadi-distract sa mga batang malikot? We have lot’s oof concern, It’s okay to talk about these things. Pero hindi yun ang pinakamahalagang tanong. Meron pa bang holy trembling sa pagsamba natin sa Diyos? Meron bang panginginig sa tuwing nakikinig tayo sa salita ng Diyos (Isa. 66:2,5)? Tinuturuan ba natin ang mga anak natin na naririto tayong lahat para sambahin ang Diyos? Do we remind them na hindi ito playground, hindi ito picnic ground? Do we remind ourselves na wala tayo sa Starbucks, hindi ito isang sinehan para ma-entertain tayo? Na ang lugar na ito ay lugar kung saan tayo ay sama-sama na sumasamba sa Diyos…sa Diyos…and he must not be treated lightly o basta-basta lang. Do we feel the weight of God’s presence in our gathering? Yan ang pinakamahalagang tanong.

‌IV. Danger: Kamatayan ang Kahahantungan ng Paglapit sa Diyos (19:21-23)

‌Nakapangingilabot ang presensya ng Diyos dahil delikado ang presensya ng Diyos. Hindi lang ito show of force. It is deadly. Devastating. Tulad ng sinabi ko na kanina, Kamatayan ang kahahantungan ng paglapit sa Diyos. Kaya nagbigay na naman ng warning ang Diyos. Sabi niya kay Moises, “Bumabâ ka at sabihin mo sa mga tao na huwag lalampas ng hangganan upang makita ako sapagkat marami ang mamamatay” (v. 21). Hindi ‘yan empty threat na panakot lang. Nung merong mga lalaki sa Beth-shemesh na tumingin sa ark of the covenant na symbolic of the glorious throne and presence of God, pinatay ng Diyos ang pitumpung lalaki (1 Sam. 6:19). Maging ang mga leaders nila ay hindi exempted. “Pati ang mga paring lalapit sa akin ay kailangang maglinis ng kanilang sarili (“consecrate themselves”); kung hindi’y paparusahan ko sila” (v. 22). Wala pa namang established na priesthood noon. Baka ito yung mga firstborn sa bawat family. Pero sinuman yun, the point is clear. Ang titingin at lalapit sa Diyos ay mamamatay.

‌Malinaw naman ‘yan kay Moises kaya parang pinaalala niya sa Diyos, “Hindi po aakyat dito ang mga tao sapagkat pinalagyan na ninyo ng hangganan ang paligid ng bundok at itinuturing naming banal (“consecrate”) ang nakapaloob doon” (v. 23). May boundaries, kung hanggang saan ang sinabi ng Diyos, ang pagsamba sa Diyos. And it is good. Dahil kung lalagpas tayo dun, ikamamatay natin. Ganyan ang nangyari kay Nadab at Abihu, na naghandog ng “unauthorized fire” sa Diyos, na hindi naman ayon sa iniutos niya (Lev. 10:1-2). Tinupok sila ng apoy ng Diyos. Kamatayan ang kahahantungan ng pagsamba sa Diyos sa paraang hindi ayon sa salita niya. Kaya nga ang pamantayan natin sa sama-samang pagsamba ay ayon sa tinatawag na regulative principle. Ibig sabihin, titiyakin natin (sa abot ng makakaya ng karunungan natin) na anumang gagawin natin sa sama-samang pagsamba ay “regulated” o ayon sa sinasabi ng salita ng Diyos—direkta man o implied. We don’t worship God on our own terms. We worship God ayon sa kung ano ang sinabi niya. Kung lalagpas ka sa boundary na itinakda ng Diyos mamamatay ka.

‌Conclusion: Dapat ba tayong matakot o hindi? (19:24-25; 20:18-21)

‌Nakakatakot naman pala ang sumamba sa Diyos? Oo. Ito ang setting habang binibigay ng Diyos ang Sampung Utos. “Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, ‘Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay’” (20:18-19). Dapat ba silang matakot o hindi? Sabi ni Moises sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala” (v. 20). Huwag daw matakot pero ang gusto ng Diyos ay magkaroon sila ng takot sa kanya. Ano ba talaga? Matakot o huwag matakot? Nanatiling malayo ang mga tao sa Diyos. Si Moises lang ang lumapit sa Diyos (v. 21). Ang nais ng Diyos ay magkaroon tayo ng takot sa kanya, pero hindi yung takot na magdudulot para lumayo tayo sa kanya. Yung takot na magtutulak sa atin palapit sa kanya. Oo, nakamamatay ang paglapit sa Diyos. Kaya nga mahalaga ang role ni Moises bilang “tagapamagitan.”

‌Balik tayo sa dulo ng Exodus 19. Sabi ng Diyos kay Moises, “Bumabâ ka at isama mo rito si Aaron. Ang mga pari at ang mga tao ay huwag mong palalampasin sa hangganan. Sinumang lumampas ay paparusahan ko” (19:24). Ganun nga ang ginawa ni Moises (v. 25). Napansin n’yo ba ang hirap ng ginagawa dito ni Moises? Eighty years old na siya. Pero kailangang gawin. Aakyat siya sa bundok para makipagtagpo sa Diyos (v. 3). Bababa siya para kausapin ang mga tao (v. 7). Aakyat ulit (v. 8). Bababa ulit (v. 14). Aakyat ulit (v. 20), tapos sasabihan na bumaba ulit (v. 21). Higit pa kay Moises, meron tayong Tagapamagitan—ang Panginoong Jesu-Cristo—na siyang nasa langit na at merong direct access sa presenya ng Diyos, na siyang bumaba at naging tao, namatay sa krus, muling nabuhay at umakyat ulit sa langit para makalapit tayo sa presensiya ng banal na Diyos nang hindi mamamatay.‌

Dapat ba tayong matakot na tulad ng mga Israelita sa pagharap natin sa Diyos sa tuwing magtitipon tayo sa pagsamba every Sunday? Heto ang sagot ng Hebrews:

Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito’y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, sapagkat hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” Talagang nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya’t pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!” Sa halip (heto ang kaibahan), ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. [Ganyan ang nangyayari sa tuwing nagtitipon tayo sa pagsamba. Para tayong umaakyat sa langit, o ang langit ay bumababa sa atin. Always remember that!] Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel. (Heb 12:18-24)

Dahil sa dugo ni Jesus na naglinis sa ating mga puso, makalalapit tayo sa Diyos nang may katapangan at kagalakan—na walang ikinakatakot na parusa ng Diyos. Hindi tayo dapat matakot na tayo ay tutupukin ng apoy ng galit ng Diyos—kung tayo ay sumasampalataya kay Cristo, do you trust in Christ? Pero dapat pa rin tayong magkaroon ng banal na takot sa pagsamba. “Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok” (Heb. 12:28-29).

Alalahanin mo palagi ang Exodus 19 at ang Hebrews 12 sa tuwing inihahanda mo ang sarili mo, ang pamilya mo, pati ang mga anak mo sa pagsambang ginagawa natin tuwing Linggo. Hindi ito basta-basta, dahil ang Diyos na sinasamba natin ay hindi basta-basta.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply