Introduction: Mula sa Pagpupuri tungo sa Pagrereklamo

‌Mahigit apat na buwan rin tayong nahinto sa sermon series natin sa Exodus. Itutuloy na ulit natin ngayon. Nasa chapter 15 na tayo. Nandito na tayo sa point ng story ng Exodus na nakalabas na ng mga Israelites sa Egypt after 400 years of slavery. Katuparan ito ng pangako ng Diyos simula pa kay Abraham. Nakita ng mga Israelites ang kamangha-manghang ginawa ng Diyos sa pagpapadala ng mga salot sa Egipto para paalisin na sila, at yung paghati ng Diyos sa dagat para makatawid sila, at matabunan naman ang mga Egyptians. Anong response nila sa ginawang ito ng Diyos? Sumampalataya sila sa Diyos: “Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises” (14:31). Umawit sila bilang pagsamba sa Diyos: “Si Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang sa aki’y nagdulot ng kaligtasan. Siya’y aking Diyos na aking pupurihin…Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya? Sa kabanala’y dakila at kamangha-mangha, sa mga himala’y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?…Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay, tungo sa lupang banal, sila’y iyong pinatnubayan” (15:2, 11, 13).

‌Ganyan din ang tugon natin sa kapangyarihan at kahabagan ng Diyos sa pagliligtas sa atin mula sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. We put our faith in Christ. We sing the gospel over and over again, lalo na sa tuwing nagsasama-sama tayo sa pagsamba tuwing Linggo. Tamang tugon. Nararapat na tugon. Pagtitiwala at pagsamba sa Diyos. Pero maya-maya maghihiwa-hiwalay na tayo. Bukas papasok kayo sa trabaho ninyo, o sa eskuwelahan, o haharapin ang mga gawain sa bahay. May mga kailangang bayaran na mga bills. May mga problemang haharapin. Ang tanong, magpapatuloy ba ang pagtitiwala at pagpupuri natin sa Diyos?

‌Kapag may mga difficulties kasi, napakadali sa atin ang makalimutan ang dakilang kapangyarihan ng Diyos na nagligtas at magliligtas sa atin. Ang dali nating pagdududahan ang kanyang pagsama sa araw-araw, at ang kanyang katapatan na tuparin ang lahat ng kanyang pangako at layunin. Tulad ng nangyari sa mga Israelita sa sumunod na bahagi ng kuwento ng Exodus, mula 15:22 hanggang 17:7. Medyo mahaba ito, at merong tatlong eksena ang nakapaloob dito. Pero merong isang tema na nagbubuklod sa lahat ng ito—yung problema nila sa pagrereklamo. Kakakanta pa lang nila ng papuri sa Diyos. Puro reklamo na ang lumalabas sa bibig nila.

‌Sa unang eksena, 15:22-27, wala silang mainom na tubig, “Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?’” (v. 24).

‌Sa ikalawang eksena, chapter 16, wala naman silang makain, “Ang mga Israelita’y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, ‘Mabuti pa sana’y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom’” (vv. 2-3).

‌Sa ikatlong eksena, 17:1-7, wala na naman silang mainom, “Kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, ‘Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.’ ‘Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?’ tanong ni Moises. Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, ‘Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?’” (vv. 2-3).

‌‭‭Kung alam ninyo ang history ng mga Israelita, alam ninyong hindi ito isolated case. Bago pa ito, ganito na ang ugali nila. Noong lalo silang pinahirapan ng Pharaoh, sinisi pa nila si Moses (5:20-21). Ganun din nung nakita nilang lulusubin na sila ng mga Egyptians sa may Red Sea (14:11-12). At sa kabuuan ng forty years ng paikut-ikot nila sa wilderness (Numbers 11-16), puro sila reklamo sa Panginoon.

Hindi naman siguro tayo katulad nila, no? Ang puso natin ay laging nagpapasalamat sa Diyos, laging masaya sa nangyayari sa buhay natin, laging nagtitiwala sa mga pangako ng Diyos, at mapagtiis at matiyaga sa lahat ng kahirapan na dinaranas natin. Tama? Mali. Alam natin na kapag papakinggan natin ang mga kuwentong ito, nagsisilbi itong salamin din ng kalagayan ng puso natin. Nabalitaan mong konti na lang pala ang pera ng church sa bangko, “Hala, ano ba ‘yan?” Simula noong naging Christian ka, mas dumami ang problema mo sa bahay, “Bakit ganun? Mas mainam pa pala ang buhay namin noong hindi pa ako Christian!” Wala ka pa ring trabaho, o di ka pa rin nakakapag-asawa, o hindi kayo magkaanak, o hindi pa sumasagot si Lord sa mga prayers mo, “Akala ko naman kapag naging Christian, ibe-bless talaga ni Lord, para hindi naman totoo yun!”

May mga panahon naman na valid ang “complaints” natin. Pwede nating i-justify kung bakit ganun. Pero if we will search our hearts, matutuklasan nating marami sa mga ‘yan ay nagpapakita na ng kakulangan ng tiwala natin sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos. Alam naman nating hindi dapat ganyan ang lagay ng puso natin. Pero alam ba natin kung paano tumutugon ang Diyos sa mga anak niya na panay ang reklamo sa kanya? At paano nga ba nagpapakilala ang Diyos sa atin sa mga sitwasyong inirereklamo natin sa kanya? Tingnan natin kung ano ang problema sa puso nitong mga Israelita sa kuwentong ito, at tingnan din natin kung paano ipinapakilala ng Diyos ang sarili niya sa mga responses niya sa pagrereklamo nila.

‌Unang Reklamo: Uhaw (Ex. 15:22-27)

Ano ang problema ng mga tao? (vv. 22-24)

Ganito kasi ang nangyari. Pagtawid nila sa Red Sea, nagsimula na sila na maglakbay papunta sa Promised Land. Si Moses ang nangunguna sa kanila. Pero in reality, ang Diyos talaga ang gumagabay sa kanila. Remember yung pillar of cloud by day at pillar of fire by night na gumagabay sa kanila (13:21-22)? Moses leads them, God leads them (13:18). Pero may mga lugar na pinagdadalhan sa atin ang Diyos na hindi kumportable sa atin. Tulad noong nasa wilderness of Shur na sila (v. 2), hindi nila sure kung saan sila kukuha ng tubig. Isang araw nga lang na walang tubig mahirap na. Paano pa pag tatlong araw na. Ayun may nakita na sila nung nasa Marah na sila. Kaso mapait ang tubig, pweh!, hindi mainom. Kaya nga Marah ang tinawag sa lugar, ibig sabihin “bitter.” Pero hindi lang pala ang tubig dito ang bitter, sila rin (Tim Chester, Exodus for You, 116). Ayun, nagreklamo ang mga tao kay Moses, “Ano ngayon ang iinumin natin?” (v. 24).

Anong problema dito? Natural naman mahirap kapag walang mainom. Pero ano ang dapat nilang gawin kapag nahihirapan sila? Di ba’t katulad ng ginawa nila noong tumawag sila sa Panginoon dahil sa hirap na nararanasan nila sa Egipto (2:23-25)? Dapat sana ang ginawa nila ay katulad ng ginawa ni Moses, nagpray siya, humingi ng tulong kay Yahweh (v. 25). Sa halip na mabalisa, sa halip na magreklamo nang magreklamo, dapat tayong lumapit sa Diyos sa panalangin. Nakikinig siya. Sasagot siya.

Ano ang tugon ng Diyos? (vv. 25-27)

Tumugon ang Diyos. May isang piraso ng kahoy na itinuro ang Diyos, at sinabi kay Moses na ihagis sa tubig. Hindi na mapait ang tubig, matamis na. Sa halip na parusahan sila, they experienced God’s gracious and sweet provision. Hindi lang basta tubig, “sweet” water ang ibinigay sa kanila ng Diyos.

Minsan, nagtataka tayo kung bakit kailangan pa nating maranasan ang mga ganitong sitwasyon, e pwede naman palang sa simula’t simula pa ay painumin na sila ng Diyos ng masarap na tubig. Bakit? Dahil para sa Diyos, oo nga’t mahalaga na mai-provide yung mga physical at daily needs natin, mas mahalaga na matuto tayo na makinig at sumunod sa salita niya. Ang mga paghihirap na dinaranas natin ay hindi parusa, kundi pagsubok para mas matuto tayo na sumunod sa kanya. “Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. Ang sabi niya, ‘Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot’” (vv. 25-26). “I am the Lord, your healer.” Yahweh-Rophe.

Matututo lang silang sumunod kung makikilala nila ang Diyos. Ang layunin niya para sa kanyang mga iniligtas ay hindi para uhawin sila, magkasakit at mamatay. Ang layunin niya ay para gumaling sila. More than physical healing, God wants to heal the bitterness na nasa heart nila. Hindi ibig sabihin nito na kapag naging masunurin sila ay hindi na sila magkakasakit. Error ito ng prosperity gospel teaching. Na kapag maysakit ka, ibig sabihin may kasalanan ka sa Diyos, o kulang ang pagtitiwala mo sa kanya. Ang sinabi ng Diyos sa kanila, hindi nila mararanasan ang mga salot na naranasan ng mga Egyptians bilang paghatol ng Diyos. Ang mga sakit at hirap na dinaranas natin ay hindi parusa ng Diyos, kundi paraan niya para tanggalin ang tiwala natin sa sarili natin at mga bagay sa mundong ito at ibaling sa kanya lamang. He is our healer.

Ano ang garantiya natin na ganito rin ang Diyos para sa atin? Oo, mareklamo rin tayo, madali tayong magduda sa kabutihan at pangako ng Diyos. Pero sa halip na parusahan, si Cristo ang ipinadala niya para sa atin, para mapawi ang uhaw natin. Sabi niya sa Samaritan woman, “Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan” (John 4:14). God is our healer sa pamamagitan ni Cristo our Living Water. Paanyaya niya sa atin, “If anyone thirsts, let him come to me and drink. Whoever believes in me, as the Scripture has said, ‘Out of his heart will flow rivers of living water’” (7:37-38).

Only Jesus can truly satisfy yung matinding uhaw ng ating mga puso. No one else can satisfy. Sa kabila ng matinding reklamo, dinala sila ng Diyos sa Elim na merong twelve springs of water at seventy palm trees, at nagkampo sila doon na saganang-sagana sa tubig (v. 27). God is more committed in strengthening our faith, more than our comfort and convenience. Kahit na mabagal tayong matuto. Tulad ng mga Israelita.

‌Ika-2 Reklamo: Gutom (Ex. 16)

Ano ang problema ng mga tao? (vv. 1-3)

Siyempre, kailangan na nilang maglakbay ulit. Tapos na ang bakasyon sa resort. Mula sa Elim, punta na sila sa wilderness of Sin, on the way to Mt. Sinai. Isa’t kalahating buwan ang lumipas simula nang lumabas sila sa Egypt (v. 1). Naubos na siguro ang supplies nila ng pagkain. Wala namang mga mabilhan na tindahan o palengke. Nag-pray ba sila: “Give us our daily bread”? Siyempre, nagreklamo na naman sila. “Ang mga Israelita’y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, ‘Mabuti pa sana’y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom’” (vv. 2-3). Masakit ito na marinig ng mga leaders. Okay lang kung may konting reklamo o kritisismo, pero kung motibo na ng puso ang pinupuntirya nila, ibang usapan na yun. Kunyari pang kay Moses at Aaron ang reklamo nila. Kung tutuusin, sa Diyos naman talaga ang reklamo nila. Mas gusto pa raw nila na sa Egypt na lang sila, masasarap daw ang mga pagkain dun. Nakalimutan na yung pang-aaping ginawa sa kanila. Ang Diyos pa ang itinuturing nilang kalaban nila. This is the evil of grumbling. Hindi naman ito tungkol sa pagkain at inumin lang. This is outright rebellion against God—against his goodness, against his good plans and purposes para sa atin.

Kung ikaw ang Diyos, ganito ang sinabi sa ‘yo ng mga taong iniligtas mo, anong magiging damdamin at response mo? Ganito ba: “Mga walang utang na loob! Papaulanan ko kayo ng apoy para mamatay na kayong lahat!” They deserved punishment naman talaga dahil sa laki ng kasalanan na nasa puso nila na lumabas sa mga reklamo nila.

Ano ang tugon ng Diyos? (vv. 4-18)

Sabi niya: “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito’y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda” (vv. 4-5). Oh, this is so much grace kung ikukumpara sa attitude nila. Mamumulot na lang sila ng kakainin. Hindi nila pagtatrabahuhan. Bigay ng Diyos. Regalo ng Diyos para sa mga reklamador. This is “bread from heaven for you” not “rain of fire against you” katulad ng parusa ng Diyos sa Sodom at Gomorrah.

Again sinabi ng Diyos dito na ito ay pagsubok sa kanila, “that I may test them,” kung sila ay susunod sa kanya (v. 4). Para mangyari yun, kailangang maalala nila ang ginawa ng Diyos sa kanila. Ang pagrereklamo ay pagkalimot sa gospel, sa pagliligtas ng Diyos. Kaya sinabi nina Moses at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto” (v. 6). Alam naman nila yun, nakita naman nila yun, nakakalimutan lang nila. Determinado ang Diyos na ipakilala ang kanyang sarili sa kanila. Mawawala ang reklamo sa mga puso natin kung magkakaroon tayo ng vision of God’s glory. Sabi pa ni Moses, “In the morning you shall see the glory of the Lord” (v. 7). Maluluwalhati ang Diyos kung kikilalanin siya na provider ng pangangailangan ng kanyang mga anak, lalo na’t sa kabila ng pagrereklamo nila. Kailangan din nilang makita ang laki ng kasalanan nila sa kanilang pagrereklamo, na ito ay paglapastangan sa Diyos na nagligtas sa kanila. Kaya sabi ni Moses,

Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?” (vv. 7-8).

Kung ganito ang laki ng kasalanan nila, nakakatakot nung sinabi ni Moses kay Aaron na sabihin sa mga tao, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo” (v. 9). Parang sa korte, iharap ninyo ang kaso ninyo kay Yahweh. Pero sila ang hahatulan dahil sa paglapastangan nila sa Diyos. Nakita nila, “Behold, the glory of the Lord appeared in the cloud” (v. 10). Pero hindi ito parang nagniningas na apoy para tupukin sila. The glory of the Lord appeared to bless them, sila na mga reklamador. “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo’y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos” (v. 12). Grabe ang bait ng Diyos!

Ayun nga, nagpadala ang Diyos ng maraming mga pugo bilang karne na uulamin nila. Tapos meron pa silang nakitang bumagsak sa lupa na hindi nila alam kung ano, kaya “manna” ang itinawag nila. Parang tinapay na manipis at maputi, parang biscuit siguro, o wafer, basta hindi alam kung anong klase yun. Hindi gawa ng Gardenia, o Parfan Bakery, o Nissin. Bigay ng Diyos, yun ang sigurado. “It is the bread that the Lord has given you to eat” (v. 15), sabi ni Moses. At itong bigay ng Diyos sa kanila, nang kumuha sila ayon sa bilin ng Diyos, para sa pamilya nila, naranasan nilang sapat-sapat para sa kailangan nila, walang labis, walang kulang (vv. 16-18).

Ano ang talagang problema ng mga tao? (vv. 19-28)

Busog ang lahat. Satisfied. Siguro naman magiging masunurin na sila sa Diyos. Di ba’t ganyan din ang sinasabi natin, “Kung may trabaho lang sana ako na maganda, magbibigay ako sa offerings.” “Kung maluwag-luwag sana ang schedule ko, dadalasan ko na ang attend sa mga gatherings at mas maraming ministries.” Sa tingin natin, sitwasyon o circumstances sa buhay ang problema o hadlang. If things will get better, mas magiging masunurin tayo. Sabi ni Moses sa kanila, “Huwag kayong magtitira para bukas” (v. 19). Pero ang ilan ay hindi nakinig, nagtira sila, pero inuod at bumaho ang itinira nila (v. 20). Nagalit si Moses sa kanila. Kasi naman, nag-aalala sila baka wala silang makain para bukas. Hindi sila nagtitiwala sa Diyos na magpo-provide ng kailangan nila sa araw-araw. Hindi naman ibig sabihin bawal tayong magtira ng pagkain para bukas. Specific instruction ito sa kanila to test them. Ang point: ang tiwala ba natin ay nasa Diyos? So, “Mula noon, tuwing umaga’y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito’y natutunaw” (v. 21).

Sa ikaanim na araw, sinabi ng Diyos na doble ang ibibigay niya at pupulutin nila, at iluluto para may makain sila hanggang bukas, Sabbath day, araw ng pamamahinga. Sumunod naman sila. Hindi nga nasira ang mga itinira nila (vv. 22-24). Bago pa ang utos tungkol sa Sabbath sa Exodus 20, alam na nila na ito na ang kalooban ng Diyos sa kanila, para magpahinga sa ikapitong araw. Sabi ni Moses, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha” (vv. 25-26). Dumating na ang ikapitong araw, mayroon pa ring lumabas para mamulot ng pagkain, pero wala silang nakuha (v. 27).

Ano ba ang sabi ng Diyos? Walang lalabas, magpahinga kayo. Kaya sabi ng Diyos kay Moses, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos” (v. 28)? Ano talaga ang problema ng tao? Hindi kahirapan, hindi kakulangan ng kayamanan, kundi kakulangan ng pagtitiwala sa Diyos. Wag mong sisihin ang mga nangyayari sa paligid mo. Puso natin ang may problema. Reklamador. Pasaway.

Ano ang tugon ng Diyos? (vv. 29-35)

Ano ang tugon ng Diyos sa kanila? Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas” (vv. 28-29). Natutunan naman nila na magpahinga sa ikapitong araw (v. 30). Yun naman ang gusto ng Diyos para sa kanila. Hindi tulad ni Pharaoh na malupit silang pinagtatrabaho, walang pahinga. Ang Diyos ay nag-uutos sa kanila na magpahinga! Mahirap ba ang utos ng Diyos? Mahirap sa mga taong hindi nagtitiwala sa kanya. Kailangan akong magtrabaho nang magtrabaho, magnegosyo nang magnegosyo, kumayod nang kumayod! Kung hindi ka nagpapahinga, hindi ka nagtitiwala na sapat ang Diyos na magkakaloob ng lahat ng kailangan ninyo. You don’t need to work seven days a week. You are not created by God to work and work and work. God is good. Pinakakain niya at pinagpapahinga ang mga reklamador. They keep grumbling, they keep disobeying, God gives water, food, and rest! That is amazing grace.

Sa pagdating ni Cristo, inulan din tayo ng pagpapala. Hindi tulad ng mga reklamador na mga Israelita, ni hindi nagreklamo si Jesus noong hindi siya kumakain nang 40 araw sa disyerto. Nang tinukso siya ni Satanas, sinabi niya, “Man does not live by bread along but by every word that comes from the mouth of God” (Matt. 4). Tunay na tao, tunay na Diyos din. Limang libo ang pinakain niya sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Gumawa ng himala ang Panginoon, at bumaha ng pagkain noong araw na iyon (John 6:1-15). Siyempre lalong dumami ang mga sumusunod sa kanya. Akala naman nila ay naparito si Jesus para magkaroon ng feeding program sa kanila. Pero naparito siya to give them what will truly and eternally satisfy them…himself. Siya mismo. Kaya sabi niya sa kanila, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. Sapagkat ang tinapay na galing sa Ama ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan” (vv. 32-33). Ang ilan sa inyo hanggang ngayon ay hindi pa tumatanggap ng tinapay na ito. May pera ka nga, pero hindi ka pa rin kuntento. Masasarap nga ang kinakain mo, pero uhaw at gutom pa rin ang kaluluwa mo. Paanyaya ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman” (v. 35). Come to Jesus. Come to Jesus.

Si Cristo ang Tubig (the Living Water) at Tinapay (the Bread of Life)—ang kabusugan, kapahingahan, at kasiyahan—na regalo ng Diyos sa mga reklamador at pasaway na tulad mo at tulad ko. Every time na nagpapatuloy pa rin tayo sa karereklamo sa sitwasyon natin sa buhay, nakakalimutan natin ang pagliligtas at pagpo-provide ng Diyos sa atin. Kaya nga sa Exodus 16:31-34 ay ibinilin ng Diyos sa kanila na ilagay sa isang lalagyan ang kaunting manna para magsilbi itong paalala sa mga susunod na henerasyon kung paanong sa loob ng 40 years hanggang sa makarating na sila sa Canaan (v. 35) ay nagpo-provide ang Diyos ng pagkain nila. Sa kabila ng patuloy na pagrereklamo nila, patuloy ang biyaya ng Diyos sa kanila. Sa atin din, kaya meron tayong worship service every Sunday, kaya meron tayong Lord’s Supper next week, para lagi nating maalala kung paanong ipinagkaloob ng Diyos si Cristo para sa ating mga makasalanan. Paulit-ulit na paalala ang gamot sa mga taong paulit-ulit na nakakalimot sa gawa ng Diyos.

‌Ika-3 Reklamo: Uhaw Ulit (Ex. 17:1-7)

Ano ang problema ng mga tao? (vv. 1-3)

Paulit-ulit, kasi at it turns out, we are very slow to learn the lesson na gustong ituro sa atin ng Panginoon. This time, dinala naman sila ni Lord sa Rephidim, kung saan wala silang maiinom (v. 1). Ayan na naman, siguro naman ay natuto na sila na tumawag sa Diyos para humingi ng tulong. Anong response nila? “Kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, ‘Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.’ ‘Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?’ tanong ni Moises. Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, ‘Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?’” (vv. 2-3). Halos batuhin na nila si Moses dahil sa galit. Mas lumala pa ata ang problema ng puso nila.

Ano ang tugon ng Diyos? (vv. 4-6)

Pati si Moses, umiikli na ang pasensya, dumaing siya sa Diyos, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin” (v. 4)? But God is so patient with them. Sabi niya kay Moses, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai. Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao” (vv. 5-6). Ganun nga ang ginawa ni Moses. Ganun nga ang nangyari. Try to picture what is happening here (ang mga sumunod ay hango sa Exodus for You, Tim Chester). Sinusubok nila ang Diyos (v. 7). Parang ang Diyos ang nasa trial. Para silang nasa korte. Ang mga leaders—representatives—ng Israel ang nasa isang side. Ang Diyos nasa kabilang side, sa ibabaw ng malaking bato. Sa gitna ay si Moses at ang tungkod niya, parang siya ang judge, dahil ang tungkod na ito ang nagbagsak ng hatol sa Egypt. Ang mga tao nanonood sa courtroom kung ano ang mangyayari. Alam natin na Israel ang guilty at nararapat parusahan. Ang Diyos ay walang sala. Pero sabi ng Diyos kay Moses, “Hampasin mo ang bato”—ang bato na kinatatayuan ng Diyos. In a surprising turn of events, iginawad ni Moses ang hatol sa Diyos mismo. Ang Diyos ang umako ng parusa na nararapat sa mga tao. At bilang resulta, dumaloy ang pagpapala ng Diyos sa mga tao, bumulwak ang tubig at napawi ang kanilang mga uhaw.

Napakagandang larawan na naghahanda sa atin, at nagpapaalala sa atin, kung paanong ang Diyos mismo, si Cristo na Anak ng Diyos, ang hinampas ng tungkod ng hatol ng Diyos nang siya’y ipako sa krus. Kaya sinabi ni Paul sa 1 Corinthians 10:3-4, “That rock was Christ.” “Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap” (Isa. 53:4-5 MBB). “Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo’y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo’y pinagaling. Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo’y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa” (1 Pet. 2:24-25). Bumulwak at dumaloy ang pagpapala ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo. And we still find reasons para magreklamo. Oh, the unbelief of the human heart!

Crucial Question: “Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi”? (v. 7)

Dito nagtapos ang kuwento, “Tinawag ni Moises ang lugar na Masa at Meriba, dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, ‘Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi’” (v. 7 ASD). Nariyan pa rin ang ganyang pagdududa sa puso natin sa tuwing nagiging mareklamo tayo, o nag-aalala sa mangyayari bukas, o feeling na nagkukulang ang Diyos sa buhay natin.

‌Conclusion: Paano Mababago ang Pusong Mareklamo?

Alam naman natin ang kasapatan ng biyaya ng Diyos na nasa atin na mga nakay Cristo. Alam naman nating dapat magbago yung lagay ng puso natin. Na huwag patigasin ang puso tulad ng mga Israelita noon (Psa. 95:8-9). Na hindi tayo magreklamo na tulad nila (1 Cor. 10:10). Na mag-ingat na ang ganitong lagay ng puso ang tuluyang maglayo sa atin sa Diyos (Heb. 3:12-13). Pero paano nga mangyayari yun, na itong puso natin na ang daling magreklamo kapag dumaranas ng mga kahirapan sa buhay ay mapalitan ng pusong nagtitiwala sa Diyos araw-araw, anuman ang sitwasyon sa buhay. Base sa kuwentong napakinggan natin, heto ang apat na bagay na dapat nating gawin in response:

I-consider mo kung gaano kalaking kasalanan ang pagrereklamo. Hindi lamang mga magnanakaw, mamamatay-tao, o mga mahahalay na tao ang dapat tumanggap ng parusa ng Diyos. Ang mga reklamador rin ay nararapat tupukin ng apoy ng galit ng Diyos. Grumblers deserve eternal hell dahil sa pang-iinsulto natin sa kapangyarihan, katapatan, at kabutihan ng Diyos.

Alalahanin mo kung gaano kalaki ang biyaya ng Diyos sa atin. Pinaulanan tayo ng pagpapala ng Diyos sa halip na pagpaparusa nang ibigay niya si Cristo para sa atin. Sa tuwing nagrereklamo ka, nakakalimutan mo ang laki ng ginawa na ng Diyos para sa ‘yo. Remember the gospel over and over again.

Pagtiwalaan mo ang kasapatan ni Cristo para sa lahat ng pangangailangan natin. Dahil kay Cristo kaya dumadaloy ang mga pagpapala sa atin. Kasama ang mga materyal na pangangailangan natin sa araw-araw. At sa panahong nahihirapan tayo, sapat ang biyaya ng Diyos para matagpuan natin ang kakuntentuhan at kasiyahan kay Cristo. “At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (Phil. 4:19). “Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang ng anuman” (Psa. 23:1ASD)

Matutong mapagpakumbabang humiling sa Diyos sa halip na pagdududahan ang kanyang kabutihan. Instead of grumbling, lumapit tayo sa Diyos at hilingin kung ano ang mga kailangan natin. Hindi ‘yan ginawa ng mga Israelita. Hindi mahirap lapitan ang Diyos. Dahil kay Cristo, we can come boldly. God invites us to come boldly. “Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan” (Heb. 4:16). Kaya nga tinuturuan tayo ng Panginoon na manalangin, “Our Father in heaven…give us this day our daily bread” (Matt. 6:9,11). At nangako siya na ibibigay niya ang lahat ng kailangan natin…not necessarily lahat ng hinihingi natin. God is committed to satisfy us for all eternity. Sigurado ‘yan. Maaasahan mo ‘yan.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply