Lahat tayo’y naging bahagi ng mga churches kung saan meron ngang prayer pero parang hindi naman pinagpaplanuhan ang pananalangin at parang hindi gaanong powerful. Nakakalungkot na ang prayer sa church ay karaniwang parang prayer bago kumain—kailangang gawin na para bang isang obligasyon at rerespetuhin ka ng lahat kung gagawin mo, pero wala naman halos pakinabang sa mga nakikinig. Kaya yung prayer ay parang nagiging pinakamainam na paraan lang para mag-transition mula sa isang bahagi ng gawain papunta sa kasunod. Anyayahan nating pumikit ang bawat isa at iyuko ang kanilang mga ulo, para hindi gaanong awkward yung transition ng praise team pag-akyat at pagbaba sa stage.
Ang prayer ay parang nagiging panimula para sa sermon—ang headliner tuwing Linggo. Pero ang nineteenth-century pastor na si E. M. Bounds ay pinapaalalahanan tayo, “Ang pakikipag-usap sa tao para sa Diyos ay isang mabuting bagay, ngunit ang pakikipag-usap sa Diyos para sa tao ay higit na mas mabuti.”
Dahil diyan, ang prayer ay napakahalagang bagay para sa amin sa Cornerstone, kung saan ako ang pastor. Hindi namin nais na sa mga awitin at sermon lamang mapapakinggan ng mga miyembro at ng mga panauhin ang Salita ng Diyos. Kung ganoon kasi, napakadaling maging spectator lang, at hindi iyon ang layunin ng corporate worship. Ang goal sa corporate worship ay gawin itong personal at participatory. Gusto naming mabigyan ng pagkakataon ang bawat dumadalo na magkaroon ng personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos at mahalaga ang ginagampanan ng prayer para matupad ang goal na ito.
Alam naman natin na dapat tayong manalangin. Pero kung paano, ‘yan ang higit na mahalagang malaman, kaya nga ginagamit namin ang corporate prayer bilang paraan para turuan ang aming church kung paano makipag-ugnayan sa Diyos.
Sa pamamagitan nito, umaasa kami na mangyari ang tatlong bagay. Una, gusto naming sa pamamagitan ng prayer ay maitama ang mga maling paniniwala; pangalawa, gusto naming maipanalangin ang mga bagay na karaniwang naisasantabi, katulad ng panalangin para sa mga lider ng gobyerno; at pangatlo, gusto naming ipakita na ang isang makabuluhang panalangin ay hindi nangangahulugan na dapat ay mahaba o matagal. Marami na ang maaaring mangyari sa loob ng limang minuto.
Sa kabuuan, natutunan namin na hindi dapat mag-assume na alam na ng isang Kristiyano kung paano manalangin, kaya naman tinuturo at ginagawa talaga namin ang “Big Four” sa aming mga pagtitipon.
Adoration
Ang adoration o pagpupuri ang pinakapundasyon ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Gusto nating maging malinaw sa puso at isip na isang malaking karangalan ang pakikipag-usap sa Diyos. Minsan kasi masyado na tayong pamilyar sa panalangin kaya nawawala na ang paggalang natin tuwing lumalapit sa Diyos at ito ang iniiwasan naming mangyari.
Sa halip, dapat tayong mapaalalahanan ng kadakilaan ng Diyos—sino siya at ano ang kanyang ginawa sa pamamagitan ni Kristo para sa mga makasalanan. Dahil sa napakalaking sakripisyo ni Cristo, maaari na tayong makalapit sa Diyos. Ngunit pinapaalala rin nito na dapat ay buong pagpapakumbaba ang paglapit natin sa Diyos.
Confession
Kung pinapahayag natin sa prayer of adoration ang kadakilaan ng Diyos, dapat lang na sumunod ang prayer of confession. Habang nakikita natin ang kabanalan ng Diyos, mas nakikita rin ang ating pagiging makasalanan at ang pangangailan na aminin at pagsisihan ang mga kasalanang ito.
Umaasa kami na kapag narinig namin ang isang kapatid na pinahahayag ang kanyang mga kasalanan sa Diyos ay maisip din namin sa aming sarili na kami rin, katulad niya, ay makasalanan din. Kadalasan ay tinuturing natin na “maliit” o balewala lang ang ating mga kasalanan, ngunit kapag naririnig natin ang iba na nagko-confess, nahihikayat tayo na siyasatin ang ating puso at makita ang mga tinatago nating kasalanan. Hindi naman ito magdudulot ng kawalang pag-asa, kundi ay higit pa nga na pagtitiwala at kagalakan, dahil sa ganitong mga pagkakataon ay napapaalalahanan tayo ng katapatan at kabutihan ng Diyos (1 Juan 1:9).
Kapag tama ang ating puso sa pagpapahayag ng ating kasalanan, magbubunga ito ng tama at nararapat na pagsamba. Gayunman, dahil pinapakita ng prayer of confession ang kalaliman ng ating mga kasalanan, iniiwasan natin itong gawin o sambitin at nagiging dahilan para hindi natin maranasan ang kagalakan na kaloob ng Diyos sa mga umaamin at nagsisisi sa kasalanan. Dapat lang naman na seryoso at remorseful ang prayer of confession, pero ito ay dapat na magtapos sa kagalakan, katulad ni David sa Awit 32:
Mapalad ang taong pinatawad na ang kasalanan, at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang. Mapalad ang taong hindi pinaparatangan, sa harap ni Yahweh’y hindi siya nanlinlang.
Thanksgiving
Kinikilala natin na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat. Pero kung hindi tayo mag-iingat sa pag-unawa sa katotohanang ito, maaari nitong mahadlangan ang pagnanais nating purihin ang Diyos nang may taos-pusong pasasalamat.
Napakaraming sirang bagay sa mundong ito na gusto nating ayusin ng Diyos. Gayunman, alam natin bilang mga Kristiyano na ang pinakamahusay na gamot o panlaban sa pagrereklamo ay ang pagpapasalamat. Sa ating mga Sunday gatherings, mahalaga ang paglalaan ng oras para pasalamatan ang Diyos sa kung sino siya at sa kanyang mga ginawa. Lalo pa nga’t kapag dumaraan tayo sa paghihirap at pagsubok ay hirap tayong marinig ang sinasabi ng Diyos sa atin (Ex. 6:9). Kaya nga, sa ating prayer of thanksgiving, gusto nating paalalahanan ang iba na maging mapagpasalamat—at minsan tayo mismo ay nangangailangan din ng magpapaala sa atin. Samakatuwid, gusto natin na maging aware tayo sa mga paghihirap sa mundo, pero hindi naman sa puntong hindi na natin nakikita ang kabutihan ng Diyos, nang sa gayon ay maging tulad tayo ng binabanggit ni Pablo na nalulungkot, ngunit laging nagagalak (2 Cor. 6:10).
Supplication
Kung ang mga church members ang nangunguna sa prayers of adoration, confession and thanksgiving, napagdesisyunan namin na kami namang mga pastors ang manguna sa prayers of supplication. Gusto namin na makita nila na napakalawak ng maaaari nating hingin sa Diyos.
Masyado kasing limitado ang mga tao pagdating sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag napag-usapan ang prayer, karaniwan ay naiisip nila na ito ay simpleng paghingi ng mga bagay sa Diyos. Iyan ang nais namin na ma-address sa pamamagitan ng mga nabanggit na elemento ng panalangin.
Gayundin naman, napansin ko na limitado at masyado nang palasak ang mga hinihingi ng tao sa kanilang panalangin. Gusto naman nating ipaunawa na okay lang ipanalangin ang kagalingan mula sa sakit, okay lang ulitin o humingi ng parehong bagay sa prayer, at okay lang manalangin nang wala ang katagang “kung kalooban mo.” Pero bilang pagsunod sa halimbawa ni Cristo sa kanyang itinuro sa Lord’s Prayer, nais natin na ang kalooban ng Diyos ang masunod.
Kaya lang, nakakalungkot na marami sa atin ang nagdududa sa kakayahan at pagnanais ng Diyos na ibigay ang mga mabubuting bagay sa atin. Bilang isang church, gusto nating ipahayag ang kadakilaan ni Jesus sa pamamagitan ng paghiling ng mga dakilang bagay sa pangalan niya! Ang kagandahan dito, kahit sa mga pagkakataong “NO” ang sagot ng Diyos, sama-sama tayong lumalago bilang isang pamilya sa pagtitiwala sa kanya. Sa isang banda, minsan ay higit pa nga sa ating hinihiling o inaasahan ang binibigay ng Diyos; sumasagot siya ng “YES” at sa gayon ay napatatatag naman ang ating pananampalataya.
Bilang isang church, gusto natin na ang ating pagsamba ay congregational at hindi pribado o pansarili lamang; nais natin na ang mga kababaihan at kalalakihan ay manguna sa pagsamba sa paraang nakaayon sa tinuturo ng Diyos, at gusto natin na makita ang iba’t ibang mga tao na nakikipag-ugnayan sa Diyos sa iba’t ibang paraan.
Ang lahat ng ito ay nagiging posible dahil ang corporate prayer ay isang mahalagang aspeto ng ating pagtitipon tuwing Linggo. Ang ating mga miyembro, maging ang mga panauhin ay nakikita ang kanilang sarili sa taong nananalangin habang napapaalalahan na ang makabuluhang panalangin ay maaaring mangyari sa iba’t ibang paraan kahit sa loob ng maikling oras. At dahil isinama natin ang elements of adoration, confession, thanksgiving, and supplication sa ating mga pagtitipon, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na ipakita ang lawak at lalim ng ating relasyon at pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Conclusion
Kapag nasa isang restaurant, nakikipag-usap tayo sa waiter para lang sabihin ang request o order natin. Kapag naman ang kasama mo ay yung mga taong gusto mo, puro papuri at magagandang salita lang ang sinasabi mo sa kanila. Ang parehong response na ‘yan ay nagpapakita ng hindi malalim na relasyon o ugnayan. Pero ang Diyos ay nagnanais ng malalim na relasyon sa kanyang mga anak—at habang mas lumalalim ang relationship, mas dumarami at lumalawak ang mga paraan ng pakikipag-ugnayan natin sa kanya.

By John Onwuchekwa, the lead pastor of Cornerstone Church in Atlanta, Georgia. You can find him on Twitter at @JawnO.
Translated from the original English article, “Praying the ‘Big Four’ Corporately,” by Marie Manahan.