Ang church discipline ay ang pagkumpronta ng church sa isang miyembro na nagkakasala para ituwid siya at hikayatin siya na magsisi. Kung siya ay hindi magsisi, ito ay hahantong sa pagtitiwalag sa kanya sa pagiging miyembro ng church at sa pakikibahagi sa Lord’s Supper dahil sa kawalan ng pagsisisi sa kanyang kasalanan.
Sa mas malawak na kahulugan, ang pagdidisiplina ay ang pangkalahatang ginagawa ng church para tulungan ang mga miyembro nito sa pakikipaglaban sa kasalanan at paglago sa kabanalan. Kasama sa pagdidisiplinang ito ang pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos, pananalangin, sama-samang pagsamba, pagmamahalan at pananagutan sa isa’t isa, at maayos na pangangalaga ng mga pastors at elders.
Minsan ang iba ay kinikilala ang kaibahan ng dalawang klase ng pagdidisiplina at tinatawag ang mga ito na “corrective discipline” at “formative discipline.”
Corrective: Sa Bagong Tipan ay inuutos at ipinapakita ang corrective discipline o pagtatama sa mga talatang tulad ng Mateo 18:15–17, 1 Corinto 5:1–13, 2 Corinto 2:6 at 2 Tesalonica 3:6–15.
Formative: Ipinapakita rin sa maraming talata sa Bagong Tipan ang tungkol sa formative discipline o pagtuturo—tungkol sa pagpupursigi sa kabanalan at sa pagpapalakasan ng bawat isa sa pananampalataya, kagaya ng makikita sa Efeso 4:11–32 at Filipos 2:1–18. Sa katunayan, pwede nating ituring ang mga sulat sa New Testament na nagpapakita sa atin ng mga halimbawa ng formative discipline, dahil isinulat ng mga apostol ang mga ito upang tulungan ang mga mananampalataya na matutunan kung ano ang mga dapat paniwalaan at kung paano mamuhay nang matuwid sa harap ng Diyos.
(Ang ilan sa mga ito ay galing sa isinulat ni Mark Dever sa What is a Healthy Church?, page 101)
*Salin ni Ralph Blanes mula sa original na 9Marks article, “What is church discipline?”