[Ang study guide na ito ay translation ng 7-week study guide na Growing One Another: Discipleship in the Local Church na isinulat ni Bobby Jamieson. Ito ay isinalin sa Filipino ni Jodi Parfan.]
GETTING STARTED
- Ano ang ilan sa mga challenges na nararanasan mo sa iyong paglago bilang Cristiano at pagtulong sa iba na lumago din sa pananampalataya? Paano mo kinakaharap ang mga ito?
MAIN IDEA
Ang kasalanang nananatili pa rin sa atin ay nakakahadlang sa ating pagsunod kay Cristo, subalit mapapagtagumpayan natin ito sa biyaya ng Diyos.
DIGGING IN
Sinabi ni Pablo sa Roma 7:1–12 na kahit na mabuti ang kautusan, nagdudulot ito ng kamatayan dahil inuudyukan nito ang ating makasalanang pagkatao para suwayin ito. Mula verses 13 hanggang 25, tinalakay naman niya na kahit na tayong mga Cristiano ay may bagong buhay sa Espiritu at wala na sa ilalim ng kasalanan, may kasalanan pa ring natitira sa atin at humahadlang sa ating pagsisikap na lumago kay Cristo.
Ang ibig bang sabihin nito’y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako’y makalaman at alipin ng kasalanan. 15 Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. 20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin.
21 Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. 22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako’y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. 23 Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan. 24 Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? 25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!
Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan. (Roma 7:13–25)
- Bakit hindi maintindihan ni Pablo ang sarili niyang mga ginagawa (v. 15)?
- Ano ang naging konklusyon ni Pablo sa katotohanang ang ginagawa niya ay salungat sa gusto niyang gawin (v. 17)?
- Ibig sabihin ba nito na hindi responsable o walang pananagutan si Pablo sa kanyang ginagawa? Bakit o bakit hindi?
- Ano ang meron si Pablo? Ano ang wala sa kanya (v. 18)?
- Ano ang natuklasan ni Pablo na isang regular at karaniwang nangyayari (v. 21)?
- Paano mo isa-summarize ang struggle ni Pablo gamit ang iyong sariling mga salita?
- Nararanasan mo rin ba ang ganitong struggle? Paano?
- Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa kasalanan? Ganito rin ba ang karaniwang pagtingin mo sa kasalanan?
- Base sa itinuturo ng talatang ito, ano ang dapat na maging attitude natin sa kasalanan? Ano ang hindi dapat?
- Basahin ang Roma 8:12–13. Ano ang sinabi ni Pablo na dapat nating gawin sa kasalanang natitira sa atin? Ano ang mga paraan para magawa natin ito araw-araw?
- Nakita natin sa mga nakaraang lessons na lahat tayo ay tinawag para tulungan ang mga kasama nating church members na lumago kay Cristo. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng kanyang Salita at pamumuhay nang may kabanalan na magiging halimbawa sa kanila. Ano ang mga paraan na maaaring makasira ang kasalanan sa discipleship sa church? Ano ang ilan sa mga nakasulat sa Biblia na dapat nating maging tugon kung may nagkasala laban sa atin? Pag-usapan ang mga sumusunod na talata:
- Mateo 18:15–20
- Roma 12:17–19
- Galacia 6:1–5
- Efeso 4:32
- 1 Pedro 4:8
- Balikan ang mga talatang pinag-usapan natin. Alin sa mga ito ang pinakamahirap gawin para sa iyo? Bakit? Anu-anong mga bagay ang makakatulong sa iyo para lumago sa bahaging ito?
TEACHER’S NOTES FOR WEEK 6
DIGGING IN
- Hindi nauunawaan ni Pablo ang sarili niyang ginagawa dahil salungat ito sa gusto niyang gawin – ito ay ang pagsunod sa Salita ng Diyos. Sa halip, ang ginagawa niya ay kung ano ang ayaw niyang gawin at iyon ay ang kasalanan (v. 15).
- Ito ang naging konklusyon ni Pablo sa paggawa niya ng salungat sa gusto niyang gawin – hindi siya ang gumagawa niyon kundi ang kasalanang nananatili sa kanya (v. 17).
- Hindi ito nangangahulugan na wala nang responsibilidad si Pablo sa kanyang mga ginagawa. Sa pagsasabing hindi siya ang gumagawa kundi ang kasalanang nananatili sa kanya, hindi sinasabi ni Pablo na wala na siyang pananagutan sa kanyang mga ginagawa. Siya pa rin ang gumagawa noon. Malinaw ring sinabi ni Pablo na ang lahat ng mananampalataya ay mananagot sa Diyos (Roma 14:10-12). Ipinaliwanag niya sa talatang ito na ang kasalanang nananatili sa kanya ay isang aktibong pwersa na sumasalungat at humahadlang sa mga gustong gawin ng bago niyang pagkatao na maka-Diyos at pinananahanan ng Espiritu.
- May pagnanais si Pablo na gawin ang mabuti pero kulang ang kanyang kakayanan na isakatuparan ito (v. 18).
- Nakita ni Pablo na sa tuwing gusto niyang gumawa ng mabuti, may ibang kapangyarihang nakakaimpluwensya sa kanya na gumawa ng masama (v. 21).
- Ganito ang magandang buod ng talatang ito: Dahil siya ay binigyan ng bagong buhay at pagkatao ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nais ni Pablo na bigyang-lugod ang Diyos sa lahat ng oras. Pero dahil nananatili pa rin ang kasalanan sa kanya, madalas niyang hindi nagagawa ang mabuting gusto niyang gawin. Sa halip ay ang masamang kinamumuhian niya ang kanyang ginagawa. Kaya nga nakita ni Pablo na ang kasalanan ay malakas, aktibo at mapanirang kaaway na nananahan sa kanya, na sinusubukan siyang gawing alipin muli ng kasamaan. Ito ay nag-udyok sa kanya na tumawag kay Jesu-Cristo para siya ay mapalaya. At may tiwala siyang mapapalaya siya ni Cristo mula sa kasalanan.
- Maaaring magkakaiba ang sagot, pero ang bawat Cristiano ay makaka-relate sa struggle na ito dahil ang lahat ng tunay na Cristiano ay binigyan ng bagong pagkatao ng Diyos na nasisiyahan sa pagsunod sa kanya, bagamat meron pang kasalanang naninirahan sa ating lahat na siyang nag-uudyok sa atin na gumawa ng masama.
- Itinuturo ng talatang ito na ang kasalanan ay aktibo at makapangyarihang pwersa na nananatili pa rin sa ating mga mananampalataya. Kadalasang iniisip natin na ang kasalanan ay tungkol lamang sa mga mali nating ginawa. Ang talatang ito ay nagtuturo sa ating siyasatin ang mas malalim na reyalidad nito at kilalanin na ang kasalanan ay isang kaaway na naninirahan sa atin at dapat nating labanan nang buong lakas.
- Base sa itinuturo ng talatang ito, dapat tayong maging aktibo, alerto at laging handang labanan ang kasalanan. Dapat nating kilalanin na ang kasalanan ay aalipin sa ating mga pagnanais, at dapat tayong maging mapagbantay laban dito. Kabilang sa maling pananaw at ugali tungkol sa kasalanan ang pagiging kampante, walang pakialam, pagbibigay-hilig, pagmamaliit nito at ng panganib nito, at marami pa.
- Sa Roma 8:12-13, sinabi ni Pablo na patayin natin ang kasalanang nananatili sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Ito ang ilang mga paraan para magawa natin ito araw-araw:
- Pagtatapat ng ating mga kasalanan sa Diyos at paghingi ng tawad
- Pagtatapat sa Diyos na kinamumuhian natin ang ating kasalanan at paghingi ng kanyang tulong para mapagtagumpayan ito
- Pagbabasa, pag-aaral, pagbubulay, at pagsasaulo ng Biblia, upang ito ay bumaon sa ating mga puso at isipan
- Regular at buong pusong pakikilahok sa sama-samang pagsamba upang ang ating puso at isipan ay mahubog ng ating pagsamba sa Diyos, pananalangin kasama ang mga anak ng Diyos, at pakikinig sa pangangaral ng Salita ng Diyos
- Paghingi ng payo at pagiging accountable sa kapwa mananampalataya
- Pagtatapat ng mga kasalanan sa mga kaibigang pinagkakatiwalaan at paghingi ng tulong para mapagtagumpayan ang mga ito
- At marami pa…
- Maraming paraan na ang kasalanan ay maaaring makasira sa discipleship sa church, kasama dito ang:
- Pagiging sanhi ng pagkakatisod ng iba
- Hindi sadyang maging dahilan para panghinaan ng loob ang iba dahil sa hindi maingat na pagsasalita
- Pagkasira ng pagkakaisa ng church
- At marami pa. . .
- Pagkausap nang sarilinan sa taong nagkasala sa atin para pagsisihan niya ang kanyang nagawa (Mateo 18:15-20).
- Pagsasama ng isa o dalawang sasaksi sa inyong mapag-uusapan kung hindi pa magsisisi agad (Mateo 18:15-20). Paglalahad ng isyu sa buong church kung wala pa ring pagsisisi (Mateo 18:15-20). Kung may nagkasala sa atin, huwag gantihan o gawan ng masama, sa halip ay daigin ng mabuti ang masama (Roma 12:17-19). Kung may makagawa ng kasalanan ay tulungan siyang makabalik sa tamang daan sa malumanay na paraan (Gal. 6:1-5).
- Patawarin ang iba katulad ng pagpapatawad ng Diyos sa atin (Efeso 4:32).
- Pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-ibig (1 Pedro 4:8). Sa halip na gantihan ang pagkakasala sa atin, dapat natin itong takpan katulad ng pagpatay sa apoy gamit ang basang kumot.
- Maaaring magkakaiba ang sagot