Growing One Another Week 5: The Means of Discipleship (Teaching One Another)

[Ang study guide na ito ay translation ng 7-week study guide na Growing One Another: Discipleship in the Local Church na isinulat ni Bobby Jamieson. Ito ay isinalin sa Filipino ni Jodi Parfan.]

GETTING STARTED

1. Alalahanin mo ang ilan sa mga Christians na may malaking naituro sa ‘yo. Paano mo sila naituring na “good teachers”?

MAIN IDEA

Ang lahat ng mga Cristiano ay tinawag para magsalita ng katotohanan sa isa’t isa upang magkatulungan sa paglago sa kabanalan. Isa sa mga pangunahing paraan ng paglago bilang mga disciples ay ang ating personal relationships kung saan naipapamuhay natin ang mga gospel truths sa bawat aspeto ng buhay.

DIGGING IN

Sa Roma 15:14–16, isinulat ni Pablo,

Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at may sapat na kaalaman, kaya’t matuturuan na ninyo ang isa’t isa. 15Gayunman, sa sulat na ito’y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16upang maging lingkod ni Cristo Jesus bilang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila’y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal na ng Espiritu Santo. 

1. Sa tingin mo ba ay isusulat ni Pablo ang verse 14 tungkol sa church ninyo? Bakit o bakit hindi?

2. Bakit nasabi ni Pablo sa mga taga-Roma na siya ay naniniwalang matuturuan nila ang isa’t isa (v. 14)? Ano sa palagay mo ang inaasahan ni Pablo na gagawin nila bilang tugon?

3. Sa tingin mo ba ay kaya mong magturo sa iba? Kaya ka bang turuan ng ibang church members? Bakit o bakit hindi?

Nakita natin sa Roma 15:14 na inaasahan ni Pablo ang lahat ng church members na magturo sa isa’t isa. Sa Efeso 4, nagbigay si Pablo ng mas malinaw na pagtuturo tungkol dito at kung paanong ang buong church ay lalago:

At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama’y mga propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y pastor at guro. 12Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesya, 13hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo’y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16Sa pamamagitan niya, ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan ay magiging isang katawan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lálaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig. (Efeso 4:11–16)

4. Ayon sa talatang ito, ano ang responsibilidad ng isang pastor (vv. 11-12)? Ano ang kaibahan nito sa karaniwang naiisip natin tungkol sa “ministry”?

5. Sino ang sinasabi ni Pablo na magkakamit ng iisang pananampalataya at pagiging ganap ayon sa pagiging ganap ni Cristo? (v. 13)

6. Ayon sa verse 15, ano ang paraan para tayo ay maging lubos na katulad ni Cristo?

7. Base sa buong talatang ito, sino ang iniisip ni Pablo kapag sinasabi niya ang tungkol sa “pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig” (v. 15)?

8. Basahin ang verse 16. Itinuturo dito ni Pablo na ang katawan ni Cristo ay lalago kung ang bawat bahagi ay “maayos na gumaganap ng tungkulin.” Ano ang mga praktikal na paraan na magagawa mo para masiguradong ang bawat church member ay nakakatulong sa paglago ng katawan ni Cristo?

9. Base sa talatang ito, paano mo isasalarawan ang iyong bahagi at mga tungkulin bilang isang church member? Ano ang dapat na palaging sinisikap mong gawin sa church?

Sa Tito 2 ay may makikita tayong halimbawa ng “pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig” na iniuutos ni Pablo sa Efeso 4. Sabi ni Pablo kay Titus,

Ang ituro mo naman ay ang mga bagay na naaayon sa wastong aral. 2Sabihin mo sa matatandang lalaki na sila’y maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis. 3Sabihin mo sa matatandang babae na sila’y mamuhay na may kabanalan, huwag maninirang-puri, huwag maglalasing kundi magturo sila ng mabuti, 4upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. 5Ang mga kabataang ito’y kailangan ding turuan na maging mahinahon, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.

6Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 7Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. 8Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Kaya’t mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.  (Tito 2:1–8)

10. Ano ang sinabi ni Pablo kay Tito na ituro sa mga matatandang babae patungkol sa kanilang pag-uugali (v. 3)? Ano ang kanilang espesyal na gawain para sa mga nakababatang babae (vv. 4–5)?

11. Paano magagawa ng mga babae sa inyong church ang itinuro ni Pablo?

12. Base sa iba pang katuruan sa Biblia, ano sa tingin mo ang sasabihin ni Pablo na ituro ng mga matatandang lalaki sa mga nakababatang lalaki? Magbigay ng ilang mga talata.Balikan mo ang lahat ng mga talata na pinag-aralan natin sa lesson na ito. Paano mo isa-summarize o ibubuod ang mga natutunan nating paraan ng paglago sa kabanalan?

13. Ano ang mga praktikal na paraan para magawa mo ang pagsasabi ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig sa ibang mga mananampalataya? Sa pasimula, isipin mo ang mga pagkakataon na meron ka na, tulad ng:

  • Lingguhang pagtitipon ng church
  • Small groups
  • Church members na nakatira malapit sa inyo

TEACHER’S NOTES FOR WEEK 5

DIGGING IN

1. Iba-iba ang magiging sagot. Inaasahang kikilalanin ng lahat ng kalahok na ang lahat ng mga Cristiano, at hindi lang ang sinulatan ni Pablo sa church sa Rome, ay maaaring magturo sa isa’t isa dahil nasa atin ang Espiritu ng Diyos.

2. Ipinakita ni Pablo sa mga taga-Roma na may kumpiyansa siya na kaya nilang magturo sa isa’t isa:

  • Para ipaalala sa kanila na kahit na mahigpit ang pagpapaalala niya sa kanila, hindi ito dahil sa tingin niya ay kulang sila sa kaalaman o kakayahan
  • Para sila ay gisingin at himukin na gawin nga iyon!

Sa madaling salita, pinaalala sa kanila ni Pablo na may tiwala siyang kaya nilang magturo sa isa’t isa dahil inaasahan niyang ang lahat sa church ay magtuturo sa isa’t isa.

3. Maaaring magkakaiba ang sagot.

4. Ayon sa talatang ito, ang responsibilidad ng pastor ay para sanayin ang lahat ng mananampalataya para sa ministry (vv. 11-12). Iba ito sa karaniwang pag-iisip na ang mga pastor ang gagawa ng ministry habang ang lahat ay makikinig lang sa mga itinuturo nila. Sinasabi ni Pablo na ang layunin ng isang pastor ay para sanayin tayong lahat na gumawa para sa ikatatatag ng katawan ni Cristo.

5. Sabi ni Pablo na tayong lahat, o ang bawat mananampalataya kay Cristo, ay dapat magsikap para sa pagkakaisa ng pananampalataya at sa pagiging ganap kay Cristo (v. 13).

6. Ayon sa verse 15, tayo’y magiging lubos na katulad ni Cristo sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig.

7. Base sa buong talata, tinutukoy ni Pablo ang lahat ng mananampalataya sa utos na “pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig.” Ang bawat isa sa atin ay inuutusan na magsalita ng katotohanan sa ating kapwa church member para lahat tayo ay lumago kay Cristo.

8. Maaaring magkakaiba ang sagot.

9. Itinuturo nito na dapat sikapin ng bawat church member ang makatulong sa paglago sa kabanalan ng kapatiran sa pamamagitan ng pagtuturo ng salita ng Diyos sa iba at pagsasabuhay nito. Para sa marami sa atin, mangyayari ito sa ating mga personal na ugnayan o sa mga small groups. Para sa iba, ang pagtuturo ay mangyayari sa mas malaking grupo at pagtitipon. Anuman ang pagkakataon, ang mahalaga ay tumulong tayo sa paglago ng ibang mananampalataya sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig sa isa’t isa.

10. Sinabi ni Pablo kay Tito na turuan ang mga nakatatandang babae na mamuhay ng may kabanalan, huwag maninirang puri, at huwag malululong sa alak (v. 3). Binigyan rin niya sila ng espesyal na tungkulin na ituro sa mga kabataang babae ang “mabuti, upang maakay sila na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak, maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos ng dahil sa kanila” (vv. 4-5).

11. Maaring magkakaiba ang sagot.

12. Maaaring magkakaiba ang sagot pero dapat kasama ang mga ito:

  • Dapat mahalin ng mga lalaking may asawa ang kanilang asawa gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya (Efe. 5:25–32).
  • Dapat nilang palakihin ang kanilang mga anak ayon sa disiplina at aral ng Panginoon (Efe. 6:4) at huwag silang pagagalitan ng labis at baka masiraan sila ng loob (Col. 3:21).
  • Dapat silang magtrabaho para maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya (1 Tim. 5:8).

13. Ganito ang isang magandang buod ng katuruan ng mga talatang ito tungkol sa paraan ng paglago sa kabanalan: Lalago tayo sa kabanalan sa pamamagitan ng pagtuturo at pakikinig sa turo ng kapwa mananampalataya. Dapat ay patuloy tayo sa pagtuturo ng Salita ng Diyos sa isa’t isa upang lahat tayo ay lumago sa kabanalan.

 14. Maaaring magkakaiba ang sagot.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.